Lubhang Walang Katuturan ang Pagdakila at Pagpapatotoo Ko sa Diyos

Setyembre 22, 2019

Ni Zhang Cheng, Lalawigan ng Shandong

Sa bawa’t pagkakataon na nakita ko ang ilang lider at kapwa manggagawa sa iglesia na nagiging anticristo, at inaalis ng Diyos, dahil lagi nilang pinatotohanan ang kanilang sarili at dinala ang mga kapatid sa kanilang harapan, binalaan ko ang aking sarili: Kailangan kong tiyakin na dakilain at patotohanan ang Diyos sa lahat ng bagay; sa anumang sitwasyon, hindi ako dapat magpasikat o hindi ko dapat dakilain ang aking sarili, kung hindi ay tatahak ako sa landas ng mga talunan. Kaya nga, sa bawat pagkakataon na nagbahagi ako, nagtuon lamang ako sa paghahayag ng sarili kong katiwalian at hindi ko binanggit kailanman ang tungkol sa pagsasagawa o pagpasok mula sa positibong aspeto. Nang sabihin ng iba na nakapasok o nagbago ako nang kaunti, tahasan ko iyong ikinaila. Ang pagsasagawang ito, sa paniwala ko, ay pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos.

Isang araw, narinig ko ang mga salitang ito mula sa isang pagbabahagi: “Hindi ganap ang kaalaman ng ilang tao tungkol sa pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos, kaya ang isinasagawa nila ay hindi lubos na tama. Iniisip nila na ang ibig sabihin lamang ng pagsasalita tungkol sa pagdanas ng gawain ng Diyos ay pagsasalita tungkol sa pagkaalam sa sarili nilang katiwalian, paglalantad sa sarili nilang katiwalian, at pagsisiwalat, at pagsusuring mabuti sa paghahayag ng sarili nilang katiwalian—na ito lamang ang pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos. Ang pagsasalita tungkol sa gayong mga aspeto ng karanasan at patotoo bilang mga pagbabago sa sarili at ang prosesong nagpapabago sa isang tao, o ang pagpasok ng isang tao sa realidad, ay parang nagpapatotoo ka sa iyong sarili, hindi sa Diyos. Tama ba ang gayong kaalaman? Ang pagsasalita ba tungkol sa prosesong nagpabago sa iyo ay kapareho ng pagpapatotoo sa iyong sarili? Hindi. … Ang kailangan nating maunawaan ay na ang pinakaepektibo sa pagdadala ng mga tao sa harapan ng Diyos, kapag mga negatibong karanasan lamang ang binabanggit mo, at wala kang sinasabi tungkol sa positibong pagpasok, limitado ang epekto, at hindi uliran, at wala pa ring landas na tatahakin ang mga tao. Sa oras ng inyong mga pagbabahagi, nakikita lamang ng ibang mga tao kung paano ka magsiwalat, paano mo sinusuri ang sarili mo, at paano mo inilalantad ang buong pagkatao mo. Paano na ang positibong pagpasok mo, paano na ang pagsasagawa mo? Anong hakbang sa pagsasagawa ang iniaalok mo sa mga tao? Hindi mo pa nasasabi sa mga tao kung paano sila dapat magsagawa mula ngayon. … Hindi nauunawaan ng ilang tao kung ano ang pagpapatotoo sa sarili. Iniisip nila na ang pagsasalita tungkol sa kanilang mga positibong aspeto at tungkol sa aspeto ng kanilang pagpasok sa realidad, ay pagpapatotoo sa kanilang sarili—ngunit talagang mas magandang patotoo ito sa Diyos, mas perpektong patotoo sa Diyos. Ang kakayahan nating magkaroon ng kaunting realidad, ng kaunting mabubuting gawa, ng kaunting katapatan sa pagganap sa ating mga tungkulin—hindi ba ito ang pag-ibig ng Diyos? Hindi ba ito ang biyaya ng Diyos? Hindi ba ito ang epekto ng gawain ng Banal na Espiritu? Sa pagbabahaginan tungkol sa gayong mga bagay, mas nagagawa mong magpatotoo tungkol sa walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos, sa kung paanong ang gawain ng Diyos ay ang gawain ng pagliligtas sa tao, sa kung paano maaaring baguhin ng mga salita ng Diyos ang mga tao, at gawin silang perpekto, at iligtas sila. Sa gayon, kailangan ding banggitin sa pagpapatotoo sa gawain ng Diyos ang sarili mong positibong pagpasok, kung paano mo nagawang pumasok sa huli samantalang hindi mo iyon nagawa dati; kung paano mo nakilala ang sarili mo sa huli samantalang hindi mo iyon nagawa dati, at nagawa mong malaman ang diwa ng iyong likas na pagkatao; kung paano mo nagawang sumunod sa Diyos, bigyan Siya ng kasiyahan, at magpatotoo sa Kanya samantalang nilalabanan at sinusuway mo Siya dati. Kung kaya mong ibahagi ang gayong mga karanasan at patotoo nang buung-buo, buo at lubos na ang iyong patotoo sa Diyos. Ito lamang ang totoong pagpuri at pagpapatotoo sa Diyos. … Kung ang patuloy lamang na ikinukuwento mo ay ang sarili mong katiwalian at kapangitan, at kung, pagkaraan ng isang dekada o mahigit pa, wala kang nasasabi tungkol sa mga pagbabago sa iyong sarili, pagpuri at pagpapatotoo ba ito sa Diyos? Pagluwalhati ba ito sa Diyos? Maaari ba itong magpatotoo sa walang-hanggang kapangyarihan ng gawain ng Diyos? … Kung nagiging negatibo at napapalayo ang mga tao sa Diyos dahil sa iyong patotoo, hindi iyon patotoo. Kontra sa Diyos ang iyong gawain, gawain iyon ni Satanas; gawain iyon na kontra sa Diyos” (Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay). Nang marinig ko ito bigla kong natanto na ang determinadong paglalantad sa sarili ko at pagkukuwento tungkol sa pagbubunyag ng sarili kong katiwalian ay hindi pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos; ang tunay na patotoo at pagdakila sa Diyos ay hindi lamang kinapapalooban ng pagsasalita tungkol sa pagkaalam sa sarili mong tiwaling diwa habang nararanasan mo ang gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos; ang mas mahalaga ay magsabi ng isang bagay tungkol sa iyong positibong pagsasagawa at pagpasok. Halimbawa: Ano nang mga katotohanan ang nalaman mo, ano na ang nalaman mo tungkol sa Diyos, ano na ang mga epekto ng gawain ng Diyos sa iyo, ano na ang mga pagbabagong nangyari sa dati mong disposisyon, at iba pa. Kung tunay kang nagsasalita tungkol sa mga aspetong ito ng karanasan at kaalaman, sa pamamagitan ng aktuwal na mga karanasan na ibinabahagi mo matutulutan mo ang mga kapatid na magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos, at makita na ang gawain ng Diyos ay talagang makapagliligtas sa mga tao at magpapabago sa kanila, sa gayon ay magkakaroon sila ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at, kasabay nito, magbibigay ito sa kanila ng isang hakbang ng pagsasagawa at pagpasok, at ipapaalam sa kanila kung paano bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ito lamang ang tunay na pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos, at ang gayong patotoo lamang ang magbibigay ng kahihiyan kay Satanas. Ang pagkaunawa ko sa pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos, sa kabilang dako, ay lubhang makasarili, lubhang walang katuturan. Akala ko ang pagsasabi ng iba pa tungkol sa sarili kong katiwalian sa harapan ng mga kapatid, kaya nila ako hinamak, ay pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos. Akala ko ang pagkukuwento tungkol sa mga positibong aspeto ng aking pagpasok ay pagdakila at pagpapatotoo sa sarili ko. Napakabobo ko! Sa puntong ito, hindi ko maiwasang isipin ang pagsasagawa ko at ang epekto ng pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos.

Minsan, naaalala ko kung paano sinabi ng isang sister na nagpakilala sa akin, “Tinalikuran na ninyong mga lider ang inyong pamilya’t propesyon para gampanan ang inyong tungkulin nang malayo sa inyong tahanan, nagdusa na kayo ng maraming hirap, nagdanas ng maraming bagay, at nauunawaan na ninyo ang maraming katotohanan. Sa inyong lahat, may kaunting pagpasok at pagbabago. Ngunit sa pananatili sa bahay, labis akong napipigilan ng laman, iilan lamang ang mga pagkakataon na payapa ang puso ko sa harapan ng Diyos, at wala pang pagbabago sa akin. Gustung-gusto kong maging katulad mo.” Nang marinig ko ito, naisip ko sa sarili ko, “Kailangan kong dakilain ang Diyos at patotohanan Siya, kailangan kong ibahagi ang sarili kong katiwalian, at hindi banggitin ang sarili kong mga pagbabago, kung hindi ay magiging mataas ang tingin sa akin ng sister na ito.” Dahil dito, siniguro kong banggitin kung paano ako naging mayabang at suwail noong araw sa mga pagsasaayos ng iglesia sa pagganap sa aking tungkulin, kung paanong hindi ko kinayang pakisamahan ang aking mga kapatid, kung gaano karami sa sinabi ko ang may bahid ng kabulaanan, kung paano ko sinubukang lokohin at paghinalaan ang mga tao …. Matapos marinig ang aking pagbabahagi, sinabi ng sister, “Akala ko medyo nagbago ka na nga—pero lumalabas na ikaw man ay hindi pa nagbago. Hah! Wala pang sinuman sa inyo ang nagbago, at dahil diyan ay mas malala pa ako.” Pagkatapos niyon, bagama’t hindi na mataas ang tingin sa akin ng sister na ito at hindi na niya ako tiningala, naging negatibo siya dahil dito, at inakala niya na wala na siyang pag-asang maligtas. Minsan, sa oras ng pagtitipon, kinausap ko ang mga kapatid tungkol sa isang aspeto ng aking katiwalian: kung paano ako nagkaroon ng mga pagkaintindi tungkol sa Diyos. Tinalakay ko lamang kung paano ako nagkaroon ng mga pagkaintindi tungkol sa Diyos, hindi kung paano ko nilutas ang mga pagkaintinding ito, at lumabas na hindi nagkaroon ng gayong mga pagkaintindi ang mga kapatid, subalit nagkaroon sila niyon matapos marinig ang pagbabahagi ko. At iba pa. Iyon ang naging epekto ng inakala kong pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos. Ang pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos na isinagawa ko ay hindi lamang hindi nagpatotoo sa awtoridad at kamahalan ng mga salita ng Diyos, kundi sa halip ay nagkaroon ng mga pagdududa at pagkaintindi ang mga kapatid tungkol sa gawain ng pagliligtas, pagpapabago, at pagpeperpekto ng Diyos sa mga tao; nawalan sila ng pananampalataya sa pagliligtas, ni hindi sila naganyak na hanapin ang katotohanan o nagpasiya na aktibong makipagtulungan. Ang pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos na isinagawa ko ay hindi nagpatotoo sa mga tao tungkol sa kabaitan, pagiging kaibig-ibig, at katuwiran ng Diyos, hindi ito nagpatotoo tungkol sa mabubuting intensyon ng Diyos sa pagliligtas sa tao, na nagpapakita sa mga tao ng pag-ibig ng Diyos, at tinutulutan silang makilala ang Diyos; sa halip, nagkaroon ng mga pagkaintindi at maling pagkaunawa ang mga kapatid tungkol sa Diyos, at namuhay sila sa maling kalagayan. Paano ko dinadakila at pinatototohanan ang Diyos? Nagkakalat lamang ako ng pagkanegatibo at nagpapalabas ng kamatayan. Ang totoo, sinasaktan ko noon ang mga tao at naghahatid ako ng kasiraan sa kanila. Bagama’t, sa tingin, hindi naman mukhang may nagawa akong malinaw na masama, ang diwa ng aking mga ikinilos ay salungat sa Diyos, naghasik iyon ng kawalang-kasiyahan sa kaugnayan ng mga tao sa Diyos, pag-atake iyon sa pagiging positibo ng mga kapatid, at naging dahilan para lumayo sila sa Diyos. Masama talaga ang ginagawa ko noon, iyon lang at wala nang iba! Talagang kinamumuhian at kinasusuklaman ito ng Diyos!

Salamat sa Diyos at niliwanagan Niya ako kung paano talaga dakilain at patotohanan ang Diyos, sa pagtutulot na malaman ko kung gaano lubhang walang katuturan ang sarili kong pagkaunawa sa pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos, sa pagtutulot sa akin na makita na ang totoo, ang inaakala kong pagdakila at pagpapatotoo sa Diyos ay mabigat na paglaban sa Diyos. Kung nagpatuloy ako nang gayon, sa huli ang mangyayari lamang sa akin ay maaalis ako at mapaparusahan dahil naglingkod ako sa Diyos ngunit nilabanan ko Siya. Simula noong araw na iyon, hinangad kong baguhin ang mga bobong pamamaraan ko sa buhay; nang magbahagi ako tungkol sa pagkilala sa sarili ko, kailangan kong higit na magsalita tungkol sa landas tungo sa positibong pagpasok, at tungkol sa pagpapatotoo sa pagdanas at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Kailangan kong magpatotoo tungkol sa lahat ng nalaman ko—para, sa tulong ng aking mga karanasan at kaalaman, maaaring maunawaan ng mga kapatid ang kalooban ng Diyos, maranasan nila ang gawain ng Diyos, at makilala sa Diyos, na talagang maghahatid sa kanila sa harapan ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Gamot Para sa Inggit

Ni Xunqiu, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang...

Leave a Reply