Ang Hirap sa Pag-uulat ng mga Isyu
Noong 2022, gumawa ako ng tungkuling nakabatay sa teksto. Nagkataon, nakilala ko si Kelli, isang lider ng distrito. Sa pakikinig sa mga karanasan niya, nalaman ko na siya ay limang taon nang lider. Siya ay may ilang kaloob, sadyang matalas ang pag-iisip, at organisado sa kanyang pagsasaayos ng mga gawain. Labis ko siyang hinangaan. Gayumpaman, nalaman ko rin na upang maipakita sa kanyang mga katrabaho ang kakayahan niya sa gawain, kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap sa kanilang mga tungkulin, bukod sa hindi siya tumutulong, ipinagmamalaki pa niya ang mga resulta ng kanyang gawain, nagdulot ito na hangaan nila siya at ituring ang kanilang sarili na hindi sapat. Nakita ko na labis na nagpapasikat si Kelli, ngunit kaunti ang kaalaman niya sa kanyang sarili, at naisip ko, “Bagama’t may kaunting talino at kaloob si Kelli, mahina ang kanyang buhay pagpasok, at hindi niya pinagninilayan at kinikilala ang kanyang sarili sa tuwing nahaharap sa mga isyu.” Kalaunan, narinig ko rin na natuklasan ni Sister Stacey na hindi nililinang ni Kelli ang iba at na ito ay pabaya, na hindi ito sumusubaybay sa gawain ng ebanghelyo. Tinanong niya ang mga katrabaho ni Kelli kung gumagawa ba si Kelli ng aktuwal na gawain, at nang malaman ito ni Kelli, hindi lamang siya nabigong magnilay sa kanyang sarili kundi nagkaroon din siya ng pagkiling laban sa kanyang mga katrabaho at kay Stacey. Ayaw niyang makipagtulungan at talakayin ang gawain kasama ang kanyang mga katrabaho, na nagdulot ng hindi magagandang resulta sa gawain ng ebanghelyo. Nang makita ko muli si Kelli, nalaman ko na hindi maganda ang kalagayan niya, at takot siyang lutasin ang mga problema ng mga kapatid kaya ipinasa niya ang responsabilidad na ito sa kanyang mga katrabaho. Labis akong nagulat, naisip ko na, “Isang lider ng distrito si Kelli, at ang pangunahing tungkulin niya ay ang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan at lumutas ng mga problema. Ngunit ni hindi niya kayang lutasin ang mga problema ng mga kapatid. Kaya ba niyang gawin nang maayos ang kanyang pangunahing tungkulin bilang lider?” Subalit naisip ko na, “Hindi ba’t maaaring nagkamali lamang siya ng piniling landas sa panahong ito? Kung sa pamamagitan ng mga gabay at tulong ay mababago ang kalagayan niya, puwede pa rin niyang gawin ang mga tungkulin niya bilang isang lider. Tutal, maraming taon na siyang naging pinuno at kaya niyang magsaayos at magpatupad ng ilang gawain. Tungkol naman sa kanyang kapabayaan sa buhay pagpasok, nararapat na magbigay ako ng higit pang tulong at mga gabay.” Kaya inilahad ko ang isyung ito sa kanya. Sinabi ni Kelli na handa niyang ayusin ang mga pagkakamali, subalit kalaunan, nalaman ko na ginugugol pa rin niya ang kanyang mga araw sa pagiging abala, at wala pa rin siyang buhay pagpasok. Naisip ko, “Walang buhay pagpasok si Kelli. Hindi niya kayang lutasin ang mga problema ng mga kapatid at hindi niya kayang gumawa ng aktuwal na gawain. Isa kaya siyang huwad na lider?” Subalit napakalimitado ng pagkaunawa ko sa pagganap ni Kelli, at hindi ko pa rin ito makita nang malinaw, kaya hindi ko iniulat ang isyung ito sa nakatataas.
Noong Abril 2023, tinanggal ako dahil sa paghahangad ko ng reputasyon at katayuan at sa kawalan ko ng abilidad na gumawa ng aktuwal na gawain, at hindi ko na muling inisip ang isyu ni Kelli. Kalaunan, naglabas ang iglesia ng liham na humihiling sa mga kapatid na iulat ang sinumang huwad na lider o anticristo na kanilang natuklasan. Naisip ko si Kelli, “Mahilig si Kelli na magpasikat upang maging mataas ang pagtingin sa kanya ng iba. Hindi siya tumatanggap ng mga suhestiyon mula sa mga sister at may mga pagkiling pa nga siya laban sa kanila. Bukod dito, hindi siya natututo ng aral kapag may mga nangyayari at wala siyang buhay pagpasok. Dapat ko bang iulat sa nakatataas ang isyu niya upang maimbestigahan ito ng iglesia?” Ngunit naisip ko, “Si Kelli ang responsable sa maraming gawain ng iglesia. Kapag nagkamali ako sa aking ulat at napahamak siya o naapektuhan ang kanyang kalagayan, at nagdulot ng pagkaantala sa kanyang mga tungkulin, magiging sanhi ako ng pagkagambala at pagkakagulo. Maaaring mawala ang kasalukuyang tungkulin ko, at sa malulubhang kaso, maaaring ibukod ako para magnilay. Hindi bale na. Mas mabuti nang walang gulo. Bukod dito, limitado ang pagkaunawa ko sa sitwasyon, at hindi ako nakatitiyak na si Kelli ay isang huwad na lider. Mas mabuti na huwag na akong makialam at gawin ko na lang nang maayos ang mga kasalukuyan kong tungkulin.” Sa pag-iisip ko tungkol dito, hindi ko iniulat ang isyu ni Kelli.
Sa panahong iyon, madalas maglabas ng mga liham ang iglesia na humihiling sa amin na sumuri ng mga huwad na lider at mga anticristo. Sa tuwing nakikita ko ang mga liham na iyon, naguguluhan ako. Habang ako ay nagdadalawang-isip, narinig ko na may isang sister na nag-ulat tungkol sa isang lider ng iglesia. Matapos ang mas malalim na pag-unawa at pagberipika, napag-alaman na mayroon lamang ilang naipakitang katiwalian ang naiulat na lider at hindi naman siya isang huwad na lider na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain. Ang taong gumawa ng ulat ay may mapagmataas na disposisyon. Ginamit niya ang katiwaliang ipinakita ng lider upang kondenahin ito bilang isang huwad na lider, at madalas ay pinipigilan niya ang iba sa kanilang mga pag-uusap at hindi naging positibo ang papel niya sa grupo. Sa huli, siya ay ibinukod para magnilay. Nang marinig ko ang balitang ito, nabahala ako at naisip ko na, “Kapag iniulat ko ang isyu ni Kelli, at mali pala ang ulat ko, iimbestigahan din ba ang sitwasyon ko? Noong ako ay isang lider, inilagay ko ang isang anticristo sa isang mahalagang posisyon, na nagdulot ng pagkakagulo at pagkagambala sa gawain ng iglesia. Kung mali ang ulat ko ngayon, na makakaapekto sa kalagayan ni Kelli at makakaantala sa gawain ng iglesia, dadami ang aking mga pagsalangsang. Ibubukod ba ako para magnilay, o tuluyan pa ngang paaalisin? Higit pa rito, limitado ang aking pagkaunawa kay Kelli at hindi ako sigurado kung isa siyang huwad na lider. Hindi bale na, mas mabuti pang huwag nang makipagsapalaran at huwag nang iulat ang isyu. Kadalasan ding nakikisalamuha si Kelli sa ibang mga kapatid, kaya kung isa siyang huwad na lider, mapapansin din ng iba ang kanyang mga problema at magsusulat din sila ng ulat. Sa oras na iyon, maaari akong magbigay ng impormasyon tungkol sa kanyang mga pagpapamalas, at sa ganitong paraan, hindi ako maiimbestigahan. Mas mabuti na iyon.” Nang maisip ko ito, tuluyan ko nang isinuko ang ideya na iulat ang isyu.
Noong Hunyo 2023, naglabas ang iglesia ng abiso ng pagpapatalsik para sa isang anticristo. Ang anticristong ito, na isang superbisor, ay naghangad ng reputasyon at katayuan, na nagdulot ng seryosong pagkagambala at pagkakagulo sa gawain ng iglesia. Sinabi ng lider sa amin na kung makakatuklas kami ng sinumang huwad na lider o anticristo sa iglesia, dapat namin itong iulat agad sa nakatataas upang maprotektahan ang gawain ng iglesia. Naisip kong muli si Kelli. Bagama’t hindi siya isang anticristo, may mga pagpapamalas siya ng isang huwad na lider. Halos anim na buwan na mula nang una kong mapansin ang problema, at iniiwasan ko pa rin itong iulat sa nakatataas, wala akong lakas ng loob para gawin ito. Kung tunay nga na isa siyang huwad na lider, hindi ba’t maipapahamak nito ang lahat ng kapatid? Magdudulot ito ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia! Naalala ko ang mga salitang sinambit ng Diyos nang isiwalat niya ang anticristong si Yan: “May mga partikular na pagpapamalas kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang mga anticristo. Hindi lang siya gumagawa ng mga bagay-bagay nang patago; matutukoy mo ang mga pagpapamalas na iyon sa personal. Kung hindi ninyo makita ang mga pagpapamalas na iyon, hindi ba’t bulag kayo kung gayon? (Oo.) Kaya, kung magkakaroon uli ngayon ng isang taong katulad nito, makikilatis ba ninyo sila? Makakagampan ba ng aktuwal na gawain ang isang taong katulad ni Yan? Makakapagbahagi ba siya tungkol sa katotohanan at makakalutas ng mga problema? (Hindi.) Bakit ninyo sinasabing hindi? (Kung ang mga resulta ng gawain ang pag-uusapan, maraming problema ang iglesia na hindi nalutas sa loob ng mahabang panahon, napakabagal ng pag-usad ng lahat ng gawain, at ang mga pelikulang ginawa namin ay hindi tumugma sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos.) Bago pinangasiwaan si Yan, nakita ba ninyo na problema ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nauunawaan ninyo pagkatapos ninyong makinig sa mga sermon? Hindi ninyo nakikita ang mga ganoon kalubhang problema, at palagi lang kayong nagpapalusot, sinasabi ninyo, ‘Hindi kami nakisalamuha sa kanya. Paano namin malalaman ang mga ginagawa niya nang patago? Mga ordinaryong mananampalataya lang kami, isa siyang lider. Hindi puwedeng palagi nalang namin siyang sinusundan, kaya, makatwiran lang na hindi namin siya nakilatis at na hindi namin siya iniulat.’ Ito ba ang ibig ninyong sabihin? (Oo.) Ano ang kalikasan nito? (Sinusubukan naming iwasan ang aming mga responsabilidad.)” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)). Bawat salita ng Diyos ay tumagos sa aking puso. Palagi kong ginagamit ang pagdadahilan na hindi ko lubos na nauunawaan ang sitwasyon at hindi ko ito nakikita nang buo upang hindi ko na iulat ang isyu. Ang totoo, napansin ko na ang pag-uugali ni Kelli at naniwala akong maaaring isa siyang huwad na lider, ngunit natakot ako na kapag gumawa ako ng maling ulat ay pananagutin ako. Kaya, nangatwiran ako na hindi ako gaanong nakisalamuha sa kanya at na hindi ko nakita nang malinaw ang mga bagay-bagay. Sa tuwing may pagbabahaginan na nag-uudyok sa amin na iulat ang mga huwad na lider at anticristo, binabagabag ako ng konsensiya ko, ngunit patuloy ko itong pinipigilan sa pagdadahilan na hindi ko naiintindihan ang usapin. Ang totoo, ganap na walang basehan ang pagdadahilan na ito, at umiiwas lamang ako sa responsabilidad. Noong makakita ako ng problema sa isang lider, agad ko dapat itong iniulat. Kahit pa hindi ko ito lubos na nauunawaan, maaari ko pa rin itong banggitin at maaari pa rin akong humiling ng pagbabahaginan mula sa mga kapatid na nakakaunawa sa katotohanan, upang hindi ito magtagal nang magtagal. Sa pagkakataong ito, hindi ko na ito maiiwasan. Subalit nang maisip kong iulat ang sitwasyon ni Kelli, bigla kong naalala na sinabi ng lider na nais nilang itaas ang ranggo ko at na linangin ako. Naisip ko na, “Kapag iniulat ko ito nang mali, maaaring mawala ang pagkakataong tumaas ang ranggo ko, at maaaring mawala pa nga ang pagkakataon kong gawin ang kasalukuyan kong tungkulin. Subalit kung hindi ko naman iuulat ang isyu, at may problema talaga si Kelli, maaari itong makapinsala nang matindi sa gawain ng iglesia.” Labis akong naguluhan nang maisip ko ang mga ito. Nais ko talagang tumayo at iulat ang problema para protektahan ang gawain ng iglesia, ngunit sa tuwing iniisip ko kung paano ito maaaring makaapekto sa aking sariling mga interes, nawawala ang tapang ko. Patuloy akong binagabag ng aking konsensiya. Nakita ko ang problema at hindi ko ito iniulat, at kahit na naunawaan ko ang mga salita ng Diyos, hindi ko ito isinagawa. Hindi ko pinrotektahan ang interes ng iglesia kahit kaunti. Kahit pa tumaas ang aking ranggo, ano ang magiging saysay nito? Umiyak ako at lumapit sa Diyos upang manalangin, “O Diyos, ang sitwasyong ito na aking kinakaharap ngayon ay isang bagay na Iyong pinamatnugutan at isinaayos. Isa rin itong pagsubok para sa akin, upang makita kung kaya ko bang isaalang-alang ang Iyong layunin. Labis akong naguguluhan ngayon. O Diyos, gabayan Mo ako na gumawa ng tamang desisyon.” Sa sandaling iyon, isang linya mula sa mga salita ng Diyos ang pumasok sa aking isipan: “Ang pinakadiwa ng Diyos ay katuwiran. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Oo, Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid, at anuman ang gawin ng Diyos, ito ay matuwid. Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi ako nangahas na iulat ang isyu ay dahil hindi ko naunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na nagdulot sa akin na mamuhay sa kalagayan ng maling pang-unawa at pag-iingat. Inisip ko na ang Diyos ay katulad ng mga tiwaling tao, hindi patas at hindi matuwid, na para bang ibubukod ako para magnilay o paaalisin pa nga dahil lamang sa maling pag-uulat ng problema o sa pagkakamali. Tunay na mapanlinlang na pinaghinalaan ko ang Diyos nang ganito! Matuwid ang Diyos, at ang lahat ng bagay ay isinasagawa nang makatarungan at patas sa sambahayan ng Diyos. Kung mag-uulat ako ng isang problema tungkol sa isang lider, iimbestigahan at pangangasiwaan ito ng iglesia nang ayon sa mga prinsipyo, at kung tunay na huwad na lider si Kelli, agad siyang tatanggalin. Subalit kung hindi siya isang huwad na lider, ipapabatid ng iglesia ang kanyang isyu at tutulungan siya upang makapagnilay sa kanyang sarili at makapasok, at isa rin itong mabuting bagay. Sa pag-iisip nito, medyo napanatag ako.
Kalauan, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng landas sa pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Gumagampan ang mga huwad na lider at anticristo minsan, at nagbubunyag sila ng mga partikular na problema. Maaaring nakikita lamang ng ilang tao na may mga problema, pero hindi nila malinaw na nauunawaan ang diwa at ang katotohanan ng mga problemang ito o kung paano lulutasin ang mga ito—ito rin ay nauukol sa kawalan ng pagkilatis. Ano ang dapat ninyong gawin sa mga gayong sitwasyon? Sa mga ganitong pagkakataon, dapat kayong humingi ng tulong sa isang taong nakakaunawa sa katotohanan na kilatisin ang mga ito. Kung may ilang tao na kayang umako ng responsabilidad, kapag ang lahat ay sama-samang naghahanap, nagbabahaginan, at nagtatalakayan tungkol sa usapin, maaari kayong magkaroon ng magkaisang opinyon at malinaw ninyong maunawaan ang diwa ng problema, at pagkatapos ay makikilatis ninyo kung sila ay mga huwad na lider at anticristo. Hindi masyadong mahirap na lutasin ang problema ng mga huwad na lider at anticristo; hindi gumagampan ng aktuwal na gawain ang mga huwad na lider at madali silang matuklasan at makita nang malinaw; ginugulo at ginagambala ng mga anticristo ang gawain ng iglesia at madali ring matuklasan at makita nang malinaw. Ang lahat ng ito ay nauugnay sa problema ng panggugulo sa paggampan ng mga hinirang ng Diyos sa kanilang mga tungkulin, at dapat ninyong iulat at ilantad ang mga gayong tao—sa pamamagitan lamang ng paggawa niyon ninyo mapipigilan ang pagkaantala ng gawain ng iglesia. Ang pag-uulat at paglalantad sa mga huwad na lider at anticristo ay napakahalagang gawain na nagtitiyak na magagampanan nang maayos ng mga hinirang ng Diyos ang kanilang mga tungkulin, at pinapasan ng lahat ng hinirang ng Diyos ang responsabilidad na ito. Hindi mahalaga kung sino ito, basta’t siya ay isang huwad na lider o isang anticristo, dapat siyang ilantad at ibunyag ng mga hinirang ng Diyos, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang inyong responsabilidad. Hangga’t ang iniuulat na problema ay totoo at talagang may insidente ng huwad na lider o anticristo, palagi itong pangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos nang napapanahon at nang naaayon sa mga prinsipyo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)). Oo, kapag nakakatagpo ako ng mga huwad na lider o mga anticristo sa loob ng iglesia, kung hindi ko nauunawaan ang diwa ng problema, maaari akong makipagbahaginan at mangilatis kasama ng mga nakakaunawa sa katotohanan. Sa ganitong paraan, maaari akong magkaroon ng mas tumpak na pagkaunawa. Dahil hindi ko lubos na matiyak kung si Kelli ay isa ngang huwad na lider, maaari akong humiling na makipagbahaginan sa iba. Sa paghahanap at pakikipagbahaginan, maaari akong magkaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa mga prinsipyo ng aspektong ito. Pagkatapos, nakipag-usap ako kay Shirley, ang sister na katuwang ko, tungkol sa bagay na ito. Nararamdaman din ni Shirley na mali ang landas na tinatahak ni Kelli at iminungkahi niyang iulat ko ito sa nakatataas. Tinanong din niya ako kung ano ang aking ikinabahala, na pumigil sa akin na iulat ang isyu. Sa pamamagitan ng tanong ni Shirley, napagtanto ko na ang pag-aalinlangan kong iulat ang problema ay pangunahing dulot ng pagprotekta sa aking sarili at pangangalaga sa aking sariling mga interes. Napakamakasarili at kasuklam-suklam ko!
Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at hinanap ko ito upang basahin. Sabi ng Diyos: “Karamihan sa mga tao ay nais hangarin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasya at pagnanais lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o ng masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagugulo ang gawain ng iglesia at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang kumpiyansang magsalita? Walang isa man dito; ito una sa lahat ang ibinubunga ng mapigilan ng mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito na inilalantad mo ay ang mapanlinlang na disposisyon; kapag may nangyayari sa iyo, ang una mong iniisip ay ang sarili mong mga interes, ang una mong isinasaalang-alang ay ang mga ibubunga, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo. Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay makasarili at mababang-uri na disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako isang lider, kaya bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ko responsabilidad ito.’ Ang gayong mga saloobin at salita ay hindi mga bagay na sadya mong iniisip, kundi inilalabas ng iyong isip nang hindi mo namamalayan—na tumutukoy sa tiwaling disposisyong nabubunyag kapag ang mga tao ay nahaharap sa isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon na tulad nito ang paraan ng iyong pag-iisip, itinatali ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang sinasabi mo. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga pag-aalinlangan, at kahit na magsalita ka pa, nagpapaliguy-ligoy ka, at nag-iiwan ka ng puwang upang makakambiyo, o kaya naman ay nagsisinungaling ka at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nakikita ito ng mga taong malinaw ang mga mata; ang katotohanan, alam mo sa puso mo na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, na iniraraos mo lamang ang lahat, at na hindi nalutas ang problema. Hindi mo natupad ang iyong responsabilidad, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong responsabilidad, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Totoo ba ito? At ito ba talaga ang iniisip mo? Hindi ba’t ganap ka nang kontrolado ng iyong satanikong disposisyon? … Hindi mo hinahanap ang katotohanan kailanman, at lalong hindi mo ito isinasagawa. Palagi ka lamang nagdarasal, nagreresolusyon, nagtatakda ng mga mithiin, at nangangako sa puso mo. At ano ang kinahinatnan? Nananatili kang isang taong mapagpalugod sa iba, hindi ka nagtatapat tungkol sa mga problemang nararanasan mo, wala kang pakialam kapag nakikita mo ang masasamang tao, hindi ka tumutugon kapag may gumagawa ng masama o kaguluhan, at nananatili kang walang pakialam kapag hindi ka personal na naaapektuhan. Iniisip mo, ‘Hindi ako nagsasalita tungkol sa anumang walang kinalaman sa akin. Hangga’t hindi nito napipinsala ang aking mga interes, ang aking banidad, o ang aking imahe, binabalewala ko nang walang pagbubukod ang lahat. Kailangan kong maging napakaingat, dahil ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril. Hindi ako gagawa ng anumang katangahan!’ Lubos at di-natitinag kang kinokontrol ng iyong mga tiwaling disposisyon ng kabuktutan, pagkamapanlinlang, katigasan, at pagiging tutol sa katotohanan. Naging mas mahirap na para iyo na tiisin ang mga ito kaysa sa sumisikip na ginintuang korona na isinuot ng Haring Unggoy. Ang pamumuhay sa ilalim ng pagkontrol ng mga tiwaling disposisyon ay lubhang nakakapagod at napakasakit!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang pagsisiwalat ng Diyos ay sumasalamin mismo sa kalagayan ko. Alam ko na mayroong isyu kay Kelli na kailangang iulat sa nakatataas. Lalo na pagkatapos kong basahin ang mga liham mula sa sambahayan ng Diyos na humihikayat na iulat ang mga huwad na lider at mga anticristo, ilang beses kong inisip na iulat ang isyu. Ngunit natakot ako na kung magiging mali ang ulat ko, maaaring mawalan ako ng tungkulin o kaya ay ibukod para magnilay. Palagi kong isinasaalang-alang ang aking sariling mga interes. Sa mga kritikal na pagkakataon, hindi man lang ako nakapagsabi ni isang salita upang itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi ako naglakas-loob na iulat ang problema. Wala talaga akong kuwenta! Lubos kong batid na si Kelli ay responsable sa maraming iglesia, at kung talagang isa siyang huwad na lider, malaki ang magiging epekto nito sa gawain ng iglesia, at maraming kapatid ang makakaranas ng kawalan sa kanilang buhay pagpasok. Ngunit nang isipin ko kung paanong ang pag-uulat ng isyu ay maaaring hindi magdulot sa akin ng pakinabang o kaya ay maaaring makasama pa nga sa aking mga interes, hinangad kong protektahan ang sarili ko, gumawa ako ng mga pagdadahilan upang iwasan ang responsabilidad, at naghintay na lamang na iba ang lumantad at mag-ulat nito. Ang inalala ko lamang ay ang aking sariling mga interes, at wala akong anumang pagsasaalang-alang sa epekto nito sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Basta’t hindi ako nakakaranas ng kawalan, wala akong pakialam. Kahit na nakakakita ako ng mga problema sa lider, nagbubulag-bulagan ako, pinipigilan ko ang aking konsensiya kahit na puno ito ng pagkakasala. Isinasaalang-alang ko lamang ang aking sariling mga interes sa lahat ng bagay. Talagang mapanlinlang, makasarili at kasuklam-suklam ako! Dati, akala ko ay mayroon akong pagpapahalaga sa katarungan, at kaya kong ituro at isiwalat ang mga problema ng ibang mga kapatid. Ngayon, nang pag-isipan ko ito, naglakas-loob lamang akong ituro at isiwalat ang mga problema noon, dahil wala itong kinalaman sa aking mga interes. Ngayon na direktang sangkot na ang sarili kong mga interes, para akong naging isang pagong na nakatago ang ulo at walang integridad. Sa panahong ito, naalala ko rin ang mga salita ng Diyos at alam ko kung ano ang nararapat kong gawin, subalit inuna ko ang aking sariling mga interes higit sa lahat, at kahit na nauunawaan ko ang katotohanan, hindi ko ito maisagawa. Hindi lamang ako makasarili at kasuklam-suklam, kundi mapagmatigas din at tutol sa katotohanan. Pagkatapos kong basahin ang napakaraming salita ng Diyos, noong kailangan kong tumayo sa mga kritikal na panahon upang itaguyod ang interes ng iglesia, wala akong tapang. Tunay na walang kabuluhan ang maraming taon kong pakikinig sa mga salita ng Diyos, wala akong anumang patotoo!
Kalaunan, binasa ni Shirley sa akin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hayaan ninyong magsalita Ako nang prangka: Kung hindi mo sinusunod ang tamang landas o isinasagawa ang katotohanan, kung iwinawagayway mo ang pananampalataya mo sa Diyos pero gusto mong mamuhay na gaya lang ng mga walang pananampalataya at kumilos nang walang pakundangan, kung gayon ang pananampalataya mo sa Diyos ay walang kabuluhan. Bakit Ko sinasabing ito ay walang kabuluhan? Saan ba nakasalalay ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos? Nakasalalay ito sa ganap na pagbabago ng landas na tinatahak ng mga tao, sa kanilang pananaw sa buhay, at sa direksiyon ng buhay nila at sa mga tunguhin matapos nilang manampalataya sa Diyos, sa mga bagay na ito na ganap na naiiba mula sa mga hindi nananampalataya sa Diyos, mula sa mga makamundong tao, at mula sa mga diyablo, at sa landas na tinatahak ng mga mananampalataya na ganap na salungat sa kanila. Ano itong salungat na direksiyon? Ito ay ang kagustuhan mong maging isang mabuting tao, at maging isa na nagpapasakop sa Diyos at may wangis ng tao. Kaya, paano mo ito makakamit? Dapat kang tumuon sa pagsisikap para sa katotohanan, at doon mo lamang magagawang magbago. Kung hindi mo hinahangad o isinasagawa ang katotohanan, kung gayon ang pananampalataya mo sa Diyos ay walang kabuluhan o halaga, ang pananampalataya mo ay walang laman, mga maladiyablong salita na layong manlinlang, mga salita lang na walang laman, walang kahit anong epekto” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos at marami na akong nabasang salita ng Diyos, ngunit sa mahahalagang pagkakataon, hindi ko naisagawa ang katotohanan. Namuhay ako na parang isang walang pananampalataya, ginagabayan ng mga pilosopiya ni Satanas na: “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo,” at “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali.” Iningatan ko ang aking sariling mga interes sa lahat ng bagay, nang hindi man lang isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Ipinahayag kong nananampalataya ako sa Diyos, ngunit hindi ko isinagawa ang Kanyang mga salita. Hindi ba’t ako ay naging isang hindi mananampalataya? Hindi inililigtas ng Diyos ang mga hindi mananampalataya. Kung hindi ako magsisisi at patuloy kong hindi isasagawa ang katotohanan, matitiwalag lamang ako. Hindi ko na dapat protektahan ang aking sariling mga interes; kailangan kong iulat ang isyu ni Kelli sa nakatataas. Kinabukasan, nagsulat ako ng ulat tungkol sa isyu ni Kelli at isinumite ito sa mga nakatataas na lider.
Hindi nagtagal, nagsaayos ng isang pulong si Brother Rupert na mula sa nakatataas upang maunawaan ang isyu kay Kelli. Nang banggitin ko na dati akong nakagawa ng mga pagsalangsang sa aking mga tungkulin at natakot ako na kung iniulat ko nang mali ang isyung ito ay baka ibukod ako para magnilay at mawalan ako ng pagkakataong gampanan ang aking mga tungkulin, sinabi ni Rupert na ito ay nagpapakita ng hindi pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos at sa mga prinsipyong ginagamit ng sambahayan ng Diyos upang pamahalaan ang mga tao, at nakipagbahaginan siya sa akin tungkol sa aspektong ito ng katotohanan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ni Rupert, nagkaroon ako sa wakas ng kaunting pagkaunawa. Pinapamahalaan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao base sa kanilang kalikasang diwa at palagiang pag-uugali. Kung tama ang mga intensyon ko at layon nitong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kahit pa maiulat ko nang mali ang isang isyu dahil sa kawalan ng pagkakilatis, makikipagbahaginan sa akin ang mga kapatid upang iwasto ito, at hindi ako tatanggalin o ibubukod dahil lamang sa isang beses na pagkakamali sa pag-uulat ng problema. Gayumpaman, kung patuloy akong mamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, mabibigong isagawa ang katotohanan, at hindi poprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at kung ang aking saloobin sa katotohanan ay pagtutol at pagiging mapagmatigas, kahit wala akong magawang pagkakamali, mabubunyag at matitiwalag pa rin ako sa huli. Naalala ko na nakita kong ibinukod ang isang sister para magnilay pagkatapos niyang mag-ulat ng isang isyu, ngunit hindi ito dahil sa maling pag-uulat niya ng isang isyu. Ito ay dahil labis na mapagmataas ang kanyang disposisyon, at palagi niyang nililimitahan ang iba, at hindi siya naging positibong impluwensiya sa kanyang pangkat. Ang pagbubukod sa kanya para magnilay ay upang bigyan siya ng pagkakataong magsisi. Basta’t malaman niya ang kanyang tiwaling disposisyon at huminto siya sa paglikha ng kaguluhan, magkakaroon pa rin siya ng pagkakataong maligtas. Matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, wala akong nakitang sinuman na itiniwalag dahil sa pag-uulat ng mga isyu tungkol sa mga huwad na lider. Talaga ngang pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao base sa kanilang kalikasang diwa at palagiang pag-uugali. Kalaunan, matapos maunawaan at mapatunayan ng mga nakatataas na lider ang asal ni Kelli, napag-alaman nila na hindi lamang siya walang buhay pagpasok at hindi kayang gumawa ng aktuwal na gawain, kundi mayroon din siyang matinding pagnanais para sa katayuan. Palagi siyang nagpapatotoo tungkol sa kanyang sarili, minamaliit ang mga katrabaho, at pinipigilan at pinapahirapan ang iba. Kapag nakakita siya ng sinuman na hindi sumeseryoso sa kanya, nagtatanim siya ng sama ng loob, at kung may sinuman na maglakas-loob na ilahad ang kanyang mga problema o magkaroon ng mga opinyon na iba sa opinyon niya, itatrato pa nga niya sila bilang mga tumututol at kaaway. Base sa asal ni Kelli, natukoy na isa siyang huwad na lider na naglalakad sa landas ng isang anticristo, at tinanggal at ibinukod siya. Binanggit din ng mga lider na ang isyung iniulat ko ay mahalaga at hinikayat nila akong agad na iulat ang iba pang problema na matutuklasan ko sa hinaharap. Nang makita kong tinanggal na si Kelli, at hindi na ginagambala o ginugulo ng isang huwad na lider ang iglesia, labis akong nagpasalamat sa Diyos!
Tuwing naiisip ko kung paano ako nawalan ng lakas ng loob na iulat ang natuklasan kong problema, kung paano ako nagtuon lamang sa pagprotekta sa aking mga interes nang hindi iniingatan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at kung paano ko hinayaang magtagal ang isyu tungkol sa huwad na lider nang mahigit kalahating taon bago ito tugunan, namuhi ako sa kung paano ako naging makasarili at kasuklam-suklam, at sa kung paano ako labis na naigapos ng aking tiwaling disposisyon. Ang mga salita ng Diyos ang umakay sa akin na makawala sa mga impluwensiya ng kadiliman at nagbigay sa akin ng tapang para iulat ang isyu, upang protektahan ang mga interes ng iglesia. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!