Ang ugnayan sa pagitan ng bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ay gawain ng isang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, lagi nang pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng isang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos. Ngayon, dapat mong maunawaan na ang lahat ng gawain mula sa unang yugto hanggang sa ngayon ay ang gawain ng isang Diyos, ang gawain ng isang Espiritu. Ito ay hindi mapag-aalinlanganan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Ang tatlong yugto ng gawain ay ginawa ng isang Diyos; ito ang pinakadakilang pangitain, at ito ang tanging daan upang makilala ang Diyos. Ang tatlong yugto ay maaaring nagawa lamang ng Diyos Mismo, at walang taong maaaring makagawa ng gayong gawain para sa Kanya—na ibig sabihin ay ang Diyos lamang Mismo ang maaaring nakagawa ng Kanyang sariling gawain mula sa simula hanggang ngayon. Bagama’t ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay naisakatuparan sa magkaibang kapanahunan at lugar, at bagama’t ang gawain ng bawat isa ay magkaiba, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos. Sa lahat ng pangitain, ito ang pinakadakilang pangitaing dapat malaman ng tao, at kung ganap itong mauunawaan ng tao, magagawa niyang tumayo nang matatag.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos
Pagkatapos ng gawain ni Jehova, naging tao si Jesus upang gawin ang Kanyang gawain sa mga tao. Ang Kanyang gawain ay hindi isinagawa nang nakahiwalay, kundi nakabatay sa gawain ni Jehova. Iyon ay gawain para sa isang bagong kapanahunan na ginawa ng Diyos nang matapos Niya ang Kapanahunan ng Kautusan. Gayundin, nang matapos ang gawain ni Jesus, nagpatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain para sa susunod na kapanahunan, dahil ang buong pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong. Kapag lumipas ang lumang kapanahunan, papalitan ito ng isang bagong kapanahunan, at kapag natapos na ang lumang gawain, magkakaroon ng bagong gawain para ipagpatuloy ang pamamahala ng Diyos. Ang pagkakatawang-taong ito ay ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, na sinusundan ang gawain ni Jesus. Siyempre pa, ang pagkakatawang-taong ito ay hindi nangyayaring mag-isa; ito ang pangatlong yugto ng gawain pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya. Tuwing nagpapasimula ang Diyos ng isang bagong yugto ng gawain, kailangan ay palaging may isang bagong simula at kailangang maghatid ito ng isang bagong kapanahunan. Mayroon ding mga kaukulang pagbabago sa disposisyon ng Diyos, sa paraan ng Kanyang paggawa, sa lokasyon ng Kanyang gawain, at sa Kanyang pangalan. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na mahirap para sa tao na tanggapin ang gawain ng Diyos sa bagong kapanahunan. Ngunit paano man Siya nilalabanan ng tao, laging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging inaakay ang buong sangkatauhan pasulong. Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto ng gawain. Walang nag-iisang yugto ang kayang kumatawan sa gawain ng tatlong kapanahunan kundi kaya lamang kumatawan sa isang bahagi ng kabuuan. Ang pangalang Jehova ay hindi maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos. Ang katunayan na nagsagawa Siya ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay maaaring maging Diyos lamang sa ilalim ng kautusan. Nagtakda si Jehova ng mga batas para sa tao at nagbaba ng mga kautusan sa kanya, na humihingi sa tao na magtayo ng templo at mga altar; ang gawain na ginawa Niya ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain na ginawa Niya ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay isang Diyos lamang na humihingi sa tao na panatilihin ang kautusan, na Siya ang Diyos sa templo, o ang Diyos sa harapan ng altar. Ang sabihin ito ay hindi katotohanan. Ang gawaing ginawa sa ilalim ng kautusan ay maaari lamang kumatawan sa isang kapanahunan. Samakatuwid, kung ginawa lamang ng Diyos ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ikukulong ng tao ang Diyos sa sumusunod na kahulugan at sasabihing, “Ang Diyos ay ang Diyos sa templo. Upang makapaglingkod sa Diyos, kailangan nating magsuot ng mga kasuotang pangsaserdote at pumasok sa templo.” Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi naisagawa kahit kailan at ang Kapanahunan ng Kautusan ay nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan, hindi malalaman ng tao na ang Diyos ay maawain din at mapagmahal. Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagawa, at tanging yaong sa Kapanahunan ng Biyaya ang nagawa, ang malalaman lamang ng tao ay na ang Diyos ay nakakapagtubos lamang sa tao at nakakapagpatawad lamang sa mga kasalanan ng tao. Ang malalaman lamang niya ay na Siya’y banal at walang-sala, at na kaya Niyang isakripisyo ang Sarili Niya at mapako sa krus para sa tao. Ito lamang ang malalaman ng tao at wala na siyang magiging kaunawaan sa iba pa. Kaya ang bawa’t kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos. Tungkol naman sa kung aling mga aspeto ng disposisyon ng Diyos ang kinakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, alin sa Kapanahunan ng Biyaya, at alin sa kasalukuyang kapanahunan: ang disposisyon ng Diyos ay maibubunyag lamang nang lubusan kapag pinagsama-sama ang lahat ng tatlong yugto. Tanging kapag nalalaman na ng tao ang buong tatlong yugto saka ito ganap na mauunawaan ng tao. Walang isa sa mga tatlong yugto ang maaaring hindi isama. Makikita mo lamang ang disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito kapag nalaman mo itong tatlong yugto ng gawain. Ang katunayang natapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na Siya lamang ang Diyos sa ilalim ng kautusan, at ang katunayang natapos Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay tutubos sa sangkatauhan magpakailanman. Ang lahat ng ito ay mga konklusyon na binuo ng tao. Dahil ang Kapanahunan ng Biyaya ay dumating na sa katapusan, hindi mo masasabi sa gayon na ang Diyos ay para lamang sa krus at na ang krus ang natatanging kumakatawan sa pagliligtas ng Diyos. Kung ginagawa mo ang ganoon, binibigyan mo ng pakahulugan ang Diyos. Sa yugto ngayon, ang Diyos ay pangunahing gumagawa ng gawain ng salita, ngunit hindi mo maaaring sabihin na ang Diyos ay hindi kailanman naging maawain sa tao at na ang tanging nadala Niya ay pagkastigo at paghatol. Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malantad upang pahintulutan ang tao na masukat ang lalim ng mga ito at magkaroon ng lubos na malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Saka lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri. Pagkatapos lamang na maging ganap ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala saka maiintindihan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos, dahil ang Kanyang pamamahala ay doon lamang darating sa pagtatapos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4
Naisulong na ng gawain ngayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, nakasulong na ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit Ko ba sinasabi nang paulit-ulit na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan? Dahil ang gawain ng panahong ito ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at isang pag-unlad doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay, na bawat kawing sa kadena ay nakarugtong na mabuti sa kasunod. Bakit Ko ba sinasabi rin na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa ginawa ni Jesus? Ipagpalagay nang ang yugtong ito ay hindi batay sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganing maganap ang isa pang pagpapapako sa krus sa yugtong ito, at ang gawain ng pagtubos ng naunang yugto ay kakailanganing uliting muli. Magiging walang saysay ito. Kaya nga hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas na nang mas mataas kaysa rati. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nakabatay sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at nakasalig sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ng Diyos ay itinatatag nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong simula. Ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain lamang ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, bakit hindi inulit ang pagpapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pasan ang mga kasalanan ng tao, kundi sa halip ay pumarito Ako upang hatulan at kastiguhin nang tuwiran ang tao? Kung ang Aking gawaing hatulan at kastiguhin ang tao ay hindi sumunod sa pagpapako sa krus, at ang Aking pagparito ngayon hindi sa paglilihi ng Banal na Espiritu, hindi sana Ako naging marapat na hatulan at kastiguhin ang tao. Dahil ito mismo sa kaisa Ako ni Jesus kaya Ako pumarito upang tuwirang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay lubos na batay sa gawain sa naunang yugto. Iyan ang dahilan kaya ganitong klaseng gawain lamang ang maaaring maghatid sa tao, sa paisa-isang hakbang, tungo sa kaligtasan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao
Ang buong disposisyon ng Diyos ay naibunyag sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ito ay hindi lamang naibunyag sa Kapanahunan ng Biyaya, ni sa Kapanahunan ng Kautusan, o lalo na sa panahong ito lamang ng mga huling araw. Ang gawain na isinasagawa sa mga huling araw ay kumakatawan sa paghatol, poot at pagkastigo. Ang gawain na isinasagawa sa mga huling araw ay hindi maaaring pumalit sa gawain sa Kapanahunan ng Kautusan o doon sa Kapanahunan ng Biyaya. Gayunman, ang tatlong yugto, kapag magkakaugnay, ay bumubuo ng iisang bagay at lahat ay gawain ng iisang Diyos. Natural, ang pagtupad ng gawaing ito ay nahahati sa magkakahiwalay na mga kapanahunan. Ang gawaing ginagampanan sa mga huling araw ay nagdadala sa lahat ng bagay sa katapusan; yaong ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan ay ang pagsisimula; at yaong ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya ay ang gawain ng pagtubos. Para naman sa mga pangitain ng gawain sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahalang ito, walang maaaring magkaroon ng kabatiran o pagkaunawa. Ang mga gayong pangitain ay nananatiling mga hiwaga. Sa mga huling araw, tanging ang gawain ng salita ang isinasakatuparan upang ihatid ang Kapanahunan ng Kaharian, ngunit hindi ito kumakatawan sa lahat ng mga kapanahunan. Ang mga huling araw ay hindi hihigit sa mga huling araw at hindi hihigit sa Kapanahunan ng Kaharian, at hindi kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya o sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang mga huling araw ay ang panahon lamang kung saan ang lahat ng gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ibinubunyag sa inyo. Ito ang paglalantad ng hiwaga.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4
Ang tatlong yugto ng gawain ay nasa puso ng buong pamamahala ng Diyos, at sa mga ito ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos at kung ano Siya. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay walang kakayahang matanto kung paano ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ni hindi nila alam ang karunungan ng gawain ng Diyos. Nananatili rin silang mangmang tungkol sa maraming paraan ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at sa Kanyang kalooban para sa buong sangkatauhan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang lubos na pagpapahayag ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ay magiging mangmang sa iba’t ibang mga pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at yaong mga kumakapit lamang nang mahigpit sa doktrinang natira mula sa isang yugto ng gawain ay mga taong inililimita ang Diyos sa doktrina, at ang paniniwala sa Diyos ay malabo at alanganin. Ang gayong mga tao ay hindi tatanggap ng pagliligtas ng Diyos kailanman. Ang tatlong yugto lamang ng gawain ng Diyos ang maaaring magpahayag nang lubusan sa kabuuan ng disposisyon ng Diyos at ganap na magpahayag ng hangarin ng Diyos na iligtas ang buong sangkatauhan, at ng buong proseso ng pagliligtas sa sangkatauhan. Patunay ito na natalo na Niya si Satanas at naangkin ang sangkatauhan; patunay ito ng tagumpay ng Diyos, at ito ang pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. Yaong mga nakakaunawa sa isang yugto lamang ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay bahagi lamang ang alam tungkol sa disposisyon ng Diyos. Sa mga kuru-kuro ng tao, madali para sa iisang yugtong ito ng gawain na maging doktrina, at malamang na magtatag ng mga pirmihang panuntunan ang tao tungkol sa Diyos at gamitin ang iisang bahaging ito ng disposisyon ng Diyos bilang isang paglalarawan ng buong disposisyon ng Diyos. Bukod pa riyan, malaking bahagi ng imahinasyon ng tao ang nakahalo sa loob, sa gayon ay mahigpit na pinipigilan ng tao ang disposisyon, katauhan, at karunungan ng Diyos, gayundin ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, sa loob ng limitadong mga hangganan, naniniwala na kung minsan nang naging ganito ang Diyos, mananatili Siyang ganito habang panahon, at hindi magbabago kailanman. Yaong mga nakakaalam at nagpapahalaga lamang sa tatlong yugto ng gawain ang lubos at tumpak na makakakilala sa Diyos. Kahit paano, hindi nila ilalarawan ang Diyos bilang Diyos ng mga Israelita, o ng mga Hudyo, at hindi nila Siya ituturing na isang Diyos na ipapako sa krus magpakailanman alang-alang sa tao. Kung makikilala lamang ng isang tao ang Diyos mula sa isang yugto ng Kanyang gawain, ang kanilang kaalaman ay napakaliit, at kasinghalaga lamang ng isang patak na tubig sa karagatan. Kung hindi, bakit ipapako ng marami sa relihiyosong matandang bantay ang Diyos sa krus nang buhay? Hindi ba dahil nililimitahan ng tao ang Diyos sa loob ng ilang hangganan?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos
Ang tatlong yugto ng gawain ay isang tala ng buong gawain ng Diyos; ang mga ito ay isang tala ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi kathang-isip ang mga ito. Kung nais ninyo talagang maghangad ng kaalaman tungkol sa buong disposisyon ng Diyos, kailangan ninyong malaman ang tatlong yugto ng gawaing isinakatuparan ng Diyos, at bukod pa riyan, hindi ninyo dapat laktawan ang anumang yugto. Ito ang pinakamaliit na kailangang makamit ng mga naghahangad na makilala ang Diyos. Hindi kaya ng tao mismo na maggawa-gawa ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang isipin ng tao mismo, ni hindi ito bunga ng espesyal na pabor na ipinagkaloob ng Banal na Espiritu sa iisang tao. Sa halip, ito ay isang kaalamang dumarating matapos maranasan ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ay isang kaalaman tungkol sa Diyos na dumarating lamang matapos maranasan ang mga katunayan ng gawain ng Diyos. Ang gayong kaalaman ay hindi makakamtan nang basta-basta, at ni hindi ito isang bagay na maaaring ituro. Lubos itong may kaugnayan sa personal na karanasan. Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ang buod ng tatlong yugtong ito ng gawain, subalit kasama sa loob ng gawain ng pagliligtas ang ilang pamamaraan ng paggawa at ilang kaparaanan ng pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ito ang pinakamahirap matukoy ng tao, at ito ang mahirap maunawaan ng tao. Ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapanahunan, mga pagbabago sa gawain ng Diyos, mga pagbabago sa lokasyon ng gawain, mga pagbabago sa mga tatanggap ng gawaing ito, at iba pa—lahat ng ito ay kasama sa tatlong yugto ng gawain. Lalo na, ang pagkakaiba sa paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu, gayundin ang mga pagbabago sa disposisyon, anyo, pangalan, identidad, o ang iba pang mga pagbabago ng Diyos, ay bahaging lahat ng tatlong yugto ng gawain. Ang isang yugto ng gawain ay maaari lamang kumatawan sa isang bahagi, at limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw. Hindi kasama rito ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapanahunan, o mga pagbabago sa gawain ng Diyos, lalo nang hindi kasama ang iba pang mga aspeto. Ito ay isang malinaw na halatang katunayan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang buong gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kailangang malaman ng tao ang gawain ng Diyos at ang disposisyon ng Diyos sa gawain ng pagliligtas; kung wala ang katunayang ito, ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay mga hungkag na salita lamang, walang iba kundi mabulaklak na pananalita.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos
Ang huling yugto ng gawain ay hindi tumatayong mag-isa, kundi bahagi ng buo na magkasamang hinulma ng naunang dalawang yugto, na ibig sabihin ay imposibleng makumpleto ang buong gawain ng pagliligtas sa paggawa lamang ng isa sa tatlong yugto ng gawain. Kahit kayang lubos na iligtas ng huling yugto ng gawain ang tao, hindi nito ibig sabihin na kailangan lamang isagawa ang iisang yugtong ito nang mag-isa, at na hindi kinakailangan ang naunang dalawang yugto ng gawain para iligtas ang tao mula sa impluwensya ni Satanas. Walang iisang yugto ng tatlong yugto ang maaaring ipakita bilang tanging pangitaing kailangang malaman ng buong sangkatauhan, sapagkat ang kabuuan ng gawain ng pagliligtas ang tatlong yugto ng gawain, hindi ang iisang yugto nila. Basta’t hindi pa naisasakatuparan ang gawain ng pagliligtas hindi ganap na matatapos ang pamamahala ng Diyos. Ang katauhan ng Diyos, Kanyang disposisyon, at Kanyang karunungan ay ipinapahayag sa kabuuan ng gawain ng pagliligtas; hindi inihahayag ang mga ito sa tao sa simula pa lamang, kundi unti-unting naipahayag sa gawain ng pagliligtas. Bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay nagpapahayag ng bahagi ng disposisyon ng Diyos, at bahagi ng Kanyang katauhan; walang isang yugto ng gawain ang maaaring tuwiran at ganap na magpahayag ng kabuuan ng katauhan ng Diyos. Dahil dito, maaari lamang matapos nang lubusan ang gawain ng pagliligtas kapag natapos na ang tatlong yugto ng gawain, kaya nga ang kaalaman ng tao tungkol sa kabuuan ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Ang natatamo ng tao mula sa isang yugto ng gawain ay ang disposisyon lamang ng Diyos na ipinapahayag sa iisang bahagi ng Kanyang gawain. Hindi ito maaaring kumatawan sa disposisyon at katauhang ipinapahayag sa mga yugto bago o pagkatapos nito. Iyan ay dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi matatapos kaagad sa isang panahon, o sa isang lugar, kundi unti-unting mas lumalalim ayon sa antas ng pag-unlad ng tao sa magkakaibang panahon at lugar. Ito ay gawaing isinasagawa sa paisa-isang yugto, at hindi natatapos sa iisang yugto. Kaya, ang buong karunungan ng Diyos ay nabubuo sa tatlong yugto, sa halip na sa isang indibiduwal na yugto. Ang Kanyang buong katauhan at buong karunungan ay inilalatag sa tatlong yugtong ito, at bawat yugto ay naglalaman ng Kanyang katauhan, at bawat yugto ay isang tala ng karunungan ng Kanyang gawain. Dapat malaman ng tao ang buong disposisyon ng Diyos na ipinapahayag sa tatlong yugtong ito. Lahat ng tungkol sa katauhan ng Diyos ay napakahalaga sa buong sangkatauhan, at kung wala ang kaalamang ito sa mga tao kapag sumasamba sila sa Diyos, wala silang ipinagkaiba sa mga sumasamba kay Buddha. Ang gawain ng Diyos sa tao ay hindi itinatago sa tao, at dapat malaman ng lahat ng sumasamba sa Diyos. Dahil naisagawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas sa tao, dapat malaman ng tao ang pagpapahayag kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya sa panahon ng tatlong yugtong ito ng gawain. Ito ang kailangang gawin ng tao. Ang itinatago ng Diyos sa tao ay yaong hindi kayang magawa ng tao, at yaong hindi dapat malaman ng tao, samantalang yaong ipinapakita ng Diyos sa tao ay yaong dapat malaman ng tao, at yaong dapat taglayin ng tao. Bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay isinasagawa ayon sa pundasyon ng naunang yugto; hindi ito isinasagawa nang paisa-isa, na hiwalay sa gawain ng pagliligtas. Bagama’t may malalaking pagkakaiba sa kapanahunan at sa gawaing isinasagawa, nasa sentro pa rin nito ang pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay mas malalim kaysa sa huli.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.