Mahabang mga Taon sa Bilangguan

Enero 16, 2022

Ni Anning, Tsina

Isang araw noong Disyembre, 2012, halos isang taon na akong mananampalataya, at nasa daan kami ng isang nakababatang kapatid para ibahagi ang ebanghelyo. Higit sa isang dosenang pulis ang biglang lumapit sa amin at pinadapa kami sa lupa. Ito ang unang pagkakataon kong maranasan ang isang bagay na tulad no’n, at natakot ako. Walang tigil akong nagdarasal. Dinala nila kami sa isang malaking silid sa mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan at nag-iwan ng apat na pulis para bantayan kami. Nang iangat ko ang ulo ko at sinulyapan sila, lumapit ang isa sa kanila at dalawang beses akong sinampal, tapos malakas akong sinipa sa sikmura. Kumikirot ang mukha ko at sobrang sakit din ng tiyan ko. Dalawampu’t isang taong gulang lang ako, at ’yong kapatid na kasama kong naaresto ay labinlima o labing-anim lang. Nang makitang sinaktan ako, nagsimula siyang lumapit at tulungan ako, pero ikinuyom ng pulis ang kanyang kamao at inundayan siya. Hinatak ko siya para mahigpit siyang yakapin, at marahas kaming pinaghiwalay ng ibang pulis. Akala ko parati na ang mga pulis ay nariyan para pagsilbihan ang mga tao, na lahat ng ginagawa nila ay para sa hustisya. Laking gulat ko nang makita kong napakasama nila, na magiging ganito sila kahit sa dalawang babae. Tahimik kong dinasal ito: “Diyos ko, pakiusap, bantayan Mo ako at bigyan ng pananampalataya para paano man nila ako bugbugin, hindi ko tatraydurin kailanman ang mga kapatid, hindi kailanman magiging Judas at pagtataksilan Ka!”

Makalipas ang alas sais ng gabing iyon, dinala nila ako sa isang malaking patyo kung saan nakikita ko ang higit sa tatlumpung ibang kapatid na naaresto. Isang pulis ang lumapit para tanungin ako mga bandang alas nwebe ng gabi: “Gaano katagal ka nang naniniwala sa Diyos? Sinong nagpasampalataya sa’yo? Sino pa sa pamilya mo ang naniniwala?” ’Di ako sumagot. Dinala nila ako sa isang detention house nang sumunod na gabi. Nang dumating ako roon, nakita ko ang hile-hilerang bakal na gate at talagang natakot ako, hindi alam kung anong gagawin sa akin ng mga guwardiya roon. Nagdasal ako sa Diyos, humihiling ng pananampalataya at lakas sa Kanya. Nang makarating kami sa aking selda, sinabi ng guwardiya sa pinuno ng seldang iyon na “alagaan” ako. Nang oras na iyon hindi ko alam ang ibig sabihin no’n. Sa sahig mismo ako pinatulog ng pinuno, kahit na kalagitnaan iyon ng taglamig, nagyeyelo sa lamig. Kinaumagahan, pinatayo agad nila ako sa sahig nang nakayapak, kaya labis na nanlamig ang mga paa ko na namula ang mga ito nang husto. Pero hindi pa ’yon sapat—pinatayo nila ako sa labas sa isang mahangin na lugar, hindi ako pinakain ng almusal, at pinalinis sa akin ang sahig nang nakaluhod. Noon ko napagtanto na ang ibig sabihin ng “alagaan” ay maltratuhin. Pasado alas otso ng umaga, tinanong ako ng pinuno kung aamin ako, at sinabi kong, “Hindi, ang pagkakaroon ng pananampalataya ay hindi isang krimen.” Dalawang beses niya akong sinampal gamit ang likod ng kanyang kamay. Maraming beses akong tinanong ng mga pulis pagkatapos no’n, pero pinanatili kong tikom ang bibig ko sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsandal sa Diyos.

Dinala ako ng mga pulis sa korte noong Mayo 2013, kung saan hinatulan ako ng hukom ng “paggamit ng organisasyong xie jiao para pahinain ang pagpapatupad ng batas,” at nang tanungin niya ako kung mayroon akong anumang pagtutol, tinanong ko siya, “Bakit mo sinasabing ginawa ko ang krimeng ito?” Sumagot siya, “Mayroon kang karapatang sumagot, hindi karapatan para magtanong.” Nagalit ako. Malinaw na binibigyan ng Konstitusyon ang mga mamamayan ng karapatang tamasahin ang kalayaan sa relihiyon, kaya walang anumang nilabag na batas ang pagkakaroon ng pananampalataya at pagbabahagi ng ebanghelyo, pero isinampal nila sa akin ang paratang na iyon, at ni hindi ako makapagtanong. Paano ang katarungan? Paano ang kalayaan? Apat na taon. Ang sandaling iyon na nakita ko ang hatol ay napakahirap para sa akin. Dalawampu’t dalawang taong gulang lang ako, napakabata pa. Hindi ako makapaniwalang gugugulin ko ang mga taong iyon sa kasagsagan ng aking kabataan sa bilangguan. Tapos naisip ko na gaano man ako katagal na makulong ay nasa sa Diyos, at hindi ako maaaring magreklamo o sisihin Siya, kundi kailangan kong magpasakop at lagpasan ito sa pamamagitan ng pagsandal sa Kanya. Nakatulong iyon sa akin na medyo gumaan ang pakiramdam. Nasentensyahan siya ng sampung buwan.

Dinala ako sa bilangguan ng mga babae noong Agosto 2013 para magsilbi ng sentensya ko. Inilagay ako no’ng una sa education unit kung saan hiningi ng mga guwardiya ang impormasyon tungkol sa iglesia at kung aaminin ko ang kasalan ko. Sinabi kong, “Ayoko.” Tapos pinabantayan nila ako sa ilang iba pang preso. “Iipitin” ako ng dalawang preso, palaging nakadikit sa akin at hindi ako pinapayagang makipag-usap sa ibang kapatid na naroon. Palagi nilang pinapaaral sa akin ang mga panuntunan sa bilangguan at bine-brainwash nila ako, palaging nagkukwento ng tungkol sa ebolusyon. Galit na galit ako, pero nakita ko kung gaano kawalang saysay na makipagtalo sa kanila, kaya lubos na hindi ko sila pinansin. Inutusan rin ng mga guwardiya ng bilangguan ang ibang preso na parusahan ako, pinapahila sa akin ang isang malaking supot ng basura pababa ng hagdan mula sa ikalimang palapag papunta sa unang palapag tuwing umaga. Talagang napakabigat nito at napakabaho, at pawisang-pawisan ako sa paghila nito. Hindi ko nagawa kailanman ang ganoon karuming gawain sa bahay, at talagang pakiramdam ko’y tinrato ako nang masama at nabagabag ako. Tapos ay naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung nais mong gawing perpekto ng Diyos, dapat mong matutuhan kung paano danasin ang lahat ng bagay, at makamit ang kaliwanagan sa lahat ng mangyayari sa inyo. Mabuti man ito o masama, dapat itong magdala ng kapakinabangan sa iyo, at dapat hindi ka gawing negatibo. Anupaman, dapat mong maisaalang-alang ang mga bagay habang nakatayo sa panig ng Diyos, at hindi suriin o aralin ang mga ito mula sa pananaw ng tao (ito ay magiging isang paglihis sa karanasan mo)(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pangako sa Yaong mga Nagawang Perpekto). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na anumang mangyari sa akin, naglalaman ang lahat ng ito ng kabutihang loob ng Diyos at dapat kong tanggapin ito mula sa Diyos. Inilalaban ng mga guwardiya ng bilangguan ang ibang preso sa akin, para pagtaksilan ko ang Diyos. Hindi ako maaaring bumigay rito. Hindi ko kailanman maaaring talikuran ang Diyos paano man nila ako pahirapan. Talagang pinagaan ng isiping ito ang aking pagdurusa.

Makalipas ang dalawang buwan, inilipat nila ako sa isang lugar na partikular na ginagamit para sa brainwashing at kombersyon at inilagay ako sa bantay-saradong pamamahala. Kinailangan kong kumain, uminom, matulog, at dumumi’t umihi sa isang maliit na silid. Dalawa o tatlong tagapagturo ang nagbe-brainwash sa akin araw-araw, puspusan akong tinuturuan tungkol sa tradisyunal na kultura, pinapapanood ako ng mga video tungkol dito at pagkatapos ay pinapasulat ako ng mga pagninilay-nilay sa mga ito. Sa halip ay mga bagay na nagpapatotoo sa Diyos ang isinulat ko. Binigyan din nila ako ng isang libro na walang laman kundi mga kasinungalingang nilalapastangan ang iglesia, at sinabing inaabandona ko ang aking pamilya para sa aking pananampalataya, tumatangging alagaan ang aking mga magulang, na wala akong puso. Sobrang nagalit ako doon, sumagot ako, “Binabaliktad n’yo ang mga bagay-bagay. Kayo ang nagdala sa akin dito, paano ako makakauwi para alagaan ang mga magulang ko?” Tapos ay nagsabi sila ng lahat ng uri ng mga bagay na kalapastanganan sa Diyos at gusto nila akong pasulatin ng mga liham ng pagsisisi at kung ano-ano pa. Nang tumanggi ako, ininsulto nila ako at hindi ako pinatulog. Malakas na sisigaw ang isang preso sa sandaling pumikit ang isang mata ko. Mayamaya, isang preso ang humila sa kamay ko para puwersahin akong isulat ang mga liham na iyon. Sa puntong iyon, wala na akong lakas, sa katawan at isipan, at humihina ang puso ko, kaya hindi ko nilabanan ito. Naisip ko, “Sabagay, sila ang pumupwersa sa aking gawin ito, hindi ako ang gumagawa nito.” Pero naisip kong nakikita ng Diyos ang ating mga puso at isipan, at sa paggawa nito, hindi ba’t sinusunod ko si Satanas? Tapos ay naalala ko ito mula sa mga salita ng Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa gitna ng mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panghihimasok ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Tinulungan ako nitong maunawaan na ito’y isang espirituwal na labanan. Ang bawat salita at gawa ko, ang bawat galaw ko ay sinuri ng Diyos. Sa panlabas, isang preso ang humahawak sa kamay ko para magsulat ako, pero ’pag hindi ko ito nilabanan, nangangahulugan itong sa puso ko, bumigay na ako kay Satanas. Magiging isang uri ’yon ng pagtataksil sa harap ng Diyos. Sa isiping ito, lumaban ako sa kanya at sinimulan akong itulak at isalya ng dalawang preso, sobrang lakas akong sinampal. Hindi hinayaan ng brainwashing class director na saktan nila ako, nagkukunwaring mabait. Sinabi ng isa sa kanila, “Tingnan mo kung gaano siya kabait sa’yo—’wag kang inggrata, isulat mo na lang ang mga salaysay na iyon.” Naisip ko, “Pinahihirapan at sinasaktan n’yo ako araw-araw, sinusubukan akong puwersahin na isulat ang mga ito, tapos sasabihin n’yong mabait kayo sa akin. Walang hiya!” Pagkatapos no’n, kung ano-anong walang kuwenta at maling bagay ang sinabi ng class director sa harap ko. Pinahirapan nila ako hanggang alas dos ng madaling araw nang umagang iyon, pero tumanggi pa rin akong magsulat. Habang lalo nila akong pinahirapan, mas lalo kong nakita ang masama at laban sa Diyos na diwa ng Partido Komunista. Maraming sinabi ang mga instructor tungkol sa anim na palatandaan ng isang kulto. Ang una ay sikolohikal na pagkontrol, pangalawa ay pisikal na pananakit…. Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo kong naiisip na ang Partido ang totoong kulto. Kalaunan, ito ang isinulat ko sa aking pagninilay-nilay: “Araw-araw ny’ong ipinipilit sa akin ang inyong ateistang doktrina at tradisyunal na kultura, iginigiit na talikuran ko ang Diyos. Hindi ba’t sikolohikal na pagkontrol iyon? Sa gabi, madalas n’yo akong pagkaitan ng tulog, sinasadyang pahirapan ako. Hindi ba’t pisikal na pananakit iyon? …” Nang mabasa ito ng mga guwardiya, galit nilang pinunit ito.

Inilipat nila ako sa isang production unit pagkatapos noon. Sa workshop, pinabibigyan ako ng mga guwardiya ng dagdag na mga gawain, kaya palagi akong nahihirapang makasabay, palaging nasa alanganin. Hindi ko tinangkang uminom ng tubig kahit na halos mamatay na ako sa uhaw, takot na ang pagpunta sa banyo ay makakaantala ng aking gawain. Gayon pa man, hindi ko pa rin maabot ang mga quota ko. Palagi akong pinaparusahan. Matapos tapusin ang trabaho sa gabi, kailangan kong bumalik sa selda ko at tumayo sa loob ng isang oras bilang parusa. Minsan, habang natutulog pa ang lahat, talagang napakaaga nila akong gigisingin at patatayuin bilang parusa. Sa tuwing tatayo ako, pakiramdam ko’y pagod na pagod ako, at antok na antok na hindi ko halos maimulat ang mga mata ko. Napakahigpit ng mga guwardiya sa aming mga mananampalataya. Palagi kaming pinahihirapan at pinaparusahan, at nililimitahan pa nga nila ang paggamit namin ng banyo. Kapag ’yong iba ang magpapaalam na magbanyo, papayagan sila ng mga ito, pero kahit gaano ko ito pigilin, kapag nagpaalam ako, tatanggi sila at sasabihan akong pigilan ito. Kailangan kong tiisin ito hanggang sa matapos ang gawain bago ako makapagbanyo sa aking selda. Sa loob ng mga panahong iyon, kinukuha ko ang pinakamaliit na pagkakataong magbahagi sa ilang iba pang kapatid, at tinutustusan namin ang isa’t isa. Isusulat namin ang kung anumang mga salita ng Diyos na aming natatandaan at palihim na ipapasa ang papel sa pagitan namin. May isang nagmarka talaga sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Paano man gumawa ang Diyos, at anuman ang iyong sitwasyon, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, at hangaring makaalam tungkol sa gawain ng Diyos, at magkaroon ng pag-unawa sa Kanyang mga kilos, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan. Ang paggawa nito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya, at ang paggawa nito ay nagpapakita na hindi ka nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Magkakaroon ka lamang ng tunay na pananampalataya sa Diyos kung nagagawa mong piliting hangarin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpipino, kung nagagawa mong tunay na mahalin ang Diyos at hindi ka nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, kung isinasagawa mo pa rin ang katotohanan anuman ang gawin Niya upang mapalugod Siya, at kung nagagawa mong hangarin nang taos-puso ang Kanyang kalooban at isaalang-alang ang Kanyang kalooban(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Binigyan kami ng pananampalataya at lakas ng mga salita ng Diyos. Pakiramdam naming lahat ay kailangan naming manatiling malapit sa Diyos, manatiling malapit sa Kanyang mga salita. Isang taon pa lang akong mananampalataya noong panahong iyon, at nainis ako na ’di ko masyadong nabasa ang mga salita ng Diyos. Pero ’di nagtagal, ang papel na pinapakalat namin ay kinumpiska ng mga guwardiya, tapos ay mas lalo nila kaming binantayan. “Pinapaipit” nila ako sa dalawang preso kapag gumagawa ako para masigurong hindi ako nakipag-usap sa ibang kapatid, at palagi nilang hinahalughog ang mga aparador at higaan namin.

Noong Agosto 2015, isang preso ang nagsumbong na nakipag-usap ako sa isa pang mananampalataya, kaya ikinulong ako ng mga guwardya sa “cubicle.” Isa itong selda na ten by ten feet ang sukat na may kahoy na platform kung saan ka matutulog, may isang inidoro sa isang dulo nito. Natatakpan ng mga espongha ang pader na mababa sa sampung talampakan para hindi makapagpakamatay ang mga preso sa pamamagitan ng pag-untog sa pader kapag hindi na nila kaya. Kinuha ng mga babaeng guwardiya ang kanilang pamalong de-kuryente at sinabihan akong hubarin ang lahat ng suot ko sa harap nila. Tumanggi ako, kaya hinatak nila ang damit ko, pinupwersa akong hubarin lahat ito, at pagkatapos ay pinatayo ako sa tapat ng mga surveillance camera at pinag-squat. Talagang hiyang-hiya ako, kaya awtomatikong ginamit ko ang mga braso ko para takpan ang aking sarili, gustong takpan ang sarili habang nag-i-squat. Pero bago pa man ako makababa, hinatak nila ang mga braso ko at kinutya ako, sinasabing, “Anong hinahawakan mo? Narito ka na at gusto mo pa rin ang dignidad mo!” Masamang-masama ang loob ko, pero nagtiim-bagang lang ako at pinigilan ang aking mga luha. Nang matapos na sila sa kanilang “pagsusuri,” pinapunta nila ako sa aking cubicle, hubad na hubad. Nang makapasok ako roon, hindi na ako nakapagpigil. Umiyak ako nang umiyak. Mayamaya, pinatayo ako roon ng guwardiya mula alas singko ng umaga hanggang alas diyes ng gabi, at sinabihan ang mga preso na bantayan ako. Binubugbog o sinisigawan ako sa bawat kaunting galaw. Matapos tumayo sa loob ng napakahabang oras, lumolobo sa pamamaga ang mga paa ko. Palagi silang humahanap ng bagong paraan para parusahan ako, at nabubugbog ako kapag ’di lang nila gusto ang hitsura ko. Isang beses, apat o limang preso ang pumasok. Hinila ako sa buhok ng isa sa kanila, sinimulan akong sampalin ng dalawa sa kanila, at may isa pang mariing kinukurot ang dibdib ko. Napakasakit no’n. Pinagtatawanan nila akong lahat, sinasabing, “Magpaligtas ka sa Diyos mo!” Napuno ako ng pagkamuhi para sa mga demonyong iyon, at hindi ko alam kung hanggang kailan nila ako pahihirapan at ipapahiya nang ganoon. Ayoko nang manatili roon sa loob ng isa pang minuto at naisip ko pa ngang iumpog ang sarili ko para mamatay, pero natatakpan ng mga espongha ang mga pader, kaya hindi ko magagawa iyon. Sinubukan nung preso na nasa katabi kong selda na iumpog ang sarili sa pader para magpakamatay, pero hindi nagtagumpay, kaya nilagyan nila siya ng talukbong sa ulo at binusalan pa. Kung hindi ako magtagumpay, mas masahol pa ang pagdurusahan ko. Mas lalo akong naging miserable sa isiping ito. Sa pinakalugmok kong sandali, naalala ko ang himnong ito ng mga salita ng Diyos: “Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, sila'y inuusig dahil sa kanilang pananalig at tinatalikdan ng mundo, magulo ang kanilang buhay sa tahanan, at ang hinaharap nila'y malungkot. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Paano nito ipinakikita ang pusong nagmamahal sa Diyos? Ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao. … Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(“Hangaring Mahalin ang Diyos Kahit Gaano Kalaki ang Iyong Pagdurusa” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang iniisip ang mga salita ng Diyos, nakita ko kung gaano ako kaduwag, na sa kaunting pagdurusa at pagkapahiya hinahanap ko na agad ang kamatayan. Nasaan ang aking patotoo? Kailangan kong tumayo, mabuhay, tumayong saksi para mapalugod ang Diyos, at ipahiya si Satanas! Inalis ko ang anumang isipin ng kamatayan at ginusto lang na magdasal at sumandal sa Diyos para malagpasan iyon.

Pagkatapos, ang mga guwardiya ng bilangguan ay nagsimulang pasuotin kami ng mga karatula na may nakasulat na lahat ng uri ng kalapastanganang bagay. Tumanggi ako. Inutusan nila ang ibang preso na puwersahin akong maupo sa isang bangko na talagang matigas, talagang hindi komportable at pagkatapos ay itinali ang mga kamay at paa ko ng mga pampigil para hindi talaga ako makagalaw. Tapos ay inilagay nila sa akin ang karatulang iyon at talagang nasisiyahan na sinabing, “Hindi ba’t suot mo na ito ngayon? May mga paraan kami!” Kaya pinanatili nila akong nakatali nang ganoon mula alas singko ng umaga hanggang alas diyes ng gabi sa loob ng buong labimpitong oras. Sobrang sumasakit ang pang-upo ko at magang-maga ang mga kamay ko. Pagod na pagod at inaantok ako. Ni hindi ko nga maidilat ang mga mata ko. Binabantaan ako ng mga preso, hindi nila hinahayaang mapapikit ako. ’Pag napapikit ako, magwiwisik sila ng chili powder sa mga mata ko. Pinilit kong panatilihing nakadilat ang mga ito, pero makalipas ang isang saglit, hindi ko na talaga kaya. Kusa nang pumipikit ang mga ito, at pagkatapos ay bubuksan ng mga preso ang mga mata ko gamit ang kanilang mga daliri. Ni hindi nila ako kinakalasan para kumain. Wala rin namang masyadong pagkain kung tutuusin, pero, magpapasok lang sila ng dalawang kagat sa bibig ko, at pagkatapos ay ilalabas na ito bago pa ako matapos. At kung minsan isasalpak lang nila ito sa bibig ko at wala na akong oras para lunukin ito, tapos ay sisigawan nila ako. Kalaunan, tumigil ako sa pagkain dahil ayokong maipahiya nila ako sa ganoong paraan, at nang tumanggi akong kumain, sinasampal na lang nila ako. Kinailangan kong magpigil ng ihi hanggang sa nasasaktan na ako dahil hindi nila ako pinapayagang magbanyo, at pagkatapos ay nagkaroon ako ng mga nerve problem sa aking urinary tract dahil sa pagpipigil ng ihi nang sobrang tagal, kaya nang iihi na ako, hindi na ako maihi. ’Yon ang unang pagkakataong talagang naunawaan ko kung bakit sinasabi ng mga taong mas maginhawa pang mamatay.

Habang nasa cubicle ako, pahihirapan ako ng mga guwardiya sa sobrang kawalan ng pagkain. Bibigyan lang nila ako ng isang kagat ng steamed bread na kasing laki ng itlog at isang maliit na kutsara ng sabaw. Minsan pipirasuhan nila ang maliit na steamed bread na iyon. Ingat na ingat ako habang kumakain, takot na malalaglag sa sahig ang mga mumo ng tinapay. Palagi akong nagugutom, kumukulo ang tiyan ko at palaging masakit. Nang marinig ko ang mga katabi kong preso na nginunguya ang kanilang pagkain, naisip ko, “Kailan ako makakakuha ng isang mangkok ng totoong pagkain kagaya nila?” Minsan, itatapon nila ang ilan sa kanilang pagkain sa basurahan o inodoro, at hindi iyon ipapakain sa akin kahit na sira na ito. Minsan, tititigan ko ang pagkain sa basurahan, gustong-gustong dakutin ito, pero makikita ko ang lahat ng surveillance at ibang preso sa paligid ko at hindi na maglalakas-loob. Natatakot akong mabubugbog ako bago ko pa maisubo ito. Palaging sumasakit ang tiyan ko sa gutom, at napapanaginipan kong kumakain ako ng isang buong pagkain. Hindi lang ’yon, pati pag-inom ng tubig ay mahigpit din. Sa umaga lang ako nakakainom, at napakakaunti. Agosto iyon, ang pinakamainit na buwan, kaya namamatay na ako sa uhaw. Isang beses, nilagyan nila ng buhok sa kili-kili ang tubig ko. Nakakadiri talaga ’yon. Tapos tumayo sila sa may pintuan, pinapanood ako, at ’pag hindi ko ito ininom, hindi na talaga nila ako bibigyan ng tubig. Pinilit ko ang sarili kong inumin ito. Nang makita iyon, ipinahiya nila ako dahil doon. Bukod pa sa araw-araw na pisikal na pagpapahirap, palagi nila akong iniinsulto, sinasabi ang lahat ng uri ng masasagwang bagay at mga bagay na lumalapastangan sa Diyos. Napakasakit talaga no’n at gusto ko talagang umiyak, pero natakot ako na papasukan nila ng kung ano ang bibig ko, kaya hindi ako naglakas-loob na gumawa ng ingay. Tahimik lang akong umiiyak. Malakas akong sinigawan ng presong nagbabantay sa akin, “Anong iniiyak mo? ’Pag ’di ka tumigil, dadalhin kita sa main square at huhubaran kita para makikita ka ng lahat ng nasa bilangguan.” Talagang natakot ako nang marinig kong sabihin niya iyon. Ang grupong iyon ng mga demonyo ay talagang malupit at masama. Paano ko makakaya iyon kung talagang dalhin nila ako sa square at hubarin ang lahat ng damit ko? Natakot ako ng posibilidad na ito kaya hindi na ako umiyak.

Noong panahong iyon, pakiramdam ko palagi ay lubos akong wala sa ulirat, at para bang nasa bingit ako ng pagbagsak. Ayoko nang manatili roon kahit isang segundo. Naalala ko ang isang bagay na sinabi ng brainwashing director: “Pagdurusahan mo ba ang lahat ng ito kung hindi ka naniwala sa Diyos?” Talagang nanghihina ako noong panahong iyon, kaya naisip ko, “Tama siya. Kung hindi ako isang mananampalataya, hindi ko pagdadaanan ito.” Nang maisip ko iyon, sobrang dumilim ang kalooban ko at bigla kong napagtantong nahuhulog ako sa panlalansi ni Satanas. Inaresto ako ng Partido Komunista ng Tsina dahil sa pagkakaroon ng pananampalataya at pagtahak sa tamang landas. Napakalinaw na sila ang nagpapahirap at nananakit sa akin, pero sinabi nilang nagdurusa ako dahil sa pananampalataya ko. Ang paninisi sa Diyos para sa aking pagdurusa ay talagang masama at kahiya-kahiya! Hindi ko lang sila hindi kinamuhian, pinaniwalaan ko rin ang kanilang kasinungalingan. Ibinebenta ko ang sarili ko sa kaaway! Dali-dali akong humarap sa Diyos sa panalangin: “O Diyos ko, pinaniwalaan ko ang isa sa mga kasinungalingan ni Satanas dahil sa kahinaan ng aking laman. Napakarebelde ko! Nais kong magsisi sa Iyo, at nakikiusap ako sa Iyong gabayan Mo ako para maunawaan ang Iyong kalooban.” Matapos magdasal, naalala ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Habang lalong tumitindi ang pagpipino ng Diyos, lalong mas nagagawa ng mga puso ng mga tao na ibigin ang Diyos. Ang pagdurusa sa kanilang mga puso ay kapaki-pakinabang sa kanilang mga buhay, lalo nilang nagagawang maging panatag sa harap ng Diyos, ang kanilang relasyon sa Diyos ay mas malapit, at mas mahusay nilang nagagawang makita ang kataas-taasang pag-ibig ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang pagliligtas. Si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses, at si Job ay sumailalim sa maraming pagsubok. Kung nais ninyong magawang perpekto ng Diyos, dapat din kayong sumailalim sa pagpipino nang daan-daang beses; magagawa lamang ninyo na mapalugod ang kalooban ng Diyos at magawang perpekto ng Diyos kung pagdadaanan ninyo ang prosesong ito at umasa sa hakbang na ito. Ang pagpipino ang pinakamahusay na paraan kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; ang pagpipino at mapapait na pagsubok lamang ang makapagpapalabas ng tunay na pag-ibig para sa Diyos sa mga puso ng mga tao. Kung walang paghihirap, walang tunay na pag-ibig ang mga tao sa Diyos; kung hindi sila susubukin sa loob, kung hindi sila tunay na isasailalim sa pagpipino, ang kanilang mga puso ay palaging lumulutang-lutang sa labas. Sa pagkapino hanggang sa isang partikular na punto, makikita mo ang iyong sariling mga kahinaan at mga paghihirap, makikita mo kung gaano karami ang kulang sa iyo at na hindi mo kayang mapagtagumpayan ang maraming mga suliranin na iyong kinakaharap, at makikita mo kung gaano katindi ang iyong pagkamasuwayin. Sa panahon lamang ng mga pagsubok nagagawa ng mga tao na tunay na makilala ang kanilang totoong mga kalagayan; ginagawa ng mga pagsubok na mas magagawang perpekto ang mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na ang maaresto at mapahirapan ay isang bagay na pinahintulutan ng Diyos, at naglalaman ito ng mabuting kalooban Niya. Pinipino Niya ako sa pamamagitan ng mga pagsubok at paghihirap, hinahayaan akong makita ang sarili kong mga pagkukulang. Dati, palagi kong sinasabing gusto kong hangarin na mahalin at mapalugod ang Diyos, at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, pero sa harap ng pisikal na pagdurusang iyon, gusto ko lang tumakas, at nagreklamo at sinisi ko ang Diyos. Nakita kong wala akong anumang pagmamahal o pananampalataya sa Diyos. Kulang na kulang ako sa tayog. Kung hindi ako nalantad sa ganoong kapaligiran, talagang hindi ko sana naunawaan ang sarili ko. Hindi na ako masyadong naging miserable nang maisip ko iyon at handa akong magdasal at sumandal sa Diyos para malagpasan ito. Umusal ako ng dasal sa Diyos, “Diyos ko, alam kong lahat ng ginagawa Mo ay para sa sarili kong kabutihan. Hindi ko na susubukang takasan ito. Handa akong tumayong saksi para sa Iyo.” Ang pagkanta ng mga himno ng mga salita ng Diyos na paulit-ulit kong naaalala sa puso ko ay nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas. Alam kong proteksyon at pagmamahal ito ng Diyos, at walang tigil akong nagpasalamat sa Kanya. Kalaunan, narinig kong sinabi ng isang preso na talagang sumusuko na ang mga tao pagkalipas ng pitong araw sa loob ng cubicle, at nang oras na iyon, higit dalawampung araw na akong nandoon. Alam kong nakayanan ko ’yon nang husto dahil sa proteksyon at patnubay ng Diyos, at paulit-ulit ko Siyang pinasalamatan. Apatnapu’t limang araw nila akong inilagay roon bago ako pinakawalan. Nang makabalik ako sa ward, humagulgol ang mga sister para sa akin nang makita nilang naging buto’t balat ako. Ipinagpupuslit nila ako ng gatas at biskwit para maibalik ko ang lakas ko. Nararamdaman kong pagmamahal iyon ng Diyos. Nahuli ulit nila kaming nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos pagkatapos noon, kaya ibinalik ako ng hepe ng ward sa cubicle. Pinahirapan nila ako sa parehong paraan sa loob ng tatlumpu’t pitong araw nang panahong iyon, at nang makalabas ako, hindi na ako halos makilala.

Noong Disyembre 2016, napagsilbihan ko na ang sentensya ko at pinalaya ako. Kung hindi dahil sa pagdarasal at pagsandal sa Diyos, hindi ako makakaalis sa impyernong iyon nang buhay. Nang makalabas ako, nalaman kong pinutol na ng kasintahan ko ang kasunduan naming magpakasal, hindi niya nakayanan ang mga tsismis. Matapos akong makauwi sa bahay, patuloy na dumadaan ang mga pulis para guluhin ako, tinatanong ako kung naniniwala pa rin ako, kaya iniwan ko ang bayan ko para isagawa ang aking tungkulin. Matapos pagdaanan ito dahil sa Partido Komunista, malinaw kong nakita kung gaano ito kasama at karima-rimarim, na ito’y isang demonyo na nasusuklam sa Diyos, at lumalaban sa Diyos, at tinalikdan at tinanggihan ko ito mula sa kaibuturan ng aking puso! Higit pa, natikman ko ang pagmamahal ng Diyos. Ang patnubay Niya ang tumulong sa akin na maunawaan ang lahat ng panlansi ni Satanas, at ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas, hinahayaan akong mapagtagumpayan ang pang-aabuso ng mga demonyong iyon. Ang karanasang ito ay nagbigay sa akin ng personal na pagdanas sa awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos at binigyan ako ng higit pang pananampalataya. Gaano man karaming sakit at paghihirap ang pagdaanan ko sa hinaharap, matatag kong susundin ang Makapangyarihang Diyos at gagawin ang aking tungkulin para suklian ang Kanyang pagmamahal!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Buhay na nasa Bingit

Ni Wang Fang, TsinaNoong 2008, ako ang responsable sa pagbibiyahe ng mga lathalain ng iglesia. Isa itong napakapangkaraniwang uri ng...