Pangarap ko ang isang araw na hindi na ako maghahangad ng pagkain o damit at ang aking kayamanan ay lalago nang kagila-gilalas. Gayunpaman, gaano man ako nakikipagbuno at nagsusumikap para sa aking pangarap, maraming mga sandali ng labis na pagkontrol ko sa aking buhay, at maraming mga plano ang naglalaho. Na sapat para panghinain ako. Bakit laging may pagbabago sa mga plano? Wala ba talaga tayong kontrol sa lahat ng bagay patungkol sa atin?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gawin ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pagsasaayos at plano ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon. Mula nang umiral ang tao, iyon na ang ginagawa ng Diyos, pinamamahalaan ang sansinukob, pinangangasiwaan ang mga panuntunan ng pagbabago para sa lahat ng bagay at kung paano gagalaw ang mga ito. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na nabubuhay siya sa ilalim ng pagsasaayos ng kamay ng Diyos. Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao
Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nag-aabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling hinaharap, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, mananatili ka pa rin bang isang nilikha? Sa madaling sabi, paano man gumagawa ang Diyos, ang lahat ng Kanyang gawain ay para sa kapakanan ng tao. Ipagpalagay, bilang halimbawa, ang kalangitan at lupa at ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos upang magsilbi sa tao: Ang buwan, ang araw, at ang mga bituin na ginawa Niya para sa tao, ang mga hayop at mga halaman, ang tagsibol, tag-araw, taglagas at taglamig, at iba pa—ang lahat ay ginagawa para sa kapakanan ng pag-iral ng tao. At kaya, paano Niya man kinakastigo at hinahatulan ang tao, ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng kaligtasan ng tao. Kahit na tinatanggal Niya sa tao ang kanyang makalamang mga inaasahan, ito ay para sa kapakanan ng pagdadalisay sa tao, at ang pagdadalisay sa tao ay ginagawa para manatili siyang buhay. Ang hantungan ng tao ay nasa mga kamay ng Lumikha, kaya paano makokontrol ng tao ang kanyang sarili?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
Ang makatamo ng malinaw at tamang kaalaman at pagkaunawa sa mga katotohanang ito tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay isang sapilitang leksiyon para sa lahat; ito ang susi sa pag-alam sa buhay ng tao at pagtamo sa katotohanan. Ganito ang buhay ng pagkilala sa Diyos, ang pangunahing kurso ng pag-aaral nito, na dapat harapin ng bawat isa bawat araw, at hindi maiiwasan ninuman. Kung may isa sa inyo na nais tahakin ang pinakamadaling daan upang makarating sa layuning ito, kung gayon ay sinasabi Ko sa iyo, imposible iyon! Kung nais mong takasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas lalong imposible iyon! Ang Diyos lamang ang tanging Panginoon ng tao, ang Diyos lamang ang tanging Panginoon ng kapalaran ng tao, kaya imposible para sa tao na diktahan ang sarili niyang kapalaran at imposible para sa kanya na humakbang palayo rito. Kahit gaano pa kagaling ang mga kakayahan ng tao, hindi niya maaaring maimpluwensyahan—lalong hindi niya maisasaayos, maihahanda, makokontrol, o mababago—ang mga kapalaran ng iba. Ang mismong natatanging Diyos lamang ang nagdidikta ng lahat ng bagay para sa tao, sapagkat Siya lamang ang nag-aangkin ng natatanging awtoridad na may kapangyarihan sa ibabaw ng kapalaran ng tao; kung kaya’t tanging ang Lumikha ang natatanging Panginoon ng tao. Ang awtoridad ng Diyos ang may tangan sa kataas-taasang kapangyarihan hindi lamang sa ibabaw ng nilikhang sangkatauhan, ngunit maging sa mga di-nilalang na hindi nakikita ng tao, sa mga bituin, sa kosmos. Ito ay isang hindi mapapabulaanang katotohanan, isang katotohanan na tunay na umiiral, na hindi maaaring mabago ninuman o ng anuman. Kung may isa sa inyo ang hindi pa rin nasisiyahan sa mga bagay sa kasalukuyan, naniniwala na ikaw ay may ilang espesyal na kasanayan o kakayahan, at iniisip pa rin na kapag dinapuan ka ng suwerte ay mababago mo ang iyong kasalukuyang mga kalagayan o di kaya ay matakasan ang mga ito; kung pagtatangkaan mong baguhin ang iyong sariling kapalaran sa mga paraan ng pagpupunyagi ng tao, at nang sa gayon ay mamukod-tangi sa iba at magtamo ng katanyagan at kayamanan; kung gayon ay sinasabi Ko sa iyo, ginagawa mong mas mahirap ang mga bagay para sa iyong sarili, naghahanap ka lamang ng gulo at hinuhukay mo ang iyong sariling libingan! Isang araw, sa malao’t madali, matutuklasan mo na mali ang pinili mo, na nasayang ang iyong mga pagpupunyagi. Ang iyong ambisyon, ang iyong pagnanais na makipagbuno laban sa kapalaran, at ang iyong sariling kasuklam-suklam na pag-uugali, ang magdadala sa iyo sa walang pabalik na daan, at dahil dito ay magbabayad ka ng mapait na halaga. Bagaman sa kasalukuyan ay hindi mo nakikita ang kalubhaan ng kahihinatnan, habang iyong nararanasan at mas malalim na pinapahalagahan ang katotohanan na ang Diyos ang Panginoon ng kapalaran ng tao, unti-unti mong matatanto kung ano ang Aking sinasabi ngayon at ang tunay na mga implikasyon nito. Kung tunay mang mayroon kang puso at espiritu, kung ikaw man ay isang tao na nagmamahal sa katotohanan, ay nakasalalay sa uri ng saloobing mayroon ka tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at tungkol sa katotohanan. At natural, ito ang tumutukoy kung maaari mong tunay na malaman at maunawaan ang awtoridad ng Diyos. Kung kailanma’y hindi mo pa naramdaman sa iyong buhay ang dakilang kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang mga pagsasaayos, lalo na ang kilalanin at tanggapin ang awtoridad ng Diyos, kung gayon ikaw ay magiging lubos na walang halaga, at walang duda na ikaw ay kamumuhian at tatanggihan ng Diyos, dahil sa daan na iyong tinahak at sa pagpiling ginawa mo. Subalit sa gawain ng Diyos, ang mga kayang tanggapin ang Kanyang pagsubok, tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, magpapasakop sa Kanyang awtoridad, at unti-unting magtatamo ng tunay na karanasan ng Kanyang mga salita, ay makapagkakamit ng tunay na kaalaman ng awtoridad ng Diyos, tunay na pagkaunawa ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; tunay na mapapasailalim sila sa Lumikha. Tanging ang ganoong mga tao ang tunay na maliligtas.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Kung saan ka pupunta araw-araw, ano ang gagawin mo, sino o ano ang iyong makakatagpo, ano ang sasabihin mo, ano ang mangyayari sa iyo—maaari bang mahulaan ang alinman sa mga ito? Hindi maaaring mahulaan ng mga tao ang lahat ng pangyayaring ito, at lalong hindi nila makokontrol kung paano magaganap ang mga ito. Sa buhay, ang mga di-mahuhulaang pangyayaring ito ay nagaganap sa lahat ng oras; ang mga ito’y nangyayari araw-araw. Ang mga pang-araw-araw na pagbabago na ito at ang mga paraan kung paano nangyayari ang mga ito o ang mga disenyong sinusundan ng mga ito, ay palagiang pagpapaalala sa sangkatauhan na walang nangyayari nang sapalaran, na ang proseso ng bawat pangyayari, ang pagiging di-maiiwasan ng bawat pangyayari, ay hindi mababago ayon sa kagustuhan ng tao. Bawat pangyayari ay naghahatid ng isang paalala ng Lumikha sa sangkatauhan, at nagdadala rin ito ng mensahe na hindi maaaring makontrol ng mga tao ang kanilang sariling kapalaran. Ang bawat pangyayari ay isang pagsalungat sa padalus-dalos at walang-saysay na ambisyon at pagnanasa ng sangkatauhan na ilagay sa sarili nilang mga kamay ang kanilang kapalaran. Ang mga ito’y parang malalakas at sunud-sunod na sampal sa mukha ng sangkatauhan na pumipilit sa mga tao na isaalang-alang kung sino ang namamahala at kumokontrol sa kanilang kapalaran sa bandang huli. At habang ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais ay paulit-ulit na nahahadlangan at nadudurog, likas na humahantong ang mga tao sa walang-malay na pagtanggap sa kung ano ang inilaan ng kapalaran—isang pagtanggap sa realidad, sa kalooban ng Langit at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Mula sa mga pang-araw-araw na pagbabagong ito hanggang sa mga kapalaran ng buong buhay ng mga tao, walang bagay na hindi nagbubunyag sa mga plano ng Lumikha at ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; walang anumang hindi nagpapaabot ng mensahe na “ang awtoridad ng Lumikha ay hindi malalampasan,” na hindi nagpapahayag ng walang hanggang katotohanan na “ang awtoridad ng Lumikha ang pinakamataas.”
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Anumang trabaho ang pinipili ng isang tao, paano man siya naghahanap-buhay: may anumang kontrol ba ang mga tao kung gumagawa man sila ng tamang pagpili o maling pagpili sa mga bagay na ito? Sumasang-ayon ba ang mga bagay na ito sa kanilang mga pagnanais at kapasyahan? Karamihan sa mga tao ay nagnanais ng mga sumusunod: na mabawasan ang kanilang pagtatrabaho at kumita nang mas malaki, na hindi magtrabaho sa ilalim ng araw at ng ulan, manamit nang maganda, magningning at kuminang sa lahat ng dako, pangibabawan ang iba, at magdala ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Umaasam ang mga tao na maging perpekto, subalit kapag ginawa na nila ang mga unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay, unti-unti nilang naiintindihan kung gaano kaimperpekto ang tadhana ng tao, at sa kauna-unahang pagkakataon ay tunay nilang nauunawaan ang katotohanan na, bagaman maaaring makagawa ang isang tao ng mapangahas na mga plano para sa sariling kinabukasan at bagaman ang isang tao’y maaaring magtanim sa isip ng mapangahas na mga pantasya, walang sinuman ang may kakayahan o may kapangyarihan na isakatuparan ang kanyang sariling mga pangarap, at walang sinuman ang nasa posisyon na kontrolin ang kanyang sariling kinabukasan. Palaging magkakaroon ng ilang agwat sa pagitan ng mga pangarap ng isang tao at ng mga realidad na dapat niyang harapin; ang mga bagay ay hindi kailanman ayon sa ninanais ng isang tao, at sa harap ng ganoong mga realidad ay hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kasiyahan o katiwasayan. May ilang tao pa nga na gagawin ang anumang maaaring gawin, magpupunyagi nang husto at gagawa ng malalaking sakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga hanapbuhay at hinaharap, sa pagtatangka na baguhin ang kanilang sariling kapalaran. Subalit sa katapusan, kahit na matupad nila ang kanilang mga pangarap at ninanais sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap, hindi nila kailanman mababago ang kanilang mga kapalaran, at gaano man kasidhi nilang subukin, hindi nila kailanman malalampasan ang naitakda na sa kanila ng tadhana. Kahit ano pa ang mga pagkakaiba sa kakayahan, talino, at determinasyon, ang mga tao ay pantay-pantay na lahat sa harap ng tadhana, na hindi tumitingin sa pagkakaiba ng malaki o maliit, ng mataas o mababa, ng pinaparangalan o hinahamak. Ang pinagsisikapang hanapbuhay, ang ginagawa ng isang tao upang kumita, at kung gaano karami ang natitipong kayamanan ng isang tao sa buhay ay hindi napapagpasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, at sa halip ay itinadhana ng Lumikha.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Dahil hindi nakikilala ng mga tao ang pagsasaayos ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagtanggi at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais isantabi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mapapalitan ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito na nagaganap sa kaibuturan ng sariling kaluluwa ay nagdudulot ng matinding sakit na tila tagos hanggang buto habang unti-unti niyang inaaksaya ang kanyang buhay. Ano ang sanhi ng sakit na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi maswerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Pangunahin na ito ay dahil sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa mga paraan na pinili ng mga tao na isabuhay ang kanilang mga buhay. May ilang tao na maaaring hindi nakatanto ng mga bagay na ito. Subalit kapag tunay mong nalalaman, kapag tunay mong nakikilala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat ng pinlano at pinagpasyahan ng Diyos para sa iyo ay isang malaking benepisyo at proteksyon, kung gayon unti-unting mapapawi ang iyong sakit, at ang buo mong pagkatao ay walang tensyon, malaya, may kasarinlan. Batay sa mga kalagayan ng karamihan sa mga tao, hindi nila kayang tanggapin sa katunayan ang praktikal na halaga at kahulugan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng tao, bagaman sa personal na lebel, ayaw na nilang patuloy na mamuhay gaya ng dati at nais nila ng ginhawa mula sa kanilang sakit; talagang hindi nila kayang tunay na makilala at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at lalong hindi alam kung paano hahanapin at tatanggapin ang mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha. Kung kaya, kapag hindi talaga makilala ng mga tao ang katotohanan na ang Lumikha ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay na pantao, kung hindi sila tunay na makapagpapasakop sa pangingibabaw ng Lumikha, kung gayon ay magiging mahirap para sa kanila na hindi madala at hindi mapigilan ng ideya na “ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang sariling mga kamay.” Magiging mahirap para sa kanila na pagpagin ang sakit ng kanilang matinding pakikibaka laban sa kapalaran at sa awtoridad ng Lumikha, at hindi man kailangang sabihin, magiging mahirap din para sa kanila na maging tunay na napalaya at nakalagan, na maging mga taong sumasamba sa Diyos. Ngunit may napakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan: ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layunin sa buhay, at ibuod at suriin ang dating istilo ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga pagsusumikap, mga pagnanais, at mga minimithi; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung tugma ang alinman sa mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos, kung may alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang prinsipyo sa buhay, nagdadala sa isang tao sa isang mas malaking pagkaunawa sa katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mabuhay nang may pagkatao at kawangis ng tao. Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na sinusuri ang iba’t ibang layunin sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa kanila ay hindi akma sa orihinal na layon ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para subukan lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumawa ng pagpili bilang isang indibiduwal, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Kung ang isang tao ay naniniwala lamang sa kapalaran—kahit na matindi ang paniniwala niya dito—ngunit hindi nalalaman, nakikilala, nagpapasailalim, at tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng sangkatauhan, kung gayon ang buhay niya ay magiging isang trahedya, isang buhay na isinasabuhay nang walang saysay, isang kahungkagan; siya ay hindi pa rin mapapasailalim sa pangingibabaw ng Lumikha, upang maging isang nilikhang tao sa pinakatotoong kahulugan ng parirala, at tamasahin ang pagsang-ayon ng Lumikha. Ang isang tao na tunay na nakatatalos at nakakaranas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ay dapat aktibo, hindi walang-kibo o nasa kawalang-kakayahang kalagayan. Kahit na tinatanggap ng taong ito na ang lahat ng bagay ay itinadhana, siya ay dapat magtaglay ng isang tumpak na kahulugan ng buhay at kapalaran: na ang bawat buhay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kapag nililingon ng isang tao ang daan na kanyang tinahak, kapag ginugunita niya ang bawat yugto ng kanyang paglalakbay, makikita niya na sa bawat hakbang, nakakapagod man o magaan ang kanyang paglalakbay, ang Diyos ay gumagabay sa landas ng isang tao at pinaplano ito. Ang maingat na mga pagsasaayos ng Diyos, ang Kanyang maingat na pagpaplano, ang umakay sa tao, nang hindi niya nalalaman, tungo sa ngayon. Ang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at tanggapin ang Kanyang pagliligtas—anong dakilang kayamanan iyon! Kapag negatibo ang saloobin ng isang tao sa kapalaran, pinapatunayan nito na siya ay tumututol sa lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanya, na siya ay walang nagpapasakop na saloobin. Kapag ang saloobin ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay positibo, kapag nagbalik-tanaw siya sa sarili niyang paglalakbay, kapag tunay niyang nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas marubdob niyang nanaisin na magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos, magkakaroon ng mas matibay na determinasyon at pagtitiwala na hayaan ang Diyos na isaayos ang kanyang kapalaran, at huminto sa pagrerebelde laban sa Diyos. Sapagkat nakikita ng isang tao na kapag hindi niya naiintindihan ang kapalaran, kapag hindi niya nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kapag nangangapa siya nang pasulong nang kusang-loob, pasuray-suray at pagiray-giray sa kalituhan, ang paglalakbay ay napakahirap at masyadong nakakasakit ng damdamin. Kaya kapag nakikilala ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, pinipili ng matatalino na alamin at tanggapin ito, na magpaalam sa masasakit na araw nang sinubukan nilang magtatag ng isang mabuting buhay sa sarili nilang mga kamay, na tigilan ang pakikipagbuno laban sa kapalaran at ang paghahangad ng kanilang tinatawag na “mga layunin sa buhay” sa sarili nilang kaparaanan. Kapag walang Diyos ang isang tao, kapag hindi niya Siya nakikita, kapag hindi niya malinaw na nakikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang bawat araw ay walang kabuluhan, walang halaga, kahabag-habag. Saanman naroroon ang isang tao, anuman ang trabaho niya, ang paraan ng paghahanap-buhay niya at ang pagsisikap niya sa sariling mga layunin ay nagdadala lamang sa kanya ng walang-katapusang sakit sa damdamin at di-maibsang pagdurusa, hanggang sa hindi na siya makalingon sa nakaraan. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, pagpapasailalim sa Kanyang mga pagsasaayos at paghahanda, at paghahanap sa tunay na buhay ng tao siya unti-unting makakalaya mula sa lahat ng sakit ng damdamin at pagdurusa, at maiibsan ng lahat ng kahungkagan sa buhay.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Ang Diyos ang Siyang namumuno sa lahat ng bagay at nangangasiwa sa lahat ng bagay. Nilikha Niya ang lahat ng narito, pinangangasiwaan Niya ang lahat ng narito, pinamumunuan Niya ang lahat ng narito, at tinutustusan Niya ang lahat ng narito. Ito ang katayuan ng Diyos, at ang Kanyang pagkakakilanlan. Para sa lahat ng bagay at sa lahat ng narito, ang tunay na pagkakakilanlan ng Diyos ay ang Lumikha at ang Pinuno ng lahat ng nilikha. Iyan ang pagkakakilanlan na taglay ng Diyos, at Siya ay natatangi sa lahat ng bagay. Wala ni isa sa mga nilikha ng Diyos—sa sangkatauhan man o sa espirituwal na mundo—ang maaaring gumamit ng anumang kaparaanan o katwiran para magkunwaring Diyos o pumalit sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, sapagkat Siya lamang, sa lahat ng bagay, ang nagtataglay ng pagkakakilanlan, kapangyarihan, awtoridad, at kakayahang ito na mamuno sa lahat ng nilikha: ang ating natatanging Diyos Mismo. Siya ay nabubuhay at gumagalaw sa lahat ng bagay; maaari Siyang umangat sa pinakamataas na lugar, sa ibabaw ng lahat ng bagay. Maaaring magpakumbaba Siya Mismo sa pamamagitan ng pagiging tao, pagiging isa sa mga may laman at dugo, at makaharap sa mga tao at makibahagi sa kanilang kaligayahan at kalungkutan, samantalang kasabay nito, inuutusan Niya ang lahat ng narito, at pinagpapasiyahan ang kapalaran ng lahat ng narito at kung saang direksyon patungo ang lahat ng ito. Bukod pa riyan, ginagabayan Niya ang kapalaran ng buong sangkatauhan, at pinapatnubayan ang direksyon ng sangkatauhan. Ang isang Diyos na tulad nito ay dapat sambahin, sundin, at kilalanin ng lahat ng nilalang na may buhay. Sa gayon, saanmang grupo o uri ng sangkatauhan ka nabibilang, ang paniniwala sa Diyos, pagsunod sa Diyos, pagpipitagan sa Diyos, pagtanggap sa Kanyang panuntunan, at pagtanggap sa Kanyang mga plano para sa iyong kapalaran ang tanging pagpipilian—ang kinakailangang pagpili—para sa sinumang tao at para sa anumang nilalang na may buhay.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.