Narinig ni Job ang Diyos sa Pamamagitan ng Pagdinig ng Tainga (Ikalawang Bahagi)

Hunyo 6, 2020

Bagaman ang Diyos ay Nakatago Mula sa Tao, ang Kanyang mga Gawa sa Lahat ng Bagay ay Sapat na Upang Makilala Siya ng Tao

Hindi nakita ni Job ang mukha ng Diyos, o narinig ang mga salita na sinabi ng Diyos, at lalong hindi niya personal na naranasan ang gawain ng Diyos, ngunit ang kanyang takot sa Diyos at patotoo sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay nasaksihan ng lahat, at ang mga ito ay minahal, kinalugdan, at pinuri ng Diyos, at ang mga tao ay naiinggit at humahanga sa mga ito, at, higit pa rito, umaawit ng kanilang mga papuri. Walang katangi-tangi o di-pangkaraniwan sa kanyang buhay: Tulad ng karaniwang tao, pangkaraniwan lamang ang buhay niya, umaalis upang magtrabaho sa pagsikat ng araw at umuuwi upang magpahinga sa paglubog ng araw. Ang pagkakaiba ay noong panahon ng mga ilang pangkaraniwang dekada sa kanyang buhay, siya ay nagkamit ng isang kabatiran sa daan ng Diyos, at natanto at naintindihan niya ang matinding lakas at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na hindi nagawa ng ibang tao. Hindi siya mas matalino kaysa sa ibang pangkaraniwang tao, ang kanyang buhay ay lalo nang hindi matatag, at, bukod dito, wala siyang nakatagong natatanging kakayahan. Subalit, ang taglay niya, ay personalidad na tapat, mabait, matuwid, isang personalidad na nagmahal sa pagiging patas at pagiging matuwid, at nagmahal ng mga positibong bagay—wala sa mga bagay na ito ang taglay ng karamihan sa mga karaniwang tao. Nakilala niya ang pagkakaiba ng pag-ibig at poot, may pagkaunawa sa katarungan, matibay at matiyaga, at maingat na nagbigay-pansin sa mga detalye sa kanyang pag-iisip. Dahil dito, sa kanyang pangkaraniwang panahon sa lupa, nakita niya ang lahat ng hindi pangkaraniwang mga bagay na ginawa ng Diyos, at nakita ang kadakilaan, kabanalan, at ang pagiging matuwid ng Diyos, nakita niya ang pagmamalasakit ng Diyos, kagandahang-loob, at pag-iingat para sa tao, at nakita niya ang kadakilaan at awtoridad ng kataas-taasang Diyos. Ang unang dahilan kung bakit nagawa ni Job na makamit ang mga bagay na ito, na higit pa sa kayang isipin ng pangkaraniwang tao, ay dahil nagkaroon siya ng isang dalisay na puso, at ang kanyang puso ay pag-aari ng Diyos, at pinangungunahan ng Lumikha. Ang ikalawang dahilan ay ang kanyang paghahangad: ang kanyang paghahangad ng pagiging walang kapintasan at perpekto, at ang pagiging isang tao na sumunod sa kalooban ng Langit, na mahal ng Diyos, at na lumayo sa kasamaan. Si Job ay nagtaglay at naghangad ng mga bagay na ito kahit nang hindi nakikita ang Diyos o naririnig ang mga salita ng Diyos; bagaman hindi niya kailanman nakita ang Diyos, naintindihan niya kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, at naintindihan din niya ang karunungan na pinapairal ng Diyos. Kahit hindi niya kailanman narinig ang mga salita na sinabi ng Diyos, alam ni Job na ang mga gawa ng paggantimpala sa tao at pagbawi mula sa tao ay nanggagaling lahat sa Diyos. Bagama’t ang mga taon ng kanyang buhay ay hindi naiiba sa buhay ng mga pangkaraniwang tao, hindi niya hinayaan ang pagiging pangkaraniwan ng kanyang buhay na maapektuhan ang kanyang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, o maapektuhan ang kanyang pagsunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Sa kanyang mga mata, ang mga batas ng lahat ng bagay ay puno ng mga gawa ng Diyos, at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay maaaring makita sa anumang bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi niya nakita ang Diyos, ngunit nagawa niyang maunawaan na ang mga gawa ng Diyos ay nasa lahat ng dako, at sa kanyang pangkaraniwang panahon sa lupa, sa bawat sulok ng kanyang buhay, nagawa niyang makita at maunawaan ang pambihira at kahanga-hangang mga gawa ng Diyos, at nagawa niyang makita ang nakamamanghang mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagkakatago at katahimikan ng Diyos ay hindi humadlang sa pagkaunawa ni Job sa mga gawa ng Diyos, at hindi rin nito naapektuhan ang kanyang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang kanyang buong buhay ang naging katuparan ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, na nakatago sa gitna ng lahat ng bagay. Sa kanyang araw-araw na buhay narinig din niya at naintindihan ang tinig ng puso ng Diyos, at ang mga salita ng Diyos, na tahimik sa gitna ng lahat ng bagay, subalit nagpapahayag ng tinig ng Kanyang puso at ng Kanyang mga salita sa pamamagitan ng pamamahala sa mga kautusan sa lahat ng bagay. Kung gayon, nakikita mo na kung ang mga tao ay may pagkatao at paghahangad na katulad ng kay Job, maaari nilang makamit ang pagkaunawa at kaalaman na tulad ng kay Job, at maaari nilang makuha ang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, gaya ng nakuha ni Job. Ang Diyos ay hindi nagpakita kay Job o nagsalita sa kanya, ngunit nagawa ni Job na maging perpekto, at matuwid, at magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Sa madaling salita, kahit na hindi nagpakita o nangusap sa mga tao ang Diyos, ang mga gawa ng Diyos sa gitna ng lahat ng bagay at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay sapat na upang ang tao ay magkaroon ng kamalayan sa pag-iral, kapangyarihan, at awtoridad ng Diyos, at ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay sapat na upang ang taong ito ay sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Dahil ang isang ordinaryong tao na tulad ni Job ay nakayanang magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, bawat pangkaraniwang tao na sumusunod sa Diyos ay dapat makagawa rin nito. Bagama’t ang mga salitang ito ay tila mga lohikal na konklusyon, hindi nito sinasalungat ang mga batas ng mga bagay. Ngunit ang mga katunayan ay hindi tumugma sa mga inaasahan: Tila ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan ay pinangangalagaan ni Job at ni Job lamang. Sa pagbanggit ng “may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan,” iniisip ng mga tao na si Job lang ang dapat na gumawa nito, na para bang ang daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan ay tinatakan ng pangalan ni Job at walang kinalaman sa ibang tao. Ang dahilan nito ay malinaw: Dahil si Job lamang ang may taglay ng isang personalidad na tapat, mabait, at matuwid, at nagmahal sa pagkamakatarungan at pagiging matuwid at sa mga bagay na positibo, si Job lang ang maaaring sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Dapat ay naiintindihan ninyong lahat ang mga pahiwatig dito—dahil walang sinuman ang nagtataglay ng isang pagkatao na tapat, mabait, at matuwid, at nagmamahal sa pagkamakatarungan at pagiging matuwid at sa lahat ng positibo, walang sinuman ang nagkakaroon ng takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, at dahil dito, hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kagalakan ng Diyos o kaya ay makatitindig nang matatag sa gitna ng mga pagsubok. Nangangahulugan din ito na maliban kay Job, ang lahat ng tao ay nakatali pa rin at nasa bitag ni Satanas; silang lahat ay pinararatangan, inaatake, at inaabuso nito. Sila ang mga sinusubukang lunukin ni Satanas, at silang lahat ay walang kalayaan, mga bilanggo na nabihag ni Satanas.

Kung ang Puso ng Tao ay may Pagkapoot sa Diyos, Paano Siya Magkakaroon ng Takot sa Diyos at Makalalayo sa Kasamaan?

Dahil ang mga tao sa ngayon ay hindi nagtataglay ng pagkatao na gaya ng kay Job, ano ang kanilang kalikasang diwa, at ang kanilang saloobin sa Diyos? Natatakot ba sila sa Diyos? Lumalayo ba sila sa kasamaan? Ang mga walang takot sa Diyos o hindi lumalayo sa kasamaan ay maaari lamang na ilarawan sa tatlong salita: “kaaway ng Diyos.” Madalas ninyong sabihin ang tatlong salitang ito, ngunit hindi ninyo kailanman nalaman ang kanilang tunay na kahulugan. Ang mga salitang “kaaway ng Diyos” ay may ganitong diwa: Ang mga ito ay hindi nagsasabi na nakikita ng Diyos ang tao bilang kaaway, kundi ang tao ay nakikita ang Diyos bilang kaaway. Una, kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, sino sa kanila ang walang sariling mga layunin, motibasyon, at ambisyon? Kahit na may isang bahagi sa kanila na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at nakakita sa pag-iral ng Diyos, ang kanilang paniniwala sa Diyos ay naglalaman pa rin ng ganoong mga motibasyon, at ang kanilang pangunahing layunin sa paniniwala sa Diyos ay ang pagtanggap ng Kanyang mga pagpapala at ng mga bagay na gusto nila. Sa mga karanasan ng tao sa kanilang buhay, madalas nilang naiisip sa kanilang sarili: “Isinuko ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong makita ang kabuuan nito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Marami ang ibinigay ko sa pagkakataong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at labis na nagdusa—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naalala ba Niya ang aking mabubuting gawa? Ano ang magiging katapusan ko? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? …” Ang bawat tao ay madalas na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at humihingi sila sa Diyos ng mga bagay na nagtataglay ng kanilang mga motibasyon, ambisyon, at transaksiyonal na pag-iisip. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nangangatwiran sa Diyos para sa kanyang sariling katapusan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, tinitingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Kanya, at pinipilit pa Siya sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Kanya, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, pasibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula ng ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang responsibilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang tao at magbigay ng pangtustos sa kanya. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa “paniniwala sa Diyos,” ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng paniniwala sa Diyos. Mula sa kalikasang diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hangarin, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay nangangailangan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Sa harap ng ganitong mga kalagayan, ang diwa ng tao ay halatang-halata. At ano ang diwa na ito? Ito ay ang puso ng tao na may masamang hangarin, nagkikimkim ng pagtataksil at panlilinlang, walang pagmamahal sa pagiging patas at pagiging matuwid, o sa mga bagay na positibo, at ito ay kamuhi-muhi at sakim. Ang puso ng tao ay hindi na magiging mas sarado pa sa Diyos; hindi pa talaga niya ito ibinigay sa Diyos. Hindi pa kailanman nakita ng Diyos ang tunay na puso ng tao, at hindi rin Siya kailanman sinamba ng tao. Gaano man kalaki ang halagang binabayaran ng Diyos, o gaano man karaming gawain ang Kanyang ginagawa, o gaano man karami ang binibigay Niya sa tao, ang tao ay nananatiling bulag dito, at lubos na walang malasakit. Hindi kailanman ibinigay ng tao ang kanyang puso sa Diyos, gusto niya lang na pangalagaan mismo ang kanyang puso, gumawa ng kanyang mga sariling desisyon—ang ibig sabihin ay hindi niya nais na sundan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, o sundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi niya rin gusto na sambahin ang Diyos bilang Diyos. Ganito ang kalagayan ng tao sa kasalukuyan. Ngayon tingnan muli natin si Job. Una sa lahat, gumawa ba siya ng kasunduan sa Diyos? Mayroon ba siyang mga natatagong motibo sa kanyang matibay na paghawak sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan? Noong panahong iyon, ang Diyos ba ay nagsalita sa sinuman tungkol sa paparating na katapusan? Sa panahong iyon, ang Diyos ay hindi nangako sa kanino man tungkol sa katapusan, at sa ganitong kalagayan nagawa ni Job na matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Ang mga tao ba sa ngayon ay maaaring maihambing kay Job? Masyadong maraming pagkakaiba; sila ay nasa magkakaibang mga antas. Kahit na kakaunti lamang ang kaalaman ni Job tungkol sa Diyos, naibigay na niya ang kanyang puso sa Diyos at pagmamay-ari na ito ng Diyos. Siya ay hindi kailanman gumawa ng kasunduan sa Diyos, at walang marangyang hinahangad o hinihingi sa Diyos; sa halip, naniwala siya na “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis.” Ito ay kung ano ang kanyang nakita at nakuha mula sa pagiging totoo sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa maraming taon ng buhay. Gayundin, nakamit niya ang kinalabasan na nakapaloob sa mga salitang ito: “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Ang dalawang pangungusap na ito ay nagsasaad ng kanyang nakita at nalaman bilang resulta ng kanyang saloobin sa pagsunod sa Diyos sa mga naranasan niya sa buhay, at ang mga ito rin ang kanyang mga pinakamakapangyarihang sandata kung saan nagtagumpay siya laban sa mga panunukso ni Satanas, at ang saligan ng kanyang katatagan sa patotoo sa Diyos. Sa puntong ito, nakikita ba ninyo si Job bilang isang kaibig-ibig na tao? Nais ba ninyong maging ganitong uri ng tao? Natatakot ba kayong sumailalim sa mga panunukso ni Satanas? Napagpasyahan na ba ninyong ipanalangin na iharap kayo ng Diyos sa mga pagsubok na tulad ng mga pinagdaanan ni Job? Walang pag-aalinlangan, karamihan sa mga tao ay hindi maglalakas-loob na manalangin para sa mga ganitong bagay. Kung gayon, maliwanag na ang inyong pananampalataya ay nakakaawa sa liit; kung ihahambing kay Job, ang inyong pananampalataya ay talagang hindi karapat-dapat na banggitin. Kayo ang mga kaaway ng Diyos, wala kayong takot sa Diyos, hindi kayo nakakatayo nang matatag sa inyong patotoo sa Diyos, at hindi ninyo kayang pagtagumpayan ang mga pag-atake, paratang at panunukso ni Satanas. Anong mayroon kayo upang maging karapat-dapat na tumanggap ng mga pangako ng Diyos? Pagkatapos ninyong marinig ang kuwento ni Job at maintindihan ang layunin ng Diyos sa pagliligtas sa tao at ang kahulugan ng kaligtasan ng tao, kayo ba ngayon ay mayroon nang pananampalataya na tanggapin ang parehong mga pagsubok na gaya ni Job? Hindi ba’t dapat ay mayroon kayong kaunting kapasyahan upang tulutan ang inyong mga sarili na sundan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan?

Huwag Magkaroon ng Pangamba sa mga Pagsubok ng Diyos

Pagkatapos makatanggap ng patotoo mula kay Job kasunod ng pagwawakas ng kanyang mga pagsubok, nagpasya ang Diyos na Siya ay makakakuha ng isang grupo—o higit pa sa isang grupo—ng mga tao na kagaya ni Job, ngunit nagpasya Siya na hindi na kailanman muling payagan si Satanas na atakihin o abusuhin ang sinumang tao gamit ang mga paraan kung paano nito tinukso, inatake, at inabuso si Job, sa pamamagitan ng pakikipagpustahan sa Diyos; hindi na kailanman pinahintulutan ng Diyos si Satanas na muling gawin ang mga ganoong bagay sa tao, na mahina, hangal, at mangmang—sapat na ang panunukso ni Satanas kay Job! Ang hindi pagpapahintulot kay Satanas na abusuhin ang mga tao sa anumang paraan na nais nito ay ang awa ng Diyos. Para sa Diyos, sapat na ang pagdurusa ni Job sa tukso at pang-aabuso ni Satanas. Hindi na kailanman pinahintulutan ng Diyos si Satanas na muling gawin ang mga ganoong bagay, dahil ang mga buhay at lahat ng bagay sa mga taong sumusunod sa Diyos ay pinamamahalaan at pinangangasiwaan ng Diyos, at si Satanas ay walang karapatan na manipulahin ang mga hinirang ng Diyos sa anumang paraang gusto nito—dapat malinaw sa inyo ang puntong ito! Nagmamalasakit ang Diyos sa kahinaan ng tao, at nauunawaan ang kanyang kahangalan at kamangmangan. Bagama’t upang ang tao ay ganap na mailigtas, kailangan siyang ibigay ng Diyos kay Satanas, ayaw makita ng Diyos na pinaglalaruan na parang isang hangal at inaabuso ni Satanas ang tao, at hindi Niya nais na makita ang tao na laging nahihirapan. Ang tao ay nilalang ng Diyos, at na ang Diyos ang namumuno at nagsasaayos sa lahat ng bagay na tungkol sa tao ay ganap na likas at may katwiran; ito ay ang responsibilidad ng Diyos, at ang awtoridad kung saan pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay! Hindi pinahihintulutan ng Diyos si Satanas na abusuhin at tratuhin ang tao nang masama kung kailan nito gusto, hindi Niya pinahihintulutan si Satanas na gumamit ng iba’t ibang paraan upang iligaw ang tao, at higit pa rito, hindi Niya pinahihintulutan si Satanas na makialam sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa tao, at hindi niya pinahihintulutan si Satanas na tapakan at sirain ang mga batas kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, bukod pa sa dakilang gawain ng Diyos na pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan! Ang sinumang nais na iligtas ng Diyos, at ang mga taong nagawang magpatotoo sa Diyos, ay ang kaibuturan at tiyak na pagpapalinaw sa gawain ng anim na libong taon na plano ng pamamahala ng Diyos, pati na rin ang halaga ng Kanyang mga pagsusumikap sa Kanyang anim na libong taong gawain. Paano magagawa ng Diyos na basta na lamang ibigay ang mga taong ito kay Satanas?

Ang mga tao ay madalas na nag-aalala at natatakot sa mga pagsubok ng Diyos, gayunman, sa lahat ng oras sila ay nabubuhay sa bitag ni Satanas, at naninirahan sa mapanganib na teritoryo kung saan sila ay nilulusob at inaabuso ni Satanas—ngunit sila ay walang takot, at panatag. Ano ang nangyayari? Ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay limitado lamang sa mga bagay na kanyang makikita. Wala siya ni kaunting pagpapahalaga sa pagmamahal at pagmamalasakit ng Diyos para sa tao, o sa Kanyang pagmamahal at pagsasaalang-alang sa tao. Ngunit para sa isang maliit na pangamba at takot tungkol sa mga pagsubok, paghatol at pagkastigo ng Diyos, at sa Kanyang pagiging maharlika at poot, ang tao ay wala kahit kaunting pagkaunawa sa magagandang layunin ng Diyos. Sa pagbanggit ng mga pagsubok, ang pakiramdam ng tao ay para bang mayroong mga natatagong motibo ang Diyos, at ang ilan ay naniniwala pa na may masamang balak ang Diyos, walang kamalay-malay sa kung ano ang talagang gagawin ng Diyos sa kanila; dahil dito, kasabay ng pagsigaw na sumunod sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang pigilan at labanan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa tao at mga pagsasaayos para sa tao, dahil naniniwala sila na kung hindi sila maingat sila ay ililigaw ng Diyos, na kung hindi nila mahigpit na mahahawakan ang kanilang sariling mga kapalaran, ang lahat ng mayroon sila ay maaaring kunin ng Diyos, at maging ang kanilang buhay ay maaaring magwakas. Ang tao ay nasa kampo ni Satanas, ngunit siya ay hindi kailanman nag-aalala tungkol sa pang-aabuso ni Satanas, at siya ay inaabuso ni Satanas ngunit hindi kailanman natatakot na mabihag ni Satanas. Palagi niyang sinasabi na tinatanggap niya ang kaligtasan ng Diyos, subalit hindi niya kailanman pinagkatiwalaan ang Diyos o pinaniwalaan na ang Diyos ay tunay na magliligtas sa tao mula sa mga kuko ni Satanas. Tulad ni Job, kung magagawa ng tao na magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at magagawa niyang ibigay ang kanyang buong katauhan sa mga kamay ng Diyos, hindi ba’t ang katapusan ng tao ay magiging katulad ng naging katapusan ni Job—ang pagkatanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Kung magagawa ng tao na tanggapin at magpasakop sa pamamahala ng Diyos, anong maiwawala roon? Kaya naman, iminumungkahi Ko na maging maingat kayo sa inyong mga kilos, at maingat sa lahat ng bagay na parating sa inyo. Huwag maging pangahas o pabigla-bigla, at huwag tratuhin ang Diyos at ang mga tao, pangyayari, at bagay na inayos Niya para sa inyo ayon sa inyong pagiging mainitin ang ulo o sa inyong likas na katangian, o ayon sa inyong mga imahinasyon at kuru-kuro; dapat kayong maging maingat sa inyong mga kilos, at dapat kayong manalangin at maghanap nang higit pa, upang maiwasan ninyo ang pag-udyok sa galit ng Diyos. Tandaan ito!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman