Paano lumalalim sa paisa-isang hakbang ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos para mailigtas at magawang perpekto ang mga tao

Abril 15, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang buong pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto, at sa bawat yugto, ang mga angkop na kinakailangan ay itinatalaga sa tao. At saka, habang lumilipas at sumusulong ang mga kapanahunan, ang mga kinakailangan ng Diyos sa buong sangkatauhan ay nagiging lalong mas mataas. Kaya, isa-isang hakbang, ang gawaing ito ng pamamahala ng Diyos ay nakakaabot sa rurok nito, hanggang napagmamasdan ng tao ang katunayan ng “pagpapakita ng Salita sa katawang-tao,” at sa paraang ito ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumataas pa, gayundin ang mga pangangailangan sa tao na sumaksi. Habang mas nakakaya ng tao na tunay na makipagtulungan sa Diyos, mas magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pakikipagtulungan ng tao ay ang patotoo na kinakailangan sa kanya na dalhin, at ang patotoo na kanyang dinadala ay ang pagsasagawa ng tao. Samakatwid, magkakaroon man ng nararapat na bunga ang gawain ng Diyos o hindi, at kung magkakaroon man ng tunay na patotoo o hindi, ay di-naiiwasang kaugnay ng pakikipagtulungan at patotoo ng tao. Kapag natapos ang gawain, na ang ibig sabihin, kapag narating na ang katapusan ng buong pamamahala ng Diyos, kakailanganin sa tao na magpatotoo nang mas mataas, at kapag ang gawain ng Diyos ay nakakarating na sa katapusan nito, ang pagsasagawa at pagpasok ng tao ay makakarating sa rurok ng mga ito. Sa nakalipas, kinailangan sa tao na sumunod sa batas at mga kautusan, at hinihingi na siya ay maging matiisin at mapagpakumbaba. Ngayon, ang tao ay kinakailangan na sundin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos at magtaglay ng labis na pag-ibig sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay hinihingi sa kanya na mahalin pa rin ang Diyos sa gitna ng paghihirap. Ang tatlong yugtong ito ay mga kinakailangan ng Diyos sa tao, isa-isang hakbang, sa kabuuan ng Kanyang pamamahala. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay mas lumalalim kaysa sa huli, at sa bawat yugto ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumindi kaysa sa huli, at sa paraang ito, ang buong pamamahala ng Diyos ay unti-unting nabubuo. Talagang dahil sa ang mga kinakailangan sa tao ay lalo pang mas mataas kung kaya ang disposisyon ng tao ay mas lalong lumalapit sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos, at saka pa lamang magsisimula na unti-unting makaaalis ang buong sangkatauhan sa impluwensya ni Satanas hanggang, kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay nailigtas na mula sa impluwensya ni Satanas.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay nagsimula sa paglikha ng mundo, at ang tao ang nasa sentro ng gawaing ito. Masasabi na ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay ay para sa kapakanan ng tao. Dahil ang gawain ng Kanyang pamamahala ay umaabot nang libu-libong taon at hindi ginagawa sa loob lamang ng ilang minuto o segundo, o sa isang kisapmata, o isa o dalawang taon, kinailangan Niyang lumikha ng iba pang mga bagay na kinakailangan para mabuhay ang sangkatauhan, tulad ng araw, buwan, lahat ng uri ng nilikhang may buhay, pagkain, at isang kawili-wiling kapaligiran. Ito ang simula ng pamahahala ng Diyos.

Pagkatapos, ipinasa ng Diyos ang sangkatauhan kay Satanas, at namuhay ang tao sa ilalim ng sakop ni Satanas, na unti-unting humantong sa gawain ng Diyos sa unang kapanahunan: ang kuwento ng Kapanahunan ng Kautusan…. Sa loob ng ilang libong taon sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sangkatauhan ay nasanay sa paggabay ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ito pinahalagahan. Unti-unti, iniwan ng tao ang pangangalaga ng Diyos. Kaya nga, habang sumusunod sa batas, sumamba rin sila sa mga diyus-diyusan at gumawa ng masama. Wala silang proteksyon ni Jehova, at namuhay lamang sa harap ng altar sa templo. Sa katunayan, ang gawain ng Diyos ay matagal na silang iniwan, at kahit sumunod pa rin sa kautusan ang mga Israelita, at sinambit nila ang pangalan ni Jehova, at buong pagmamalaki pang naniwala na sila lamang ang mga tao ni Jehova at ang mga hinirang ni Jehova, ang kaluwalhatian ng Diyos ay tahimik na lumisan sa kanila …

…………

Gaya ng palaging nangyayari, matapos ang gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, sinimulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain ng ikalawang yugto: ang pagkakaroon ng katawan—ang magkatawang-tao bilang tao sa loob ng sampu o dalawampung taon—at pagsasalita at paggawa ng Kanyang gawain sa gitna ng mga mananampalataya. Subalit walang eksepsyon, walang nakaalam dito, at iilang tao lamang ang kumilala na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao matapos ipako sa krus at mabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesus. … Nang makumpleto ang pangalawang yugto ng gawain ng Diyos—pagkaraan ng pagpapako sa krus—naisakatuparan ang gawain ng Diyos na bawiin ang tao mula sa kasalanan (ibig sabihin, bawiin ang tao mula sa mga kamay ni Satanas). Kaya nga, mula sa sandaling iyon, kinailangan lamang tanggapin ng sangkatauhan ang Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas, at mapapatawad na ang kanyang mga kasalanan. Sa madaling salita, ang mga kasalanan ng tao ay hindi na isang hadlang sa pagkakamit niya ng kaligtasan at pagharap sa Diyos, at hindi na batayan ng pag-akusa ni Satanas sa tao. Iyon ay dahil ang Diyos Mismo ay nagsagawa na ng tunay na gawain, naging wangis at patikim ng makasalanang laman, at ang Diyos Mismo ang naging handog para sa kasalanan. Sa ganitong paraan, ang tao ay bumaba mula sa krus, at tinubos at iniligtas sa pamamagitan ng laman ng Diyos—ang wangis nitong makasalanang laman. Kaya nga, matapos mabihag ni Satanas, nakalapit nang isang hakbang ang tao palapit sa pagtanggap ng Kanyang pagliligtas sa harap ng Diyos. Mangyari pa, ang yugtong ito ng gawain ay mas malalim at mas maunlad kaysa sa pamamahala ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan.

Ganyan ang pamamahala ng Diyos: para ipasa ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit kailangang magpasakop sa Diyos—at tulutan si Satanas na gawin siyang tiwali. Sa paisa-isang hakbang, saka binabawi ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos na sambahin ng tao ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa kalawakan at sa kalangitan. At bukod pa riyan, iyon ay dahil hindi nila mapahalagahan ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo, ngunit pinipigilan sila ng kanilang mortal na mga mata na makita ito. Parang mahirap itong maunawaan ng tao dahil hindi nauunawaan ng tao ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi nauunawaan kung ano ang nais ng Diyos na kahinatnan ng sangkatauhan sa huli. Iyon ba ay ang hindi ito lubos na magawang tiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layunin ng pamamahala ng Diyos ay para matamo ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga taong ito ay, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; nakikilala nila ang kasuklam-suklam na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila kung ano ang pangit at kung paano ito naiiba roon sa banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na gagawa para kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o iidolohin si Satanas. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Sa panahon ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa panahong ito, ang sangkatauhan ang pakay kapwa ng pagtitiwali ni Satanas at ng pagliligtas ng Diyos, at ang tao ang produktong pinag-aawayan ng Diyos at ni Satanas. Habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, unti-unti Niyang binabawi ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, kaya nga ang tao ay lalo pang napapalapit sa Diyos …

At pagkatapos ay dumating ang Kapanahunan ng Kaharian, na siyang mas praktikal na yugto ng gawain, subalit ito rin ang pinakamahirap para sa tao na tanggapin. Iyon ay dahil habang mas napapalapit ang tao sa Diyos, mas napapalapit ang tungkod ng Diyos sa tao, at mas malinaw na nahahayag ang mukha ng Diyos sa tao. Kasunod ng pagtubos sa sangkatauhan, opisyal na bumabalik ang tao sa pamilya ng Diyos. Akala ng tao ay ngayon na ang oras para sa kasiyahan, subalit isinasailalim siya sa isang harap-harapang paglusob ng Diyos, na ang mga katulad ay hindi pa nakini-kinita ng sinuman: Lumalabas na ito ay isang pagbibinyag na kailangang “ikagalak” ng mga tao ng Diyos. Sa ilalim ng gayong pagtrato, walang pagpipilian ang mga tao kundi ang huminto at isipin sa kanilang sarili, “Ako ang corderong nawala nang maraming taon na labis na pinaggugulan ng Diyos upang maibalik, kaya bakit ako tinatrato ng Diyos nang ganito? Ito ba ang paraan na pinagtatawanan ako ng Diyos, at inilalantad ako? …” Pagkaraan ng ilang taon, nabugbog ng panahon ang tao, nakaranas na ng hirap ng pagpipino at pagkastigo. Bagama’t nawala sa tao ang “kaluwalhatian” at “pagmamahalan” ng mga panahong nakaraan, hindi niya namalayan na nauunawaan na niya ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, at nagkaroon na siya ng pagpapahalaga sa ilang taon ng debosyon ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Unti-unting nagsimulang kasuklaman ng tao ang sarili niyang kabangisan. Nagsisimula siyang kamuhian kung gaano siya kabangis, lahat ng maling pagkaunawa niya sa Diyos, at ang di-makatwirang mga kahilingang nagawa niya sa Kanya. Hindi maibabalik ang mga kamay ng orasan. Ang nakaraang mga kaganapan ay nagiging malulungkot na alaala ng tao, at ang mga salita at pagmamahal ng Diyos ang nagtutulak sa tao na magbagumbuhay. Ang mga sugat ng tao ay naghihilom araw-araw, nagbabalik ang kanyang lakas, at tumatayo siya at tumitingin sa mukha ng Makapangyarihan sa lahat … para lamang matuklasan na palagi Siyang nasa aking tabi, at na ang Kanyang ngiti at Kanyang magandang mukha ay lubha pa ring nagpapasigla. May malasakit pa rin Siya sa Kanyang puso para sa sangkatauhan na Kanyang nilikha, at mainit at makapangyarihan pa rin ang Kanyang mga kamay tulad noong simula. Para bang ang tao ay nagbalik sa Halamanan ng Eden, subalit sa pagkakataong ito ay hindi na nakikinig ang tao sa mga panunukso ng ahas at hindi na tumatalikod palayo sa mukha ni Jehova. Lumuluhod ang tao sa harap ng Diyos, tumitingala sa nakangiting mukha ng Diyos, at nag-aalok ng kanyang pinakamahalagang sakripisyo—O! Panginoon ko, Diyos ko!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Bagama’t ang landas na nilalakaran ng tao sa kasalukuyan ay ang landas din ng krus at ng pagdurusa, ang isinasagawa ng tao, kinakain, iniinom, at tinatamasa ngayon ay may malaking pagkakaiba mula roon sa nakamit ng tao sa ilalim ng kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang hinihingi sa tao ngayong araw ay hindi tulad niyaong sa nakalipas at lalong hindi tulad ng hiningi sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan. At ano ang hiningi sa tao sa ilalim ng kautusan noong ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Israel? Walang ibang hiniling sa kanila kundi ang panatilihin ang Sabbath at ang mga kautusan ni Jehova. Walang sinuman ang dapat magtrabaho sa Sabbath o lumabag sa mga kautusan ni Jehova. Ngunit hindi na ganito sa ngayon. Sa araw ng Sabbath, ang tao ay gumagawa, nagtitipon at nananalangin gaya ng dati, at walang mga paghihigpit na ipinapataw sa kanya. Yaong mga nasa Kapanahunan ng Biyaya ay dapat mabautismuhan, at hiningi rin sa kanila na mag-ayuno, magpira-piraso ng tinapay, uminom ng alak, takpan ang kanilang mga ulo, at hugasan ang mga paa ng iba para sa kanila. Ngayon, ang mga patakarang ito ay naiwaksi na ngunit mas malalaki ang hinihingi sa tao, dahil ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalalim at ang pagpasok ng tao ay patuloy na tumataas. Noong nakalipas, ipinatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa tao at nanalangin, ngunit ngayon na ang lahat ng bagay ay nasabi na, ano ang silbi ng pagpapatong ng mga kamay? Ang mga salita lamang ay maaaring makapagkamit ng mga resulta. Noong nakaraan, kapag Siya’y nagpatong ng Kanyang mga kamay sa tao, ito’y para pagpalain at pagalingin ang tao. Ganito gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon, ngunit hindi na ganito sa ngayon. Ngayon, ang Banal na Espiritu ay gumagamit ng mga salita upang gumawa at magtamo ng mga bunga. Nilinaw na Niya ang Kanyang mga salita sa inyo, at dapat lamang ninyo itong isagawa gaya ng sinabi sa inyo. Ang Kanyang mga salita ay ang Kanyang kalooban; ang mga ito ang gawain na Kanyang nais gawin. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at kung ano ang hinihingi Niyang abutin mo, at maisasagawa mo ang Kanyang mga salita nang direkta nang hindi na kailangan ng pagpapatong ng mga kamay. Maaaring sabihin ng ilan, “Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin! Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin upang matanggap ko ang Iyong pagpapala at makibahagi sa Iyo.” Ang lahat ng ito ay lipas nang mga pagsasagawa na ngayon ay hindi na ginagawa, dahil nagbago na ang kapanahunan. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa alinsunod sa kapanahunan, hindi nang sapalaran o ayon sa nakatakdang mga panuntunan. Nagbago na ang kapanahunan, at ang isang bagong kapanahunan ay tiyak na may dalang bagong gawain. Totoo ito sa bawa’t yugto ng gawain, at kaya ang Kanyang gawain ay hindi kailanman nauulit. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ni Jesus ang maraming gayong gawain, tulad ng pagpapagaling ng sakit, pagpapalayas ng mga demonyo, pagpapatong ng Kanyang mga kamay sa tao upang ipanalangin ang tao, at pagpapala sa tao. Gayunman, ang gawin uli ang gayon ay walang saysay sa kasalukuyan. Ang Banal na Espiritu ay gumawa sa ganoong paraan noong panahong iyon, dahil iyon ang Kapanahunan ng Biyaya, at may sapat na biyaya para tamasahin ng tao. Hindi kinailangang magbayad ang tao ng anumang halaga at tumanggap siya ng biyaya hangga’t siya ay may pananampalataya. Lahat ay tinrato nang may lubhang kagandahang-loob. Ngayon, ang kapanahunan ay nagbago na, at ang gawain ng Diyos ay nakasulong na nang higit pa; sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ang pagiging mapanghimagsik ng tao at ang mga karumihan sa kalooban ng tao ay maaalis. Dahil ito ang yugto ng pagtubos, kinailangang gumawa ang Diyos sa gayong paraan, na nagpapakita ng sapat na biyaya para matamasa ng tao, para matubos ang tao mula sa kasalanan, at, sa pamamagitan ng biyaya, mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan. Ang kasalukuyang yugto ay upang ilantad ang di-pagkamatuwid sa kalooban ng tao sa pamamagitan ng pagkastigo, paghatol, paghampas gamit ang mga salita, pati na rin ng pagdisiplina at pagbubunyag ng mga salita, upang pagkatapos ay mailigtas ang sangkatauhan. Ito ay gawaing mas malalim kaysa pagtubos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang tao ay nagtamasa ng sapat na biyaya; ngayong nakaranas na ng biyayang ito ang tao, hindi na ito matatamasa ng tao. Ang gayong gawain ay lipas na ngayon at hindi na gagawin. Ngayon, ang tao ay ililigtas sa pamamagitan ng paghatol ng salita. Pagkatapos hatulan, kastiguhin at pinuhin ang tao, ang kanyang disposisyon ay nababago. Hindi ba’t ito ay dahil sa mga salitang Aking sinambit? Ang bawa’t yugto ng gawain ay ginagawa ayon sa pag-unlad ng buong sangkatauhan at kasabay ng kapanahunan. Lahat ng gawain ay may kabuluhan; lahat ng ito ay ginagawa para sa pangwakas na pagliligtas, para ang sangkatauhan ay magkaroon ng isang magandang hantungan sa hinaharap, at para ang tao ay mahati ayon sa kanilang mga uri sa katapusan.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Sa gawain sa mga huling araw, ang salita ay mas makapangyarihan kaysa pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, at ang awtoridad ng salita ay nahihigitan yaong sa mga tanda at mga himala. Inilalantad ng salita ang lahat ng tiwaling disposisyon na malalim na nakabaon sa puso ng tao. Wala kang paraan para kilalanin ang mga ito sa iyong sarili lamang. Kapag ang mga ito ay naibunyag sa iyo sa pamamagitan ng salita, natural na matutuklasan mo ang mga ito; hindi mo maitatanggi ang mga iyon, at lubos kang makukumbinsi. Hindi ba ito ang awtoridad ng salita? Ito ang resultang nakamit ng kasalukuyang gawain ng salita. Samakatuwid, ang tao ay hindi ganap na maililigtas mula sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling ng sakit at pagpapalayas ng mga demonyo, at hindi rin siya magagawang ganap sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang awtoridad upang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo ay nagbibigay lamang ng biyaya sa tao, ngunit ang laman ng tao ay nabibilang pa rin kay Satanas at ang tiwaling maka-satanas na disposisyon ay nananatili pa rin sa kalooban ng tao. Sa madaling salita, yaong hindi pa nagawang malinis ay kabilang pa rin sa kasalanan at karumihan. Tanging pagkatapos na magawang malinis ang tao sa pamamagitan ng salita na siya ay makakamit ng Diyos at magiging banal. Noong ang mga demonyo ay napalayas sa tao at siya ay natubos, ito ay nangangahulugan lamang na siya ay naagaw mula sa mga kamay ni Satanas at naibalik sa Diyos. Subalit, dahil hindi siya nalinis o nabago ng Diyos, siya ay nananatiling tiwaling tao. Sa loob ng tao ay umiiral pa rin ang karumihan, pagsalungat at pagiging mapanghimagsik; ang tao ay nakabalik lamang sa Diyos sa pamamagitan ng pagtubos, ngunit wala siya ni katiting na pagkakakilala sa Diyos at may kakayahan pa ring lumaban at magtaksil sa Kanya. Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang hinahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. Bilang halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, naghinaing sila, hindi na hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling maka-satanas na disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging yaong kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging malapit sa Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Mag-alsa laban sa matandang Satanas! Mag-alsa laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y ang Diyos ay gawin tayong ganap!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa, ang tiwaling disposisyon ng mga tao ay nabunyag. Magkagayon, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang paninindigan. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang gayong epekto. Sa gayon lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong iyon.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kapanahunang ito ay higit sa lahat ang paglalaan ng mga salita para sa buhay ng tao; ang paglalantad ng diwang kalikasan ng tao at tiwaling disposisyon; at ang pag-aalis ng mga relihiyosong kuru-kuro, piyudal na pag-iisip, hindi napapanahong pag-iisip, at ang kaalaman at kultura ng tao. Dapat malinis ang lahat ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, hindi mga tanda at mga kababalaghan, upang gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang mga salita Niya upang ilantad ang tao, upang hatulan ang tao, upang kastiguhin ang tao, at upang gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makikita ng tao ang karunungan at kagandahan ng Diyos, at mauunawaan ang disposisyon ng Diyos, at upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, mapagmamasdan ng tao ang mga gawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan, inakay ni Jehova si Moises palabas ng Ehipto gamit ang mga salita Niya, at nagsalita ng ilang mga salita sa mga Israelita; sa oras na iyon, ginawang payak ang bahagi ng mga gawa ng Diyos, ngunit dahil limitado ang kakayahan ng tao at walang makagagawang ganap ang kaalaman niya, ipinagpatuloy ng Diyos ang pagsasalita at paggawa. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nakakitang muli ang tao ng bahagi ng mga gawa ng Diyos. Nagawang magpakita ni Jesus ng mga tanda at mga kababalaghan, upang pagalingin ang mga may sakit at itaboy ang mga demonyo, at ipako sa krus, na tatlong araw pagkatapos nito Siya ay muling nabuhay at nagpakita sa katawang-tao sa harap ng tao. Sa Diyos, wala nang iba pang alam ang tao ng higit dito. Ang nalalaman ng tao ay kasindami lamang ng ipinakikita ng Diyos sa kanya, at kung hindi na magpapakita ng anupaman ang Diyos sa tao, ganito lamang ang magiging lawak ng paglimita ng tao sa Diyos. Kaya naman, nagpapatuloy na gumawa ang Diyos, upang mas lumalim ang kaalaman ng tao sa Kanya, at upang unti-unting mabatid ng tao ang diwa ng Diyos. Sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang mga salita Niya upang gawing perpekto ang tao. Ang tiwaling disposisyon mo ay isinisiwalat ng mga salita ng Diyos, at ang relihiyosong mga kuru-kuro mo ay pinapalitan ng realidad ng Diyos. Ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw ay dumating higit sa lahat upang tuparin ang mga salitang, “ang Salita ay nagkatawang-tao, ang Salita ay dumating sa loob ng katawang-tao, at ang Salita ay nagpakita sa katawang-tao,” at kung wala kang masusing kaalaman nito, hindi mo magagawang maging matatag. Sa mga huling araw, unang-unang nilalayon ng Diyos na magawa ang isang yugto ng gawain kung saan magpapakita ang Salita sa katawang-tao, at isang bahagi ito ng plano ng pamamahala ng Diyos. Kaya naman, dapat maliwanag ang kaalaman ninyo; hindi alintana kung paano gumagawa ng gawain ang Diyos, hindi pinahihintulutan ng Diyos na limitahan Siya ng tao. Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawaing ito sa mga huling araw, hindi na lalago pa ang kaalaman ng tao sa Kanya. Tanging malalaman mo lamang na maaaring maipako ang Diyos sa krus at na maaari Niyang wasakin ang Sodoma, at na si Jesus ay maaaring mabuhay muli at magpakita kay Pedro…. Ngunit hindi mo kailanman sasabihing maaaring magawa ng mga salita ng Diyos ang lahat, at maaaring lupigin ang tao. Tanging sa pamamagitan lamang ng karanasan sa mga salita ng Diyos ay maaari kang magsalita tungkol sa ganitong kaalaman, at kung mas maraming gawain ng Diyos ang nararanasan mo, magiging mas masusi ang kaalaman mo sa Kanya. Tanging doon ka lamang titigil sa paglilimita sa Diyos sa loob ng sariling mong mga kuru-kuro. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng karanasan sa gawain Niya; walang ibang tamang paraan upang mabatid ang Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Ang 6,000 taong gawain ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto: ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang tatlong yugtong ito ng gawain ay para lahat sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, na ang ibig sabihin, ang mga iyon ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan na labis na natiwali ni Satanas. Gayunpaman, kasabay nito, ang mga iyon ay para rin maaaring makagawa ang Diyos ng pakikipagdigma kay Satanas. Kaya, kung paanong ang gawain ng pagliligtas ay nahahati sa tatlong yugto, gayundin ang pakikipagdigma kay Satanas ay nahahati rin sa tatlong yugto, at ang dalawang aspetong ito ng gawain ng Diyos ay sabay na pinatatakbo. Ang pakikipagdigma kay Satanas ay talagang para sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, at dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi isang bagay na matagumpay na natatapos sa iisang yugto, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinahati rin sa mga bahagi at yugto, at isinasagawa ang pakikipagdigma kay Satanas alinsunod sa mga pangangailangan ng tao at sa lawak ng pagtiwali ni Satanas sa kanya. Marahil, sa imahinasyon ng tao, siya ay naniniwala na sa digmaang ito ang Diyos ay gagamit ng mga sandata laban kay Satanas, kagaya ng paraan na ang dalawang hukbo ay maglalaban sa isa’t isa. Ito lamang ang kayang guni-gunihin ng talino ng tao; ito ay isang sukdulang malabo at di-makatotohanang ideya, ngunit ito ang pinaniniwalaan ng tao. At dahil sinasabi Ko rito na ang paraan ng pagliligtas sa tao ay sa pamamagitan ng pakikipagdigma kay Satanas, iniisip ng tao na sa ganitong paraan isasagawa ang pakikipagdigma. May tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas sa tao, na ang ibig sabihin na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinati sa tatlong yugto upang una at sa lahat na magapi si Satanas. Ngunit ang katotohanang nakapaloob sa buong gawain ng pakikipagdigma kay Satanas ay yaong ang mga epekto nito ay natatamo sa pamamagitan ng ilang hakbang ng gawain: pagkakaloob ng biyaya sa tao, pagiging handog sa kasalanan ng tao, pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao, paglupig sa tao, at paggawang perpekto sa tao. Bilang katunayan, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang paggamit ng mga armas laban kay Satanas, kundi ang pagliligtas sa tao, ang paggawa sa buhay ng tao, at ang pagbabago sa disposisyon ng tao upang siya ay maaaring magtaglay ng patotoo sa Diyos. Ganito kung paano natatalo si Satanas. Si Satanas ay natatalo sa pamamagitan ng pagbabago sa tiwaling disposisyon ng tao. Kapag natalo na si Satanas, iyan ay, kapag ang tao ay lubos nang naligtas, sa gayon ang napahiyang si Satanas ay tuluyan nang magagapos, at sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang diwa ng pagliligtas sa tao ay ang digmaan laban kay Satanas, at ang digmaang ito ay unang-unang nasasalamin sa pagliligtas sa tao. Ang yugto ng mga huling araw, kung saan malulupig ang tao, ay ang huling yugto sa pakikipagdigma kay Satanas, at ito rin ang gawain ng ganap na pagliligtas sa tao mula sa sakop ni Satanas. Ang panloob na kahulugan ng paglupig sa tao ay ang pagbabalik ng pagsasakatawan ni Satanas–ang tao na nagawang tiwali ni Satanas–sa Lumikha kasunod ng paglupig sa kanya, kung saan sa pamamagitan nito ay tatalikdan niya si Satanas at lubusang magbabalik sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. At kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling gawain sa digmaan laban kay Satanas at ang huling yugto sa pamamahala ng Diyos para sa kapakanan ng pagtalo kay Satanas. Kung wala ang gawaing ito, ang lubos na kaligtasan ng tao sa kahuli-hulihan ay magiging imposible, ang ganap na pagkatalo ni Satanas ay magiging imposible rin, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman makakapasok sa kamangha-manghang hantungan, o makakalaya sa impluwensya ni Satanas. Dahil dito, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi matatapos bago ang pakikipagdigma kay Satanas ay natatapos, sapagkat ang ubod ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa kapakanan ng pagliligtas sa tao. Ang pinakaunang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang buong pamamahala, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang maagaw siya mula sa mga kamay ni Satanas, ibig sabihin na ang tao ay kailangang mabawi pagkatapos ng pagkabihag ni Satanas. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao, mga pagbabagong magpapanumbalik sa orihinal na katinuan at katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay maaagaw pang muli mula sa mga kamay ni Satanas. Kung napapalaya ang tao mula sa impluwensya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuoang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makukumpleto na.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman