Ang layunin ng tatlong yugto ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan

Abril 15, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang Aking buong plano ng pamamahala, ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, ay binubuo ng tatlong yugto, o tatlong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Kautusan sa simula; ang Kapanahunan ng Biyaya (na siya ring Kapanahunan ng Pagtubos); at ang Kapanahunan ng Kaharian sa mga huling araw. Ang Aking gawain sa tatlong kapanahunang ito ay nagkakaiba sa nilalaman ayon sa katangian ng bawat kapanahunan, ngunit sa bawat yugto angkop ang gawaing ito sa mga pangangailangan ng tao—o, para mas malinaw, ginagawa ito ayon sa mga panlilinlang na ginagamit ni Satanas sa Aking pakikidigma laban dito. Ang layunin ng Aking gawain ay upang talunin si Satanas, upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, upang ilantad ang lahat ng panlilinlang ni Satanas, at sa gayon ay mailigtas ang buong lahi ng tao, na nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas. Ito ay upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, at ibunyag ang di-mabatang pagiging kakila-kilabot ni Satanas; higit pa riyan, ito ay upang tulutan ang mga nilalang na makilala kung alin ang mabuti at masama, upang makilala na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay, upang makita nang malinaw na si Satanas ay kaaway ng sangkatauhan, ang tiwali, ang siyang masama, at upang masabi nila, nang may lubos na katiyakan, ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, katotohanan at kasinungalingan, kabanalan at karumihan, at kung ano ang dakila at ano ang hamak. Sa gayon ay makakaya ng mangmang na sangkatauhan na magpatotoo sa Akin na hindi Ako ang nagtitiwali sa sangkatauhan, at Ako lamang—ang Lumikha—ang makapagliligtas sa sangkatauhan, ang maaaring magkaloob sa tao ng mga bagay na makasisiya sa kanila; at malalaman nila na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay at si Satanas ay isa lamang sa mga nilalang na Aking nilikha at na paglaon ay kinalaban Ako. Ang Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto, at nagsisikap Akong makamit ang epekto ng pagbibigay-kakayahan sa Aking mga nilalang na magpatotoo sa Akin, at maunawaan ang Aking kalooban, at malaman na Ako ang katotohanan.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

Ang 6,000 taong gawain ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto: ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang tatlong yugtong ito ng gawain ay para lahat sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, na ang ibig sabihin, ang mga iyon ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan na labis na natiwali ni Satanas. Gayunpaman, kasabay nito, ang mga iyon ay para rin maaaring makagawa ang Diyos ng pakikipagdigma kay Satanas. Kaya, kung paanong ang gawain ng pagliligtas ay nahahati sa tatlong yugto, gayundin ang pakikipagdigma kay Satanas ay nahahati rin sa tatlong yugto, at ang dalawang aspetong ito ng gawain ng Diyos ay sabay na pinatatakbo. Ang pakikipagdigma kay Satanas ay talagang para sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, at dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi isang bagay na matagumpay na natatapos sa iisang yugto, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinahati rin sa mga bahagi at yugto, at isinasagawa ang pakikipagdigma kay Satanas alinsunod sa mga pangangailangan ng tao at sa lawak ng pagtiwali ni Satanas sa kanya. Marahil, sa imahinasyon ng tao, siya ay naniniwala na sa digmaang ito ang Diyos ay gagamit ng mga sandata laban kay Satanas, kagaya ng paraan na ang dalawang hukbo ay maglalaban sa isa’t isa. Ito lamang ang kayang guni-gunihin ng talino ng tao; ito ay isang sukdulang malabo at di-makatotohanang ideya, ngunit ito ang pinaniniwalaan ng tao. At dahil sinasabi Ko rito na ang paraan ng pagliligtas sa tao ay sa pamamagitan ng pakikipagdigma kay Satanas, iniisip ng tao na sa ganitong paraan isasagawa ang pakikipagdigma. May tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas sa tao, na ang ibig sabihin na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinati sa tatlong yugto upang una at sa lahat na magapi si Satanas. Ngunit ang katotohanang nakapaloob sa buong gawain ng pakikipagdigma kay Satanas ay yaong ang mga epekto nito ay natatamo sa pamamagitan ng ilang hakbang ng gawain: pagkakaloob ng biyaya sa tao, pagiging handog sa kasalanan ng tao, pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao, paglupig sa tao, at paggawang perpekto sa tao. Bilang katunayan, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang paggamit ng mga armas laban kay Satanas, kundi ang pagliligtas sa tao, ang paggawa sa buhay ng tao, at ang pagbabago sa disposisyon ng tao upang siya ay maaaring magtaglay ng patotoo sa Diyos. Ganito kung paano natatalo si Satanas. Si Satanas ay natatalo sa pamamagitan ng pagbabago sa tiwaling disposisyon ng tao. Kapag natalo na si Satanas, iyan ay, kapag ang tao ay lubos nang naligtas, sa gayon ang napahiyang si Satanas ay tuluyan nang magagapos, at sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang diwa ng pagliligtas sa tao ay ang digmaan laban kay Satanas, at ang digmaang ito ay unang-unang nasasalamin sa pagliligtas sa tao.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Ang layunin ng tatlong yugto ng gawain ay ang kaligtasan ng buong sangkatauhan—nangangahulugan ito ng ganap na kaligtasan ng tao mula sa sakop ni Satanas. Bagama’t bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay may ibang layunin at kabuluhan, bawat isa ay bahagi ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat isa ay ibang gawain ng pagliligtas na isinasagawa ayon sa mga kinakailangan ng sangkatauhan. Kapag alam mo na ang layunin ng tatlong yugtong ito ng gawain, malalaman mo kung paano pahalagahan ang kabuluhan ng bawat yugto ng gawain, at malalaman mo kung paano kumilos upang bigyang-kasiyahan ang naisin ng Diyos. Kung makarating ka sa puntong ito, ito, na siyang pinakadakila sa lahat ng pangitain, ang magiging pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos

Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at inilagay sila sa lupa, at inakay Niya sila magmula noon. Sila ay iniligtas Niya pagkaraan at nagsilbi bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan. Sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang unang wangis. Ito ang gawaing sinangkutan Niya sa simula pa lamang—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa una nitong larawan at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipanunumbalik ang unang wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng sangnilikha. Naiwala ng sangkatauhan ang puso nilang may takot sa Diyos gayundin ang tungkuling nasa pananagutan ng mga nilalang ng Diyos matapos gawing tiwali ni Satanas, kaya’t naging isang kaaway na masuwayin sa Diyos. Namuhay pagkaraan ang sangkatauhan sa ilalim ng nasasakupan ni Satanas at sinunod ang mga utos ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi nagawang pagwagian ang kanilang natatakot na pagpipitagan. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit totoong tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng katayuan sa kanilang mga puso, na ang ibig sabihin ay nawalan Siya ng kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatuwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang una nilang wangis at tanggalan ang sangkatauhan ng kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niyang iligtas sila mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipanunumbalik ang una nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapanunumbalik ang kaharian Niya. Ang pangwakas na pagwasak ng yaong mga anak ng pagsuway ay isasakatuparan din upang tulutan ang mga tao na higit na mahusay na sambahin ang Diyos at mamuhay sa lupa nang higit na maayos. Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang pagbabawas ng bisa. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang pagtutol mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sasamba sa Kanya, yaong ganap na magpapasakop sa Kanya at magpapakita ng luwalhati Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na masuwayin sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na masuwayin sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap. Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, natamo na ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at pagsuway sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Kapag malapit nang magwakas ang buong pamamahala ng Diyos, ibubukod ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa uri. Ang tao ay ginawa ng mga kamay ng Lumikha, at sa huli ay kailangan Niyang ganap na ibalik ang tao sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan; ito ang katapusan ng tatlong yugto ng gawain. Ang yugto ng gawain sa mga huling araw, at ang naunang dalawang yugto sa Israel at Judea, ay plano ng pamamahala ng Diyos sa buong sansinukob. Walang sinumang makapagkakaila rito, at ito ang katunayan ng gawain ng Diyos. Bagama’t hindi pa naranasan o nasaksihan ng mga tao ang karamihan sa gawaing ito, ang mga katunayan ay mga katunayan pa rin, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Ang mga taong naniniwala sa Diyos sa bawat lupain ng sansinukob ay tatanggaping lahat ang tatlong yugto ng gawain. Kung isang partikular na yugto lamang ng gawain ang alam mo, at hindi mo nauunawaan ang dalawa pang yugto ng gawain, hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos noong nakalipas na mga panahon, hindi mo masasabi ang buong katotohanan ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, at isang panig lamang ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, sapagkat sa iyong paniniwala sa Diyos hindi mo Siya kilala o nauunawaan, at hindi ka karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos. Malalim man o mababaw ang iyong kasalukuyang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, sa huli, kailangan ninyong magkaroon ng kaalaman, at kailangang lubos kayong makumbinsi, at lahat ng tao ay makikita ang kabuuan ng gawain ng Diyos at magpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Sa pagtatapos ng gawaing ito, lahat ng relihiyon ay magiging isa, lahat ng nilalang ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, lahat ng nilalang ay sasambahin ang isang tunay na Diyos, at lahat ng masamang relihiyon ay mauuwi sa wala, hindi na muling lilitaw kailanman.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos

Marahil, kapag naipaalam na sa sangkatauhan ang palaisipan ng tatlong yugto ng gawain, sunud-sunod na lilitaw ang isang grupo ng mga taong may talento na nakakakilala sa Diyos. Siyempre pa, sana’y gayon nga, at, bukod pa riyan, nasa proseso Ako ng pagsasakatuparan ng gawaing ito, at inaasam Kong makita ang paglitaw ng mas maraming gayong tao na may talento sa nalalapit na hinaharap. Sila yaong mga magpapatotoo sa katunayan ng tatlong yugtong ito ng gawain, at, siyempre pa, sila rin ang unang magpapatotoo sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ngunit wala nang iba pang mas nakakabalisa at nakakahinayang kaysa kung hindi lumitaw ang gayong mga taong may talento sa araw ng pagtatapos ng gawain ng Diyos, o kung mayroon lamang isa o dalawang ganoong tao na personal na tumanggap na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayunman, ito lamang ang pinakamalalang mangyayari. Anuman ang mangyari, inaasam Ko pa rin na matamo ng mga tunay na naghahangad ang pagpapalang ito. Noon pa mang unang panahon, hindi pa nagkaroon ng gawaing tulad nito kailanman; ang gayong pagsasagawa ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao kailanman. Kung talagang maaari kang maging isa sa mga unang nakakakilala sa Diyos, hindi ba ito ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng nilalang? May iba pa bang nilalang sa sangkatauhan na mas pupurihin ng Diyos? Ang gayong gawain ay hindi madaling matamo, ngunit sa huli ay aani pa rin ito ng mga gantimpala. Anuman ang kanilang kasarian o lahi, lahat ng may kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos ay tatanggap, sa huli, ng pinakamalaking parangal ng Diyos, at sila lamang ang magtataglay ng awtoridad ng Diyos. Ito ang gawain sa ngayon, at ito rin ang gawain sa hinaharap; ito ang huli at pinakamataas na gawaing isasagawa sa 6,000 taon ng gawain, at ito ay isang paraan ng paggawa na naghahayag sa bawat kategorya ng tao. Sa pamamagitan ng gawain ng pagsasanhing makilala ng tao ang Diyos, inihahayag ang iba’t ibang ranggo ng tao: Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at ng Kanyang mga pangako, samantalang yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga pangako. Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay mga kaniig ng Diyos, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi matatawag na mga kaniig ng Diyos; ang mga kaniig ng Diyos ay maaaring tumanggap ng anuman sa mga pagpapala sa Diyos, ngunit yaong mga hindi Niya kaniig ay hindi karapat-dapat sa anuman sa Kanyang gawain. Mga kapighatian man ito, pagpipino, o paghatol, lahat ng bagay na ito ay para tulutan ang tao na magkamit sa huli ng kaalaman tungkol sa Diyos, at nang sa gayon ay magpasakop ang tao sa Diyos. Ito ang tanging epektong makakamtan sa huli.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos

Kapag nagwakas na ang tatlong yugto ng gawain, magkakaroon ng isang grupo ng mga nagpapatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga nakakakilala sa Diyos. Makikilala ng lahat ng taong ito ang Diyos at maisasagawa nila ang katotohanan. Magtataglay sila ng pagkatao at katinuan, at malalaman nilang lahat ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawaing matutupad sa huli, at ang mga taong ito ang nabuo ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas. Yaong mga maaaring magpatotoo sa Diyos ay makatatanggap ng pangako at pagpapala ng Diyos, at magiging grupong mananatili sa pinakahuli, ang grupong nagtataglay ng awtoridad ng Diyos at nagpapatotoo sa Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos

Ang lahat ng tao ay kailangang maunawaan ang mga layunin ng Aking gawain sa daigdig, iyon ay, ang nais Kong makamit sa huli at kung anong antas ang dapat Kong makamit sa gawaing ito bago ito magiging ganap. Kung, pagkaraang maglakad na kasama Ko hanggang sa araw na ito, ang mga tao ay hindi pa nakakaunawa kung tungkol saan ang Aking gawain, hindi ba walang kabuluhan ang paglalakad nilang kasama Ko? Kung sumusunod ang mga tao sa Akin, dapat alam nila ang Aking kalooban. Gumagawa na Ako sa lupa sa loob ng libu-libong taon, at hanggang sa araw na ito, ay ginagawa Ko pa rin ang Aking gawain sa paraang ito. Bagaman maraming proyekto ang nilalaman ng Aking gawain, ang layunin ng gawaing ito ay nananatiling hindi nagbabago; halimbawa, kahit na Ako ay puno ng paghatol at pagkastigo sa tao, ang Aking ginagawa ay alang-alang pa rin sa pagliligtas sa kanya, at alang-alang sa mas mainam na pagpapalaganap ng Aking ebanghelyo at pagpapalawak pa ng Aking gawain sa lahat ng bansang Gentil sa sandaling ang tao ay nagawa nang ganap. Kaya ngayon, sa panahon kung kailan maraming tao ang matagal nang lubhang lugmok sa pagkabigo, patuloy pa rin Ako sa Aking gawain, ipinagpapatuloy ang gawain na dapat Kong gawin upang hatulan at kastiguhin ang tao. Sa kabila ng katotohanang ang tao ay puno na sa Aking sinasabi, at wala siyang pagnanasang makialam sa Aking gawain, isinasakatuparan Ko pa rin ang Aking tungkulin, sapagka’t ang layunin ng Aking gawain ay nananatiling hindi nagbabago, at ang Aking orihinal na plano ay hindi masisira. Ang silbi ng Aking paghatol ay ang bigyang-kakayahan ang tao na maging mas mahusay sa pagsunod sa Akin, at ang silbi ng Aking pagkastigo ay ang tulutan ang tao na mas mabisang mabago. Bagaman ang Aking ginagawa ay alang-alang sa Aking pamamahala, hindi Ako kailanman nakagawa ng anumang bagay na walang pakinabang sa tao, dahil nais Kong gawin ang lahat ng bansa sa labas ng Israel na kasing masunurin ng mga Israelita, at gawin silang tunay na mga tao, nang sa gayon ay may panghahawakan Ako sa mga lupain sa labas ng Israel. Ito ang Aking pamamahala; ito ang gawain na Aking tinutupad sa mga bansang Gentil. Kahit ngayon, maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa Aking pamamahala, sapagka’t wala silang interes sa mga bagay na ito, kundi may pakialam lamang sa kanilang mga sariling kinabukasan at hantungan. Kahit ano ang Aking sabihin, ang mga tao ay wala pa ring malasakit sa gawaing Aking ginagawa, sa halip ay nakatuon lamang sa kanilang mga hantungan sa hinaharap. Kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy sa ganitong paraan, paano mapapalawak ang Aking gawain? Paano mapapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong mundo? Dapat ninyong malaman na kapag ang Aking gawain ay lumawak, ikakalat Ko kayo, at hahampasin Ko kayo, gaya ng paghampas ni Jehova sa bawat tribo ng Israel. Ang lahat ng ito ay gagawin upang mapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong daigdig, at makarating ito sa mga bansang Gentil, nang sa gayon ang Aking pangalan ay dadakilain ng kapwa matatanda at mga bata, at ang Aking banal na pangalan ay dadakilain ng bibig ng mga tao mula sa lahat ng tribo at bansa. Ito ay upang sa huling kapanahunang ito, dadakilain ang Aking pangalan sa mga bansang Gentil, upang makita ng mga Gentil ang Aking mga gawa at tatawagin nila Akong ang Makapangyarihan sa lahat dahil sa Aking mga gawa, at upang ang Aking mga salita ay maaaring matupad sa lalong madaling panahon. Ipaaalam Ko sa lahat ng tao na hindi lamang Ako Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng bansa ng mga Gentil, kahit na yaong Aking isinumpa. Hahayaan Kong makita ng lahat ng tao na Ako ang Diyos ng buong sangnilikha. Ito ang Aking pinakadakilang gawain, ang layunin ng Aking plano sa paggawa para sa mga huling araw, at ang tanging gawain na tutuparin sa mga huling araw.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Matapos maisagawa ang Kanyang anim-na-libong-taon ng gawain hanggang sa araw na ito, naipakita na ng Diyos ang marami sa Kanyang mga kilos, na ang layunin una sa lahat ay ang matalo si Satanas at maghatid ng kaligtasan sa buong sangkatauhan. Ginagamit Niya ang pagkakataong ito upang tulutan ang lahat sa langit, lahat sa lupa, lahat ng sakop ng karagatan, at lahat ng huling bagay na nilikha ng Diyos sa lupa na makita ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at masaksihan ang lahat ng Kanyang kilos. Sinusunggaban Niya ang pagkakataong ibinibigay ng pagtalo Niya kay Satanas upang ipakita ang lahat ng Kanyang gawa sa mga tao, at magawa nilang purihin Siya at dakilain ang Kanyang karunungan sa pagtalo kay Satanas. Lahat sa lupa, sa langit, at sa ilalim ng karagatan ay naghahatid ng kaluwalhatian sa Diyos, pinupuri ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat, pinupuri ang bawat isa sa Kanyang mga gawa, at ipinagsisigawan ang Kanyang banal na pangalan. Ito ay patunay ng Kanyang pagtalo kay Satanas; patunay ito ng Kanyang paglupig kay Satanas. Ang mas mahalaga, patunay ito ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan. Ang buong paglikha ng Diyos ay naghahatid sa Kanya ng kaluwalhatian, pinupuri Siya sa pagtalo sa Kanyang kaaway at pagbalik na matagumpay, at itinatanyag Siya bilang dakila at matagumpay na Hari. Ang Kanyang layunin ay hindi lamang para talunin si Satanas, kaya ang Kanyang gawain ay nagpatuloy nang anim na libong taon. Ginagamit Niya ang pagkatalo ni Satanas upang iligtas ang sangkatauhan; ginagamit Niya ang pagkatalo ni Satanas upang ipakita ang lahat ng Kanyang kilos at Kanyang buong kaluwalhatian. Siya ay magtatamo ng kaluwalhatian, at lahat ng pulutong ng mga anghel ay makikita ang Kanyang kaluwalhatian. Ang mga sugo sa langit, mga tao sa lupa, at lahat ng bagay na nilikha sa lupa ay makikita ang kaluwalhatian ng Lumikha. Ito ang gawaing Kanyang ginagawa. Ang Kanyang nilikha sa langit at sa lupa ay masasaksihang lahat ang Kanyang kaluwalhatian, at babalik Siya nang matagumpay matapos Niyang lubos na talunin si Satanas, at tutulutan ang sangkatauhan na purihin Siya, sa gayon ay magkakamit ng dobleng tagumpay sa Kanyang gawain. Sa huli, buong sangkatauhan ay lulupigin Niya, at Kanyang lilipulin ang sinumang lalaban o susuway; sa madaling salita, lilipulin Niya ang lahat ng nabibilang kay Satanas.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Ganyan ang pamamahala ng Diyos: para ipasa ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit kailangang magpasakop sa Diyos—at tulutan si Satanas na gawin siyang tiwali. Sa paisa-isang hakbang, saka binabawi ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos na sambahin ng tao ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa kalawakan at sa kalangitan. At bukod pa riyan, iyon ay dahil hindi nila mapahalagahan ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo, ngunit pinipigilan sila ng kanilang mortal na mga mata na makita ito. Parang mahirap itong maunawaan ng tao dahil hindi nauunawaan ng tao ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi nauunawaan kung ano ang nais ng Diyos na kahinatnan ng sangkatauhan sa huli. Iyon ba ay ang hindi ito lubos na magawang tiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layunin ng pamamahala ng Diyos ay para matamo ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga taong ito ay, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; nakikilala nila ang kasuklam-suklam na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila kung ano ang pangit at kung paano ito naiiba roon sa banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na gagawa para kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o iidolohin si Satanas. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Sa panahon ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa panahong ito, ang sangkatauhan ang pakay kapwa ng pagtitiwali ni Satanas at ng pagliligtas ng Diyos, at ang tao ang produktong pinag-aawayan ng Diyos at ni Satanas. Habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, unti-unti Niyang binabawi ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, kaya nga ang tao ay lalo pang napapalapit sa Diyos …

…………

Ang pagmamahal at habag ng Diyos ay nanunuot sa bawat isang detalye ng Kanyang gawain ng pamamahala, at nauunawaan man ng mga tao ang mabubuting layon ng Diyos, walang-pagod pa rin Niyang ginagawa ang gawaing itinakda Niyang tuparin. Gaano man nauunawaan ng mga tao ang pamamahala ng Diyos, maaaring pahalagahan ng lahat ang tulong at mga pakinabang na hatid ng gawain ng Diyos sa tao. Marahil, sa araw na ito, hindi mo pa nadama ang alinman sa pagmamahal o buhay na ipinagkaloob ng Diyos, ngunit hangga’t hindi mo tinatalikuran ang Diyos, at hindi mo isinusuko ang iyong determinasyong hanapin ang katotohanan, darating ang araw na mahahayag sa iyo ang ngiti ng Diyos. Sapagkat ang layunin ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para bawiin ang mga taong nasa ilalim ng sakop ni Satanas, hindi para talikuran ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at lumalaban sa Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply