Ang idudulot na mga panganib at bunga sa kanila ng pamamahala ng tiwaling sangkatauhan
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung walang patnubay ng Diyos, gaano man pakaisipin ng mga pinuno at sosyolohista na maingatan ang sibilisasyon ng tao, ito ay walang kabuluhan. Walang sinuman ang makapupuno ng kawalan sa puso ng tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa kawalan na nagpapahirap sa kanya. Agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, paglilibang, kaginhawahan, ang mga ito ay nagdadala lamang ng pansamantalang pahinga sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa kawalang katarungan ng lipunan. Hindi mababawasan ng mga bagay na ito ang pagnanasa at hangarin ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ng tao ay maaari lamang humantong sa mas marami pang pagdurusa at maaari lamang maging dahilan upang ang tao ay umiral sa hindi nagbabagong kalagayan ng pagkatakot, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan, o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap. Maging ang agham at kaalaman ay kinatatakutan ng tao, at higit na kakatakutan ang pakiramdam ng kawalan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bayan o sa isang bayan na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan. Mas lalo ka pang walang kakayahang takasan ang nakalilitong diwa ng kawalan. Ang ganitong mga pangyayari, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyolohista na mga di-pangkaraniwang pangyayari sa lipunan, ngunit walang dakilang taong maaaring lumitaw upang lutasin ang naturang mga problema. Ang tao, kung sabagay, ay tao, at ang posisyon at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang sangkatauhan ay hindi lang basta nangangailangan ng isang makatarungang lipunan kung saan lahat ng tao ay kumakain nang sapat at pantay-pantay at malaya. Ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagbibigay ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang ibinibigay na buhay ng Diyos at ang Kanyang kaligtasan, saka lamang malulutas ang mga pangangailangan, kasabikang tumuklas, at espirituwal na kawalan ng tao. Kung ang mga tao ng isang bayan o ng isang bansa ay hindi makatatanggap ng pagliligtas at pag-aalaga ng Diyos, tatahakin ng bansa o bayang iyon ang landas tungo sa pagdalisdis, patungo sa kadiliman, at lilipulin ito ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Marahil ang iyong bayan ay kasalukuyang umuunlad, ngunit kung pinapayagan mo ang iyong mga tao na lumihis papalayo sa Diyos, matatagpuan ang iyong bayan na unti-unting pinagkakaitan ng mga pagpapala ng Diyos. Ang sibilisasyon ng iyong bayan ay lalong tatapak-tapakan, at hindi magtatagal ang mga tao ay titindig laban sa Diyos at susumpain ang Langit. Kung kaya’t, lingid sa kaalaman ng tao, ang kapalaran ng isang bayan ay mauuwi sa pagkawasak. Ang Diyos ay magbabangon ng mga makapangyarihang bayan upang harapin ang mga bayang naisumpa ng Diyos, at maaaring alisin pa nga ang mga ito sa ibabaw ng lupa. Ang pagbangon at pagbagsak ng isang bayan o bansa ay batay sa kung ang mga tagapamahala nito ay sumasamba sa Diyos, at kung inaakay nila ang kanilang mga tao na maging mas malapit sa Diyos at sambahin Siya. Gayunman, sa huling kapanahunang ito, dahil sa ang mga taong tunay na naghahangad at sumasamba sa Diyos ay mas lalong dumadalang, nagbibigay ang Diyos ng natatanging pabor sa mga bayan kung saan ang Kristiyanismo ay ang relihiyon ng estado. Tinitipon Niya ang mga bansang ito upang bumuo ng iilang matuwid na kampo sa mundo, habang ang mga bansang ateista at ang mga hindi sumasamba sa tunay na Diyos ay nagiging kalaban ng matuwid na kampo. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay hindi lamang may isang lugar sa sangkatauhan kung saan Siya maaaring magsagawa ng Kanyang gawain, kundi may mga bayang nakakamtan na maaaring magpatupad ng matuwid na awtoridad, na magpapataw ng mga pagbabawal at paghihigpit sa mga bansang lumalaban sa Kanya. Ngunit sa kabila nito, wala pa ring mga tao na lumalapit upang sumamba sa Diyos, sapagkat ang tao ay lumihis nang napakalayo sa Kanya, at nakalimutan na ng tao ang Diyos sa loob ng matagal na panahon. Ang nanatili lamang sa lupa ay ang mga bayan na nagpapatupad ng katuwiran at lumalaban sa kawalan ng katuwiran. Ngunit ito ay malayo mula sa mga kagustuhan ng Diyos, sapagkat walang namumuno sa bayan ang papayagan ang Diyos na mamuno sa kanilang mga tao, at walang partidong pampulitika ang magtitipon ng kanyang mga tao upang sambahin ang Diyos; nawala ang Diyos sa Kanyang nararapat na lugar sa puso ng bawat bayan, bansa, namumunong partido, at maging sa puso ng bawat tao. Kahit na umiiral ang matuwid na pwersa sa mundong ito, ang pamunuan kung saan ang Diyos ay walang lugar sa puso ng tao ay marupok. Kung wala ang pagpapala ng Diyos, ang larangan ng politika ay babagsak sa kaguluhan at hindi makakaya ang isang hagupit. Para sa sangkatauhan, ang kawalan ng pagpapala ng Diyos ay katulad ng kawalan ng araw. Gaano man kasipag ang mga namumuno na gumawa ng mga kontribusyon sa kanilang mga tao, walang pag-aalintana na kahit gaano karaming matuwid na pagpupulong ang isagawa ng sangkatauhan nang sama-sama, wala sa mga ito ang babaligtad sa alon o babago sa kapalaran ng sangkatauhan. Naniniwala ang tao na ang isang bayan kung saan ang mga tao ay pinapakain at dinaramitan, kung saan sila ay magkakasamang nabubuhay nang matiwasay, ay isang mahusay na bayan, at may mabuting pamunuan. Subalit hindi ito ang palagay ng Diyos. Siya ay naniniwala na ang isang bayan kung saan walang sinuman ang sumasamba sa Kanya ay dapat Niyang lipulin. Ang paraan ng pag-iisip ng tao ay labis na sumasalungat sa paraan ng pag-iisip Diyos. Dahil dito, kung ang pinuno ng isang bansa ay hindi sumasamba sa Diyos, ang kapalaran ng bansang ito ay magiging isang trahedya, at ang bansa ay walang patutunguhan.
Hindi nakikibahagi ang Diyos sa pulitika ng tao, gayon pa man ang kapalaran ng isang bayan o bansa ay pinamamahalaan ng Diyos. Pinamamahalaan ng Diyos ang mundong ito at ang buong sansinukob. Ang kapalaran ng tao at ang plano ng Diyos ay may malapit na ugnayan, at walang tao, bayan o bansa ang hindi saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang tao ay nais na malaman ang kanyang kapalaran, dapat siyang humarap sa Diyos. Pasasaganain ng Diyos ang mga sumusunod at sumasamba sa Kanya, at Siya’y magdadala ng pagbagsak at pagkalipol sa mga taong lalaban at tatanggi sa Kanya.
Alalahanin ang pangyayari sa Biblia noong ginawa ng Diyos ang pagkawasak sa Sodom, at isipin din kung paano naging isang haligi ng asin ang asawa ni Lot. Gunitain kung paanong ang mga tao ng Nineve ay nagsisi sa kanilang mga kasalanan na suot ang tela ng sako at abo, at gunitain kung ano ang sumunod matapos ipapako ng mga Judio si Jesus sa krus 2,000 taon na ang nakakaraan. Ang mga Judio ay pinatalsik mula sa Israel at tumakas patungo sa mga bayan sa buong mundo. Marami ang pinatay, at ang buong bansang Judio ay napasailalim sa wala pang katulad na pasakit dahil sa pagkalipol ng kanilang bansa. Ipinako nila ang Diyos sa krus—gumawa ng isang kahindik-hindik na kasalanan—at inudyukan ang disposisyon ng Diyos. Sila ay pinagbayad sa kanilang ginawa, ipinatiis sa kanila ang mga kinahinatnan ng kanilang mga pagkilos. Hinatulan nila ang Diyos, itinakwil ang Diyos, kung kaya’t sila ay nagkaroon lamang ng isang kapalaran: ang maparusahan ng Diyos. Ito ang mapait na kinahinatnan at kapahamakan na dinala ng kanilang mga pinuno sa kanilang bayan at bansa.
Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa mundo upang gawin ang Kanyang gawain. Ang Kanyang unang hinintuan ay ang halimbawa ng mga diktador na pamumuno: ang China, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong iyon, Siya ay tinutugis ng namumunong partido ng China sa lahat ng paraan at sumailalim sa matinding pagdurusa, walang lugar sa pamamahinga ng Kanyang ulo at hindi makahanap ng sisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang binabalak: Binibigkas Niya ang Kanyang tinig at ipinapalaganap ang ebanghelyo. Walang sinuman ang makakaarok sa pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Sa China, isang bansa na itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, ang Diyos ay hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang mga gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hangga’t maaari. Nagtitiwala kami na walang bansa o kapangyarihan ang maaaring pumigil sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit. Ang mga humahadlang sa gawain ng Diyos, lumalaban sa salita ng Diyos at nanggugulo at sumisira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Siya na lumalabag sa gawain ng Diyos ay ipadadala sa impiyerno; anumang bayan na sumusuway sa gawain ng Diyos ay wawasakin; anumang bansa na tumututol sa gawain ng Diyos ay mabubura sa daigdig na ito, at titigil sa pag-iral.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Naisara nang mahigpit ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura at kasaysayan na sumasaklaw sa ilang libong taon ang pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao at ang pananaw ng kanyang isipan kaya hindi tinatablan at hindi nalulusaw ang mga ito.[1] Naninirahan ang mga tao sa ikalabing-walong ikot ng impiyerno, para lamang silang naitaboy ng Diyos sa mga bartolina, kung saan maaaring hindi kailanman makita ang liwanag. Naapi na nang husto ng pyudal na pag-iisip ang tao kaya halos hindi sila makahinga at naghahabol sila ng hininga. Wala sila ni katiting na lakas upang lumaban; ang ginagawa lamang nila ay tahimik na magtiis nang magtiis…. Walang sinumang nangahas kailanman na magpumiglas o ipagtanggol ang katuwiran at katarungan; talagang namumuhay lamang ang mga tao ng isang buhay na mas masahol pa sa hayop, sa ilalim ng mga paghampas at pang-aabuso ng pyudal na moralidad, araw-araw, at taun-taon. Hindi nila naisip kailanman na hanapin ang Diyos upang matamasa ang kaligayahan sa mundo ng tao. Para bagang napabagsak na ang mga tao hanggang sa maging para silang mga dahong nalaglag sa taglagas, lanta, tuyot, at manilaw-nilaw na kayumanggi. Matagal nang nawala ang alaala ng mga tao; kaawa-awa silang naninirahan sa impiyerno na tinatawag na mundo ng tao, naghihintay sa pagdating ng huling araw upang sama-sama silang mamatay sa impiyernong ito, na para bang ang huling araw na pinakahihintay nila ang araw na tatamasahin ng tao ang payapang kapahingahan. Nadala na ng pyudal na moralidad ang buhay ng tao sa “Hades,” na lalong nagpahina sa kapangyarihan ng tao na lumaban. Lahat ng uri ng pang-aapi ang nagtutulak sa tao, nang paunti-unti, na mahulog nang mas malalim sa Hades, palayo nang palayo sa Diyos, hanggang sa siya ay maging isa nang ganap na estranghero ngayon sa Diyos at nagmamadaling iwasan Siya kapag sila ay nagkatagpo. Hindi Siya pinakikinggan ng tao at iniiwan Siyang nakatayong mag-isa sa isang tabi, na para bang hindi pa Siya nakilala ng tao kailanman, na hindi pa Siya nakita dati. … Ang kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay parang balewalang ninakaw ang tao mula sa presensya ng Diyos at ipinasa siya sa hari ng mga diyablo at sa mga inapo nito. Nadala na ng Apat na Aklat at Limang Klasiko[a] ang pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao sa isa pang kapanahunan ng paghihimagsik, na naging sanhi upang higit pa niyang sambahin ang mga sumulat ng Aklat/Klasiko ng mga Dokumento, at bilang resulta upang lalo pang palalain ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Walang kaalam-alam ang tao, walang-awang pinalayas ng hari ng mga diyablo ang Diyos mula sa kanyang puso at pagkatapos ay tuwang-tuwang matagumpay niya mismong inokupa iyon. Mula noon, nag-angkin na ang tao ng pangit at masamang kaluluwa at ng mukha ng hari ng mga diyablo. Napuno ng poot sa Diyos ang kanyang dibdib, at lumaganap ang galit na kasamaan ng hari ng mga diyablo sa kalooban ng tao araw-araw hanggang sa lubos siyang lamunin nito. Wala na ni katiting na kalayaan ang tao at walang paraang makalaya mula sa mga bitag ng hari ng mga diyablo. Wala siyang nagawa kundi magpabihag noon mismo, sumuko at magpatirapa sa pagpapasakop sa presensya nito. Noong araw, nang bata pa ang puso’t kaluluwa ng tao, itinanim doon ng hari ng mga diyablo ang binhi ng tumor ng ateismo, na nagtuturo sa kanya ng mga kamaliang gaya ng “mag-aral ng siyensya at teknolohiya; alamin ang Apat na Modernisasyon; at walang Diyos sa mundo.” Hindi lamang iyan, ipinapahayag nito sa bawat pagkakataon, “Umasa tayo sa ating kasipagan para makabuo tayo ng sarili nating magandang bayan,” na hinihiling sa bawat tao na maging handa mula sa pagkabata na matapat na makapaglingkod sa kanilang bansa. Dinala ang tao, nang walang kamalay-malay, sa presensya nito, kung saan walang pag-aatubiling kinamkam nito ang buong karangalan (ibig sabihin ay ang karangalang nauukol sa Diyos sa pagpigil sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga kamay) para sa sarili nito. Hindi ito nagkaroon ng anumang kahihiyan kailanman. Bukod pa rito, hindi ito nahiyang agawin ang mga tao ng Diyos at hilahin sila pabalik sa bahay nito, kung saan tumalon ito na parang daga papunta sa ibabaw ng mesa at pinasamba ang tao rito bilang Diyos. Napakadesperado nito! Iskandaloso itong sumisigaw ng mga bagay na nakakagulat, tulad ng: “Walang Diyos sa mundo. Ang hangin ay nagmumula sa mga pagbabago ayon sa mga batas ng kalikasan; ang ulan ay dumarating kapag sumisingaw ang tubig, na sumasalubong sa malalamig na temperatura, bumabagsak bilang mga patak sa lupa; ang lindol ay pagyanig ng ibabaw ng lupa dahil sa mga pagbabagong nangyayari dito; ang tagtuyot ay dulot ng pagkatuyo ng hangin kapag gumalaw ang pinakagitna sa ibabaw ng araw. Ang mga ito ay mga kababalaghan ng kalikasan. Nasaan, sa lahat ng ito, ang gawain ng Diyos?” Mayroon pa ngang mga sumisigaw ng mga pahayag na gaya ng sumusunod, mga bagay na hindi dapat ipahayag: “Ang tao ay nagmula sa unggoy noong unang panahon, at ang mundo ngayon ay nagmumula sa sunud-sunod na mga sinaunang lipunan na nagsimula humigit-kumulang isang bilyong taon na ang nakakaraan. Ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa ay nakasalalay sa mga kamay ng mga mamamayan nito.” Sa likod nito, isinasabit ito ng tao sa dingding o ipinapatong ito sa mesa upang pagpitaganan at alayan iyon. Kasabay ng pagsigaw nito ng, “Walang Diyos,” itinataas nito ang sarili bilang Diyos, walang habas na itinutulak ang Diyos palabas ng mga hangganan ng lupa, samantalang nakatayo sa lugar ng Diyos at kumikilos bilang ang hari ng mga diyablo. Hindi na talaga makatwiran! Dahil dito, sagad sa buto ang pagkamuhi rito ng tao. Tila mortal na magkaaway sila ng Diyos, at hindi maaaring magkasama silang dalawa. Nagbabalak itong itaboy ang Diyos palayo samantalang ito ay malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas.[2] Hari nga ito ng mga diyablo! Paano matitiis ang pag-iral nito? Hindi ito magpapahinga hangga’t hindi nito nagugulo ang gawain ng Diyos at iniiwan itong ganap na magulo,[3] na para bang nais nitong labanan ang Diyos hanggang sa huli, hanggang sa mamatay ang mga isda o masira ang lambat, na sadyang nilalabanan ang Diyos at palapit pa nang palapit. Matagal nang nalantad ang kasuklam-suklam nitong mukha, ngayo’y lamog at bugbog[4] na ito at nasa kakila-kilabot na kalagayan, subalit hindi pa rin maglulubag ang loob nito sa pagkamuhi sa Diyos, na para bang huhupa lamang ang pagkamuhing tinimpi sa puso nito kapag nilamon na nito nang buo ang Diyos sa isang subuan. Paano natin matitiis ito, ang kaaway na ito ng Diyos! Tanging ang pagpuksa at ganap na paglipol lamang dito matutupad ang inaasam natin sa buhay. Paano ito mapapayagang patuloy na magpakalat-kalat? Nagawa nitong tiwali ang tao hanggang sa hindi na alam ng tao ang langit-araw, at naging manhid at walang pakiramdam. Nawalan na ng normal na katwiran ang tao. Bakit hindi natin ialay ang buo nating pagkatao para sirain at sunugin ito upang maalis ang lahat ng alalahanin sa hinaharap at tulutan ang gawain ng Diyos na umabot sa walang-katumbas na kaningningan sa lalong madaling panahon? Naparito sa mundo ng mga tao ang grupong ito ng mga tampalasan at ginulo ito nang husto. Nadala na nila ang buong sangkatauhan sa bingit ng isang bangin, lihim na nagpaplanong itulak sila pababa para magkaluray-luray upang malamon nila ang kanilang bangkay pagkatapos. Walang saysay silang umaasang sirain ang plano ng Diyos at makipagkumpitensya sa Kanya, na sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan.[5] Hindi madaling gawin iyon! Kunsabagay ay nakahanda na ang krus para sa hari ng mga diyablo, na may kagagawan ng pinakamasasamang krimen. Hindi nabibilang ang Diyos sa krus. Itinabi na Niya ito para sa diyablo. Matagal nang nanalo ang Diyos at hindi na nakakaramdam ng kalungkutan sa mga kasalanan ng sangkatauhan, ngunit maghahatid Siya ng kaligtasan sa buong sangkatauhan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7
Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, manhid at mapurol ang pag-iisip ng tao; siya’y naging isang demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang ipaliwanag nang buo ang kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaunawa sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katinuan ng tao, nguni’t patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao nguni’t naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katinuan? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong katauhan? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong kahabag-habag! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, nguni’t hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili! Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang sumunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng sakop ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
Ang sangkatauhan ay walang iba kundi ang Aking kaaway. Ang sangkatauhan ay ang masama na lumalaban at sumusuway sa Akin. Ang sangkatauhan ay walang iba kundi ang anak ng masama na Aking isinumpa. Ang sangkatauhan ay walang iba kundi ang inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang sangkatauhan ay walang iba kundi ang pamana ng diyablo, na tinanggihan Ko nang may pagkamuhi noong unang panahon, na naging kaaway Ko na hindi ko nakasundo simula noon. Para sa kalangitan sa itaas buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at madidilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. At saanman sa mundo ng mga tao paroo’t parito ang mga demonyo nang sama-sama. Ang mga anak ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga pagkakataon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, sa simula pa lamang ay naging isang artistang taglay ang larawan ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang sagisag ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na nagpapatotoo kay Satanas, nang napakalinaw. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, gayong pangkat ng masama’t kasuklam-suklam, gayong supling ng tiwaling pamilyang ito ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Saan maaaring magsimula ang isang tao na banggitin ang Aking patotoo? Sapagkat ang kaaway, dahil nagawa nang tiwali ang sangkatauhan, ay kinakalaban Ako, naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Sa simula, nilikha Ko ang sangkatauhan; ibig sabihin, nilikha Ko ang ninuno ng sangkatauhan, si Adan. Pinagkalooban siya ng anyo at larawan, na puno ng lakas, puno ng sigla, at, bukod pa riyan, kapiling ng Aking kaluwalhatian. Iyan ang maluwalhating araw nang likhain Ko ang tao. Pagkatapos niyan, ginawa si Eba mula sa katawan ni Adan, at siya man ay ninuno ng tao, kaya nga ang mga taong nilikha Ko ay puno ng Aking hininga at puno ng Aking kaluwalhatian. Si Adan ay orihinal na isinilang mula sa Aking kamay at siyang kumakatawan sa Aking larawan. Sa gayon ang orihinal na kahulugan ng “Adan” ay isang nilalang na Aking nilikha, pinuspos ng Aking mahalagang lakas, pinuspos ng Aking kaluwalhatian, may anyo at larawan, may espiritu at hininga. Siya lamang ang nilalang, may angking espiritu, na may kakayahang kumatawan sa Akin, taglayin ang Aking larawan, at tanggapin ang Aking hininga. Sa simula, si Eba ang ikalawang taong pinagkalooban ng hininga na ang paglikha ay Aking naitalaga, kaya ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang nilalang na magpapatuloy ng Aking kaluwalhatian, puno ng Aking sigla at bukod pa riyan ay pinagkalooban ng Aking kaluwalhatian. Si Eba ay nagmula kay Adan, kaya taglay rin niya ang Aking larawan, sapagkat siya ang ikalawang taong nilalang sa Aking larawan. Ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang buhay na tao, may espiritu, laman, at buto, ang Aking ikalawang patotoo gayundin ang Aking ikalawang larawan sa sangkatauhan. Sila ang mga ninuno ng sangkatauhan, ang dalisay at mahalagang kayamanan ng tao, at, nagmula sa una at buhay na mga nilalang na pinagkalooban ng espiritu. Gayunman, tinapakan at binihag ng masama ang supling ng mga ninuno ng sangkatauhan, at isinadlak ang mundo ng tao sa ganap na kadiliman, at ginawa ito upang hindi na maniwala ang supling sa Aking pag-iral. Mas kasuklam-suklam pa ay na, habang ginagawang tiwali ng masama ang mga tao at tinatapakan sila, malupit nitong inaagaw ang Aking kaluwalhatian, ang Aking patotoo, ang siglang ipinagkaloob Ko sa kanila, ang hininga at ang buhay na ibinibigay Ko sa kanila, ang Aking buong kaluwalhatian sa mundo ng tao, at lahat ng dugo sa puso na Aking nagugol sa sangkatauhan. Wala na sa liwanag ang sangkatauhan, at naiwala na ng mga tao ang lahat ng Aking ipinagkaloob sa kanila, at itinapon na nila ang kaluwalhatiang Aking ipinagkaloob. Paano nila maaaring kilalanin na Ako ang Panginoon ng lahat ng nilalang? Paano sila patuloy na maniniwala sa Aking pag-iral sa langit? Paano nila matutuklasan ang mga pagpapamalas ng Aking kaluwalhatian sa ibabaw ng lupa? Paano ituturing ng mga apong lalaki at babaeng ito ang Diyos na pinagpitaganan ng sarili nilang mga ninuno bilang Panginoon na lumikha sa kanila? Ang kaawa-awang mga apong ito ay lubos na “inilahad” sa masama ang kaluwalhatian, ang larawan, at ang patotoong ipinagkaloob Ko kina Adan at Eba, gayundin ang buhay na ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan at kung saan sila umaasa sa pag-iral; at, lubos silang hindi nag-aalala sa presensya ng masama, at ibinibigay ang Aking buong kaluwalhatian dito. Hindi ba ito mismo ang pinagmulan ng titulong “basura”? Paano tataglayin ng gayong sangkatauhan, gayon kasasamang demonyo, gayong mga bangkay na naglalakad, gayong mga anyo ni Satanas, gayong mga kaaway Ko ang Aking kaluwalhatian? Babawiin Ko ang Aking kaluwalhatian, babawiin Ko ang Aking patotoo na umiiral sa mga tao, at lahat ng dating Akin at ibinigay Ko sa sangkatauhan noong unang panahon—ganap Kong lulupigin ang sangkatauhan. Gayunman, dapat mong malaman na ang mga taong Aking nilikha ay mga banal na tao na taglay ang Aking larawan at Aking kaluwalhatian. Hindi sila nabilang kay Satanas, ni hindi sila natapakan nito, kundi purong pagpapamalas Ko lamang, malaya sa pinaka-kaunting bahid ng lason ni Satanas. Kaya nga, ipinapaalam Ko sa sangkatauhan na ang tanging nais Ko ay yaong nilikha ng Aking kamay, ang mga banal na Aking minamahal at hindi nabibilang sa anupamang ibang nilalang. Bukod pa riyan, malulugod Ako sa kanila at ituturing Ko silang Aking kaluwalhatian. Gayunman, ang nais Ko ay hindi ang sangkatauhang nagawang tiwali ni Satanas, na nabibilang kay Satanas ngayon, at hindi na ang Aking orihinal na likha. Dahil layon Kong bawiin ang Aking kaluwalhatiang umiiral sa mundo ng tao, ganap Kong lulupigin ang natitira sa sangkatauhan, bilang katunayan ng Aking kaluwalhatian sa pagtalo kay Satanas. Ang Aking patotoo lamang ang tinatanggap Ko bilang pagbubuo ng Aking sarili, bilang layon ng Aking kasiyahan. Ito ang Aking kalooban.
Libu-libong taon ng kasaysayan ang kinailangan upang marating ng sangkatauhan ang kinalalagyan nila ngayon, subalit ang sangkatauhang nilikha Ko sa simula ay matagal nang nabaon sa pagkabulok. Ang sangkatauhan ay hindi na ang sangkatauhang hangad Ko, at sa gayon, sa Aking paningin, ang mga tao ay hindi na karapat-dapat na tawaging sangkatauhan. Sa halip, sila ang basura ng sangkatauhan na nabihag ni Satanas, ang bulok na mga bangkay na naglalakad na sinasapian ni Satanas at ginagamit nitong bihisan. Walang tiwala ang mga tao sa Aking pag-iral, ni hindi sila sumasalubong sa Aking pagdating. Tumutugon lamang nang may pagkainis ang sangkatauhan sa Aking mga kahilingan, pansamantalang sumasang-ayon sa mga iyon, at hindi taos-pusong nakikibahagi sa mga kagalakan at kalungkutan Ko sa buhay. Dahil ang tingin ng mga tao ay mahiwaga Ako, pinakikitaan nila Ako ng nakakainis na ngiti, ang pag-uugali nila ay magpaginhawa roon sa may kapangyarihan, sapagkat walang alam ang mga tao tungkol sa Aking gawain, lalo na sa Aking kalooban sa kasalukuyan. Magtatapat Ako sa inyo: Pagdating ng araw, ang paghihirap ng sinumang sumasamba sa Akin ay magiging mas madaling tiisin kaysa sa inyo. Ang laki ng inyong pananampalataya sa Akin, sa totoo lang, ay hindi nakahihigit kaysa kay Job—kahit ang pananampalataya ng mga Fariseong Judio ay nakahihigit sa inyo—kaya nga, kung dumating ang araw ng apoy, magiging mas matindi ang inyong paghihirap kaysa sa mga Fariseo nang sawayin sila ni Jesus, kaysa roon sa 250 pinunong kumontra kay Moises, at kaysa roon sa Sodoma sa ilalim ng nakakapasong apoy ng pagkawasak nito.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Yaong mga kampon ng diyablo ay nabubuhay na lahat para sa kanilang mga sarili. Ang pagtingin nila sa buhay at mga salawikain ay kalimitang nagmumula sa mga kasabihan ni Satanas, tulad ng, “Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ang mga salitang sinambit ng mga diyablong haring iyon, ng matatayog, at ng mga pilosopo sa lupa ay naging ang mismong buhay ng tao. Lalo na, karamihan sa mga salita ni Confucius, na ipinangangalandakan ng mga Chinese na isang “pantas,” ay naging buhay na ng tao. Mayroon ding mga bantog na kasabihan ng Buddhism at Taoism, at ang madalas-sipiin na mga klasikong kasabihan ng iba’t ibang tanyag na tao; lahat ng ito ay mga balangkas ng mga pilosopiya ni Satanas at kalikasan ni Satanas. Ang mga ito rin ang pinakamahusay na paglalarawan at paliwanag tungkol sa kalikasan ni Satanas. Ang mga lason na ito na naipasok sa puso ng tao ay nagmumulang lahat kay Satanas; ni katiting ay walang nagmumula sa Diyos. Ang mga malademonyong salita na iyon ay diretsahan ding kumokontra sa salita ng Diyos. Napakalinaw na ang mga realidad ng lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng negatibong bagay na iyon na lumalason sa tao ay nagmumula kay Satanas. Samakatuwid, natatalos mo ang kalikasan ng isang tao at kung kanino siya kabilang mula sa pagtingin niya sa buhay at mga pinahahalagahan. Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay kalikasan na ng tao. Ang “Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at iyan ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad rin nito. Ginagamit ni Satanas ang mainam na tradisyunal na kultura ng bawa’t bayan para turuan ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli ay winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos.
Hinango mula sa “Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Maliban sa paggamit ng iba’t ibang natuklasan at mga konklusyon ng siyensiya upang linlangin ang tao, ginagamit din ni Satanas ang siyensiya bilang isang paraan upang isakatuparan ang walang pakundangang pagkawasak at pagsasamantala sa kapaligirang tinitirhan ng tao na ipinagkaloob ng Diyos sa kanya. Ito ay ginagawa nito sa ilalim ng pagdadahilan na kung isasagawa ng tao ang siyentipikong pananaliksik, sa gayon ang kapaligirang tinitirhan ng tao at ang kalidad ng buhay ay bubuti nang bubuti, at idagdag pa na ang layunin ng siyentipikong pag-unlad ay upang tugunan ang patuloy na dumaraming materyal na pangangailangan ng tao at ang kanilang pangangailangang patuloy na iangat ang kalidad ng kanilang buhay. Ito ang pang-teoryang batayan sa pagpapaunlad ni Satanas sa siyensiya. Gayunpaman, ano ang naidulot ng siyensiya sa sangkatauhan? Ano ang bumubuo sa kapaligiran na nakaugnay sa atin? Hindi ba’t ang hangin na nilalanghap ng sangkatauhan ay dumumi na? Ang tubig ba na ating iniinom ay tunay na dalisay pa rin? (Hindi.) Ang pagkain bang ating kinakain ay natural? Ang karamihan nito ay pinalalago gamit ang patabang kemikal at nililinang gamit ang genetikong pagbabago, at mayroon ding mga pagbabagong bunga ng paggamit ng iba’t ibang siyentipikong pamamaraan. Kahit na ang mga gulay at prutas na ating kinakain ay hindi na natural. Hindi na madali ngayon na makatagpo ng isang itlog na natural, at ang lasa ng mga itlog ay hindi na gaya ng dati, dahil naproseso na sa pamamagitan ng tinaguriang siyensiya ni Satanas. Kung titingnan sa pangkalahatan, ang buong atmospera ay nawasak at nadumihan; ang mga kabundukan, mga lawa, mga kagubatan, mga ilog, mga karagatan, at ang lahat ng nasa ibabaw at ilalim ng lupa ay nasira na ng tinaguriang mga tagumpay na siyentipiko. Sa madaling salita, ang buong kapaligirang likas, ang kapaligirang tinitirhan na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay winasak at sinira ng tinaguriang siyensiya. Bagaman nakamit ng maraming tao ang inaasahan nila pagdating sa kalidad ng buhay na kanilang hinahanap, binibigyang-kasiyahan kapwa ang kanilang mga hangarin at ang kanilang laman, ang kapaligirang tinitirhan ng tao ay talagang nasira at winasak ng iba’t ibang “mga tagumpay” na dulot ng siyensiya. Ngayon, wala na tayong karapatang huminga ng isang hinga ng malinis na hangin. Hindi ba ito ang pagdadalamhati ng sangkatauhan? Mayroon pa rin bang natitirang kaligayahan na masasabing para sa tao, samantalang kailangan niyang manirahan sa ganitong uri ng espasyo? Ang espasyo at tinitirhang kapaligirang ito kung saan nabubuhay ang tao ay, simula’t sapul, nilikha ng Diyos para sa tao. Ang tubig na iniinom ng mga tao, ang hangin na nilalanghap ng mga tao, ang pagkain na kinakain ng mga tao, mga halaman, mga puno, at ang mga karagatan—ang bawat bahagi ng kapaligirang tinitirhang ito ay pawang ipinagkaloob ng Diyos sa tao; ito ay likas, umaandar ayon sa likas na batas na inilatag ng Diyos. Kung walang siyensiya, magiging maligaya sana ang mga tao at matatamasa ang lahat ng bagay sa pinakamalinis nitong anyo ayon sa paraan ng Diyos at ayon sa kung ano ang ipinagkaloob ng Diyos sa kanila na matatamasa nila. Ngayon, gayunpaman, ang lahat ng ito ay nasira at winasak ni Satanas; ang pangunahing tinitirhang espasyo ng tao ay wala na sa pinakamalinis nitong anyo. Subalit walang sinuman ang nakapansin kung ano ang naging sanhi ng ganitong uri ng kahihinatnan o kung paano ito nangyari, at mas marami pang tao ang nakakaunawa at lumalapit sa siyensiya sa pamamagitan ng mga ideya na ikinintal sa kanila ni Satanas. Hindi ba ito lubos na kasuklam-suklam at kahabag-habag? Ngayon na nakuha na ni Satanas ang espasyo kung saan ang sangkatauhan ay umiiral at gayundin ang kanilang kapaligirang tinitirhan at ginawa silang tiwali sa ganitong kalagayan, at sa patuloy na pagsulong ng sangkatauhan sa ganitong paraan, mayroon bang anumang pangangailangan para sa Diyos na wasakin ang sangkatauhang ito? Kung magpapatuloy ang sangkatauhan na sumulong sa ganitong paraan, anong direksyon ang tatahakin nito? (Sila’y pupuksain.) Paano sila pupuksain? Bilang karagdagan sa sakim na paghahanap ng tao para sa katanyagan at pakinabang, patuloy nilang isinasagawa ang siyentipikong pagtuklas at malalimang pagsasaliksik, at pagkatapos ay walang-tigil na kumikilos sa paraang nagbibigay-kasiyahan sa kanilang sariling materyal na mga pangangailangan at mga hangarin; ano kung gayon ang mga kahihinatnan para sa tao? Una sa lahat, wala ng anumang balanseng ekolohikal at, kasabay nito, ang mga katawan ng mga tao, ang kanilang mga sangkap na panloob, ay nadungisang lahat at napinsala ng ganitong kapaligiran na wala sa ayos, at ang iba’t ibang nakakahawang sakit at mga salot ay lumaganap sa lahat ng dako ng sanlibutan. Ito ay isang sitwasyon na wala na ngayong kontrol ang tao, hindi ba tama iyon? Ngayong nauunawaan na ninyo ito, kung ang sangkatauhan ay hindi susunod sa Diyos, bagkus palaging sinusunod si Satanas sa ganitong paraan—ginagamit ang kaalaman upang patuloy na payamanin ang kanilang mga sarili, ginagamit ang siyensiya upang walang-tigil na tuklasin ang hinaharap na buhay ng tao, ginagamit ang ganitong uri ng paraan upang patuloy na mabuhay—nakikilala ba ninyo kung paano ito magwawakas para sa sangkatauhan? (Mangangahulugan ito ng pagkalipol.) Oo, ito ay magwawakas sa pagkalipol: Papalapit nang papalapit ang sangkatauhan sa sarili niyang pagkalipol, paisa-isang hakbang!
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Mga Talababa:
1. Ang “hindi nalulusaw” ay nilayon bilang panunudyo [satire] dito, na ibig sabihin ay maigting ang mga tao sa kanilang kaalaman, kultura, at espirituwal na pananaw.
2. Ang “malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas” ay nagpapahiwatig na nagagalit at naghuhuramentado ang diyablo.
3. Ang “ganap na magulo” ay tumutukoy sa kung paanong hindi makayanang tingnan ang marahas na pag-uugali ng diyablo.
4. Ang “lamog at bugbog” ay tumutukoy sa pangit na mukha ng hari ng mga diyablo.
5. Ang ibig sabihin ng “sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan” ay itaya ang lahat ng pera ng isang tao sa pag-asang manalo sa huli. Ito ay isang metapora para sa masama at karumal-dumal na mga pakana ng diyablo. Ginagamit ang pahayag na ito nang patuya.
a. Ang Apat na Aklat at Limang Klasiko ay mapagkakatiwalaang tumpak na mga aklat ng Confucianism sa China.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.