Ang Pang-araw-araw na Pagkain at Inuming Inihahanda ng Diyos Para sa Sangkatauhan (Ikalawang Bahagi)

Abril 20, 2018

Ano ang mga paksang tinalakay pa lang natin? Nagsimula tayo sa pag-uusap ng tungkol sa kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan at kung ano ang ginawa ng Diyos para sa kapaligirang iyon at ang mga paghahandang isinagawa Niya. Tinalakay natin kung ano ang isinaayos Niya; ang mga kaugnayan sa pagitan ng mga bagay na nilikha, na inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan; at kung paano isinaayos ng Diyos ang mga kaugnayang ito upang maiwasang mapinsala ng mga bagay na nilikha Niya ang sangkatauhan. Pinagaan din ng Diyos ang pinsala sa kapaligiran ng sakangkatauhan na maaaring idulot ng maraming iba’t ibang salik ng Kanyang mga nilikha, pinahihintulutan ang lahat ng bagay na magampanan ang pinakamataas na layunin ng mga ito, at magdala sa sangkatauhan ng isang kapaki-pakinabang na kapaligiran na may kapaki-pakinabang na mga elemento, sa gayon ay tinutulungan ang sangkatauhan na makiangkop sa gayong kapaligiran at pirming ipagpatuloy ang ikot ng buhay at pagpaparami. Sunod, pinag-usapan natin ang pagkain na kailangan ng katawan ng tao—ang pang-araw-araw na pagkain at inumin ng sangkatauhan. Mahalaga rin itong kundisyon para sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ibig sabihin, hindi mabubuhay ang katawan ng tao sa pamamagitan lang ng paghinga, nang may sinag ng araw lang para panustos, o hangin, o angkop na mga temperatura. Kailangan din ng mga taong punan ang kanilang mga sikmura, at inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan, nang walang nakaliligtaang anuman, ang mga pinagmumulan ng mga bagay kung saan magagawa nila iyon, yamang ang mga iyon ang pinagmumulan ng pagkain ng sangkatauhan. Kapag nakita na ang gayong kayaman at kasaganang ani—ang mga pinagmumulan ng pagkain at inumin ng sangkatauhan—masasabi ba na ang Diyos ang pinagmumulan ng panustos para sa sangkatauhan at sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha? Kung, sa panahon ng paglikha, nilikha lamang ng Diyos ang mga puno at damo o anumang bilang ng iba pang bagay na may buhay, at kung ang iba’t ibang bagay na may buhay na ito at mga halaman ay para lamang kainin ng mga baka at mga tupa, o para sa mga sebra, mga usa, at iba’t iba pang uri ng mga hayop, halimbawa, kinakain ng mga leon ang mga bagay gaya ng mga sebra at mga usa, at kinakain ng mga tigre ang mga bagay gaya ng mga tupa at mga baboy—nguni’t wala kahit isang bagay na angkop upang kainin ng tao, uubra kaya iyon? Hindi ito uubra. Hindi sana mabubuhay nang matagal ang sangkatauhan. Ano kaya kung kumain lamang ng mga dahon ang mga tao? Uubra kaya iyon? Makakain ba ng mga tao ang damo na para sa mga tupa? Maaaring hindi ito makasakit kung subukan nilang kumain nang kaunti, subali’t kung kumain sila ng gayong mga bagay sa loob ng mahabang panahon, hindi ito matitiis ng kanilang mga tiyan, at hindi mabubuhay nang matagal ang mga tao. May mga bagay pa nga na maaaring kainin ng mga hayop nguni’t nakalalason sa mga tao—kinakain ng mga hayop ang mga ito nang walang kapinsalaan, nguni’t hindi ito ganoon para sa mga tao. Ibig sabihin nito ay nilikha ng Diyos ang mga tao, kaya alam ng Diyos ang pinakamabuting mga prinsipyo at istraktura ng katawan ng tao at kung ano ang kailangan ng mga tao. Alam ng Diyos nang may sakdal na kalinawan ang komposisyon at nilalaman ng katawan, ang mga pangangailangan nito, at ang paggana ng mga lamang-loob nito, at kung paano sinisipsip, inaalis, at pinoproseso ng mga ito ang iba’t ibang substansiya. Hindi ito alam ng mga tao; minsan, kumakain sila nang walang pag-iingat, o nakikibahagi sa pagpapabaya sa sarili, nagdudulot ng kawalang-balanse ang labis na mga ito. Kung kainin mo at tamasahin ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa iyo sa normal na paraan, hindi ka magkakaroon ng mga problema sa kalusugan. Kahit na makaranas ka paminsan-minsan ng masasamang pakiramdam at may di-pagdaloy ng dugo, hindi ito nagiging problema talaga. Kailangan mo lang kumain ng isang partikular na uri ng halaman, at ang di-pagdaloy ay mawawala. Nagsagawa na ang Diyos ng mga paghahanda para sa lahat ng bagay na ito. Kaya, sa mga mata ng Diyos, lubhang napakataas ng sangkatauhan sa anumang ibang bagay na may buhay. Naghanda ang Diyos ng kapaligiran para sa bawa’t uri ng halaman, at naghanda Siya ng pagkain at kapaligiran para sa bawa’t uri ng hayop, nguni’t ang sangkatauhan ang may pinakamahigpit na mga pangangailangan sa kapaligiran nito, at hindi maaaring makaligtaan kahit na bahagya ang mga pangangailangang iyon; kung hindi, hindi makapagpapatuloy ang sangkatauhan na umunlad at mamuhay at magparami nang normal. Ang Diyos ang pinaka-nakaaalam nito, sa Kanyang puso. Nang ginawa ito ng Diyos, mas pinahalagahan Niya ang mga ito kaysa sa anumang bagay. Marahil ay hindi mo nararamdaman ang kahalagahan ng ilang pangkaraniwang bagay na nakikita at tinatamasa mo sa iyong buhay, o isang bagay na nakikita at tinatamasa mo na taglay mo na mula pa nang isilang, nguni’t matagal na o lihim nang nagsagawa ng mga paghahanda ang Diyos para sa iyo. Sa pinakamalawak na posibleng saklaw, inalis at pinagaan na ng Diyos ang lahat ng negatibong elemento na hindi kanais-nais sa sangkatauhan at maaaring makapinsala sa katawan ng tao. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita ba nito ang saloobin ng Diyos tungo sa sangkatauhan nang nilikha Niya ang mga ito sa panahong ito? Ano ang saloobing iyon? Maingat at taimtim ang saloobin ng Diyos, at wala itong pinalampas na panghihimasok ng anumang puwersa ng kaaway o panlabas na mga salik o mga kundisyong hindi ayon sa Kanya. Makikita rito ang saloobin ng Diyos sa paglikha at pamamahala sa sangkatauhan sa panahong ito. At ano ang saloobin ng Diyos? Sa pamamagitan ng kapaligiran para sa kaligtasan ng buhay at ng buhay na tinatamasa ng sangkatauhan, pati na rin sa kanilang pang-araw-araw na pagkain at inumin at pang-araw-araw na mga pangangailangan, makikita natin ang saloobin ng pananagutan ng Diyos tungo sa sangkatauhan, na Kanyang pinanghawakan na mula noong nilikha Niya ang tao, pati na rin ang Kanyang determinasyon na iligtas ang sangkatauhan sa panahong ito. Nakikita ba ang pagiging-totoo ng Diyos sa mga bagay na ito? Ang pagiging-kamangha-mangha Niya? Ang pagiging-di-maarok Niya? Ang walang hanggang kapangyarihan Niya? Ginagamit ng Diyos ang Kanyang marunong at makapangyarihang mga paraan upang tustusan ang buong sangkatauhan, pati na rin ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha. Ngayong napakarami Ko nang nasabi, masasabi ba ninyo na ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay? (Oo.) Siguradong ganoon nga. Mayroon bang anumang pagdududa? (Wala.) Sapat na ang pagtustos ng Diyos sa lahat ng bagay upang ipakita na Siya ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay, sapagka’t Siya ang pinagmumulan ng pagtustos na nagbigay ng kakayahan sa lahat ng bagay na umiral, mamuhay, magpakarami, at magpatuloy, at walang ibang pinagmumulan maliban sa Diyos Mismo. Tinutustusan ng Diyos ang lahat ng pangangailangan ng lahat ng bagay at lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan, kahit pa ang pinakasaligang mga pangangailangang ukol sa kapaligiran ng mga taong iyon, ang mga pangangailangan ng kanilang pang-araw-araw na mga buhay, o ang pangangailangan para sa katotohanang ibinibigay Niya sa mga espiritu ng mga tao. Sa lahat ng paraan, ang pagkakakilanlan ng Diyos at ang Kanyang katayuan ay napakahalaga sa sangkatauhan; tanging Diyos Mismo ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Ibig sabihin, ang Diyos ang Pinuno, ang Panginoon, at ang Tagapagtustos ng mundong ito, ang mundong ito na nakikita at nararamdaman ng mga tao. Para sa sangkatauhan, hindi ba ito ang pagkakakilanlan ng Diyos? Walang anumang kasinungalingan dito. Kaya kapag nakakita ka ng mga ibong lumilipad sa langit, dapat mong malaman na nilikha ng Diyos ang lahat ng kayang lumipad. May mga bagay na may buhay na lumalangoy sa tubig, at may sariling paraan upang mabuhay ang mga ito. Ang mga puno at halaman na nanirahan sa lupa ay umuusbong at sumisibol sa tagsibol at namumunga at nalalagasan ng mga dahon sa taglagas, at pagsapit ng taglamig ay nalaglag na ang lahat ng mga dahon habang naghahanda ang mga halamang iyon na mapagtagumpayan ang taglamig. Iyon ang paraan ng mga ito upang mabuhay. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, at namumuhay ang bawa’t isa sa magkakaibang anyo at magkakaibang paraan at gumagamit ng magkakaibang pamamaraan upang ipakita ang puwersa ng buhay nito at ang anyo kung saan ito naninirahan. Paano man namumuhay ang mga bagay-bagay, nasa ilalim ng pamamahala ng Diyos ang lahat ng ito. Ano ang layon ng pamumuno ng Diyos sa lahat ng magkakaibang anyo ng buhay at nabubuhay na mga nilalang? Alang-alang ba ito sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan? Kinokontrol Niya ang lahat ng batas ng buhay, lahat ay alang-alang sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ipinapakita lamang nito kung gaano kahalaga para sa Diyos ang kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan.

Ang kakayahan ng sangkatauhang mabuhay at magparami nang normal ay napakahalaga sa Diyos. Kaya, patuloy na nagtutustos ang Diyos sa sangkatauhan at sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha. Nagtutustos Siya sa lahat ng bagay sa iba’t ibang paraan, at sa pagpapanatili ng kaligtasan ng buhay ng lahat ng bagay, tinutulungan Niya ang sangkatauhan na patuloy na sumulong, pinananatili ang normal na kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ito ang dalawang aspeto ng ating pagbabahagi ngayon. Ano ang dalawang aspetong ito? (Mula sa malawak na pananaw, nilikha ng Diyos ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Iyon ang unang aspeto. Inihanda rin ng Diyos ang materyal na mga bagay na kailangan ng sangkatauhan at kayang makita at mahawakan.) Nagbahagi na tayo sa ating pangunahing paksa sa pamamagitan ng dalawang aspetong ito. Ano ang ating pangunahing paksa? (Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay.) Dapat ay mayroon na ngayong kaunting pagkaunawa kung bakit may gayong mga nilalaman ang Aking pagbabahagi sa paksang ito. Mayroon na bang naging pagtalakay na hindi kaugnay ng pangunahing paksa? Wala ni isa man! Marahil, pagkatapos marinig ang mga bagay na ito, nagkamit na ang ilan sa inyo ng kaunting pagkaunawa at nararamdaman ngayon na may timbang ang mga salitang ito, na napakahalaga ng mga ito, nguni’t ang iba ay maaaring mayroon lamang kaunting literal na pagkaunawa at nararamdaman na di-mahalaga ang mga salitang ito mismo. Ano man ang inyong pagkaunawa rito sa sandaling ito, kapag sumapit na sa isang partikular na araw ang inyong karanasan, kapag umaabot na sa isang partikular na punto ang inyong pagkaunawa, ibig sabihin, kapag umaabot na sa isang partikular na antas ang inyong kaalaman sa mga pagkilos ng Diyos at sa Diyos Mismo, gagamitin ninyo ang inyong sariling mga salita, na praktikal, upang maghatid ng isang napakalalim at tunay na patotoo sa mga pagkilos ng Diyos.

Sa palagay Ko ay napakababaw pa rin at literal ang inyong kasalukuyang pagkaunawa, nguni’t matapos marinig ang dalawang aspetong ito ng Aking pagbabahagi, makikilala man lang ba ninyo kung anong mga pamamaraan ang ginamit ng Diyos upang tustusan ang sangkatauhan o ano ang mga bagay na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan? Mayroon ba kayong saligang konsepto, saligang pagkaunawa? (Oo.) Subali’t nauugnay ba sa Bibliya ang dalawang aspetong Aking ibinahagi? Nauugnay ba ang mga ito sa paghatol at pagkastigo ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian? (Hindi.) Bakit Ko ibinahagi ang mga ito kung gayon? Ito ba ay dahil kailangang maunawaan ng mga tao ang mga ito upang makilala ang Diyos? (Oo.) Napakahalaga na malaman ang mga bagay na ito at napakahalaga ring maunawaan ang mga ito. Habang sinisikap na maunawaan ang Diyos sa Kanyang kabuuan, huwag limitahan ang sarili sa Bibliya, at huwag limitahan ang sarili sa paghatol at pagkastigo ng Diyos sa tao. Ano ang layon Ko sa pagsasabi nito? Ito ay upang ipaalam sa mga tao na ang Diyos ay hindi lamang ang Diyos ng Kanyang hinirang na mga tao. Kasalukuyan mong sinusunod ang Diyos, at Siya ang iyong Diyos, nguni’t Siya rin ba ang Diyos ng mga taong hindi sumusunod sa Kanya? Ang Diyos ba ang Diyos ng lahat ng taong hindi sumusunod sa Kanya? Ang Diyos ba ang Diyos ng lahat ng bagay? (Oo.) Kung gayon ba’y limitado ang saklaw ng gawain at mga pagkilos ng Diyos sa mga sumusunod lang sa Kanya? (Hindi.) Ano ang saklaw ng Kanyang gawain at mga pagkilos? Sa pinakamaliit na antas, napapaloob sa saklaw ng Kanyang gawain at mga pagkilos ang buong sangkatauhan at lahat ng bagay na nilikha. Sa pinakamataas na antas, napapaloob dito ang buong sansinukob, na hindi kayang makita ng mga tao. Kaya, maaari nating sabihin na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at ipinamamalas ang Kanyang mga pagkilos sa buong sangkatauhan, at sapat na ito upang tulutang makilala ng mga tao ang Diyos Mismo sa Kanyang kabuuan. Kung gusto mong makilala ang Diyos, upang tunay na makilala Siya, upang tunay na maunawaan Siya, huwag limitahan ang sarili sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos, o sa mga kuwento ng gawaing ipinamalas Niya sa nakalipas. Kung iyong subukang makilala Siya sa ganoong paraan, naglalagak ka ng mga limitasyon sa Diyos, at ikinukulong Siya. Nakikita mo ang Diyos bilang isang bagay na napakaliit. Paano nakaaapekto sa mga tao ang paggawa nito? Hindi mo kailanman makikilala ang pagiging-kahanga-hanga at pagiging-kataas-taasan ng Diyos, ni ang Kanyang lakas at walang hanggang kapangyarihan at ang saklaw ng Kanyang awtoridad. Makaaapekto ang gayong pagkaunawa sa iyong kakayahang tanggapin ang katotohanan na ang Diyos ang Pinuno ng lahat ng bagay, pati na rin ang iyong kaalaman ng tunay na pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa madaling salita, kung limitado ang saklaw ng iyong pagkaunawa sa Diyos, limitado rin ang iyong matatanggap. Ito ang dahilan kung bakit dapat mong palawakin ang iyong saklaw at palawakin ang iyong abot-tanaw. Dapat mong sikaping maunawaan ang lahat ng ito—ang saklaw ng gawain ng Diyos, ang Kanyang pamamahala, ang Kanyang pamumuno, at lahat ng bagay na pinamamahalaan at pinamumunuan Niya. Mauunawaan mo ang mga pagkilos ng Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na ito. Sa gayong pagkaunawa, mararamdaman mo, nang di-namamalayan, na namumuno, namamahala, at nagtutustos ang Diyos sa lahat ng bagay na kabilang sa mga ito, at tunay mo ring mararamdaman na ikaw ay isang bahagi at isang miyembro ng lahat ng bagay. Habang nagtutustos ang Diyos sa lahat ng bagay, tinatanggap mo rin ang pamumuno at pagtutustos ng Diyos. Ito ay isang katotohanan na walang sinuman ang makapagkakaila. Lahat ng bagay ay sumasailalim sa sarili nitong mga batas na nasa ilalim ng pamumuno ng Diyos, at sa ilalim ng pamumuno ng Diyos, ang lahat ng bagay ay may sariling tuntunin upang mabuhay. Nabubuklod din ng pamumuno at pagtutustos ng Diyos ang kapalaran at mga pangangailangan ng sangkatauhan. Kaya naman, sa ilalim ng kapamahalaan at pamumuno ng Diyos, ang sangkatauhan at ang lahat ng bagay ay magkakaugnay, umaasa sa isa’t isa, at magkakabahagi. Ito ang layon at kahalagahan ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VIII

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman