Ang Kinahantungan Ko sa Paghahangad ng Paghanga ng Iba

Oktubre 13, 2022

Ni Shen Si, Tsina

Noong nakaraang Oktubre, nagpunta ako sa isang iglesia para gawin ang tungkulin ko. Hiniling sa akin ng lider ng iglesia na si Sister Liang na pamunuan ko muna ang ilang grupo ng pagtitipon. Pagkatapos ng bawat pagtitipon, palagi akong nagtatapat kay Sister Liang para magtanong tungkol sa mga katanungang ‘di ko naintindihan, at matiyagang nakikipagbahaginan sa’kin si Sister Liang. No’ng panahong ‘yon, pakiramdam ko’y may nakakamit akong bago araw-araw. Makalipas ang mga isang linggo, dumating ang nakatataas naming si Sister Chen para makipagtipon sa amin. Paminsan-minsan, naririnig kong sinasabi ni Sister Liang na bata pa ako, may mahusay na kakayahan, mature ang pagkatao, at nagdadala ng pasanin sa aking tungkulin. Medyo nagulat ako. Hindi ko akalain na ganoon pala kaganda ang tingin ni Sister Liang sa akin. Ilang beses kong narinig na sinabi ni Sister Chen na gusto niya akong linangin bilang lider ng iglesia at hiniling niya kay Sister Liang na sanayin ako sa iba’t ibang gawain ng iglesia. Sa panahong ‘yon, mukha akong kalmado, pero sa puso ko, sobrang saya ko. Mukhang isa akong mahalagang talento sa iglesia! Dahil mataas ang tingin ng lahat sa akin, nadama kong kailangan kong gumanap nang maayos sa hinaharap, at hindi ko pwedeng hayaang makita ng iba ang mga pagkukulang ko. Kung hindi, walang gagalang sa akin.

Hindi nagtagal, sa sumunod na pagtitipon, nang makita ko si Sister Chen, hindi sinasadyang kinabahan ako. Natakot ako na kung hindi maganda ang pagganap ko sa harap niya, masisira ko ang magandang imahe ko sa paningin niya at hindi na niya ako lilinangin. Pagkatapos, bigla kaming tinanong ni Sister Chen kung ano ang nakamit namin sa panahong iyon. Naisip ko, “Sa panahong ito, kasisimula ko lang sa gawain ng iglesia. Naging labis akong abala araw-araw, at hindi gaanong nabigyang-pansin ang pagpasok sa buhay, kaya wala akong masasabi. Pero kung magiging matapat ako, hindi kaya sabihin ni Sister Chen na hindi ko binibigyang-pansin ang pagpasok sa buhay at hindi ako isang taong naghahanap sa katotohanan? Lilinangin pa ba niya ako? Hindi, hindi ko pwedeng maipakita sa kanya na wala akong pagpasok sa buhay.” Kaya, nag-isip ako nang husto para maalala ang maliliit na karanasan ko kamakailan kung sa’n medyo may pagkaunawa ako, at ibinahagi ko ito sa lahat. Pagkatapos kong magbahagi, nang makita kong walang sinabi si Sister Chen tungkol sa akin, nakahinga ako nang maluwag.

Pagkatapos nun, sa tuwing dumarating si Sister Chen sa mga pagtitipon, napakaingat ko, at detalyado kong pinag-iisipan ang mga bagay-bagay bago ako magsalita. Kapag nararamdaman kong walang mali, handa akong sabihin ito. Iniiwasan ko ring magbanggit ng mga seryosong problema kapag tinatalakay ko ang kalagayan ko, at bihira akong nagkukusang ipahayag ang sarili kong mga pananaw kapag tinatalakay namin ang mga isyu. Naaalala ko sa isang pagtitipon, nagtanong si Sister Chen tungkol sa isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Pagkatapos magsalita ng partner kong sister, tinukoy ni Sister Chen ang mga paglihis sa kanyang pangangaral ng ebanghelyo, at pagkatapos ay tinanong kami, “Ano ang gagawin ninyo kung hihilingin sa inyo na mangaral?” Natigilan ako, at labis akong kinabahan, “Bakit tinatanong ni Sister Chen kung ano ang iniisip namin? Gusto ba niyang makita kung mayro’n kaming talino at kakayahan para maging lider?” Sinikap kong maalala ang mga materyal sa pag-eebanghelyo na nabasa ko noon, at naghanap ng tamang paraan sa pagsagot. No’ng oras na ‘yon, may ilang ideya ako, pero hindi ako sigurado kung tama ang mga ito, kaya wala akong sinabi. Nagsimula akong mag-isip, “Kung magugustuhan niya ang mga ideya ko, ayos ‘yun, pero kung hindi at may isang sister na makaisip ng mas magandang ideya, iisipin kaya ng lider na wala akong kakayahan at masyadong simple kong pag-isipan ang mga bagay-bagay? Hindi ba nito masisira ang magandang reputasyon ko?” Habang iniisip ko ito, hindi namamalayang napasulyap ako sa dalawa kong partner na sister, at nagsimulang manantiya ang isipan ko, “Pakinggan muna natin ang sasabihin nila. Kung mas maganda ang kanilang mga ideya kaysa sa’kin, maaari kong pagandahin na lang ang kanilang mga naisip. Kung hindi gaanong maganda ang mga ideya nila, pwede kong talakayin ang iniisip ko. Sa gano’ng paraan, walang makakapansin sa mga pagkukulang ko, at hindi ito makakaapekto sa aking magandang imahe sa mata ng lider.” Kaya, ikiniling ko ang ulo ko at nagkunwaring nag-iisip habang tahimik akong naghihintay sa dalawang sister na sumagot. Nang matapos silang magsalita, pinagsama ko ang mahahalagang puntong naisip nila at ang mga ideya ko, at sinabi ko sa lahat. Nang purihin ako nang todo ni Sister Chen, masayang-masaya ako. Para bang may mga bulaklak na namumukadkad sa puso ko. Pakiramdam ko’y talagang gumanda ang imahe ko sa mga mata ni Sister Chen. Pero nung nagtagal, nang kumalma na ako at naalala kung paanong lagi akong maingat sa mga pagtitipon, nakaramdam ako ng kaunting sumbat sa puso ko, “Bakit ba laging napakakumplikado ng pag-iisip ko kapag nakikipagtipon ako sa lider? Siguro dapat kong ipagtapat ang kalagayan ko kay Sister Chen.” Kung magtatapat ako sa kalagayan at mga suliranin ko ngayon, sasabihin ba ni Sister Chen na mapanlinlang ako at marami akong tinatago? Itutuloy pa rin ba niya ang paglilinang sa’kin? Pagkatapos ng saglit na pagtatalo ng kalooban, nagpasya akong ‘wag na lang magsalita.

No’ng panahong ‘yon, palagi kong sinusubukang gawin ang makakaya ko na maipresenta ang sarili ko, dahil inakala ko na ang mga taong nililinang ay hindi dapat magkaroon ng anumang kakulangan. Minsan may mga suliranin ako na ‘di ko alam kung pa’no lutasin, at gusto kong magtapat at maghanap kasama ni Sister Liang, pero paulit-ulit akong nag-aalinlangan, “Maganda ang tingin ni Sister Liang sa akin noon pa man. Kung magtatapat ako at hihingi ng tulong, iisipin ba niyang napakababa ng tayog ko para mangasiwa sa gawain ng isang lider?” Kapag ganito ang iniisip ko, ayokong magsalita, pero sa panlabas, nagkukunwari pa rin akong napakaagap sa tungkulin ko, na para bang wala akong mga suliranin o kahinaan. Unti-unti, sa mga pagtitipon, paunti nang paunti ang pagtatapat ko tungkol sa aking tunay na kalagayan at mga paghihirap. Sa tuwing naririnig kong sinasabi ng mga kapatid ko na bagay akong linangin, nagbabalatkayo ako nang husto at nagiging napakaingat. Bagamat mataas ang tingin sa akin ng mga kapatid sa paligid ko, at nakakakuha ako ng mga papuri kahit saan ako magpunta, may nararamdaman akong di-maipaliwanag na kapaitan. Madalas kong nararamdaman na nabubuhay ako nang nakamaskara. Kailangan kong pag-isipan nang matagal ang bawat salita. Parang may bigat sa puso ko, palayo nang palayo ang ugnayan ko sa Diyos, wala akong naibibigay na liwanag sa mga pagtitipon, at lalong lumalala ang kalagayan ko. Para akong naglalakad papunta sa walang-labasang landas. No’ng panahong ‘yon, ang nagawa ko lang ay magdasal sa Diyos at hilingin sa Kanya na tulungan akong baguhin ang kalagayang ‘yon.

Pagkatapos, nabasa ko sa salita ng Diyos, “Kapag nakikipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid na lalaki at babae, ang ilang mga tao ay takot na takot na malalaman nila ang mga paghihirap na nasa kanilang mga puso, at na ang mga kapatid na lalaki at babae ay may masasabi tungkol sa kanila o hahamakin sila. Habang nagsasalita sila, lagi nilang ipinararamdam ang kanilang simbuyo ng damdamin, na talagang gusto nila ang Diyos, at masigasig sa pagsasagawa ng katotohanan, nguni’t sa katunayan, sa loob ng kanilang mga puso, sila ay masyadong mahina at walang-kibo. Nagkukunwari silang malakas, kaya’t walang nakakakita ng totoo. Ito rin ay panlilinlang. Sa kabuuan, anuman ang ginagawa mo—kung iyan man ay sa buhay, paglilingkod sa Diyos, o pagganap ng tungkulin mo—kung nagpapakita ka ng huwad na pagmumukha at ginagamit mo ito para linlangin ang mga tao, para tumaas ang tingin nila sa iyo o hindi ka nila hamakin, nagiging mapanlinlang ka!(“Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Malinaw na inihahayag ng salita ng Diyos na kapag hindi mo kailanman ipinapakita ang mga paghihirap o masasamang kalagayan na dinaranas mo, para makuha ang mataas na respeto ng mga nakapaligid sa iyo, at palagi mong nililinlang ang iba gamit ang anyo at ilusyon ng kalakasan, at hindi sila kailanman hinahayaang makita ang tunay mong kalagayan, ito ay panlilinlang. Inalala ko ang pag-uugali ko at napagtanto kong ito mismo ang ginagawa ko noong panahong ‘yon. Mula nang marinig kong sinabi ng lider na gusto niya akong linangin, sinimulan kong alagaan ang imahe ko sa kanya. Nang tanungin ako ng lider ko tungkol sa aking kalagayan, at malinaw na wala akong pagpasok sa buhay noong panahong iyon, nag-alala ako na kung sasabihin ko ito, masisira ang aking magandang imahe sa mga mata niya, kaya’t nag-isip ako nang husto ng maliliit na karanasan at iniwasang talakayin ang aking mga seryosong problema para mapagtakpan ang mga aktwal na katunayan. Nang tanungin kami ng lider tungkol sa mga ideya namin sa pangangaral ng ebanghelyo, natakot akong magkamali, at na hindi ako lilinangin ng lider kung makikita niya ang tunay kong kapasidad, kaya sinadya kong magkunwaring nag-iisip at hinintay ang mga partner kong sister na maunang magsalita para mapaganda ko na lang ang mahahalagang punto nila. Mas lalo akong nagbalatkayo, hindi ako nangahas na magtapat tungkol sa aking negatibong kalagayan, at palagi akong nagkukunwari na nasa positibong kalagayan. Namumuhay ako sa isang huwad na buhay. Hindi ba ito pakunwaring panlilinlang sa mga tao? Nang matanto ko ito, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, ayoko nang mabuhay sa ganitong kalagayan. Pakiusap tulungan Mo po akong magtapat tungkol sa kalagayan ko at maging isang matapat na tao.”

Kinabukasan, dumating si Sister Chen para makipagtipon sa amin, at nagtapat ako tungkol sa kalagayan ko. Pagkatapos ay sabay naming binasa ang isang sipi ng salita ng Diyos. Sabi ng Diyos, “Bago ang lahat, kung nais mong mahanap ang katotohanan, kung nais mong magkaroon ng maramihang pagbabago sa iba’t ibang aspeto, tulad ng iyong mga maling motibasyon, mga kalagayan at mga timpla ng isip, dapat kang matutong magtapat at makipagbahaginan. … Malayang pakikipag-usap at pagsisiwalat ng sarili—unang-una, ito ay isang uri ng saloobin na dapat taglayin sa harap ng Diyos, at napakahalaga ng saloobing ito. Huwag mong pigilan ang mga bagay-bagay sa pagsasabing ‘Ito ang aking mga motibasyon, ito ang aking mga paghihirap, mayroon akong masamang kalagayan, negatibo ako, ngunit hindi ko pa rin sasabihin kanino man, sasarilinin ko na lang ang lahat ng ito.’ Kung hindi mo kailanman ipinagtatapat ang iyong sariling kalagayan kapag nananalangin ka, magiging mahirap matanggap ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at sa katagalan ay hihinto ka sa pagnanais na manalangin, hihinto ka sa pagnanais na kumain at uminom ng salita ng Diyos, bubulusok nang bubulusok ang kalagayan mo at magiging mahirap nang ibalik sa dati ang mga bagay-bagay. Kaya’t kung anuman ang iyong kalagayan, negatibo ka man o naghihirap, anuman ang iyong mga personal na mga motibasyon o mga plano, anuman ang nabatid mo na o napagtanto sa pamamagitan ng pagsusuri, dapat kang matutong magtapat at makipagbahaginan, at habang nakikipagbahaginan ka, gumagawa ang Banal na Espiritu. At paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Binibigyan ka Niya ng kaliwanagan at pinahihintulutan kang makita ang kalubhaan ng suliranin, ipinapaalam Niya sa iyo ang ugat at diwa ng suliranin, pagkatapos ay binibigyan ka ng kaliwanagan upang unti-unting ipaunawa sa iyo ang katotohanan at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, upang maisagawa mo ang katotohanan, at mula roon ay makapasok sa mga realidad ng katotohanan. Ito ang epektong nakakamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nakapagbabahagi nang hayagan ang isang tao, nangangahulugan itong may tapat siyang saloobin sa katotohanan. Kung tapat ba ang isang tao, at kung isa ba siyang matapat na tao, ay nasusukat batay sa kanyang saloobin sa katotohanan at sa Diyos, pati na rin kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan at sundin ang Diyos. Ito ang pinakamahalaga(Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, Vol. II, Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, saka ko lang naunawaan ang kahalagahan ng pagtatapat at paghahanap sa katotohanan. Ito ang landas sa pagpasok sa mga realidad ng katotohanan. Ang magawang magtapat at makipagbahaginan ay nangangahulugan na ang saloobin ng isang tao sa katotohanan ay taos-puso, at ito ay isang saloobin ng paghahanap at pagtanggap. Sa pamamagitan lamang ng pagtatapat at pakikipagbahaginan natin matatanggap ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at saka lamang natin makikilala ang ating mga tiwaling disposisyon at malulutas ang ating mga paghihirap. Nang pagnilayan ko ang sarili ko no’ng panahong iyon, nakita ko na lagi kong gustong bumuo ng perpektong imahe sa harap ng mga kapatid. Bago ako magsalita, kailangan kong pag-isipan ulit kung paano maiwasang mahalata o maliitin ako ng iba. Ginawa nitong kumplikado ang paraan ko ng pag-iisip. Malinaw na hindi maganda ang kalagayan ko, pero hindi ako nangahas na ihayag ito. Miserable at nakakapagod ito, puro pagdurusa, lumala nang lumala ang kalagayan ko, at lahat ng ito’y ako ang may gawa. Ang diwa ng Diyos ay katapatan, at gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Anuman ang iniisip nila o katiwaliang ibinubunyag nila, ang matatapat na tao ay kayang magtapat sa kanilang mga kapatid, nang walang pagkukunwari o pagbabalatkayo. Ang gayong mga tao ay kayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, handang isagawa ang katotohanan, at mamuhay nang may integridad. Ganito dapat kumilos ang isang mananampalataya ng Diyos. Pagkatapos nun, kapag tinatalakay namin ang gawain, sadya kong ipinapahayag ang pananaw ko, at kapag hindi ko naiintindihan ang mga bagay-bagay, naghahanap ako kasama ng iba. Sa mga pagtitipon, nagagawa ko ring magtapat sa lahat tungkol sa tunay kong kalagayan. Nang magawa ko na ito, medyo gumaan ang bigat sa puso ko.

Kalaunan, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa aking maunawaan ang diwa ng lagi kong paghahangad na igalang ng iba. Sabi ng Diyos, “Kahit ano pa ang konteksto, anumang tungkulin ang ginagampanan niya, susubukan ng anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng kumpiyansa, at hindi kailanman negatibo. Hindi niya kailanman ibinubunyag ang kanyang totoong tayog o totoong saloobin ukol sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o umaapaw na mga katiwalian? Hinding-hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang bahagi ng kanyang pagkatao na malakas at marangal; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, ito ay upang hindi mapahiya, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding pinsala ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang sarilinin na lamang ang kanyang kahinaan, paghihimagsik, at pagkanegatibo. At kung dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi ng pagkatao niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak at walang kabuluhang tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang paggalang at pagsamba ng lahat, at kung kaya lubos na mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya basta-basta na lamang magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan sa kaninuman; sa halip, pilit siyang makikipagkompitensya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko. … Kung sakaling may maganap na malaking pangyayari, at may humiling ng kanyang pag-unawa sa naganap, nagpipigil siyang ihayag ang kanyang mga pananaw, sa halip ay hinahayaang maunang magsalita ang iba. May mga dahilan sa hindi niya pag-imik: Maaaring hindi sa wala siyang pananaw, kundi natatakot siya na baka mali ang kanyang pananaw, na kung sasabihin niya iyon nang malakas, pabubulaanan iyon ng iba, na magpapahiya sa kanya, kaya nga hindi niya iyon sinasabi; o kaya naman ay wala siyang pananaw, at, dahil hindi niya malinaw na naiintindihan ang pinag-uusapan, hindi siya nangangahas na basta-bastang magsalita, sa takot na pagtawanan siya ng mga tao sa pagkakamali niya—kaya nananahimik na lamang siya. Sa madaling salita, hindi siya agad-agad nagsasalita para ipahayag ang kanyang mga pananaw dahil natatakot siyang malantad ang kanyang tunay na pagkatao, na makita ng mga tao na naghihirap siya at nakakaawa, sa gayon ay nagbabago ang tingin sa kanya ng iba. Kaya, kapag natapos na ang lahat ng iba pa sa pagbabahagi ng kanilang mga pananaw, saloobin, at kaalaman, sinusunggaban niya ang ilang mas matayog at makatwirang argumento, na isinasalaysay niya na para bang siya ang nakaisip. Ibinubuod niya ang mga iyon at ibinibigay sa grupo sa pagbabahaginan, sa gayon ay nagkakaroon siya ng mataas na katayuan sa puso ng iba. … Sinumang nag-aakala na sila ay walang kapintasan at banal, lahat sila, ay mga impostor. Bakit Ko sinasabi na lahat sila ay mga impostor? Sabihin mo sa Akin, mayroon bang sinumang walang kapintasan sa gitna ng tiwaling sangkatauhan? Mayroon bang sinuman na tunay na banal? (Wala.) Siyempre wala. Paano mawawalan ng kapintasan ang tao samantalang labis siyang nagawang tiwali ni Satanas at, maliban pa riyan, hindi niya likas na taglay ang katotohanan? Diyos lang ang banal; lahat ng tiwaling sangkatauhan ay may dungis. Kung ipepresenta ng isang tao ang kanyang sarili na banal, na sinasabing wala siyang kapintasan, ano ang taong iyon? Siya ay isang diyablo, Satanas, ang arkanghel—siya ay magiging tunay na anticristo. Isang anticristo lang ang magsasabing siya ay walang kapintasan at banal na tao(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasampung Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Inihahayag ng Diyos na ang mga anticristo ay hindi kailanman nagtatapat sa iba tungkol sa kanilang tunay na mga saloobin, nagdadalawang-isip sila bago magsalita, laging pinagtatakpan at ginagawang kasinungalingan ang mga bagay-bagay, at nagtatatag sila ng imahe ng pagiging perpekto at mas mahusay kaysa sa lahat ng tao, umaasang makakamit nila ang katanyagan at matatamasa ang mga pakinabang nito. Pakiramdam ko’y kumikilos ako nang katulad nila. Mula nang marinig kong sinabi ng lider ko na gusto niya akong linangin, nagsimula akong itaas ang sarili ko. Pakiramdam ko, dahil lilinangin ako, dapat akong maging mas mahusay kaysa sa karaniwang tao, at nasiyahan ako sa pakiramdam na tinitingala at pinahahalagahan ng iba. Kaya sa mga pagtitipon kasama ng lider o pakikisalamuha sa mga kapatid, ang iniisip ko lang ay kung paano mapanatili ang magandang imahe sa puso ng bawat isa at mahikayat ang lahat na tingalain ako. Palagi akong nagdadalawang-isip bago magsalita, hindi ko kailanman ipinahayag ang aking mga opinyon o inilantad ang aking mga pagkukulang nang basta-basta, at ginamit ko ang mga kasuklam-suklam na paraang ito para linlangin ang lahat at makakuha ng puwang sa puso nila. Napakamapagpaimbabaw ko. Mayroon ba akong anumang wangis ng tao? Dapat parangalan ng mga tao ang Diyos higit sa lahat at taglayin ang Diyos sa puso nila, pero lagi kong gustong ipresenta ang sarili ko bilang perpekto para tingalain ako ng mga tao at magkaroon ng puwang para sa akin sa puso nila. Lubos akong walang kahihiyan! Lalo na noong nabasa ko ang mga salita ng Diyos, “Mayroon bang sinumang walang kapintasan sa gitna ng tiwaling sangkatauhan? Mayroon bang sinuman na tunay na banal? (Wala.) Siyempre wala. Paano mawawalan ng kapintasan ang tao samantalang labis siyang nagawang tiwali ni Satanas at, maliban pa riyan, hindi niya likas na taglay ang katotohanan? Diyos lang ang banal; lahat ng tiwaling sangkatauhan ay may dungis. Kung ipepresenta ng isang tao ang kanyang sarili na banal, na sinasabing wala siyang kapintasan, ano ang taong iyon? Siya ay isang diyablo, Satanas, ang arkanghel—siya ay magiging tunay na anticristo. Isang anticristo lang ang magsasabing siya ay walang kapintasan at banal na tao.” Naramdaman ko ang pagiging maharlika at ang poot ng Diyos sa mga salitang ito, at tumatagos at nakakatakot ang mga ito. Para akong kinokondena ng Diyos. Sa lahat ng bagay sa sansinukob na ito, ang Diyos lamang ang makapangyarihan sa lahat. Isa lang akong taong ginawang tiwali ni Satanas, puno ng mga tiwaling disposisyon, pero wala akong kahit katiting na pagkakilala sa sarili. Hindi ako umasal nang tama, mapagpaimbabaw ako, at lagi kong sinisikap na magkaroon ng magandang imahe sa puso ng mga tao, para tingalain nila ako. Talagang masyado akong mayabang at walang-kahihiyan, at dahil dito, kinapopootan at kinasusuklaman ako ng Diyos! Pagkatapos kong makilala ang sarili ko nang ganito, saka ko lang nakita ang pagkakasuklam-suklam, kapangitan, at karumihang nasa likod ng aking “perpektong” imahe. Ngayon, sa pagbabalik-tanaw sa kung gaano ako nagmamalaki at nasisiyahan sa sarili noon kapag pinupuri ako ng aking mga kapatid, at ang lagay ng pag-iisip ko kapag ipinepresenta ko ang sarili ko, nasuklam ako sa sarili ko, at pakiramdam ko’y lubos akong hindi makatwiran. Sa totoo lang, kahit na maraming tao ang mataas ang tingin sa akin at sinasang-ayunan ako, kung hindi nagbago ang disposisyon ko, at isinabuhay ko lang ang mapagpaimbabaw at mapanlinlang na imahe ni Satanas, at pagkatapos ay pinalayas ako sa huli, hindi ba’t magiging walang saysay ang lahat?

Pagkatapos nun, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Paano maging isang tao na pangkaraniwan at normal? Paano magagawa ng mga tao, gaya ng sinasabi ng Diyos, na tumayo sa tamang lugar ng isang nilikha—paano nila magagawang hindi subukang maging pambihirang tao, o kung sinong dakilang tao? … Una, huwag kang mahumaling sa sarili mong titulo. Huwag mong sabihing, ‘Ako ang lider, ako ang pinuno ng grupo, ako ang tagapangasiwa, walang nakaaalam sa gawaing ito nang higit sa akin, walang nakauunawa sa mga kasanayan nang higit sa akin.’ Huwag kang mahumaling sa titulong ibinigay mo sa sarili. Sa sandaling gawin mo ito, itatali nito ang iyong mga kamay at paa, at maaapektuhan ang iyong sinasabi at ginagawa; maaapektuhan din ang normal mong pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili sa mga gapos ng katayuang ito; ibaba mo muna ang iyong sarili mula sa opisyal na posisyon na ipinapalagay mong hawak mo at tumayo ka sa lugar ng isang pangkaraniwang tao; kung gagawin mo ito, magiging normal ang pag-uugali mo. Dapat mo ring aminin at sabihin na, ‘Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko rin iyon nauunawaan—kakailanganin kong magsaliksik at mag-aral nang kaunti,’ o ‘Hindi ko pa ito nararanasan, kaya hindi ko alam ang gagawin.’ Kapag kaya mong magsabi ng tunay mong iniisip at magsalita nang tapat, magtataglay ka ng normal na katinuan. Makikilala ng iba ang tunay na ikaw, at sa gayon ay magkakaroon ng normal na pagtingin sa iyo, at hindi mo kakailanganing magpanggap, ni hindi ka magkakaroon ng anumang matinding kagipitan, kung kaya’t magagawa mong makipag-usap nang normal sa mga tao. Ang pamumuhay nang ganito ay malaya at magaan; ang sinumang napapagod mabuhay ay idinulot ito sa kanilang mga sarili. Huwag kang magkunwari o magpanggap; magtapat muna tungkol sa iniisip mo sa iyong puso, tungkol sa tunay mong mga saloobin, upang malaman ng lahat ang mga iyon at maunawaan ang mga iyon. Bilang resulta, ang iyong mga alalahanin at ang mga hadlang at mga hinala sa pagitan mo at ng iba ay mawawala lahat. May iba pa ring nakahahadlang sa iyo. Palagi mong itinuturing ang sarili mo na pinuno ng grupo, isang lider, isang manggagawa, o isang taong may titulo at katayuan: Kung sasabihin mong mayroon kang hindi nauunawaan, o hindi kayang gawain, hindi ba’t nilalait mo ang iyong sarili? Kapag isinantabi mo ang mga gapos na ito sa iyong puso, kapag tumigil ka na sa pag-iisip na isa kang lider o isang manggagawa, at kapag tumigil ka na sa pag-iisip na mas magaling ka sa ibang tao, at naramdaman mo na isa kang pangkaraniwang tao na katulad ng lahat, na mayroong ilang aspeto kung saan mas mababa ka sa iba—kapag nagbahagi ka ng katotohanan at mga bagay na may kinalaman sa gawain nang may ganitong saloobin, iba ang epekto, at iba rin ang pakiramdam. Kung sa iyong puso, palagi kang may mga pag-aalinlangan, kung palagi kang namomroblema at nahahadlangan, at kung gusto mong alisin sa iyo ang mga bagay na ito pero hindi mo magawa, epektibo mo itong magagawa sa pamamagitan ng seryosong pagdadasal sa Diyos, pagninilay sa iyong sarili, pagtingin sa iyong mga pagkukulang, pagsisikap palapit sa katotohanan, at pagsasagawa sa katotohanan(Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, Vol. II, Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Palagi kong iniisip noon na dahil lilinangin ako, dapat ako ang maging pinakamahusay at pinakaperpekto. Ngayon alam ko nang mali ang pananaw na ito. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi nagpopromote at naglilinang ng mga perpektong tao, mga kamangha-manghang tao, o mga dakilang tao. Pinopromote at nililinang nito ang mga ordinaryong tao na may mga kakulangan at katiwalian. Ang malinang ay walang iba kundi pagbibigay sa iyo ng pagkakataong magsagawa. Hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay walang mga kakulangan, o na sila ay mas mahusay kaysa sa mga ordinaryong tao. Sa totoo lang, anumang tungkulin ang gampanan ko, at linangin man ako o hindi, isa lang akong ordinaryong tao na may katiwalian at mga kakulangan, at may mga bagay na hindi ko kayang gawin. Kailangan kong tratuhin nang tama ang mga kalakasan at kahinaan ko, matutong bumaba mula sa mataas na posisyon, magawang humarap sa Diyos nang madalas para suriin ang sarili ko, at kasabay nito, makapagtapat sa iba tungkol sa mga inilalantad at iniisip ko para makita ng lahat ang aking katiwalian at mga pagkukulang. Ito lamang ang makatwiran. Noon, palagi kong ikinukubli ang aking mga pagkukulang at kahinaan, at lagi akong natatakot na mamaliitin ako ng iba ‘pag nalantad ito. Ang totoo, napipinsala ko lang ang sarili ko. Hindi lamang ito naging dahilan para hindi ako magkaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos, kapag hindi nakikita ng mga tao ang mga pagkukulang ko sa aking tungkulin, hindi nila ako matutulungan o mapupunan ang mga ito, na nangangahulugang gaano katagal ko mang gawin ang aking tungkulin, hinding-hindi ako makakausad. Nang matanto ko ito, ninais kong magsikap na maging isang matapat na tao gaya ng hinihingi ng Diyos, at gaya ng sabi ng Diyos, maging kasinglinaw ng isang basong tubig, masabi kung ano ang nasa puso ko at hindi na magbalatkayo. Sa harap ng Diyos, nanumpa ako, “Gusto ko pong maging isang ordinaryong tao at maipakita ang tunay kong mukha sa lahat!” Pagkaraan ng ilang araw, isinaayos ng iglesia na gawin ko ang tungkulin ko sa ibang iglesia. Naalala ko ang lahat ng sandaling nagbabalatkayo ako kapag nakikitungo ako sa iba, at nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kalungkutan at pagsisisi habang naiisip kong, “Napakatagal kong niloko ang mga kapatid. Bago ako umalis, kailangan kong magtapat sa kanila at hayaan silang makita ang totoong ako.” Sa pagtitipon namin, ibinahagi ko ang kalagayan ko no’ng panahong ‘yon at ang mga aral na natutunan ko, at ipinagtapat sa kanila ang tungkol sa lahat. Pagkatapos kong magtapat, agad na gumaan ang pakiramdam ko, at nakaramdam ako ng labis na paglaya. Nagulat ako nang makitang bukod sa hindi ako minaliit ng mga kapatid ko, pinalakas pa nila ang loob ko. Napuno ako ng emosyon, at dumaloy ang mga luha sa pisngi ko. Habang pauwi ako no’ng araw na ‘yon, lalo kong naramdaman ang init ng araw ng taglamig, at pinasalamatan at pinuri ko ang Diyos sa puso ko. Pagkatapos nun, sa bago kong gawain, hindi na ako tumuon sa tinatawag na maganda kong imahe. Sa tuwing may anumang kalagayan o suliranin ako, nagtatapat ako at naghahanap kasama ng iba. Sa mga pagtitipon, sinasabi ko lang ang naiintindihan ko, at kapag hindi ko naiintindihan, humihingi ako ng tulong sa mga kapatid ko. Sa pamamagitan ng kanilang pakikipagbahaginan at tulong, unti-unti kong naiintindihan ang mga bagay na hindi ko naiintindihan noon. Matapos itong gawin sa sandaling panahon, nalaman ko na nakagawa ako ng kaunting pag-usad sa aking tungkulin, at nakaramdam ako ng labis na kalayaan at kaginhawahan. Napagtanto ko rin ang pagkakaroon ng katiwasayan at kapayapaan na dulot ng pagsasagawa na maging isang matapat na tao. Mula sa kaibuturan ng puso ko, masasabi kong napakasarap nito sa pakiramdam!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sa Wakas Namumuhay na Ako nang Kaunti na Parang Tao

Sa mga salita ng Diyos nakita ko ang isang paraan para masanay sa pagpasok at nalaman ko kung paano maglingkod na kasama ng iba. Naunawaan ko ang mga kagustuhan ng Diyos: Lahat ay may kalakasan, at nais ng Diyos na gamitin ng lahat ang mga kalakasang iyon sa gawain ng pamilya ng Diyos, at sa paggawa nito ang mga kahinaan ng lahat ay mapupunan.

Ang Mga Gapos ng Katiwalian

Ni Wushi, Tsina Marso 2020 nagpunta ako para magsagawa ng halalan sa isang iglesia na pinamamahalaan ko, at si Sister Chen ay nahalal...