Mga Pagninilay Pagkatapos Gamitin ang Maling Tao

Abril 23, 2023

Ni Xiaofan, Tsina

Noong tag-araw ng 2020, ako ang namamahala sa tekstuwal na gawain ng iglesia. Napansin ko na magaling si Yang Can magsalita at may kasanayan sa pagsusulat, at masigasig siya sa pagganap sa kanyang tungkulin. Gusto ko siyang pagawin ng tekstuwal na gawain. Matapos ang kaunting pagsisiyasat, nalaman kong iniisip ng karamihan sa mga kapatid na meron siyang mapagmataas na disposisyon, na gusto niya na laging gawin ng iba kung ano ang sinabi niya at na mahirap siyang makatrabaho, pero nagagawa naman niyang makilala ang sarili kapag tinatabas at winawasto siya. Naisip ko, “Lahat ay may tiwaling disposisyon, ngunit darating din ang puntong magbabago siya basta’t tinatanggap niya ang pagpupungos at pagwawasto. Dahil lang sa medyo mayabang siya ay hindi nangangahulugang hindi siya maaaring linangin at maitaas ng ranggo.” Kaya, isinaayos ko na simulan niya ang tekstuwal na gawain. Nang makita ko si Yang Can, siniguro kong ilantad siya sa pagiging mayabang niya at hindi pagtanggap ng mga mungkahi, at nagbahagi ako kung paanong inilalagay siya nito sa landas ng isang anticristo para makilatis ko ang kanyang kamalayan at makumpirma kong tama ang opinyon ko sa kanya. Tila nagsisisi niyang sinabi na, “Kung hindi dahil sa pagbabahagi mo, hindi ko sana makikita kung gaano kalubha ito. Likas nga akong mapagmataas at gusto kong magsisi.” Dahil sa ipinakitang kamalayan at pagsisisi ni Yang Can, napanatag ako na wala siyang malaking isyu. Isa pa, may dedikasyon siya sa pagganap ng kanyang tungkulin, kaya pinili ko siyang maging lider ng grupo. Pero lumipas ang ilang panahon at hindi gaanong naging epektibo ang gawaing pinamamahalaan niya. Pumunta ang kapareha kong si Sister Li Xinming para tingnan kung ano ang nangyayari at natuklasan niyang hindi nakakapagtulungan nang maayos si Yang Can at ang isa pang sister, ngunit pagkatapos makipagbahaginan sa kanila ay napansin niyang nagkaroon si Yang Can ng kaunting kamalayan sa sarili, kaya hindi ko na ito inalaala pa. Sa isang pagtitipon minsan, pinaalalahanan ako ng lider ko na noon pa man ay mayabang na si Yang Can at palautos, at mahilig itong mangontrol, at na ito ay nasa landas ng isang anticristo. Gusto ng lider na mas mahigpit naming subaybayan at pangasiwaan ang gawain ni Yang Can, at humingi siya ng impormasyon kung kumusta si Yang Can. Subalit malaki ang tiwala ko sa sarili ko noong panahong iyon, at tiniyak sa kanya na bagama’t mayabang nga si Yang Can, natatanggap din naman nito kapag tinatabasan at iwinawasto, at isa itong wastong tao. Iniulat ko rin sa lider yung panahong iwinasto ko si Yang Can. Pagkatapos niyon, hindi ko na inisip pa ang paalala ng lider.

Makalipas ang dalawang buwan, hindi pa rin bumubuti ang gawaing pinangangasiwaan ni Yang Can. Nang tingnan ko ito, nagsumbong sa akin si Yang Can na ang miyembro ng grupo na si Sister Li Yang ay may mahinang kakayahan at hindi pa rin nakakaunawa sa mga prinsipyo. Kinailangan itong tulungan ni Yang Can sa bawat problema, na umubos ng maraming oras niya at kaya hindi niya magawa ang gawain ayon sa plano. Iyon ang nakakaantala sa gawain. Nang marinig ko ito, pakiramdam ko ang kawalan nila ng mga resulta ay marahil dahil sa problema kay Li Yang. Kalaunan, pinaalalahanan ako ni Xinming, “Walang nangyayari sa gawain ng grupong ito. Si Yang Can ang lider ng grupo, kaya hindi ba’t isyu iyon sa kanya?” Lubusan akong hindi sumang-ayon at sinabi ko, “Mayabang si Yang Can, oo, pero natatanggap niya ang pagtatabas at pagwawasto, may mahusay siyang pagkaunawa sa mga prinsipyo, at gumaganap ng kanyang tungkulin nang may dedikasyon. Imposibleng ang kawalan ng resulta ay dahil sa kanya. Kulang talaga ang kakayahan ni Li Yang, kaya siya ang nakakaantala sa pag-usad ng gawain. Hangga’t naaangkop ang gagawin nating pagpapalit ng manggagawa, magagamit ni Yang Can ang kanyang mga kalakasan at tiyak na bubuti ang gawain ng grupo.” Hindi gaanong kilala ng mga katrabaho ko si Yang Can, kaya pumayag silang ilipat si Li Yang pagkatapos niyon. ‘Di nagtagal, ipinadala ko si Yang Can para makatrabaho ang ilang kapatid na bagong-sanay pa lamang sa tekstuwal na gawain, para ipakita sa mga ito kung paano gawin ang trabaho. Naisip ko na kung hahayaan ko si Yang Can na gabayan sandali ang mga kapatid na ito, siguradong makakausad sila sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Pagkalipas ng isang buwan, nalaman namin na lahat ng bagong-sanay na mga kapatid ay naging negatibo at nawalan ng motibasyon sa kanilang tungkulin, at sinasabing may mahina silang kakayahan. Dagdag pa, pumapangit ang mga resulta imbes na gumanda. Naguluhan ako. Bago dumating si Yang Can, talagang masigasig ang lahat ng mga kapatid. kaya bakit sila naging negatibo pagdating niya? Tapos, binanggit ni Xinming na pakiramdam niya’y may problema kay Yang Can, at tinanong niya ako kung anong klaseng tao ito. Iginigiit ko pa rin na si Yang Can ay isang taong tinatanggap ang katotohanan. Tapos, nagpatuloy si Xinming, “Kapag kaharap ka ay tinatanggap niya ang pagtatabas at pagwawasto, pero kapag kami ang tumutukoy sa mga problema niya ay talagang nagiging mapanlaban siya.” Nagulat ako rito. Nalinlang ba ako ni Yang Can? Agad kong pinasiyasat nang mas mabuti kay Xinming ang sitwasyon. Nalaman niya na ganap na kontrolado ni Yang Can ang grupo. Kapag may naiiba ang pananaw rito, tatanggihan nito gamit ang anumang kadahilanan at sa huli ay gagawin ang mga bagay sa paraang gusto nito. Dahil palaging tinatanggihan ang kanilang mga ideya, nadama ng mga kapatid na masyadong mababa ang kakayahan nila para sa tungkuling iyon. Sa mga talakayan sa gawain, umaayon na lang ang lahat sa kagustuhan ni Yang Can sa halip na magmungkahi ng kanilang sariling mga opinyon. Maliban sa hindi pagninilay-nilay sa sarili, madalas na nagrereklamo si Yang Can tungkol sa presyur na nararanasan niya at sinabing walang iba kundi siya lang ang nag-aalala tungkol sa gawain. Naging sanhi ito para maramdaman ng mga kapatid na hadlang sila sa gawain, kaya lalo silang naging negatibo. Sinabi ni Xinming na ganito palagi si Yang Can. Nakaramdam ako ng lungkot nang marinig ko ang tungkol dito. Bawat salita ay parang sampal sa mukha ko. Napagtanto ko na nagpanggap si Yang Can para iligaw at linlangin ako. Wala siyang anumang tunay na kamalayan sa sarili at hindi niya tinatanggap ang katotohanan. Noon ko lang napagtanto na ang kawalan ng mga resulta ng tekstuwal na gawain ay ganap na dahil sa akin. Naging bulag ako, pinili ko ang maling tao dahil sa kawalan ko ng pagkakilatis. Tinanggal namin ng mga katrabaho ko si Yang Can pagkatapos niyon, dahil sa mga inasal niya.

Pagkatapos ng pagkatanggal kay Yang Can, nagsimula akong magnilay-nilay sa tunay na dahilan ng pagkabigo ko. Nabasa ko ang siping ito sa mga salita ng Diyos isang araw. “Sa anong batayan kaya masasabi na talagang kilala ng mga tao ang kanilang sarili? Hindi mo pwedeng isaalang-alang lang ang sinasabi nila—ang susi ay tukuyin kung naisasagawa at natatanggap nila ang katotohanan. Para sa mga tunay na nakauunawa sa katotohanan, hindi lamang sila may tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili, ang pinakamahalaga, naisasagawa nila ang katotohanan. Hindi lamang nila sinasabi ang kanilang tunay na pagkaunawa, kundi nagagawa rin talaga nila ang sinasabi nila. Ibig sabihin, ganap na magkaayon ang kanilang mga salita at kilos. Kung maliwanag at kaaya-ayang pakinggan ang sinasabi nila, pero hindi nila ito ginagawa, hindi ito isinasabuhay, kung gayon sa bagay na ito ay naging mga Pariseo sila, mapagpaimbabaw sila, at tiyak na hindi mga taong tunay na nakakikilala sa kanilang sarili. Napakaliwanag pakinggan ng maraming tao kapag ibinabahagi nila ang katotohanan, pero hindi nila napapansin kapag nagkakaroon sila ng mga pagbuhos ng tiwaling disposisyon. Kilala ba ng mga taong ito ang kanilang sarili? Kung hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili, sila ba ay mga taong nakakaunawa sa katotohanan? Ang lahat ng hindi nakakikilala sa sarili ay mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan, at lahat ng nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita ng pagkakilala sa sarili ay may huwad na espirituwalidad, sila ay mga sinungaling. … Kaya ano ba ang dapat na maging batayan sa pagsusuri kung talaga bang kilala ng mga tao ang kanilang sarili? Hindi lang ito dapat kung ano ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Dapat mo ring tingnan kung ano talaga ang naipapamalas sa kanila, ang pinakasimpleng paraan ay ang tingnan kung nagagawa ba nilang isagawa ang katotohanan—ito ang pinakamahalaga. Pinatutunayan ng abilidad nilang isagawa ang katotohanan na tunay nilang kilala ang kanilang sarili, dahil ang mga tunay na nakakikilala sa kanilang sarili ay nagpapamalas ng pagsisisi, at kapag nagpapamalas ng pagsisisi ang mga tao saka lamang nila tunay na nakikilala ang kanilang sarili. Halimbawa, maaaring alam ng isang tao na siya ay mapanlinlang, na marami siyang mga mga walang kapararakang pakana at balak, at maaari din niyang mahalata kapag naghahayag ng panlilinlang ang iba. Sa gayong sitwasyon, matapos niyang masabi sa ilang pagkakataon na mapanlinlang siya, suriin kung tunay niyang pinagsisisihan at iwinawaksi ang kanyang panlilinlang. At kung muli siyang maghayag ng panlilinlang, suriin kung makararamdam ba siya ng pagsisisi at kahihiyan sa paggawa nito, kung taimtim ba siyang nagsisisi. Kung wala siyang kahihiyan, lalo nang walang pagsisisi, ang kanyang kamalayan sa sarili ay pahapyaw at basta-basta lang. Iniraraos lang niya ang mga bagay-bagay; wala siyang tunay na kamalayan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na kulang ang kakayahan ko sa pagsusuri at pagpili ng mga tao. Ang mga pagsusuri natin sa iba ay hindi pwedeng batay lang sa kung anong kamalayan ang ipinapahayag nila. Ang susi ay makita kung paano nila pinapakitunguhan ang mga isyung kinakaharap nila at kung ano ang ginagawa nila. Ang mga tunay na nagmamahal sa katotohanan ay kayang tanggapin ang katotohanan, at kapag may nangyayari, kaya nilang hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang kanilang sarili, at pagkatapos ay magsisi at magbago. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay maaaring kahanga-hangang magsalita, pero nagpapatuloy silang gawin ang gusto nila nang hindi man lang isinasagawa ang katotohanan. Gaano man kahusay o gaano man kalalim tingnan ang kamalayan nila, lahat ito’y kunwari lang, tulad na lamang ng mga Pariseo. Talagang magandang pakinggan ang mga sinabi ng mga Pariseo, talagang matatas, pero sa puso nila ay nayayamot sila sa katotohanan. Hindi nila isinagawa ang mga salita ng Diyos o sinunod man lang ang mga atas ng Diyos. Nang magpakita at gumawa ang Panginoong Jesus, matindi nila Siyang nilabanan at kinondena para protektahan ang sarili nilang katayuan at mga kabuhayan. Sa huli, ipinapako nila Siya sa krus, ginagawa ang isang pinakakarumal-dumal na kasalanan. Malinaw na ang espirituwal na kaalaman na tinatalakay ng mga Pariseo ay isang bagay lamang na nais nilang marinig ng iba, para sila ay hangaan at respetuhin. Lahat ng iyon ay peke. Sa mga pakikipag-ugnayan ko kay Yang Can, akala ko’y kaya niyang tanggapin ang katotohanan dahil kaya niyang aminin na mayabang ang kalikasan niya at sinabi niyang handa siyang magsisi. Pero ang totoo, sinasabi lang niya ang tamang mga bagay sa harap ko para isipin kong kaya niyang tumanggap ng pagtatabas at pagwawasto. Nagpapanggap siya para mapanatili ang kanyang reputasyon at katayuan, lumilikha ng isang huwad na imahe para lokohin ako. Hindi niya talaga tinanggap ang pagtatabas at pagwawasto. Wala siyang kamalayan sa sarili, lalong wala siyang pagnanais na magsisi o magbago. Kahit saan siya magpunta, gusto niyang makapangontrol, at na ang lahat ng bagay ay gawin sa paraang nais niya. Hindi niya kayang makipagtulungan sa sinuman, na nagdulot ng hindi epektibong gawain. Walang-wala siyang kamalayan sa sarili, at nang magtanong ako tungkol sa sitwasyon ay ibinaling niya ang sisi, sinasabing kulang ang kakayahan ni Li Yang para maisip kong nagdurusa ang gawain dahil kay Li Yang. Lahat ng sinabi at ginawa ni Yang Can ay isang palabas lang, lahat ay naglalayong manlinlang, pero naging hangal ako, bulag, at walang pagkakilatis. Labis akong nagtiwala sa sinabi niya kaya inilipat ko si Li Yang, at inisip ko na responsable si Yang Can at may dedikasyon sa paggawa ng kanyang tungkulin. Dahil doon ay naantala ang gawain ng iglesia. Lubusan akong naging bulag! Nakaramdam ako ng matinding pagsisisi at pagkakonsensya nang mapagtanto ko ito, lalo na nang mabasa ko itong mga salita ng Diyos: “Lahat ng huwad na lider ay bulag. Wala silang nakikitang anumang mga problema. Hindi nila matukoy kung sino ang masamang tao o walang pananalig. Nananatili silang walang alam kapag nakikialam o nanggagambala ang sinuman sa gawain ng iglesia, at nagbibigay pa ng mahahalagang posisyon sa mga hangal. Malaki ang tiwala ng mga huwad na lider sa lahat ng itinataas nila ng ranggo, masaya pang ipinagkakatiwala sa mga ito ang mahalagang gawain. Dahil dito ay nagugulo ng mga taong ito ang gawain at malubhang napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—samantalang nagkukunwari ang mga huwad na lider na wala silang alam tungkol dito. … Sa paggamit ng maling tao, nakagawa na sila ng malaking pagkakamali, at dinaragdagan pa nila ang kanilang pagkakamali sa hindi pagtatanong kailanman, hindi pagsisikap na mag-alam pa, o pagsisiyasat sa gawain ng taong ito; ni hindi binabantayan o inoobserbahan ito. Ang ginagawa lamang nila ay kinukunsinti nilang kumilos nang walang habas ang taong ito. Gayon kung magtrabaho ang mga huwad na lider. Tuwing kulang sa tao ang isang trabaho, masaya pang isinasaayos ng mga huwad na lider na italaga ang isang tao at hanggang doon na lang iyon; hindi nila iniinspeksyon ang trabaho kahit kailan, o pinupuntahan man lang iyong tao, inoobserbahan ito, at sinusubukang mag-alam pa. Sa ilang lugar hindi angkop ang sitwasyon para kitain at kausapin ito, pero kailangan mong magtanong tungkol sa trabaho nito, at humanap ng paraan para makumusta kung ano ang ginagawa nito, at kung paano nito nagagawa ang trabaho: tanungin ang mga kapatid, o ang isang taong malapit dito. Kaya bang gawin ito? Ngunit hindi man lang nagtatanong ang mga huwad na lider, ganyan sila kakampante. Ang trabaho nila ay magdaos ng pagtitipon at ipangaral ang doktrina, at kapag tapos na ang pagtitipon at nagawa na ang mga pagsasaayos ng trabaho, wala na silang ibang ginagawa; hindi nila tinitingnan kung ang taong pinili nila ay nakagagawa ba talaga ng trabaho. Sa simula, hindi mo naunawaan ang taong ito, ngunit batay sa kanyang kakayahan, at kanyang pag-uugali at sigla, nadama mo na angkop siya para sa trabahong ito kaya nga ginamit mo siya—at walang mali rito, dahil walang nakaaalam kung ano ang kalalabasan ng mga tao. Ngunit matapos mo siyang itaas ng ranggo, hindi ba dapat ay sinisiyasat mo kung gumagawa ba siya ng totoong gawain, kung paano siya nagtatrabaho, at kung sinusubukan ba niyang maging tuso, magtamad-tamaran, at magpabasta-basta? Ito mismo ang dapat mong ginagawa, ngunit hindi mo ginagawa ang anuman dito, hindi ka nagpapakaresponsable—kaya isa kang huwad na lider, at dapat kang palitan at paalisin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang ganitong uri ng huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain, na pabasta-basta at walang prinsipyo sa pagtataas ng ranggo at pagsasanay ng iba, at na nagtatalaga na lang ng importanteng mga gawain sa kung sinong mga taong hindi naaangkop sa mga prinsipyo. Talagang napakairesponsable rin nila, at kapag nagtatalaga sila ng isang tao na hindi naman naaangkop, hindi nila pinangangasiwaan ito o sinusubaybayan ang gawain ng taong iyon; hinahayaan na lang nila sa sandaling may maitalaga na. Talagang nakakagambala ito sa gawain ng iglesia. Sumama talaga ang loob ko sa lahat ng nagawa ko. Hindi ba’t isa akong huwad na manggagawa na hindi lamang walang pagkakilatis at kabatiran, kundi hindi rin gumagawa ng totoong gawain? Malinaw na isang mapagmataas na tao si Yang Can na nasa landas ng isang anticristo, na gumagambala sa grupo habang binabatikos at pinipigilan ang mga kapatid. Pero wala akong kaalam-alam tungkol dito, pinaniniwalaan ang lahat ng sinabi niya at ipinagtatanggol pa nga siya, kinukunsinti ang panggugulo at panggagambala ng gayong maling tao sa gawain ng iglesia. Bulag nga siguro ako! Umpisa pa lamang ay wala na akong pagkakilatis nang ihalal ko si Yang Can, pero kalaunan, nang manatiling laging mahina ang pagganap niya, hindi ako nagtanong-tanong o inalam ang sitwasyon, at nang banggitin ito ng aking lider at katrabaho, hindi ko pa rin ito kinonsiderang mahalaga. Sa halip, pinili kong magtiwala sa ebidensya na nakikita ng sarili kong mga mata, kaya nasayang ang ilang buwan ng gawain. Ang mas malala pa, alam na alam kong magulo ang gawaing pinangasiwaan ni Yang Can, pero pakiramdam ko pa rin ay may talento siya at isinaayos kong magturo siya ng mga bagong-sanay na tauhan. Bilang resulta, dahil sa kanyang pangmamaliit at mga pangbabatikos, namuhay ang mga kapatid sa isang kalagayan ng pagkanegatibo at maling pagkaunawa, na nakaapekto sa kanilang pagganap ng tungkulin. Kung nagkaroon lang sana ako ng kahit katiting na pagiging responsable at pagnanais na maghanap, sinubaybayan ko sana at pinangasiwaan ang gawain ni Yang Can, at hindi sana gaanong nagtagal bago natuklasan ang mga problema niya na nagdudulot ng napakaraming pinsala. Sinumang lider o manggagawa na may tunay na pagpapahalaga sa responsibilidad at takot sa Diyos ay may dedikasyon sa gawain at kumikilos nang may prinsipyo. Maingat siya sa sinumang itinataas niya ng ranggo at itinatalaga, sinusuri nang husto ang taong iyon, at pagkatapos ay pinangangasiwaan at sinusubaybayan ang gawain nito para masuri kung talagang kaya nito ang trabaho. Kung may anumang pag-aalinlangan, pag-iisipan niya ito at mas mahigpit pa niyang pangangasiwaan ang mga bagay-bagay, at ililipat o tatanggalin ang mga tao sa sandaling matuklasan niya na hindi angkop ang mga ito. Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang mga kawalan sa gawain ng iglesia na dulot ng mga hindi angkop na mga itinalaga. Ang pagpili ko kay Yang Can ay salungat sa mga prinsipyo noong una pa lang, pero hindi ko rin pinangasiwaan o sinubaybayan ang kanyang gawain. Ito ay pagiging iresponsable ko, at pagpapabaya sa tungkulin. Ako ang klase ng huwad na manggagawa na hindi gumagawa ng praktikal na gawain na inilalantad ng mga salita ng Diyos. Matagal akong hindi napanatag pagkatapos niyon. Alam ko na talagang mayabang si Yang Can, kaya bakit hindi ko pinangasiwaan ang gawain niya? Bakit masyado akong nagtiwala sa kanya, sa kabila ng mga babala ng lahat? Paulit-ulit ko itong pinag-isipan.

Tapos isang araw, nakita ko ang ilang mga salita ng Diyos. “May malaki ring kamalian ang mga huwad na lider: Mabilis silang magtiwala sa mga tao batay sa sarili nilang mga imahinasyon. At bunga ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? Paano inihahayag ng salita ng Diyos ang diwa ng tiwaling sangkatauhan? Bakit kailangan nilang magtiwala sa mga tao kung ang Diyos nga ay hindi? Sa halip na husgahan ang mga tao ayon sa kaanyuan, palaging inoobserbahan ng Diyos ang kanilang mga puso—kaya bakit kailangan ng mga huwad na lider na maging napakakaswal kapag hinuhusgahan nila ang iba at pinagkakatiwalaan sila? Masyadong may labis na pagtingin sa sarili ang mga huwad na lider, hindi ba? Iniisip nila na, ‘Hindi ako nagkamali sa pagpili sa taong ito. Wala naman sigurong magiging problema; tiyak na hindi siya isang taong manloloko, na gustong magpakasaya at ayaw magtrabaho nang mabuti. Lubhang maaasahan at mapagkakatiwalaan siya. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?’ Anong uri ng lohika ito? Isa ka bang eksperto? May paningin ka bang gaya ng x-ray? Natatanging kasanayan mo ba ito? Maaaring makasama mo ang taong ito nang isa o dalawang taon, subalit magagawa mo kayang makita kung ano talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kanyang kalikasan at diwa? Kung hindi siya inilantad ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasan at diwang mayroon siya. At gaano pa kaya katotoo iyon kapag madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama? Basta-basta ka nagtitiwala sa kanya batay sa isang panandaliang impresyon o positibong pagtatasa ng ibang tao sa kanya, at naglalakas-loob na ipagkatiwala ang gawain ng iglesia sa ganoong mga tao. Sa bagay na ito, hindi ka ba nagiging bulag na bulag? Hindi ka ba nagiging padalos-dalos? At kapag ganito sila magtrabaho, hindi ba nagiging lubhang iresponsable ang mga huwad na lider?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). “Kung ang iyong saloobin ay matigas na magpumilit, itatwa ang katotohanan, tanggihan ang mga mungkahi ng sinumang iba pa, hindi hanapin ang katotohanan, magtiwala lamang sa iyong sarili, at gawin lamang kung ano ang gusto mo—kung ito ang iyong saloobin anuman ang gawin o hingin ng Diyos, ano ang reaksyon ng Diyos? Hindi ka pinapansin ng Diyos, isinasantabi ka Niya. Hindi ka ba suwail? Hindi ka ba mayabang? Hindi mo ba palaging iniisip na tama ka? Kung hindi ka masunurin, kung hindi ka kailanman naghahanap, kung ang puso mo ay lubusang sarado at palaban sa Diyos, hindi ka papansinin ng Diyos. Bakit hindi ka pinapansin ng Diyos? Dahil kung sarado ang puso mo sa Diyos, matatanggap mo ba ang kaliwanagan ng Diyos? Madarama mo ba kapag kinagagalitan ka ng Diyos? Kapag nagmamatigas ang mga tao, kapag umiiral ang kanilang sataniko at malupit na kalikasan, hindi nila nadarama ang anumang ginagawa ng Diyos, lahat ng iyon ay walang saysay—kaya hindi gumagawa ang Diyos ng gawaing walang silbi. Kung ganito katigas ang uri ng iyong pagiging palaban, ang tanging ginagawa ng Diyos ay manatiling tago mula sa iyo, hindi gagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi kailangan. Kapag ganito katigas ang iyong pagiging palaban, at ganito ka kasarado, hindi pipilitin ng Diyos kailanman na gumawa ng anumang bagay sa iyo, o ipipilit sa iyo ang anumang bagay, hindi Niya kailanman patuloy na sisikaping antigin ka at bigyan ka ng kaliwanagan, nang paulit-ulit—hindi ganyang kumilos ang Diyos. Bakit hindi ganoon kumilos ang Diyos? Dahil higit sa lahat ay nakita na ng Diyos ang isang partikular na uri ng disposisyon sa iyo, isang pagiging halimaw na nayayamot sa katotohanan at hindi tinatablan ng katwiran. At sa palagay mo ba ay makokontrol ng mga tao ang isang mabangis na hayop kapag umiiral ang pagiging halimaw nito? May nagagawa ba ang pagsigaw at paghiyaw rito? May silbi ba ang pangangatwiran o pag-aliw rito? Nangangahas ba ang mga tao na lapitan ito? May isang magandang paraan ng paglalarawan dito: Hindi ito tinatablan ng katwiran. Kapag umiiral ang pagiging halimaw ng mga tao at hindi sila tinatablan ng katwiran, ano ang ginagawa ng Diyos? Hindi sila pinapansin ng Diyos. Ano pa ang masasabi sa iyo ng Diyos kapag hindi ka tinatablan ng katwiran? Walang silbing magsalita pa ng anuman. At kapag hindi ka pinapansin ng Diyos, pinagpapala ka ba, o nagdurusa? Nagkakamit ka ba ng kaunting pakinabang, o nawawalan? Walang dudang mawawalan ka. At sino ang nagsanhi nito? (Tayo.) Ikaw ang nagsanhi nito. Walang namilit sa iyo na kumilos nang ganito, subalit naiinis ka pa rin. Hindi ba ikaw ang nagdulot nito sa sarili mo? Hindi ka pinapansin ng Diyos, hindi mo nadarama ang Diyos, may kadiliman sa puso mo, nakokompromiso ang buhay mo—at ikaw ang nagdulot nito sa sarili mo, ito ang nararapat sa iyo!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Hindi ko hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan sa aking tungkulin. Labis ang pagtingin ko sa sarili, mapagmataas ako, at mapagmatigas. Paulit-ulit akong pinaalalahanan pero hindi ako nakinig, at mapagmatigas akong kumapit sa sarili kong mga ideya. Masyado akong di-makatwiran. Hindi ko talaga kilala si Yang Can bago niyon, at nang marinig ko ang pagsusuri ng iba sa kanya, inisip ko na mayroon lang siyang mapagmataas na disposisyon, at na hindi ito malaking bagay. Nagbahagi ako sa kanya at inilantad siya, at nang mukhang tinanggap niya ito at nagpahayag siya ng pagsisisi, inisip kong isa siyang tao na tinatanggap ang katotohanan. Masyado akong nagtiwala sa kung ano ang nakikita ko sa harapan ko, at wala akong intensyong maghanap. Nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos na: “Sa halip na husgahan ang mga tao ayon sa kaanyuan, palaging inoobserbahan ng Diyos ang kanilang mga puso—kaya bakit kailangan ng mga huwad na lider na maging napakakaswal kapag hinuhusgahan nila ang iba at pinagkakatiwalaan sila? Masyadong may labis na pagtingin sa sarili ang mga huwad na lider, hindi ba?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Ang Diyos ang Panginoon ng sangnilikha at nakikita Niya ang lahat ng bagay. Hindi bumabatay ang Diyos sa anyo ng mga tao. Isa lang akong tiwaling tao na hindi nagtataglay ng alinman sa katotohanan o kabatiran sa anumang bagay, subalit masyado akong mapagmataas, kaswal na hinuhusgahan ang karakter ng isang tao batay sa mga pahapyaw kong nakikita, at pagkatapos ay pinagkakatiwalaan siya at itinataas siya na maging lider ng grupo. Kahit na pinaalalahanan na ako tungkol sa kanya o kahit na alam ko na kung gaano kahina ang paggawa niya, nanatili akong sigurado na hindi ako nagkamali ng paghusga sa kanya. Inantala niyon ang gawain sa loob ng ilang buwan. Masyado akong mayabang at mapagmatigas. Paano iyon naging paggawa ng isang tungkulin? Gumagawa lang ako ng kasamaan! Labis na ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at ang ating mga tiwaling disposisyon ay malalim na nakaugat. Bago natin makamit ang katotohanan at mabago ang ating mga disposisyon, namumuhay tayo ayon sa ating mga satanikong disposisyon. Mayayabang tayo at mapanlinlang, at ganap na hindi mapagkakatiwalaan. Pagdating naman sa kung ano ang kalikasan at diwa ng isang tao, kung hindi natin nauunawaan ang katotohanan, at hindi pa natin siya nakikilala nang matagal-tagal, napakahirap nitong matukoy. Pero mayabang ako at labis ang pagtingin sa aking sarili. Hindi ko nauunawaan ang katotohanan at hindi ako nakakakilatis ng mga tao, sa halip ay mapagmatigas akong kumakapit sa aking mga pananaw at imahinasyon. Kahit anong paalala sa akin ng mga tao, tumanggi akong tanggapin ang sinasabi nila. Patuloy ko lang ginagawa ang gusto ko. Masyado akong di-makatwiran. Naalala ko na sinabi ng Diyos na ang mga Pariseo ay “mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan.” Puno sila ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Nang pumarito ang Panginoong Jesus upang gawin ang Kanyang gawain, mahigpit silang kumapit sa kanilang sariling mga kuru-kuro. Gaano man kamaawtoridad at kamakapangyarihan ang gawain at mga salita ng Panginoong Jesus, hindi nila tinanggap ang alinman sa mga ito. Sa halip, galit na galit nila Siyang itinatwa at kinondena, at sa huli ay ipinapako Siya sa krus. Ang kanilang kasutilan, kayabangan, at kawalan ng katwiran ang nagtulak sa kanila na huwag tanggapin ang gawain ng Diyos, at pagkatapos ay kondenahin at labanan ang Diyos, at sa huli ay pinarusahan sila at isinumpa ng Diyos. Kung hindi ko lulutasin ang aking mayabang at mapagmatigas na disposisyon, magsasanhi ito na labanan ko ang Diyos, at sa malao’t madali ay malalabag ko ang disposisyon ng Diyos at tatalikdan at palalayasin Niya ako. Talagang nakakatakot ang pagkakatantong ito, at nagmadali akong magdasal, magtapat at magsisi.

Tapos, nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos na: “Anuman ang ginagawa mo, kailangan mong matutuhang hanapin at sundin ang katotohanan; sinuman ang nagpapayo sa iyo, kung naaayon ito sa mga prinsipyo ng katotohanan, kahit maliit na bata ang nagbibigay niyon, kailangan mong tanggapin ito at magpasakop dito. Anuman ang mga problema ng isang tao, kung ang kanyang mga salita at payo ay ganap na naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, dapat mong tanggapin ang mga iyon at magpasakop doon. Ang pagkilos sa ganitong paraan ay nagbubunga nang mabuti at alinsunod sa kalooban ng Diyos. Ang susi ay kung ano ang iyong motibo, at kung ano ang iyong mga prinsipyo at pamamaraan sa pamamahala sa mga bagay-bagay. Kung ang iyong mga prinsipyo at pamamaraan ng pamamahala sa mga bagay-bagay ay ayon sa kagustuhan ng tao, mula sa mga ideya at haka-haka ng tao, mula sa mga pilosopiya ni Satanas, hindi praktikal ang iyong mga prinsipyo at pamamaraan, at malamang na hindi maging epektibo, dahil ang pinagmulan ng iyong mga prinsipyo at pamamaraan ay mali, at hindi alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung ang iyong mga pananaw ay ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, at pinamamahalaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, malamang na mapamahalaan mo ang mga ito nang maayos, at kahit hindi ito tinatanggap ng mga tao sa panahong ito, o kaya ay mayroon silang mga haka-haka, o tumututol sila, pagkaraan ng ilang panahon ay mapapatunayang tama ka. Ang mga epekto ng mga bagay-bagay na alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan ay lalo pang lumalago; ang mga bagay na hindi alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan ay maaaring akma sa mga haka-haka ng mga tao sa panahong ito, ngunit mas lalala pa ang mga kahihinatnan, at kukumpirmahin ito ng lahat ng tao. Kailangang wala kang ginagawa na sasailalim sa mga paglimita ng tao o sa sarili mong paglalarawan; dapat ka munang manalangin sa Diyos at hanapin mo ang katotohanan, at pagkatapos ay dapat magsiyasat at magbahaginan nang magkakasama ang lahat. At ano ang layon ng pagbabahaginan? Ito ay ang gawin ang mga bagay-bagay nang ganap na alinsunod sa kalooban ng Diyos, na kumilos ayon sa kalooban ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas ng Tiwaling Disposisyon). Binigyan ako ng pagbabasa sa siping ito ng isang daan pasulong. Kapag nahaharap sa isang bagay, kailangan nating hanapin ang katotohanan. Hindi tayo pwedeng maging mayabang o kumilos ayon sa ating mga personal na kuru-kuro at imahinasyon. Kailangan nating isantabi ang sarili, maging bukas sa puna, makinig sa iba, at gawin ang mga bagay-bagay batay sa mga prinsipyo ng katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng paggawa sa ating mga tungkulin sa ganitong paraan tayo magkakamit ng patnubay ng Diyos at magiging mabisa sa ating gawain. Pinoprotektahan din tayo nito mula sa paggawa ng masama o paglaban sa Diyos. May natutunan akong aral sa kabiguan na ito at nagsimula akong gumawa para kumilos alinsunod sa mga salita ng Diyos, humingi ng mga mungkahi kapag may nangyayari, at hindi na pagkapit sa sarili kong mga opinyon at ideya.

Hindi nagtagal, napansin namin na ang gawain ng grupo ni Wang Juan ay malinaw na humihina simula nang maitaas ang ranggo niya sa pagka-superbisor. Tinalakay namin ito ng ilang katrabaho. Napaisip ang isang sister kung may kinalaman ito kay Wang Juan. Iniisip ko na bagamat medyo mayabang si Wang Juan, tila inaasam niya talaga ang katotohanan, at may taimtim siyang saloobin sa tuwing tinutukoy ang isang isyu sa kanyang pagganap. Pakiramdam ko ay walang problema sa kanya. Ibabahagi ko na sana ang opinyon ko nang maalala ko ang aral na natutuhan ko mula sa dati kong kabiguan. Hindi na ako pwedeng maging mayabang at sutil muli. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kung nais ng mga tao na maliwanagan at magabayan ng Diyos, at matanggap ang mga biyaya ng Diyos, anong klaseng saloobin ang kailangan nilang taglayin? Kailangan ay madalas nilang taglayin ang saloobing naghahangad at masunurin sa harap ng Diyos. Ginagampanan mo man ang iyong tungkulin, nakikisalamuha ka man sa iba, o humaharap sa ilang partikular na isyu na nangyayari sa iyo, kailangan mong magkaroon ng ugaling naghahanap at sumusunod(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa puntong iyon ay hindi kami sigurado kung may kaugnayan ba kay Wang Juan ang hindi magagandang resulta ng gawain, at hindi ito isang bagay na pwede kong pikit-matang husgahan. Kailangan kong magkaroon ng tunay na pagkaunawa sa mga bagay-bagay at makinig sa mga mungkahi ng lahat, saka gumawa ng desisyon batay sa prinsipyo. Kalaunan, sa pamamagitan ng mga praktikal na pag-uusisa at pakikipagbahaginan sa iba pang mga katrabaho, nalaman ko na may mapagmataas na disposisyon si Wang Juan, at na siya ay madaya at mapanlinlang. Para mapanatili ang kanyang reputasyon at katayuan, maglilitanya siya ng tila mahahalagang ideya at ipinagmamalaki niya ang kanyang propesyonal na kaalaman sa mga talakayan para sa gawain, pasimpleng minamaliit ang mga pananaw ng iba upang mahikayat silang sumang-ayon sa kanya. At para hindi sabihin na despotiko siya, sinasabi niya nang may huwad na pagpapakumbaba, “Hindi ako sigurado kung tama ako,” o “Baka mali ako.” Karamihan sa mga kapatid ay kulang sa pagkakilatis sa kanya at inaakala nilang alam niya ang ginagawa niya, kaya bulag silang nakikiayon sa kanya, sumusunod sa mga kahilingan niya. Dahil dito, laging naaantala ang kanilang gawain at hindi sila nakakausad. Bagamat mukhang hinihingi ni Wang Juan ang opinyon ng lahat, sa puso niya, hindi niya talaga tinatanggap ang katotohanan. Nagpapanggap siya para itago ang kanyang despotikong kalikasan, para ilihis at kontrolin ang iba, at mapasunod sila sa gusto niya. Kalaunan ay binasa namin ang mga salita ng Diyos tungkol sa pagtitiwala sa animo’y mga kaloob sa gawain ng isang tao, na mas malinaw pang nagpakita na walang pagkaunawa si Wang Juan sa mga prinsipyo. Ginamit lang niya ang kanyang kagalingan sa pagsasalita, mahusay na memorya, at nakabisadong doktrina para magpakitang-gilas, bagama’t ang totoo, wala siyang kakayahang harapin ang mga praktikal na problema. Batay sa palagiang asal ni Wang Juan, nakita namin na nasa landas siya ng isang anticristo at tinanggal namin siya alinsunod sa mga prinsipyo. Pagkatapos niyang matanggal, mabilis na naalis ang mga balakid sa gawain ng grupo at nagsimula nang muli ang pag-usad.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, talagang naunawaan ko na ang pagganap sa ating tungkulin nang hindi hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan, at paggawa ng mga gawain sa pamamagitan ng pag-asa sa isang mapagmataas na disposisyon ay nangangahulugan na anumang oras ay makakagawa tayo ng masama at malalabanan ang Diyos, at malalabag ang Kanyang disposisyon. Naunawaan ko rin ang kahalagahan ng paghahanap sa katotohanan kapag may nangyayari, at pagtingin sa mga tao at mga bagay ayon sa salita ng Diyos. Ito ang tanging paraan para maiwasan ang paggawa ng maling bagay, at ang tanging paraan para magampanan nang maayos ang ating tungkulin upang mapalugod ang Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Aking Pinili

Ni Baiyun, Tsina Noong Marso 2012, ibinahagi ng mama ko sa akin ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sinimulan ko...