Ang Pagsisisi ng Isang Opisyal

Pebrero 2, 2021

Ni Zhenxin, Tsina

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, lahat ng nagawa ng Diyos sa Kanyang gawain ay pagmamahal, na walang anumang pagkapoot sa tao. Kahit ang pagkastigo at paghatol na nakita mo ay pagmamahal din, isang mas totoo at mas tunay na pagmamahal, isang pagmamahal na umaakay sa mga tao patungo sa tamang landas ng buhay ng tao. … Lahat ng gawaing Kanyang nagawa ay para sa layunin ng pag-akay sa mga tao sa tamang landas ng buhay ng tao, upang maaari silang mabuhay bilang normal na mga tao, sapagkat hindi alam ng mga tao kung paano mamuhay, at kung wala ang ganitong pag-akay, magiging hungkag ang iyong buhay; mawawalan ng halaga o kabuluhan ang iyong buhay, at lubos kang mawawalan ng kakayahang maging normal na tao. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng paglupig sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4). Talagang naaantig ako ng mga salitang ito ng Diyos, at wala akong magawa kundi isipin ang tungkol sa Kanyang pagliligtas sa akin.

Pinanganak ako sa probinsya. Masisipag na magsasaka ang mga magulang ko. Hinahamak kami ng mga kapitbahay namin dahil mahirap kami. Naisip ko, “Balang araw makikita nila. Mag-iiba rin ang tingin nila sa akin.” Sumali ako sa hukbong sandatahan noong binatilyo ako. Kahit ano gagawin ko, kahit nakakapagod, kasi nga hinahangad ko na tumaas ang ranggo ko. Pero ilang taon akong nanatiling isang private. Tapos napagtanto kong hindi kasipagan ang nagbibigay ng mataas na ranggo kundi ang pagbibigay ng regalo. Hindi ko iyon gusto, pero gusto kong magpataas ng ranggo, kaya tinigasan ko ang sarili ko at niregaluhan ko ang superyor ko gamit ang ipon ko. Naging kwalipikado ako sa military academy. Pagkalipas ng pagtatapos ko, ginawa akong kusinero dahil wala na akong perang pang-regalo. Alam ko na “Hindi pinapahirapan ng opisyales ang mga taong mahusay manlangis,” at “Walang natatapos ang isang tao nang walang pambobola.” Kung talagang gusto kong mayroon akong marating, kailangan kong magkapera para may maipangregalo, kung hindi, kahit gaano pa ako kagaling, wala rin. Gusto ko talagang magtagumpay kaya ginawa ko ang lahat para magkapera, sumipsip ako sa mga superyor ko at binigyan ko sila ng mga gusto nila. Alam ko naman na ilegal ang ginagawa ko, at natatakot ako noon na mahuli at makulong. Palagi ako noong kinakabahan, pero iyong pag-iisip na magiging opisyal ako, iyon ang nagpalakas sa akin. Matapos ang ilang panahon, naging battalion commander ako sa wakas. Sa tuwing umuuwi ako, pinapalibutan ako ng mga tao, binobola nila ako. Mas pinalaki noon ang paniniwala ko sa sarili ko, habang ang mga hinahangad at ambisyon ko, nagsilaki rin. Gaya ng sabi nila, “Ang pagiging opisyal ay para sa masasarap na pagkain at magagandang damit,” at “Gamitin mo ang kapangyarihan kung mayroon ka nito, dahil pagkatapos nitong mawala, hindi mo na iyon magagamit.” May mga pribilehiyo ang pagiging opisyal, anumang gusto ko, makukuha ko nang walang kapalit. At iyon namang may kailangan sa akin, dapat akong ilibre o regaluhan. Ginamit ko pa nga ang posisyon ko at pagiging paborito ng komisaryo para humingi ng kung anu-ano. Mula sa pagiging isang simpleng anak ng magsasaka, naging isang tao ako na walang kasiyahan, tuso, at mapanlinlang.

Hindi lang ako naging mapang-api sa trabaho ko naging masama rin ang pagtrato ko sa asawa ko. Inakusahan ko siyang nakikipagrelasyon sa iba, na nagpalalim sa hidwaan namin. Sa huli, nagsawa na rin siya at gusto nang makipaghiwalay. Malapit nang mawasak ang masaya kong pamilya, at magdurusa rin ang anak kong lalake. Sumasama ang pakiramdam ko kapag naiisip ko iyong naging buhay ko: Simula pagkabata, determinado na ako na umangat sa iba. Pareho kaming mag-asawang may magandang trabaho, komportable ang naging buhay namin. Lahat ng tao humanga sa amin, kaya dapat naging masaya na ako at ganap. Kung gayon bakit naging hungkag pa rin ako at namuhay nang hindi masaya? Ito ba talaga iyong ginusto kong buhay? Papaano ba talaga tayo dapat mamuhay? Nalito ako’t hindi ko alam ang gagawin, hindi ko mahanap ang kasagutan. Kalaunan, tinanggap ng asawa ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos at lagi siyang nagpupulong kasama ang mga kapatid. Hindi nagtagal, naging napakapositibo niya. Hindi na nakikipagtalo at hindi na nakipaghiwalay. Dahil doon, naisip kong siguro nga magandang manalig sa Diyos. Kaya nanalig na rin ako sa Makapangyarihang Diyos.

Sinimulan kong ipamuhay ang buhay-iglesia, at nalaman kong kakaiba sa sanlibutan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Ibinabahagi ng mga kapatid ang katotohanan. Kumikilos sila ayon sa salita ng Diyos, para maging totoo, bukas at matapat. Para akong nasa lugar ng kadalisayan, at nakadama ako ng kalayaang noon ko lang naramdaman. Sa pagdalo sa mga pulong at pagbabasa ng salita ng Diyos, nalaman kong matuwid ang Diyos, at pinakamumuhian Niya ang katiwalian ng tao. Noong nasa hukbong sandatahan ako, marami akong masamang gawi at kung hindi ako nagsisi, kamumuhia’t aalisin ako ng Diyos. Tapos nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang sumunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng sakop ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Ang pagbabasa nito ang nagpakita sa akin kung bakit masyado akong naging tiwali. Naisip kong sa mga taon ko sa hukbong sandatahan, para makaangat sa iba, sinunod ko ang mga hindi-nasusulat na batas, gumawa ng maraming masamang bagay at nakinabang sa kasamaan. Naging labis ang katiwalian ko, walang kahihiyan akong namuhay sa kasalanan. Pinakita ng Diyos ang kaibahan ng mabuti’t masama, at pinayagan Niya akong makita ang ugat ng katiwalian ko. Si Satanas pala ang ugat ng lahat ng iyon. Ginamit niya ang lahat ng uri ng edukasyon at impluwensya para gawing tiwali ang lipunan natin at maging kumukulong kawa ng kasalanan. Ang mga taong may kapangyarihan, hindi napipigilan, pinagmamalakihan nila ang karaniwang tao, habang ang mga karaniwan at tapat na tao, inuutus-utusan lang at walang nararating sa buhay. Puno ang lipunan natin ng mga kamalian at mga erehiya, gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Yaong mga nagpapagal sa kanilang isipan ay namamahala sa iba, at yaong mga nagpapagal sa kanilang mga kamay ay pinamamahalaan ng iba,” “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Hindi pinapahirapan ng opisyales ang mga taong mahusay manlangis; walang natatapos ang isang tao nang walang pambobola,” “Ang pagiging opisyal ay para sa masasarap na pagkain at magagandang damit,” at “Gamitin mo ang kapangyarihan kung mayroon ka nito, dahil pagkatapos nitong mawala, hindi mo na iyon magagamit.” Dahil sa mga bagay na ito, at sa mga pagdidiin na nasa paligid ko, naligaw ako nang hindi ko man lang nalalaman. Kahit ano ginawa ko para lang maging isang opisyal, inabuso ko ang kapangyarihan ko. Naging isang tao akong tiwali at gusto lang manghuthot. Talagang pinagsisihan ko ang masasama kong gawain. Dahil sa pagliligtas ng Diyos, may pagkakataon akong magsimulang muli. Kung hindi, susumpain ako at saka parurusahan dahil sa inasal ko. Napakalaki ng pasasalamat ko sa Diyos, nagpasya akong magbago, at iwan na lang ang hukbong sandatahan. Pero pinigilan akong umalis ng superyor ko, sabi niya itataas niya ang ranggo ko sa pagiging deputy regimental commander. Nagdalawang-isip ako at nag-isip, “Deputy commander? Iyon ang matagal ko nang pinapangarap ah!” Hindi ko mabitawan ang titulong iyon, hindi ko alam ang gagawin ko, kaya lumapit ako sa Diyos para manalangin. Tapos nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na humarap sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang tagubilin, at gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamatuwid na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layunin, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). “Bumababa sa lupa ang mga tao at bihira Akong makasagupa, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahahalagahan ang magandang pagkakataong ito bilang tamang landas na tatahakin sa buhay na ito? At bakit ninyo binabalewala palagi ang katotohanan at katarungan? Bakit ninyo palaging niyuyurakan at sinisira ang inyong sarili para sa kasamaan at karumihang nilalaro ang mga tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda). Pinukpok ng bawat isang salitang iyon ang konsensya ko. Naisip ko, “Iyong swerte ko na makilala ang nagkatawang-taong Diyos, na dumating sa lupa para iligtas ang tao, at magkaroon ng pagkakataong gumugol ng sarili para sa Diyos isa iyong malaking pagtataas at biyaya ng Diyos!” Ano pa bang mas makahulugan kaysa sa paggugol ng sarili para sa Lumikha? Gaano man kataas ang iangat ko sa ranggo, magiging masaya ba ako? Maraming makapangyarihang tao ang kumikilos ayon sa gusto nila at gumagawa ng lahat ng kasamaan pero nakukuha nila ang nararapat sa kanila sa huli. At maraming mga mataas na opisyal na yumaman at pinuri, pero oras na mawalan sila ng kapangyarihan, iyong ilan sa kanila sa kulungan ang bagsak, at may ilang nagpapakamatay … Laging nangyayari ang ganitong bagay. Sa kaso ko naman, matagal na talaga akong nagsisikap na maging matagumpay, kaya lang, naging mayabang lang ako, at mapanlinlang! Ngayon, binigyan ako ng Diyos ng maraming katotohanan, pinakita Niya ang tamang landas sa buhay. Paano ko maitutuloy iyong dati kong buhay? Niloko ako ni Satanas halos buong buhay ko hanggang sa halos hindi na ako kawangis ng tao. Mula noon, ginusto ko nang mamuhay nang kakaiba mula noon, na sundin ang Diyos, isagawa ang katotohana’t kumilos ayon sa salita Niya. Kaya nagdesisyon akong magpalit ng karera at tuluyan nang iwan ang hukbong sandatahan. Pero dahil malalim ang pagtitiwali sa akin ni Satanas, iyong lason nitong “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno” ang naging mismong buhay ko. Sa iglesia, lagi akong nakikipagpaligsahan, ang pahayag lang ng Diyos at paghatol Niya ang nagtama sa gawain ko.

Matapos kong gawin ang tungkulin ko sa iglesia, nakita kong mayroong isang batang pinuno doon at may isa rin na naging kaibigan ko noon. Talagang naguluhan ako, naisip ko, “Pareho naman kayong nasa ilalim ko noon, pero dito sa iglesia, kayo ang mga superyor ko. Magiging mas mabuting pinuno ako sa inyo!” Sinimulan ko iyong hangarin gamit ang lahat ng mayroon ako. Una, bumuo ako ng plano: Nagbabasa ako ng salita ng Diyos tuwing umaga, tapos dalawang oras akong nakikinig ng sermon, at bawat linggo, tatlong himno ang inaaral ko. Naging mas aktibo ako sa tungkulin ko, at kahit gaano kahirap o nakakapagod, pangungunahan ko ang lahat ng magagawa ko sa iglesia. Sa mga pulong, ikinwento ko iyong mga karanasan ko sa hukbong sandatahan, ipinagmalaki ko ang kakayahan ko, at hindi ko tinanggap ang pagbabahagi ng mga pinuno ng iglesia. Minsan, banayad kong hinahamak ang mga kilos nila, na para bang magagawa ko iyon nang mas maayos. Namuhay ako nang ganoon sa pagsisikap para sa katanyagan at katayuan, laging naghahangad maging pinuno sa iglesia. Minsan, hindi nagawa nang mabuti ng isang pinuno ang gawain niya. Dahil doon, pinagalitan ko siya, at nagparinig din ako na dapat magbitiw na siya. Hinangad kong mapiling pinuno sa susunod na halalan. Nang malaman iyon ng mga kapatid, pinag-aralan nila ang asal ko, tuso’t ambisyoso raw ako, gustong hawakan ang iglesia. Natanggal ako bilang pinuno ng pangkat. Talagang sumama ang loob ko dahil doon, naisip ko, “Dati akong battalion commander, ngayon ni hindi ako pwedeng maging pinuno ng iglesia.” Matapos ang maraming buwan, hindi ko talaga iyon matanggap, at hindi ko na matagalan ang mga kapatid. Nanahimik na ako sa mga pagtitipon. Nagdilim ang espiritu ko at hindi ko na maramdaman ang Diyos. Doon na ako nagsimulang matakot, kaya nagmadali akong nagdasal para ilabas ako ng Diyos sa kadiliman.

Tapos nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para iwasto ang inyong hangaring magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. … Kayo ngayon ay mga alagad, at nagtamo na kayo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa yugtong ito ng gawain. Gayunman, hindi pa rin ninyo naisasantabi ang inyong pagnanasa sa katayuan. Kapag mataas ang inyong katayuan naghahanap kayong mabuti, ngunit kapag mababa ang inyong katayuan hindi na kayo naghahanap. Palagi ninyong iniisip ang mga pagpapala ng katayuan. … Habang mas naghahanap ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang napapala mo. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas mahigpit siyang pakitunguhan at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay walang kuwenta! Kailangan silang pakitunguhan at hatulan nang sapat upang lubusan nilang talikuran ang mga bagay na ito. Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Yaong mga hindi naghahangad na matamo ang buhay ay hindi maaaring mabago, at yaong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay sa maluluhong pagnanasa at mga bagay na pumipigil sa iyong pagmamahal sa Diyos at humahadlang sa iyo na mapalapit sa Kanya. Mababago ka ba ng mga bagay na yaon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Tagos sa puso ang mga salita ng Diyos, at nakaramdam ako ng matinding pagkahiya. Nakipaglaban ako para sa posisyon, tapos ay nilantad ng mga kapatid, at tinanggal sa aking tungkulin. Hindi iyon ang gusto kong mangyari, pero hindi iyon dahil sa pinag-iinitan ako. Sa halip, matuwid na paghatol iyon ng Diyos at kaligtasan Niya na talagang napapanahon. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay para baguhin ang mga luma nating kuru-kuro, para maligtas tayo sa impluwensya ni Satanas, makamit natin ang katotohanan at buhay mula sa Diyos, at mabuhay sa liwanag. Hindi ko tinahak ang tamang landas, ni hinanap ang katotohanan Posisyon at reputasyon ang hinabol ko. Gumamit ako ng palihim na paraan para magkaposisyon. Hindi ba taliwas iyon sa kalooban ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan? Ang pagpapatuloy noon ay nangangahulugang hindi pagkakamit ng katotohanan. Para hindi ako tuluyang maligaw, at maibalik ako sa tamang landas, tinabas ako ng Diyos sa pamamagitan ng mga kapatid, nilantad ang aking mga pagnanasa at kinuha ang posisyon ko para pagnilayan ko ang sarili ko at magbago. Nakita kong tunay ngang nakikita ng Diyos ang mga puso natin. Nagkaroon din ako ng tunay na pagkaunawa sa katuwiran, kabanalan, at karunungan ng Diyos. Hindi na ako balisa sa pagkawala ng posisyon ko, gusto ko nang pasakop sa mga pag-aayos ng Diyos.

Matapos ang anim na buwan, namuhay ako ng buhay-iglesia sa ibang simbahan, kung saan magsasagawa sila ng pagpili ng mga pinuno. Natuwa ako nang malamang wala roong mas matagal nang nananalig sa Diyos kaysa sa akin, kaya naisip kong may pag-asa ako. Sa mga karanasan sa buhay at taon sa pananalig, talo ko silang lahat. Ako ang pinakanararapat na mapiling pinuno. Nang naghahanda na akong magpakitang-gilas, isang sister mula sa dati kong iglesia ang lumipat sa iglesiang iyon dahil hinahabol siya ng Partido Komunista ng Tsina. Naisip ko, “Alam niya kung paano ako nakipagpaligsahan para sa posisyon. Kung makikita niya akong nakikipagpaligsahan na naman, ilalantad niya kaya ang dati kong eskandalosong pag-uugali? Kapag ginawa niya iyon, tapos ako.” Dahil doon, kinalimutan ko ang plano ko at tinimbang ang sitwasyon: “Magiging pinuno ng pangkat muna ako tapos unti-unti akong aangat mula roon.” Sa gulat ko, ni hindi ako napiling maging pinuno ng pangkat. Hindi sapat ang mga tao para sa ilang tungkulin, kaya tinanong ako ng mga pinuno ng iglesia kung gusto kong gampanan ang mga tungkulin. Dahil ayoko naman na isipin nila na suwail ako, pumayag na lang ako. Isa akong marangal na battalion commander pero napakababa ng ginagawa kong tungkulin. Pakiramdam ko, maling-mali ang lahat ng iyon. Hindi nagtagal, binantayan na ng mga pulis ang lugar na iyon, kaya hindi na kami nakapagtipon. Inilipat ako ng pinuno sa ibang grupo kasama ang mga kapatid na may tungkulin na mag-host. Para sa akin, sobra na talaga iyon. Bukod sa mababa ang tungkulin na ginagawa ko, kailangan ko pang makipagtipon kasama nilang mga nagho-host. Pakiramdam ko masyado naman iyong nakakahiya. Paano ako umabot sa ganoon kababa? Kung magpapatuloy iyon, ano pa ang magiging pag-asa ko? Mas lalong sumama ang loob ko, ang magagawa ko lang, magdasal sa Diyos at hilinging liwanaga’t gabayan Niya ako.

Tapos nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang malakas at matibay na pagpapasya, kundi sila rin ay naging ganid, mapagmataas at sutil. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensiyang ito ng kadiliman. Ang isipan at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito. Hindi ba ganito rin ang inyong kasalukuyang mga iniisip at pananaw? ‘Dahil naniniwala ako sa Diyos dapat akong buhusan ng mga pagpapala at dapat matiyak na ang aking katayuan ay hindi bababa kailanman at na mananatili itong mas mataas kaysa sa mga walang pananampalataya.’ Hindi ka nagkikimkim ng ganyang klaseng pananaw sa iyong kalooban sa loob ng isa o dalawang taon lamang, kundi sa loob ng maraming taon. Sobra-sobra ang pag-iisip mong makipagkasundo. Bagama’t nakarating ka na sa hakbang na ito ngayon, hindi ka pa rin bumibitiw sa katayuan kundi palagi mong pinipilit na alamin ang tungkol dito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang iyong katayuan at masira ang iyong pangalan. Hindi pa isinasantabi ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). “Habang naglalakad ka sa landas ngayon, ano ang pinaka-angkop na klase ng pagsisikap? Sa iyong pagsisikap, anong klase ng tao ang dapat mong makita sa sarili mo? Dapat mong malaman kung paano mo dapat harapin ang lahat ng sumasapit sa iyo ngayon, mga pagsubok man ito o paghihirap, o walang-awang pagkastigo at pagsumpa. Dapat mong bigyan ito ng maingat na pagsasaalang-alang sa lahat ng pagkakataon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Natututo at Nananatiling Mangmang: Hindi Ba Sila mga Hayop?). Habang iniisip ang salita ng Diyos, nagnilay ako sa sarili, “Anong uri ng tao ko dapat makita ang sarili ko, sa pagpupursigi ko?” Laging battalion commander ang tingin ko sa sarili ko, isang may ranggo. Tungkuling may ranggo ang nababagay sa akin, at mga taong may katayuan lang ang dapat magtipon kasama ko. Hinamak ko ang mga kapatid na itinakda sa pagho-host, iniisip ko na kung kasama ko sila, wala akong halaga. Noong walang katayuan, naging negatibo ako, at nadama ko pang walang kabuluhan ang buhay. Ginulo ng katayuan ang utak ko at nawalan ako ng wangis ng tao. Isa akong kasuklam-suklam na tao! Paano ako magiging karapat-dapat maging pinuno ng iglesia? Hindi gaya ng lipunan ang iglesia. Sa iglesia, may impluwensiya ang katotohanan. Ang isang pinuno ay dapat may mabuting pagkatao at pagsumikapan ang katotohanan. Pero naghanap lang ako ng katayuan at nakipagpaligsahan para maging isang pinuno. Hindi ako naging makatwiran, napakawalang-hiya.

Kalaunan, nabasa ko ang salitang ito ng Diyos: “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na hindi Niya ipinapasya ang destinasyon natin batay sa katayuan natin o kung gaano karami ang ginawa natin. Ang susi ay kung nakamit natin ang katotohanan at kung sumusunod tayo sa Diyos. Nakita kong matuwid sa lahat ang disposisyon ng Diyos, at anuman ang tungkulin natin, dapat nating hanapin ang katotohanan. Sa katotohanan, maliligtas pa rin ang tao kahit walang katayuan. Pero kung wala ang katotohanan, hindi ka maililigtas ng katayuan. Naisip kong naging napakahangal ko para magpursigi nang ganoon para sa katayuan. Kahit sa simula pa lang, ayoko na sa mga tiwaling opisyal, pero habang tumataas din ang ranggo ko, lumala rin ako, pati ako, naging tiwali rin gaya nila. Matapat ang ilang makapangyarihang tao at mapagpakumbaba bago sila magkaroon ng katayuan, pero kapag may kapangyarihan na, inaabuso nila iyon, hanggang sa magpatung-patong ang kasalanan nila. Naisip ko iyong mga pinatalsik sa iglesia na mga anticristo. Noong wala pa silang katayuan, tila hindi sila gumagawa ng anumang masama, pero nang magbago iyon, nagsimula silang mamilit at manggipit nang buong pagmamalaki, gumagawa ng mga bagay para sa posisyon nila, at ginugulo ang gawain ng bahay ng Diyos. Pinakita nito sa akin na kung wala ang katotohanan, namumuhay tayo sa tiwali nating disposisyon. Kapag nagkaroon tayo ng kapangyarihan, gumagawa tayo ng masama, nangangahulugan iyon ng kaparusahan sa huli! Sa pagsisikap kong magtagumpay sa hukbong sandatahan noong mga taong iyon, napuno ako ng satanikong disposisyon. Mayabang ako, mapanlinlang, masama, at karimarimarim. Kapag nagkakaroon ako ng mataas na posisyon, nadadagdagan din ang mga ambisyon ko, kagaya na lang nang abusuhin ko ang kapangyarihan at pwesto ko bilang isang opisyal sa hukbong sandatahan. Kung nagpatuloy iyon, baka nagpatuloy din ako sa paggawa ng masama at naparusahan sa huli. Sa pag-iisip sa mga bagay na ito, nakaramdam ako ng takot at pasasalamat. Muli’t muling nagpadala ang Diyos ng mga dagok at kabiguan, na pumigil sa pagkamit ng mga ambisyon ko. Ito ang pagliligtas ng Diyos at proteksyon Niya sa akin! Salamat sa pagliliwanag ng Diyos na nagpakita sa akin ng resulta ng paghahangad ng katanyagan at katayuan. At nakita ko na ang halaga ng paghahanap ng katotohanan.

Simula noon, nagtuon ako sa paghahanap ng katotohanan para malutas ang katiwalian ko. Kahit ano pang tungkulin ang ipasa ng iglesia, hindi na ako nakatuon sa ranggo. Kundi sa paghahanap ng prinsipyo ng katotohanan. Naramdaman ko ang presensya ng Diyos nang simulan kong magsagawa sa ganitong paraan, nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kapayapaan. Matapos ang ilang panahon, napansin ko na mas mapagkumbaba na ako sa harap ng iba, at saka hindi ko na rin ipinagyayabang na naging opisyal ako noon. Kapag pinupuna ng mga kapatid ang mga mali ko, masunurin akong nagpapasakop at nagdarasal sa Diyos, at nagninilay sa sarili. Pantay na ako sa pakikitungo sa iba, hindi ko na iniisip na mas angat ako sa lahat. Hindi ko namalayang nagbago na ang pananaw ko sa pagpupursige. Naglaho na sa akin ang katayuan at katanyagan. Hindi na ako pinipigil ng mga bagay na iyon. Kapag nakakakita ako ng mga nagiging pinuno ng iglesia na mas baguhan sa akin, medyo naiinggit pa rin ako, pero nawawala rin iyon agad sa pagdarasal at paghahanap ng katotohanan. Ngayon, gumagawa ako ng tungkulin sa bahay kasama ang asawa ko. Hindi iyon gaanong kapansin-pansin, pero masasabi kong kontento ako. Sa buhay natin, hinahayaan natin na makaimpluwensya ang salita ng Diyos, at pinakikinggan natin ang sinumang sumusunod sa katotohanan. Talagang naranasan kong binago ako ng Makapangyarihmang Diyos. Iniligtas Niya ang pamilya’t buhay may-asawa ko, at iniligtas Niya ako na isang masamang tao. Naging mayabang ako, palalo, nahumaling sa katayuan at pakinabang. Kung wala ang kaligtasan ng Diyos, hindi ko matatahak ang tamang landas sa buhay. Mas lalo lang akong magiging tiwali at masama, sa huli, isusumpa lang ako at mapaparusahan ng Diyos. Naramdaman ko ang kaligtasan ng Diyos sa mga karanasang ito. Ang pagsasakabuhayan nang mayroong kaunting wangis ng tao ay dahil lang sa naging paghatol at pagkastigo ng Diyos! Salamat sa Diyos!

Sinundan: Ang Tamang Desisyon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Diyos Ay nasa Aking Tabi

Ni Guozi, Estados Unidos Ipinanganak ako sa isang Kristiyanong pamilya, at noong ako ay isang taong gulang, tinanggap ng aking ina ang...

Ang Tamang Desisyon

Ni Shunyi, Tsina Ipinanganak ako sa isang liblib na nayon sa bundok, sa isang pamilya ng ilang henerasyon ng mga magsasaka. Noong nag-aaral...