Paano Ako Nakalaya Mula sa mga Gapos ng Kasikatan at Pakinabang

Oktubre 3, 2025

Ni Su Mi, Tsina

Noong 2002, labingwalong taong gulang ako at nagtatrabaho sa isang pabrika ng damit. Sa tuwing nakakakita ako ng mga bida sa drama sa TV na nakabihis nang maganda at sunod sa moda, suot ang mga alahas na ginto at pilak, nakatira sa mararangyang mansyon at nagmamaneho ng magagarang sasakyan, nakatatanggap ng mainit na pagsalubong at pamamaalam saanman sila magpunta, at napakagarbong tingnan, naiinggit ako sa ganoong uri ng buhay. Nangarap ako na kapag nagsimula na akong magkapamilya, magtatrabaho ako nang husto para mamuhay nang marangya at prestihiyoso. Para makamit ang pangarap ko, hindi nagtagal pagkatapos naming ikasal, lumipat kami ng asawa ko para magtrabaho. Para kumita ng mas maraming pera, kahit pito o walong buwan na akong buntis, nagtatrabaho pa rin ako nang mahigit sampung oras sa isang araw sa pananahi ng mga damit. Dahil sa matagal na pagkapagod, lubhang humina ang kalusugan ko, at biglang nabawasan ng mahigit apat hanggang limang kilo ang timbang ko. Ang asawa ko naman, dahil sa matagal na pag-upo at hindi sapat na pag-inom ng tubig, ay nagkaroon ng mga bato sa bato, at hindi na siya makapagtrabaho kasama ko sa paggawa ng mga damit. Kalaunan, nakakuha ng trabaho ang asawa ko sa isang kumpanya, at hindi nagtagal, nakuha niya ang tiwala ng boss. Ipinagkatiwala sa kanya ng boss ang maraming gawain sa kumpanya, at pagkatapos ng ilang taon, nakapag-ipon kami, at umutang kami para makabili ng bahay sa siyudad. Maayos ang takbo ng karera ng asawa ko, at binalak din naming bumili ng kotse. Sa tuwing umuuwi kami sa aming bayan, hinahangaan kami ng ibang mga taganayon dahil sa pagtira namin sa siyudad sa ganoong kabatang edad, at pinuri nila kami sa pagkakaroon ng kakayahan. Nang marinig ang gayong papuri, talagang siyang-siya ako, at para bang nakalutang ako sa alapaap. Inisip kong napakasarap magkapera—saanman ako magpunta, hinahangaan at pinupuri ako. Pero unti-unti, nakaramdam ako ng di-maipaliwanag na kahungkagan sa loob ko. Namimili ako ng mga damit na mataas ang uri at mga produktong pang-alaga sa balat, o kaya ay naglalakbay ako sa iba’t ibang lugar, pero walang makapuno sa kahungkagan sa puso ko. Hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko, “Ano ba talaga ang pinagsusumikapan ko nang husto para kumita ng pera? Ito ba ay para lang kumain, manamit, at mamuhay nang maayos, at makuha ang paghanga ng mga tao? Pero bakit pakiramdam ko ay hungkag pa rin ako sa loob-loob ko matapos matamo ang lahat ng ito?” Ganito ko iniraos ang bawat araw, pakiramdam ko ay pagod na pagod na ako sa buhay.

Noong 2019, nasangkot ang kumpanya ng asawa ko sa isang alitan sa pananalapi. Ang asawa ko ang namamahala sa pananalapi ng kumpanya, kaya nadamay rin siya. Kinailangan naming magbigay ng 400,000 yuan bilang bayad-pinsala. Kinasuhan din ang mister ko at sa huli ay sinentensiyahan ng apat at kalahating taong pagkakakulong. Pakiramdam ko ay gumuho ang mundo ko. Ang asawa ko ang haligi ng aming pamilya. Nang makulong siya, walang sinumang puwedeng kumita ng pera o sumuporta sa amin. Kailangan pa rin naming magbayad ng sangla buwan-buwan, kasama pa ang mga gastusin sa pag-aaral ng dalawa naming anak at mga pang-araw-araw na pangangailangan. Nangutang din kami ng malaking pera para ibayad sa pinsala. Lahat ng pasaning ito ay sa akin lang napunta. Bukod sa pasanin sa pananalapi, kinailangan ko ring tiisin ang mapanlait at mapanghamak na tingin ng mga tao sa paligid ko. Pakiramdam ko ay isang pagdurusa ang mabuhay, at naisip kong mas mabuti pang mamatay na lang. Pero bata pa ang dalawa kong anak, at iyon mismo ang oras na kailangan nila ako para alagaan sila, kaya hindi ko matiis na iwanan sila. Araw-araw akong umiiyak, hindi alam kung paano ko haharapin ang bukas. Noong pakiramdam ko ay wala na akong mapupuntahan, ipinangaral sa akin ng nanay ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikinig sa pagbabahaginan ng mga kapatid, naunawaan ko na sa simula, nanirahan ang mga tao sa Halamanan ng Eden at wala silang mga alalahanin, kalungkutan, o pasakit. Pero matapos silang gawing tiwali ni Satanas, nagkaroon ang mga tao ng iba’t ibang ambisyon, pagnanais, at mga maling perspektiba sa likod ng kanilang mga paghahangad. Kaya naman mayroong labis na pagdurusa at pagkabagabag. Sa pagkakataong ito, naparito ang Diyos upang gumawa para palayain ang sangkatauhan mula sa pinsala ni Satanas at ibalik ang buhay na dating mayroon ang sangkatauhan sa Halamanan ng Eden. Tanging sa pagtanggap lamang sa pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw makalalaya ang isang tao mula sa pinsala ni Satanas at matatamo ang pagliligtas ng Diyos. Pakiramdam ko ay nakahanap ako ng masasandalan, at lubhang nabawasan ang sakit sa puso ko. Naging handa akong dumalo sa mga pagtitipon at magbasa ng mga salita ng Diyos.

Pagkatapos niyon, dumadalo ako sa mga pagtitipon habang gumagawa ng mga damit. Dahil magaling akong gumawa ng mga damit, bukod sa naging sapat ang perang kinikita ko sa pang-araw-araw na gastusin, nagbigay-daan din ito para makapag-ipon ako nang kaunti. Muli akong nagkaroon ng mga plano para sa hinaharap, iniisip na, “Kung magpapatuloy ako sa pagtatrabaho ng ilang taon pa, mas magiging maayos ang lagay ko, at hindi na ako mamaliitin at pagtatawanan ng iba dahil sa pagiging mahirap.” Pero kailangan kong dumalo sa mga pagtitipon nang tatlong beses sa isang linggo, at kahit na kapaki-pakinabang ito para sa buhay pagpasok ko, nabawasan naman ang oras ko sa trabaho at mas maliit ang kinikita ko kaysa dati. Kaya naisip ko, “Puwede kayang isang beses na lang sa isang linggo ako makipagtipon? Sa ganoong paraan, magagawa kong kumita ng ilang libong yuan pa kada buwan, at kahit mabayaran ko na ang sangla, may sosobra pa rin akong pera. Kung mag-iipon ako ng ilang taon, mababayaran ko ang mga utang ko, at kung makakabili pa ako ng kotse, mas magkakadignidad ako kapag lumalabas.” Kalaunan, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa mga kapatid sa mga pagtitipon, napagtanto ko na kung tututukan ko lang ang pagkita ng pera at hindi ako makadadalo nang regular sa mga pagtitipon, lalo lang akong mapapalayo sa Diyos. Paano ko pa matatanggap ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos? Kapag dumating ang mga sakuna, hindi mabibili ng pera ang buhay ng isang tao! Naalala kong narinig ko na napakalaki ng kita sa paggawa ng mga damit pamproteksiyon noong panahon ng pandemya, at kaya may ilang taong nagtrabaho araw at gabi para gawin iyon, at nauwi ito sa kanilang pagkamatay sa loob ng pabrika. Napakarami ng gayong mga kaso ng pakikipagpalitan ng sariling buhay para sa pera. Kailangan kong makilatis ang mga pakana ni Satanas at hindi masayang ang pagkakataong magkamit ng buhay para lang sa pera. Kailangan kong patuloy na dumalo sa mga pagtitipon nang regular. Noong una, nakakadalo pa rin ako sa mga pagtitipon nang tatlong beses sa isang linggo, pero sa katagalan, nang mabawasan nang malaki ang buwanang sahod ko dahil mas kaunti na ang trabaho ko, nagsimula akong mag-alala, “Ang pagdalo sa mas maraming pagtitipon ay makatutulong sa akin na maunawaan ang mas maraming katotohanan at makabubuti sa buhay pagpasok ko, pero ngayon, maraming order ang pabrika at mataas ang bayad. Magandang pagkakataon ito para kumita ng pera. Kung palalampasin ko ang mahalagang panahong ito, magiging mahirap ang negosyo kalaunan, at gaano man karaming damit ang gagawin ko, hindi ito magdadala ng maraming kita. Hindi, kailangan kong unahin ang pera ngayon. Dadalo na lang ako sa mas maraming pagtitipon kapag hindi na abala sa pabrika.” Kaya nagpasya akong dumalo sa mga pagtitipon nang dalawang beses sa isang linggo. Pagkatapos ng bawat pagtitipon, nagmamadali akong pumunta sa pabrika para magtrabaho, at kahit tapos na sa trabaho ang iba, tuloy pa rin ako. Noong panahong iyon, nakaramdam ako ng labis na pagod, wala akong oras para magbasa ng mga salita ng Diyos, at hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa panalangin, at lumayo nang lumayo ang puso ko sa Diyos.

Kalaunan, sa panahon na hindi kasagsagan, nagsara nang pansamantala ang pabrika. Puwede ko sanang gamitin ang pahinga para dumalo sa mas maraming pagtitipon at sangkapan ang sarili ko ng mas maraming katotohanan, pero gusto kong mabilis na kumita ng mas maraming pera para mabawi ang paghangang natatanggap ko noong mayaman pa ako, kaya pumunta ako sa ibang pabrika para gumawa ng mga damit pamproteksiyon. Minsan, para mas lumaki ang kita, nananatili ako lampas ng karaniwang oras ng pag-uwi ko, at sa oras na nakauwi na ako, naghihintay na sa akin ang sister para sumali sa pagtitipon. Pero sumasakit ang buong katawan ko pagkatapos ng maghapong trabaho, at sumasakit nang sobra ang mga braso ko na hindi ko na maitaas ang mga ito. Gusto ko na lang magpahinga nang maaga, kaya hindi nagiging epektibo ang mga pagtitipon. Para kumita pa, gumigising ako ng 5:30 ng umaga araw-araw para magluto ng almusal, at para makatipid ng oras, dinadala ko ang tanghalian ko sa pabrika. Dahil matagal akong hindi regular na kumakain at dahil sa malalamig na pananghalian, isang araw makalipas ang isang buwan, bigla akong nagsuka at nagtae nang malubha. Sinabi ng doktor na mayroon akong acute gastroenteritis, at medyo malubha ito, at kailangan kong manatili sa bahay para magpagaling. Habang nakahiga sa kama, nagsimula akong mag-isip-isip, “Hindi ako regular na gumagawa ng mga debosyonal o dumadalo sa mga pagtitipon. Nakatuon lang ako sa pagkita ng pera at pamumuhay nang maganda para makamit ang paghanga ng mga tao. Hindi ba’t hindi ito naaayon sa layunin ng Diyos?” Sa isang pagtitipon, binasahan ako ng isang sister ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na partikular na tumutugon sa kalagayan ko: “Ang pananampalataya ni Job sa Diyos ay hindi sa pangalan lang; siya ang huwaran ng isang taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos. Nanalangin siya sa Diyos sa lahat ng bagay. Labis siyang nabagabag sa pagsasaya ng kanyang mga anak, at nanalangin siya sa Diyos at ipinagkatiwala sila sa Diyos. Tiyak na madalas niyang ipanalangin ang tungkol sa kung paano palalakihin ang kanyang mga alagang hayop. Inilagay niya ang lahat ng bagay sa mga kamay ng Diyos. Kung naging tulad siya ng isang walang pananampalataya, na palaging may sariling mga plano pagdating sa pag-aalaga ng mga hayop, na umaasa lang sa sarili niyang isip at mga imahinasyon at pinipiga ang kanyang utak para makamit ang mga layong pinlano niya, kung gayon, kahit pa nakaranas siya ng maraming kabiguan at dagok, makikita kaya niya ang mga kamay ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? … Bakit pinipiga ng mga tao ang kanilang utak gamit ang mga pamamaraan ng tao upang makamit ang sarili nilang mga layon sa halip na umasa sa Diyos? Kapag sila ay nagpaplano, hinahanap ba nila ang mga pagnanais ng Diyos? Mayroon ba silang mapagpasakop na saloobin, sinasabing, ‘Hindi ko alam kung ano ang gagawin ng Diyos. Paplanuhin ko muna ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, pero hindi ko alam kung makakamit ba o hindi ang layong pinagpaplanuhan ko; ganito ko lang ito pinaplano. Kung makakamit ang layon ko, isa itong pagpapala mula sa Diyos. Kung hindi, dahil ito sa sarili kong pagkabulag; hindi naaayon ang plano ko sa mga layunin ng Diyos’? Mayroon ba silang ganitong uri ng saloobin? (Wala.) Kaya paano lumilitaw ang mga kilos na ito? Ang mga ito ang mga imahinasyon at kuru-kuro ng mga tao, ang kanilang mga pagnanais, at ang kanilang mga hindi makatwirang hinihingi sa Diyos; lumilitaw ang mga ito mula sa mga tiwaling disposisyon. Ito ang isang aspekto. Dagdag pa rito, mayroon bang pusong nagpapasakop sa Diyos ang gayong mga tao? (Wala.) Paano mo nakikita na wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos? (Sa sandaling gumawa sila ng isang plano, kailangang-kailangan nila itong maisakatuparan.) Anong disposisyon ito? Ito ay pagmamataas at paghihimagsik. Naniniwala silang pinagpapala sila ng Diyos, ngunit kapag mayroon silang sarili nilang mga pagnanais at plano, isinasantabi nila ang Diyos; ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Nagpapasakop ba sila kapag isinasantabi nila ang Diyos? Hindi, at wala sa kanilang puso ang Diyos. Hindi talaga isinasaalang-alang kahit kaunti kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ang Diyos sa mga bagay, lalo na kung paano Niya nais gawin ang mga bagay. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito. Ano ang makikita mula rito? Hindi sila naghahanap ng kahit kaunti, wala silang anumang pagpapasakop, at wala man lang silang may-takot-sa-Diyos na puso. Gumagawa muna sila ng mga sariling plano, at pagkatapos ay kumikilos at nagtatrabaho silang mabuti ayon sa kanilang mga plano, umaasa sa mga pamamaraan ng tao, imahinasyon, at kuru-kuro nang hindi man lamang iniisip ang mga layunin ng Diyos. Pagdating sa pagpapalaki ng mga alagang hayop, dapat malaman kahit papaano ng mga tao ito: ‘Gawin mo ang iyong makakaya, at ang Langit na ang bahala’—na ang ibig sabihin, ‘Tutuparin ko ang aking mga responsabilidad na pakainin nang maayos ang mga alagang hayop, hindi ko sila hahayaang magkulang sa nutrisyon, o manigas sa lamig, o magutom, o magkasakit. Ang bilang ng kanilang magiging supling sa susunod na taon ay nasa mga kamay na ng Diyos; hindi ko ito alam, hindi ko ito hinihingi, at hindi ako gagawa ng mga plano. Nasa Diyos na ang lahat ng bagay na ito.’ Kung pinipilit nilang umasa sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao upang kumilos, mayroon ba silang mapagpasakop na saloobin sa Diyos? (Wala.) Sa dalawang paraan na ito ng paggawa ng mga bagay-bagay, alin ang nagmumula sa kalooban ng tao, at alin ang nagpapakita ng pagpapasakop sa Diyos? (Ang una ay nagmumula sa kalooban ng tao, at ito ang paraan ng mga hindi mananampalataya sa paggawa ng mga bagay-bagay; ang ikalawa ay nagmumula sa mga taong taos na nananampalataya sa Diyos at naghahanap sa katotohanan.) Pareho silang nananampalataya sa Diyos, at kapwa nila ginagawa ang parehong bagay, ngunit ang motibo, pinagmumulan, layon, at mga prinsipyo ng kanilang mga pagkilos ay magkakaiba. Kaya naman, ang landas na tinatahak ng mga tao ay makikita(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos). Ibinahagi ng sister na si Job ay isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Sa buhay, anuman ang mangyari, wala siyang mga personal na plano o agenda at hindi siya kumikilos ayon sa sarili niyang kalooban. Sa lahat ng bagay, nagpasakop siya sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Pero kung titingnan natin ang ating sarili, bagama’t nananampalataya tayo sa Diyos, hindi tayo tunay na naniniwala sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Palagi nating gustong umasa sa sarili nating mga pagsisikap para baguhin ang ating tadhana, at bilang resulta, namumuhay tayo sa pagdurusa at pagkapagod. Panay ang tango ko habang nakikinig sa pakikipagbahaginan ng sister. Naisip ko kung paanong bago ako nanampalataya sa Diyos, palagi kong gustong umasa sa sarili kong mga pagsisikap at sumubsob sa pagtatrabaho para yumaman. Pero sa huli, hindi na nga ako yumaman, nagkaroon pa ako ng maraming utang. Ngayon, gusto kong umasa sa aking mga kasanayan sa pananahi para makapagtrabaho nang mas marami at kumita ng pera. Gusto kong ibalik ang dati kong marangyang pamumuhay, kaya nagtrabaho ako ng lampas sa oras at ginawa ang lahat ng makakaya ko para kumita ng pera, pero nauwi lang sa pagpapakapagod at pagkakasakit ko, at ang perang kinita ko ay halos naubos lang sa mga gastusing medikal. Ang aking tadhana ay isang bagay na hindi ko kayang planuhin o kalkulahin para sa aking sarili. Hindi ko makukuha ang kasikatan at pakinabang na ninanais ko sa pamamagitan lang ng pagtatrabaho nang husto, dahil ang lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ngayong nananampalataya na ako sa Diyos, kung hindi pa rin ako maniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at patuloy akong aasa sa sarili kong mga pagsisikap para subukang baguhin ang aking tadhana, kung gayon ay magiging katulad lang ako ng isang walang pananampalataya. Ako ay magiging isang hindi mananampalataya. Nang maunawaan ito, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, naging napakamapaghimagsik ko. Handa akong ipagkatiwala ang lahat sa Iyong mga kamay.” Pagkatapos niyon, regular na akong dumalo sa mga pagtitipon at ginawa ang mga tungkulin ko sa abot ng aking makakaya.

Isang araw, sa panahon ng aking mga debosyonal, nakinig ako sa isang himno ng mga salita ng Diyos, na pinamagatang “Napapabuntong-hininga ang Diyos sa Kinabukasan ng Sangkatauhan”:

1  Sa kalawakan ng mundo, ang mga karagatan ay nagiging mga kabukiran, at ang mga kabukiran ay nagiging mga karagatan, nang napakaraming beses. Maliban sa Kanya na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay sa gitna ng lahat ng bagay, walang sinuman ang may kakayahang umakay at gumabay sa sangkatauhang ito. Walang sinumang “makapangyarihang tao” ang magpapakapagod o maghahanda para sa sangkatauhang ito, lalo nang walang sinumang makakaakay sa sangkatauhang ito na kumilos tungo sa hantungan ng liwanag at lumaya sa mga kawalan ng katarungan ng mundo ng tao. Naghihinagpis ang Diyos sa kinabukasan ng sangkatauhan, nagdadalamhati Siya sa pagbagsak ng sangkatauhan, at nasasaktan Siya na unti-unting naglalakad ang sangkatauhan patungo sa pagkabulok at sa landas na wala nang balikan. Wala pang sinumang nag-iisip tungkol dito: Saan maaaring tumungo ang gayong sangkatauhan, na yaong lubusang dumurog sa puso ng Diyos at tumalikod sa Kanya para hanapin ang masama?

2  Ito mismo ang dahilan kung bakit walang sumusubok na damhin ang poot ng Diyos, kung bakit walang naghahanap sa daang nakakalugod sa Diyos o sumusubok na mapalapit sa Diyos, at lalong higit na walang sinuman ang nagtatangkang unawain ang pagdadalamhati at pasakit ng Diyos. Kahit matapos marinig ang tinig ng Diyos, ang tao ay nagpapatuloy sa sarili nitong landas, patuloy na tinatalikuran ang Diyos, umiiwas sa biyaya at kalinga ng Diyos, at lumalayo sa katotohanan ng Diyos, mas ginugustong ibenta ang sarili nito kay Satanas, ang kaaway ng Diyos. At sino na ang nakapag-isip, kapag ipinilit ng tao ang katigasan ng kanyang ulo, kung paano tatratuhin ng Diyos ang sangkatauhang ito na labis na nagbabalewala sa Kanya?

3  Walang nakakaalam na ang dahilan ng paulit-ulit na mga paalaala at panghihikayat ng Diyos sa tao ay dahil inihanda na Niya sa Kanyang mga kamay ang mga kalamidad na wala pang katulad, mga kalamidad na hindi kakayanin ng katawan at kaluluwa ng tao, hindi lamang isang kaparusahan sa katawan, kundi mga kaparusahan na pumupuntirya sa kaluluwa ng tao. Kailangan mong malaman ito: Anong klase ng galit ang pakakawalan ng Diyos kapag hindi natupad ang plano Niya, at kapag hindi nasuklian ang Kanyang mga paalaala at panghihikayat? Isang bagay ito na hindi pa nararanasan o nalalaman ng sinumang nilikha. Kaya sinasabi Ko, ang mga kalamidad na ito ay wala pang katulad, at hindi na mauulit kailanman. Sapagkat ang plano ng Diyos ay minsan lamang likhain ang sangkatauhan, at minsan lamang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang unang pagkakataon, at ito rin ang huli. Samakatwid, walang makakaunawa sa mga masidhing layunin at taimtim na pag-aasam ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pagkakataong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao

Habang pinag-iisipan ko nang mabuti ang mga liriko, naramdaman kong nananaghoy ang Diyos para sa kinabukasan at hantungan ng sangkatauhan, at kasabay nito, patuloy na nagpapaalala at nanghihikayat sa sangkatauhan. Umaasa Siyang lalapit ang mga tao sa Kanyang harapan at tatanggapin ang Kanyang pagliligtas. Ang mga salitang ito ay taos-pusong mga pagpapahayag ng Diyos, at bawat salita ay totoo at tunay. Hindi ko na puwedeng iwasan at tanggihan ang pagliligtas ng Diyos. Naisip ko kung paanong pagkatapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, nalaman ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao, at sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa Diyos at pagsamba sa Kanya maaaring mamuhay nang may kabuluhan ang isang tao. Pero para mamuhay nang marangya at makamit ang paghanga ng iba, ibinuhos ko ang buong puso ko sa aking trabaho. Itinuring kong isang pasanin ang mga pagtitipon, at palayo nang palayo ang relasyon ko sa Diyos. Kung hindi dumating sa akin ang sakit, nakalubog pa rin sana ako sa kumunoy ng paghahabol sa pera, hindi makaahon. Sa pag-iisip nito, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, nais kong magsisi at makalaya mula sa pagkakagapos ng pera, pero wala akong kapangyarihang palayain ang sarili ko. Pakiusap, gabayan Mo ako.” Pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kailangan mong mahigpit na magbigay-atensyon! Yaong matatalino ay dapat madaliang gumising! Bitawan ang anumang bagay na hindi mo handang talikuran. Muli Kong sinasabi sa iyo na ang mga bagay na ito ay talagang nakasasama sa iyong buhay, at walang kapakinabangan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 14). Ipinatanto sa akin ng mga salita ng Diyos na ang paghahangad ng kayamanan, kasikatan, at pakinabang ay hahantong sa pagkawasak ng aking buhay. Katulad ng asawa ni Lot, noong wawasakin na ng Diyos ang Sodoma, hindi niya mabitawan ang kanyang mga ari-arian at nagpumilit siyang lumingon, at bilang resulta, naging haliging asin siya. Kung sa mga agarang pakinabang lang ako tututok, at hindi hahangarin ang katotohanan o maghahanap ng pagbabago ng disposisyon, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, mapapalampas ko ang pagkakataong maligtas. Sa pag-unawa sa pagmamahal ng Diyos at sa Kanyang mga apurahang layunin na iligtas ang mga tao, nagpasya akong dumalo sa mga pagtitipon nang mas madalas at kumain at uminom ng mas marami sa mga salita ng Diyos. Kalaunan, dumalo ako nang madalas sa mga pagtitipon kasama ang mga kapatid para makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos. Bawat araw ay nakakaramdam ako ng labis na kasiyahan, at mabilis ding nakabawi ang kalusugan ko.

Pagkalipas ng isang buwan, medyo bumuti ang sakit ko. Isang araw, umuwi ako sa bahay ng mga magulang ko, at ang tiyahin ko, na dati ay masayang bumabati sa akin mula sa malayo, ay umiwas ng tingin at hindi niya ako pinansin nang makita niya ako. Ang nakababata kong kapatid, na dati ay naglalabas ng sama ng loob at nagtatapat sa akin, ay hindi na nagtatapat sa akin pagkatapos maghirap ang pamilya ko. Nagbitaw pa nga siya ng ilang mapanuyang komento tungkol sa akin, sinasadya man o hindi. Nag-iwan ito sa akin ng hindi magandang pakiramdam. Dati, saanman ako magpunta, hinahangaan ako, pero ngayong wala na akong pera, minamaliit ako ng tiyahin ko, at kahit ang nakababata kong kapatid ay hindi na ako sineseryoso. Parang mas mabuting magkaroon ng pera—kapag mayroon kang pera, saka ka lang seseryosohin ng ibang tao. Kaya bumalik ako sa pagtatrabaho sa pabrika ng damit. Noong una, nakakadalo pa ako nang regular sa mga pagtitipon, pero kalaunan, nang mapagtanto kong mas mababa ang sahod ko kaysa sa mga kasamahan ko, nagsimula akong mag-isip-isip kung paano ko mapabubuti ang bilis ko sa pananahi at paano ako kikita ng mas maraming pera. Ang puso ko ay ganap na naging abala sa trabaho. Noong panahong iyon, iniraraos ko lang ang mga pagtitipon, at sa sandaling matapos ang mga pagtitipon, agad akong nagmamadali papunta sa pabrika. Sa pabrika, walang kapaguran kong inaapakan ang pedal ng makinang panahi. Sa ganoon lang, bumalik ako sa dati kong paraan ng pamumuhay, at tulad ng isang makina, walang tigil akong nagtrabaho para kumita ng pera araw-araw. Wala akong oras para kumain o uminom ng mga salita ng Diyos, at lumayo nang lumayo sa Diyos ang puso ko. Minsan, nakokonsensiya ako, iniisip na, “Bakit hindi ko mabitawan ang pera? Bakit napakasinungaling ko sa harap ng Diyos at bakit palagi kong binabawi ang salita ko?” Kinamuhian ko ang sarili ko, at gusto ko na lang sampalin ang sarili kong mukha. Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, gusto kong wastong dumalo sa mga pagtitipon at kumain at uminom ng Iyong mga salita, pero hindi ko mabitawan ang pagnanais kong kumita ng pera. Pakiusap, akayin Mo ako palabas sa bitag ng pera.”

Isang araw sa isang pagtitipon, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa ugat ng aking paghahangad ng pera. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pilosopiya ni Satanas ang ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo.’ Napakalaganap nito sa gitna ng mga tao, sa bawat lipunan; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng tahimik na pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? … Ginagamit ni Satanas ang pera para akitin ang mga tao, at ginagawa niyang tiwali silang lahat para sumamba sa pera at mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa pera? Hindi ba’t iniisip ninyo na sa mundong ito ay hindi kayo mabubuhay kung walang pera, at na hindi ninyo kakayanin kahit isang araw kung walang pera? Kung gaano karaming pera mayroon ang mga tao ang nagtatakda kung gaano kataas ang kanilang katayuan, at kung gaano sila kagalang-galang. Nararamdaman ng mahihirap na hindi nila kayang magtaas-noo, samantalang ang mayayaman ay may mataas na katayuan, taas-noo, at kayang magsalita nang malakas at mamuhay sa paraang mapagmataas at walang pagpipigil. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na handa ang maraming tao na gumawa ng anumang sakripisyo para kumita ng pera? Hindi ba’t ang maraming tao ay nawawalan ng kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming pera? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gawin ang kanilang tungkulin at sumunod sa Diyos para lamang sa pera? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao? Gamit lang ang pamamaraang ito at ang kasabihang ito, ginagawang tiwali ni Satanas ang tao hanggang sa gayong antas. Hindi ba’t masama ang intensyon ni Satanas? Hindi ba’t isa itong mapaminsalang panlalansi? Habang nagiging popular ang kasabihang ito, mula sa hindi mo pagsang-ayon dito ay hahantong ka sa wakas sa paniniwalang ito ang katotohanan, at sa puntong iyon, ang puso mo ay ganap nang nahulog sa mga kamay ni Satanas, at samakatwid, hindi mo namamalayang namumuhay ka na ayon sa kasabihan. Gaano ka naapektuhan ng kasabihang ito? Maaaring alam mo ang tunay na daan, at maaari ring alam mo ang katotohanan, subalit wala kang lakas na hangarin ito. Posibleng malinaw na alam mo na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ka handang magbayad ng halaga, o magdusa upang makamtan ang katotohanan. Sa halip, mas gugustuhin mong isakripisyo ang iyong sariling kinabukasan upang labanan ang Diyos hanggang sa pinakahuli. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang ginagawa ng Diyos, gaano man kalalim at kadakila ang pagmamahal ng Diyos sa iyo, sa abot ng makakaya mong maunawaan ito, mapagmatigas mo pa ring ipipilit na igugol ang iyong sarili dahil sa kasabihang ito. Ibig sabihin, nalihis at nakontrol na ng kasabihang ito ang iyong mga iniisip, napamahalaan na nito ang iyong pag-uugali, at mas gusto mo pang hayaan itong pagharian ang iyong kapalaran kaysa bitiwan mo ang iyong paghahangad sa kayamanan. Na kaya mong kumilos nang ganoon, na kaya kang kontrolin at manipulahin ng mga salita ni Satanas—hindi ba’t ibig sabihin nito ay nailigaw at nagawa ka nang tiwali ni Satanas? Hindi ba’t nangangahulugan ito na ang pilosopiya at mga kaisipan ni Satanas, at ang disposisyon ni Satanas, ay nag-ugat na sa puso mo? Kapag ang buong atensyon mo ay nasa paghahangad na yumaman, at tinalikdan mo ang paghahangad ng katotohanan, hindi ba’t nagtagumpay na si Satanas sa pakay nitong iligaw ka?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). “Sa katunayan, gaano man kaengrande ang mga adhikain ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng gustong matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay hindi mapaghihiwalay na nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa bawat tao sa buong buhay nila, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Gumagamit si Satanas ng isang napakabanayad na paraan, isang paraan na lubos na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at na hindi masyadong agresibo, para magdulot sa mga tao na tanggapin nila nang hindi nila namamalayan ang mga paraan at batas nito ng pananatiling buhay, makagawa ng mga layon sa buhay at direksyon sa buhay, at magtaglay ng mga adhikain sa buhay. Gaano man tila katayog pakinggan ang mga paglalarawan ng mga tao sa kanilang mga adhikain sa buhay, ang mga adhikain na ito ay palaging umiikot lamang sa kasikatan at pakinabang. Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na sila para maghangad ng kasiyahan at makibahagi sa walang-pakundangang pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay masaya at di-namamalayang ibinibigay kay Satanas ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ginagawa nila ito nang walang reserbasyon, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at hindi kailanman nalalaman na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa putikang ito, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Pagkatapos ay nagbahagi ang isang sister, “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan, pakinabang, at pera para gawing tiwali at igapos ang mga tao. Ang mga lason tulad ng ‘Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa,’ ‘Kapag may pera ka, nasa iyo na ang lahat,’ at ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo,’ at iba pa, ay naging laganap na kalakaran sa lipunan ngayon at mga panuntunang ipinamumuhay ng mga tao. Naniniwala ang mga tao na habang mas marami kang pera, mas mataas ang iyong katayuan, at mas maluwalhati ang buhay mo. Para makamit ang layong ito, handang gawin ng mga tao ang lahat para kumita ng pera, at nahuhulog sila sa bitag ni Satanas. Nagiging mahigpit na kontrolado sila ni Satanas sa kapwa katawan at isipan, at wala na silang oras at lakas para hangarin ang katotohanan o sambahin ang Diyos, at lalo silang napapalayo sa Diyos.” Pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng sister, napagtanto kong ganoon din ako. Palagi kong pinangarap na maging isang mayamang tao at mamuhay nang nakahihigit sa iba, at inakala ko na ito ang ibig sabihin ng isang masayang buhay. Para makamit ito, sumubsob ako sa pagtatrabaho para kumita ng pera, at ibinuhos ko ang lahat ng lakas ko rito. Kahit noong buntis ako, lampas sa oras ako magtrabaho. Kalaunan, isang hindi inaasahang alitan sa pananalapi ang nangyari. Nasentensiyahan ang asawa ko na makulong, nagkautang ang aming pamilya, at biglang bumaligtad ang buhay ko. Natakot akong maliitin ako ng iba kung makikita nila ang pagbagsak ko, kaya lalo pa akong sumubsob sa pagtatrabaho para kumita ng pera. Matapos kong manampalataya sa Diyos, alam na alam ko na nagkatawang-tao ang Diyos para ipahayag ang katotohanan upang iligtas ang mga tao sa mga huling araw, na ito ay isang pagkakataong minsan lang sa sanlibong taon, at dapat akong dumalo sa mas maraming pagtitipon at kumain at uminom ng mas marami sa mga salita ng Diyos, para mas marami akong maunawaang katotohanan. Pero ang puso ko ay puno ng pagnanais para sa pera, kasikatan, at pakinabang, at inisip kong makakaapekto sa abilidad kong kumita ng pera ang pagdalo sa mga pagtitipon, kaya palagi kong pinipiling dumalo sa mas kaunting pagtitipon, o kung minsan ay hindi na dumadalo. Sa panahon na hindi kasagsagan, kapag hindi abala ang pabrika at pansamantalang nakasara, nagtatrabaho ako sa ibang pabrika, at kahit na pinagod ko ang sarili ko hanggang sa magkasakit ako, tumanggi akong magbago. Ginagamit ni Satanas ang pera, kasikatan, at pakinabang para igapos ako nang mahigpit, ikinukulong ako sa kanilang kumunoy, kung saan hindi ako makaahon. Pinahalagahan ko ang paghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang nang higit pa sa paghahangad ng katotohanan, at mas mahalaga pa kaysa sa buhay mismo. Kung magpapatuloy ako sa landas na ito nang hindi nagbabago, sa huli ay mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas. Noon ko lang malinaw na nakita ang masasamang intensyon ni Satanas na gawing tiwali ang mga tao gamit ang pera, kasikatan, at pakinabang. At naunawaan ko na biyaya ng Diyos ang pagkakaroon ko ng kasanayan sa pananahi, para patuloy akong makapamuhay sa mundo at matustusan ang sarili ko, pero hindi ito para gamitin ko ang kasanayang iyon upang matugunan ang aking mga ambisyon at pagnanais para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang pagiging kontento sa pagkakaroon ng sapat na makakain at maisusuot ay mas nagpapagaan sa buhay, at nag-iiwan ng sapat na oras para sa pagsamba sa Diyos. Matapos kong maunawaan ang mga bagay na ito, ayaw ko nang sumubsob sa pagtatrabaho at maloko at mapinsala ni Satanas, at naging handa akong wastong dumalo sa mga pagtitipon at hangarin ang katotohanan.

Pagkatapos, nagnilay-nilay din ako, “Talaga bang matatamo ko ang kasikatan at pakinabang na ninanais ko sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang husto?” Naalala kong sinabi ng Diyos: “Anuman ang iyong maaaring pinagmulan, at anumang paglalakbay ang maaaring nasa iyong harapan, walang makakatakas sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang makakakontrol sa sarili nilang kapalaran, dahil Siya lamang na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ang may kakayahan sa gayong gawain(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Ang tadhana ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi ito mababago sa pamamagitan ng sariling pagsisikap. Ang uri ng buhay na ipinamumuhay ko, maluwalhati at prestihiyoso man o dukha at pangkaraniwan, ay hindi isang bagay na kaya kong pagpasyahan, at dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Tanging sa paghahangad ng katotohanan, at pagwawaksi sa aking satanikong tiwaling disposisyon, magiging isang tao akong sinasang-ayunan ng Diyos. Ang ganoong buhay lamang ang may halaga at makabuluhan. Pagkatapos, hindi na ako gaanong sumubsob sa pagtatrabaho para kumita ng pera, at regular na akong nakadalo sa mga pagtitipon at nakakain at nakainom ng mga salita ng Diyos.

Noong 2020, sinabi ng lider ng iglesia na maraming baguhan ang napagbalik-loob, at tinanong niya ako kung handa akong diligan sila. Naisip ko, “Kung didiligan ko ang mga baguhan, wala na akong oras para magtrabaho at kumita ng pera. Ano na ang gagawin ko kapag naubos na ang pera ko? Ang pagbabalik sa dati kong maluwalhating mga araw ay mas lalong pang imposible. Pero isa rin itong kritikal na sandali para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at kung walang magdidilig sa kanila, ang mga baguhang ito na hindi nakauunawa sa katotohanan ay maaaring agawin ni Satanas anumang oras.” Naisip ko kung paanong noong una kong natagpuan ang Diyos at wala akong nauunawaan, kung hindi naglaan ng oras at lakas ang mga kapatid para diligan at suportahan ako sa tamang panahon, hindi ako magiging tiyak sa tunay na Diyos, ni hindi ko matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Kaya ngayon na dumating sa akin ang tungkuling ito, kung tatanggi ako, hindi ba’t lubos akong walang konsensiya? Pagkatapos ay nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat hangarin ng lahat ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan sa kanilang kasalukuyang mga kalagayan. Dapat nilang maisabuhay ang wangis ni Pedro, at dapat nilang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat nilang hangarin ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat nilang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may halaga at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang sila magiging katulad kay Pedro. Dapat kang tumuon sa kusang pagpasok sa positibong panig, at hindi ka dapat maging pasibo at hayaan ang iyong sarili na umurong dahil kontento ka sa pansamantalang ginhawa, habang kasabay nito ay binabalewala ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng lahat ng posibleng paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa dekadente at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan at halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi maaabot at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong uri ng determinasyon at pagtitiyaga, at hindi dapat maging mahina na walang gulugod. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos? Maaari bang mahalin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng determinasyon at ng konsensiya na katulad ng kay Pedro; dapat kang mamuhay ng makabuluhang buhay, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong isaalang-alang at harapin ang buhay mo nang maingat—isinasaalang-alang kung paano mo dapat ialay ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananalig sa Diyos, at dahil sa iniibig mo ang Diyos, paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na upang mamuhay nang makabuluhan, dapat hangarin ng isang tao ang katotohanan tulad ni Pedro, na namumuhay para lamang sa paghahangad na mahalin ang Diyos, at tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, at sa ganitong paraan lamang matatanggap ng isang tao ang pagsang-ayon ng Diyos. Pero ginugol ko ang kalahati ng buhay ko sa paghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang. Nagtrabaho ako nang husto para mamuhay ng buhay-mayaman at makuha ang paghanga ng mga tao, pero sa huli, nawala lahat ng pera ng pamilya namin, nauwi sa pagkakautang sa iba, at nagkasakit ako dahil sa sobrang pagod. Bagama’t nakamit ko ang kasikatan at pakinabang, natanggap ang paghanga at papuri ng mga tao, at nasiyahan ang aking banidad, hindi napunan ng mababaw na mga bagay na ito ang kahungkagan sa puso ko. Sa ganitong paraan, nagapos ako ng kasikatan at pakinabang, nag-aaksaya ng oras, at sa huli, wala akong napala. Mula nang manampalataya ako sa Diyos, namuhay ako ng buhay iglesia at nakipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos kasama ang mga kapatid, naunawaan ko ang ilang katotohanan, at nagkamit ng kapanatagan, kapayapaan, at masasandigan ang puso ko. Lalo na noong ginagawa ko ang aking tungkulin, madalas kong napapatahimik ang sarili ko sa harap ng Diyos, nakapagbabasa ng Kanyang mga salita, at nakatatanggap ng kaliwanagan at patnubay ng Kanyang mga salita, at nakaramdam ako ng malaking kagalakan sa aking puso. Kapag nagbubunyag ako ng mga tiwaling kalagayan o nahaharap sa mga suliranin at problema habang ginagawa ang aking tungkulin, sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan at pakikipagbahaginan sa mga kapatid, nagkakamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga tiwaling disposisyon at nakahahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa. Naramdaman kong mabilis ang aking paglago sa buhay, at napagtanto ko na tanging sa paggawa ng aking tungkulin ko mauunawaan ang mas maraming katotohanan. Ngayon, nagsimula na ang malalaking kalamidad at ang mga ito ay nasa harap mismo ng ating mga mata. Kung hindi ko pa rin susunggaban ang oras para hangarin ang katotohanan, kung gayon, sa mga pagsubok sa hinaharap, kung walang mga salita ng Diyos bilang aking pundasyon, malamang na magrereklamo ako, at marahil ay lalabanan ko pa nga ang Diyos, at kaya mawawala ang pagkakataon kong maligtas. Pagkatapos ay mapupunta ako sa sakuna, tumatangis at nagngangalit ng mga ngipin. Nang maisip ko ito, nagpasya akong huminto sa aking trabaho, at gawin nang maayos ang aking tungkulin at hangarin ang katotohanan. Kinabukasan, sinabi ko sa lider na handa akong diligan ang mga baguhan. Kalaunan, nagbukas din ang Diyos ng isang daan para sa akin. Nakita ng biyenan kong babae na hindi maganda ang kalusugan ko at sinabihan akong ingatan ang aking kalusugan at huwag mag-alala sa mga utang ng pamilya, dahil siya, ang biyenan kong lalaki, at ang hipag ko na ang bahala sa mga ito. Ginamit ko ang perang kinita ko sa pagtatrabaho para bayaran ang sangla, at nababayaran ko ito sa tamang oras bawat buwan. Alam kong ito ang pagmamahal ng Diyos. Salamat sa Diyos sa pagliligtas sa akin mula sa kapangyarihan ni Satanas. Handa akong gawin nang wasto ang aking mga tungkulin sa mga darating na araw, at hangarin ang katotohanan upang makamit ang pagbabago ng disposisyon para masuklian ang pagmamahal ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman