Ang mga Pagninilay ng Isang “Mabuting Lider”

Setyembre 5, 2022

Ni Rubylen, Philippines

Simula pa nung bata ako, tinuruan na ako ng mga magulang ko na maging palakaibigan sa mga tao, at maging isang tao na madaling lapitan at madamayin. Kapag may mga problema o pagkukulang ‘yong mga tao sa paligid ko, hindi ko ito pwedeng ilantad nang harap-harapan, at kailangan kong isipin ang kanilang dignidad. Dahil sa edukasyong ito, hindi ako kailanman nagkaroon ng anumang alitan o di-pagkakaunawaan sa kahit sino, at inisip ng mga tao sa paligid ko na isa akong mabuting tao at gusto nilang makipag-ugnayan sa akin. Naisip ko rin na magandang tratuhin ang mga tao sa ganitong paraan. Pagkatapos kong manalig sa Diyos, ganito ko pa rin nakasundo ang aking mga kapatid. Lalo na nung naging isa akong lider ng iglesia. Naisip ko na dapat akong maging palakaibigan sa iba at hindi kailanman dapat basta-basta magbintang sa iba ng mga pagkakamali. Sa gano’ng paraan, hindi nito masisira ang maganda naming samahan, at gusto nilang makisama sa akin, at pinuri nila ako bilang isang mabait at mabuting lider.

Kalaunan, nalaman kong ginagawa ng isang lider ng grupo, si Sister Joan, ang kanyang tungkulin nang walang pasanin. Ilang beses ko siyang pinaalalahanan, “Bilang isang lider ng grupo, dapat mong maunawaan ang kalagayan ng iyong mga kapatid at kumustahin ang gawain ng grupo.” Pero hindi pa rin niya ginawa ito, kaya kinailangan ko na naman siyang paalalahanan at tanungin kung bakit. Sinabi niyang iisang oras lang ang bakante niyang oras, pero ginagamit niya ito para mag-Facebook at manood ng mga pelikula, kaya wala siyang kinumusta na kahit ano. Matapos marinig ito, nagalit ako, at naisip ko, “Napakatamad mo, hindi ka talaga nagdadala ng pasanin. Kapag hindi dumadalo sa mga pagtitipon ang mga kapatid, hindi mo naiisip na suportahan sila!” Gusto ko siyang iwasto dahil sa iniraraos lang niya ang kanyang tungkulin at pabaya siya, pero kung iwawasto ko siya, naisip ko na baka lumayo siya sa akin at sabihin niya na hindi ako isang mabuting lider na madaling lapitan. Ayokong sirain ang maganda naming samahan, kaya sa halip na iwasto siya, pinalakas ko ang loob niya. Sabi ko, “Pwede mong gamitin ang bakanteng oras na ito para subukang unawain ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at pagkatapos, magagawa mo na nang maayos ang tungkulin mo.” Naging maayos siya sa loob ng ilang araw, pero palaging lumilitaw ang parehong problema. Dahil iniraraos niya lang ang kanyang tungkulin, dumami nang dumami ang mga baguhan na iregular na dumadalo sa mga pagtitipon, at ang ilan pa ngang baguhan ay hindi na talaga nag-abalang pumunta. Galit na galit ako. Napakapabaya ng lider ng grupo na ito! Gusto ko na talaga siyang iwasto, pero nung naisip ko na lalayo siya sa akin, wala na akong anumang sinabi, at kinailangan ko mismong diligan at suportahan ang mga baguhang ito. Matapos kong kausapin ang mga baguhang ito, nalaman ko na hindi sila pumupunta sa mga pagtitipon dahil napakaraming problema na hindi nalutas, pero ang sabi sa akin ni Joan dati, hindi sila sumasagot sa mga mensahe. Matapos makita ang pag-uugali ni Joan sa kanyang tungkulin, gusto ko na talaga siyang iwasto. Gusto kong ipaalam sa kanya kung gaano katindi ang mga kahihinatnan ng kanyang pagiging pabaya. Pero gusto ko ring maging isang mabuting lider na mabait at madaling lapitan, kaya nagbago ang isip ko, at sa halip ay nagsabi ako ng mga magpapalakas ng loob niya. Kaya naman hindi siya kailanman nagbago. Sa isang pagtitipon, nagreklamo si Joan, “Matagal na akong nasa grupo. Bakit hindi ako na-promote?” Matapos marinig ang sinabi ni Joan, naisip ko, “Napakatamad mo, iniraraos mo lang ang tungkulin mo, at pabaya ka. Paano ka naman mapo-promote?” Kahit na galit ako sa kanya, inalo ko siya, at sinabing, “Sa kahit anong tungkulin na ginagampanan natin, ginagawa natin ito dahil sa kataas-taasang mga pagsasaayos ng Diyos. Kahit na magkakaiba ang ating mga tungkulin, nagdidilig tayong lahat ng mga baguhan at nararanasan ang gawain ng Diyos.” Akala ko ipaparamdam nito sa kanya na nauunawaan ko siya at nagmamalasakit ako sa kanya, at na isa akong mabuting lider. Kaya naman, kahit na nakikita ko ang mga problema ng iba, hindi ko sila kailanman inilalantad o iwinawasto. Sa halip, nagsasabi ako ng ilang magagandang bagay para palubagin at palakasin ang loob nila. Akala ko mapapanatili nito sa puso ng lahat ang maganda kong imahe na madali akong lapitan.

Nung isa pang beses, hindi nagkasundo ang diyakono ng ebanghelyo na si Edna at ang lider ng grupo na si Anne. Galit na sinabi sa akin ni Edna, “Napakatamad ni Anne. Nagtanong ako tungkol sa kalagayan at mga problema nung mga nasa grupo niya, at sobrang tagal bago siya sumagot. Kung hindi ko masusubaybayan ang kalagayan nila, hindi niya ginagawa nang maayos ang tungkulin niya.” Alam kong medyo may mapagmataas na disposisyon si Edna, at ang kanyang tono ay madalas na parang isang utos o pag-oobliga, na mahirap para sa iba na tanggapin, at na inaalala ni Anne ang kanyang pride. Malamang na narinig niya ang tono ni Edna at hindi ito matanggap, kaya ayaw niyang sumagot. Gusto kong sabihin ito kay Edna, pero ayoko ring masaktan siya o maramdaman niya na hindi ko siya nauunawaan, kaya sinabi ko sa kanya sa isang malumanay na paraan, “Baka abala si Anne at hindi niya nakita ang mensahe mo.” Pagkatapos nun, pinuntahan ko si Anne, at ‘di natutuwang sinabi ni Anne, “Masyadong mapagmataas si Edna. Nagde-demand siya kung paano ko ginagawa ang tungkulin ko, kaya ayokong sumagot sa mga mensahe niya.” Nakita kong hindi siya tumatanggap ng payo ng iba at gusto ko siyang paalalahanan tungkol dito, pero nag-alala ako na baka hindi niya ito tanggapin, at na masisira nito ang pagkakasundo namin, kaya sabi ko, “Baka hindi mo naunawaan si Edna. Gusto lang niyang gawin mo nang maayos ang tungkulin mo.” Tanging mga pampalubag-loob at pangaral na salita lamang ang sinabi ko sa kanila, at hindi ko pinuna ang kanilang mga problema. Wala sa kanila ang nakakaunawa sa kanilang sarili. Hindi pa rin makapag-follow up si Edna sa gawain ni Anne, at pakiramdam ni Anne ay ginawan siya ng masama at na hindi niya magawa ang tungkuling ito. Alam kong hindi ko nagagampanan ang mga resposibilidad ko bilang isang lider, na nangangahulugan na hindi nila napagtanto ang mga sarili nilang problema. Ako ang nagdulot ng mga resultang ito. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng kaliwanagan para makilala ko ang sarili ko.

Sa salita ng Diyos, nabasa kong, “Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pagsasabi ng mga walang-saysay na salita at pagbigkas ng mga takdang parirala. Anuman ang maaaring makaharap sa buhay ng isang tao, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, mga pananaw sa mga pangyayari, o patungkol sa pagganap sa kanyang tungkulin, kailangan niyang magpasya, at dapat niyang hanapin ang katotohanan, dapat siyang maghanap ng batayan at prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay dapat siyang maghanap ng isang landas sa pagsasagawa; ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang tumahak sa landas ni Pedro at sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat sundin kapag nakikisalamuha sa iba? Ang iyong orihinal na pananaw ay na hindi mo dapat mapasama ang loob ng sinuman, kundi mapanatili ang kapayapaan at maiwasang mapahiya ang sinuman, upang sa hinaharap, maaaring magkasundo ang lahat. Napipigilan ng pananaw na ito, kapag nakakita ka ng isang taong gumagawa ng masama, nagkakamali, o gumagawa ng kilos na sumasalungat sa mga prinsipyo, mas gugustuhin mong kunsintihin ito kaysa banggitin ito sa taong iyon. Napipigilan ng iyong pananaw, nagiging tutol ka sa pagpapasama ng loob ng sinuman. Sinuman ang nakakasalamuha mo, dahil nahahadlangan ka ng mga isipin ng karangalan, ng mga emosyon, o ng mga damdaming lumago sa maraming taon ng pakikipag-ugnayan, palagi kang magsasabi ng magagandang bagay upang pasayahin ang taong iyon. Kapag may mga bagay kang nakikitang hindi kasiya-siya, mapagparaya ka rin; naglalabas ka lamang ng kaunting galit nang pribado, nagbabato ng ilang mapanirang paratang, ngunit kapag nakakaharap mo sila nang personal, hindi ka nagdudulot ng gulo at pinapanatili pa rin ang relasyon sa kanila. Ano ang palagay mo sa gayong pag-uugali? Hindi ba ganito ang sa isang taong pala-oo? Hindi ba ito medyo madaya? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-uugali. Kaya hindi ba pagiging mababa ang kumilos sa gayong pamamaraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, ni hindi sila marangal. Gaano ka man nagdusa, at gaano mang halaga ang iyong binayaran, kung kikilos ka nang walang mga prinsipyo, kung gayon ay nabigo ka at hindi makatatanggap ng pagsang-ayon sa harap ng Diyos, ni hindi ka Niya maaalala, ni hindi mo Siya mabibigyang-kaluguran(“Ang Kinakailangan sa Pagganap ng Tungkulin Nang Mabuti, Kahit Papaano, ay Konsensiya” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko, na ang pagsasagawa ng katotohanan ay pagkilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan anuman ang mangyari, at hindi ‘yong matakot na mapasama ang loob ng mga tao. Pero nung nakasundo ko ang aking mga kapatid, gusto kong laging mataas ang tingin ng iba sa akin, pinapanatili ang aking pakikipagkasundo sa kanila, at hinangad ko na maging isang tao na madaling lapitan at madamayin para makuha ang papuri ng aking mga kapatid, pero isinawalang-bahala ko ang pagsasagawa ng katotohanan. Noong nakita ko na ginagawa ni Joan ang kanyang tungkulin nang walang dinadalang pasanin at nagiging tamad at tuso, gusto ko siyang iwasto dahil sa pagiging pabaya niya, pero para mapanatili ang isang magandang ugnayan sa kanya at iparamdam sa kanya na isa akong mabuti at madaling lapitan na lider, hindi ko inilantad ang kanyang problema. Bilang resulta, dahil sa kanyang kapabayaan, hindi malutas ng ilang baguhan ang kanilang mga problema, kaya hindi sila pumupunta sa mga pagtitipon. At kina Edna at Anne naman, nakita ko na hindi sila magkasundo at hindi nila kilala ang kanilang sarili, pero sa halip na punahin ang kanilang mga problema o tulungan silang makilala ang kanilang mga sarili, malabo ang naging sagot ko, sinusubukan na pagaanin ang kanilang mga alitan sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga pampalubag-loob na salita at pangaral sa kanilang dalawa. Bilang resulta, hindi pa rin nagawang mag-follow up ni Edna, at hindi ginawa nang maayos ni Anne ang kanyang tungkulin at gusto niya na may pumalit sa kanya. Nakita ko na para mapanatili ang imahe ko bilang isang mabuting lider na mabait at madaling lapitan, hindi ko man lang pinrotektahan ang gawain ng iglesia. Mas ginusto kong magdusa ang gawain para lang mapanatili ang ugnayan ko sa mga tao. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam. Isa akong tagapagpalugod ng tao at isang mapanlinlang na tao. Kung paano ako umasta at umasal ay ganap na nakabatay sa tiwali kong disposisyon. Hindi ko isinasagawa ang katotohanan. Kahit na pinupuri ako ng iba, hindi ako kailanman pupurihin ng Diyos. Dagdag pa rito, hindi ko inilantad o pinuna ang mga problema ng aking mga kapatid, at hindi ako nagbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga ito, kaya hindi nila napagtanto ang mga sarili nilang tiwaling disposisyon o isinagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na nakaapekto sa gawain ng ebanghelyo. Nun lamang napagtanto ko ito saka ko nakita na hindi talaga ako mabuting tao, dahil hindi ko tinutulungan ang mga kapatid na lumago sa pagpasok sa buhay. Sa halip, hinimok ko ang lahat na ipagtanggol ako, purihin ako, at tingalain ako, na kasuklam-suklam sa Diyos. Nung napagtanto ko ito, sobra akong nalungkot, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa paglutas ng aking mga tiwaling disposisyon.

Kalaunan, matapos malaman ang aking kalagayan, pinadalhan ako ng isang sister ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. “And diwa sa likod ng ‘magandang’ pag-uugali tulad ng pagiging madaling lapitan at mabait ay mailalarawan sa isang salita: pagpapanggap. Ang gayong ‘magandang’ pag-uugali ay hindi nagmumula sa mga salita ng Diyos, ni resulta ng pagsasagawa ng katotohanan o pagkilos ayon sa prinsipyo. Ano ang nagbubunga nito? Nagmumula ito sa mga motibo at pakana ng mga tao, mula sa kanilang pagpapanggap, pagkukunwari, panlilinlang. Kapag kumakapit ang mga tao sa ‘magagandang’ pag-uugaling ito, ang layon ay makuha ang mga bagay na gusto nila; kung hindi, hinding-hindi nila iaagrabyado ang sarili nila sa ganitong paraan, at hinding-hindi sila mamumuhay nang salungat sa sarili nilang mga pagnanasa. Ano ang ibig sabihin ng mamuhay nang salungat sa sarili nilang mga pagnanasa? Ito ay na ang tunay nilang kalikasan ay hindi katulad ng inaakala ng mga tao na maganda ang ugali, matapat, malumanay, mabait, at mabuti. Hindi sila nabubuhay ayon sa konsensya at pakiramdam; sa halip, nabubuhay sila upang makamtan ang isang partikular na layon o pangangailangan. Ang tunay nilang kalikasan ay walang sigla at mangmang. Kung wala ang mga batas at kautusang ipinagkaloob ng Diyos, wala sanang ideya ang mga tao kung ano ang kasalanan. Hindi ba ganito dati ang sangkatauhan? Nang magpalabas ang Diyos ng mga batas at kautusan, saka lamang nagkaroon ang mga tao ng kaunting pagkaunawa sa kasalanan. Ngunit wala pa rin silang konsepto ng tama at mali, o ng mga positibo at negatibong bagay. At, kung ganito ang sitwasyon, paano nila mababatid ang mga tamang prinsipyo sa pagsasalita at pagkilos? Kaya ba nilang malaman kung aling mga paraan ng pagkilos, aling magagandang pag-uugali, ang dapat makita sa normal na pagkatao? Kaya ba nilang malaman kung ano ang nagbubunga ng tunay na magandang pag-uugali, anong uri ng paraan ang dapat nilang sundin para maisabuhay ang wangis ng isang tao? Hindi nila kaya. Dahil sa satanikong kalikasan ng mga tao, dahil sa kanilang likas na gawi, kaya lamang nilang magpanggap at magkunwari na namumuhay sila nang disente, at may dignidad—na siyang nagpasimula ng mga panlilinlang na tulad ng pagiging pino at matino, mahinahong kumilos, magalang, iginagalang ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, at pagiging mabait at madaling lapitan; sa gayon ay lumitaw ang mga panlalansi at paraang ito ng panlilinlang. At nang lumitaw ang mga ito, piniling kumapit ng mga tao sa isa o dalawa sa mga panlilinlang na ito. Ang ilan ay piniling maging mabait at madaling lapitan, ang ilan ay piniling maging pino at matino at mahinahon, ang ilan ay piniling maging magalang, na igalang ang matatanda at alagaan ang mga bata, ang ilan ay piniling maging lahat ng bagay na ito. Subalit iisa ang tawag Ko sa mga taong may gayong ‘magagandang’ pag-uugali. Anong katawagan iyon? ‘Makikinis na bato.’ Ano ang makikinis na bato? Iyon ang makikinis na bato sa gilid ng ilog na nakiskis at napakintab ng umaagos na tubig sa loob nang maraming taon kaya wala nang anumang matatalim na gilid. At kahit maaaring hindi masakit tapakan ang mga iyon, maaaring madulas doon ang mga tao kung hindi sila mag-iingat. Sa anyo at hugis, napakagaganda ng mga batong ito, ngunit kapag naiuwi na ninyo ang mga ito, medyo walang silbi ang mga ito. Hindi ninyo maaatim na itapon ang mga ito, ngunit wala rin namang dahilan para itago ang mga ito—at ganyan ang ‘makinis na bato.’ Para sa Akin, ang mga taong may ganitong mukhang magagandang pag-uugali ay walang sigla. Nagkukunwari silang mabuti sa panlabas, ngunit hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, nagsasabi sila ng mga bagay na masarap pakinggan, ngunit hindi sila gumagawa ng anumang tunay. Sila ay walang iba kundi makikinis na bato(Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Dati, palagi kong nararamdaman na ‘yong mga tao na madaling lapitan at magiliw ay mabubuting tao. Hindi ko kailanman naisip na sa likod ng gano’ng mabubuting gawa ay nagtatago ang mga satanikong tiwaling disposisyon at mga personal na mithiin at intensyon. Hinangad ko nang maging isang taong madaling lapitan at magiliw simula nung bata pa ako, at pinuri akong lahat ng mga kaibigan at mga kapatid ko sa pagiging maalalahanin at magiliw ko, pero sa kaibuturan ng puso ko, ang tanging ginawa ko lang ay itulak ang ibang tao na hangaan at purihin ako. Ginamit ko ang kunwaring pagiging madaling lapitan at magiliw para bulagin at linlangin ang mga kapatid ko. Nakita ko na kinikilala ng Diyos ang mga taong may ganitong uri ng magandang pag-uugali bilang “makikinis na bato.” Mukhang maganda ang mga batong ito sa panlabas, at hindi masakit yapakan, pero napakadaling madulas at matumba dahil sa mga ito. Ayos lang na tingnan ang mga ito, pero wala silang praktikal na silbi. Napagtanto ko na ‘yon ako, isang taong mukhang madaling lapitan at magiliw, pero walang ibinibigay na praktikal na tulong sa aking mga kapatid. Puno ng panlilinlang at katusuhan ang puso ko. Mabait ako sa lahat at walang sinumang napasama ang loob. Isa lang akong “makinis na bato,” isang tagapagpalugod ng tao na pinipiling makipagkompromiso na lang, at isang tusong ipokrito. Tulad lang ito ng ibinubunyag ng salita ng Diyos, “Lahat ng nananatili sa isang masayang kalagayan ang pinakamasama. Sinisikap nilang huwag saktan ang damdamin ninuman, pinapasaya nila ang mga tao, sumasabay sila sa agos, at walang nakakahalata sa kanila. Ang gayong tao ay isang buhay na Satanas!(“Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Naiwawaksi Mo ang Mga Tali ng Isang Tiwaling Disposisyon” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Akala ko dati, gusto at sinasang-ayunan ng Diyos at ng ibang tao ‘yong mga madaling lapitan, pero ngayon, alam ko nang ang mga kilos ko ay hindi talaga naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan at sa salita ng Diyos. Ipinapakita ko lang ang mapanlinlang kong disposisyon. Ang mga gano’ng tao ay walang dignidad o karakter, at kinamumuhian sila ng Diyos. Alam ko na kapag hindi ako nagsisi at nagbago, isang araw ay ibubunyag at palalayasin ako ng Diyos. Ayokong maging gano’ng klase ng tao. Kaya nagdasal ako sa Diyos at nagsisi at hiniling sa Diyos na tulungan akong baguhin ang disposisyon ko, bigyan ako ng lakas para isagawa ang katotohanan, at tulungan akong magkaroon ng pusong tapat sa Diyos at sa aking mga kapatid.

Isang araw, pinadalhan ako ng isang sister ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang pamantayan kung paano hinahatulan ang mga gawa ng isang tao bilang mabuti o masama? Depende ito sa kung taglay ba nila o hindi, sa kanilang mga iniisip, pagpapahayag, at kilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng realidad ng katotohanan. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao(“Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). “Ang mga responsibilidad ng mga lider at manggagawa: 1. Akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at unawain ang mga ito, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. 2. Maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang sari-saring mga suliranin na may kaugnayan sa pagpasok sa buhay na nasasagupa nila sa kanilang mga buhay. 3. Ibahagi ang mga prinsipyo ng katotohanan na dapat maunawaan upang magampanan nang maayos ang bawat tungkulin. 4. Alamin ang mga kalagayan ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhang nananagot sa iba’t ibang mahahalagang trabaho, at dagliang ilipat o palitan sila kung kinakailangan, nang sa gayon ay maiwasan o malimitihan ang mga pinsalang bunga ng paglalagay ng mga tao sa hindi angkop na puwesto, at magarantiyahan ang mahusay at maayos na pag-usad ng gawain. 5. Manatiling mayroong napapanahong kaalaman at pagkaunawa tungkol sa katayuan at progreso ng bawat proyekto ng gawain, at lutasin kaagad ang mga problema, ituwid ang mga paglihis, at remedyuhan ang mga hindi kaagad napansing problema sa gawain nang sa gayon ay maayos itong makausad(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan kong ang pamantayan ng Diyos sa pagsuri ng ating pagkatao ay hindi kung gaano karaming panlabas na mabubuting gawa ang ginagawa natin o kung gaano karaming tao ang humahanga sa atin. Sa halip, ito ay kung kaya nating sundin ang Diyos at kung ang mga iniisip at ginagawa natin ay nagpapatotoo sa pagsasagawa ng katotohanan. Tanging ang mga taong tulad nito ang may mabuting pagkatao. Nakita kong iniraraos lang ni Joan ang kanyang tungkulin at pabaya siya, pati na sina Edna at Anne na namumuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon at hindi pinapansin ang isa’t isa. Ang lahat ng ito ay nakaapekto sa gawain ng iglesia. Bilang isang lider ng iglesia, ibinahagi, inilantad, at sinuri ko dapat ang kalikasan ng kanilang ginawa, pero sa halip, sinabihan ko sila ng magagandang salita at sinubukan kong maging isang tagapamayapa. Kahit na nung nakita kong nagdurusa ang gawain ng iglesia, kinailangan kong panatilihin ang maganda kong imahe. Hindi lang sa wala akong patotoo ng pagsasagawa ng katotohanan, nabigo rin akong tuparin ang aking mga responsibilidad bilang isang lider ng iglesia at kahit kaunti ay hindi ako tumulong sa pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid. Akala ko dati, kapag nakasundo ko ang aking mga kapatid at ipinaramdam ko sa kanila na ako ay madaling lapitan at magiliw, isa akong mabuting lider. Ngayong naiisip ko ito, mali ang pagkaunawa na ito. Ang isang mabuting lider ay kayang magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema, kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, hindi matakot na makapagpasama ng loob ng iba, at maging responsable para sa buhay ng mga kapatid. Nang maharap sa mga problema ng aking mga kapatid, sa halip na punahin ang mga ito at tulungan silang makapasok sa mga realidad ng katotohanan, nanlinlang ako para protektahan ang sarili kong imahe, inalo ko sila at pinalakas ang loob, at hindi nilutas ang mga totoong problema. Hindi ba’t niloloko at nililinlang ko lang ang mga kapatid ko? Napagtanto ko na ang dati kong pagkaunawa sa pagiging isang mabuting lider ay mali, at hindi talaga naaayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ang lahat ng aking salita at gawa ay nakabatay dapat sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos. Kung hindi ko isinasagawa ang katotohanan, tinatahak ko ang daan ng paglaban sa Diyos. Gusto ng Diyos ang mga taong kayang magsalita at kumilos ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos kaysa sa sumusunod sa mga tradisyonal na mga kultural na katangian, naghahangad ng papuri, nagsasalita at kumikilos nang hindi tapat, at hindi isinasagawa ang katotohanan. Sa pag-iisip nito, napagtanto ko na kailangan kong baguhin ang paraan ko ng pakikisama sa iba. Bilang isang lider ng grupo, hindi ko na pwedeng isagawa ang tungkulin ko ayon sa mga sarili kong kagustuhan. Sa halip, kailangan kong kumilos ayon sa kalooban ng Diyos at tulungan ang aking mga kapatid na lutasin ang mga problema ayon sa salita ng Diyos, para magampanan nila ang kanilang mga tungkulin ayon sa katotohanan at mga prinsipyo. Responsibilidad ko ito. Sa salita ng Diyos, nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa. Kaya nagdasal ako sa Diyos, at hiniling sa Kanya na gabayan ako sa pagsasagawa ng katotohanan para lutasin ang aking katiwalian.

Mayamaya, binasa ko ang salita ng Diyos. “Ang dapat pagsumikapan ng mga tao na makamtan nang husto ay ang gawin nilang batayan ang mga salita ng Diyos, at gawing pamantayan ang katotohanan; saka lamang sila makakapamuhay sa liwanag at mabubuhay na katulad ng isang normal na tao. Kung nais mong mabuhay sa liwanag, dapat kang kumilos ayon sa katotohanan; kung magiging matapat ka, dapat kang mangusap ng matatapat na salita, at gumawa ng matatapat na bagay. Sa mga prinsipyo ng katotohanan lamang dapat ibatay ang iyong pag-uugali; kapag nawala sa mga tao ang mga prinsipyo ng katotohanan, at nagtuon lamang sila sa magandang pag-uugali, hindi maiiwasang magpasimula ito ng panloloko at pagpapanggap. Kung walang prinsipyo sa pag-uugali ng mga tao, gaano man kaganda ang kanilang asal, mga mapagpaimbabaw sila; maaari nilang maloko sandali ang iba, ngunit hinding-hindi sila magiging katiwa-tiwala. Kapag kumilos at umasal ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, saka lamang sila magkakaroon ng tunay na pundasyon. Kung hindi sila umaasal ayon sa mga salita ng Diyos, at tumutuon lamang sila sa pagpapanggap na kumikilos sila nang maayos, magiging mabubuting tao ba sila dahil dito? Talagang hindi. Ang magandang pag-uugali ay hindi mababago ang diwa ng mga tao. Tanging ang katotohanan at mga salita ng Diyos ang maaaring magpabago sa mga disposisyon, kaisipan, at opinyon ng mga tao, at maaaring maging buhay nila. … Kung minsan, kailangang banggitin at punahin nang diretsahan ang mga pagkukulang, kapintasan, at pagkakamali ng iba. Malaki ang pakinabang nito sa mga tao. Talagang makakatulong ito sa kanila, at makakabuti para sa kanila, hindi ba?(Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Itinuro sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas ng disposisyonal na pagbabago, ‘yon ay ang kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, gamitin ang katotohanan bilang aking pamantayan, hindi magbalatkayo gamit ang panlabas na mabubuting gawa, isagawa ang katotohanan, at maging isang tapat na tao. Kapag nakakakita ako ng mga nangyayari na laban sa mga prinsipyo ng katotohanan, o kapag nakakakita ako ng mga kapatid na isinasagawa ang kanilang mga tungkulin mula sa mga tiwaling disposisyon, kailangan kong maging tapat sa kanila, tratuhin sila ayon sa mga prinsipyo, at magbahagi, punahin ang mga bagay-bagay, o iwasto sila gaya ng kinakailangan. Tanging sa ganitong paraan mapagtatanto ng mga kapatid ang mga paglihis sa pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin, at mababago ang mga bagay-bagay sa oras. Ito ang tunay na pagtulong sa aking mga kapatid, at pagkakaroon ng ugnayan sa kanila batay sa salita ng Diyos. Ito ang kahulugan ng normal na ugnayan ng mga tao. Matapos kong maunawaan kung paano isagawa ang katotohanan, sinabi ko sa sarili ko, “Huwag kang matakot na magsalita tungkol sa mga pagkakamali ng iba, at huwag puro magagandang bagay lang ang sabihin mo. Kinamumuhian ng Diyos ‘yong mga nagpapanggap at nanlilinlang. Ang aking mga salita at gawa ay naaayon dapat sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan.” Kalaunan, nang makita kong tinatamad na naman si Joan, gusto kong sabihin ito sa kanya, pero nung oras na para magsagawa, naging napakahirap na gawin nito. Nag-aalala pa rin ako na mawawalan ako ng magandang imahe sa kanyang puso. Naisip ko ang salita ng Diyos na nabasa ko dati at napagtanto na umaasa pa rin ako sa ideya ng pagiging madaling lapitan at magiliw sa kung paano ako kumilos at umasal. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa pagsasagawa ng katotohanan. Pagkatapos nun, pinuntahan ko si Joan at sinabi ko sa kanya, “Sister, hindi ko alam kung napapagtanto mo, pero dahil iniraraos mo lang ang iyong tungkulin at pabaya ka, maraming baguhan ang hindi pumupunta sa mga pagtitipon. Ang paggawa sa iyong tungkulin nang ganito ay matinding umaantala sa pagdidilig ng mga baguhan.…” Matapos sabihin sa kanya ang kanyang problema, ibinahagi ko rin ang karanasan ko sa kanya. Akala ko magagalit siya at ‘di ako papansinin, pero nagulat ako sa nangyari. Hindi lang sa hindi siya galit, pinagnilayan din niya ang kanyang sarili at sinabing, “Ito ang pagkukulang ko, at kailangan kong baguhin ito.” Pagkatapos nun, nagsimula nang gawin ni Sister Joan nang taos-puso ang kanyang tungkulin, at ang mga baguhan na kanyang dinidiligan ay mas regular nang dumadalo sa mga pagtitipon. Hindi nasira ang ugnayan namin dahil sa patnubay at tulong ko, mas bumuti ito. Kalaunan, nang makita ko ulit ang kanyang katiwalian, direkta ko itong sinabi sa kanya, at kaya niyang tanggapin ito at kilalanin ang kanyang sarili. Ngayon, malaki na ang ipinagbago ng kanyang pag-uugali sa kanyang tungkulin, at kalaunan ay na-promote siya bilang isang lider ng iglesia. Pinuna ko rin ang mga problema nina Edna at Anne. Napagtanto ni Edna ang kanyang kayabangan at sinabi niyang kailangan niyang baguhin ang paraan niya ng pakikipag-usap sa iba, at napagtanto ni Anne ang kanyang tiwaling disposisyon, at sinabi niyang handa siyang magbago. Lubos akong napasaya nito. Salamat sa Diyos! Tanging salita lang ng Diyos ang makakapagpabago sa tao!

Ang maranasan ang mga ito ay nagbigay-daan sa akin na makita na ang isang tunay na mabuting tao ay hindi ‘yong panlabas na kumikilos ayon sa kung anong itinuturing ng mga tao bilang mabuti. Nangangahulugan ito ng pagkilos ayon sa salita ng Diyos, pagsasagawa ng katotohanan, at pagiging isang tapat na tao. Ito ang uri ng tao na mahal ng Diyos. Nalaman ko rin na kapag nakakakita ako ng mga problema sa iba, kailangan kong magbahagi at tulungan sila kaagad, at ilantad at iwasto sila kung kinakailangan. Tanging sa ganitong paraan lang nila mapapagtanto ang sarili nilang katiwalian at mga pagkukulang at mahahanap ang katotohanan at magagawa ang kanilang mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo. Ito ang pinakamabuting paraan para tulungan sila. Ngayon, hindi na ako natatakot na punahin ang mga problema ng aking mga kapatid. Anuman ang maging tingin nila sa akin, gusto kong isagawa na maging isang tapat na tao, sundin ang mga prinsipyo, at pangalagaan ang gawain ng iglesia. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman