Makatwiran ba ang ideya tungkol sa trinidad?

Oktubre 3, 2021

Makatwiran ba ang ideya tungkol sa trinidad?

Simula nang ginawa ng Panginoong Jesus na nagkatawang-tao ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, sa loob ng 2,000 taon, tinukoy ng buong Kristiyanismo ang nag-iisang tunay na Diyos bilang ang “Trinidad.” Dahil binabanggit sa Biblia ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, ipinagpalagay nilang malamang na ang Diyos ay isang Trinidad. May ilang debate, pero pinanindigan ng karamihan ang ideya ng Trinidad nang walang anumang pagbabago. Sinasabi ng ilan na “Trinidad,” at ang iba naman ay nagsasabing “Tatlo sa Isa,” na pareho lang naman talaga, at magkasingkahulugan. Sabihin man nating “Trinidad” o “Tatlo sa Isa,” pagsasabi ito na ang Diyos ay binubuo ng tatlong bahagi na mga Diyos kapag Sila’y magkakasama, at kung wala ang isang bahagi, hindi Sila ang nag-iisang tunay na Diyos. Kapag magkakasama lang Sila maaaring maging nag-iisang tunay na Diyos. Talagang isa itong katawa-tawang bagay para sabihin. Masasabi mo ba talaga na ang Diyos na si Jehova ay hindi ang nag-iisang tunay na Diyos? O na ang Panginoong Jesus ay hindi ang nag-iisang tunay na Diyos? Hindi ba nag-iisang tunay na Diyos ang Banal na Espiritu? Hindi ba’t ang konseptong ito ng Trinidad ay isa lamang paraan para itanggi at siraan ang nag-iisang tunay na Diyos? Hindi ba’t paghahati at paglapastangan ito sa nag-iisang tunay na Diyos? Nakikita natin kung gaanong lubos na kakatwa ang ideyang ito ng Trinidad. Tinukoy ng relihiyosong mundo ang nag-iisang tunay na Diyos bilang ang Trinidad nang gano’n na lang, pinagpira-piraso Siya sa buong panahong ito. Napakasakit nito para sa Diyos. Sutil na kumakapit dito ang relihiyosong mundo at tumangging magbago sa simula pa lang. Ngayon ang Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw ay pumarito para gawin ang gawain ng paghatol, ipinapahayag ang lahat ng katotohanan na nagliligtas sa sangkatauhan. Lubos Niyang pinabulaanan ang pinakamalaking maling paniniwala ng Kristiyanismo—ang Trinidad. Binuksan nito ang mga mata natin at pinuri natin si Cristo mula sa ating mga puso bilang ang daan, ang katotohanan, at ang buhay, at pinuri ang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Kung wala ang direktang pagsusuri ng Diyos sa kasinungalingang ito, hindi natin matutuklasan kailanman ang mga kakatwa sa loob ng ideya ng Trinidad. Tingnan natin ito nang mas mabuti sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilan sa mga salita ng Diyos.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung may sinuman sa inyo na nagsasabi na talagang mayroong Trinidad, ipaliwanag ninyo kung ano talaga itong isang Diyos sa tatlong persona. Ano ang Banal na Ama? Ano ang Anak? Ano ang Banal na Espiritu? Si Jehova ba ang Banal na Ama? Si Jesus ba ang Anak? Ano naman ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Ama ay isang Espiritu? Hindi ba ang diwa ng Anak ay isa ring Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng Banal na Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jehova sa panahong iyon ay isinagawa ng isang Espiritu na katulad ng kay Jesus? Ilang Espiritu ba ang maaaring taglayin ng Diyos? Ayon sa iyong paliwanag, ang tatlong persona ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu ay iisa; kung gayon, mayroon ngang tatlong Espiritu, ngunit ang ibig sabihin ng magkaroon ng tatlong Espiritu ay mayroong tatlong Diyos. Ibig sabihin, walang kaisa-isang tunay na Diyos; paano pa magkakaroon ng likas na diwa ng Diyos ang ganitong uri ng Diyos? Kung tinatanggap mo na iisa lamang ang Diyos, paano Siya magkakaroon ng isang anak at magiging isang ama? Hindi ba mga kuru-kuro mo lamang ang lahat ng ito? Iisa lamang ang Diyos, iisa lamang ang persona sa Diyos na ito, at iisa lamang ang Espiritu ng Diyos, dahil nakasulat sa Bibliya na ‘Iisa lamang ang Banal na Espiritu at iisa lamang ang Diyos.’ Mayroon mang Ama at Anak na binabanggit mo, iisa lamang naman pala ang Diyos, at ang diwa ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu na iyong pinaniniwalaan ay ang diwa ng Banal na Espiritu. Sa madaling salita, ang Diyos ay isang Espiritu, ngunit kaya Niyang maging tao at mamuhay sa piling ng mga tao, at mangibabaw rin sa lahat ng bagay. Ang Kanyang Espiritu ay sakop ang lahat at nasa lahat ng dako. Kaya Niyang sabay na nasa katawang-tao at nasa loob at ibabaw ng sansinukob. Dahil sinasabi ng lahat ng tao na ang Diyos lamang ang nag-iisang tunay na Diyos, iisa ang Diyos, na hindi maaaring paghati-hatiin ninuman kung kailan niya gusto! Ang Diyos ay iisang Espiritu lamang, at iisang persona lamang; at iyon ang Espiritu ng Diyos. … Ang konseptong ito tungkol sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay lubhang katawa-tawa! Pinaghihiwa-hiwalay nito ang Diyos at pinaghahati-hati Siya sa tatlong persona, bawat isa ay may isang katayuan at Espiritu; kung gayon ay paano Siya magiging isang Espiritu at isang Diyos pa rin? Sabihin ninyo sa Akin, nilikha ba ng Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu ang kalangitan at lupa, at lahat ng bagay? Sabi ng ilan, magkakasama raw Nilang nilikha ito. Kung gayon ay sino ang tumubos sa sangkatauhan? Ang Banal na Espiritu ba, ang Anak, o ang Ama? Sabi ng ilan, ang Anak daw ang tumubos sa sangkatauhan. Kung gayon ay sino talaga ang Anak? Hindi ba Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos? Tinatawag ng pagkakatawang-tao ang Diyos sa langit sa pangalang Ama mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Hindi mo ba alam na si Jesus ay isinilang nang Siya ay ipaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Sumasa-Kanya ang Banal na Espiritu; anuman ang iyong sabihin, kaisa pa rin Siya ng Diyos sa langit, sapagkat Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos. Ang ideyang ito tungkol sa Anak ay hindi talaga totoo. Iisang Espiritu ang nagsasagawa ng lahat ng gawain; ang Diyos lamang Mismo, ibig sabihin, isinasagawa ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain. Sino ang Espiritu ng Diyos? Hindi ba ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Banal na Espiritu ang gumagawa kay Jesus? Kung hindi ang Banal na Espiritu ang nagsagawa ng gawain (ibig sabihin, ang Espiritu ng Diyos), maaari bang katawanin ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?). Malinaw at matalas ang mga salita ng Diyos. Ang Diyos ay ang nag-iisang tunay na Diyos, at may nag-iisa lamang na Espiritu ng Diyos, nag-iisang tao sa Diyos na ito. Tiyak na walang tatlong persona ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Bago naging tao ang Diyos bilang ang Panginoong Jesus, walang nabanggit na Anak. May Espiritu lamang ng Diyos, na siyang ang Banal na Espiritu. Nang nilikha ng Diyos ang langit, ang lupa, at lahat ng bagay, nilikha ang mga ito sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang Espiritu, kaya hindi ba’t ang Espiritu ng Diyos ay ang nag-iisang tunay na Diyos? Nang gawin ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, ito’y direktang sa pamamagitan ng mga tao. Walang tinatawag na “Anak” nang panahong iyon, bagkus ang Diyos ay nag-iisang Diyos lamang, ang Lumikha. Walang sinumang nagsabi na ang Diyos ay isang Trinidad, at ‘di kailanman nagpatotoo ang Banal na Espiritu sa Trinidad. Kaya bakit sinimulang tukuyin ng mga tao ang Diyos bilang isang Trinidad sa sandaling Siya’y nagkatawang-tao, pumaparito bilang ang Panginoong Jesus? Ang Panginoong Jesus ay ang Espiritu ng Diyos na nababalutan ng laman, at ang lahat ng Kanyang gawain ay pinamamahalaan at direktang ipinapahayag ng Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu sa loob ng Panginoong Jesus ay ang Espiritu ni Jehova—na siyang ang Banal na Espiritu. Kung gayon, ang Panginoong Jesus ba ay ang nag-iisang tunay na Diyos? Oo, Siya nga. Kung gayon, hindi ito dahil hinati sa tatlong bahagi ang Diyos—Anak, Ama, at Banal na Espiritu—dahil Siya’y naging tao, pero ipinagpilitan ng mga tao na hatiin ang Diyos dahil hindi nila nauunawaan ang diwa ng pagkakatawang-tao. Ito’y pagkakamali ng tao, at sa kadahilanang limitado ang kapasidad ng mga tao na makaunawa. Ang Diyos ay ang nag-iisang tunay na Diyos. Iisa lamang ang Diyos at may isa Siyang Espiritu. Siya ang nag-iisang tunay na Diyos bago ang anuman sa kanyang mga pagkakatawang-tao, at Siya’y nananatiling nag-iisang tunay na Diyos matapos magkatawang-tao. Hinati ng mga tao ang Diyos sa tatlong bahagi, tatlong persona dahil Siya’y naging tao, na kung tutuusin ay pagpipira-piraso sa Diyos at pagtanggi sa nag-iisang tunay na Diyos. Hindi ba’t kahangalan iyon? Maaari kayang nung nilikha Niya ang mundo, hindi Siya ang nag-iisang tunay na Diyos? O na habang Kapanahunan ng Kautusan, hindi Siya ang nag-iisang tunay na Diyos? Bakit magiging isang Diyos ng Trinidad ang nag-iisang tunay na Diyos matapos Niyang magpakita at gumawa sa katawang-tao sa Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba’t isa itong pagkakamali na dala ng kalokohan at kawalang katuturan ng tao? Kung tama ang ideya ng Trinidad, bakit hindi nagpatotoo ang Diyos sa Kanyang tatlong persona noong nilikha Niya ang mundo? Bakit walang sinumang nagpatotoo rito noong Kapanahunan ng Kautusan? Bakit walang anumang patotoo sa Pahayag tungkol sa isang Trinidad mula sa Banal na Espiritu? Sa ganito tayo makatitiyak na ang Espiritu ng Diyos, ang Banal na Espiritu, ang Ama, at ang Anak ay ‘di kailanman nagbahagi ng patotoo na ang Diyos ay isang Trinidad. Ang mga tiwaling nilalang at ang relihiyosong mundo ay inimbento ang kakatwang teoryang ito ng Trinidad pagkaraan ng mga siglo matapos ang gawain ng Panginoong Jesus sa katawang-tao. Malinaw na ang ideya ng Trinidad ay hindi naman talaga makatwiran, at walang iba kundi isang haka-haka at imahinasyon ng tao. Ito ang pinakamalaking maling paniniwala ng relihiyosong mundo sa loob ng 2,000 taon, na nagligaw at nagpahamak sa ‘di mabilang na tao.

Sa puntong ito, siguro iniisip n’yo kung bakit pinatotohanan ng Banal na Espiritu na ang Panginoong Jesus ay ang “minamahal na Anak” at kung bakit tinawag ng Panginoong Jesus ang Diyos sa langit na “Ama” sa Kanyang mga panalangin? Anong ibig sabihin noon? Tingnan natin kung ano ang sinabi ng Makapangyarihang Diyos tungkol sa katanungang ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “May mga iba na nagsasabi na, ‘Hindi ba malinaw na sinabi ng Diyos na si Jesus ay ang Kanyang sinisintang Anak?’ Si Jesus ang sinisintang Anak ng Diyos, na lubos Niyang kinalulugdan—tiyak na sinambit ito ng Diyos Mismo. Iyon ang Diyos na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili, ngunit mula lamang sa ibang pananaw, yaong sa Espiritu sa langit na nagpapatotoo sa Kanyang sariling pagkakatawang-tao. Si Jesus ang Kanyang pagkakatawang-tao, hindi ang Kanyang Anak sa langit. Nauunawaan mo ba? Hindi ba ang mga salita ni Jesus na, ‘Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin,’ ay nagpapahiwatig na Sila ay iisang Espiritu? At hindi ba dahil sa pagkakatawang-tao kaya Sila nagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa? Ang totoo, Sila ay iisa pa rin; kahit ano pa, ito ay ang Diyos lamang na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?). “Nang tawagin ni Jesus ang Diyos sa langit sa pangalang Ama nang Siya ay manalangin, ginawa lamang ito mula sa pananaw ng isang taong nilikha, dahil lamang sa nakadamit ang Espiritu ng Diyos ng isang ordinaryo at normal na katawan at may panlabas na panakip ng isang nilalang. Kahit nasa loob Niya ang Espiritu ng Diyos, ang Kanyang panlabas na anyo ay sa isang normal na tao pa rin; sa madaling salita, Siya ay naging ‘Anak ng tao’ na binanggit ng lahat ng tao, maging ni Jesus Mismo. Dahil Siya ay tinawag na Anak ng tao, Siya ay isang tao (lalaki man o babae, ano’t anuman ay isang may panlabas na balat ng isang tao) na isinilang sa isang normal na pamilya ng mga ordinaryong tao. Samakatuwid, ang pagtawag ni Jesus sa Diyos sa langit sa pangalang Ama ay katulad ng pagtawag ninyong Ama sa Kanya noong una; ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang taong nilikha. … Gayunman, ang Kanyang pagtawag sa Diyos (ibig sabihin, ang Espiritu sa langit) sa gayong paraan ay hindi nagpapatunay na Siya ang Anak ng Espiritu ng Diyos sa langit. Sa halip, iba lamang talaga ang Kanyang pananaw, hindi dahil iba Siyang persona. Ang pag-iral ng magkakaibang mga persona ay isang kamalian!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?). Makikita natin mula sa mga salita ng Diyos na ang pagtawag ng Banal na Espiritu sa Panginoong Jesus na minamahal na Anak ay pagpapatotoo ng Diyos sa Kanyang pagkakatawang-tao mula sa perspektibo ng Espiritu. Kung hindi ito ginawa ng Banal na Espiritu, walang sinuman ang makakaalam ng tunay na pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus. Kaya hinayaan ng bukas na patotoong ito na malaman ng mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang pagkakatawang-tao ng Diyos. At tinawag ng Panginoong Jesus ang Diyos sa langit na Ama nang Siya’y nagdasal dahil sa katawang-tao, hindi Siya higit sa karaniwan, bagkus ay namuhay nang may normal na pagkatao at nakaramdam Siya na tulad ng isang pangkaraniwang tao. ‘Yun ang dahilan kung bakit tinawag Niya ang Espiritu ng Diyos sa langit na Ama, tumatayo sa lugar ng isang nilikha. Perpektong kinakatawan ng pagdarasal sa ganitong paraan ang kababaang-loob at pagkamasunurin ni Cristo. Pero batay sa mga dasal ng Panginoong Jesus sa Ama, hinati ng relihiyosong mundo ang Diyos sa dalawa, sinasabing sina Jesus at Jehova ay mag-ama. Talagang walang katuturan! Tinanong Siya ni Felipe, ang disipulo ng Panginoong Jesus, tungkol dito, sinasabing, “Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama, at sapat na ito sa amin” (Juan 14:8). Ano ang Kanyang naging sagot? Sabi ng Panginoon, “Malaon nang panahong Ako’y inyong kasama, at hindi Mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita Mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin?(Juan 14:9–10). Sinabi rin Niyang, “Ako at ang Ama ay iisa(Juan 10:30). Malinaw na ang Ama at Anak ay iisang Diyos, at hindi mag-ama tulad ng iniisip ng mga tao. Ang tanging dahilan kaya nagkaroon ng ideyang ito ng Ama at Anak ay dahil nagkatawang-tao ang Diyos, at ito’y naaangkop lamang sa Kanyang panahon ng paggawa sa katawang-tao. Sa sandaling natapos ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, naibalik Niya ang Kanyang orihinal na kaanyuan at walang nang anumang bagay na tulad ng Ama at Anak.

Tingnan natin ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang Espiritu sa loob ni Jesus, ang Espiritu sa langit, at ang Espiritu ni Jehova ay iisa lahat. Tinatawag itong Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritung pinatindi nang makapitong beses, at ang Espiritung sumasalahat. Maisasagawa ng Espiritu ng Diyos ang maraming gawain. Nagagawa Niyang likhain ang mundo at wasakin ito sa pagpapabaha sa lupa; kaya Niyang tubusin ang buong sangkatauhan, at bukod pa riyan, kaya Niyang lupigin at lipulin ang buong sangkatauhan. Ang gawaing ito ay isinasagawang lahat ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng alinman sa mga persona ng Diyos para sa Kanya. Ang Kanyang Espiritu ay maaaring tawagin sa pangalang Jehova at Jesus, at maaari ring tawaging Makapangyarihan sa lahat. Siya ang Panginoon, at Cristo. Maaari rin Siyang maging Anak ng tao. Siya ay nasa kalangitan at nasa lupa rin; Siya ay nasa kaitaasan sa ibabaw ng mga sansinukob at nasa piling ng maraming tao. Siya ang tanging Panginoon ng kalangitan at ng lupa! Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, ang gawaing ito ay naisagawa na ng Espiritu ng Diyos Mismo. Gawain man ito sa kalangitan o sa katawang-tao, lahat ay isinasagawa ng Kanyang sariling Espiritu. Lahat ng nilalang, sa langit man o sa lupa, ay nasa palad ng Kanyang makapangyarihang kamay; lahat ng ito ay ang gawain ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng sinuman para sa Kanya. Sa kalangitan, Siya ang Espiritu ngunit ang Diyos din Mismo; sa piling ng mga tao, Siya ay katawang-tao ngunit nananatiling Diyos Mismo. Bagama’t maaari Siyang tawagin sa libu-libong pangalan, Siya pa rin iyon Mismo, ang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang Espiritu. Ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus ay tuwirang gawain ng Kanyang Espiritu, at gayundin ang pagpapahayag sa lahat ng bansa at lahat ng lupain sa mga huling araw. Sa lahat ng oras, matatawag lamang ang Diyos na ang makapangyarihan sa lahat at nag-iisang tunay na Diyos, ang Diyos Mismo na sumasalahat. Walang magkakaibang persona, lalo nang wala itong ideya ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Iisa lamang ang Diyos sa langit at sa lupa!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?). Mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nakikita natin na ang Diyos ay isang Espiritu, na siyang ang Banal na Espiritu. Siya’y makapangyarihan; Nilikha Niya ang langit, lupa, at lahat ng bagay, at pinamumunuan ang lahat. Maaari Siyang maging tao para sa kapakanan ng Kanyang gawain at mamuhay kasama ang mga tao sa isang praktikal na paraan. Sa panlabas, mukha Siyang pangkaraniwang tao, pero ang lahat ng Kanyang gawain ay pinamumunuan ng Espiritu ng Diyos. Kapag kumpleto na ang Kanyang gawain sa katawang-tao, naibabalik Niya ang orihinal Niyang kaanyuan. Ang panlabas na kaanyuan ay kung paano lamang nagpapakita ang Diyos sa sangkatauhan sa isang yugto ng Kanyang gawain. Kung gayon, direkta mang gumagawa ang Diyos mula sa Espiritu, o gumagawa sa katawang-tao, tinawag man Siyang Jehova o Jesus, o Makapangyarihang Diyos, iisang Espiritu lang Siya. Siya ang Diyos Mismo, Siya’y umiiral nang mag-isa at walang hanggan, at nilikha Niya at pinamumunuan ang lahat ng bagay. Sa puntong ito ng ating pagbabahagi, tingin ko malinaw na sa lahat na may iisang Diyos lamang, ang nag-iisang tunay na Diyos. Wala nang anumang pagdududa. Pinananatili ng Kristiyanismo na ang nag-iisang tunay na Diyos ay ang Trinidad, iginigiit na hatiin ang Diyos sa tatlong bahagi, ipinapalaganap ang paniniwala na tanging ang pagsasama-sama lang Nilang tatlo ang makabubuo sa nag-iisang tunay na Diyos, at kung hiwa-hiwalay, hindi Sila ang nag-iisang tunay na Diyos. Sa totoo, hindi ba’t isa itong pagtanggi sa Diyos? Pinatutunayan ng pagkakaroon ng napakalaking maling pagkaunawa sa Diyos ng sangkatauhan na hindi nila lubusang nauunawaan ang Biblia, o nakikilala ang diwa ng Diyos, at talagang napakayabang nila sa kanilang pagkakaintindi sa literal na nilalaman ng Biblia, nililimitahan at hinahati ang Diyos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Sa totoo, ito’y paglaban at paglapastangan sa Diyos.

At ngayon, pumarito na ang Makapangyarihang Diyos, Cristo ng mga huling araw, ipinapahayag ang katotohanan para gawin ang Kanyang gawain, inilalantad ang pinakamalaking maling paniniwala ng relihiyosong mundo—ang Trinidad. Ngayon, nakatitiyak tayong ang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos. Ang Kanyang Espiritu ay ang nag-iisang tunay na Diyos, ang Banal na Espirtu ay ang nag-iisang tunay na Diyos, at ang Kanyang mga pagkakatawang-tao ay ang nag-iisang tunay na Diyos. Bilang Kanyang Espiritu, bilang Banal na Espiritu, at sa Kanyang pagkakatawang-tao, Siya ay ang nag-iisang tunay na Diyos at Siya ang nag-iisang natatanging Diyos. Hindi Siya maaaring paghiwa-hiwalayin. Kung hindi matanggap ng mga tao ang mga katotohanang ito, bagkus ay matigas ang ulong kumakapit sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, iginigiit ang paniniwala sa Trinidad, nakikita ang nag-iisang tunay na Diyos bilang tatlong Diyos, ‘yon ay kasalanan ng pagkondena at paglapastangan sa Diyos. Ang paglapastangan sa Espiritu ng Diyos ay paglapastangan sa Banal na Espiritu, at walang sinumang makakatiis sa mga kahihinatnan ng mga ito. May pagkakataon pang magising ang matatalino nang walang abala at tumigil sa pagkapit sa maling perspektibo para maiwasan ang pagkakamali ng paglaban sa Diyos. Sabi ng Panginoong Jesus, “Ang bawat kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwat ang kapusungang laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad. At ang sinumang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kanya; datapuwat ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating(Mateo 12:31–32). Sutil pa ring iginigiit ng relihiyosong mundo ang maling paniniwala ng Trinidad. Gaano katagal nilang patuloy na lalabanan ang Diyos? Panahon na para gumising. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa loob ng maraming taong ito, pinaghati-hati na ninyo ang Diyos sa ganitong paraan, paliit nang paliit ang pagkakahati sa bawat henerasyon, hanggang sa ang iisang Diyos ay hayagang mahati-hati sa tatlong Diyos. At ngayon ay talagang imposibleng pag-isahing muli ng tao ang Diyos, sapagkat hinati-hati na ninyo Siya nang pinung-pino! Kung hindi sa mabilis Kong paggawa bago mahuli ang lahat, mahirap sabihin kung gaano katagal kayo magpapatuloy nang walang pakundangan sa ganitong paraan! Sa patuloy ninyong paghahati-hati sa Diyos sa ganitong paraan, paano Siya magiging Diyos pa rin ninyo? Makikilala pa rin ba ninyo ang Diyos?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?). “Lubos bang masusuri ng iyong lohika ang gawain ng Diyos? Makakatamo ka ba ng kabatiran sa lahat ng gawain ni Jehova? Ikaw ba bilang tao ang nakakakita sa lahat ng ito, o ang Diyos Mismo ang nakakakita mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan? Ikaw ba ang nakakakita mula sa kawalang-hanggan noong araw hanggang sa kawalang-hanggang darating, o ang Diyos lamang ang makakagawa nito? Ano ang masasabi mo? Gaano ka kamarapat upang ipaliwanag ang Diyos? Ano ang batayan ng iyong paliwanag? Diyos ka ba? Ang kalangitan at lupa, at lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos Mismo. Hindi ikaw ang gumawa nito, kaya bakit ka nagbibigay ng mga maling paliwanag? Ngayon, patuloy ka bang maniniwala sa tatlong-personang Diyos? Hindi mo ba naiisip na napakabigat nito sa ganitong paraan? Higit na makabubuting maniwala ka sa iisang Diyos, hindi sa tatlo. Higit na makabubuti ang maging magaan, sapagkat ang pasanin ng Panginoon ay magaan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sino ang Nag-iisang Tunay na Diyos?

Mismo sino ang tunay na Diyos? Ito ay isang tanong na nakalilito sa maraming tao. Basahin ang artikulong ito para malaman kung sino ang nag-iisang tunay na Diyos.