Paano ginagamit ni Satanas ang mga kasinungalingan at maling paniniwala upang linlangin at gawing tiwali ang sangkatauhan?

Marso 7, 2022

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios. At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan? At sinabi ng babae sa ahas, Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami: Datapuwa’t sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo’y mamatay. At sinabi ng ahas sa babae, Tunay na hindi kayo mamamatay: Sapagka’t talastas ng Dios na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Dios, na nakakakilala ng mabuti at masama” (Genesis 3:1–5).

“Bakit hindi ninyo napaguunawa ang aking pananalita? Sapagka’t hindi ninyo mangyayaring dinggin ang aking salita. Kayo’y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka’t walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka’t siya’y isang sinungaling, at ama nito” (Juan 8:43–44).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sina Adan at Eba na nilalang ng Diyos sa pasimula ay mga banal na tao, ibig sabihin, habang nasa Hardin ng Eden sila ay banal, walang bahid ng karumihan. Sila rin ay tapat kay Jehova, at wala silang alam tungkol sa pagkakanulo kay Jehova. Ito ay dahil sa wala silang paggambala ng impluwensya ni Satanas, walang kamandag ni Satanas, anupa’t sila ang pinakadalisay sa lahat ng sangkatauhan. Sila ay nakatira sa Hardin ng Eden, hindi nabahiran ng anumang dumi, hindi naangkin ng laman, at may paggalang kay Jehova. Sa dakong huli, nang sila ay tinukso ni Satanas, nagkaroon sila ng kamandag ng ahas, at ng pagnanasa na ipagkanulo si Jehova, at namuhay sila sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Sa pasimula, sila ay banal at gumagalang sila kay Jehova; sa ganitong kalagayan lamang na sila ay tao. Kalaunan, pagkatapos silang tuksuhin ni Satanas, kinain nila ang bunga ng punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, at namuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Unti-unti silang nagawang tiwali ni Satanas, at naiwala ang orihinal na larawan ng tao. Sa pasimula, ang tao ay mayroong hininga ni Jehova, wala kahit katiting na pagkamasuwayin, at walang kasamaan sa kanyang puso. Noong panahong iyon, ang tao ay tunay na tao. Pagkatapos gawing tiwali ni Satanas, ang tao ay naging isang hayop. Ang kanyang kaisipan ay napuno ng kasamaan at karumihan, walang kabutihan at kabanalan. Hindi ba’t ito si Satanas?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Nang tuksuhin ni Satanas si Eba, sinabi nito: “Bakit hindi mo kinakain ang bunga sa punongkahoy na iyon?” Sumagot si Eba, “Sinabi ng Diyos na kapag kinain ko ang bunga ng punongkahoy na iyon, ako ay mamamatay.” Sinabi sa gayon ni Satanas, “Hindi mo kinakailangang mamatay kung kakainin mo ang bunga mula sa punongkahoy na iyon.” Ang layunin ng pahayag na ito ni Satanas ay upang manukso; tiyak lamang na hindi nito sinabi na sa pamamagitan ng pagkain sa bunga mula sa punongkahoy ang tao ay hindi mamamatay, sinabi lamang nito na ang tao ay hindi kinakailangang mamatay, at naging sanhi ito upang mag-isip ang tao: “Kung hindi ko kinakailangang mamatay, mainam lamang na kainin ito.” Hindi malabanan ng tao ang tukso na kainin ang bunga. Sa ganitong paraan, narating ni Satanas ang layunin nito na pagtukso sa tao na gumawa ng isang kasalanan; hindi nito inako ang pananagutan, sapagkat hindi niya pinilit ang sinuman na kainin ito. Ngayon taglay ng lahat ng mga tao sa loob nila ang mga lason ni Satanas na sumusubok sa Diyos at tumutukso sa tao. Paminsan-minsan kapag nagsasalita ang mga tao sila ay nagsasalita sa mga tono ni Satanas, sa layuning sumubok at manukso. Ang lahat ng mga saloobin at mga ideya na pumupuno sa mga tao ay ang mga lason ni Satanas, ang paraan na kanilang dala-dala ay isang bagay na ukol kay Satanas, at paminsan-minsan ang isang kindat o pagkumpas ay nagdadala ng isang mahinang amoy ng pagsubok at tukso.

mula sa “Yaong mga Nawalan ng Gawain ng Banal na Espiritu ang Pinaka-nasa Panganib” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung walang patnubay ng Diyos, gaano man pakaisipin ng mga pinuno at sosyolohista na maingatan ang sibilisasyon ng tao, ito ay walang kabuluhan. Walang sinuman ang makapupuno ng kawalan sa puso ng tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa kawalan na nagpapahirap sa kanya. Agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, paglilibang, kaginhawahan, ang mga ito ay nagdadala lamang ng pansamantalang pahinga sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa kawalang katarungan ng lipunan. Hindi mababawasan ng mga bagay na ito ang pagnanasa at hangarin ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ng tao ay maaari lamang humantong sa mas marami pang pagdurusa at maaari lamang maging dahilan upang ang tao ay umiral sa hindi nagbabagong kalagayan ng pagkatakot, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan, o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap. Maging ang agham at kaalaman ay kinatatakutan ng tao, at higit na kakatakutan ang pakiramdam ng kawalan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bayan o sa isang bayan na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan. Mas lalo ka pang walang kakayahang takasan ang nakalilitong diwa ng kawalan. Ang ganitong mga pangyayari, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga di-pangkaraniwang pangyayari sa lipunan, ngunit walang dakilang taong maaaring lumitaw upang lutasin ang naturang mga problema.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Mula itaas hanggang ibaba at mula simula hanggang wakas, ginagambala na ni Satanas ang gawain ng Diyos at kumikilos laban sa Kanya. Lahat ng pag-uusap na ito tungkol sa “sinaunang pamanang kultura,” mahalagang “kaalaman tungkol sa sinaunang kultura,” “mga turo ng Taoism at Confucianism,” at “Confucian classics at mga seremonyang pyudal” ay dinala na ang tao sa impiyerno. Ang mas maunlad na makabagong-panahong siyensya at teknolohiya, pati na ang lubhang maunlad na industriya, agrikultura, at pagnenegosyo ay hindi makita kahit saan. Sa halip, binibigyang-diin lamang nito ang mga ritwal na pyudal na ipinalaganap ng sinaunang “mga unggoy” upang sadyang gambalain, labanan, at lansagin ang gawain ng Diyos. Hindi lamang nito patuloy na sinaktan ang tao hanggang sa araw na ito, kundi nais pa nitong lunukin nang buo[1] ang tao. Ang paghahatid ng moral at etikal na mga turo ng pyudalismo at ang pagpapasa ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay matagal nang nahawahan ang sangkatauhan, at ginawa silang mga diyablong malalaki at maliliit. Iilan lamang ang masayang tatanggap sa Diyos, at buong kagalakang sasalubong sa Kanyang pagdating. Ang mukha ng buong sangkatauhan ay puno ng layuning pumatay, at sa lahat ng lugar, ramdam ang layuning pumatay. Hangad nilang palayasin ang Diyos mula sa lupaing ito; hawak ang mga kutsilyo at espada, inaayos nila ang kanilang sarili sa pakikipaglaban upang “puksain” ang Diyos. Sa buong lupaing ito ng diyablo, kung saan palaging itinuturo na walang Diyos, nagkalat ang mga diyus-diyusan, at nakakalat sa hangin sa ibabaw ang nakakasukang amoy ng nasusunog na papel at insenso, na masyadong makapal kaya mahirap huminga. Para iyong amoy ng putik na sumisingaw pataas sa pagpulupot ng makamandag na ahas, kaya hindi mapigil ng tao na masuka. Bukod dito, bahagyang maririnig ang ingay ng masasamang demonyo na sabay-sabay na sinasambit ang mga banal na kasulatan, isang ingay na tila nanggagaling sa malayong impiyerno, kaya hindi mapigil ng tao na manginig. Sa lahat ng dako ng lupaing ito ay may nakalagay na mga diyus-diyusan na kakulay ng bahaghari, na ginagawang isang mundo ng mahahalay na kasiyahan ang lupain, samantalang patuloy na humahalakhak nang buong kasamaan ang hari ng mga diyablo, na para bang nagtagumpay na ang masamang balak nito. Samantala, nananatili itong lubos na wala sa loob ng tao, at ni wala rin siyang kamalay-malay na nagawa na siyang tiwali ng diyablo hanggang sa punto kung saan nawalan na siya ng pakiramdam at nakayuko dahil sa pagkatalo. Nais nitong palisin, sa isang iglap, ang lahat ng tungkol sa Diyos, at muli Siyang pasamain at paslangin; hangad nitong ibagsak at guluhin ang Kanyang gawain. Paano nito matutulutan ang Diyos na makapantay sa katayuan? Paano nito matitiis na “humadlang” ang Diyos sa gawain nito sa mga tao sa lupa? Paano nito matutulutan ang Diyos na ilantad ang kasuklam-suklam nitong mukha? Paano nito matutulutan ang Diyos na gambalain ang gawain nito? Paano mapapayagan ng diyablong ito, na nagpupuyos ang galit, na makontrol ng Diyos ang maharlikang hukuman nito sa lupa? Paano nito matatanggap nang maluwag ang nakahihigit na kapangyarihan Niya? Nabunyag na ang kasuklam-suklam nitong mukha kung ano talaga ito, kaya hindi alam ng tao kung tatawa siya o iiyak, at talagang mahirap itong banggitin. Hindi ba ito ang diwa nito? May pangit na kaluluwa, naniniwala pa rin ito na di-kapani-paniwala ang kagandahan nito. Ang grupong ito ng magkakasabuwat sa krimen![2] Bumababa sila sa mundo ng mga mortal upang magpakasaya at magsanhi ng kaguluhan, na ginugulo nang husto ang mga bagay-bagay kaya nagiging salawahan at pabagu-bago ang mundo at natataranta at hindi mapakali ang puso ng tao, at napaglaruan nila nang husto ang tao kaya nagmukha siyang isang malupit na hayop sa parang, napakapangit, at wala na ang pinakahuling bakas ng orihinal na taong banal. Bukod pa rito, nais pa nilang kunin ang pinakamataas na kapangyarihan sa lupa. Hinahadlangan nila nang husto ang gawain ng Diyos kaya hindi ito halos makasulong, at sinasarhan nila ang tao nang kasinghigpit ng mga pader na tanso at bakal. Dahil napakaraming nagawang kasalanan at nagsanhi ng napakaraming kalamidad, may inaasahan pa ba silang iba maliban sa pagkastigo? Naghuhuramentado na ang mga demonyo at masasamang espiritu sa lupa, at nasarhan na kapwa ang kalooban at matiyagang pagsisikap ng Diyos kaya hindi na sila mapasok. Totoo, mortal na kasalanan ito! Paanong hindi mababalisa ang Diyos? Paanong hindi mapopoot ang Diyos? Matindi na nilang hinadlangan at kinalaban ang gawain ng Diyos: Napakasuwail!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7

Naisara nang mahigpit ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura at kasaysayan na sumasaklaw sa ilang libong taon ang pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao at ang pananaw ng kanyang isipan kaya hindi tinatablan at hindi nalulusaw ang mga ito.[3] Naninirahan ang mga tao sa ikalabing-walong ikot ng impiyerno, para lamang silang naitaboy ng Diyos sa mga bartolina, kung saan maaaring hindi kailanman makita ang liwanag. Naapi na nang husto ng pyudal na pag-iisip ang tao kaya halos hindi sila makahinga at naghahabol sila ng hininga. Wala sila ni katiting na lakas upang lumaban; ang ginagawa lamang nila ay tahimik na magtiis nang magtiis…. Walang sinumang nangahas kailanman na magpumiglas o ipagtanggol ang katuwiran at katarungan; talagang namumuhay lamang ang mga tao ng isang buhay na mas masahol pa sa hayop, sa ilalim ng mga paghampas at pang-aabuso ng pyudal na moralidad, araw-araw, at taun-taon. Hindi nila naisip kailanman na hanapin ang Diyos upang matamasa ang kaligayahan sa mundo ng tao. Para bagang napabagsak na ang mga tao hanggang sa maging para silang mga dahong nalaglag sa taglagas, lanta, tuyot, at manilaw-nilaw na kayumanggi. Matagal nang nawala ang alaala ng mga tao; kaawa-awa silang naninirahan sa impiyerno na tinatawag na mundo ng tao, naghihintay sa pagdating ng huling araw upang sama-sama silang mamatay sa impiyernong ito, na para bang ang huling araw na pinakahihintay nila ang araw na tatamasahin ng tao ang payapang kapahingahan. Nadala na ng pyudal na moralidad ang buhay ng tao sa “Hades,” na lalong nagpahina sa kapangyarihan ng tao na lumaban. Lahat ng uri ng pang-aapi ang nagtutulak sa tao, nang paunti-unti, na mahulog nang mas malalim sa Hades, palayo nang palayo sa Diyos, hanggang sa siya ay maging isa nang ganap na estranghero ngayon sa Diyos at nagmamadaling iwasan Siya kapag sila ay nagkatagpo. Hindi Siya pinakikinggan ng tao at iniiwan Siyang nakatayong mag-isa sa isang tabi, na para bang hindi pa Siya nakilala ng tao kailanman, na hindi pa Siya nakita dati. Subalit matagal nang naghihintay ang Diyos sa tao sa mahabang paglalakbay sa buhay, na hindi kailanman ipinupukol ang Kanyang di-mapigilang galit sa kanya, tahimik lamang na naghihintay, nang walang imik, na magsisi ang tao at magsimulang muli. Matagal nang pumarito ang Diyos sa mundo ng tao upang makibahagi sa mga pagdurusa ng tao sa mundo. Sa lahat ng taon na namuhay Siya sa piling ng tao, wala pang nakatuklas sa Kanyang pag-iral. Tahimik lamang na tinitiis ng Diyos ang paghihirap ng pagiging hamak sa mundo ng tao habang isinasakatuparan ang gawaing personal Niyang dinala. Patuloy Siyang nagtitiis para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos Ama at ng mga pangangailangan ng sangkatauhan, na nagdaranas ng mga pagdurusang hindi kailanman naranasan ng tao. Sa presensya ng tao tahimik Siyang naglingkod sa kanya, at sa presensya ng tao Siya ay nagpakumbaba, para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos Ama at maging sa kapakanan ng mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay parang balewalang ninakaw ang tao mula sa presensya ng Diyos at ipinasa siya sa hari ng mga diyablo at sa mga inapo nito. Nadala na ng Apat na Aklat at Limang Klasiko[a] ang pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao sa isa pang kapanahunan ng paghihimagsik, na naging sanhi upang higit pa niyang sambahin ang mga sumulat ng Aklat/Klasiko ng mga Dokumento, at bilang resulta upang lalo pang palalain ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Walang kaalam-alam ang tao, walang-awang pinalayas ng hari ng mga diyablo ang Diyos mula sa kanyang puso at pagkatapos ay tuwang-tuwang matagumpay niya mismong inokupa iyon. Mula noon, nag-angkin na ang tao ng pangit at masamang kaluluwa at ng mukha ng hari ng mga diyablo. Napuno ng poot sa Diyos ang kanyang dibdib, at lumaganap ang galit na kasamaan ng hari ng mga diyablo sa kalooban ng tao araw-araw hanggang sa lubos siyang lamunin nito. Wala na ni katiting na kalayaan ang tao at walang paraang makalaya mula sa mga bitag ng hari ng mga diyablo. Wala siyang nagawa kundi magpabihag noon mismo, sumuko at magpatirapa sa pagpapasakop sa presensya nito. Noong araw, nang bata pa ang puso’t kaluluwa ng tao, itinanim doon ng hari ng mga diyablo ang binhi ng tumor ng ateismo, na nagtuturo sa kanya ng mga kamaliang gaya ng “mag-aral ng siyensya at teknolohiya; alamin ang Apat na Modernisasyon; at walang Diyos sa mundo.” Hindi lamang iyan, ipinapahayag nito sa bawat pagkakataon, “Umasa tayo sa ating kasipagan para makabuo tayo ng sarili nating magandang bayan,” na hinihiling sa bawat tao na maging handa mula sa pagkabata na matapat na makapaglingkod sa kanilang bansa. Dinala ang tao, nang walang kamalay-malay, sa presensya nito, kung saan walang pag-aatubiling kinamkam nito ang buong karangalan (ibig sabihin ay ang karangalang nauukol sa Diyos sa pagpigil sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga kamay) para sa sarili nito. Hindi ito nagkaroon ng anumang kahihiyan kailanman. Bukod pa rito, hindi ito nahiyang agawin ang mga tao ng Diyos at hilahin sila pabalik sa bahay nito, kung saan tumalon ito na parang daga papunta sa ibabaw ng mesa at pinasamba ang tao rito bilang Diyos. Napakadesperado nito! Iskandaloso itong sumisigaw ng mga bagay na nakakagulat, tulad ng: “Walang Diyos sa mundo. Ang hangin ay nagmumula sa mga pagbabago ayon sa mga batas ng kalikasan; ang ulan ay dumarating kapag sumisingaw ang tubig, na sumasalubong sa malalamig na temperatura, bumabagsak bilang mga patak sa lupa; ang lindol ay pagyanig ng ibabaw ng lupa dahil sa mga pagbabagong nangyayari dito; ang tagtuyot ay dulot ng pagkatuyo ng hangin kapag gumalaw ang pinakagitna sa ibabaw ng araw. Ang mga ito ay mga kababalaghan ng kalikasan. Nasaan, sa lahat ng ito, ang gawain ng Diyos?” Mayroon pa ngang mga sumisigaw ng mga pahayag na gaya ng sumusunod, mga bagay na hindi dapat ipahayag: “Ang tao ay nagmula sa unggoy noong unang panahon, at ang mundo ngayon ay nagmumula sa sunud-sunod na mga sinaunang lipunan na nagsimula humigit-kumulang isang bilyong taon na ang nakakaraan. Ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa ay nakasalalay sa mga kamay ng mga mamamayan nito.” Sa likod nito, isinasabit ito ng tao sa dingding o ipinapatong ito sa mesa upang pagpitaganan at alayan iyon. Kasabay ng pagsigaw nito ng, “Walang Diyos,” itinataas nito ang sarili bilang Diyos, walang habas na itinutulak ang Diyos palabas ng mga hangganan ng lupa, samantalang nakatayo sa lugar ng Diyos at kumikilos bilang ang hari ng mga diyablo. Hindi na talaga makatwiran! Dahil dito, sagad sa buto ang pagkamuhi rito ng tao. Tila mortal na magkaaway sila ng Diyos, at hindi maaaring magkasama silang dalawa. Nagbabalak itong itaboy ang Diyos palayo samantalang ito ay malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas.[4] Hari nga ito ng mga diyablo! Paano matitiis ang pag-iral nito? Hindi ito magpapahinga hangga’t hindi nito nagugulo ang gawain ng Diyos at iniiwan itong ganap na magulo,[5] na para bang nais nitong labanan ang Diyos hanggang sa huli, hanggang sa mamatay ang mga isda o masira ang lambat, na sadyang nilalabanan ang Diyos at palapit pa nang palapit. Matagal nang nalantad ang kasuklam-suklam nitong mukha, ngayo’y lamog at bugbog[6] na ito at nasa kakila-kilabot na kalagayan, subalit hindi pa rin maglulubag ang loob nito sa pagkamuhi sa Diyos, na para bang huhupa lamang ang pagkamuhing tinimpi sa puso nito kapag nilamon na nito nang buo ang Diyos sa isang subuan. Paano natin matitiis ito, ang kaaway na ito ng Diyos! Tanging ang pagpuksa at ganap na paglipol lamang dito matutupad ang inaasam natin sa buhay. Paano ito mapapayagang patuloy na magpakalat-kalat? Nagawa nitong tiwali ang tao hanggang sa hindi na alam ng tao ang langit-araw, at naging manhid at walang pakiramdam. Nawalan na ng normal na katwiran ang tao. Bakit hindi natin ialay ang buo nating pagkatao para sirain at sunugin ito upang maalis ang lahat ng alalahanin sa hinaharap at tulutan ang gawain ng Diyos na umabot sa walang-katumbas na kaningningan sa lalong madaling panahon? Naparito sa mundo ng mga tao ang grupong ito ng mga tampalasan at ginulo ito nang husto. Nadala na nila ang buong sangkatauhan sa bingit ng isang bangin, lihim na nagpaplanong itulak sila pababa para magkaluray-luray upang malamon nila ang kanilang bangkay pagkatapos. Walang saysay silang umaasang sirain ang plano ng Diyos at makipagkumpitensya sa Kanya, na sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan.[7] Hindi madaling gawin iyon! Kunsabagay ay nakahanda na ang krus para sa hari ng mga diyablo, na may kagagawan ng pinakamasasamang krimen. Hindi nabibilang ang Diyos sa krus. Itinabi na Niya ito para sa diyablo. Matagal nang nanalo ang Diyos at hindi na nakakaramdam ng kalungkutan sa mga kasalanan ng sangkatauhan, ngunit maghahatid Siya ng kaligtasan sa buong sangkatauhan.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7

Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay kalikasan na ng tao. Ang “Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at iyan ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyunal na kultura ng bawat bayan para turuan, linlangin, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli ay winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. Isipin na kunwari’y itinatanong mo ito sa isang tao na maraming taon nang aktibo sa lipunan: “Ipagpalagay nang nabubuhay ka na sa mundo at napakarami mo nang nagawa, anong mga bantog na kasabihan ang batayan mo sa buhay?” Maaaring sabihin niya, “Ang pinakamahalaga ay ‘Hindi gagalawin ng mga opisyal ang mga sipsip sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.’” Hindi ba kumakatawan ang mga salitang ito sa kanyang likas na pagkatao? Naging kalikasan na niya ang walang-pakundangang paggamit ng anumang paraan para makakuha ng katungkulan, at ang pagiging opisyal at tagumpay sa karera ang kanyang layunin. Marami pa ring satanikong lason sa buhay ng mga tao, sa kanilang pag-uugali at asal. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay pawang kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, na may kapangyarihan, at yaong mga nagtatagumpay ay may sarili nilang landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang likas na pagkatao? Napakalaki ng mga nagawa nila sa mundo, at walang sinumang nakakakita nang malinaw sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Nagpapakita ito na lubhang masama at makamandag ang kanilang likas na pagkatao. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at makikita na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, at radikal, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya ni Satanas—ito, sa kabuuan nito, ay isang likas na pagkatao na nagtataksil sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos.

mula sa “Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Sa tinaguriang kaalaman ng tao, nagpakalat si Satanas ng marami-raming pilosopiya nito sa pamumuhay at sa pag-iisip. At habang ginagawa ito ni Satanas, pinahihintulutan nito ang tao na tanggapin ang kanyang pag-iisip, pilosopiya, at pananaw upang maaaring itanggi ng tao na mayroong Diyos, itanggi ang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng tao. Kaya’t habang sumusulong ang pag-aaral ng tao at nagtatamo siya ng mas maraming kaalaman, nararamdaman niyang malabong mayroong Diyos at maaari pang hindi na niya maramdaman na mayroong Diyos. Sa pagdaragdag ni Satanas ng mga pananaw, kuru-kuro, at kaisipan sa isip ng tao, hindi ba’t nagiging tiwali ang tao sa pamamagitan nito? (Oo.) Ano ang pinagbabatayan ngayon ng tao ng kanyang buhay? Namumuhay ba talaga siya batay sa kaalamang ito? Hindi; ibinabatay ng tao ang kanyang buhay sa mga kaisipan, pananaw, at pilosopiya ni Satanas na nakakubli sa loob ng kaalamang ito. Dito nagaganap ang pangunahing bahagi ng pagtitiwali ni Satanas ng tao; ito ay kapwa layon ni Satanas at pamamaraan nito upang gawing tiwali ang tao.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Ang nagagawa lamang ng siyensiya ay pahintulutan ang mga tao na makita ang mga bagay sa pisikal na mundo, at bigyang-kasiyahan ang pagkamausisa ng tao, ngunit hindi nito mabibigyang ng kakayahan ang tao na makita ang mga batas kung saan ay may pamamahala ang Diyos sa lahat ng bagay. Tila nakakahanap ang tao ng mga kasagutan mula sa siyensiya, ngunit ang mga kasagutang iyon ay nakalilito at nagdadala lamang ng panandaliang kasiyahan, kasiyahan na nagkukulong lamang sa puso ng tao sa pisikal na mundo. Nararamdaman ng tao na nakakuha sila ng mga kasagutan mula sa siyensiya, kaya naman anumang usapin ang lumitaw, ginagamit nila ang kanilang mga siyentipikong pananaw para patunayan o tanggapin ang isyung iyon. Naangkin na ng siyensiya ang puso ng tao at ito ay naaakit na nito hanggang sa hindi na iniintindi ng tao na makilala ang Diyos, sambahin ang Diyos, at paniwalaan na ang lahat ng bagay ay nanggagaling sa Diyos at dapat na sa Kanya maghanap ang tao ng mga kasagutan. Hindi ba ito totoo? Habang lalong naniniwala ang isang tao sa siyensiya, mas lalo silang nagiging kakatwa, naniniwalang ang lahat ay may siyentipikong solusyon, na lahat ay kayang lutasin ng pananaliksik. Hindi nila hinahanap ang Diyos at hindi sila naniniwala na mayroong Diyos; maging ang ilang tao na sumusunod sa Diyos sa loob ng maraming taon ay hahayo at magsasaliksik tungkol sa bakterya sa isang iglap o maghahanap ng impormasyon para masagot ang isang usapin. Ang mga taong tulad nito ay hindi tumitingin sa mga usapin mula sa perspektibo ng katotohanan at kadalasan ay gusto nilang dumepende sa mga siyentipikong pananaw o kaalaman o mga siyentipikong kasagutan para lutasin ang mga problema; hindi sila dumedepende sa Diyos at hindi nila hinahanap ang Diyos. Taglay ba ng mga taong tulad nito ang Diyos sa kanilang mga puso? (Hindi.) Mayroon pa ngang ilang tao na gustong saliksikin ang Diyos kung paanong pinag-aaralan nila ang siyensiya. Halimbawa, maraming eksperto sa relihiyon ang nakapunta na sa bundok kung saan napadpad ang arko, at sa gayon ay napatunayan nila na mayroon ngang arko. Ngunit hindi nila nakikita na mayroong Diyos sa paglitaw ng arko. Naniniwala lamang sila sa mga kuwento at sa kasaysayan; ito ang resulta ng kanilang siyentipikong pananaliksik at pag-aaral ng pisikal na mundo. Kung nagsasaliksik ka sa mga materyal na bagay, maging ito man ay mikrobiyolohiya, astronomiya, o heograpiya, hindi mo kailanman mahahanap ang isang resulta na nagsasabing umiiral ang Diyos o na mayroon Siyang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kung gayon, ano ang ginagawa ng siyensiya para sa tao? Hindi ba nito inilalayo ang tao mula sa Diyos? Hindi ba ito nagsasanhi sa mga tao na isailalim sa pag-aaral ang Diyos? Hindi ba nito mas pinagdududa ang mga tao na mayroong Diyos? (Oo.) Paano gustong gamitin ni Satanas ang siyensiya upang gawing tiwali ang tao? Hindi ba gusto ni Satanas na gamitin ang mga konklusyong siyentipiko upang linlangin at gawing manhid ang mga tao, at gamitin ang mga hindi tiyak na kasagutan upang mahawakan ang puso ng mga tao upang hindi na sila maghanap pa o maniwala na mayroong Diyos? (Oo.) Ito ang dahilan kaya natin sinasabi na ang siyensiya ay isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Nakapagtahi-tahi at nakapag-imbento si Satanas ng maraming kuwentong bayan o mga kuwentong lumilitaw sa mga aklat ng kasaysayan, na nag-iiwan ng malalalim na impresyon sa mga tao tungkol sa tradisyonal na kultura o mga pamahiin. Halimbawa, sa China ay may “Ang Walong Imortal na Tumatawid ng Dagat,” “Paglalakbay Patungong Kanluran,” ang Jade na Emperador, “Ang Paglupig ni Nezha sa Haring Dragon,” at “Ang Pagtatalaga ng mga Diyos.” Hindi ba nakaugat nang malalim ang mga ito sa isipan ng tao? Kahit hindi alam ng ilan sa inyo ang lahat ng detalye, alam pa rin ninyo ang mga pangkalahatang kuwento, at ang pangkalahatang nilalamang ito ang nakakintal sa iyong puso’t isipan, kaya hindi mo makalimutan ang mga iyon. Ito ang sari-saring mga ideya o alamat na inihanda ni Satanas para sa tao noong unang panahon, at naikalat na sa iba’t ibang panahon. Ang mga bagay na ito ay tuwirang pumipinsala at nagpapahina sa kaluluwa ng mga tao at gumagayuma nang sunud-sunod sa mga tao. Ibig sabihin ay kapag tinanggap mo na ang gayong tradisyonal na kultura, mga kuwento, o pamahiin, kapag nakatatag ang mga ito sa iyong isipan, at kapag nakakintal ang mga ito sa iyong puso, para kang nagayuma—nasasadlak at naiimpluwensyahan ka ng kultural na mga patibong na ito, ng mga ideya at tradisyonal na mga kuwentong ito. Iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong buhay, ang pananaw mo sa buhay, at ang iyong paghusga sa mga bagay-bagay. Mas lalong iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong paghahangad sa tunay na daan ng buhay: Isang masamang gayuma nga ito. Gaano mo man subukan, hindi mo maiwawaksi ang mga ito; tinataga mo ang mga ito ngunit hindi mo kayang ibuwal ang mga ito; hinahataw mo ang mga ito ngunit hindi mo kayang talunin ang mga ito. Bukod pa rito, pagkatapos sumailalim ang mga tao sa ganitong uri ng gayuma nang hindi nila alam, nagsisimula silang sumamba kay Satanas nang hindi nila alam, na itinataguyod ang imahe ni Satanas sa kanilang puso. Sa madaling salita, itinatatag nila si Satanas bilang kanilang diyus-diyusan, isang bagay na sasambahin at titingalain nila, na humahantong pa sa pagturing dito bilang Diyos. Hindi nila alam na ang mga bagay na ito ay nasa puso ng mga tao, kumokontrol sa kanilang mga salita at gawa. Bukod dito, itinuturing mong mali ang mga kuwento at alamat na iyon noong una, kaya lamang ay kinikilala mo ang pag-iral ng mga iyon nang hindi mo alam, kaya nagiging totoong mga tao ang mga iyon at nagiging totoo at umiiral na mga bagay ang mga iyon. Wala kang kamalay-malay, tinatanggap mo nang hindi namamalayan ang mga ideyang ito at ang pag-iral ng mga bagay na ito. Tinatanggap mo rin nang hindi namamalayan ang mga diyablo, si Satanas, at mga diyus-diyusan sa sarili mong tahanan at sa sarili mong puso—isang gayuma nga ito.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Mga Talababa:

1. Ang “lunukin” ay tumutukoy sa marahas na pag-uugali ng hari ng mga diyablo, na sinasaklot nang buo ang mga tao.

2. Ang “magkakasabuwat sa krimen” ay kapareho ng uri ng “isang grupo ng mga butangero.”

3. Ang “hindi nalulusaw” ay nilayon bilang panunudyo [satire] dito, na ibig sabihin ay maigting ang mga tao sa kanilang kaalaman, kultura, at espirituwal na pananaw.

4. Ang “malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas” ay nagpapahiwatig na nagagalit at naghuhuramentado ang diyablo.

5. Ang “ganap na magulo” ay tumutukoy sa kung paanong hindi makayanang tingnan ang marahas na pag-uugali ng diyablo.

6. Ang “lamog at bugbog” ay tumutukoy sa pangit na mukha ng hari ng mga diyablo.

7. Ang ibig sabihin ng “sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan” ay itaya ang lahat ng pera ng isang tao sa pag-asang manalo sa huli. Ito ay isang metapora para sa masama at karumal-dumal na mga pakana ng diyablo. Ginagamit ang pahayag na ito nang patuya.

a. Ang Apat na Aklat at Limang Klasiko ay mapagkakatiwalaang tumpak na mga aklat ng Confucianism sa China.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman