Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 443

Oktubre 5, 2020

Alam ba ninyo kung ano ang dapat ninyong taglayin ngayon? Ang isang aspeto noon ay may kinalaman sa mga pangitain tungkol sa gawain, at ang isa pang aspeto ay ang iyong pagsasagawa. Dapat mong maunawaan ang parehong aspetong ito. Kung wala kang mga pangitain sa iyong pakikipagsapalaran para umunlad sa buhay, hindi ka magkakaroon ng pundasyon. Kung mga daan lang ng pagsasagawa ang taglay mo, nang wala ni katiting na pangitain, at walang anumang pagkaunawa tungkol sa gawain ng buong plano ng pamamahala, wala kang kwenta. Kailangan mong maunawaan ang mga katotohanan na may kinalaman sa mga pangitain, at tungkol naman sa mga katotohanang may kaugnayan sa pagsasagawa, kailangan mong makakita ng mga angkop na landas ng pagsasagawa pagkatapos mong maunawaan ang mga iyon; kailangan mong magsagawa nang naaayon sa mga salita, at pumasok ayon sa iyong mga kondisyon. Ang mga pangitain ang pundasyon, at kapag hindi mo binigyang-pansin ang katotohanang ito, hindi ka makakasunod hanggang sa huli; ang makaranas sa ganoong paraan ay magliligaw sa iyo o magsasanhi sa iyong madapa at mabigo. Hinding-hindi ka magtatagumpay! Ang mga taong hindi mga dakilang pangitain ang mga pundasyon ay maaari lamang mabigo; hindi sila makapagtatagumpay. Hindi mo kayang manindigan! Alam mo ba kung ano ang kalakip ng paniniwala sa Diyos? Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos? Kung walang mga pangitain, anong landas ang iyong lalakaran? Sa gawain sa kasalukuyan, kung wala kang mga pangitain, hinding-hindi ka magagawang ganap. Kanino ka ba naniniwala? Bakit ka naniniwala sa Kanya? Bakit ka sumusunod sa Kanya? Tingin mo ba ang iyong pananampalataya ay isang uri ng laro? Hinaharap mo ba ang iyong buhay na parang isang uri ng laruan? Ang Diyos ng kasalukuyan ang pinakadakilang pangitain. Gaano karami ang alam mo tungkol sa Kanya? Gaano karami ang nakita mo na tungkol sa Kanya? Yamang nakita mo na ang Diyos ng kasalukuyan, matibay ba ang pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos? Sa palagay mo ba ay magtatamo ka ng kaligtasan basta’t sumusunod ka sa magulong paraang ito? Palagay mo ba ay makakahuli ka ng isda sa maputik na tubig? Ganoon ba iyon kasimple? Gaano na ba karaming pagkaunawang may kinalaman sa mga salitang ipinapahayag ngayon ng Diyos ang naiwaksi mo na? May pangitain ka ba ng Diyos ng kasalukuyan? Saan nakabatay ang iyong pagkaunawa sa Diyos ng kasalukuyan? Lagi kang naniniwala na matatanggap mo Siya sa pamamagitan lang ng pagsunod sa Kanya, o makita mo lang Siya, at wala nang sinuman ang makapagpapaalis sa iyo. Huwag mong akalain na napakadali lang ng pagsunod sa Diyos. Ang susi ay kailangan mo Siyang makilala, kailangan mong malaman ang gawain Niya, at kailangan mong magkaroon ng kagustuhang magtiis ng paghihirap alang-alang sa Kanya, isakripisyo ang iyong buhay para sa Kanya, at magawa Niyang perpekto. Ito ang pangitain na dapat mong taglay. Hindi maaari na laging nakatuon lang ang isip mo sa pagtatamasa ng biyaya. Huwag mong ipagpalagay na narito ang Diyos para lang sa kasiyahan ng mga tao, o upang magkaloob lang ng biyaya sa kanila. Magiging mali ka! Kung hindi maitataya ng isa ang kanyang buhay upang sumunod sa Kanya, at kung hindi maiiwanan ng isa ang lahat ng kanyang pag-aari sa mundo upang sumunod, tiyak na hindi nila makakayang sumunod hanggang sa huli! Kailangang mga pangitain ang iyong pundasyon. Kung isang araw ay dumating sa iyo ang kasawian, ano ang dapat mong gawin? Magagawa mo pa rin bang sumunod sa Kanya? Huwag mong basta sabihin kung makakasunod ka hanggang sa huli. Mas mabuting imulat mo muna nang maigi ang iyong mga mata upang makita kung ano ang panahon ngayon. Bagaman sa kasalukuyan, maaaring kayo ay tulad ng mga haligi ng templo, darating ang isang sandali kung kailan lahat ng gayong haligi ay ngangatngatin ng mga uod, na magdudulot ng pagguho ng templo, dahil sa kasalukuyan, napakaraming pangitain ang kulang sa inyo. Pinag-uukulan lang ninyo ng pansin ang sarili ninyong maliliit na mundo, at hindi ninyo alam kung ano ang pinakamaaasahan at pinakaangkop na paraan ng paghahanap. Hindi ninyo pinapansin ang pangitain ng gawain sa kasalukuyan, hindi rin ninyo isinasapuso ang mga bagay na ito. Naisip na ba ninyo na isang araw ilalagay kayo ng inyong Diyos sa isang lubos na di-pamilyar na lugar? Maguguni-guni ba ninyo kung anong mangyayari sa inyo isang araw kung kailan maaari Kong agawin ang lahat sa inyo? Magiging pareho ba ang kalakasan ninyo sa araw na iyon sa ngayon? Muli bang lilitaw ang inyong pananampalataya? Sa pagsunod sa Diyos, kailangan ninyong malaman itong pinakadakilang pangitain na ang “Diyos”: Ito ang pinakamahalagang usapin. Isa pa, huwag ninyong ipagpalagay na kapag humiwalay kayo sa makamundong mga tao para maging banal, mapapabilang na agad kayo sa pamilya ng Diyos. Sa panahong ito, ang Diyos Mismo ang gumagawa sa gitna ng sangnilikha; Siya ang naparito sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang sariling gawain—hindi ang magsagawa ng mga kampanya. Sa inyo, wala ni isang dakot ang nagagawang malaman na ang gawain sa kasalukuyan ay ang gawain ng Diyos sa langit na nagkatawang-tao. Hindi ito tungkol sa paggawa sa inyo na maging mga pambihirang taong may talento; ito ay upang tulungan kayong malaman ang kabuluhan ng buhay ng tao, malaman ang hantungan ng mga tao, at makilala ang Diyos at ang Kanyang kabuuan. Dapat mong malaman na isa kang gamit na nilikha sa mga kamay ng Lumikha. Ang dapat mong maunawaan, ang dapat mong gawin, at kung paano mo dapat sundin ang Diyos—hindi ba’t ang mga ito ang mga katotohanang kailangan mong maintindihan? Hindi ba’t ang mga ito ang mga pangitaing dapat mong makita?

Kapag nagkaroon na ng mga pangitain ang mga tao, may pundasyon na sila. Kapag nagsasagawa ka batay sa pundasyong ito, mas magiging madali ang pagpasok. Dahil dito, hindi ka magkakaroon ng mga alinlangan sa sandaling magkaroon ka ng pundasyon sa pagpasok, at magiging napakadali para sa iyo ang pumasok. Ang aspetong ito ng pag-unawa sa mga pangitain at ng pag-unawa sa gawain ng Diyos ay napakahalaga; kailangan mayroon kayo nito sa inyong imbakan. Kung wala sa iyo ang aspetong ito ng katotohanan, at kaya mo lang makipag-usap tungkol sa mga daan ng pagsasagawa, ikaw ay magiging labis na depektibo. Aking natuklasan na marami sa inyo ang hindi binibigyang-diin ang aspetong ito ng katotohanan, at kapag pinakikinggan ninyo ito, tila mga salita at doktrina lang ang pinakikinggan ninyo. Isang araw, ikaw ay mawawalan. May mga pahayag ngayon na hindi mo lubos na nauunawaan at hindi mo tinatanggap; sa gayong mga kaso, dapat kang matiyagang maghanap, at darating ang araw kung kailan iyong mauunawaan. Unti-unti mong sangkapan ang iyong sarili ng parami nang paraming pangitain. Kahit kaunting espirituwal na doktrina lang ang nauunawaan mo, mas mabuti pa rin iyon kaysa sa hindi pagbibigay-pansin sa mga pangitain, at mas mabuti pa rin iyon kaysa sa walang kahit anong nauunawaan. Lahat ng ito ay makatutulong sa iyong pagpasok, at aalisin ang iyong mga pag-aalinlangan. Mas mabuti iyon kaysa sa mapuno ka ng mga pagkaunawa. Mas mapapabuti ka kung ang mga pangitaing ito ang iyong pundasyon. Hindi ka magkakaroon ng anumang pag-aalinlangan, at magagawa mong pumasok nang matapang at malakas ang loob. Bakit ka mag-aabalang palaging sumunod sa Diyos sa gayong lito at nag-aalinlangang paraan? Hindi ba’t pareho lang iyon sa pagbubulag-bulagan? Anong sarap maglakad papasok sa kaharian nang may kumpiyansa at lakas ng loob! Bakit kailangang mapuno ng pag-aalinlangan? Hindi ba’t pinagdurusa mo lang nang labis ang sarili mo? Kapag nagkamit ka na ng pagkaunawa sa gawain ni Jehova, sa gawain ni Jesus, at sa yugtong ito ng gawain, magkakaroon ka ng pundasyon. Sa ngayon, maaaring akala mo ay napakasimple nito. May ilang taong nagsasabi, “Kapag dumating ang panahon na sinimulan na ng Banal na Espiritu ang dakilang gawain, makakapagsalita ako tungkol sa lahat ng bagay na ito. Ang katotohanang hindi ako tunay na nakauunawa sa ngayon ay dahil hindi pa ako gaanong naliwanagan ng Banal na Espiritu.” Hindi iyon ganoon kadali. Hindi iyon gaya ng kung handa kang tanggapin ang katotohanan ngayon, ay magagamit mo iyon nang mahusay pagdating ng panahon. Hindi naman iyon ganoon! Naniniwala kang sapat na ang taglay mo ngayon, at hindi magiging problema sa iyo ang tumugon sa mga relihiyosong taong iyon at sa pinakadakilang mga teorista, at mapabubulaanan pa nga sila. Makakaya mo ba talagang gawin iyon? Anong pagkaunawa ang maipapahayag mo, kung ang mababaw na karanasang iyan lang ang mayroon ka? Ang pagtataglay ng katotohanan, pakikipaglaban sa laban ng katotohanan, at pagpapatotoo sa pangalan ng Diyos ay hindi ang iniisip mo—na hangga’t gumagawa ang Diyos, ang lahat ay magagawa. Sa panahong iyon, maaari kang malito ng isang tanong, at pagkatapos ay hindi makapagsalita. Ang susi ay kung ikaw ay mayroon o walang malinaw na pagkaunawa sa yugtong ito ng gawain, at kung gaano karami ang alam mo talaga tungkol dito. Kung hindi mo mapagtatagumpayan ang mga puwersa ng kaaway o matatalo ang mga puwersa ng relihiyon, hindi ka ba mawawalan ng silbi? Naranasan mo na ang gawain sa kasalukuyan, nakita iyon ng sarili mong mga mata, at narinig iyon ng sarili mong mga tainga, ngunit, kung sa huli, hindi ka makapagpatotoo, magkakaroon ka pa ba ng lakas ng loob na patuloy na mabuhay? Sino ang makakaya mong harapin? Huwag mo na ngayong isipin na magiging ganoon iyon kasimple. Ang gawain sa hinaharap ay hindi magiging kasingsimple ng inaakala mo; hindi ganoon kadali ang pakikipaglaban sa digmaan ng katotohanan; hindi ganoon kasimple. Ngayon kailangan mong masangkapan; kung wala sa iyo ang katotohanan, kapag dumating ang panahon na hindi gumawa ang Banal na Espiritu sa mapaghimalang paraan, ikaw ay malilito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangan Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Kayong Sumunod Nang May Pagkalito!

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger