Muling Tinukso ni Satanas si Job (Naglitawan ang Mahahapding Pigsa sa Buong Katawan ni Job) (Ikalawang Bahagi)

Abril 19, 2018

Ang Maraming Maling Pagkakaintindi ng mga Tao Tungkol kay Job

Ang paghihirap na naranasan ni Job ay hindi gawain ng mga sugong ipinadala ng Diyos, at hindi rin ito sanhi ng sariling kamay ng Diyos. Sa halip, ito ay dulot mismo ni Satanas, ang kaaway ng Diyos. Bilang resulta, malalim ang antas ng paghihirap na naranasan ni Job. Ngunit sa sandaling ito, walang pagpipigil na ipinakita ni Job ang pang-araw-araw niyang kaalaman sa Diyos sa kanyang puso, ang mga prinsipyo ng kanyang pang-araw-araw na mga pagkilos, at ang kanyang mga saloobin sa Diyos—at ito ang katotohanan. Kung si Job ay hindi natukso, kung ang Diyos ay hindi nagdala ng pagsubok kay Job, noong sinabi ni Job, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” sasabihin mo na ipokrito si Job; binigyan siya ng Diyos ng maraming ari-arian, kung kaya’t nararapat lamang na basbasan niya ang pangalan ni Jehova. Kung, bago sumailalim sa mga pagsubok, sinabi ni Job na, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” sasabihin mo na may kalabisan ang sinasabi ni Job, at na hindi niya itatakwil ang pangalan ng Diyos dahil madalas siyang pinagpapala ng kamay ng Diyos. Sasabihin mo na kung nagdala ang Diyos ng sakuna sa kanya, siguradong itatakwil niya ang pangalan ng Diyos. Ngunit nang matagpuan ni Job ang kanyang sarili sa mga kalagayang hindi nanaisin ninuman, o nanaising makita, mga kalagayan na walang sinumang magnanais na maranasan, na katatakutan nilang maranasan, mga kalagayan na hindi kayang pagmasdan maging ng Diyos, nagawa pa rin ni Job na panghawakan ang kanyang integridad: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” at “tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Sa kanilang pagharap sa asal ni Job noong mga oras na ito, ang mga mahilig magsabi ng matatayog na mga salita, at ang mga bumibigkas ng mga salita at doktrina ay lahat natatahimik. Ang mga pumupuri sa pangalan ng Diyos sa salita lamang, ngunit hindi pa kailanman tinanggap ang mga pagsubok ng Diyos, ay kinokondena ng matibay na integridad na pinanghawakan ni Job, at ang mga hindi kailanman naniwala na kayang manindigan ng tao sa daan ng Diyos ay hinatulan ng patotoo ni Job. Nahaharap sa pag-uugali ni Job sa panahong ito ng mga pagsubok at sa mga salita na kanyang binigkas, may mga taong malilito, may mga maiinggit, may magdududa, at may iba na magmumukhang hindi interesado, hindi maniniwala sa patotoo ni Job dahil hindi lang nila nakikita ang paghihirap na naranasan ni Job sa panahon ng kanyang mga pagsubok, at nababasa ang mga salitang binigkas ni Job, kundi nakikita rin nila ang “kahinaan” ng tao na ipinakita ni Job nang dumating ang mga pagsubok sa kanya. Pinaniniwalaan nila na ang “kahinaan” na ito ay isang kasiraan sa pagiging perpekto ni Job, ang dungis sa isang tao na perpekto sa paningin ng Diyos. Ibig sabihin, pinaniniwalaang ang mga perpekto ay walang kamalian, walang dungis o mantsa, wala silang mga kahinaan, walang nalalaman sa pasakit, hindi sila kailanman nakaramdam ng lungkot o lumbay, at wala silang galit o anumang panlabas na malubhang asal; bunga nito, ang higit na maraming tao ay hindi naniniwalang tunay na perpekto si Job. Hindi sumasang-ayon ang mga tao sa karamihan ng kanyang inasal noong panahon ng kanyang mga pagsubok. Halimbawa, noong mawala kay Job ang kanyang mga ari-arian at mga anak, hindi siya umiyak, na inaasahan ng mga tao na gagawin niya. Dahil sa kanyang “kawalan ng kagandahang-asal” inisip ng mga tao na malamig ang kanyang puso, dahil hindi siya umiyak, o nagpakita ng pagmamahal para sa kanyang pamilya. Ito ang masamang impresyon na unang nakikita ng mga tao kay Job. Mas nakakagulo sa isip nila ang asal niya matapos nito: “Pinunit ang kanyang balabal” ay ipinaliwanag ng mga tao bilang kawalan niya ng galang sa Diyos, at ang “inahitan ang kanyang ulo” ay pinaniniwalaang paglapastangan at paglaban niya sa Diyos. Bukod sa mga salita ni Job na “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” hindi nakita ng mga tao ang pagiging matuwid ni Job na pinuri ng Diyos, at sa gayon, ang pagsusuri kay Job ng karamihan sa kanila ay puro kawalan ng pagkakaunawa, maling pagkakaintindi, pag-aalinlangan, pagkokondena, at pagsang-ayon sa teorya lamang. Wala sa kanila ang tunay na nakakaintindi at nakakapagpahalaga sa mga salita ng Diyos na si Jehova na si Job ay isang perpekto at matuwid na tao, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa masama.

Batay sa mga nabanggit sa itaas na impresyon nila kay Job, mas lalong pinagdududahan ng mga tao ang pagiging matuwid ni Job, dahil ang mga ikinilos at asal ni Job na nakasaad sa mga kasulatan ay hindi nakaaantig nang husto gaya ng iniisip ng mga tao. Hindi lamang siya walang naisagawa na anumang dakilang gawa, kumuha pa siya ng isang basag na palayok upang ipangkayod sa kanyang sarili habang siya ay nakaupo sa mga abo. Dahil din sa kilos na ito, nagugulat ang mga tao at pinagdududahan nila—at itinatanggi pa—ang pagiging matuwid ni Job, dahil habang kinakayod niya ang kanyang sarili, hindi siya nagdasal o nangako sa Diyos; at higit pa rito, hindi rin siya nakitang umiyak sa sakit. Sa oras na ito, nakikita lamang ng mga tao ang kahinaan ni Job at wala nang iba, at dahil dito, kahit na narinig nila si Job na nagsabing “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” talagang hindi sila natitinag, o hindi nagbabago ang kanilang paniniwala, at hindi pa rin nila maintindihan ang pagiging matuwid ni Job ayon sa kanyang mga salita. Ang pangunahing impresyon na ibinibigay ni Job sa mga tao sa panahon ng kanyang paghihirap sa mga pagsubok ay ang hindi siya natakot o nagyabang. Hindi nakikita ng mga tao ang mga kuwento sa likod ng kanyang pag-uugali na nagmula sa kaibuturan ng kanyang puso, at hindi rin nila nakikita ang takot sa Diyos sa loob ng kanyang puso o ang pagsunod sa prinsipyo ng daan ng pag-iwas sa kasamaan. Ang kanyang kahinahunan ang dahilan kung bakit iniisip ng mga tao na ang kanyang pagiging perpekto at matuwid ay mga walang saysay na salita lamang, na ang kanyang takot sa Diyos ay sabi-sabi lamang; samantala, ang “kahinaan” na ipinakita niya ay nag-iiwan ng malalim na impresyon sa kanila, nagbibigay sa kanila ng “bagong pananaw” at “bagong pagkaunawa” sa taong inilalarawan ng Diyos bilang perpekto at matuwid. Napatunayan ang ganitong “bagong pananaw” at “bagong pag-unawa” noong buksan ni Job ang kanyang bibig at isumpa ang araw na ipinanganak siya.

Bagama’t hindi mailarawan at hindi kayang unawain ng sinumang tao ang antas ng paghihirap na pinagdaanan niya, wala siyang sinabi na anumang maling pananampalataya na salita, kundi binawasan lamang niya ang sakit na kanyang nararamdaman sa pamamagitan ng sarili niyang pamamaraan. Gaya ng nakatala sa Kasulatan, sinabi niya: “Maparam nawa ang araw ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi” (Job 3:3). Marahil, hindi itinuring ng sinuman na mahalaga ang mga salitang ito, at marahil may mga taong nagbigay-pansin sa mga ito. Sa inyong pananaw, ang ibig ba nilang sabihin ay nilabanan ni Job ang Diyos? Mga reklamo ba ang mga ito laban sa Diyos? Alam Kong marami sa inyo ang may ilang ideya tungkol sa mga salitang ito na sinabi ni Job at naniniwalang kung perpekto at matuwid si Job, hindi dapat siya nagpakita ng anumang kahinaan o pagdadalamhati, at sa halip ay hinarap ang anumang pagsubok mula kay Satanas sa positibong paraan, at may ngiti pa sa harap ng mga panunukso ni Satanas. Hindi dapat siya nagpakita ng anumang reaksyon sa anumang paghihirap na idinulot ni Satanas sa katawan niya, at hindi siya dapat nagpakita ng kahit anong damdamin mula sa kanyang puso. Dapat nga ay hiningi pa niya sa Diyos na gawing mas malupit ang mga pagsubok na ito. Ito ang dapat na ipinapakita at tinataglay ng isang taong matibay at tunay na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sa gitna ng ganitong matinding paghihirap, isinumpa lang ni Job ang araw ng kanyang kapanganakan. Hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos, at lalong hindi siya nagbalak na kalabanin ang Diyos. Mas madali itong sabihin kaysa gawin, dahil mula pa sa sinaunang panahon hanggang ngayon, wala pang sinuman ang nakaranas ng ganoong mga tukso o nagdusa gaya ng pinagdaanan ni Job. At bakit wala pang sinuman ang napasailalim sa tuksong katulad ng dumating kay Job? Dahil, ayon sa nakikita ng Diyos, walang sinuman ang may kakayahang magpasan ng ganitong pananagutan o tagubilin, walang makagagawa gaya ng ginawa ni Job, at, higit pa rito, walang sinuman, bukod sa pagsumpa sa araw ng kanilang kapanganakan, ang may kakayahang hindi talikuran ang pangalan ng Diyos at patuloy na purihin ang pangalan ng Diyos na si Jehova, kagaya ng ginawa ni Job noong dumanas siya ng ganoong paghihirap. Mayroon bang kayang gumawa nito? Kapag sinasabi natin ito tungkol kay Job, pinupuri ba natin ang kanyang pag-uugali? Siya ay isang lalaking matuwid, at kayang magpatotoo nang ganoon sa Diyos, at kayang palayasin si Satanas nang hawak sa mga kamay nito ang sariling ulo, kung kaya’t hindi na ito muling lumapit sa harap ng Diyos upang akusahan siya—kaya ano ang mali sa pagpuri sa kanya? Maaari bang mas mataas ang mga pamantayan ninyo kaysa sa Diyos? Dahil ba magiging mas mahusay kayo kaysa kay Job kapag dumating ang mga pagsubok sa inyo? Si Job ay pinuri ng Diyos—anong pagtutol ang mayroon kayo?

Isinusumpa ni Job ang Araw ng Kanyang Kapanganakan Dahil Hindi Niya Gustong Masaktan ang Diyos nang Dahil sa Kanya

Madalas Kong sabihin na tumitingin ang Diyos sa puso ng mga tao, habang ang mga tao ay tumitingin sa panlabas na anyo ng mga tao. Dahil ang Diyos ay tumitingin sa puso ng mga tao, nauunawaan Niya ang kanilang diwa, samantalang inilalarawan ng mga tao ang diwa ng ibang tao batay sa kanilang panlabas na anyo. Noong binuksan ni Job ang kanyang bibig at isumpa ang araw ng kanyang kapanganakan, ginulat nito ang lahat ng mga kilalang espirituwal, kabilang na ang tatlong kaibigan ni Job. Ang tao ay nanggaling sa Diyos, at dapat na nagpapasalamat para sa buhay at laman, pati na rin sa araw ng kanyang kapanganakan, na ibinigay sa kanya ng Diyos, at hindi niya dapat isumpa ang mga ito. Ito ang bagay na kayang maunawaan at maisip ng mga ordinaryong tao. Para sa sinumang sumusunod sa Diyos, ang pang-unawang ito ay banal at hindi dapat lapastanganin, at ito ay isang katotohanan na hindi kailanman magbabago. Sa kabilang banda, nilabag ni Job ang mga patakaran: Isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan. Isa itong pagkilos na itinuturing ng mga karaniwang tao na pagtawid sa ipinagbabawal na lupain. Si Job ay hindi lamang walang karapatan sa pang-unawa at simpatiya ng mga tao, wala rin siyang karapatan sa kapatawaran ng Diyos. Kasabay nito, mas marami pang tao ang nagduda sa pagiging matuwid ni Job, dahil tila naging mapagpalayaw si Job sa sarili bunga ng kabutihan ng Diyos sa kanya; naging sobrang mapangahas at walang ingat siya dahil dito kung kaya’t hindi lamang siya hindi nagpasalamat sa Diyos sa mga biyaya at pag-aalaga ng Diyos sa kanya sa buong buhay niya, kundi isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan sa punto ng pagkawasak. Kung hindi ito paglaban sa Diyos, ano ito? Ang ganitong mga kababawan ay nagbibigay sa mga tao ng patunay upang kondenahin ang ginawang ito ni Job, ngunit sino ang makakaalam ng tunay na iniisip ni Job sa oras na iyon? At sino ang makakaalam kung bakit kumilos si Job nang ganoon? Tanging ang Diyos at si Job lamang ang may alam ng tunay na kuwento at ng mga dahilan nito.

Noong iniunat ni Satanas ang kamay nito upang saktan ang mga buto ni Job, nahulog si Job sa mga kuko nito, nang walang paraan upang makatakas o lakas upang makalaban. Nagdusa ang kanyang katawan at kaluluwa ng napakatinding sakit, at dahil dito, nagkaroon siya ng malalim na kamalayan sa kawalang-saysay, kahinaan, at kawalan ng kapangyarihan ng taong namumuhay sa laman. Kasabay nito, nagkaroon din siya ng malalim na pagpapahalaga at pag-unawa kung bakit inaalagaan at iniingatan ng Diyos ang sangkatauhan. Sa mga kuko ni Satanas, naunawaan ni Job na ang tao, na may laman at dugo, ay talagang walang kapangyarihan at mahina. Nang lumuhod siya at nanalangin sa Diyos, nadama niya na tila ba tinatakpan ng Diyos ang Kanyang mukha at nagtatago, sapagkat ganap na siyang inilagay ng Diyos sa mga kamay ni Satanas. Kasabay nito, ang Diyos ay umiyak din para sa kanya, at, higit pa rito, nasaktan para sa kanya; ang Diyos ay nasaktan dahil sa naramdaman niyang sakit, at nasugatan dahil sa kanyang mga sugat…. Nadama ni Job ang sakit na naramdaman ng Diyos, at kung gaano ito kahirap para sa Diyos…. Ayaw na ni Job na magdulot ng karagdagang pighati sa Diyos, at hindi rin niya nais na umiyak ang Diyos para sa kanya, at lalong hindi niya nais na makitang nasasaktan ang Diyos dahil sa kanya. Sa sandaling ito, ang nais lamang ni Job ay ang ihiwalay ang sarili niya sa kanyang laman upang hindi na kailangang tiisin ang sakit na dala sa kanya ng laman na ito, dahil ito ang makakapigil sa paghihirap ng Diyos dahil sa kanyang sakit—ngunit hindi niya kaya, at kinailangan niyang tiisin hindi lamang ang sakit ng laman, kundi pati ang paghihirap na dala ng kanyang pagnanais na huwag mag-alala ang Diyos. Ang dalawang sakit na ito—isa mula sa laman, at isa mula sa espiritu—ay nagdala ng makabagbag-damdamin at makapanginig-laman na sakit kay Job, at nagparamdam sa kanya kung paanong ang mga limitasyon ng tao, na may dugo at laman, ay maaaring maging dahilan upang ang tao ay makaramdam ng kabiguan at kahinaan. Sa pagdaan sa mga sitwasyong ito, naging mas matindi ang kanyang pananabik sa Diyos, at naging mas matindi ang kanyang pagkamuhi kay Satanas. Sa panahong ito, mas gugustuhin pa ni Job ang hindi siya ipinanganak sa mundo ng tao, mas gugustuhin pa niya ang hindi umiiral, kaysa makita ang Diyos na lumuluha o nasasaktan dahil sa kanyang kapakanan. Nagsimula siyang kasuklaman nang husto ang kanyang laman, mamuhi at mapagod sa kanyang sarili, sa araw ng kanyang kapanganakan, at maging sa lahat ng nagkaroon ng kinalaman sa kanya. Ayaw na niyang makarinig ng tungkol sa kanyang araw ng kapanganakan o sa anumang bagay na may kinalaman dito, kaya binuksan niya ang kanyang bibig at isinumpa ang kanyang pagsilang: “Maparam nawa ang araw ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi. Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Diyos mula sa itaas, ni sinagan man ng liwanag” (Job 3:3–4). Dala ng mga salita ni Job ang pagkasuklam niya sa kanyang sarili, “Maparam nawa ang araw ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi,” pati na ang kanyang pagsisi sa kanyang sarili at pakiramdam na siya ay may pagkakautang dahil naging sanhi siya ng pasakit sa Diyos, “Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Diyos mula sa itaas, ni sinagan man ng liwanag.” Ang dalawang siping ito ay ang pinakamainam na pagpapahayag sa nadarama ni Job noon, at ganap na nagpakita ng kanyang pagiging perpekto at matuwid sa lahat. Kasabay nito, gaya ng ninais ni Job, tunay ngang umangat ang kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos, pati na ang kanyang takot sa Diyos. Tiyak na ang pagtataas na ito mismo ang resultang inaasahan ng Diyos.

Tinalo ni Job si Satanas at Naging Tunay na Tao sa Paningin ng Diyos

Noong unang dinanas ni Job ang kanyang mga pagsubok, kinuha sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian at ang lahat ng kanyang anak, subalit hindi siya nanlumo o nagsabi ng anumang kasalanan laban sa Diyos dahil dito. Napagtagumpayan niya ang mga panunukso ni Satanas, at napagtagumpayan niya ang kanyang materyal na ari-arian, mga anak, at ang pagsubok ng pagkawala ng lahat ng kanyang makamundong ari-arian, na ang ibig sabihin ay nagawa niyang sumunod sa Diyos habang kinukuha ng Diyos ang mga bagay mula sa kanya at nagawa niyang magbigay ng pasasalamat at papuri sa Diyos dahil sa ginawa ng Diyos. Ganito ang asal ni Job sa panahon ng unang panunukso ni Satanas, at ganito rin ang patotoo ni Job sa panahon ng unang pagsubok ng Diyos. Sa ikalawang pagsubok, iniunat ni Satanas ang kamay nito upang pahirapan si Job, at kahit na naranasan ni Job ang mas matindi pang sakit kaysa sa naranasan niya noon, sapat na ang kanyang patotoo upang mamangha ang mga tao. Ginamit niya ang katatagan ng kanyang loob, pananalig, at pagkamasunurin sa Diyos, pati na ang kanyang takot sa Diyos, upang muling matalo si Satanas, at muling sinang-ayunan at pinaboran ng Diyos ang kanyang asal at patotoo. Sa panahon ng panunuksong ito, ginamit ni Job ang kanyang tunay na asal upang ipahayag kay Satanas na hindi kayang baguhin ng sakit ng laman ang kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos o alisin ang kanyang katapatan at may takot sa Diyos na puso; hindi niya tatalikuran ang Diyos o isusuko ang kanyang pagiging perpekto at matuwid dahil nahaharap siya sa kamatayan. Dahil sa determinasyon ni Job ay naging duwag si Satanas, dahil sa kanyang pananampalataya ay natakot at nanginig si Satanas, dahil sa sidhi ng kanyang pakikipaglaban kay Satanas sa kanilang laban na buhay o kamatayan ang maaaring kahinatnan, nagkaroon ng malalim na galit at hinagpis si Satanas; dahil sa kanyang pagiging perpekto at matuwid ay wala nang magawa si Satanas sa kanya, kung kaya’t tinalikuran ni Satanas ang pag-atake sa kanya at binitiwan ang mga paratang nito laban kay Job sa harap ng Diyos na si Jehova. Nangahulugan ito na napagtagumpayan ni Job ang mundo, napagtagumpayan niya ang laman, napagtagumpayan niya si Satanas, at napagtagumpayan niya ang kamatayan; siya ay isang taong ganap at lubos na pag-aari ng Diyos. Sa panahon ng dalawang pagsubok na ito, naging matatag si Job sa kanyang patotoo, tunay niyang isinabuhay ang kanyang pagiging perpekto at matuwid, at pinalawak ang saklaw ng mga prinsipyo niya sa pamumuhay nang may takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Matapos maranasan ang dalawang pagsubok na ito, nagkaroon si Job ng mas mayamang karanasan, at dahil sa karanasang ito, naging mas husto ang kanyang pag-iisip at mas marunong siya, naging mas malakas siya, nagkaroon ng mas matibay na paniniwala, at mas nagtiwala siya sa pagiging tama at pagiging karapat-dapat ng integridad na pinanghahawakan niya. Binigyan si Job ng pagsubok ng Diyos na si Jehova ng malalim na pagkaunawa at kamalayan sa pagmamalasakit ng Diyos sa tao, at ipinaramdam nito sa kanya ang kahalagahan ng pag-ibig ng Diyos, at magmula noon ay naidagdag ang pagsasaalang-alang at pag-ibig para sa Diyos sa kanyang takot sa Diyos. Ang mga pagsubok ng Diyos na si Jehova ay hindi lamang hindi naglayo kay Job mula sa Kanya, kundi mas naglapit ng kanyang puso sa Diyos. Nang umabot sa sukdulan ang sakit sa laman na tiniis ni Job, ang pag-aalalang nadama niya mula sa Diyos na si Jehova ay nagtulak sa kanya na sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan. Ang ganitong asal ay hindi matagal na pinagplanuhan, kundi isang natural na paghahayag ng pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos mula sa kaibuturan ng kanyang puso, ito ay isang likas na paghahayag na nagmula sa kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos. Ibig sabihin, dahil kinasuklaman niya ang kanyang sarili, at hindi niya nais, at hindi niya matitiis na pahirapan ang Diyos, umabot ang kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa punto na hindi na niya iniisip ang kanyang sarili. Sa oras na ito, itinaas ni Job ang kanyang matagal nang pagsamba at pananabik sa Diyos at katapatan sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Kasabay nito, itinaas din niya ang kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos, at takot sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Hindi niya hinayaan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng pinsala sa Diyos, hindi niya pinahintulutan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang asal na makakasakit sa Diyos, at hindi niya pinayagan ang kanyang sarili na magdala ng anumang dalamhati, pighati, o kahit na kalungkutan sa Diyos dahil sa sarili niyang mga kadahilanan. Sa paningin ng Diyos, bagama’t si Job ay ang dati pa ring Job, ang kanyang pananampalataya, pagsunod, at takot sa Diyos ay nagdala ng ganap na kaluguran at kasiyahan sa Diyos. Noong oras na ito, nakamit ni Job ang pagiging perpekto na inasahan ng Diyos na makakamit niya; siya ay naging isang tao na tunay ngang karapat-dapat na tawaging “perpekto at matuwid” sa paningin ng Diyos. Ang kanyang mga matuwid na gawa ang nagbigay sa kanya ng tagumpay laban kay Satanas at nagpatibay ng kanyang patotoo sa Diyos. Gayundin, ang kanyang mga matuwid na gawa ay ginawa siyang perpekto, at nagbigay-daan sa pagtaas ng halaga ng kanyang buhay at pangingibabaw nito nang higit kaysa kailanman, at naging dahilan ang mga ito upang siya ay maging ang kauna-unahang tao na hindi na kailanman aatakihin at tutuksuhin ni Satanas. Dahil si Job ay matuwid, siya ay pinaratangan at tinukso ni Satanas; dahil si Job ay matuwid, siya ay ibinigay kay Satanas; at dahil si Job ay matuwid, napagtagumpayan at tinalo niya si Satanas, at siya ay nanindigan sa kanyang patotoo. Simula noon, si Job ang naging kauna-unahang tao na hindi na kailanman muling ibibigay kay Satanas, talagang humarap siya sa trono ng Diyos at namuhay sa liwanag, sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos nang walang pagmamanman o paninira ni Satanas…. Siya ay naging isang tunay na tao sa paningin ng Diyos; siya ay napalaya …

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Sumunod: Tungkol Kay Job

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman