Ibinunyag Ako ng Pagharap sa Pag-aayos ng Tauhan

Nobyembre 28, 2022

Ni Zhou Jing, Tsina

Nung Marso 2021, ako ang namamahala sa gawain ng ebanghelyo ng iglesia. Gumawa ako ng ulat sa lider tungkol sa lawak ng sakop ng aking mga responsibilidad at sa kakulangan ng mga manggagawa ng ebanghelyo, kaya naman ipinadala niya si Sister Liu Xiao para tumulong sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Naging lider na dati si Liu Xiao at matapos siyang makasalamuha ng ilang panahon, natuklasan kong magaling siya sa paggamit ng salita ng Diyos para lutasin ang mga problema ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Naisip ko, “Kung lilinangin ko siya nang mabuti siguradong magiging tagapagpalaganap siya ng ebanghelyo at tagapagpatotoo sa Diyos, at pagkatapos ay pupurihin ako ng lider sa kakayahan kong gumawa at magsanay ng mga tao.” Pagkatapos nun, isinasama ko si Liu Xiao sa pagsasagawa ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at madalas akong nagbabahagi sa kanya at nilulutas ang mga problemang mayro’n siya. Makalipas ang ilang panahon, umunlad siya nang husto, at nakakuha ng magagandang resulta sa kanyang gawain ng ebanghelyo. Hindi ko maitago ang saya ko, at napuno ako ng di-nauubos na sigla para sa tungkulin ko bawat araw.

Isang araw, tinanong ako ng lider, “Dumarami ang mga baguhan sa iglesia kamakailan at agarang nangangailangan ng mas maraming tagapagdilig. Sino sa mga kapatid ang nakauunawa ng katotohanan at maaaring magdilig sa mga baguhan?” Masigla akong sumagot, “Mahusay ang kakayahan ni Liu Xiao, mabilis niyang natututunan ang katotohanan, at malinaw na nakapagbabahagi ng katotohanan. Bagay na bagay siya rito.” Sumagot ang lider, “Sige. Kung ganun ay papuntahin mo si Liu Xiao para diligan ang mga baguhan.” Kinabahan ako nang marinig ko siyang sabihin ‘yon at naisip ko, “Ililipat mo lang siya pagkatapos ng lahat ng pagsisikap kong linangin siya? Hindi ko dapat sinabi sa’yo ang totoo. Kung ililipat mo ang taong inaasahan ko, kakailanganin kong magbayad ng halaga para magsanay ng isa pang tao. Kung kulang ang mga tagapagdilig, hindi ka ba puwedeng magpalipat ng mga tao galing sa ibang iglesia? Kung ililipat mo si Liu Xiao, hindi na kami magiging kasing-epektibo sa gawain ng ebanghelyo ngayong buwan. Anong magiging tingin mo sa’kin nun? Iisipin mo bang wala akong kakayahan at tatanggalin ako? Hindi puwede! Hindi ko puwedeng bitiwan si Liu Xiao.” Sa naisip na ito, sinabi ko sa lider, “Napakaimportante ng gawain ng pagdidilig, pero hindi ba’t gayundin ang gawain ng ebanghelyo? Bakit hindi mo na lang ilipat sa ngayon ang isang mula sa ibang iglesia, at pagkatapos, sa susunod na lang ilipat si Liu Xiao kapag kailangan ng isa pa?” Napansin ng lider ang iniisip ko at nagbahagi, “Dapat nating isipin ang pangkalahatang gawain ng iglesia. Makasarili ang gustuhing panatilihin sa tabi natin ang mga taong may talento para mapagaan ang sarili nating pasanin. Napakaraming baguhang pumapasok sa iglesia ngayon pero dahil kulang ang mga tagapagdilig, maraming baguhan ang hindi nadidiligan sa tamang oras, at ang ilan ay tinakot na at ginulo ng CCP at ng mga sabi-sabi ng mundo ng relihiyon, at takot na takot para makipagtipon. Huminto pa nga ang ilan. Ang gawain ng ebanghelyo ay parang paghahasik ng binhi. Kung maghahasik ka lang ng binhi pero hindi mo didiligan, wala itong kabuluhan! Kaya ang pinakaimportanteng bagay ngayon ay isaayos ang mga tao na magdilig ng mga baguhan sa lalong madaling panahon. Ang pagsasaayos kay Liu Xiao na diligan ang mga bagong mananampalataya ay ang kinakailangan ng gawain ng pagdidilig. Dapat nating pangalagaan ang gawain ng iglesia. Kung gusto lang nating panatilihin ang mga tao para mapagaan ang sarili nating pasanin at mapangalagaan ang sarili nating reputasyon at katayuan, hindi natin iniintindi ang kalooban ng Diyos!” Tama ang lider. Kung titingnan ang sitwasyon ni Liu Xiao, mas nababagay siya sa pagdidilig ng mga baguhan, at saka, lubhang kailangan ng mga baguhan ng mga taong magdidilig sa kanila. Iniisip ko lang ang reputasyon at katayuan ko, at masama sa loob ko ang isiping ililipat si Liu Xiao at na maaapektuhan ang gawain ng ebanghelyo. Pero kung iisiping muli, hindi talaga puwedeng maantala ang pagdidilig sa mga baguhan, kaya wala akong nagawa kundi sabihin sa lider, “Gawin mo kung ano ang gusto mo. Kung talagang kailangan siyang ilipat, wala akong magagawa….” Pagkauwi, hindi ko mapigilang isipin ang bagay na ‘yon, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Alam kong naaayon sa mga prinsipyo ang pagsasaayos ng lider na umalis si Liu Xiao at diligan ang mga baguhan, pero hindi ko ito matanggap. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako at tulutan akong makilala ang aking tiwaling disposisyon.”

Pagkatapos ay nabasa ko ang salita ng Diyos. “Sa saklaw ng gawain ng sambahayan ng Diyos, batay sa kabuuang mga pangangailangan ng gawain, maaaring magkaroon ng ilang paglilipat ng mga tauhan. Kung malipat ang ilang tao mula sa isang iglesia, ano ang makatwirang paraan ng pagtrato ng mga lider ng iglesia sa isyu? Ano ang problema kung ang tanging inaalala nila ay ang gawain ng sarili nilang iglesia, sa halip na ang mga pangkalahatang interes? Bakit hindi nila magawa, bilang lider ng iglesia, na magpasakop sa mga pangkalahatang pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos? May pagsasaalang-alang ba ang gayong tao sa kalooban ng Diyos at alisto ba sila sa kabuuan ng gawain? Kung hindi nila iniisip ang buong gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi ang mga interes lamang ng sarili nilang iglesia, hindi ba sila masyadong makasarili at kasuklam-suklam? Ang mga lider ng iglesia ay dapat magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang walang pasubali, at sa sentralisadong mga pagsasaayos at koordinasyon ng sambahayan ng Diyos. Ito ang naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sinuman sila, lahat ay dapat magpasakop sa koordinasyon at mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at hindi talaga dapat kontrolin ng sinumang indibiduwal na lider o manggagawa na para bang pag-aari niya sila. Ang pagsunod ng mga taong hinirang ng Diyos sa sentralisadong mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay inorden ng Langit at kinilala ng lupa, at hindi maaaring suwayin ng sinuman. Maliban kung gumagawa ang isang indibiduwal na lider o manggagawa ng isang hindi makatwirang paglilipat na hindi alinsunod sa prinsipyo—kung magkagayon ay maaari itong suwayin—dapat sumunod ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, at walang lider o manggagawa ang may karapatan o anumang dahilan para subukang kontrolin ang sinuman. Masasabi ba ninyo na may anumang gawain na hindi gawain ng sambahayan ng Diyos? Mayroon bang anumang gawain na hindi kinasasangkutan ng pagpapalawig ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Lahat ng iyon ay gawain ng sambahayan ng Diyos, pantay-pantay ang bawat gawain, at walang ‘iyo’ at ‘akin.’ Kung ang paglilipat ay naaayon sa prinsipyo at batay sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, dapat magpunta ang mga taong ito kung saan sila higit na kailangan. Magkagayunman, ano ang tugon ng mga anticristo kapag naharap sa ganitong uri ng sitwasyon? Humahanap sila ng iba’t ibang idadahilan at ikakatwiran para mapanatili ang mga naaangkop na taong ito sa kanilang mga kamay, na nagsisilbi sa kanila. Dalawang ordinaryong tao lang ang inaalok nila, at pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan para mapilitan ka, sa pagsasabing napakaabala ng gawain, o kaya naman ay kulang sila sa tauhan, mahirap makahanap ng mga tao, at kung malipat ang dalawang ito, maaapektuhan ang trabaho. At tatanungin ka nila kung ano ang dapat nilang gawin, at babagabagin nila ang konsensya mo. Hindi ba sa ganitong paraan kumikilos ang diyablo? Ganito kung gumawa ng mga bagay-bagay ang mga hindi mananampalataya. Ang mga taong laging sinisikap na protektahan ang sarili nilang mga interes sa iglesia—mabubuting tao ba sila? Mga tao ba sila na kumikilos ayon sa prinsipyo? Hindi talaga. Sila ay mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya. At hindi ba ito makasarili at masama?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Diwa ng Kanilang Disposisyon (Unang Bahagi)). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang mga taong makasarili na pinangangalagaan lamang ang kanilang mga personal na interes. Lalo itong naging malinaw nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi ba sa ganitong paraan kumikilos ang diyablo? Ganito kung gumawa ng mga bagay-bagay ang mga hindi mananampalataya. … Sila ay mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya.” Pakiramdam ko ay nakatayo sa mismong harapan ko ang Diyos at inilalantad ako, at gusto ko na lang itago ang sarili ko sa hiya. Malinaw sa aking kulang sa mga tagapagdilig ang iglesia, na maraming baguhan ang umaalis dahil hindi sila nadidiligan sa tamang oras, at na ang pagsasaayos ng lider na diligan sila ni Liu Xiao ay lubos na naaangkop at naaayon sa mga prinsipyo, pero hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia, bagkus ang sarili ko lamang na mga interes. Natakot akong kapag nailipat si Liu Xiao, kakailanganin kong lalo pang magsikap at magbayad ng halaga. Nag-alala rin akong masisira ang aking reputasyon at katayuan kapag bumaba ang pagiging epektibo ng gawain. Dahil dito, sinubukan kong hadlangan ang lider at pigilang mailipat si Liu Xiao sa ilalim ng pagkukunwari na “mahalaga rin ang gawain ng ebanghelyo at hindi dapat maantala.” Tunay akong makasarili at kasuklam-suklam. Iniisip ko lang ang sarili kong mga interes. Gusto ko lang manatili sa tabi ko si Liu Xiao para pataasin ang sarili kong reputasyon at katayuan. Hindi ba’t katulad din ako ng isang hindi mananampalataya? Ang mga boss sa korporasyon sa mundo ng mga hindi mananampalataya ay nagtuturo sa mga tao ng ilang kasanayan at gusto nilang magkayod-kalabaw ang mga ito para sa kanila. Gayundin, akala ko dahil mag-isa kong nilinang si Liu Xiao, dapat siyang manatili sa tabi ko at magpasakop sa aking mga pagsasaayos. Talagang hindi ako makatwiran. Isinaayos ng iglesia na pangasiwaan ko ang gawain ng ebanghelyo. Ito ang responsibilidad ko at ang tungkulin na dapat kong gampanan. Hindi ko ito personal na negosyo; gawain ito ng iglesia. Pagdating naman sa kung paano inililipat at isinasaayos ang mga tauhan, ang lider ang humuhusga kung paano makatwirang magtatalaga ng mga tao nang naaayon sa mga prinsipyo, at hindi ako kwalipikadong makialam, lalo nang wala akong karapatang humadlang. Dapat sinunod at tinanggap ko na lang ito; ito lang ang makatwiran. Sa naisip na ito, napuno ako ng pagsisisi at panunumbat sa sarili dahil sa mga kilos at asal ko. Nagmadali akong lumapit sa Diyos sa pagtatapat, pagsisisi, at kahandaang talikdan ang mga makasarili kong layunin at magpasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia. Kinabukasan, nakipagbahaginan ako kay Liu Xiao tungkol sa magiging pagdidilig niya sa mga baguhan. Nakaramdam ako ng lubhang kapayapaan at kaginhawahan sa pagsasagawa sa ganitong paraan.

‘Di nagtagal, natuklasan kong sina Sister Peng Huizhen at Brother Yang Jie ay may mga kalakasan na nababagay sa gawain ng ebanghelyo, kaya madalas ko silang isinasama kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo at talagang nakatutok ako sa paglilinang sa kanila. Pagkaraan ng ilang panahon, mabilis ang naging pag-usad nila bilang manggagawa ng ebanghelyo at nagkamit ng napakagagandang resulta. Gaya ng iniisip n’yo, tuwang-tuwa ako, at sa pagkakaroon ng dalawa pang manggagawa ng ebanghelyo sa grupo, bumuti rin ang gawain, at lalo akong ginanahan sa aking tungkulin. Pero sa gulat ko, matapos ang dalawang linggo ay sinabi sa akin ng lider, “Napakaraming gawain ng ebanghelyo ang kailangan sa ibang mga iglesia pero walang sapat na mga manggagawa ng ebanghelyo. Gusto kong isaayos na pumunta at pumuno roon sina Brother Yang Jie at Lu Ming. At saka, mahusay ang kakayahan ni Huizhen at nararapat linangin. Gusto kong isaayos na mangasiwa siya sa gawain ng pagdidilig sa mga baguhan.” Bumigat ang puso ko nang marinig ko ito at gaya ng nabutas na lobo, bigla akong nanlumo, at bumagsak sa upuan ko, hindi makakilos. Naisip ko, “Ibang bagay ‘yong maglipat ka ng isang tao, pero ngayon maglilipat ka ng tatlo? Gusto mo ba akong pahirapan? Kung ililipat mo itong tatlong inaasahan ko at sa huli ay maapektuhan ang gawain, sasabihin mo bang hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain at na isa akong huwad na lider? Kung pagkatapos ay matanggal ako, paano pa ako magpapakita uli? Magmumukha akong walang kakayahan sa trabahong ito.” Sa naisip na ito, matalim akong sumagot, “Puwede ka bang mag-iwan sa akin kahit isa? Hindi ba’t maaantala ang gawain ng ebanghelyo kung sabay-sabay na ililipat ang tatlong tao?” Nakita ng lider kung gaano ako katutol at nagbahagi siya sa akin, pero hindi ko pinakinggan kahit isang salita niya. Nang umalis ang lider, puno ako ng kawalang-kasiyahan sa paglilipat sa tatlo sa mga inaasahan ko. Sa paglilipat sa tatlong ‘yon, kakailanganin kong maghanap ng bagong mga taong sasanayin, bukod pa sa pagpapagod ng katawan na kakailanganin, at pagkatapos, kung ang gawain ay hindi pasado sa inaasahan, ano ang iisipin ng lahat sa akin? Sasabihin ba nilang masigasig lang ako nung una dahil bago ako sa posisyon, at na ningas-kugon ako? Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo akong nababalisa. Bumigat ang loob ko at nawala ang lahat ng motibasyon ko. Pagkatapos nun, hindi na ako nagdala ng pasanin sa aking tungkulin at hindi na ako seryosong nagsikap para lutasin ang mga paghihirap na nakakaharap ko. Kalaunan ay nagpadala ng ilan pa ang lider para gumawa ng gawain ng ebanghelyo pero wala akong pagnanais na sanayin sila. Alam kong ‘pag nagsimula na sila sa gawain ng ebanghelyo, maraming problemang hindi nila magagawang lutasin, pero hindi ko sila pinagtuunan ng atensyon at isinaayos na basta na lang silang humayo at ipalaganap agad ang ebanghelyo. Unti-unti, dumilim nang dumilim ang puso ko, at pakiramdam ko ay nabibigo na ako sa aking tungkulin. Batid kong mali ang kalagayan ko, kaya naman nanalangin ako sa Diyos at nagnilay para makilala ang sarili ko.

Sa isa sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos. “Kung nalipat ang isang taong may mahusay na kakayahan mula sa ilalim ng anticristo para gampanan ang isa pang tungkulin, masidhing nilalabanan at tinatanggihan ito ng anticristo sa puso niya—nais niyang tigilan na iyon, at wala siyang gana na maging isang lider o pinuno ng grupo. Anong problema ito? Bakit ayaw niyang sundin ang mga pagsasaayos ng iglesia? Iniisip niya na ang paglilipat sa kanyang ‘kanang-kamay’ ay makakaapekto sa pagiging produktibo at pagsulong ng kanyang gawain, at na maaapektuhan ang kanyang katayuan at reputasyon dahil dito, kaya mapipilitan siyang higit na magtrabaho at magdusa para magarantiyahan ang pagiging produktibo—na siyang huling bagay na nais niyang gawin. Nasanay na siya sa kaginhawahan, at ayaw niyang magtrabaho at magdusa pa nang husto, kaya nga ayaw niyang pakawalan ang taong iyon. Kung ipinagpipilitan ng sambahayan ng Diyos ang paglilipat, nanggugulo siya at tumatanggi pang gawin ang sarili niyang gawain. Hindi ba ito makasarili at masama? Ang mga hinirang ng Diyos ay dapat pangkalahatang itinatalaga ng sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa sinumang lider, pinuno ng pangkat, o indibiduwal. Lahat ay kailangang kumilos ayon sa prinsipyo; ito ang panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Kapag hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, kapag palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan, hindi ba ito makasarili at ubod ng sama? Sa panlabas, ang pagpapanatili ng mga taong may mahuhusay na kakayahan sa tabi nila at ang hindi nila pagpayag na ilipat ang mga ito ng sambahayan ng Diyos ay lumilitaw na parang iniisip nila ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, iniisip lang nila ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, at hindi talaga ang tungkol sa gawain ng iglesia. Natatakot sila na papalpak sila sa kanilang gawain, mapapalitan, at mawawala ang kanilang katayuan. Kapag hindi iniintindi ng mga anticristo ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip lang ang kanilang sariling katayuan, pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan nang walang pag-aalala sa idudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dinedepensahan nila ang sarili nilang katayuan at mga interes kahit ikapinsala ng gawain ng iglesia, makasarili ito at ubod ng sama. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat mag-isip kahit papaano ang isang tao gamit ang kanyang konsensya: ‘Lahat ng taong ito ay kabilang sa sambahayan ng Diyos, hindi ko sila personal na pag-aari. Ako man ay kaanib ng sambahayan ng Diyos. Ano ang karapatan kong pigilan ang sambahayan ng Diyos sa paglilipat ng mga tao? Dapat kong isaalang-alang ang mga pangkalahatang interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip na tutukan lamang ang gawain na saklaw ng aking sariling mga responsibilidad.’ Ganyan ang kaisipang dapat masumpungan sa mga taong nagtataglay ng konsensya at pag-unawa, at ang pag-unawa na dapat taglayin ng mga naniniwala sa Diyos. Kapag may espesyal na pangangailangan ang sambahayan ng Diyos, ang pinakamahalaga ay ang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Walang taglay na gayong konsensya at pag-unawa ang mga huwad na lider at anticristo. Makasarili silang lahat, iniisip lang nila ang kanilang sarili, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Isinasaalang-alang lang nila ang mga pakinabang na nasa harapan mismo nila, hindi nila isinasaalang-alang ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya naman lubos na wala silang kakayahang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sobra silang makasarili at ubod ng sama. Ang lakas pa nga ng loob nilang maging sagabal, at nangangahas pang tumanggi, sa sambahayan ng Diyos; ito ang mga taong pinakakulang sa pagkatao, masasama silang tao. Ganyang uri ng mga tao ang mga anticristo. Lagi nilang itinuturing ang gawain ng iglesia, at ang mga kapatid, at maging ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos—lahat sa ilalim ng kanilang awtoridad—bilang sarili nilang pribadong pag-aari. Sila ang nagpapasya kung paano ipamamahagi, ililipat, at gagamitin ang mga bagay na ito, at hindi pinapayagang makialam ang sambahayan ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga ito, parang pag-aari na ang mga ito ni Satanas, walang sinumang pinapayagang hawakan ang mga ito. Sila ang mga bigatin, ang mga pinakaamo, at sinuman ang pumunta sa kanilang teritoryo ay kailangang sumunod sa kanilang mga utos at pagsasaayos, at kumilos ayon sa gusto nila. Ito ang pagpapakita ng pagkamakasarili at kasamaan sa karakter ng anticristo. Hindi nila sinusunod ang prinsipyo kahit katiting, hindi sila nagbibigay ng konsiderasyon sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at iniisip lamang ang sarili nilang mga interes at katayuan—na pawang mga tanda ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Diwa ng Kanilang Disposisyon (Unang Bahagi)). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, lubha akong nabalisa at hindi mapalagay. Inihahayag ng Diyos na ang mga anticristo ay partikular na makasarili, at na sila ay walang pagkatao. Kapag may nangyayari sa kanila, isinasaalang-alang lang nila ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Gusto nilang nasa ilalim ng kontrol nila ang mga tao, hindi pinapayagang magawa ng iglesia ang pagsasaayos at pag-aakma, at hindi man lang isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia. Hindi ba pareho ng sa isang anticristo ang mga kilos at pag-uugali ko? Bilang superbisor, dapat ay tumutok ako sa paglilinang ng mga indibidwal na may talento. Ito ang responsibilidad at tungkulin ko. Gumagawa ng makatwirang pag-aakma ng tauhan ang iglesia ayon sa hinihingi ng gawain, pati na sa kakayahan at talento ng bawat tao. Dapat ay itinaguyod, sinunod, at isinagawa ko ang aking tungkulin. Pero hindi ko man lang isinaalang-alang ang pangkalahatang gawain ng iglesia, at ang tanging inisip ay panatilihin sa tabi ko ang mga may talentong manggagawa ng ebanghelyo na mahuhusay ang kakayahan para mapataas ang sarili kong reputasyon at katayuan. Sa sandaling gusto ng lider na ilipat ang mga tao sa labas ng sakop ng responsibilidad ko, nagiging mapanlaban ako, hindi nasisiyahan, at naghihinanakit pa nga at gustong magbitiw. Palagi akong nag-aalala na ang mga inaasahan ko ay ililipat at ang gawain ay magsisimulang maapektuhan, at na manganganib ang reputasyon at katayuan ko. Tunay akong makasarili at kasuklam-suklam. Mayroon man lang ba ako ni katiting na pagkatao o katwiran? Ano ang ipinagkaiba ng disposisyong ipinakita ko sa isang anticristo? Naisip ko ang mga Pariseo at ang mga pastor ng makabagong mundo ng relihiyon. Nang magpakita ang Diyos para gumawa, para protektahan ang kanilang katayuan at kabuhayan, ginamit nila ang lahat ng puwede nilang gamitin para pigilan ang mga mananampalataya sa pagsunod sa Diyos. Para sa kapakanan ng kanilang katayuan at kabuhayan, sinubukan nilang panatilihin sa kontrol nila ang mga mananampalataya magpakailanman. Bilang resulta, naging mga anticristo sila at pinarusahan at isinumpa ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw sa inasal ko, nang magbayad ako ng kaunting halaga para linangin ang mga kapatid sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, nang makita silang nakapagsasarili sa kanilang mga tungkulin, ginusto ko itong gamiting pagkakataon para magpasikat at magpakitang-gilas para makamit ang paghanga ng iba. Dahil dito, ayokong hayaan ang lider na i-promote ang mga tao palabas sa sakop ng responsibilidad ko. Gusto ko lang na nasa tabi ko ang mga may talentong indibidwal na may kakayahan at nagagawa nang maayos ang kanilang tungkulin, at gamitin sila para palakasin ang reputasyon at katayuan ko. Hindi ba’t ang diwa ng pag-uugali ko ay gaya ng sa mga Pariseo at mga anticristo ng mundo ng relihiyon? Hindi hati-hati ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Dapat na ipadala ang mga tao saanman sila kailangan ng gawain. Ito ang naaangkop na paraan sa paglilipat ng mga tao. Pero nang makita kong ang mga kapatid na may mahusay na kakayahan at abilidad sa gawain ay ipino-promote at sunod-sunod na inililipat, pakiramdam ko ay pinuputol ang kanang kamay ko, at na ang gawain ko ay direktang maaapektuhan. Para bang nanganganib ang reputasyon at katayuan ko, kaya naman ayoko silang hayaang umalis. Kahit na kinausap na ako ng lider tungkol dito, sinubukan ko pa ring magdahilan, humadlang sa kanya, at kumapit sa mga taong inaasahan ko. Inisip kong ako ang panginoon ng aking teritoryo, at ako lang ang dapat na gumamit sa mga may talentong nilinang ko. Hindi ba’t para akong siga na naghahari-harian? Nang ilipat ang mga taong ‘yon, nag-alala ako na maaapektuhan ang gawain, na hindi matutugunan ang pagnanais ko sa reputasyon at katayuan, kaya nagpabaya ako sa gawain ko, at kahit na alam kong may mga prinsipyong hindi pa naiintindihan ng mga tauhang bago sa gawain ng ebanghelyo, binalewala ko sila at basta sila hinayaang humayo at ipalaganap ang ebanghelyo. Ayoko nang sanayin pa sila. Sa pagbabalik-tanaw sa pag-uugali ko, nasaan ang konsensya, katwiran, at pagkatao ko? Isinaayos ng iglesia na pangasiwaan ko ang gawain ng ebanghelyo para mapalaganap ko ang ebanghelyo kasama ang mga kapatid, nang may iisang puso at isipan at magampanan nang mabuti ang aming mga tungkulin sa kani-kanya naming lugar. Pero wala akong pakiramdam ng hiya, at pinanatili ko sa kontrol ko ang mga kapatid para gamitin sa kung paano ko gusto. Sa paggawa nito nilalabanan ko ang Diyos, inilalagay ang sarili ko nang salungat sa Kanya, at tinatahak ang landas ng isang anticristo! Kung hindi dahil sa paghahayag ng salita ng Diyos at sa ibinunyag ng mga katunayan, wala pa rin sana akong kamalayan sa kalubhaan ng anticristo kong disposisyon at walang malay sa katunayan na tumatahak ako sa landas ng isang anticristo, gumagawa ng masama, at lumalaban sa Diyos. Habang lalo kong iniisip ang mga ito, mas lalo akong natatakot, kaya nanalangin ako sa Diyos at nagsisi, sinasabing hindi ko na gustong lumaban pa sa Diyos, bagkus gusto kong magpasakop at gampanan nang maayos ang aking tungkulin.

Kalaunan, nakabasa pa ako ng salita ng Diyos: “Yaong mga may kakayahang magsagawa ng katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa paggawa ng mga bagay. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, naitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, laging nais makuha ang papuri at paghanga ng iba, ngunit hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, kung gayon, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang paggalang sa Diyos. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, o katayuan. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung ikaw ba ay naging hindi dalisay sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging matapat, natupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito at intindihin ang mga ito, at magiging mas madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Para sa lahat ng tumutupad ng kanilang tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasagawa upang makapasok sa realidad ng katotohanan ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang mga makasariling pagnanasa, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung hindi ito magawa ng isang taong gumaganap sa kanyang tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi ito pagganap ng isang tao sa tungkulin. Dapat mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia, at unahin ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali nang kaunti kapag hinahati-hati ninyo ito sa mga hakbang na ito at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi mahirap bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, magkaroon ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, at unahin mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay nang makatarungan at marangal kaysa pagiging kasuklam-suklam at salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Itinuro sa akin ng salita ng Diyos ang isang landas ng pagsasagawa, ‘yon ay, na anuman ang gawin mo, huwag mo itong gawin para lang makita ka ng iba, kundi dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Kapag may nangyari sa ‘yo, dapat ka munang magkaroon ng tamang saloobin at unahin ang gawain ng iglesia, pakinggan ang kalooban ng Diyos at magpakita ng pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia sa lahat ng oras. Ito ang tanging paraan para umayon sa kalooban ng Diyos sa iyong tungkulin. Bilang superbisor ng gawain ng ebanghelyo, dapat kong maingat na linangin ang mga indibidwal na may talento para magampanan nila ang kanilang responsibilidad na ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian. Mula nun, sadya na akong nagsasagawa ayon sa salita ng Diyos.

Pagkalipas ng isang buwan, habang nagbabahagi siya sa isang pagtitipon, nalaman kong si Sister Dong Xin ay malinaw na nakapagbabahagi ng katotohanan at nagagawa niyang maunawaan ang mga pangunahing punto kapag lumulutas ng mga isyu ng mga pinangangaralan niya. Naisip kong kung sasanayin ko siya nang mabuti, hindi magtatagal ay magagawa niyang magpalaganap ng ebanghelyo nang nakapag-iisa. Pagkatapos magsagawa nang maikling panahon, nagkaroon ng magagandang resulta si Dong Xin sa kanyang gawain ng ebanghelyo, at nagawa niya ring magdilig ng mga baguhan na tumanggap ng ebanghelyo mula sa kanya. Naisip ko, “Parang mas naaangkop sa pagdidilig ng mga baguhan ang kakayahan ni Dong Xin. Nitong nakaraan ay sinasabihan ako ng lider na magbigay ng tauhan sa pagdidilig, kaya dapat ko bang ipadala si Dong Xin?” Pero kung iisipin uli, “Magaganda ang nakukuha niyang resulta sa tungkulin at mahalagang tao talaga siya sa grupo. Maaapektuhan kaya ang gawaing pinangangasiwaan ko kung ipadadala ko siya para magdilig ng mga baguhan?” Tapos bigla akong natauhan, “Hindi ba’t ang isinasaalang-alang ko na naman ay ang sarili ko lang na reputasyon, katayuan at mga interes?” Naalala ko kung paanong sinasabi ng salita ng Diyos, “Ang hindi makasariling pagkilos, pag-iisip sa gawain ng iglesia, at paggawa ng kung ano lang ang nakakalugod sa Diyos ay matuwid at marangal, at magbibigay ng saysay sa iyong pag-iral. Sa pamumuhay nang ganito sa lupa, nagiging bukas ka at matapat, namumuhay ka nang may normal na pagkatao, at may tunay na wangis ng tao, at hindi lang malinis ang iyong konsensya, kundi karapat-dapat ka rin sa lahat ng bagay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Habang lalo kang namumuhay nang ganito, lalo kang magiging matatag, lalo kang magiging payapa at masaya, at lalo kang sisigla. Sa gayon, hindi ba’t makakatapak ka na sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na bilang miyembro ng iglesia, dapat na lagi nating unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at isantabi ang makasariling hangarin at pakana. Sa paggawa nun, ang mga tao ay maaaring maging mapagbigay, maingat, at makatwiran. Hindi ko na puwedeng isaalang-alang ang sarili kong katayuan, reputasyon at mga interes. Kailangan kong isantabi ang mga personal kong interes at pakana, magkaroon ng tamang layunin, at magsagawa ayon sa salita ng Diyos. Sa naisip na ito, nagpadala ako ng liham sa lider na nagsasabi sa kanya tungkol sa sitwasyon ni Dong Xin. Hindi nagtagal pagkatapos, isinaayos niyang magpunta si Dong Xin sa ibang iglesia para magdilig ng mga baguhan. Nakahinga ako nang maluwag nang magsagawa ako sa ganitong paraan.

Sa pamamagitan ng karanasang ito ay natutunan kong kapag nagkaroon ako ng tamang motibo, inuna ang gawain ng iglesia, at hindi na isinaalang-alang ang personal kong mga interes, makakaya na ng puso kong umako ng isang tunay na pasanin. Nagsimula akong maghanap ng mga naaangkop na tao sa iglesia para magsagawa ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at umasa sa Diyos para harapin at lutasin ang mga isyu at paglihis sa gawain. Nang magbayad ako ng totoong halaga sa ganitong paraan, hindi nakompromiso ang gawain, kundi bumuti pa nga! Sa pamamagitan ng paglipat kay Dong Xin, natutunan ko na kapag isinantabi ko ang makasarili kong mga hangarin sa aking tungkulin, pinakinggan ang kalooban ng Diyos, at inuna ang gawain ng iglesia, hindi ko lang magagawang gampanan ang aking tungkulin at mga responsibilidad, kundi magkakaroon din ako ng mga resulta sa aking tungkulin, kasama ng pakiramdam ng kapayapaan at kaginhawahan. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Espirituwal na Labanan

Ni Yang Zhi, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Magmula nang maniwala ang mga tao sa Diyos, nagkimkim na sila ng maraming maling...