Mga Araw ng Pang-aabuso at Pagpapahirap

Disyembre 11, 2024

Ni Chen Xinjie, Tsina

Isang araw bandang alas-onse ng umaga noong tag-araw ng 2006, nasa bahay ako ng host ko at nakikinig sa ilang himno ng mga salita ng Diyos nang biglang pumasok ang mga pulis sa kwarto, at dinala ako, ang host kong si Sister Zhao Guilan, at ang kanyang anim na taong gulang na anak na babae sa istasyon ng pulis.

Pagpasok pa lang namin sa istasyon, sapilitang hinubad ng ilang pulis na babae ang aming mga kasuotan. Nang wala nang matira maliban sa panloob ko, natural kong sinubukang umiwas sa kanila para wala na silang matanggal pa. Isang babaeng pulis ang lumusob, hinubad ang lahat ng damit kong panloob, napakaingat itong pinisil-pisil, at pagkatapos ay pinunit ito sa kanyang pag-iinspeksyon. Matapos ang kanilang pag-iinspeksyon ng buong katawan namin, dinala nila kami sa isang opisina. Doon, binubuklat ng mga pulis ang isang maliit na kuwaderno na nakita nila sa akin. Nang makitang maraming numero ng telepono ang nakasulat dito, naisip nila na malamang isa akong lider, kaya sinabi nila na iuulat nila ang kaso ko hanggang sa Provincial Public Security Office. Tinanong ako ng isang pinuno ng seksyon na nagngangalang Zhu, “Kailan ka nagsimulang manalig sa Makapangyarihang Diyos? Ano ang papel mo sa iglesia?” Hindi ako umimik, kaya galit niya akomg hinawakan sa panga at inangat ang ulo ko—napakariin siyang nakadakma kaya ni hindi ako makagalaw. Ngumiti siya nang malaswa at sinabing, “Hindi ka naman pangit, at maganda at bata ka pa. Pwede mong gawin ang kahit ano, pero ang gusto mo ay manalig sa Diyos!” Nasa gilid na nakangisi ang iba pang mga pulis doon. Nasuklam ako at nagalit. Iniisip ko, “Anong klaseng ‘Pulisya ng Bayan’ ito? Sila ay isang grupo ng mga maton, mga hayop!” Paulit-ulit akong tinanong ni Chief Zhu tungkol sa personal kong impormasyon at kung sino ang lider ng iglesia. Nang wala akong sabihin sa kanila, sinimulan akong hampasin nang napakalakas ng isa sa mga pulis. Nahihilo ako at nanlalabo na ang paningin ko sa pambubugbog; paulit-ulit akong bumabagsak, at paulit-ulit naman niya akong hinihila patayo para ipagpatuloy ang paghampas sa akin. Habang ginagawa iyon, bulyaw niya, “Matagal nang iniutos ng Pamahalaang Sentral na hindi krimen ang pagpatay sa inyo, hindi isyu kung bugbugin ka man namin hanggang mamatay ka! Kung mamamatay ka, pwede ka naming dalhin na lang sa mga burol at ilibing ka roon. Walang makakaalam!” Nang makita ko kung gaano siya kabangis at kasamang tingnan, nasindak ako at nanghilakbot—natakot ako na talagang bubugbugin nila ako hanggang mamatay. Walang tigil akong tumatawag sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na bantayan ang aking puso. Sa puntong iyon ay may sumagi sa isip ko mula sa mga salita ng Diyos: “Yaong mga nasa kapangyarihan ay maaaring mukhang masama sa tingin, ngunit huwag kayong matakot, sapagkat ito ay dahil maliit ang inyong pananampalataya. Hangga’t lumalago ang inyong pananampalataya, walang magiging napakahirap(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 75). Totoong-totoo iyon. Ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, kaya gaano man kalupit at kabangis ang mga pulis, nasa mga kamay rin sila ng Diyos. Kung hindi pahihintulutan ng Diyos na mamatay ako, kahit si Satanas ay hindi maaaring kunin ang buhay ko. Kahit pa talagang bugbugin ako ng mga pulis hanggang sa mamatay ako, nasa mga kamay pa rin ng Diyos ang kaluluwa ko. Binigyan ako ng pananalig at lakas ng mga salita ng Diyos, at nagawa kong unti-unting kumalma.

Nang mabigong makuha ang sagot na gusto niya, galit na bumulyaw si Chief Zhu, “Nakikita kong mas gusto mo yatang mahirapan. Pipilitin kong ibuka iyang bibig mo ngayon. Walang nakakalampas sa akin—ibinitin ko ang dalawa pang tao hanggang sa mamatay sila nito lang nakaraang dalawang araw.” Pagkatapos ay lumapit ang dalawang pulis, pinosasan ang mga kamay ko, at ibinitin ako mula sa isang bakal na tarangkahan habang nakalawit sa lupa ang mga paa ko, at nakasalalay sa mga pupulsuhan ko ang buong bigat ng katawan ko. Kinaladkad nila palapit si Guilan pagkatapos niyon. Namamaga ang buong mukha niya dahil sa pagkakasuntok at gulong-gulo ang buhok niya. Ibinitin din siya ng mga pulis sa bakal na tarangkahan. Ngumisi nang masama si Chief Zhu nang makita niya sa mga hitsura namin na nasasaktan kami at sinabi niyang, “Magpakasaya kayo,” pagkatapos ay tumalikod siya at lumabas. Sa paglipas ng oras, lalong sumasakit ang pagdiin sa mga pupulsuhan ko dahil sa pagkakaposas nang ganoon at parang matatanggal na ang mga kasukasuan ng mga braso ko. Pinagpapawisan ang buong katawan ko dahil sa napakatinding sakit. Hindi nagtagal ay basang-basa na ang buong damit ko. Sa pagsisikap na maibsan ang sakit, ikinuyom ko ang mga kamao ko at ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para mailapat ko ang mga sakong ko sa mga rehas ng bakal na tarangkahan, pero paulit-ulit lang akong dumadausdos. Kumakabog ang puso ko at nahihirapan akong huminga. Para akong malalagutan na ng hininga. Nakakatakot para sa akin na isipin ang sinabi ni Chief Zhu na ibinitin niya ang dalawang tao hanggang mamatay ang mga ito sa nakaraang dalawang araw; nag-alala ako na talagang mamamatay na ako roon. Patuloy akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, halos hindi ko na kaya ito. Hindi ko na kayang magtagal pa—pakiusap iligtas Mo po ako….” Pagkatapos ng panalangin ko, naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Hangaring Mahalin ang Diyos Kahit Gaano Kalaki ang Iyong Pagdurusa.” Sabi ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Kaagad akong binigyan ng pananalig at lakas ng mga salita ng Diyos. Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay at kamatayan ko, at hindi ako mamamatay hangga’t hindi ito pinahihintulutan ng Diyos. At kahit isang hininga na lang ang natitira sa akin, kailangan kong maging tapat sa Diyos at manindigan sa aking patotoo para sa Kanya. At kaya, patuloy akong nagdasal at sumandal sa Diyos, at bago ko pa namalayan, unti-unti akong napakalma at nabawasan ang sakit na nararamdaman ko. Paglingon ko, nakita ko ang napakadeterminadong ekspresyon sa mukha ni Guilan, at tahimik akong nagpasalamat sa Diyos. Alam kong nakayanan naming umabot sa ganoon dahil sa lakas at pananalig na ibinigay sa amin ng Diyos.

Pinababa kami ng mga pulis bandang alas-4 ng madaling araw. Namamanhid na ang mga kamay at paa namin, walang anumang pandama, kaya bumagsak na lang kami sa sahig, halos wala nang buhay. Nang makita ang sakit na nararanasan namin, tinanong ako ni Chief Zhu, na labis na nasisiyahan sa kanyang sarili, “Napag-isipan mo na ba? Hindi gaanong masarap sa pakiramdam na maibitin sa mga posas na iyon, hindi ba?” Hindi ko siya pinansin. Mukhang siguradong-sigurado siya sa sarili niya, sa pag-aakalang hindi ko matitiis ang pagpapahirap at na tiyak na pagtataksilan ko ang mga kapatid. Pero hindi niya alam na habang mas inuusig nila kami, mas malinaw kong nakikita kung gaano sila kasama at kasalbahe, mas malinaw kong nakikita na ang Partido Komunista ay isang demonyong lumalaban sa Diyos, at mas nagiging determinado ako sa aking pananalig na kailangan kong manindigan sa aking patotoo at ipahiya si Satanas. Ipinagpatuloy nila ang kanilang pagtatanong hanggang sa sumunod na hapon. Pagkatapos ay may tumawag kay Chief Zhu, at narinig kong sinabi niya, “Walang umuubra sa babaeng ito—hindi gantimpala o parusa. Ilang dekada na akong humahawak ng mga kaso, pero hindi pa ako nagkaroon ng ganito katigas!” Pagkatapos ng tawag, nagsimula siyang murahin ako, “Napakatigas ninyong mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos! Ayaw kong maniwala na hindi ko kayo kayang pagsalitain. Dadalhin namin kayo sa ibang lugar ngayon, hindi magiging madali para sa inyo roon. May mga paraan ako para pagsalitain kayo!” Pagkatapos niyon, pumasok siya at ang isa pang pulis sa katabing silid. Napakahina kong narinig na sinabi niya, “Dalhin mo siya sa hukay na may mga ahas at itapon mo siya roon nang nakahubad. Iyan ang makapagpapasalita sa kanya!” Nagulat ako nang marinig ko ang mga salitang “hukay na may mga ahas,” takot na takot ako. Kinikilabutan ang buong katawan ko sa pag-iisip ng mga ahas na gumagapang kung saan-saan, kaya mabilis akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas ng loob para hindi ako maging isang Hudas at ipagkanulo Siya, kahit pa itapon nga nila ako sa hukay na may mga ahas. Pagkatapos manalangin, naalala ko si Daniel na itinapon sa yungib ng mga leon; hindi siya kinagat ng mga ito, dahil hindi ito pinahintulutan ng Diyos. Hindi ba’t ganap din akong nasa mga kamay ng Diyos? Unti-unti akong kumalma nang maisip ko ito. Mayamaya pa, may tumawag kay Chief Zhu, sinabi niyang mayroon siyang apurahang kaso na kailangang asikasuhin, at pagkatapos ay nagmamadali siyang umalis kasama ang isa pang pulis na nakasunod. Sa sandaling nakaalis na siya, nakatanggap naman ng tawag mula sa kanyang pamilya ang pulis na naiwang nagbabantay sa akin, na nagsasabing may nangyari sa kanyang anak na lalaki, at nasa kritikal na kondisyon ito. Ipinosas niya ako sa bakal na upuan at saka nagmamadaling umalis. Alam ko nang walang pagdududa na dininig ng Diyos ang panalangin ko at nagbukas Siya ng daan para makalabas ako. Umusal ako ng isa pang panalangin: “Diyos ko, nakita ko po ang Iyong mga kamangha-manghang gawa, at pinasasalamatan Kita!”

Nang makita na walang ibinungang resulta ang interogasyon, galit na galit ang pulis kaya ayaw niya akong patulugin. Inaantok na talaga ako, pero sa sandaling ipikit ko ang mga mata ko, hinahawakan ng isang pulis ang mga balikat ko at itinutulak ito nang malakas, habang sumisigaw na, “Gusto mong matulog? Gusto mong matulog?” Paulit-ulit nila akong tinakot nang ganoon at hindi nila ako pinayagang makatulog. Pinahirapan ako ng mga pulis sa loob ng apat na araw at apat na gabi, at pinagbawalan ako ng anumang pagkain, tubig, o pagtulog. Labis akong nanghina dahil sa pagpapahirap, nagkaroon ako ng sumusundot na mga pananakit sa tiyan ko, hirap akong huminga, at hapong-hapo ang katawan ko. Pero gaano man nila ako pinagtatanong, wala akong sinabi sa kanila. Nang makita ni Chief Zhu na walang gumagana sa mga pamamaraan nila, ibinalibag nito ang pinto at galit na umalis. Nang bumalik siya, may bitbit siyang tatlo o apat na pirasong papel na puno ng sulat. Inihampas niya ang mga ito sa isang mesa at inutusan akong pirmahan ang pag-amin at mag-iwan ng tatak ng hinlalaki ko. Sabi ko, “Wala akong sinabi alinman sa mga ito, kaya hindi ako pipirma.” Sumenyas siya sa iba pang mga pulis, at sumugod ang ilan sa kanila, hinila ng ilan ang mga braso ko, at ang ilan ay pinisil nang mahigpit ang mga pupulsuhan ko, na nagpabuka ng aking mga kamao, at pagkatapos ay ipinuwersa nila ang buong tatak ng palad ko sa pekeng pag-amin na iyon. Kinuha ito ni Chief Zhu at lubos na nasisiyahang sinabi, “Humph! Sinusubukan mo pa ring kontrahin ako? Sa tingin mo makakatakas ka nang hindi nagsasabi ng kahit ano? Pwede pa rin kitang pahatulan at pasentensyahan nang walo hanggang sampung taon!”

Nang gabing iyon, dinala ako ng mga pulis sa isang abandonadong pabrika at inutusan akong hubarin ang sapatos at medyas ko, kaya naiwan akong nakayapak. Pagkatapos ay may dalawang tumayo sa tabi ko, bawat isa ay may hawak na braso, at dinala ako sa isang madilim na pasilyo na lalong dumidilim habang papalayo ang nararating namin. Tumitindig ang balahibo ko. Dinala nila ako lampas sa tatlong bakal na mga pintuan at pagkatapos ay inihagis ako sa isang silid. Nakita ko ang isang lalaki sa isang sulok na nakatali ng mabibigat na tanikala, nakabuka ang mga kamay at paa niya, nakaunat, at umuungol siya nang mahina. Maraming ganoong makakapal na kadena ang nakasabit mula sa dingding, at may mga de-kuryenteng batuta at rehas na bakal. Pakiramdam ko ay nahulog ako sa impiyerno. Kinilabutan ako at pakiramdam ko ay siguradong mamamatay na ako roon sa pagkakataong ito. Paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos. Pagkatapos ay may pagbabantang sinabi ng isang pulis, “Kung bibilisan mo, may oras ka pa para magtapat. Magsasalita ka ba, o hindi?” Sabi ko, “Wala akong nilabag na anumang batas. Wala akong dapat ipagtapat.” Walang bahala siyang ngumisi, kumumpas, at pagkatapos ay lumukso patungo sa akin na parang mga lobo ang dalawa pang lalaking pulis, at mabilis akong itinulak padapa sa sahig. Galit na galit akong nagpumiglas, pero mariin silang nakaluhod sa mga hita ko at hinubad nila ang kamiseta at pantalon ko habang pilit akong lumalaban. Pinunit nila ang lahat ng damit ko, at sa huli ay iniwan akong nakadapa at nakahubad sa sahig. Pagkatapos niyon, lumuhod sila sa mga hita ko nang napakadiin at pinilipit nila ang mga braso ko sa aking likuran para hindi ako makagalaw. Kumuha ang isa pang pulis ng de-kuryenteng batuta at sinimulan akong pagkukuryentihin sa buong baywang, likod at puwitan ko. Iniwan akong namamaga at namamanhid sa bawat pagkakakuryente, at ang sakit ay parang tumatagos hanggang sa mga buto ko. Hindi ko mapigilan ang panginginig ng buong katawan ko at humahampas ang mga paa ko sa lupa. Habang mas nagpupumiglas ako, mas humihigpit ang hawak nila sa akin. Sinamantala ng isang pulis ang sitwasyon para hipuin ang puwet ko habang tumatawa na parang baliw, at nagsasabi ng ilang mahahalay na bagay. Bumulyaw ang isa pang pulis habang nangunguryente, “Magsasalita ka ba, o ano? Pustahan pa, kaya kitang pagsalitain!” Matapos akong kuryentihin nang lima o anim na beses, itinihaya nila ako, muli silang mariin na lumuhod sa mga hita ko, at patuloy akong kinuryente sa dibdib, tiyan, at singit. Nang kuryentihin nila ako sa gitnang bahagi ng katawan ko, pakiramdam ko ay hinahalo-halo ang tiyan at bituka ko—napakasakit nito. Nang kuryentihin ang dibdib ko, naramdaman kong kumirot ang puso ko at nahihirapan akong huminga. Pakiramdam ko ay may sandakot na matutulis na pako na bigla na lang ibinabaon sa laman ko nang kuryentihin nila ako sa singit, at nawalan ako ng hininga. Sadyang hindi kayang ilarawan ng mga salita ang ganoong uri ng sakit.

Nawalan ako ng malay pagkatapos niyon. Hindi ko alam kung gaano katagal ang lumipas bago nila ako sinabuyan ng malamig na tubig para gisingin ako, pagkatapos ay ipinagpatuloy nila ang pagkuryente sa akin. Ang isa sa mga opisyal ay kinurot pa nga ang mga utong ko, hinatak at pagkatapos ay idiniin ito nang malakas, at ginawa ito nang paulit-ulit sa loob ng apat o limang minuto. Pakiramdam ko ay parang matatanggal na ang mga utong ko—talagang matinding sakit ito. Kasabay niyon, kinukuryente ako sa dibdib ng isa pang pulis. Sa bawat pagkuryente, parang tinutuklap ang laman ng dibdib ko, at parang titigil na sa pagtibok ang puso ko. Pinagpapawisan ang buong katawan ko at hindi ko mapigilang manginig. Patuloy nila akong kinukuryente, pinaglalaruan, habang sinasabihan ng kasuklam-suklam na mga bagay. Pakiramdam ko ay para silang masasamang espiritu at demonyo sa impiyerno na dalubhasa sa pagpapahirap ng mga tao para sa sarili nilang libangan. Pagkaraan ng ilang sandali, sa sobrang sakit ay hindi ko na napigilan ang pantog ko, at nahimatay ako ulit. Lumipas ang ilang oras, hindi ko alam kung gaano katagal, bago nila ako ginising muli ng malamig na tubig at patuloy akong kinuryente sa dibdib, tiyan, at singit. Pakiramdam ko ay sinusunog ang aking laman sa lahat ng pangunguryenteng iyon. Sumigaw ang isang pulis habang kinukuryente ako, “Nasaan na ang Diyos mo ngayon? Papuntahin Mo siya rito para iligtas ka! Ako ang diyos mo!”

Paulit-ulit akong nahimatay dahil sa mga pagkuryente, at paulit-ulit nila akong sinabuyan ng tubig para gisingin ako. Sa huli, ni wala na akong lakas para magpumiglas o kumilos man lang. Nakahiga ako sa sahig na halos patay na, nakararamdam ng matinding kalungkutan, galit at sakit. Hindi ko alam kung hanggang kailan nila ako pahihirapan at aabusuhin. Talagang hindi ko na kaya at gusto ko nang kagatin ang sarili kong dila at patayin ang sarili ko para mas maagang makawala sa paghihirap na ito. Nang malapit na akong sumuko, naisip ko ang himnong ito: “Hindi kapani-paniwala ang pagwasak sa akin ni Satanas. Nakita ko na ang mukha ng diyablo. Hindi ko malilimutan ang labis-labis na poot. Pinakamainam nang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Ang Diyos ay nagkatawang-tao para lang iligtas ang tao, nagdurusa Siya ng paghihirap at kahihiyan. Labis kong natamasa ang pagmamahal ng Diyos, paano ako makapagpapahinga nang hindi ito sinusuklian? Bilang isang tao, kailangan kong bumangon at ibigay ang buhay ko sa pagsaksi sa Diyos. Maaaring magupo ang aking katawan, ngunit ang puso ko’y lumalakas. Magiging tapat ako sa Diyos hanggang kamatayan nang walang anumang panghihinayang. Magpapasakop ako maging hanggang kamatayan, kung mapapalugod ko ang Diyos kahit isang beses man lang.” Naisip ko kung paanong nagkatawang-tao ang Diyos at nagtiis ng matinding kahihiyan para lamang iligtas ang sangkatauhan, kung paanong ibinahagi Niya ang Kanyang mga salita para diligan at tustusan tayo. Napakalaking halaga ang binayaran ng Diyos para sa ating kapakanan, at palagi Siyang nariyan na gumagabay at nagpoprotekta sa akin mula noong inaresto ako. Natamasa ko ang labis na biyaya ng Diyos, pero ano ba ang nagawa ko para sa Kanya? Ang mga banal sa buong kapanahunan ay nagawang isakripisyo ang kanilang mga sarili at ibuhos ang kanilang sariling dugo, naging martir sila para sa Diyos, pero pagkatapos makaranas ng kaunting pagdurusa ay gusto ko nang takasan ito sa pamamagitan ng kamatayan. Napakaduwag ko! Paano ito naging pagpapatotoo sa Diyos? Hindi ba’t hinahayaan kong pagtawanan ako ni Satanas? Nang maisip ko ito, tahimik akong nanalangin, “Diyos ko, gaano man ako pahirapan ni Satanas, hinding-hindi ako susuko rito. Mabubuhay ako para sa Iyo.”

Paulit-ulit nila akong kinuryente pagkatapos niyon, at pinanatili kong nagngangalit ang mga ngipin ko at hindi ako gumawa ng ingay. Matapos akong mawalan ng malay sa huling beses dahil sa pagkuryente, natagpuan ko ang sarili ko na nakatayo sa isang lugar kung saan natatanaw ko ang isang bundok na hugis tuka ng agila sa hindi kalayuan, napapaligiran ng mga lantang puno, at tuyo at patay na kawayan, mga bulaklak, at damo. Tanging ang bundok lang ang kulay berde. Maraming tao na may tuyo at bitak na mga labi ang umaakyat patungo sa bundok at ang ilan ay namatay na sa daan dahil sa uhaw. Masyado na rin akong uhaw, at pagdating ko sa paanan ng bundok, narinig ko ang tunog ng tubig na nagmumula rito. Nagmadali akong akyatin ito at pagkatapos kong magsikap na makaakyat hanggang sa kalagitnaan, nagawa kong iangat ang ulo ko at inumin ang tubig na tumutulo mula sa tuka ng agila. Napakatamis ng lasa nito! Habang umiinom ako, may narinig akong kumakanta. Lumingon ako at nakita ko ang dalawang hanay ng mga tao na nakasuot ng puro puti at kumakanta ng isang himno; mukha silang mga anghel. Ito ang mga salita ng kinakanta nila: “Ang lubusang pananampalataya at pag-ibig ay hinihingi sa atin sa gawain ng mga huling araw. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng mga tao, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay mapagpasakop hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kumpleto na(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). Umaalingawngaw sa lambak ang tunog ng kanta—malinaw, malamyos at maganda ito. Nakasisiya at nakapagbibigay-sigla para sa akin na pakinggan ito. Pagkatapos, bigla akong nagising. Nananakit pa rin nang husto ang katawan ko, pero nakaramdam ako ng kapayapaan sa puso ko. Nakita ko ang isang pulis na nagpapahinga sa isang upuan, pagod na pagod at hinihingal. Sabi ng isa pang pulis, “Bilib na ako. Ang babaeng ito ay gawa sa bakal—walang makakapatay sa kanya.” Nag-alay ako ng pasasalamat at papuri sa Diyos nang marinig ko ito. Ang Diyos ang nagbibigay-liwanag at gumagabay sa akin, nagpapahintulot sa akin na makita ang pangitaing ito, nagbibigay sa akin ng lakas, at gumagabay sa akin sa mahirap na sitwasyong ito. Lumakas ang pananampalataya ko sa Diyos. Ilang sandali pa, inihagis sa akin ng isa sa mga pulis ang kamiseta at pantalon ko at saka ito umalis nang nananamlay. Nanghihina ako dahil sa pagkakakuryente at masyadong masakit ang katawan ko para makaupo. Nagsikap ako nang husto na maisuot ang damit ko habang nakahiga sa sahig, pero hindi na mahanap ang aking panloob at napunit nila ang damit ko. Halos hindi ko matakpan ang sarili ko gamit ito. Pakiramdam ko ay natanggal ang ibabaw ng balat ko dahil sa pagkakakuryente, at masakit na dumidikit sa balat ko ang aking damit. Umabot ng mahigit isang taon para maghilom ang mga sugat na natamo ko mula sa pagkakakuryente, at nagdusa ako sa mga natitirang sintomas nito. Mula noon, madalas akong makaranas ng kusang pangingisay ng buong katawan, hindi ko maibuka ang panga ko at naninigas ang buong katawan ko. Kapag nangyayari ito sa gabi, hindi ako nakakatulog nang maayos, at naiiwan akong hapong-hapo at walang lakas sa sumusunod na araw.

Sa ikalimang araw ng aking pagkaaresto, dinala ako ng mga pulis sa isang detention house. Pagkalipas ng limang araw na walang kain o inom, masyado nang tuyo ang lalamunan ko para makalunok. Dinalhan ako ng ibang mga preso ng isang takal ng malamig at tuyong kanin, ibinuka ang bibig ko gamit ang mga chopstick at pilit na isinubo sa akin ang kanin, habang sumisigaw, “Bilisan mo na at lunukin mo iyan, tingnan mo lang kung ano ang mangyayari kung hindi mo gagawin!” Para akong lumulunok ng mga pako—napakasakit ng lalamunan ko kung kaya’t umagos ang mga luha sa mukha ko. Karaniwang gawain na roon ang ganitong uri ng pamamahiya at pananakot. Isang araw, kumuha ng gunting mula sa kung saan ang punong preso, pinaupo ako sa isang bangkito, at tinanong ang ilang iba pang preso kung anong uri ng gupit ang dapat sa akin. Sabi ng isa sa kanila, “Relihiyoso siya, kaya bigyan mo siya ng gupit ng mangkukulam!” Pinutol kaagad ng punong preso ang mga tirintas ko, at humagalpak ng tawa ang iba sa tuwa na makita na ganoon kagulo ang buhok ko. Sinabi ng isa sa kanila, “Bigyan mo siya ng gupit ng isang madre!” Pinutol ng punong preso ang malaking bahagi ng buhok ko para lumabas ang anit ko, at muli na namang nagtawanan ang iba. Masakit para sa akin ang pamamahiyang ito, at hindi ko mapigilan ang mga luha ko. Hindi ko magawang iangat ang mga braso at binti ko matapos akong ibitin gamit ang mga posas na iyon at kuryentihin, at talagang sumasakit ang mga binti ko kapag sinusubukan kong maglakad. Pero kailangan ko pa ring gawin ang mga pang-araw-araw na ehersisyo kasama ang lahat ng iba, iniaangat ang mga binti ko nang mataas at ibinababa ito nang husto, at gumagawa ng malalakas na tunog. Talagang masakit sa bawat beses ang mga paggalaw na ito. Nanghihina ang buong katawan ko at wala akong lakas at hindi ako makasabay sa ritmo, kaya kinukurot ng punong preso ang katawan ko, na nag-iiwan ng mga pasa. Lalong hindi ako komportable sa panahon ng aking buwanang dalaw. Walang anumang tisyu, wala akong damit na panloob, at isang uniporme lang sa bilangguan ang ibinigay sa akin ng punong preso, kaya namamantsahan ng dugo ang pantalon ko at hindi ko na ito mapapalitan. Talagang magaspang din ang tela ng uniporme, kaya tumitigas ito pagkatapos matuyo ng dugo. Hindi pa naghihilom ang mga sugat kung saan ako kinuryente sa singit, kaya masakit talaga maglakad at sa tuwing nag-eehersisyo kami, nakukuskos ang uniporme sa mga sugat na iyon, na pakiramdam ko ay parang hinihiwa ako ng kutsilyo. Ang pinakamalala ay dahil walang tisyu, wala akong magawa kundi gumamit ng malamig na tubig para linisin ang sarili ko. Nagkaroon na ako ng sakit na pagdurugo bago pa ako naging isang mananampalataya, at nag-aalala ako na mauulit ito dahil sa malamig na tubig. Noong mga araw na iyon, pakiramdam ko ay hindi ko talaga kakayanin. Hindi ko alam kung kailan matatapos ang lahat, at ayaw kong manatili pa ni isang sandali sa kulungan ng mga demonyong iyon. Nang umabot na sa isang punto ang paghihirap ko, naisip ko muli ang kamatayan. Nang mapagtanto kong lumalayo ang puso ko sa Diyos, nagdasal ako, hinihiling sa Diyos na gabayan ako para malampasan ang aking sitwasyon. Tapos, isang araw, naalala ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, panatilihin mo ang iyong pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t ikaw ay tatangis nang labis o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pinahihintulutan Niya akong maranasan ang pag-uusig ng malaking pulang dragon para subukin ako, para makita kung mayroon akong tunay na pananampalataya sa Kanya. Naisip ko sina Job at Pedro dahil dito. Inatake at pinahirapan ni Satanas si Job—nagkaroon siya ng mga pigsa sa buong katawan, kaya naging sobrang miserable siya, at nakaupo siya sa isang tumpok ng abo at kinakamot niya ang katawan niya gamit ang mga tipak ng palayok. Gayunpaman, hindi niya sinisi ang Diyos, kundi pinuri ang Kanyang pangalan. Ipinako nang patiwarik sa krus si Pedro para sa Diyos at nagawa niyang magpasakop hanggang kamatayan, nagbibigay ng isang matunog na patotoo. Pareho silang nagpatotoo sa Diyos sa gitna ng kanilang pagdurusa. Kung ikukumpara sa kanila, napakaliit talaga ng pananampalataya ko. Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalo akong nahihiya, kaya’t tahimik akong nanalangin: “O Diyos, anuman ang pagdurusa, gusto kong sundin Ka! Habang mas pinahihirapan ako ng malaking pulang dragon, mas lalo kong gustong sumandal sa Iyo at manindigan sa aking patotoo at ipahiya si Satanas!”

Pagkatapos, isang araw ay ipinatawag ng mga pulis ang asawa ko. Nang makita niyang pinahirapan ako hanggang sa puntong ni halos hindi na ako mukhang tao, nagsimula siyang umiyak doon mismo at sinabing, “Paano mo nakakaya ang ganitong uri ng pagpapahirap? Sabi ni Chief Zhu na kung sasabihin mo lang sa kanila ang nalalaman mo, makakauwi na tayo.” Nang makitang hindi pa rin ako nagsasalita, tinawagan ni Chief Zhu ang anak kong babae. Naiiyak na sabi nito, “Nay, nasaan ka na? Sinasabi ng lahat ng guro at iba pang bata sa eskwelahan na anak ako ng isang lider ng kulto. Inaapi nila akong lahat at hindi ako pinapansin. Nagtatago ako araw-araw sa sulok ng classroom, umiiyak….” Inilayo ko ang telepono sa tainga ko, hindi ko na talaga kayang makinig pa. Parang may kutsilyong pumipihit sa puso ko at walang tigil ako sa pag-iyak. Ginamit ni Chief Zhu ang pagkakataong ito para sabihing, “Kausapin mo lang kami. Sabihin mo sa amin ang isang tahanan na nagtatago ng pera ng iglesia, isa lang, at pwede mo nang makasamang muli ang pamilya mo.” Medyo marupok ako nang mga sandaling iyon. Naisip ko na kung hindi ako kailanman magsasabi ng kahit ano, madadamay rin ang asawa at anak ko, kaya siguro ay pwede akong magbahagi ng ilang impormasyon na hindi gaanong mahalaga. Pagkatapos ay napagtanto ko na hindi ito naaayon sa layunin ng Diyos, kaya mabilis akong nagdasal, hinihiling sa Diyos na bantayan ang puso ko para mapagtagumpayan ko ang panunuksong ito ni Satanas. Pagkatapos ay naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Dumating sa tamang oras ang kaliwanagan ng mga salita ng Diyos. Bigla kong napagtanto na sinusubukan ni Satanas na gamitin ang pagmamahal ko para sa aking pamilya para atakihin ako, para gawin akong ipagkanulo ang Diyos. Hindi ako pwedeng mahulog sa panlilinlang nito—hindi ko pwedeng pagtaksilan ang mga kapatid para sa aking pamilya. At pagkatapos ay may isa pa akong naalala mula sa mga salita ng Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nang pagnilayan ko ang mga salita ng Diyos, labis akong nakonsensya at nagsisi sa sarili. Naisip ko si Job na tinukso ni Satanas, na nawalan ng kanyang mga anak at lahat ng kanyang ari-arian, at kung paanong hindi pa rin niya sinisi ang Diyos. Napanatili niya ang kanyang pananampalataya sa Diyos at nagbigay siya ng isang kahanga-hanga at matunog na patotoo sa Kanya. Pero sa harap ng mga panunukso ng mga pulis, naging handa akong pagtaksilan ang mga kapatid at ipagkanulo ang Diyos para protektahan ang kapakanan ng pamilya ko. Wala talaga akong konsensya; labis akong makasarili at kasuklam-suklam, at nakasasakit sa Diyos. Tuwing nasa kagipitan ako, nandiyan ang Diyos na gumagabay at nagpoprotekta sa akin, binibigyan ako ng pananalig at lakas sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Tunay na tunay ang pagmamahal Niya para sa akin, at ngayong oras na para pumili ako, hindi ko pwedeng pagtaksilan ang iba pang miyembro ng iglesia para sa asawa at anak ko. Pauna nang itinakda ng Diyos ang kapalaran ng bawat isa sa buhay, at nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng asawa at anak ko, hindi si Satanas ang makapagpapasya nito. Alam kong dapat kong ipagkatiwala ang lahat sa Diyos. Nang isipin ko ito nang ganoon, hindi na nakababahala para sa akin ang kinakaharap ng pamilya ko, at naging determinado akong maghimagsik laban sa laman at manindigan sa aking patotoo para sa Diyos.

Sa ika-28 araw ng aking pagkaaresto, ipinadala kami ni Guilan ng mga pulis sa isang detention center, ikinulong kami kasama ng mga bayarang babae na nahawa ng mga impeksyon na nakukuha sa pakikipagtalik. Isa iyong selda na ayaw lapitan maging ng mga pulis. Ang ilan sa mga preso ay may mga sugat sa buong katawan at nabubulok na ang kanilang mga balat, at ang ilan ay may mga ulser na nagnanana sa kanilang mga ari, na sobrang sakit para sa kanila; tinatakpan nila ang kanilang mga sarili ng maruruming kobre-kama, at hindi sila mapakali sa mga konkretong kama. Walang anumang gamot na magagamit, kaya ang tanging magagawa nila ay gumamit ng asin at toothpaste para maibsan ang sakit. Ang ilan sa mga damit na panloob na nilabhan nila at inilatag sa labas para matuyo ay may mga kuto pa nga na naglalabas-masok sa mga tahi. Naisip ko, “Hindi ito lugar para sa mga tao; isa itong hukay ng karamdaman! Paano ako magpapatuloy na mabuhay kung magkakaroon ako ng isang uri ng sekswal na sakit, o AIDS habang naririto ako?” Medyo natakot ako, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan at gabayan ako. Pagkatapos niyon, naisip ko ang isang bagay na sinabi Niya: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Oo, ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at kung hindi Niya ito pahihintulutan, hindi ako magkakaroon ng anumang impeksyon habang namumuhay kasama ng mga babaeng ito; kung talagang mahahawa ako, magiging isa itong bagay na kailangan kong danasin. Pinawi ng mga kaisipang ito ang takot ko at nagawa kong mahinahon na harapin ang sitwasyon. Sa sumunod na anim na buwan, bagamat natutulog at kumakain ako kasama ang iba pang mga preso, hindi ako nagkaroon ng anumang impeksyon dahil sa proteksyon ng Diyos.

Habang nasa detention center, inatasan ng mga pulis ang dalawang espiya para linlangin ako nang mapalapit sila sa akin at makakuha ng impormasyon tungkol sa iglesia. Hindi nagtagal pagkatapos maipasok sa detention center, nagsimulang magtangka ang isa pang preso na mambola sa akin, sinasabing gusto rin niyang maging isang mananampalataya, at na talagang hinahangaan niya ang mga lider o manggagawa sa iglesia, bago ako tanungin kung isa ba akong lider. Sa puntong iyon ay agad akong naging mapagbantay at nagmadali akong ibahin ang paksa. Pagkatapos niyon, sa tuwing may sasabihin siya tungkol sa pananalig sa Diyos, iniiba ko ang usapan, kaya wala siyang anumang nakuha sa akin. Hindi nagtagal ay umalis na siya sa detention center. Pagtagal-tagal pagkatapos niyon, nang dumaan ako sa mga selda ng mga lalaki isang araw, binato ako ng isang pirasong papel ng isa sa mga lalaking preso. Nakasaad doon na inaresto siya dahil sa pagbabahagi ng ebanghelyo at nasentensyahan ng isa at kalahating taon. Sinabi rin niya na umaasa siyang matutulungan namin ang isa’t isa, at gusto niyang tumugon ako sa sulat niya. Iniisip ko kung talaga bang isa siyang mananalig. Habang nagdadalawang-isip ako kung sasagutin ko ba o hindi ang sulat niya, isang bagay mula sa mga salita ng Diyos ang biglang pumasok sa isip ko: “Dapat gising kayo at naghihintay sa lahat ng oras, at dapat kayong mas manalangin sa harapan Ko. Dapat ninyong makilala ang iba’t ibang balak at mga tusong pakana ni Satanas, makilala ang mga espiritu, makilala ang mga tao, at makayang makilatis ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 17). Isang agarang pampukaw para sa akin ang mga salita ng Diyos. Isa kaya ito sa mga pakana ni Satanas? Noong panahong iyon, hindi ko ito mahalata, kaya paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na ibunyag ito. Makalipas ang mga isang linggo nang magtipon sa patyo ang lahat ng bilanggo, nagkataong nakita ko ang lalaking iyon. Nakalilito para sa akin na makitang hindi nakaahit ang ulo niya—kailangang ahitin ang ulo ng lahat ng lalaking preso kapag nasentensyahan sila, kaya bakit mayroon pa rin siyang buhok? Habang pinag-iisipan ko ito, tinapik ako ng isang babaeng presong nasa tabi ko at itinuro niya ang lalaking iyon, at tuwang-tuwang sinabi, “Pulis ang lalaking iyan, binayaran niya ang mga serbisyo ko noon.” Napagtanto ko kaagad na isa itong pulis, at sinusubukan nitong mapalapit sa akin para mapaamin ako. Nakita ko na talagang mayroong lahat ng uri ng pakana ang malaking pulang dragon—napakasama nito at kasuklam-suklam! Nagpasalamat ako sa Diyos sa puso ko para sa Kanyang proteksyon, na nagbigay-daan sa akin para paulit-ulit na mahalata ang mga panlilinlang ni Satanas, at pumigil sa akin na mahulog sa mga ito.

Noong Enero 2007, ipinadala ako ng mga pulis sa isang labor camp kasama si Guilan at tatlong iba pa na nahatulan ng mga krimeng may kinalaman sa droga. Hinding-hindi ko makalilimutan ang pamamahiya na naranasan ko noong araw na iyon. Pagdating namin, nagkataong tanghali na at bahagyang umuulan ng niyebe; daan-daang iba pang bilanggo ang nasa patyo ng labor camp at nakapila para sa pagkain. Lumapit sa amin ang mga pulis na masama ang tingin at sinabihan ang mga nakulong dahil sa droga na kumuha ng pagkain, kaya kaming dalawa lang ni Guilan ang naiwan doon. Tapos ay inutusan nila kaming hubarin ang lahat ng damit namin. Napaisip ako kung kakapkapan ba nila kami, habang nanonood ang lahat ng iba pang bilanggo roon. Nang ayaw kong hubarin ang damit ko, dalawang pulis ang sumugod sa amin at sapilitang tinanggal ang lahat ng damit namin ni Guilan. Para sa akin, ang pagiging hubo’t hubad sa harap ng lahat ng taong iyon ay mas masahol pa kaysa sa kung pinatay na lang nila ako. Nakatutok sa amin ang sunod-sunod na hanay ng mga mata, at nanatili akong nakayuko, nakayakap sa dibdib ko, at nakatalungko. Kinaladkad ako ng isang pulis at binulyawan akong ilagay ko ang mga kamay ko sa likod ng aking ulo, tumayo nang nakabukaka, harapin ang lahat ng bilanggo, at tumalungko. Kinailangan ding gawin ni Guilan iyon, at nakita kong nanginginig ang buong katawan niya. Pumayat na siya nang husto na naging buto at balat na lamang siya, at mayroong ilang peklat sa katawan niya—malamang ay labis din siyang pinahirapan. Itinuro kami ng pulis at sumigaw sa iba, “Nananalig ang dalawang ito sa Makapangyarihang Diyos. Kung sinuman sa inyo ang magiging mananampalataya, hahantong din kayong katulad nila!” Nagpasimula ito ng maraming talakayan sa mga preso, at ang ilan sa kanila ay nanunuyang sinabi, “Bakit hindi pumaparito ang Diyos ninyo para iligtas kayo?” Kinailangan naming paulit-ulit na tumalungko nang ganito sa harap ng daan-daang tao sa loob ng mga sampung minuto. Hindi pa ako nakaranas ng ganitong pamamahiya noon, at walang tigil ang pag-iyak ko. Kung may pader lang doon, ginusto ko na sanang iuntog ang ulo ko roon para tapusin ang buhay ko. Pagkatapos ay naalala ko ang isa sa mga himno ng iglesia: “Si Satanas, ang haring demonyo, ay lubusang malupit, tunay na walang kahihiyan at kasuklam-suklam. Malinaw kong nakikita ang malademonyong mukha ni Satanas, at mas lalong minamahal ng puso ko si Cristo. Hinding-hindi ako mamumuhay nang walang dangal sa pamamagitan ng pagluhod kay Satanas at pagkakanulo sa Diyos. Pagdurusahan ko ang lahat ng paghihirap, at pasakit, at titiisin ang mga pinakamadilim na gabi. Upang bigyang-panatag ang puso ng Diyos, magbibigay ako ng matagumpay na patotoo” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Bumabangon sa Kabila ng Kadiliman at Pang-aapi). Sa pag-iisip ko sa mga liriko ng himnong ito, naisip ko ang pagpako sa krus sa Panginoong Jesus—binugbog Siya ng mga sundalong Romano, ipinahiya Siya, at dinuraan ang Kanyang mukha. Ang Diyos ay banal, kaya hindi Niya dapat tiisin ang ganoong uri ng pagdurusa, pero dinanas Niya ang sukdulang sakit at pamamahiya para iligtas ang sangkatauhan, at sa huli ay ipinako Siya sa krus para sa atin. Tiniis Niya ang matinding paghamak at pagdurusa. Pero bilang isang tiwaling tao, ginusto ko nang mamatay nang ipahiya ako at wala akong anumang patotoo. Ipinapahiya ako ng mga demonyo at ni Satanas dahil sa pagsunod sa Diyos—ito ay pag-uusig dahil sa pagiging matuwid, at isang bagay na maluwalhati! Habang lalo akong ipinapahiya at inuusig ng Partido Komunista, mas nakikita ko kung gaano ito kakasuklam-suklam at ubod ng sama, at mas lalong gusto kong maghimagsik laban dito, at manatiling manindigan sa aking patotoo para sa Diyos.

Pagkatapos niyon ay dinala kami ng dalawang guwardiya ng bilangguan para tumayo sa tabi ng isang hagdanan, at sa oras na iyon, dalawa pang preso ang nagmadaling bumaba at sinimulan kaming suntukin at sipain, sinunggaban ako sa buhok at iniuntog ang ulo ko sa dingding, kaya nagpanting ang mga tainga ko. Mayamaya pa ay wala na akong marinig at pakiramdam ko ay nabiyak na ang ulo ko. Dumudugo ang mata, ilong, bibig, at tainga ni Guilan. Pagkatapos ng pambubugbog, kinaladkad kami ng mga preso palabas sa isang balkonahe para patayuin kami roon nang hindi kumikilos bilang parusa. Malakas na umuulan ng niyebe noon, umiihip ang malamig na hangin, at bumababa ang temperatura sa gabi hanggang pito o walong grado na mas mababa pa sa freezing point. Nakasuot lang kami ng mahabang panloob kaya nanginginig kami sa lamig. Nang umabot na sa puntong hindi ko na talaga kaya at gusto ko nang baguhin ang tindig ko, bahagya kong iginalaw ang mga paa ko, at lumapit ang mga preso na para bang hahampasin nila ako. Kinabukasan, sumasakit ang buong katawan ko sa lamig at parang bibigay na ang puso ko. May matinding pagkirot din sa mga paa ko. Ang pakiramdam na iyon ay mas masahol pa sa kamatayan mismo, at bawat minuto ay mahirap tiisin. Nang umabot na sa sukdulan ang sakit, gusto ko na talagang tumalon mula sa balkonahe at tapusin ang buhay ko. Pero kaagad kong napagtanto na hindi naaayon sa layunin ng Diyos ang pag-iisip nang ganoon, kaya nagmamadali akong tumawag sa Kanya, “Diyos ko, halos hindi na ako makatagal. Hindi ko na talaga kaya—pakiusap bigyan Mo po ako ng pananalig para makayanan ko ang pagdurusang ito.” Pagkatapos ng panalangin ko, naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Hangaring Mahalin ang Diyos Kahit Gaano Kalaki ang Iyong Pagdurusa”: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Napagtanto ko na palagi akong ginagabayan, inaalagaan, at binabantayan ng Diyos. Nang maisip ko ang paghihirap at pamamahiya na dinanas ko, napagtanto ko na kung hindi dahil sa patnubay ng Diyos o sa pananalig at lakas na ibinigay sa akin ng Kanyang mga salita, hindi ko sana malalampasan ang pang-aabuso ng mga demonyong iyon. Ipinakita sa akin ng Diyos kung paano mabuhay hanggang sa araw na iyon, at umaasa Siya na makapagpapatotoo ako para sa Kanya sa harap ni Satanas. Pero ngayon, para iligtas ang sarili ko mula sa kaunting pisikal na paghihirap, gusto ko nang tapusin ang buhay ko. Napakahina ko. Paano ito naging patotoo sa Diyos? Hindi ba’t ang mamatay ay nangangahulugan na nahulog ako sa mga pakana ni Satanas? Hindi ako pwedeng mamatay, kailangan kong manindigan sa aking patotoo at ipahiya si Satanas. Nang isipin ko ito nang ganoon, bago ko pa namalayan, hindi na ako nilalamig, at naging mainit na ang buong katawan ko.

Hindi kami pinayagan ng punong preso na huminto sa pagtayo hanggang sa hapon ng ikatlong araw. Parehong magang-maga ang mga binti namin ni Guilan at parang nanigas na ang dugo sa mga ito. Kita na ang mga ugat sa binti namin at napakasakit ng mga paa namin, pero nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos. Sa malamig at maniyebe na panahon, nakatayo kami ni Guilan sa balkonahe sa loob ng dalawang araw at dalawang gabi na walang anumang makain o mainom, pero hindi kami namatay sa lamig o nagkasipon man lang. Ito ay proteksyon ng Diyos.

Noong panahon ko sa labor camp, araw-araw ay kailangan kong magtiis ng mahigit labindalawang oras, o hanggang 22 oras pa nga ng mabigat na trabaho, at madalas akong binubugbog at pinarurusahan ng punong preso dahil hindi ko natatapos ang mga gampanin ko. Pero patuloy akong binibigyang-liwanag at ginagabayan ng Diyos, na nagbibigay-daan para malampasan ko ang isang taon at kalahati ng mala-impiyernong buhay sa bilangguan. Nasa tabi ko ang Diyos sa buong panahong iyon, binabantayan at pinoprotektahan ako. Maraming beses akong pinahirapan at ipinahiya, hanggang sa puntong gusto ko nang tapusin ang buhay ko, at ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas, gumagabay sa akin sa bawat unos. Ibinigay sa akin ng Diyos ang buhay na ito! Sa pagdanas ng pang-aapi ng malaking pulang dragon, natutuhan ko na ang tangi nating tunay na maaasahan ay ang Diyos; Siya lamang ang tunay na nagmamahal sa sangkatauhan, at Siya lamang ang makapagliligtas sa atin mula sa katiwalian at pagwasak ni Satanas, at Siya lang ang makaaakay sa atin para mamuhay sa liwanag. Nagpapasalamat ako sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Para lang sa 300,000 Yuan

Ni Li Ming, TsinaBandang alas nuwebe ng gabi noong Oktubre 9, 2009, habang kami ay nagtitipon ng asawa ko at ng anak ko, bigla kaming...

Noong Ako’y Bente Anyos

Ni Liu Xiao, Tsina Noong bente anyos ako, inaresto ako ng mga pulis dahil sa pananampalataya sa Diyos at pinahirapan. Hindi ko...