Pagpapahirap sa Interrogation Room
Noong 2012, habang nangangaral ng ebanghelyo, dinakip ako ng Partido Komunista ng Tsina. Nang pagabi na noong Setyembre 13, umuwi ako sa bahay at, gaya ng dati kong ginagawa, ipinarada ko ang aking de-kuryenteng scooter sa labas at pinindot ang doorbell. Nagulat ako nang kabubukas ko pa lang sa pinto ay may apat na matitipunong lalaking sumunggab sa akin na parang mga lobo. Pinilipit nila ang mga braso ko sa likuran ko at pinosasan ako, pagkatapos ay isinalya ako sa isang silya at inipit ako roon. Agad sinimulang halungkatin ng ilang pulis ang aking bag. Sa harap ng biglaan at marahas na pagpapakitang ito ng puwersa, natigilan ako sa takot, at pakiramdam ko para akong isang kaawa-awang munting tupa na sinila ng mababangis na lobo, walang anumang lakas para makalaban kahit paano. Pagkatapos ay inilabas nila ako at ipinasok sa likod ng isang itim na kotseng sedan. Sa loob ng kotse, nilingon ako ng hepe ng pulis, na mukhang nakakaawang maliit na lalaking lasing sa sarili niyang tagumpay, at palihim akong nginisihan, at sinabing, “Hah! Alam mo ba kung paano ka namin nahuli?” Sa takot na baka magtangka akong tumakas, diniinan ako ng dalawang pulis sa magkabilang panig, na para bang ako’y isang mapanganib na kriminal. Kapwa nagalit at nataranta ako, at hindi ko mahulaan kung paano ako pahihirapan ng mga pulis. Matindi ang takot ko na baka hindi ko matiis ang kanilang pagpapahirap at maging isang Judas ako at magtaksil sa Diyos. Ngunit naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hangga’t madalas kayong nagdarasal at lumuluhod sa Aking harapan, pagkakalooban Ko kayo ng buong pananampalataya. Yaong mga may kapangyarihan ay maaaring mukhang masama sa tingin, ngunit huwag kayong matakot, sapagkat ito ay dahil mahina ang inyong pananampalataya. Hangga’t lumalago ang inyong pananampalataya, walang magiging napakahirap” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 75). Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas at unti-unti akong tinulungang mapanatag ng mga ito. “Oo,” naisip ko. “Gaano man kabagsik at kalupit ang masasamang pulis, mga kasangkapan lamang sila sa mga kamay ng Diyos at nasa pangangasiwa sila ng Diyos. Basta’t ako ay nagdarasal at nananawagan sa Diyos nang may tunay na puso, sasamahan ako ng Diyos at wala akong dapat ipag-alala. Kung malupit akong pahihirapan at bubugbugin ng masasamang pulis na ito, iyon ay dahil lamang nais subukin ng Diyos ang aking pananampalataya. Gaano man nila pahirapan ang aking laman, hindi nila mapipigilan ang puso ko kailanman sa pag-asam at pagtawag sa Diyos. Kahit patayin pa nila ang aking laman, hindi nila mapapatay ang aking kaluluwa, dahil nasa mga kamay ng Diyos ang aking kabuuan.” Nang maisip ko ito, hindi na ako natakot sa diyablong si Satanas at nagpasya na akong tumayong saksi para sa Diyos. Sa gayo’y nanawagan ako sa puso ko, “O Makapangyarihang Diyos! Anuman ang gawin nila sa akin ngayon, handa akong harapin ang lahat ng iyon. Bagama’t mahina ang aking laman, nais kong mabuhay na umaasa sa Iyo at hindi bigyan si Satanas ng kahit isang pagkakataong pagsamantalahan ako. Protektahan Mo sana ako, huwag Mong hayaang magtaksil ako sa Iyo, at huwag Mong hayaang maging isang walanghiyang Judas ako.” Habang sakay kami ng kotse, patuloy kong inaawit sa aking isipan ang isa sa mga himno ng iglesia: “Sa plano’t soberanya ng Diyos, hinaharap ko ang paghihirap at napapasailalim sa mga pagsubok. Paano ako susuko o magtatago? Ang una’y kaluwalhatian ng Diyos. Sa mga panahon ng kahirapan, salita ng Diyos ang gabay ko’t pananalig ko’y piniperpekto. Ibinibigay ko sa Diyos ang aking lubos na katapatan, mamatay man ako, ang kalooban ng Diyos ang nakahihigit sa lahat” (“Tanging Kahilingan Ko ay Masiyahan ang Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang tahimik akong umaawit, napuspos ng lakas ang puso ko, at naging determinado akong umasa sa Diyos upang magpatotoo at hiyain si Satanas.
Nang dalhin na nila ako sa interrogation room, nagulat akong makita na naroon din ang isang sister na kapareho ko ang tungkuling ginagampanan sa iglesia, at pati na ang isang lider ng iglesia. Nahuli rin silang lahat! Nakita ako ng isa sa mga pulis na nakatingin sa aking mga kapatid sa iglesia at tinitigan niya ako at pinagalitan, sinasabing, “Ano ang tinatanga-tanga mo riyan? Pasok diyan!” Para hindi kami makapag-usap, ikinulong kami ng mga pulis sa magkakaibang interrogation room. Walang pakundangan nila akong kinapkapan, hinubad ang aking sinturon at kinapkapan ang buong katawan ko. Pakiramdam ko’y nainsulto ako nang todo, at nakita ko kung gaano kasama, kasuklam-suklam at kasalbahe itong demonyong mga tauhan ng gobyernong CCP! Galit na galit ako, pero kinailangan kong lunukin ang matinding galit ko, sapagkat walang lugar ang katwiran sa lunggang ito ng mga halimaw. Matapos nilang makumpiska ang isang bagong de-kuryenteng scooter na pag-aari ng iglesia at mahigit 600 yuan na dala ko, sinimulan nila akong tanungin. “Ano’ng pangalan mo? Ano ang katungkulan mo sa iglesia? Sino ang lider ninyo? Nasa’n sila ngayon?” Hindi ako sumagot, kaya’t sinigawan ako ng pulis, “Akala mo ba hindi namin malalaman kung hindi mo sasabihin sa amin? Wala kang ideya kung ano ang kaya naming gawin! Dapat mong malaman na inaresto na rin namin ang matataas na lider n’yo!” Pagkatapos ay inilista nila ang ilang pangalan at itinanong kung may kilala ako sa kanila, at patuloy nila akong pinagtatanong. “Saan nakatago ang lahat ng pera ng inyong iglesia? Sabihin mo sa amin!” Binara ko ang lahat ng sinabi nila, sinasabing, “Wala akong kilala! Wala akong alam!” Nang makita nilang bigo ang unang pagtatanong nila, nagpasya silang ilabas na ang alas nila, at nagsimula silang maghalinhinan sa pagtatanong at pagpapahirap sa akin sa pagtatangkang sairin ang lakas ko. Dahil sa unang araw ay hindi nagawang makuha ng mga pulis ang impormasyong gusto nilang makuha mula sa akin, nagalit sila dahil napahiya sila, at buong bangis na sinabi ng kanilang hepe, “Hindi ako patatangay sa kanyang kasutilan. Pahirapan siya!” Hinawakan ng mga pulis ang mga kamay kong nakaposas pa rin sa likuran ko at isinabit ang mga ito sa isang mesa, pagkatapos ay pinilit nila akong manatali na medyo naka-iskuwat. Pagalit nila akong tiningnan at pinagtatanong. “Nasa’n ang lider n’yo? Nasa’n ang lahat ng pera ng iglesia?” Gustung-gusto nilang bumigay na ako sa pagpapahirap na iyon at sumuko na sa kanila. Matapos na patuloy na gawin ng masasamang pulis ang pagpapahirap na ito sa loob ng mga kalahating oras, nagsimulang sumakit at mangalog ang aking mga binti. Malakas ang tibok ng puso ko at masakit na masakit na rin ang mga braso ko. Sagad na ang pagtitiis ko at parang hindi na ako tatagal ni isang saglit, kaya’t buong taimtim akong nanawagan sa puso ko: “O Makapangyarihang Diyos! Iligtas Mo sana ako. Hindi ko na kaya. Ayaw kong magtaksil sa Iyo na gaya ni Judas. Bigyan Mo po sana ako ng lakas.” Sa sandaling iyon, sumaisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan. … Kapag naglalaban sa espirituwal na dako ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Ginising ako ng mga salita ng Diyos at binigyan ako ng kakayahang mapagtanto na pinahihirapan ako ni Satanas sa ganitong paraan upang pagtaksilan ko ang Diyos at tumigil ako sa paghahanap ng katotohanan. Ito’y isang pakikibaka sa espirituwal na daigdig: Iyon ay si Satanas na nagtatangkang tuksuhin ako, at iyon din ay paraan ng Diyos para subukin ako. Iyon mismo ang sandaling kinakailangan ako ng Diyos na magpatotoo. May mga inaasahan ang Diyos sa akin at napakaraming anghel ang nakamasid sa akin ngayon, pati na rin ang diyablong si Satanas, na pawang naghihintay na ideklara ko ang aking posisyon. Sadyang hindi ako maaaring sumuko at humilata at hindi ako maaaring sumuko kay Satanas; alam ko na kailangan kong hayaang maisagawa ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ko upang matugunan ang kalooban ng Diyos. Sa di-mababagong prinsipyo, ito ang tungkuling dapat kong ginagampanan bilang isang nilalang—ito ang aking tungkulin. Sa mahalagang sandaling ito, ang aking saloobin at pag-uugali ay magkakaroon ng direktang epekto sa kakayahan kong matagumpay na magpatotoo sa Diyos, at higit pa rito ay magkakaroon ng direktang epekto sa kakayahan kong maging patotoo sa pagtalo ng Diyos kay Satanas at sa Kanyang pagkakamit ng kaluwalhatian. Alam kong hindi ako maaaring maging sanhi ng kalungkutan ng Diyos o biguin Siya, at hindi ko mapapayagang magtagumpay ang mga tusong pakana ni Satanas na nagpahirap sa akin. Habang iniisip ko ang mga ito, bigla akong nakaramdam ng lakas sa puso ko at matatag kong sinabi, “Bugbugin man ninyo ako hanggang sa mamatay, wala pa rin akong anumang alam!” Pagkasabi niyon, isang babaeng pulis ang pumasok sa silid. Nakita niya ako at sinabing, “Bilisan ninyo, ibaba n’yo siya. Ano’ng gusto ninyong gawin, patayin siya? Kayo ang mananagot kapag may mangyari sa kanya!” Nalaman ko sa puso ko na pinakinggan ng Makapangyarihang Diyos ang aking mga panalangin at iniligtas ako mula sa kapahamakan sa sandaling ito ng panganib. Nang ibaba na ako ng masasamang pulis, agad akong namaluktot sa sahig. Hindi ako makatayo, at ganap nang nawalan ng pakiramdam ang mga braso at binti ko. Halos wala na akong lakas para huminga at ni hindi ko maramdaman ang mga paa’t kamay ko. Takot na takot ako sa oras na iyon mismo at walang tigil sa pagdaloy ang mga luha mula sa aking mga mata. Naisip ko: “Malulumpo ba ako?” Gayunman, sa kabila nito, hindi pa rin ako pinakawalan ng masasamang pulis. May tig-isa sa magkabilang tabi ko, at hinawakan nila ang mga braso ko at kinaladkad akong parang bangkay papunta sa isang silya, at isinalya ako roon. Mabagsik na sinabi ng isa sa mga pulis, “Kung hindi siya magsasalita ibitin n’yo siya gamit ang lubid!” Dali-daling kinuha noong isa pang masamang pulis ang isang manipis na lubid na nylon at ginamit ito upang ibitin ang nakaposas kong mga kamay sa isang heating pipe. Agad na nabatak nang tuwid ang mga braso ko, at agad nagsimulang sumakit ang likod at mga balikat ko. Patuloy akong tinanong ng masasamang pulis ng, “Sasabihin mo ba sa amin ang gusto naming malaman?” Hindi pa rin ako sumagot. Nagalit sila nang husto kaya’t sinabuyan ako ng isang tasang tubig sa aking mukha, sinasabing ito ay para magising ako. Sa sandaling ito, napahirapan na ako hanggang sa wala na akong natirang ni katiting na lakas, at pagod na pagod na ang mga mata ko kung kaya’t ni hindi ko na maimulat ang mga ito. Nang makitang tahimik pa rin ako, walang-awa at walang kahiya-hiyang pilit na ibinuka ng isa sa masasamang pulis ang mga mata ko para gawin akong katawa-tawa. Sa ilang oras na pagtatanong at pagpapahirap, nagawa na ng masasamang pulis ang lahat ng paraang alam nila, ngunit nabigong lahat ang mga pagtatangka nilang pagsalitain ako.
Nang makitang wala silang makukuha sa akin sa kanilang pagtatanong, nagpasya ang masasamang pulis na gumamit ng napakahayop na paraan: Pinapunta nila ang isang tao mula sa lungsod na tinatawag ang kanyang sarili na isang “eksperto sa interogasyon” para harapin ako. Dinala nila ako sa ibang silid at inutusan akong umupo sa isang silyang bakal, pagkatapos ay ikinadena nila nang mahigpit ang mga bukung-bukong ko sa mga paa ng silya at ang mga kamay ko sa mga patungan ng kamay. Makaraan ang ilang saglit, isang nakasalamin at mukhang maginoong lalaki ang pumasok na may dalang portpolyo. Ngumiti siya nang todo sa akin at, nagpapanggap na mabait, kinalag niya ang mga kadenang gumagapos sa aking mga kamay at bukung-bukong sa silya at pinayagan akong maupo sa isang kama sa isang panig ng silid. Isang sandali pa binigyan niya ako ng isang tasang tubig, pagkatapos ay binigyan niya ako ng mga kendi. Lumapit siya sa akin at sinabi na may pakunwaring kabaitan na, “Bakit kailangan mong magdusa nang ganito? Sobra na ang pagdurusa mo, pero ang totoo’y hindi ito malaking bagay. Sabihin mo sa amin ang nais naming malaman, at magiging maayos ang lahat….” Sa harap ng bagong sitwasyong ito, hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin, kaya’t dali-dali akong nanalangin sa Diyos sa puso ko at nanawagan sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako. Pagkatapos niyon, naisip ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat gising kayo at naghihintay sa lahat ng oras, at dapat kayong mas manalangin sa harapan Ko. Dapat ninyong makilala ang iba’t ibang balak at mga tusong pakana ni Satanas, makilala ang mga espiritu, makilala ang mga tao, at makayang makilatis ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 17). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa at tinulungan akong matanto na ang diyablo ay lalaging isang diyablo, at hindi kailanman mababago ng diyablo ang diwa nitong makademonyo, lumalaban sa Diyos, at namumuhi sa Diyos. Gumagamit man sila ng malulupit na taktika o mararahang taktika, ang mithiin nila palagi ay gawin akong magtaksil sa Diyos at talikuran ang tunay na daan. Salamat sa babala ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkahiwatig sa mga tusong pakana ni Satanas, luminaw ang aking isipan, at nagawa kong matatag na manindigan. Pagkatapos ay sinabi sa akin ng tagapagtanong, “Pinagbabawalan ng gobyernong CCP ang mga tao na maniwala sa Diyos. Kung patuloy kang maniniwala sa Makapangyarihang Diyos, madadamay ang buong pamilya mo, at maaapektuhan nito ang kinabukasan, mga pagkakataon sa trabaho, at mga pagkakataon sa serbisyo sibil ng mga bata sa inyong pamilya. Makabubuting pag-isipan mo itong mabuti….” Pagkatapos niyang sabihin ito, nagsimulang magtalo ang kalooban ko, at lalo akong nabahala. Nang pakiramdam ko ay nawawala na ako, bigla kong naisip ang mga karanasan ni Pedro nang matagumpay siyang tumayong saksi sa harap ni Satanas; palaging sinikap ni Pedro na maunawaan ang Diyos sa bawat tusong pakanang ibinato sa kanya ni Satanas. Kaya’t, sa kaibuturan ng aking puso, umasa ako sa Diyos at ipinagkatiwala ko sa Kanya ang lahat, at hinangad ko ang Kanyang kalooban. Nang hindi ko namamalayan, sumaisip ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito, at bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaaliw sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagmamalasakit sa sangkatauhang ito gabi’t araw. Ang pag-unlad at paglago ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi mailalabas mula sa mga disenyo ng Diyos. Kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, ikaw ay tiyak na maniniwala na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bayan o bansa ay nangyayari ayon sa mga disenyo ng Diyos. Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng isang bayan o bansa, at Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Pinuspos ako ng liwanag ng mga salita ng Diyos. “Oo!” naisip ko. “Ang Diyos ang Lumikha at nasa mga kamay Niya ang kapalaran natin bilang sangkatauhan. Ang diyablong si Satanas ang uring sumusuway sa Diyos. Kung ni hindi nila mabago ang kanilang sariling tadhana na mapunta sa impiyerno, paano pa kaya nila mapapamahalaan ang kapalaran ng tao? Ang tadhana ng tao ay itinakda na ng Diyos noon pa man, at anuman ang maging trabaho ng mga anak ko sa hinaharap at anuman ang maging mga pagkakataon nila ay Diyos na ang bahala—walang anumang kontrol si Satanas sa mga bagay na ito.” Nang maisip ko ito, nakita ko nang mas malinaw kung gaano kasuklam-suklam at kawalanghiya si Satanas at ang mga demonyo. Upang mapuwersa akong ikaila at tanggihan ang Diyos, gumagamit ito ng mga mapanira at masasamang taktika—itong mga paglalaro sa isipan—upang akitin akong magpalinlang. Kung hindi dahil sa napapanahong kaliwanagan at patnubay ng Makapangyarihang Diyos, sana ay naitumba na ako at nabihag ni Satanas. Ngayong alam ko na kung gaano kasuklam-suklam at kasama si Satanas, ang tiwala kong huwag patangay sa mga tusong pakana nito ay lumakas. Sa huli, wala nang maisip ang masamang pulis at hindi na alam kung ano pa ang gagawin, kaya’t umalis siya na nanlulumo.
Noong ikatlong araw, nakita ng hepe ng Criminal Police Brigade na wala silang nakuhang impormasyon mula sa akin at nagalit ito, nagrereklamo sa kawalan ng kakayahan ng kanyang mga tauhan. Lumapit siya sa akin at nakangising may pang-iinis na nagsabing, “Bakit hindi ka pa umaamin? Sino ka ba sa akala mo, si Liu Hulan? Akala mo ba nagawa na namin ang pinakamatindi sa iyo kaya hindi ka natatakot, ha? Bakit hindi pumarito ang iyong Makapangyarihang Diyos para iligtas ka?” Habang nagsasalita siya, tinakot niya ako sa pamamagitan ng pagpapakita ng maliit na panguryenteng batuta sa harap ng mga mata ko, na tumutunog pa at naglalabas ng asul na ilaw, pagkatapos ay itinuro niya ang isang malaking panguryenteng batuta na kasalukuyang naka-charge at binantaan ako, sinasabing, “Nakikita mo ba ‘yon? Malapit nang maubusan ng karga ang maliit na batutang ito. Maya-maya, gagamitin ko ang malaking batuta na iyon na puno ang karga para kuryentihin ka, at makikita natin kung magsasalita ka! Alam kong magsasalita ka na noon!” Tiningnan ko ang malaking batuta at hindi ko napigilang magsimulang mataranta: “Masyadong malupit at parang demonyo ang masamang pulis na ito. Papatayin kaya niya ako? Matitiis ko ba ang pagpapahirap na ito? Kukuryentihin ba ako hanggang sa mamatay?” Sa sandaling iyon, pumasok lahat sa isip ko ang kahinaan, kaduwagan, at sakit at kawalan ng magagawa na nararamdaman ko. Dali-dali akong nanawagan sa Diyos: “Diyos ko, protektahan Mo po ako at bigyan ng pananampalataya at lakas.” Pagkatapos, pumasok sa isipan ko ang ilang linya mula sa isang himno ng mga salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos” (“Ang Pagsapit ng Karamdaman ay Pag-ibig ng Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Pumasok din sa aking isipan ang mga salitang ito ng Panginoong Jesus: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28). Malayang dumaloy ang aking mga luha dahil sa mga salita ng Diyos—labis akong naantig. Parang apoy na naglalagablab ang lakas sa aking puso. “Mamatay man ako ngayon,” naisip ko, “ano ang dapat ikatakot? Maluwalhati ang mamatay para sa Diyos, at ibibigay ko ang lahat upang labanan si Satanas hanggang kamatayan!” Sa sandaling iyon mismo, pumasok sa aking isipan ang ilang linya mula sa isa pang himno ng mga salita ng Diyos: “Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensyon na hindi tuparin ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya” (“Tularan ang Panginoong Jesus” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Umawit ako nang umawit sa aking puso, at walang tigil na tumulo ang mga luha sa aking mga pisngi. Napanood ko sa harap ko mismo ang tagpo ng pagpapako sa Panginoong Jesucristo sa krus: Ang Panginoong Jesus ay hinamak, tinuya at siniraan ng mga Fariseo, hinagupit Siya ng berdugo gamit ang isang latigong may tingga sa dulo hanggang sa matadtad Siya ng mga sugat at pasa, hanggang sa buong kalupitan Siyang ipinako sa krus, gayunma’y walang narinig sa Kanya. Lahat ng pinagdaanan ng Panginoong Jesus ay pinagdusahan dahil sa Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan, at nadaig ng pagmamahal na ito ang Kanyang pagmamahal sa sarili Niyang buhay. Sa sandaling iyon, nabigyang-inspirasyon at naantig ng pagmamahal ng Diyos ang puso ko, at napuspos ako ng matinding lakas at pananampalataya. Hindi na ako takot sa anumang bagay, at pakiramdam ko magiging maluwalhati ang mamatay para sa Diyos, samantalang ang pagiging gaya ni Judas ang magiging pinakamalaking kahihiyan. Nagulat ako, nang magpasya akong tumayong saksi para sa Diyos kahit buhay ko pa ang maging kapalit nito, patakbong pumasok ang isang masamang pulis sa silid, at nagsabing, “May gulo sa liwasan ng lungsod, kailangan nating pakilusin ang kapulisan para sugpuin iyon at mapanatili ang kaayusan ng publiko!” Nagmamadaling naglabasan ang masasamang pulis. Nang bumalik sila, gabing-gabi na, at wala na silang lakas para tanungin pa ako. Mabangis nilang sinabi sa akin, “Dahil ayaw mong magsalita, ipapadala ka namin sa detention house!” Kinaumagahan ng ikaapat na araw, kinunan ako ng litrato ng masasamang pulis at sinabitan ang leeg ko ng malaking kuwadradong karatula na may nakasulat na pangalan ko gamit ang isang brush. Para akong isang kriminal na binabatikos, hinahamak at nililibak ng masasamang pulis. Pakiramdam ko isinasailalim ako sa pinakamalaking kahihiyan, at hinang-hina ang kalooban ko. Natanto ko na hindi maayos ang kalagayan ng isip ko, kaya’t dali-dali akong nanawagan nang tahimik sa Diyos sa puso ko: “Diyos ko! Pangalagaan Mo sana ang puso ko at bigyan ako ng kakayahang maunawaan ang Iyong kalooban at hindi mahulog sa mga tusong pakana ni Satanas.” Pagkatapos manalangin, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang lumitaw sa isip ko: “Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. … Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2). Tinulutan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na, ang hanapin ang katotohanan bilang isang nilalang, at mabuhay upang sambahin at bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang pinakamakahulugan at pinakamakabuluhang buhay. Ang mabihag at madetena ngayon dahil sa aking paniniwala sa Diyos, ang dumanas ng lahat ng kahihiyan at pasakit na ito, at makabahagi sa mga pagdurusa ni Cristo, ay hindi nakakahiya, kundi maluwalhati. Hindi sinasamba ni Satanas ang Diyos; bagkus, ginagawa nito ang lahat upang gambalain at hadlangan ang gawain ng Diyos, at ito ang pinakanakakahiya at kasuklam-suklam. Habang nasasaisip ang mga ito, napuno ako ng lakas at kagalakan. Nakita ng masasamang pulis ang ngiti sa aking mukha at tinitigan ako nang may pagkamangha, at sinabing, “Ano ang nakakatuwa?” Sumagot ako nang makatwiran at buong diin, “Lubos na makatarungan ang maniwala at sumamba sa Diyos. Wala talagang mali rito. Bakit hindi ako matutuwa?” Wala silang sinabi matapos marinig ang mga salitang ito. Sa patnubay ng mga salita ng Diyos, muli kong nagawang umasa sa Diyos upang madaig si Satanas.
Pagkatapos ay dinala ako sa detention house. Lahat ng nasa lugar na iyon ay mas madilim at nakakatakot, at pakiramdam ko nakababa ako sa kung anong klaseng impiyerno. Sa bawat pagkain, binigyan ako ng maliit at maitim na piraso ng pinasingawang tinapay at isang mangkok ng malinaw na sabaw na may ilang nakalutang na dahon ng pechay sa ibabaw. Gutom na gutom ako araw-araw, kumakalam ang tiyan ko sa gutom. Gayunman, sa kabila nito, kinailangan ko pa ring magtrabaho na parang hayop na may kargada, at kung hindi ko maabot ang quota ko, binubugbog ako o kaya’y pinatatayong guwardiya bilang parusa. Dahil maraming araw akong malupit na pinahirapan ng masasamang pulis, nagkapasa at nasugatan na ako mula ulo hanggang paa, at kahit ang lumakad ay hirap ako, pero pinilit pa rin ako ng opisyal sa piitan na magbuhat ng mabibigat na copper wire. Dahil sa mabigat na trabahong ito, sumakit nang husto ang napinsala ko nang likod, at wala akong nagawa sa pagtatapos ng bawat araw kundi ang gumapang papunta sa aking higaan. Ngunit kahit ganito, pinatatayo pa rin akong guwardiya sa gabi ng masamang opisyal sa piitan, at labis akong napagod dahil dito. Isang gabi habang ako ang nakatayong guwardiya, sinamantala ko habang wala ang masamang opisyal sa piitan at palihim akong yumukyok, umaasang makapagpahinga. Gayunman, hindi ko inaasahan na nakita ako ng isang masamang opisyal sa piitan sa screen na nasa surveillance room at sinugod ako na sumisigaw, “Sino’ng nagsabi sa iyo na puwede kang umupo?” Binulungan ako ng isa sa mga bilanggo, “Bilisan mo, humingi ka ng tawad, kung hindi ‘patutulugin ka niya sa tabla.’” Ang ibig niyang sabihin dito ay ang pahirap kung saan dadalhin ang isang pintong tabla sa selda ng preso, ikakadena ang kanyang mga binti at paa rito, at itatali rito ng lubid ang mga kamay niya sa bandang pulso. Pagkatapos ay itatali ang preso sa tabla, at hindi siya papayagang kumilos ulit sa loob ng dalawang linggo. Nang marinig ko ito, napuno ako ng kapwa galit at poot, ngunit alam kong hindi ako puwedeng magpakita ng kahit kaunting paglaban—ang tanging nagawa ko ay lunukin ang galit ko. Napakahirap palang tiisin ang gayong pananakot at pagpapahirap. Noong gabing iyon, nahiga ako sa kama kong naninigas sa lamig at iniyakan ko ang kawalang-katarungan ng lahat ng ito, puno ng reklamo at paghiling sa Diyos ang puso ko, iniisip ko na: “Kailan ito matatapos? Isang araw lang sa impiyernong lugar na ito ay sobra-sobra na.” Pagkatapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kung nauunawaan mo ang kabuluhan ng buhay ng tao at natahak ang tamang landas ng buhay ng tao, at kung sa hinaharap ay magpapasakop ka sa Kanyang mga plano nang walang anumang mga reklamo o pagpipilian paano ka man pinakikitunguhan ng Diyos, at kung hindi ka hihiling ng anuman sa Diyos, sa ganitong paraan ay magiging isa kang taong may halaga” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Tahakin ang Huling Bahagi ng Landas). Nahiya ako sa sarili ko dahil sa mga salita ng Diyos. Naisip ko kung paano ko palaging sinasabi na hahangarin kong sundin ang Diyos tulad ng ginawa ni Pedro, gaano man katindi ang sakit at hirap, at na hindi ako gagawa ng mga desisyon o hihiling para sa sarili kong kapakanan. Gayunman, nang dumanas ako ng pag-uusig at paghihirap, at kinailangan kong magdusa at pagbayaran ang halaga, sinubukan kong mag-isip ng malalabasan. Wala talaga akong anumang pagsunod! Noon ko lamang naunawaan sa wakas ang mabubuting intensyon ng Diyos: tinutulutan ng Diyos na danasin ko ang paghihirap na ito upang patibayin ang aking pasya na magtiis ng pagdurusa, at tulutan akong matutuhan kung paano sumunod habang nagdurusa, upang magawa kong magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos at maging karapat-dapat akong matanggap ang Kanyang pangako. Lahat ng ginagawa sa akin ng Diyos ay ginagawa dahil sa pagmamahal at ginagawa iyon upang iligtas ako. Pagkatapos niyon lumaya ang puso ko, at hindi ko na nadama na ginawan ako ng mali o sinaktan. Ang ginusto ko lamang ay magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, upang magpatotoo at hiyain si Satanas.
Makalipas ang isang buwan, pinalaya ako. Gayunman, pinaratangan nila akong “nanggugulo sa pagpapatupad ng batas at nakikibahagi sa isang organisasyong xie jiao” para limitahan ang aking personal na kalayaan. Sa loob ng isang taon, hindi ako pinayagang umalis ng aking lungsod o probinsya, at kinailangan kong magpunta sa mga pulis kahit kailan nila ako gustong tawagin. Pag-uwi ko, saka ko lamang nalaman na ninakaw at kinuha na ng mga pulis ang lahat ng pag-aari ko na nasa bahay. Bukod pa rito, hinalughog na ng masasamang pulis ang bahay ko na parang mga tulisan, at pinagbantaan na nila ang pamilya ko, sinasabing kailangan nilang magbigay ng 25,000 yuan bago nila ako pakawalan. Hindi na nakayanan ng aking biyenang babae ang takot sa lahat ng ito at inatake siya sa puso, at gumaling lamang matapos siyang maospital at magamot, sa halagang mahigit sa 2,000 yuan. Sa huli, napilitan ang pamilya ko na lapitan ang bawat kakilala nila para humiram ng pera upang makalikom sila ng 3,000 yuan para sa mga pulis, at noon lamang ako pinakawalan. Dahil sa malulupit na pagpapahirap na ginawa sa akin ng masasamang pulis, nagdurusa na ang katawan ko ng matitinding epekto nito: Madalas mamaga ang mga braso at binti ko at sumasakit dahil sa matinding pahirap sa mga ito noong nabilanggo ako; ni hindi ko mabuhat ang dalawa’t kalahating kilo ng mga gulay o malabhan ang mga damit ko, at tuluyan akong nawalan ng kakayahang magtrabaho.
Nagbigay sa akin ang karanasang iyon ng pag-aresto at pag-uusig ng malinaw na pagkakita sa Partido Komunista, sa masama at demonyong mukha nito na galit sa katotohanan at kinapopootan ang Diyos. Pinukaw nito ang aking pagkasuklam kay Satanas at sa mala-demonyo at masamang Partido Komunista ng Tsina na ganap na salungat sa Langit. Nagkaroon din ako ng isang tunay at personal na karanasan kung gaano kapraktikal at katalino ang gawain ng Diyos. Nabuo ang aking pagkilatis dahil sa pag-aresto at pag-usig ng Partido Komunista; pinatibay rin nito ang aking pasya at ginawang perpekto ang aking pananampalataya, na tinulutan akong malaman kung paano magtiwala at umasa sa Diyos. Nalasap ko rin ang kapangyarihan at awtoridad ng mga salita ng Diyos, nakikita na maaaring mapagkunan ang mga ito ng tulong na palaging nasa ating tabi. Nakita kong ang Diyos lamang ang nagmamahal sa tao at ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Napalapit ako sa Diyos sa aking puso. Inani ko ang lahat ng gantimpalang ito mula sa pagdanas ng paghihirap at mga pagsubok. Nagpapasalamat ako sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.