Ang Nasa Likod ng Pagiging Maluwag sa Iba

Disyembre 11, 2022

Ni Fang Gang, Timog Korea

Ilang buwan na ang nakararaan, ako at si Brother Connor ay inatasan ng isang lider na mangasiwa sa gawain ng pagdidilig. Makalipas ang kaunting panahon, napansin kong hindi siya gaanong umaako ng pasanin sa kanyang gawain. Hindi siya kaagad nagbabahagi at tumutulong sa mga problema ng mga tao, at hindi masyadong nakikilahok sa mga talakayan sa gawain. Sinabi sa akin ng lider na nagiging pabaya at iresponsable si Connor, at kailangan ko itong bahaginan. Naisip ko, baka abala si Connor, kaya isinantabi niya ang ilang gawain. Naisip ko, hindi naman sa wala talaga siyang ginagawa. Hindi dapat sobra-sobra ang inaasahan ko sa kanya, at pwede ko namang asikasuhin ang mga isyu na hindi pa niya nababahaginan. Kaya naman, hindi ko na siniyasat ang mga problema sa kanyang gawain. Makalipas ang ilang panahon, bago ang isang pagtitipon para sa ilang kapatid, pinaalalahanan ko si Connor na alamin muna nang mas maaga ang kanilang mga isyu at paghihirap para makahanap ng mga naaangkop na salita ng Diyos para sa pagbabahagi, at magawang mas epektibo ang pagtitipon. Kalaunan, tinanong ko ang ilan sa mga kapatid kung natanong na ba sila ni Connor tungkol sa kanilang mga kalagayan at paghihirap, at ang sabi nilang lahat ay hindi pa. Pakiramdam ko ay talagang nagiging iresponsable siya. Maraming paghihirap at pagkukulang ang iba sa kanilang mga tungkulin. Kailangan nila ng mas maraming tulong at pagbabahagi, pero hindi niya ito sineseryoso. Talagang pabaya siya! Naisip kong sa pagkakataong ito, dapat ko na talagang banggitin ang isyu niya. Pero pagkatapos ay naisip ko, kung hindi niya ito tanggapin, kung sabihin niyang sobra-sobra ang inasahan ko at magkaroon siya ng pagkiling laban sa akin, hindi ba ako magmumukhang masyadong mahigpit, masyadong walang simpatya sa iba? Bukod doon, bata pa si Connor, kaya mas malamang na tumutok siya sa kaginhawahan ng laman. Minsan ay nagiging pabaya at tumututok din ako sa kaginhawahan, kaya hindi dapat sobra-sobra ang hinihingi ko. Kaya ko na ito nang mag-isa. Maging mahigpit sa iyong sarili, maluwag sa iba. Magpapakaabala na lamang ako at babawasan ang aking pahinga. Kaya naman, hindi ko binahaginan si Connor at hindi ko tinukoy ang problema niya. Ganoon din ang ginawa ko sa ibang gawain. Kapag nakikita ko na may hindi gumagawa nang maayos, hindi ko tinitingnan kung ano ang sanhi niyon o ano ang dapat gawin, sa halip nagiging mapagpaubaya at mapagpasensya lang ako. Minsan, talagang naiinis o nagagalit ako sa ugali ng isang tao, pero kinikimkim ko lang ito. Naiisip ko, “Hindi bale na nga—hayaan na lang silang gawin kung anuman ang kaya nila, at ako na ang bahala sa iba.” Makalipas ang ilang panahon, nagpapatulong na sa akin ang mga kapatid sa kanilang mga problema. Hindi ako nayayamot o naiinis kapag nakikita kong mataas ang tingin nilang lahat sa akin. Ang buong akala ko, ang pagiging mahigpit sa aking sarili at mapagpatawad sa iba sa aming mga interaksyon ay pagiging isang taong may mabuting pagkatao, hindi tulad ng ibang tao na palaging naghahanap ng mali at hindi kayang magtrabaho kasama ang kahit sino.

Pagkatapos isang araw, may nabasa ako sa mga salita ng Diyos tungkol sa pagiging “mahigpit sa sarili at mapagpasensya sa iba,” at nag-iba ang tingin ko sa aking sarili. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “‘Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba’—ano ang ibig sabihin ng kasabihang ito? Ang ibig sabihin nito ay dapat maging mahigpit ang mga hinihingi mo sa iyong sarili at maging maluwag sa ibang tao, para makita nila kung gaano kaganda ang kalooban mo at kung gaano ka kamapagbigay. Bakit dapat itong gawin ng mga tao, kung gayon? Ano ang layon nitong makamit? Posible ba itong magawa? Ito ba ay talagang natural na pagpapahayag ng pagkatao ng mga tao? Gaano mo dapat ikompromiso ang sarili mo para gawin ito? Dapat kang maging malaya sa mga pagnanasa at hinihingi, kinakailangang makaramdam ka ng mas kaunting kagalakan, magdusa nang higit pa, magbayad ng mas malaking halaga at mas magtrabaho pa para hindi na kailangang mapagod ang iba. At kung umaangal, nagrereklamo, o hindi gumagawa nang maayos ang iba, hindi ka dapat labis na humingi sa kanila—ang humigit-kumulang ay sapat na. Naniniwala ang mga tao na isa itong tanda ng marangal na kabutihan—pero bakit huwad itong pakinggan para sa Akin? Hindi ba ito huwad? (Huwad ito.) Sa ilalim ng normal na mga sitwasyon, ang natural na pagpapahayag ng pagkatao ng isang ordinaryong tao ay ang maging mapagparaya sa kanyang sarili at mahigpit sa iba. Isa iyang katunayan. Nahihiwatigan ng mga tao ang mga problema ng iba—sasabihin ng isang tao, ‘Mayabang ang taong ito! Masama ang taong iyon! Makasarili ang isang ito! Ang isang iyon ay pabaya at pabasta-basta sa paggawa ng kanyang tungkulin! Napakatamad ng taong ito!’—habang iniisip niya sa loob-loob niya, ‘Kung medyo tamad ako, ayos lang. Mahusay ang kakayahan ko. Kahit tamad ako, mas magaling ako kaysa sa iba.’ Hinahanapan niya ng mali ang iba at mahilig mamuna, pero sa kanyang sarili ay mapagparaya siya at mapagpalayaw hangga't maaari. Hindi ba ito natural na pagpapahayag ng kanyang pagkatao? (Natural ito.) Kung ang mga tao ay inaasahang mamuhay ayon sa ideya ng pagiging ‘mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,’ anong paghihirap ang dapat nilang pagdaanan? Kaya ba talaga nila itong tiisin? Ilang tao ang makakagawa nito? (Wala.) At bakit ganoon? (Ang mga tao ay likas na makasarili. Kumikilos sila ayon sa prinsipyo na ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.’) Talaga ngang ipinanganak ang tao na makasarili, ang tao ay isang makasariling nilalang, at lubos na nakatuon sa satanikong pilosopiyang iyon: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.’ Iniisip ng mga tao na magiging nakapipinsala sa kanila, at hindi natural, ang hindi maging makasarili at hindi ingatan ang kanilang sarili kapag may nangyayari sa kanila. Ito ang pinaniniwalaan ng mga tao at ganito sila kumikilos. Kung ang mga tao ay inaasahan na hindi maging makasarili, at hindi maging mahigpit sa mga hinihingi sa kanilang sarili, at handang mawalan sa halip na magsamantala sa iba, isa ba iyong makatotohanang inaasahan? Kung ang mga tao ay inaasahang masayang magsasabi, kapag may nagsasamantala sa kanila, ‘Nagsasamantala ka pero ayos lang sa akin ito. Isa akong mapagparayang tao, hindi kita babatikusin o susubukang gantihan, at kung hindi ka pa sapat na nakinabang, huwag kang mag-atubiling magpatuloy’—isa ba itong makatotohanang inaasahan? Ilang tao ang kayang gawin ito? Ganito ba ang karaniwang asal ng tiwaling sangkatauhan? (Hindi.) Malinaw na hindi normal na nangyayari ito. Bakit kaya? Dahil ang mga taong may tiwaling disposisyon, lalo na ang mga makasarili at masasamang tao, ay nagsisikap para sa kanilang mga sariling interes, at hindi nasisiyahan na natatamo ng iba ang kanilang sariling mga interes. Kaya, ang hindi pangkaraniwang bagay na ito, kapag nangyayari ito, ay isang anomalya. ‘Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba’—ang pahayag na ito tungkol sa kabutihan, na sumasalamin sa kakulangan ng pagkaunawa ng isang panlipunang moralista sa kalikasan ng tao, ay nanghihingi sa mga tao na malinaw na hindi tumutugma sa alinman sa mga katunayan o kalikasan ng tao. Para itong pagsasabi sa isang daga na huwag gumawa ng mga butas o sa isang pusa na huwag manghuli ng mga daga. Tama bang magkaroon ng ganoong kahilingan? (Hindi. Nilalabag nito ang mga batas ng kalikasan ng tao.) Isa itong hungkag na kahilingan, at malinaw na hindi ito umaayon sa realidad(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 6). Hindi ko lubusang naintindihan ang mga salitang ito mula sa Diyos nang una kong mabasa ang mga ito, dahil buong akala ko ay isang mabuting bagay ang “maging mahigpit sa sarili at mapagpasensya sa iba.” Lagi akong humahanga sa mga taong ganoon at gusto kong maging katulad nila. Pero habang pinag-iisipang mabuti ang mga salita ng Diyos, naramdaman kong tumpak na tumpak ang mga ito. Lubos akong nakumbinsi. Lalo na nang mabasa ko ito, “Ang mga taong may tiwaling disposisyon, lalo na ang mga makasarili at masasamang tao, ay nagsisikap para sa kanilang mga sariling interes, at hindi nasisiyahan na natatamo ng iba ang kanilang sariling mga interes. Kaya, ang hindi pangkaraniwang bagay na ito, kapag nangyayari ito, ay isang anomalya. ‘Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba’—ang pahayag na ito tungkol sa kabutihan, na sumasalamin sa kakulangan ng pagkaunawa ng isang panlipunang moralista sa kalikasan ng tao, ay nanghihingi sa mga tao na malinaw na hindi tumutugma sa alinman sa mga katunayan o kalikasan ng tao. Para itong pagsasabi sa isang daga na huwag gumawa ng mga butas o sa isang pusa na huwag manghuli ng mga daga,” Talagang natigilan ako. Ang ideyang ito pala na itinataguyod ko ay hindi praktikal, salungat ito sa pagkatao, at isang bagay na sadyang hindi kayang makamit ng mga tao. Hindi ito maaaring maging pamantayan na dapat sundin. Sa pagbabalik-tanaw sa naging pag-uugali ko, talagang katulad ito ng inilantad ng Diyos. Kapag mahigpit ako sa aking sarili at maluwag sa iba, pakiramdam ko ay tinatrato ako nang hindi maganda at sumasama ang loob ko, at kahit na naaabot ko ang puntong iyon, hindi ko talaga iyon gustong gawin—hindi ako masayang gawin iyon. Tulad na lang kay Connor, alam na alam kong iniraraos lang niya ang kanyang tungkulin, nagiging tamad at iresponsable. Galit ako at gusto kong ilantad ang kanyang mga isyu para maitama niya kaagad ang mga bagay at maging mabuting kapareha sa akin. Pero pagkatapos ay maiisip ko kung paanong hindi ako dapat maging masyadong istrikto, na dapat ay maging mahigpit ako sa aking sarili, at maluwag sa iba, pagkatapos ay hindi ko na siya kakausapin tungkol sa mga problema niya. Pakiramdam ko ay kaya kong magdusa nang kaunti pa, magbayad ng kaunti pang halaga, at huwag sobra-sobra ang asahan sa kanya para hindi ako masyadong magmukhang walang konsiderasyon, masyadong mapaghanap ng mali. Responsable ako sa gawain ng ilang grupo, kaya mabigat na ang trabaho ko. Ang pagtulong pa sa kanya na lutasin ang mga isyu sa kanyang gawain ay nagbigay sa akin ng pakiramdam na tinatrato ako nang hindi maganda, at nagkaroon ako ng maraming reklamo, pero alang-alang sa pagiging mahigpit sa aking sarili at mapagpasensya sa iba, at upang gumanda ang tingin sa akin ng iba, nanahimik na lang ako at pinagpasensyahan ito. Iyon ang aktuwal kong kalagayan, at ang totoong naisip ko. Katulad na lamang ng sinasabi ng Diyos, “Ipinanganak ang tao na makasarili, ang tao ay isang makasariling nilalang, at lubos na nakatuon sa satanikong pilosopiyang iyon: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.’ Iniisip ng mga tao na magiging nakapipinsala sa kanila, at hindi natural, ang hindi maging makasarili at hindi ingatan ang kanilang sarili kapag may nangyayari sa kanila. Ito ang pinaniniwalaan ng mga tao at ganito sila kumikilos.” Lahat tayo ay likas na makasarili, at hindi ako naiiba. Kapag mas marami akong ginagawa, ikinagagalit ko ang hirap ng gawain at ang pagod. Pakiramdam ko ay hindi maganda ang pagtrato sa akin, sumasama ang loob ko, at hindi ako natutuwa rito. Ngunit sumasalungat pa rin ako sa aking puso, nagiging mahigpit sa aking sarili at maluwag sa iba. Anong tiwaling disposisyon ang totoong nagtatago sa likod ng saloobing ito ng pagiging “mahigpit sa sarili at mapagpasensya sa iba”? Ano ang mga kahihinatnan ng pagiging ganoon? Lumapit ako sa Diyos sa panalangin at paghahanap dala ang katanungang iyon.

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “‘Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,’ tulad ng mga kasabihan tungkol sa pagsasauli ng pera na nakita mo at pagiging masaya sa pagtulong sa iba, ito ay isa sa mga hinihingi ng tradisyunal na kultura sa mga tao na kumilos nang may kabutihan. Sa parehong paraan, makakamit o magagamit man ng isang tao ang gayong kabutihan, hindi pa rin ito ang pamantayan o saligan sa pagsukat ng kanyang pagkatao. Maaaring talagang may kakayahan kang maging mahigpit sa iyong sarili at na kumikilos ka sa talagang matataas na pamantayan. Maaaring walang dungis ang iyong moralidad at palaging iniisip ang iba, nang hindi nagiging makasarili at naghahangad ng sarili mong mga interes. Maaaring tila talagang mapagbigay ka at hindi makasarili, at mayroon kang matibay na pagpapahalaga sa panlipunang responsabilidad at sa kabutihan sa lipunan. Ang marangal mong personalidad at mga katangian ay maaaring naipapakita sa mga malapit sa iyo, at sa mga nakakaharap at nakakasalamuha mo. Maaaring ang pag-uugali mo ay hindi kailanman nagbibigay sa iba ng anumang dahilan para sisihin o batikusin ka, sa halip ay nagtatamo ng saganang papuri at paghanga pa nga. Maaaring ituring ka ng mga tao bilang isang taong tunay na mahigpit sa kanyang sarili at mapagparaya sa iba. Gayunpaman, ang mga ito ay walang iba kundi mga panlabas na pag-uugali. Ang mga kaisipan at hangarin ba sa kaibuturan ng iyong puso ay naaayon sa mga panlabas na pag-uugali na ito, sa mga pagkilos na ito na isinasabuhay mo sa panlabas? Ang sagot ay hindi, hindi naaayon ang mga ito. Ang dahilan kung bakit kaya mong kumilos nang ganito ay dahil may motibo sa likod nito. Ano ba talaga ang motibong iyon? Isang bagay, kahit papaano, ang masasabi tungkol dito: Isa itong bagay na hindi mabanggit, isang bagay na madilim at masama. … Masasabi nang may katiyakan na karamihan sa mga humihingi sa kanilang sarili na isabuhay nila ang kabutihan ng pagiging ‘mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,’ ay nahuhumaling sa katayuan. Bunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon, hindi nila maiwasang hangarin ang reputasyon, katanyagan sa lipunan, at katayuan sa paningin ng iba. Ang lahat ng bagay na ito ay nauugnay sa kanilang pagnanais para sa katayuan, at hinahangad ang mga ito nang nakakubli sa mabuti at wastong pag-uugali. At paano nangyayari ang mga bagay na ito na kanilang hinahangad? Ganap itong nagmumula sa at ibinubunsod ng mga tiwaling disposisyon. Kaya, anuman ang mangyari, isabuhay man ng isang tao ang kabutihan ng pagiging ‘mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,’ at kung nagagawa man niya ito nang perpekto, ay hindi makakapagbago sa diwa ng kanyang pagkatao. Sa ipinapahiwatig nito, nangangahulugan ito na hindi nito mababago sa anumang paraan ang kanyang pananaw o mga prinsipyo o magagabayan ang kanyang mga saloobin at perspektibo sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Hindi ba iyon ang kaso? (Oo nga.) Kapag mas may kakayahan ang isang tao na maging mahigpit sa kanyang sarili at mapagparaya sa iba, mas nagiging mahusay siya sa pagpapanggap, sa panlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali at kalugud-lugod na mga salita, at mas nagiging mapanlinlang at masama siya. Kapag mas ganitong uri siya ng tao, mas nagiging malalim ang kanyang pagmamahal at paghahangad ng katayuan at kapangyarihan. Gaano man kahanga-hanga ang kanyang pagpapakita ng kabutihan, at gaano man ito kalugud-lugod pagmasdan, ang hindi masabing paghahangad sa kaibuturan ng kanyang puso, ang kanyang kalikasan at diwa, at maging ang kanyang mga ambisyon ay maaaring sumambulat anumang oras. Samakatuwid, gaano man kabuti ang kanyang pag-uugali, hindi nito maikukubli ang kanyang likas na pagkatao, o ang kanyang mga ambisyon at pagnanais. Hindi nito maitatago ang kanyang kahindik-hindik na kalikasan at diwa na hindi nagmamahal sa positibo at nayayamot at nasusuklam sa katotohanan. Gaya ng ipinapakita ng mga katunayang ito, ang kasabihang ‘Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba’ ay talagang katawa-tawa—ibinubunyag nito ang mga ambisyosong tao na gumagamit ng gayong mga kasabihan at pag-uugali para pagtakpan ang mga ambisyon at pagnanais na hindi nila kayang sabihin(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 6). Nakita ko mula sa inihayag sa mga salita ng Diyos na ang pagiging “mahigpit sa sarili at mapagpasensya sa iba” ay tila ba pagiging maunawain at mapagbigay sa iba, na iyon ay pagiging malawak ang isip at marangal, ngunit sa kaloob-looban, isang kasuklam-suklam, madilim at masamang motibo ang nagtatago. Ito ay pagmamalaki sa iyong sarili sa pamamagitan ng paimbabaw na mabuting pag-uugali, para lang makakuha ng paghanga, at magkaroon ng mas mataas na katayuan at reputasyon sa iba. Ang ganyang uri ng tao ay parang kapuri-puri sa tingin, pero ang totoo, mapagpaimbabaw sila, nagpapanggap na mabuting tao. Naisip ko kung paano ako kumilos at kung ano ang nailantad ko sa pamamagitan ni Connor. Kahit gaano siya kapabaya at kairesponsable sa kanyang gawain, bukod sa hindi ko iyon pinuna at hindi ko siya binahaginan o iwinasto, nagpatuloy pa ako sa pagiging maunawain at sa pangungunsinti. Kahit gaano pa ako kaabala, gaano kakaunting oras ang mayroon ako, ginagawa ko ang anumang hindi nagawa ni Connor. Kahit pa mahirap ito o nakakapagod, ginagawa ko pa rin. Ang katunayan, hindi ako nagiging mapagbigay sa paggawa niyon. Mayroon akong mga lihim na motibo. Takot akong masaktan ang kanyang pride at mapasama ang loob niya kung direkta ko itong sasabihin sa kanya, at pagkatapos ay ano na lang ang iisipin niya sa akin? Nais kong magkaroon ng posisyon at mag-iwan ng magandang impresyon sa iba. Hindi ko ito lubos na gusto—palagi ko lamang pinipilit ang aking sariling gawin ito, para ipakita sa lahat kung gaano ako kamapagbigay, para makuha ang kanilang paghanga. Bilang resulta, habang tumatagal ay lalo akong nagiging madaya at tuso. Tila ba isa akong taong maunawain, pero ang nasa likod niyon ay ang sarili kong mga maling motibo. Binibigyan ko ang mga tao ng maling impresyon, nililinlang sila, niloloko sila. Paano iyon naging normal na pagkatao? Sa puntong iyon, nagkaroon ako ng kaunting pagkakilala sa diwa ng pagiging “mahigpit sa sarili at mapagpasensya sa iba.” Pakiramdam ko ay nakakasuka ang mga kasuklam-suklam na motibong nakatago sa aking puso. Talagang nagpapasalamat din ako sa Diyos. Kung hindi Niya inilantad ang realidad ng bahaging iyon ng tradisyonal na kultura, mananatili sana akong mangmang, iniisip na ang pagiging “mahigpit sa sarili at mapagpasensya sa iba” ay pagiging isang taong may mabuting pagkatao. Sa wakas ay napagtanto ko na isa itong maling paniniwala na ginagamit ni Satanas upang iligaw at gawing tiwali ang mga tao. Hindi talaga ito ang katotohanan, o isang pamantayan na dapat gamitin para suriin ang pagkatao ng isang tao. Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Gaano man nakasunod sa pamantayan ang mga pangangailangan at mga kasabihan ng sangkatauhan sa moral na katangian, o kung gaano man ito naaangkop sa mga panlasa, pananaw, kagustuhan, at maging sa mga interes ng masa, ang mga ito ay hindi ang katotohanan. Ito ay isang bagay na dapat mong maunawaan. Dahil hindi ito ang katotohanan, dapat kang magmadaling itatwa at talikuran ito. Dapat mo ring suriin ang diwa nito, pati na rin ang mga kinahihinatnan ng pamumuhay ayon dito. Makakapagdulot ba ito ng tunay na pagsisisi sa iyo? Makakatulong ba talaga ito sa iyo na makilala ang iyong sarili? Mahihikayat ka ba talaga nito na isabuhay ang wangis ng tao? Hindi nito magagawa ang alinman sa mga bagay na ito. Gagawin ka lang nitong mapagpaimbabaw at mapagmagaling. Gagawin ka nitong mas tuso at masama. May ilan na nagsasabing, ‘Dati, nang itaguyod natin ang mga bahaging ito ng tradisyunal na kultura, pakiramdam natin ay mabubuting tao tayo. Kapag nakikita ng ibang tao kung paano tayo umasal, inaakala rin nila na mabubuting tao tayo. Pero sa totoo lang, alam natin sa ating mga puso kung anong uri ng kasamaan ang kaya nating gawin. Ikinukubli lang ito ng paggawa ng ilang mabubuting gawa. Pero kung tatalikuran natin ang mabuting pag-uugali na hinihingi sa atin ng tradisyunal na kultura, ano sa halip ang gagawin natin? Anong pag-uugali at mga pagkilos ang magdadala ng karangalan sa Diyos?’ Ano ang tingin mo sa tanong na ito? Hindi pa rin ba nila alam kung anong katotohanan ang dapat isagawa ng mga mananampalataya sa Diyos? Nagsalita na ang Diyos ng napakaraming katotohanan, at napakaraming dapat isagawa ang mga tao. Kaya bakit ka tumatangging isagawa ang katotohanan, at iginigiit na maging isang huwad na gumagawa ng mabuti at isang mapagpaimbabaw? Bakit ka nagpapanggap? … Sa madaling sabi, ang punto ng pagbanggit sa mga moral na kasabihan na ito ay hindi lamang para ipaalam sa inyo na ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at na nagmumula ito kay Satanas. Ito ay para ipaunawa sa inyo na ang diwa ng mga bagay na ito ay huwad, mapagpanggap, at mapanlinlang. Kahit na maayos ang asal ng mga tao, sa anumang paraan ay hindi ito nangangahulugan na isinasabuhay nila ang normal na pagkatao. Sa halip, gumagamit sila ng huwad na pag-uugali para pagtakpan ang kanilang mga layunin at mithiin, at para ikubli ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kalikasan, at diwa. Bilang resulta, mas humuhusay nang humuhusay ang sangkatauhan sa pagpapanggap at panlilinlang sa iba, na ginagawa silang mas lalong tiwali at masama. Ang mga moral na pamantayan ng tradisyunal na kultura na itinataguyod ng tiwaling sangkatauhan ay hindi talaga tumutugma sa katotohanang sinambit ng Diyos, ni umaayon sa anumang itinuturo ng Diyos sa mga tao. Walang anumang kaugnayan ang dalawa. Kung itinataguyod mo pa rin ang tradisyunal na kultura, ikaw ay lubusang nalinlang at nalason. Kung mayroong anumang bagay kung saan itinataguyod mo ang tradisyunal na kultura at sinusunod ang mga prinsipyo at pananaw nito, lumalabag ka sa katotohanan, naghihimagsik at sumasalungat ka sa Diyos sa bagay na iyon. Kung itinataguyod mo at tapat ka sa alinman sa mga moral na kasabihang ito, itinuturing ang mga ito bilang saligan o sanggunian kung paano tingnan ang mga tao o mga pangyayari, kung gayon ay nakagawa ka ng pagkakamali. Kung medyo hinuhusgahan o pinipinsala mo ang mga tao gamit ang mga ito, nakagawa ka ng kasalanan. Kung palagi kang kumakapit sa pagsukat sa lahat ng tao sa pamamagitan ng mga moral na pamantayan ng tradisyunal na kultura, patuloy na dadami ang bilang ng mga taong kinondena at ginawan mo ng masama at tiyak na kokondenahin at lalabanan mo ang Diyos. Pagkatapos ay magiging isa kang napakatipikal na makasalanan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 5). Ang pagninilay sa mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng higit pang kalinawan. Kapag napapansin natin ang isang taong nagiging pabasta-basta, tuso, o iresponsable sa gawain, dapat natin itong ipaalam sa kanya o kaya ay pungusan at iwasto siya upang makita niya ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagiging pabaya, at maitama ito kaagad. Iyon ang dapat gawin ng isang taong may mabuting pagkatao. Ngunit para mapangalagaan ang aking reputasyon at katayuan, naging maluwag at mapagpasensya ako, at nanahimik tungkol sa mga problemang nakita ko. Bilang resulta, walang kamalayan si Connor tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon at patuloy siyang naging pabaya at iresponsable sa kanyang tungkulin. Nakakapinsala iyon sa pagpasok sa buhay ng mga tao—isa iyong paglabag. Hindi ako ni paano man nagiging maalalahanin o maunawain sa kanya, bagkus ay napipinsala ko siya. Nakita kong hindi talaga ako mabuting tao. Hindi ko lamang napipinsala ang mga kapatid, kundi naaantala at naaapektuhan ko pa ang gawain ng iglesia. Personal kong naranasan na ang “Maging mahigpit sa sarili at mapagpasensya sa iba” ay hindi ang katotohanan, na hindi ito mabubuting salita na dapat sundin sa buhay, kundi isang maling paniniwala na ginagamit ni Satanas upang iligaw at gawing tiwali ang mga tao. Hindi ko pwedeng hayaan si Satanas na patuloy akong paglaruan—dapat kong gawin ang hinihingi ng Diyos, gamit ang mga salita ng Diyos bilang basehan ko, at ang katotohanan bilang pamantayan ko sa pagtingin at paggawa sa mga bagay-bagay. Pagkatapos niyon, kapag may napapansin akong mga isyu kay Connor, hindi ko na siya kinukunsinti. Tinutukoy ko ang mga ito upang makita niya at mabago.

Hindi nagtagal, nabigyan ako ng responsibilidad para sa isa pang proyekto. Habang sinusuri ito, napansin ko ang isang brother na hindi seryoso sa kanyang tungkulin at pabaya sa lahat ng kanyang ginagawa. Gusto ko na lamang asikasuhin ang mga bagay at nang matapos na, para maiwasang tukuyin ito at maipahiya siya. Pero naisip ko na naiisip ko ang mga iyon para protektahan ang sarili kong mga interes, para makabuo ako ng isang magandang imahe sa iba. Ayaw kong tukuyin ang kanyang isyu, sa takot na mapasama ang loob niya. Kasuklam-suklam na motibo iyon! Naalala ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Kasabay ng pagganap mo nang maayos sa iyong tungkulin, dapat mo ring tiyakin na wala kang ginagawang anumang bagay na hindi kapaki-pakinabang sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos, at wala kang sinasabi na hindi makakatulong sa mga kapatid. Kahit papaano man lang, dapat wala kang gawin na labag sa iyong konsensya at hinding-hindi ka dapat gumawa ng anumang bagay na nakakahiya. Hinding-hindi mo dapat gawin, lalong-lalo na, ‘yung pagrerebelde o paglaban sa Diyos, at hindi mo dapat gawin ang anumang bagay na nakakaabala sa gawain o buhay ng iglesia. Maging makatarungan at marangal sa lahat ng bagay na ginagawa mo at tiyakin na bawat kilos mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos ang prinsipyo na dapat sundin. Anuman ang ginagawa ko, kailangan ay kapaki-pakinabang ito sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid at nakakapagpasigla. Kailangan ko ring ganap at bukas na tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Kapag nakikita ko ang brother na iyon na walang-ingat sa kanyang tungkulin, dapat ko iyong ipaalam sa kanya upang makita niya ang kanyang problema at agad na magbago. Kapaki-pakinabang iyon sa kanyang pagpasok sa buhay at sa gawain ng iglesia. Kung wala akong sasabihin, bagkus tahimik lamang na tutulong sa kanyang gawin ang mga bagay, hindi niya makikita ang kanyang mga isyu at hindi siya uusad sa kanyang tungkulin. Nang maisip ko ito, nagsalita ako tungkol sa mga problemang nakita ko sa kanyang gawain. Matapos niya akong pakinggan ay ninais niyang magbago. Talagang nakadama ako ng ginhawa at kapayapaan matapos kong isagawa iyon at nagkaroon kami ng mas magagandang resulta sa aming tungkulin kaysa dati. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nahanap ko ang Lugar Ko

Ni Rosalie, Timog KoreaMatapos kong maniwala sa Diyos, sobrang masigasig akong naghanap. Anuman ang tungkulin na isaayos ng iglesia para sa...