Napatibay ng Pagmamahal ng Diyos ang Puso Ko

Nobyembre 27, 2019

Ni Zhang Can, Lalawigan ng Liaoning

Sa pamilya ko, palaging nagkakasundo ang lahat. Masyadong mapagbigay at mapagmahal ang asawa ko, at lubhang matino at palaging magalang ang anak ko sa mga nakatatanda sa kanya. Bukod pa riyan, medyo mayaman kami. Sa teorya, dapat ay masayang-masaya ako, pero hindi ganoon ang totoong nangyari. Napakabuti man ng pagtrato ng asawa’t anak ko sa akin at gaano man kami kayaman, hindi ako mapasaya ng mga iyon. Hindi ako nakatulog sa gabi kahit kailan dahil nagkaroon ako ng arthritis at malubhang insomnia, na naging sanhi ng mababang sirkulasyon ng dugo sa utak ko at panghihina ng mga paa’t kamay ko. Dahil sa pahirap ng mga karamdamang ito na sinabayan pa ng patuloy na problema sa pagpapatakbo ng negosyo, nabuhay ako sa di-maipaliwanag na pagdurusa. Sinikap kong madaig iyon sa maraming iba’t ibang paraan, pero tila walang umubra.

Noong Marso ng 1999, itinuro sa akin ng isang kaibigan ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pagbabasa ng salita ng Diyos araw-araw, pagdalo palagi sa mga pagtitipon, at pakikibahagi sa aking mga kapatid, naunawaan ko ang ilang katotohanan, natutuhan ang maraming hiwagang dati ay hindi ko alam, at tumibay ang paniniwala ko na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus. Tuwang-tuwa ako sa lahat ng ito at gutom na binasa ko ang salita ng Diyos araw-araw. Naging abala rin ako sa buhay-iglesia, madalas na nakikitipon, nagdarasal, at kumakanta ng mga himno at sumasayaw bilang papuri sa Diyos na kasama ang aking mga kapatid. Nakadama ako ng kapayapaan at kaligayahan sa puso ko at sumigla at gumanda ang pananaw ko sa bawat araw na lumipas. Unti-unti pero tiyak, nagsimula rin akong gumaling sa iba’t iba kong karamdaman. Madalas kong pinasalamatan at pinuri ang Diyos para sa mga positibong pagbabago sa buhay ko at ginusto kong ipalaganap ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mas marami pang tao para matamo nilang lahat ang pagliligtas ng Diyos. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, pinamahala ako ng iglesia sa gawain nitong ipalaganap ang ebanghelyo. Ibinuhos ko ang panahon ko sa gawaing ito nang may marubdob na kasigasigan, pero may nangyari na hindi ko naisip kailanman …

Noong gabi ng Disyembre 15, 2012, katatapos ko pa lang kausapin ang apat na miyembrong babae at paalis na sana ako, narinig namin ang isang malakas na kalabog nang may sumipa at nagbukas sa pinto sa harapan at pito o walong pulis na naka-ordinaryong damit ang biglang pumasok sa kuwarto, na sinisigawan kami ng: “Walang kikilos, taas ang mga kamay!” Walang ipinapakitang anumang dokumento, sapilitan nila kaming kinapkapan, kinuha ang ID card ko at ang isang resibo ng transaksyon ng pondo ng iglesia na nagkakahalaga ng 70,000-RMB. Tuwang-tuwa sila nang makita nila ang resibo at ipinagtulakan at kinaladkad kami papunta sa sasakyan ng pulis at dinala kami sa presinto. Sa presinto, kinuha nila ang aming mga cell phone, MP5 player at perang 200 RMB mula sa bag namin. Sa oras na iyon, naghinala sila na ang isa sa mga babae at ako ay mga lider ng iglesia, kaya inilipat nila kaming dalawa sa Criminal Investigations Unit ng Municipal Public Security Bureau noong gabing iyon.

Pagdating namin, pinaghiwa-hiwalay kami ng mga pulis at isa-isa kaming tinanong. Ipinosas nila ako sa isang bangkong bakal at pagkatapos ay marahas akong tinanong ng isang opisyal: “Ano ‘tong resibong 70,000 RMB? Sino’ng nagpadala ng pera? Nasa’n ‘yon ngayon? Sino ang lider ng inyong iglesia?” Patuloy akong nagdasal sa Diyos sa puso ko: “Diyos ko! Pinipilit ako ng pulis na ito na pagtaksilan ang mga lider ng iglesia at ibigay ang pera ng iglesia. Talagang hindi ako maaaring magsa-Judas at pagtaksilan Ka. Diyos ko! Handa akong ipaubaya ang buhay ko sa Iyong mga kamay. Nagmamakaawa ako na pagkalooban Mo ako ng pananampalataya, lakas ng loob at talino. Paano man ako hingan ng impormasyon ng mga pulis, handa akong tumayong saksi para sa Iyo.” Pagkatapos ay matatag kong sinabi sa kanila: “Hindi ko alam!” Ikinagalit ito ng pulis; dumampot siya ng tsinelas sa sahig at mabangis na pinagpapalo ako sa ulo habang galit akong sinasabihan na: “Subukan mo lang manahimik. Subukan mo lang manalig sa Makapangyarihang Diyos! Tingnan natin kung gaano katagal ka mananalig!” Sumakit nang husto ang mukha ko sa palo at nagsimula itong mamaga kaagad, at tumibok ang ulo ko sa sakit. Apat o limang pulis ang nagsalitan sa pagpalo sa akin para pilitin akong sabihin sa kanila kung saan nakatago ang pera ng iglesia. Pinagsisipa ako ng ilan sa kanila sa binti, sinabunutan ako ng ilan, hinila ang buhok ko at inalug-alog ang ulo ko, at sinampal-sampal ako ng ilan sa bibig. Nagsimulang magdugo ang bibig ko, pero pinunasan lang nila ang dugo at patuloy akong pinagsasampal. Tinusok-tusok nila ako ng baston na may kuryente at, habang binubugbog nila ako, sumigaw sila ng: “Magsasalita ka ba o hindi? Magtapat ka na!” Nang makita nila na ayaw ko pa ring magsalita, kinuryente nila ako sa singit at dibdib—napakasakit niyon. Kumakabog ang puso ko, nahirapan akong huminga at namaluktot ako na parang bola, na nangangatog. Pakiramdam ko malapit na akong mamatay, paunti-unti. Kahit nakapinid ang bibig ko at hindi ako umimik, pakiramdam ko hinang-hina na ang puso ko at akala ko hindi na ako tatagal. Sa gitna ng paghihirap ko, patuloy akong nagdasal sa Diyos: “Diyos ko! Kahit nagpasiya na akong palugurin Ka, mahina at walang lakas ang aking katawan. Nawa’y puspusin Mo ako ng lakas para makatayo akong saksi sa Iyo.” Sa sandaling iyon, bigla kong naisip kung paano, bago ipinako ang Panginoong Jesus sa krus, binugbog Siya nang husto ng mga sundalong Romano: Binugbog Siya at niluray-luray hanggang sa maging duguan, at puno ng sugat ang buo Niyang katawan…, subalit hindi Siya umimik. Ang Diyos ay banal at walang kasalanan, subalit labis Siyang hiniya at pinahirapan at niloob pa Niyang ipako Siya sa krus para matubos ang sangkatauhan. Naisip ko sa sarili ko: “Kung kaya ng Diyos na ialay ang Kanyang katawan para iligtas ang tiwaling sangkatauhan, dapat akong sumailalim sa paghihirap para suklian ang pagmamahal ng Diyos.” Nahikayat ng pagmamahal ng Diyos, nanumbalik ang tiwala ko sa sarili at sumumpa ako sa Diyos: “Diyos ko, anumang paghihirap ang nararanasan Mo, dapat ay ako rin. Kailangan kong uminom mula sa saro ng pagdurusa tulad Mo. Iaalay ko ang aking buhay para tumayong saksi sa Iyo!”

Matapos ang pahirap na ito sa loob halos ng magdamag, nabugbog ako hanggang sa wala nang natirang lakas sa katawan ko. Pagod na pagod ako kaya hindi ko halos maimulat ang mga mata ko, pero nang pipikit na ako, binuhusan nila ako ng tubig. Nanginig ako sa ginaw. Nang makita ako ng mga hayop na ito sa gayong kalagayan, mabangis silang suminghal: “Ayaw mo pa ring magsalita? Sa lugar na ‘to, puwede ka naming pahirapan hanggang sa mamatay ka at walang makakaalam kahit kailan!” Hindi ko sila pinansin. Pagkatapos ay kumuha ng balat ng mga buto ng sunflower ang masasamang pulis na iyon at isinaksak iyon sa kuko ko; hindi ko matagalan ang sakit niyon at hindi ko mapigil sa panginginig ang daliri ko. Pagkatapos ay sinabuyan nila ng tubig ang mukha ko at ibinuhos iyon hanggang sa leeg ko⁠. Nanginig ako sa sagad-sa-butong lamig ng tubig; hirap na hirap ako. Noong gabing iyon, patuloy akong nagdasal sa Diyos, sa takot na kung talikuran ko Siya, hindi ko makakayang mabuhay. Lagi kong katabi ang Diyos at ang Kanyang mga salita ay laging nagpalakas ng loob ko: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga …(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng saganang lakas. Naisip ko sa sarili, “Tama, naghahari ang Diyos sa lahat at lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Kahit pahirapan ng masasamang pulis ang aking katawan hanggang sa mamatay ako, kontrolado ng Diyos ang aking espiritu.” Sa suporta ng Diyos, hindi na ako takot kay Satanas, lalong hindi ako magiging traidor at mamumuhay ng walang-kabuluhang buhay sa pambubuyo ng laman. Sa gayon, sumumpa ako sa Diyos sa panalangin: “Diyos ko! Kahit pahirapan ng mga demonyong iyon ang aking katawan, handa pa rin akong palugurin Ka at ipaubaya ang sarili ko sa Iyong mga kamay. Kahit ikamatay ko, tatayo akong saksi sa Iyo at hinding-hindi ako luluhod sa harap ni Satanas!” Sa patnubay ng mga salita ng Diyos, nakadama ako ng lubos na tiwala at pananampalataya. Kahit pinahihirapan at sinasaktan ng mga pulis ang aking katawan at sagad na ang aking pagtitiis, sa pagpapatatag sa akin ng salita ng Diyos, bago ko pa nalaman nabawasan na ang pananakit ng katawan ko.

Kinabukasan, patuloy akong tinanong ng masasamang pulis at tinakot ako, sinasabing: “’Pag hindi ka pa nagsalita ngayon, ibibigay ka namin sa special police unit—may 18 iba’t ibang kasangkapan sila sa pagpapahirap na naghihintay sa iyo roon.” Nang marinig ko na ibibigay nila ako sa special police unit, hindi ko napigilang matakot, na iniisip sa sarili na: “Siguradong mas malulupit ang special police kaysa sa mga ito; paano ako makakaligtas sa 18 iba’t ibang klase ng pagpapahirap?” Nang malapit na akong masindak, naisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ano ang isang mananagumpay? Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay kailangang maging matapang at manalig sa Akin upang maging malakas sa espirituwal; kailangan silang lumaban upang maging mga mandirigma at labanan si Satanas hanggang kamatayan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 12). Biglang pinayapa ng mga salita ng Diyos ang galit na galit at nasisindak na puso ko. Pinatanto ng mga ito sa akin na ito ay isang espirituwal na pakikibaka at na sumapit na ang sandali na gusto ng Diyos na ako ay magpatotoo. Dahil sa pagsuporta ng Diyos, wala akong dapat ikatakot. Anumang klaseng baliw na mga taktika ang gamitin ng masasamang pulis, kinailangan kong umasa sa Diyos para maging isang mabuting sundalo ni Cristo at malabanan si Satanas hanggang kamatayan nang hindi sumusuko.

Noong hapong iyon, pumasok ang dalawang opisyal na namamahala sa mga gawaing pangrelihiyon mula sa Municipal Public Security Bureau para tanungin ako: “Sino ang lider ng inyong iglesia?” tanong nila. “Hindi ko alam,” sagot ko. Nakikitang ayaw kong magsalita, pinagsalitan nila ang madadali at mahihirap na taktika. Idiniin talaga nang husto ng isa sa kanila ang kanyang kamao sa balikat ko habang ang isa pa ay panay ang buga ng kakatwang mga teorya na nagkakaila sa pag-iral ng Diyos para subuking hikayatin ako: “Lahat ng bagay sa sansinukob ay nanggagaling sa natural na mga proseso. Kailangang maging mas praktikal ka: Hindi malulutas ng pananalig sa Diyos ang anuman sa mga problema mo sa buhay; magagawa mo lamang iyon sa pag-asa sa sarili mo at pagsusumikap. Maihahanap ka namin ng trabaho pati na ang anak mo….” Patuloy akong nakipagniig sa Diyos sa puso ko, pagkatapos ay naisip ko ang isang sipi ng Kanyang salita: “Dapat gising kayo at naghihintay sa lahat ng oras, at dapat kayong mas manalangin sa harapan Ko. Dapat ninyong makilala ang iba’t ibang balak at mga tusong pakana ni Satanas, makilala ang mga espiritu, makilala ang mga tao, at makayang makilatis ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay …(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 17). Agad akong naliwanagan ng mga salita ng Diyos, at natulutan akong makita ang pakikipagsabwatan ni Satanas. Naisip ko sa sarili ko: “Sinusubukan akong linlangin ng masamang pulis sa kanyang kakatwang mga teorya at suhulan ako ng walang-kuwentang mga pabor—hindi ako dapat magpatangay sa mga panloloko ni Satanas, at, higit pa rito, hindi ko dapat pagtaksilan ang Diyos at hindi ako dapat magsa-Judas.” Sa kaliwanagang ipinagkaloob sa akin ng Diyos, nahiwatigan ko ang masasamang intensyon ng masasamang pulis, kaya anumang klaseng madadali at mahihirap na taktika ang ginamit nila sa akin, hindi ko lang pinansin ang mga iyon. Noong gabing iyon, narinig ko na may iba pang darating para tanungin ako at sinasabi nila na may rekord ako sa pagiging kriminal. Hindi ko alam kung ano ang aasahan o ano ang mangyayari, kaya ang magagawa ko lang ay manawagan sa Diyos sa puso ko na patnubayan ako. Alam ko na anumang klaseng pag-uusig at paghihirap ang kinakaharap ko, hindi ko maaaring pagtaksilan ang Diyos. Maya-maya pa habang gumagamit ako ng banyo, biglang bumilis ang tibok ng puso ko; nahilo ako at nawalan ng malay sa sahig. Nang may marinig na kalabog ang mga pulis, agad silang nagpasukan at pinaligiran nila ako. Narinig kong may nagsabi nang may pagbabanta na: “Dalhin siya sa crematorium, sunugin siya at nang matapos na ang lahat!” Gayunman, sa takot na baka mamatay ako at pagkatapos ay sila ang panagutin sa pagkamatay ko, sa bandang huli ay tumawag sila sa emergency services at nagpadala ng ambulansya para dalhin ako sa ospital at masuri. Lumabas na dati na akong inatake sa puso at nagkaroon ako ng residual myocardial ischemia. Dahil kinailangang itigil ang interogasyon, dinala nila ako sa isang detention house. Nakikita ang kabiguan sa mukha ng masasamang pulis, tuwang-tuwa ako—inilabas ako ng Diyos sa sitwasyong iyon, kaya, pansamantala, hindi ko na kailangang sumailalim sa anupamang interogasyon. Dahil naiwasan ko ang panganib na iyon, nasaksihan ko ang mga gawa ng Diyos; taos-puso kong pinasalamatan at pinuri ang Diyos.

Sa sumunod na humigit-kumulang na sampung araw, batid na hindi susuko ang gobyernong CCP hangga’t hindi nila nakukuha sa akin ang lokasyon ng pera ng iglesia, nagdasal ako sa Diyos araw-araw, na hinihiling sa Kanya na ingatan ang aking bibig at puso, para anuman ang mangyari, matatag akong mananatili sa panig ng Diyos at talagang hindi ko Siya pagtataksilan at hindi ko tatalikuran ang tunay na daan. Isang araw pagkatapos kong magdasal, niliwanagan ako ng Diyos, at naalala ko ang isang himno ng Kanyang mga salita: “Anuman ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kailangan mo lamang pagsikapan ito nang buo mong lakas, at umaasa Ako na makakapunta ka sa harapan ng Diyos at makapagbibigay sa Kanya ng iyong pinakamasidhing debosyon sa katapusan. Kung makikita mo ang nasisiyahang ngiti ng Diyos habang Siya ay nakaupo sa Kanyang trono, kung ito man ay ang oras ng iyong kamatayan, dapat mong makayang tumawa at ngumiti habang ipinipikit ang iyong mga mata. Dapat mong gawin ang iyong huling tungkulin sa Diyos sa iyong panahon sa lupa. Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa katapusan, at ubusin ang lahat ng iyong lakas para sa Kanya(“Ang Nilikha’y Dapat Sakop ng mga Pagsasaayos ng Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Paulit-ulit kong kinanta at pinagbulayan ang himno sa puso ko at, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang mga hinihingi at inaasahan ng Diyos sa akin. Naisip ko kung paano, sa lahat ng nilalang sa sansinukob na nabubuhay sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, at sa lahat ng tao sa lupa na sumusunod sa Diyos, kaunting-kaunti lamang ang tunay na nakakatayo sa harap ni Satanas at nagpapatotoo sa Diyos. Ang suwerte kong maharap sa ganitong klaseng sitwasyon ay inaangat ako ng Diyos sa isang pambihirang paraan, at ipinakita niyon na pabor Siya sa akin. Ang mga salitang ito mula sa Diyos ay lalo nang lubhang nagpalakas ng loob ko: “Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa katapusan, at ubusin ang lahat ng iyong lakas para sa Kanya.” Hindi ko mapigil na ipanalangin sa Diyos: “O Makapangyarihang Diyos! Noong araw, nagawang magpapako ni Pedro sa krus nang patiwarik para sa Iyo, nagpapatotoo sa kanyang pagmamahal sa Iyo sa harap ni Satanas. At ngayon, napapaloob sa pag-aresto sa akin ng namumunong partido sa China ang Iyong mabubuting intensyon. Kahit napakaliit ko at hinding-hindi ako makakatulad ni Pedro, malaking karangalan ko ang magkaroon ng oportunidad na tumayong saksi para sa Iyo. Handa akong ipaubaya ang aking buhay sa Iyo at madali sa akin ang mamatay para magpatotoo sa Iyo, upang mapanatag Ka nang kaunti sa pamamagitan ko.”

Noong umaga ng ika-30 ng Disyembre, nagpadala ng ilang opisyal ang Municipal Public Security Bureau para tanungin ako. Pagpasok na pagpasok ko sa interrogation room, pinahubad sa akin ng isang masamang pulis ang pantalon at jacket kong may tapal na cotton, at sinabi sa akin: “Hawak namin ngayon ang kapatid mong babae at ang anak mong lalaki. Alam namin na buong pamilya mo ay nananalig sa Diyos. Nagpunta kami sa pinagtatrabahuhan ng asawa mo at nalaman namin na nagsimula kang manalig sa Makapangyarihang Diyos noong 2008….” Sinamantala ng kanyang mga salita ang aking pinakamalaking kahinaan at ginulo ang aking isipan; hindi ko akalain na ibibilanggo rin nila ang anak ko at kapatid. Bigla akong nadaig ng aking damdamin, nagsimula akong mag-alala para sa kanilang kapakanan at hindi-sinasadyang napalayo ang isip ko sa Diyos. Paulit-ulit kong naisip: “Binubugbog kaya sila? Matitiis kaya ng anak ko ang gayong pagtrato? …” Noon din, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Gaano man ang dapat ipagdusa ng isang indibidwal at kung gaano man kalayo ang dapat nilang lakarin sa kanilang landas ay itinakda ng Diyos, at na walang sinuman ang tunay na makatutulong sa kaninuman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 6). Agad inagaw ng mga salita ng Diyos ang damdamin ko at tinulutan akong matanto na ang landas ng pananampalataya ng bawat tao ay natukoy na ng Diyos noon pa man. Lahat ay dapat tumayong saksi sa Diyos sa harap ni Satanas—hindi ba magiging malaking pagpapala sa kanila ang tumayong saksi sa Diyos sa harap ni Satanas? Nang maisip ko ito, tumigil na ako sa pag-aalala at hindi na ako nag-alala sa kanila; pakiramdam ko handa akong ipaubaya sila sa Diyos at hayaang maghari ang Diyos at hayaan Siyang gawin ang Kanyang mga plano. Noon din, sinabi ng isa pang pulis ang mga pangalan ng ilan pang miyembrong babae at tinanong kung kilala ko ang mga pangalang iyon. Nang sabihin kong hindi ko kilala ang alinman sa mga pangalan, tumindig siya mula sa kanyang upuan, galit na kinaladkad ako papunta sa isang bangkong bakal sa may bintana, ipinosas ako roon, at mabilis na binuksan ang bintana kaya nagsimulang umihip sa akin ang malamig na hangin mula sa labas. Pagkatapos ay binuhusan niya ako ng malamig na tubig habang minumura ako ng mahahalay na salita bago niya ako sunud-sunod na sinampal ng tsinelas nang ilang beses sa mukha. Pinagsasampal niya ako nang husto kaya nagsimula akong mahilo, nabingi ako at tumulo ang dugo mula sa bibig ko.

Noong gabing iyon, inilipat ako ng ilang pulis sa pinakamalamig na kuwarto; lubos na natatakpan ng yelo ang mga bintana. Sapilitan nilang hinubad ang lahat ng damit ko at pinaupo ako, nang hubad na hubad, sa isang bangkong bakal sa may bintana. Ipinosas nila ang mga kamay ko sa aking likuran sa sandalan ng bangko kaya hindi ako makagalaw. Sinabi sa akin ng isa sa masasamang pulis sa malamig at nagbabantang tono: “Hindi namin binabago ang mga taktika namin sa pag-imbestiga ayon sa kasarian.” Binuksan niya ang bintana nang sabihin niya ito at umihip sa akin ang sagad-sa-butong malamig na hangin; parang hinihiwa ng isang libong kutsilyo ang katawan ko. Nanginginig sa ginaw, sinabi ko habang nangangatal: “Hindi ako maaaring ilantad sa ganitong klaseng lamig, mayroon akong post-partum rheumatoid arthritis.” Mabagsik siyang sumagot: “Ah, palalalain nito ang arthritis mo! Magkakaroon ka rin ng diabetes at sakit sa bato dahil dito! Ilang doktor man ang konsultahin mo, hinding-hindi ka na gagaling!” Pagkasabi niyon, pinagdala niya ng isang baldeng malamig na tubig ang isang tao at ibinabad niya roon ang mga paa ko. Pagkatapos ay inutusan niya ako, “Huwag na huwag mong hayaang tumilamsik ang kahit isang patak ng tubig mula sa baldeng ‘yan.” Tinilamsikan pa niya ng mas maraming malamig na tubig ang likod ko at pagkatapos ay pinaypayan ng karton ang likod ko. Ang temperatura noon ay –4 degrees Fahrenheit; nanigas ako sa sagad-sa-butong malamig na tubig kaya di-sadyang itinaas ko ang mga paa ko mula sa balde, pero agad pinilit ng opisyal na ibalik iyon sa balde at pinagbawalan akong igalaw ulit iyon. Ginaw na ginaw ako kaya namaluktot ang buong katawan ko at hindi ko mapigilang manginig. Pakiramdam ko parang namuo ang dugo sa mga ugat ko. Tuwang-tuwa silang makita akong ganoon, at naghalakhakan habang tinutuya ako sa pagsasabing: “Sakto ang ‘sayaw’ mo sa tugtog!” Suklam na suklam ako sa grupong ito ng hindi makataong mga demonyo at hayop; bigla kong naalala ang isang video na nagpakita ng mga demonyo sa impiyerno na pinahirapan ang mga tao nang katuwaan lang, at natuwa sa pagdurusa ng iba. Wala silang pakiramdam at hindi sila makatao, na puro karahasan at pahirap ang alam. Walang iniwan ang masasamang pulis na ito sa mga demonyo sa impiyerno—sa katunayan, mas masahol pa sila. Makalipas ang isang maghapon at magdamag, nasampal nila ako sa mukha nang napakaraming beses, sinusubukang pilitin akong ibunyag ang impormasyon tungkol sa pera ng iglesia. Nang mamaga ang mukha ko sa kasasampal nila, nilagyan nila iyon ng yelo para mawala ang pamamaga at saka sila nagpatuloy sa pagsampal. Kung hindi sa proteksyon ng Diyos, matagal na sana akong namatay bago iyon. Nang makita ng masasamang pulis na iyon na ayaw ko pa ring magsalita, sinimulan nilang kuryentihin ng baston na may kuryente ang mga hita at singit ko. Tuwing kukuryentihin nila ako, nangangatal at namumulikat ang buong katawan ko sa sakit. Dahil naiposas nila ako sa bangkong bakal, hindi ako posibleng makailag, kaya tinanggap ko na lang ang anumang masasamang palo, tadyak at panghihiya na ginawa nila. Hindi maipapaliwanag sa mga salita ang matinding hirap na dinaranas ko noon, subalit, sa lahat ng iyon, naghiyawan at naghalakhakan lang ang mga pulis. Ang mas nakakatakot pa, gumamit ng isang pares ng chopsticks ang isang bata-bata pang pulis para sipitin ang utong ko at saka ito pinilipit nang husto hangga’t kaya niya. Napakasakit niyon kaya sumisigaw ako nang napakalakas. Naglagay rin sila ng napakalamig na bote ng tubig sa pagitan ng mga hita ko sa bandang singit at pagkatapos ay puwersahang binombahan ng tubig na may tinunaw na pulbos na wasabi ang ilong ko. Nag-apoy ang buong loob ng ilong ko at parang abot sa utak ko ang nakakapasong init. Hindi ako nangahas na huminga nang papasok. Hinitit nang husto ng isa pang masamang pulis ang kanyang sigarilyo at ibinuga ang usok sa ilong ko mismo, kaya inubo ako nang husto. Bago pa ako nagkaroon ng pagkakataong makahinga nang maayos, ibinaligtad ng isa pa ang isang bangkitong kahoy at inilagay ang mga binti ko roon para ilantad ang magkabilang talampakan ko. Pagkatapos ay kumuha siya ng pamalong bakal at hinampas ang magkabilang talampakan ko nang napakaraming beses. Napakasakit niyon kaya inakala ko na mapuputol ang mga paa ko; paulit-ulit akong napasigaw sa sakit. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, namaga at namula ang mga talampakan ko. Walang-awa akong pinahirapan ng masasamang pulis. Malakas ang kabog ng puso ko at akala ko nasa bingit na ako ng kamatayan. Pagkatapos ay binigyan nila ako ng isang tradisyonal na gamot sa puso na mabilis ang epekto, at nang lumakas na ako, sinimulan nila akong bugbugin at bantaan ulit, na sinasabing: “Kung hindi ka magsasalita, palalamigin ka naming mabuti at bubugbugin hanggang sa mamatay! Tutal, wala namang makakaalam! Kung hindi ka magtatapat ngayon kaya ka pa naming bugbugin nang ilang araw at tingnan natin kung sino ang mas makakatagal sa atin. Dadalhin namin dito ang asawa’t anak mo para makita ang hitsura mo ngayon at ‘pag di mo pa rin sinabi sa amin, sisiguraduhin namin na pareho silang matanggal sa trabaho!” Dinunggul-dunggol pa nila ako, na sinasabing: “Hindi ka ba nananalig sa Diyos? Bakit hindi pumarito ang Diyos mo para iligtas ka? Hindi naman pala gano’n kagaling ang Diyos mo!” Buong puso’t kaluluwa kong kinasuklaman ang grupong ito ng masusungit, masasama at mababagsik na hayop. Napakahirap tiisin ang kanilang malupit na pahirap at mas mahirap pang tiisin ang paninirang-puri nila sa Diyos. Sa gayo’y desperado akong nanawagan sa Diyos, nagsusumamong ingatan Niya ako, pagkalooban ako ng pananampalataya, lakas at kagustuhang tiisin ang pagdurusa, para maging matatag ako. Noon din, sumagi sa isip ko ang mga salita ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Naisip ko sa sarili ko: “Tama! Niloob ng Diyos na magpatotoo ako sa Kanya sa harap ni Satanas, kaya kailangan kong tiisin ang lahat ng pasakit at kahihiyang ito para mapalugod ang Diyos. Kahit iisa na lang ang natitira kong hininga, kailangan kong manatiling tapat sa Diyos, dahil ito ang bumubuo sa malakas at matunog na patotoo, at ito ang magpapahiya sa matandang diyablo.” Sa patnubay ng salita ng Diyos, nakadama ako ng panibagong tiwala at pananampalataya sa puso ko. Handa na akong labanan ang mga puwersa ng kadiliman; kahit ikamatay ko iyon, kinailangan kong palugurin ang Diyos sa pagkakataong ito. Pagkatapos ay sumaisip ko ang isang himno ng iglesia: “Mamahalin ko ang Diyos at magiging tapat ako sa Kanya at tatapusin ko ang aking misyon upang luwalhatiin ang Diyos. Determinado akong manindigan nang matatag sa patotoo sa Diyos, at hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Ah, maaaring sumabog ang aking utak at dumaloy ang aking dugo, ngunit hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos. Ang mga payo ng Diyos ay nasa puso, determinado akong pahiyain ang diyablong si Satanas. Itinatadhana ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap, titiisin ko ang kahihiyan upang maging tapat sa Kanya. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin o bibigyan ng alalahanin ang Diyos” (“Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). “Tama!” naisip ko sa sarili ko. “Hindi ako dapat magpabuyo sa aking laman. Basta’t may oportunidad akong hiyain si Satanas at panatagin ang puso ng Diyos, handa akong ialay ang aking buhay sa Diyos.” Nang maging desidido ako sa aking mga intensyon, paano man ako pinahirapan o sinubukang linlangin ng mga demonyong iyon sa kanilang pagsasabwatan, umasa ako sa Diyos sa puso ko mula simula hanggang wakas. Niliwanagan at ginabayan ako ng mga salita ng Diyos sa aking kalooban, na nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas, at tinulutan akong madaig ang kahinaan ng aking laman. Patuloy akong pinahirapan ng masasamang pulis sa lamig: Hinaplusan nila ng yelo ang buong katawan ko, at naiwan akong ginaw na ginaw at nanginginig kaya pakiramdam ko ay parang nakakulong ako sa isang kuweba ng yelo. Nangatal nang malakas ang mga ngipin ko at nangasul at nagkulay-ube ang balat ko. Bandang alas-dos ng umaga, matapos akong pahirapan hanggang sa asamin ko nang mamatay, hindi ko napigilang manghinang muli. Hindi alam kung gaano katagal ko pa titiisin ang hirap na iyon, paulit-ulit na lang akong nagsumamo sa Diyos sa puso ko: “Diyos ko, napakahina na ng katawan ko at hindi ko na ito matatagalan. Iligtas Mo sana ako!” Salamat sa Diyos at sinagot Niya ang panalangin ko; nang hindi na ako makatagal, ipinasiya ng masasamang pulis na itigil na ang kanilang interogasyon dahil wala silang napapala.

Mga alas-2 pasado ng hapon noong ika-31 ng Disyembre, kinaladkad ako ng masasamang pulis pabalik sa aking selda. Bugbog at lamog ako mula ulo hanggang paa. Magang-maga ang mga kamay ko na parang mga lobo; nangangasul at kulay-ube. Namaga nang tatlong beses kaysa normal ang mukha ko, mangasul-ngasul na berde, matigas kapag hinawakan, at manhid na manhid. May mga sugat mula sa pagsunog sa ilang bahagi ng katawan ko dahil sa pangunguryente. Mahigit dalawampung bilanggo ang nasa selda noon, at nang makita nila kung paano ako pinahirapan ng mga demonyong iyon, nag-iyakan silang lahat. Ni hindi nangahas ang ilan na tingnan ako, at sinabi ng isang miyembro ng Communist Party: “’Pag nakalabas ako rito bibitaw na ako sa pagiging miyembro.” Tinanong ako ng isang kinatawang legal, “Saang presinto nagtatrabaho ang mga taong bumugbog sa ‘yo? Ano’ng mga pangalan nila? Sabihin mo sa ‘kin, ilalathala kong lahat ‘yan sa mga website ng ibang bansa at ilalantad sila. Sabi nila makataong lugar ang China, pero nasa’n ang pagkamakatao rito? Purong kabangisan ‘to!” Nagalit ang marami sa mga bilanggo sa kalagayan ko, at galit nilang ibinulalas: “Hindi ko kailanman inakala na ganito kalupit ang Communist Party—hindi ako makapaniwala na ginawa nila ang mga katraidorang ‘to. Mabuting bagay ang manalig sa Diyos, pinipigilan nito ang mga tao na gumawa ng mga krimen. Di ba sabi nila may kalayaang pangrelihiyon sa China? Siguradong hindi ito kalayaang pangrelihiyon! Sa China, kung may pera’t kapangyarihan ka, nasa ‘yo na ang lahat. Malaya pa ang tunay na mga kriminal at walang sinumang nangangahas na arestuhin sila. Pinapakawalan ang mga bilanggong nakatakdang bitayin sa sandaling suhulan nila ang mga opisyal ng gobyerno. Walang matatagpuang katarungan o pagkakapantay-pantay sa bansang ito! …” Sa sandaling iyon, hindi ko napigilang alalahanin ang mga salitang ito mula sa mga salita ng Diyos: “Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). “Talaga bang namumuhi kayo sa malaking pulang dragon? Talaga bang tunay ninyong kinamumuhian ito? Bakit ba napakaraming beses Ko na kayong natanong? Bakit Ko ba palaging itinatanong sa inyo ang bagay na ito, nang paulit-ulit? Anong imahe ng malaking pulang dragon ang nasa inyong puso? Talaga bang naalis na ito? Talaga bang hindi ninyo ito itinuturing na inyong ama? Dapat mahiwatigan ng lahat ng tao ang layunin Ko sa Aking mga tanong. Hindi ito para pukawin ang galit ng mga tao, ni hindi para mag-udyok ng paghihimagsik sa tao, ni hindi para matagpuan ng tao ang kanyang sariling daan palabas, kundi para tulutan ang lahat ng tao na palayain ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin sa malaking pulang dragon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28). Ang mga salita ng Diyos ay malaking aliw sa akin. Hindi ko kailanman naisip na maaaring ilantad ang malupit, masama, at demonyong diwa ng gobyernong CCP sa pamamagitan ng malupit na pahirap na dinanas ko, na matutulutan nito ang mga walang pananampalataya na makita ang tunay na kulay ng gobyernong CCP, at magsama-sama upang kasuklaman at talikuran ang matandang diyablong iyon. Ito talaga ang gawain ng karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Noong araw, itinuring ko na ang CCP bilang malaking pulang araw, bilang tagapagligtas ng mga tao, pero matapos mabiktima ng di-makataong pag-uusig at pahirap ng gobyernong CCP, lubos na nagbago ang tingin ko rito. Talagang nakita ko ang lubos na pagwawalang-halaga nito sa buhay ng tao, kung paano nito mabangis na inaabuso ang mga taong hinirang ng Diyos, nilalabanan ang Langit, at isang masamang espiritu na nagsasagawa ng kahindik-hindik na mga krimen—ito ay isang muling pagkakatawang-tao ng diyablo at isang demonyong lumalaban sa Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng paglikha, at ang mga tao ay mga nilalang. Natural at tama lang na manalig sa Diyos, subalit naggagawa-gawa ang gobyernong CCP ng mga maling paratang upang walang-habas na arestuhin at pahirapan ang mga alagad ng Diyos, na desperadong umaasa na mapatay ang pinakahuling alagad ng Diyos. Sa paggawa nito, lubos nilang inilantad ang likas na kademonyohan ng mga paraan ng kanilang pagkamuhi at paglaban sa Diyos. Sa pagiging kontrabida ng gobyernong CCP, naging mas malinaw sa akin ang tunay na diwa ng kabutihan at pagmamahal ng Diyos. Dalawang beses nagkatawang-tao ang Diyos at, sa parehong pagkakataon, nagdusa ng matinding pag-uusig at mga paghihirap at maging ng paghabol ng diyablo. Subalit, sa lahat ng iyon, tahimik na tiniis ng Diyos ang lahat ng pag-atake at pagdurusa, isinagawa ang Kanyang gawain na iligtas ang sangkatauhan. Talagang napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan! Sa sandaling iyon, kinasuklaman ko ang mga demonyong iyon nang buong puso’t kaluluwa at nakadama ako ng tunay na pagsisisi na dati-rati ay hindi ko taimtim na hinanap ang katotohanan o tinupad ang aking tungkulin na suklian ang pagmamahal ng Diyos. Naisip ko sa sarili ko na kung makalabas ako nang buhay, balang araw, mula sa lugar na iyon, higit ko pang ilalaan ang aking sarili sa pagtupad ng aking mga tungkulin at hahayaan kong matamo ng Diyos ang puso ko.

Kalaunan, apat na beses pa akong tinanong ng masasamang pulis. Wala silang makuha mula sa akin, kaya naggawa-gawa sila ng paratang na “panggugulo sa kaayusan ng publiko” at pinawalan ako nang magbayad ako ng isang taong piyansa, na 5,000 RMB, habang naghihintay ng paglilitis. Pinawalan ako sa wakas noong ika-22 ng Enero, 2013, matapos akong piyansahan ng aking pamilya. Nang makauwi na ako, tuwing makakakita ako ng yelo sa mga bintana nagsisimulang kumabog ang puso ko. Lubhang lumabo ang paningin ko, lumala rin ang arthritis ko, at nagkaroon nga ako ng sakit sa bato. Palagi akong nakaramdam ng ginaw, mabilis akong masindak, namanhid ang dalawang kamay ko, nagtalop ang balat sa mukha ko, at madalas akong nakadama ng pananakit sa mga singit ko hanggang sa ginigising ako nito mula sa pagtulog. Lahat ng ito ay katibayan ng pagpapahirap ng mga demonyong iyon.

Matapos sumailalim sa di-makataong malupit na pag-uusig ng gobyernong CCP, kahit naranasan ko ang lahat ng uri ng pahirap ng katawan, naging mas malapit ako sa Diyos, nagtamo ako ng mas praktikal na pag-unawa sa karunungan, pagka-makapangyarihan sa lahat, pagmamahal at pagliligtas ng Diyos, at napalakas ang aking determinasyon na sundan ang Makapangyarihang Diyos. Ipinasiya kong sundan ang Diyos habambuhay at hinahangad kong maging isang tao na nagmamahal sa Diyos. Sa pamamagitan ng malupit na pag-uusig ng gobyernong CCP, personal kong naranasan ang pagmamahal, pagmamalasakit at proteksyon ng Diyos. Kung hindi ako nagabayan ng salita ng Diyos sa bawat hakbang, na binibigyan ako ng lakas at pananampalataya, maaaring hindi ko natiis ang lahat ng di-makataong pagdurusa at pahirap na dinanas ko. Sa pamamagitan ng aking karanasan sa kakaibang sitwasyong ito, lubos kong nakita na ang gobyernong CCP ay walang iba kundi ang lumalaban at galit sa Diyos na diyablong si Satanas. Sa pagsisikap nitong gawing isang ateistang bansa ang China at maging makapangyarihan sa mundo, walang nakakapigil dito at ginagawa nito ang lahat ng makakaya nito para itaboy ang Diyos sa mundong ito. Galit nitong pinaghahanap, inaaresto at inuusig ang mga sumusunod sa Diyos na may mithiing lipulin ang lahat ng alagad ng Diyos, sinisilo silang lahat at, sa paggawa nito, lubos na winawakasan ang gawain ng Diyos. Talagang napakasama ng gobyernong CCP! Ito ay walang iba kundi isang demonyong hayop na nilalamon nang buung-buo ang mga tao—ito’y isang napakasama, sumusuway sa langit, kumokontra sa katarungan, nagsasagawa ng kasamaan na demonyong puwersa ng kadiliman. Sa China, hinahayaan ng gobyernong CCP na malayang makakilos ang masasamang tao na nang-aapi at nang-aabuso sa mabubuti at karaniwang tao, at binabahaginan pa sila ng kapangyarihan sa batas at pulitika. Nakikipagkapatiran at kumikilos sila sa paligid kasama ang masasamang-loob at manloloko na sangkot sa prostitusyon, sugal at pagpupuslit ng droga; tumutulong pa silang protektahan ang mga interes ng mga ito. Mga alagad lamang ng Diyos ang tumatahak sa tamang landas sa buhay na itinuturing ng gobyernong CCP bilang kaaway, walang-habas silang sinusugpo at inaaresto, at malupit silang inuusig hanggang sa magkawatak-watak ang mga pamilya ng maraming mananampalataya, magkahiwa-hiwalay ang mga mahal sa buhay, at hindi na sila makauwi. Marami sa kanila ang hindi matahimik, kundi kailangan nilang magpalabuy-laboy na malayo sa tahanan. Ang iba naman ay ipinapailalim sa pagpapahirap at binubugbog hanggang sa maparalisa o mamatay dahil sa kanilang pananalig sa Diyos. … Talagang malinaw na ang gobyernong CCP ang mabangis at di-makataong tagakatay ng tao, ang diyablo, si Satanas. Sa huli, hindi nito matatakasan ang matuwid na kaparusahan ng Diyos para sa nagawa nitong kahindik-hindik na mga kasalanan. Dahil sinabi ng Makapangyarihang Diyos noong unang panahon: “Ang pugad ng mga demonyo ay tiyak na luluray-lurayin ng Diyos, at kayo ay tatayo sa tabi ng Diyos—kayo ay pagmamay-ari ng Diyos, at hindi nabibilang sa imperyong ito ng mga alipin. Matagal nang kinasuklaman ng Diyos ang madilim na lipunang ito hanggang sa Kanya mismong mga buto. Nagngangalit ang Kanyang mga ngipin, sabik Siyang mariing tapakan ang masama at kasuklam-suklam na matandang ahas na ito, nang sa gayon hindi na ito maaaring bumangon pang muli, at hindi na kailanman muling aabusuhin ang tao; hindi Niya patatawarin ang mga kilos nito sa nakaraan, hindi Niya titiisin ang panlilinlang nito sa tao, at pagbabayarin Niya ito para sa bawat kasalanan nito sa mga nagdaang kapanahunan. Hindi hahayaan ng Diyos ni katiting na mawalan ng pananagutan ang pasimunong ito ng lahat ng kasamaan,[1] lubos Niya itong wawasakin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ang katuwiran ng Diyos ay karapat-dapat sa papuri at parangal at patatalsikin at wawasakin Niya ang kaharian ni Satanas. Itatatag ang kaharian ng Diyos dito sa lupa at tiyak na lalaganap ang kaluwalhatian ng Diyos sa buong sansinukob!

Talababa:

1. Ang “pasimunong ito ng lahat ng kasamaan” ay tumutukoy sa matandang diyablo. Ang pariralang ito ay nagpapahayag ng sukdulang pagkamuhi.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Buhay na nasa Bingit

Ni Wang Fang, TsinaNoong 2008, ako ang responsable sa pagbibiyahe ng mga lathalain ng iglesia. Isa itong napakapangkaraniwang uri ng...