Napalaya Ko Ang Aking Sarili Mula sa Panunupil

Hunyo 16, 2024

Ni Xinyi, Tsina

Noong Enero ng nakaraang taon, isinaayos ng lider na kami ni Li Xin ang magkasamang mangasiwa sa gawaing-teksto ng iglesia. Dahil kasisimula ko pa lang magsanay, hindi ako binigyan ni Li Xin ng mabigat na trabaho, at kapag nahaharap ako sa mga suliranin at problema, nagbabahagi siya sa akin batay sa mga prinsipyo. Hindi ko kinailangang mag-alala nang husto, at hindi gaanong nakakapagod ang gawain. Noong Marso, napili akong maging lider ng iglesia, at nakaramdam ako ng mas malaking pasanin sa mga balikat ko. Sa paggawa ng mga tungkulin bilang lider, kailangang pangasiwaan ang kabuuang gawain ng iglesia, at lutasin at harapin ang lahat ng uri ng problema. Hindi pwedeng basta ko na lang gagawin kung ano ang gusto ko katulad ng dati. Noong una, madalas akong makatanggap ng mga liham mula sa nakatataas na lider tungkol sa pagpapatupad ng gawain, katulad ng pagdidilig at gawain ng ebanghelyo, pati na ng gawain ng pagpapaalis at pagpapatalsik ng mga tao, gawaing-teksto, pagpapalago ng mga tao, at iba pa. Kailangan kong tumugon nang detalyado tungkol sa kung paano pinlano at isinaayos ang bawat gampanin, kung anong mga paglihis o problema ang lumitaw sa gawain, kung paano dapat lutasin ang mga ito magmula noon, atbp. Dahil nangangasiwa ako ng maraming gawain, kung minsan, sa sandaling naipapatupad ko ang isang gampanin, kinakailangan kong pumunta sa iglesia para ipatupad ang iba pang gawain. Araw-araw, napakaraming gawaing naghihintay na maasikaso. Matapos magpakaabala nang ganito sa loob ng ilang panahon, gusto ko munang huminto at magpahinga, manood ng ilang video ng mga patotoong batay sa karanasan at makinig sa mga himno bilang pampa-relax. Pero dahil napakaraming gawain na kinakailangan na agarang ipatupad, pakiramdam ko ay naaagrabyado ako, iniisip kong wala man lang akong kalayaan kapag ginagawa ko ang tungkuling ito. Isang beses, nakita ng nakatataas na lider na mabagal ang pag-usad ng gawain ng pag-aalis sa iglesia, at na hindi naisumite ang ilang dokumento para sa pagpapaalis ng mga tao, kaya pinungusan niya ako, sinabi niya na wala akong pagpapahalaga sa pasanin sa aking tungkulin. Noong oras na iyon, gusto kong mangatwiran sa kanya, pero alam kong tama siya sa pagpupungos sa akin, at na dapat tanggapin ko ito at magpasakop ako rito. Pagkatapos niyon, pumunta ako sa iglesia para kolektahin ang mga pagsusuring iyon, at pagkaraan ng ilang linggong pagpapakaabala, sa wakas ay naayos ko na ang mga materyales. Pagkatapos na pagkatapos niyon, kinailangan kong magmadaling suriin at ipatupad ang ilan pang gampanin. Noong mga panahong iyon, madalas akong abalang-abala mula madaling araw hanggang dapit-hapon. Palagi akong tensiyonado, at sobrang pagod ako. Naisip ko, “Kailan kaya ako makakapagpahinga nang maayos? Nakakasakal na talaga ang pagiging ganito kaabala araw-araw.” Noong gumawa ako ng ibang tungkulin noon, hindi naman gaanong mabigat ang trabaho ko. Nariyan si Li Xin sa tabi ko para tulungan ako sa pasanin at hindi ako nakaramdam ng anumang stress. Sobrang na-miss ko ang mga panahong iyon. Simula nang akuin ko ang mga tungkulin bilang lider, naging sobrang abala ako araw-araw, kaya nasasakal na ako at ayaw ko nang gawin ang tungkuling ito. Gayunpaman, naramdaman ko na wala sa katwiran ang pag-iisip nang ganito. Tiyak na iisipin ng mga kapatid na wala akong kakayahang harapin ang stress o magtiis ng paghihirap. Wala akong magawa; kailangan kong patuloy na makipagtulungan.

Kalaunan, naharap sa mga pang-aaresto ng Partido Komunista ang iglesia, at kinailangan naming harapin ang ilang problema pagkatapos niyon. Baon kami sa trabaho ng sister na katuwang ko, kaya hindi ko binigyang-pansin ang gawain ng pagdidilig na pinangangasiwaan ko. Naisip ko, “Kailangan kong maghanap ng oras para kumustahin ang mga tagapagdilig.” Pero, naisip ko kung gaano ako kaabala sa pag-aasikaso ng mga problema pagkatapos ng mga pang-aaresto. Hindi naman agad-agad na makakakita ng malaking pag-unlad sa mga resulta ng gawain ng pagdidilig, at saka, mayroon pa akong ibang gawain na inaasikaso. Mas mabuti kung tatapusin ko muna iyon at saka ko kukumustahin ang gawain ng pagdidilig. Pinadalhan ako ng nakatataas na lider ng liham para paalalahanan ako na hindi ko pwedeng pabayaan ang ibang gawain dahil lang sa pag-aasikaso ko sa sitwasyong idinulot ng mga pang-aaresto, at bumuo siya ng isang partikular na plano para sa gawain ng pagdidilig. Hindi ko maiwasang makaramdam ng paglaban, iniisip ko, “Marami na akong pinamamahalaang gawain, at ngayon ay mas marami pa siyang hinihingi. Wala akong oras para magawa ang lahat ng ito! Bakit ba walang nagpapakita ng konsiderasyon sa mga paghihirap ko? Dalawa lang ang kamay at paa ko; paano ko magagawa ang ganito karaming gawain nang sabay-sabay?” Medyo naiinis at nasasakal na ako, at ni ayaw ko nang tingnan ang mga sulat ng lider. Pero kailangan pa ring magawa ang lahat ng gawaing ito. Kung aatras ang mga baguhan dahil hindi sila nadiligan sa tamang oras, hindi lang ako mapupungusan; baka matanggal pa nga ako at makagawa ng pagsalangsang. Nagtungo ako para maunawaan ang pag-usad ng gawain ng pagdidilig at ang mga problema ng mga baguhan, pero dahil wala akong pagnanais na maging maagap, pabasta-basta ko lang kinumusta ang gawain at iniraos ko lang ang proseso para lang may maiulat ako sa lider. Noong panahong iyon, sa panlabas, mukhang walang humpay ang pagiging abala ko sa mga bagay-bagay, pero ginagawa ko lang talaga ang mga sunod-sunod na gampanin nang labag sa loob ko. Kapag ipinapatupad ang gawain, palaging may nawawala o kulang, at kinakailangang ulitin ang gawain. Araw-araw akong nanlulumo at pagod na pagod, at bumababa ang mga resulta ng gawain. Sinabi ng sister na nakatuwang ko na wala akong pagpapahalaga sa pasanin, at pakiramdam ko ay naagrabyado ako, naisip ko, “Ako ang nangangasiwa sa lahat ng gawaing ito, at buong araw akong nagtatrabaho araw-araw. Paano mo nasabing wala akong pagpapahalaga sa pasanin, na hindi ako masipag? Masyadong marami ang hinihingi mo sa akin!” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong nararamdaman na naaagrabyado ako, at naisip ko na talagang hindi ko na kayang gawin ang tungkuling ito. Kaysa manatili ako sa lahat ng pasakit na ito, mas mabuti pang magbitiw na lang ako para mas magaang tungkulin na lang ang gagawin ko; kung magkagayon ay hindi ako masyadong masasakal. Napuno ako ng pagkanegatibo. Isang gabi, lumapit ako sa harap ng Diyos at nagdasal sa Kanya, “O Diyos, ako ay nasa matinding pasakit, at pakiramdam ko ay hindi ko na ito makakayanan pa. Hindi ko alam kung anong aral ang dapat kong matutunan. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako para maunawaan ko ang aking problema.”

Pagkatapos magdasal, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang ibig sabihin ng hindi magawa ng isang tao kung ano ang gusto niya? Ang ibig sabihin nito ay ang hindi magawang kumilos ayon sa bawat pagnanais na sumasagi sa isip ng isang tao. Ang magawa ang gusto niya, kung kailan niya gusto, at kung paano niya gusto ay isang bagay na hinihingi ng mga taong ito kapwa sa kanilang trabaho at buhay. Subalit, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, kasama na ang mga batas, kapaligirang pinamumuhayan, o mga patakaran, sistema, kondisyon, at pamamaraan ng pagdidisiplina ng isang grupo, at iba pa, hindi makakilos ang mga tao ayon sa sarili nilang mga kagustuhan at imahinasyon. Dahil dito, pakiramdam nila sa kaibuturan ng kanilang puso ay napipigilan sila. Sa diretsahang pananalita, nangyayari ang pagkapigil na ito dahil ang pakiramdam ng mga tao ay agrabyado sila—ang pakiramdam pa nga ng ilang tao ay na ginawan sila ng mali. Sa prangkang pananalita, ang hindi magawa ng isang tao ang gusto niya ay nangangahulugang hindi siya makakikilos nang ayon sa sarili niyang kalooban—nangangahulugan ito na hindi maaaring maging sutil o malayang mapagpalayaw ang isang tao dahil sa iba’t ibang kadahilanan at mga paglilimita ng iba’t ibang obhetibong kapaligiran at kondisyon. Halimbawa, ang ilang tao ay palaging pabasta-basta at naghahanap ng mga pamamaraan para magtamad-tamaran habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Kung minsan, kailangan sa gawain ng iglesia ang pagmamadali, pero gusto lang nilang gawin kung ano ang gusto nila. Kung hindi masyadong maganda ang pisikal nilang pakiramdam, o mainit ang ulo nila o malungkot sila nang dalawang araw, ayaw nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga para magawa ang gawain ng iglesia. Sa partikular ay tamad sila at nag-aasam ng ginhawa. Kapag wala silang motibasyon, magiging mabagal ang kanilang katawan, at hindi nila gugustuhing gumalaw, pero natatakot silang pungusan ng mga lider at tawaging tamad ng kanilang mga kapatid, kaya wala silang magawa kundi gampanan ang gawain nang mabigat ang loob kasama ng iba. Subalit, labis silang magiging umaayaw, hindi masaya, at mabigat ang loob dito. Madarama nilang ginawan sila ng masama, na inagrabyado sila, na naiinis sila, at pagod na pagod. Gusto nilang kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, pero hindi sila nangangahas na kumawala o sumalungat sa mga hinihingi at kondisyon ng sambahayan ng Diyos. Bilang resulta, sa paglipas ng panahon ay nagsisimulang umusbong sa kalooban nila ang isang emosyon—ang pagkapigil. Sa sandaling mag-ugat sa kanila ang emosyon na pagkapigil na ito, magsisimula silang unti-unting magmukhang balisa at mahina. Gaya ng isang makina, hindi na sila magkakaroon ng malinaw na pagkaunawa sa ginagawa nila, pero gagawin pa rin nila ang anumang sabihin sa kanilang gawin araw-araw, sa paraang sinabi sa kanila na gawin iyon. Bagamat sa panlabas ay magpapatuloy silang isagawa ang kanilang mga gampanin nang hindi humihinto, nang hindi tumitigil sandali, nang hindi lumalayo sa kapaligiran ng kanilang pagganap sa kanilang mga tungkulin, sa kanilang puso ay mararamdaman nilang napipigilan sila, at iisipin nila na ang buhay nila ay sobrang nakakapagod at puno ng hinaing(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5). Nang makita ko kung ano ang inilantad ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang palagi kong nararamdaman na pagkakasakal at pasakit kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, sa totoo lang, ay dahil ayaw kong binabantayan ako at gusto ko lang gawin ang gusto ko. Sa tuwing nahaharap ako sa mga sitwasyon na hindi ko gusto, kapag hindi ko magawa ang anumang nais ko at may mga limitasyon ako sa lahat ng bagay, ito ang dahilan kaya nararamdaman kong nasasakal ako. Noong nagsisimula pa lang ako sa mga tungkuling pang-teksto, walang masyadong hinihingi sa akin ang lider, at naroon si Li Xin para gabayan ako habang pinag-aaralan ko ang gawain. Kapag may mga suliranin, agad na nagbabahagi sa akin si Li Xin at tinutulungan niya ako. Dagdag pa roon, medyo magaan ang trabahong ito, at hindi ako stressed, kaya nagustuhan kong gawin ang tungkulin ko sa ganoong paraan. Pero mula nang magsimula ako sa mga tungkulin sa pamumuno, ako na ang nangasiwa sa maraming gawain, at kinailangan kong alalahanin at subaybayan ang iba’t ibang gampanin sa iglesia. Kinailangan kong lumahok sa bawat bagay at lutasin ang mga ito sa praktikal na paraan. Kalaunan, nang maharap ang iglesia sa mga pang-aaresto, kinailangan kong asikasuhin ang mga naging resulta nito at naging mas abala pa ako. Para maibsan ang ilang stress ko, ginusto kong ipagpaliban ang pagdalo sa gawain ng pagdidilig, pero hindi naging maluwag kahit kaunti ang nakatataas na lider sa pagsubaybay niya sa gawaing ito. Nasira ang plano ko dahil dito, at kinailangang mas magdusa ang aking laman, kaya hindi ko nagawang magpasakop. Pero natakot ako na sasabihin ng iba na hindi ko kayang magtiis ng paghihirap kung hindi ko gagawin ang trabaho, at mas lalo akong natakot na hindi madidiligan nang maayos ang mga baguhan at kakailanganin kong managot, kaya’t atubili akong nagpasakop. Gayunpaman, naramdaman ko pa rin na nasasakal ako, at ginawa ko ang lahat ng bagay nang wala sa loob. Naging pabaya ako sa aking tungkulin, iniraraos ko lang ang mga gawain at ginagawa kung ano ang iniuutos sa akin. Bilang resulta, nagambala at nagulo ko ang gawain. Pinuna ako ng sister na katuwang ko, at mas lalo akong naghinanakit at naging sutil. Ginusto ko pa ngang tanggapin na lang ang sisi at magbitiw na sa tungkulin ko. Masyado akong hindi makatwiran! Pagkatapos, napagtanto ko na medyo malubha ang problema ko, at hindi na ako nangahas na patuloy na maging mapagmatigas.

Pagkatapos niyon, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa lipunan, sino ang mga taong hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain? Sila ang mga walang ginagawa, ang mga hangal, tamad, basagulero, sanggano, at tambay—mga ganyang tao. Ayaw nilang matuto ng anumang bagong kasanayan o kakayahan, at ayaw nilang maghangad ng mga seryosong propesyon o maghanap ng trabaho para makaraos sila. Sila ang mga walang ginagawa at ang mga tambay ng lipunan. Pinapasok nila ang iglesia, at pagkatapos ay gusto nilang may makuha sila nang walang kapalit, at na matamo nila ang parte nila sa mga pagpapala. Sila ay mga oportunista. Ang mga oportunistang ito ay hindi kailanman handang gumawa ng kanilang mga tungkulin. Kung hindi masusunod ang gusto nila, kahit bahagya lang, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Palagi nilang hinihiling na makapamuhay nang malaya, ayaw nilag gumanap ng anumang uri ng gawain, pero gusto pa rin nilang kumain ng masasarap na pagkain at magsuot ng magagandang kasuotan, at kumain ng anumang naisin nila at matulog kailan man nila gusto. Iniisip nila na kapag dumating ang ganitong araw ay tiyak na magiging napakaganda nito. Ayaw nilang magtiis ng ni katiting na paghihirap at nagnanais sila ng buhay na mapagpalayaw. Labis pa ngang nakakapagod sa mga taong ito ang mabuhay; nagagapos sila ng mga negatibong emosyon. Madalas silang nakakaramdaman ng pagod at pagkalito dahil hindi nila magawa ang gusto nila. Ayaw nilang pangasiwaan ang kanilang nauukol na gawain o harapin ang mga bagay-bagay na nauukol sa kanila. Ayaw nilang manatili sa isang trabaho at paulit-ulit itong gawin mula simula hanggang katapusan, na tratuhin ito bilang sarili nilang propesyon at tungkulin, bilang kanilang obligasyon at responsabilidad; ayaw nilang tapusin ito at makamit ang mga resulta, o na gawin ito sa pinakamataas na pamantayang maaari. Hindi sila kailanman nag-isip nang ganyan. Gusto lang nilang kumilos nang pabasta-basta at na gamitin ang tungkulin nila bilang paraan para kumita ng ikabubuhay. Kapag nahaharap sila sa kaunting kagipitan o sa isang uri ng pagkontrol, o kapag medyo tinaasan ang pamantayang kailangan nilang maabot, o pinagpasan sila ng kaunting responsabilidad, pakiramdam nila ay hindi sila komportable at na napipigilan sila. Umuusbong sa kalooban nila ang mga negatibong emosyong ito, pakiramdam nila ay sobrang nakakapagod mabuhay, at miserable sila. Isang pangunahing dahilan kung bakit pakiramdam nila ay sobrang nakakapagod mabuhay ay dahil walang katwiran ang ganitong mga tao. Napinsala ang kanilang pangangatwiran, ginugugol nila ang buong araw sa pagpapantasya, pamumuhay sa isang panaginip, sa mga ulap, palaging iniisip ang mga pinakamatitinding bagay. Iyan ang dahilan kung bakit napakahirap lutasin ng kanilang pagkapigil. Hindi sila interesado sa katotohanan, hindi sila mga mananampalataya. Ang tanging magagawa natin ay ang hingin sa kanila na lisanin ang sambahayan ng Diyos, na bumalik sa mundo at hanapin ang sarili nilang lugar ng kadalian at kaginhawahan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5). Lubha akong naantig ng siping ito ng mga salita ng Diyos. Inilantad ng Diyos na ang ugat kung bakit nararamdaman ng isang tao na napipigilan siya ay dahil gusto niyang magpakasasa sa kanyang laman at ayaw niyang bantayan siya o na magdusa siya nang kaunti. Sa oras na hindi niya matugunan ang mga pagnanais ng kanyang laman, nakakaramdam siya ng pagkapigil at pasakit. Hindi niya kailanman iniisip na asikasuhin ang kanyang nararapat na gawain at tuparin ang kanyang tungkulin, palaging gustong walang ginagawa sa loob ng iglesia. Itinuturing ng mga taong talagang naghahangad sa katotohanan at nag-aasikaso sa kanilang nararapat na gawain bilang kanilang responsabilidad at obligasyon ang kanilang tungkulin. Hindi nila masyadong inaalala na magdurusa ang kanilang laman o magtitiis sila ng kaunting stress para magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Alam nila na kung gagawin nila nang maayos ang kanilang tungkulin, saka lamang magkakaroon ng halaga at kabuluhan ang kanilang buhay, at dahil positibo ang kanilang paghahangad, hindi sila nakakaramdam ng pagpipigil o pasakit. Gusto at pinagpapala ng Diyos ang gayong mga tao. Alam kong espesyal na biyaya ito ng Diyos na nagagawa kong umako ng mga tungkulin bilang lider. Gayunpaman, dahil ako ang nangangasiwa sa mas maraming gawain at kailangan kong alalahanin ang mas marami pang gampanin, at sapagkat nagbabantay at nagsusubaybay rin ang nakatataas na lider, mas naging kaunti ang mga pagkakataon ko na makapagpaalwan. Dahil dito, naisip ko na masyadong mahirap at nakakasakal na gawin ang tungkuling ito, at gusto ko lang magpahinga araw-araw nang walang stress. Lahat ng mga tampalasang tao, mga butangero, mga tamad, at mga gahaman sa lipunan, hindi sila kailanman nag-iisip ng mga nararapat na bagay, nagpapatangay lang sa sila agos at nanloloko ng mga tao para sa pagkain at inumin kung saan-saan, nagpapakatamad sa kanilang gawain. Ang mga taong tulad nila ay namumuhay nang walang integridad o dignidad at minamaliit sila ng iba saanman sila magpunta. Sila ang pinakamababang uri ng tao. Samantala, palagi kong gustong hangarin ang mga kaginhawahan ng laman sa aking tungkulin at hindi ko inisip na patuloy na magsikap. Ayaw kong magdusa nang kaunti, at sa diwa, isa akong taong hindi nag-aasikaso sa kanyang nararapat na gawain at nais ko lang na makinabang sa sambahayan ng Diyos kahit wala akong ginagawa. Bagamat mas nakakapagod ang pagiging isang lider, araw-araw ay nakaka-ugnayan ng isang tao ang mas maraming tao at bagay-bagay at mas marami ang pagkakataon niya na makapagsagawa. Halimbawa, para sa gawain ng pag-aalis sa iglesia, ang isang tao ay kailangang masangkapan ng katotohanan tungkol sa pagkilatis sa iba. Tungkol naman sa gawain ng pagdidilig, sapagkat walang matatag na pundasyon ang mga baguhan, kailangang taglayin ng isang tao ang katotohanan ng pangitain para diligan at suportahan sila. Isa pa, ang pagpapatupad sa iba pang gawain ay nauugnay sa mga kaukulang katotohanang prinsipyo. Isa itong bagay na hindi makakamit ng isang tao mula sa simpleng paggawa lang ng tungkulin. Gayunpaman, hindi ko pinahalagahan ang mga pagkakataong ito na ibinigay sa akin ng Diyos para makamit ang katotohanan, at palagi kong iniisip na masyado akong abala at sobrang pagod sa paggawa ng mga tungkulin bilang lider, hindi ko magawang mamuhay ayon sa gusto ko. Nang subaybayan ng nakatataas na lider ang gawain ko, tumutol ako, at naging pabasta-basta ako kapag nagpapatupad ng gawain at pinabagal ko ang pag-usad ng gawain. Hindi ako nagnilay sa aking sarili, patuloy akong namumuhay sa mga nakapipigil na emosyon at ginusto ko pa ngang iwan ang aking tungkulin. Talagang wala akong konsensiya o katwiran! Sabi ng Diyos: “Hindi sila interesado sa katotohanan, hindi sila mga mananampalataya. Ang tanging magagawa natin ay ang hingin sa kanila na lisanin ang sambahayan ng Diyos, na bumalik sa mundo at hanapin ang sarili nilang lugar ng kadalian at kaginhawahan.” Nabalisa ako at sumama ang loob ko, na para bang harap-harapan akong inilantad ng Diyos. Tinutukoy ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga hindi mananampalataya, at kinamumuhian at kinasusuklaman Niya ang mga ito. Kung hindi ko pa rin babaguhin ang aking saloobin sa aking tungkulin, sa malao’t madali ay ibubunyag at ititiwalag ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, medyo natakot ako, at tahimik akong nagdasal sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko, ayaw ko pong patuloy na magpabaya nang ganito. Gusto kong maging isang taong may normal na pagkatao, may makatwirang pag-iisip, at nag-aasikaso sa kanyang nararapat na gawain. Pakiusap, gabayan Mo po ako na higit pang maunawaan ang aking sarili.”

Habang naghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang sanhi ng pagkapigil ng mga tao? Tiyak na hindi ito dahil sa pisikal na pagkapagod, kung gayon, ano ang nagsasanhi nito? Kung palaging naghahanap ng pisikal na kaginhawahan at kasiyahan ang mga tao, kung palagi silang naghahangad ng pisikal na kasiyahan at kaginhawahan, at ayaw nilang magdusa, maging ang katiting na pisikal na pagdurusa, ang pagdurusa nang medyo higit sa iba, o ang pagkaramdam na nagtrabaho sila nang mas mabigat kaysa karaniwan, ay magpaparamdam sa kanila ng pagkapigil. Isa ito sa mga sanhi ng pagkapigil. Kung hindi ituturing ng mga tao ang kaunting pisikal na pagdurusa bilang isang malaking bagay, at hindi sila maghahangad ng pisikal na kaginhawahan, sa halip ay hahangarin nila ang katotohanan at gugustuhing tuparin ang kanilang mga tungkulin upang mapalugod ang Diyos, kadalasan ay hindi sila makadarama ng pisikal na pagdurusa. Kahit pa paminsan-minsan ay mararamdaman nilang medyo abala, pagod, o patang-pata sila, pagkatapos nilang matulog ay magigising sila na mas magaan ang pakiramdam, at pagkatapos ay magpapatuloy sila sa kanilang gawain. Magtutuon sila sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang gawain; hindi nila ituturing ang kaunting pisikal na pagkapagod na malaking isyu. Subalit, kapag umuusbong ang isang problema sa pag-iisip ng mga tao at palagi silang naghahangad ng pisikal na kaginhawahan, anumang oras na medyo maagrabyado o hindi makuntento ang kanilang katawan ay uusbong ang ilang negatibong emosyon sa kanila. … Madalas silang nakakaramdam ng pagkapigil sa mga bagay na ito at ayaw nilang tumanggap ng tulong mula sa kanilang mga kapatid o mapangasiwaan ng mga lider. Kung magkakamali sila, hindi nila hahayaan ang iba na pungusan sila. Ayaw nilang malimitahan sa anumang paraan. Iniisip nila, ‘Nananalig ako sa Diyos para makahanap ako ng kaligayahan, kaya bakit ko pahihirapan ang sarili ko? Bakit kailangang maging sobrang nakakapagod ang buhay ko? Dapat mamuhay nang masaya ang mga tao. Hindi nila dapat masyadong pansinin ang mga patakarang ito at ang mga sistemang iyon. Ano ang silbi ng palaging pagsunod sa mga iyon? Sa ngayon, sa sandaling ito, gagawin ko kung anong gusto ko. Walang sinuman sa inyo ang dapat na may masabi tungkol doon.’ Partikular na sutil at talipandas ang ganitong uri ng tao: Hindi nila hinahayaang magtiis ng anumang pagpipigil ang kanilang sarili, at hindi rin nila nais na maramdamang napipigilan sila sa anumang kapaligiran sa trabaho. Ayaw nilang sumunod sa mga patakaran at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, ayaw nilang tanggapin ang mga prinsipyong dapat pinanghahawakan ng mga tao sa kanilang pag-asal, at ni ayaw nilang sundin ang sinasabi ng konsensiya at katwiran na dapat nilang gawin. Gusto nilang gawin ang gusto nila, gawin ang anumang magpapasaya sa kanila, ang anumang mapakikinabangan nila at makakaginhawa sa kanila. Naniniwala sila na ang mamuhay sa ilalim ng mga pagpipigil na ito ay lalabag sa kanilang kalooban, na magiging isa itong uri ng pang-aabuso sa sarili, na magiging napakahirap nito para sa kanila, at na hindi dapat mamuhay nang ganoon ang mga tao. Iniisip nila na dapat mamuhay ang mga tao nang malaya at napakawalan na, bigyang-layaw ang kanilang laman at mga ninanasa nang walang limitasyon, pati na rin ang kanilang mga minimithi at ninanais. Iniisip nila na dapat nilang bigyang-layaw ang lahat ng kanilang ideya, sabihin ang anumang gusto nila, gawin ang anumang gusto nila, at pumunta kung saan man nila gusto, nang hindi kinakailangang isaalang-alang ang mga kahihinatnan o ang mga damdamin ng ibang tao, at lalo na nang hindi kinakailangang isaalang-alang ang sarili nilang mga responsabilidad at obligasyon, o ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga nananalig, o ang mga katotohanang realidad na dapat nilang itaguyod at isabuhay, o ang landas sa buhay na dapat nilang sundan. Ang grupong ito ng mga tao ay palaging gustong gawin ang gusto nila sa lipunan at sa ibang tao, pero saanman sila magpunta, hindi nila iyon matatamo kailanman. Naniniwala sila na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang mga karapatang pantao, na binibigyan nito ng lubos na kalayaan ang mga tao, at na inaalala nito ang sangkatauhan, at ang pagpaparaya at pagtitimpi sa mga tao. Inaakala nila na matapos nilang dumating sa sambahayan ng Diyos ay dapat malaya nilang mabigyang-layaw ang kanilang laman at mga ninanasa, pero dahil may mga atas administratibo at patakaran ang sambahayan ng Diyos, hindi pa rin nila magawa ang gusto nila. Kaya, ang negatibong emosyon nilang ito na pagkapigil ay hindi malulutas kahit pagkatapos nilang sumapi sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila nabubuhay para tuparin ang anumang uri ng mga responsabilidad o para tapusin ang anumang misyon, o para maging isang tunay na tao. Ang pananalig nila sa Diyos ay hindi para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, tapusin ang kanilang misyon, at kamtin ang kaligtasan. Kahit sino pa ang mga taong kasama nila, kahit ano pa ang mga kapaligiran nila, o ang propesyon nila, ang sukdulan nilang minimithi ay ang mahanap at mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang layunin ng lahat ng kanilang ginagawa ay umiikot dito, at ang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili ang kanilang ninanasa sa buong buhay nila at ang minimithi ng kanilang paghahangad(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5). Noon, palagi kong pinaniwalaan na ang nakapipigil ko na emosyon ay dahil sa pagiging sobrang abala sa mga tungkulin ko bilang lider at dulot ng stress at mga paghihirap. Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, sa wakas nakita ko na ang problema sa aking mga kaisipan at pananaw sa paghahangad ang nagsanhi ng aking pagkakapigil. Palagi kong gustong gawin ang anumang gusto ko sa aking tungkulin, at kapag nahaharap sa anumang stress at paghihirap o kapag hindi natutugunan ang aking laman, namumuhay ako sa loob ng nakapipigil na emosyong ito. Ito ay dahil naimpluwensiyahan ako ng mga lason na ikinintal sa akin ni Satanas, tulad ng “Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya,” at “Magpakasaya ka na ngayon,” iniisip na dapat tratuhin ng mga tao nang maayos ang kanilang sarili sa buhay. Dati, noong estudyante pa ako at malapit na ang entrance exam sa high school, binigyan kami ng paaralan ng ilang araw na pahinga para mag-review sa aming mga leksiyon. Nakaramdam ng presyur ang mga kaklase ko at ginusto pa nilang mag-aral nang husto bago ang mga eksaminasyon, pero ayaw kong pahirapan ang sarili ko nang ganoon, iniisip ko na hindi naman ganoon kahalaga ang mga resulta ng pagsusulit ko at hindi na kailangang pagurin ang sarili ko. Ginugol ko ang oras na iyon nang tumatambay kasama ang ilang malalapit na kaibigan, wala akong anumang pagkabalisa, hindi gaya ng nararanasan ng mga tao bago ang mga pagsusulit. Noong magsimula na ako sa aking propesyon, gumawa rin ako ng mga desisyon batay sa mga kagustuhan ng laman. May isang kompanya na may mahihigpit na kinakailangan para sa mga empleyado nito at naramdaman kong nasasakal at napipigilan ako, kaya’t nagbitiw ako at umalis. Inisip ko na dapat mamuhay nang ganito kalaya at kadali ang isang tao. Matapos manampalataya sa Diyos, ganoon pa rin ang mga pananaw ko sa aking paghahangad, gusto kong gumawa ng maalwan at walang stress na tungkulin. Nang medyo naging mas abala at mas nakaka-stress ang tungkulin ko, nasasakal ako, lumalaban, at nagiging pabasta-basta ako at iniraraos ko lang ang aking tungkulin. Wala akong anumang pagkatao. Alam na alam ko na ang Partido Komunista ngayon ay galit na galit na nang-aaresto at nang-uusig ng mga hinirang ng Diyos. Dahil isinasaalang-alang ng nakatataas na lider ang mabababang tayog ng mga baguhan, sinabi nito na kailangan naming palakasin ang pagdidilig at pagsuporta para mabilis silang magkapundasyon sa tunay na daan sa lalong madaling panahon. Sa pamamagitan ng pagsubaybay sa gawain ng pagdidilig at mas mahigpit na pangangasiwa, ganap na inaako ng lider ang responsabilidad para sa buhay ng mga baguhan at isinasaalang-alang niya ang layunin ng Diyos. Ito ang dapat gawin ng isang lider. Pero dahil kinailangang higit na magdusa at magbayad ng halaga ang aking laman, lumaban at nagreklamo ako, hindi ko sineryoso ang gawain ng pagdidilig. Dahil dito, nagdusa sa mga kawalan ang buhay ng ilang baguhan dahil hindi sila nadiligan sa oras. Para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan at may papapahalaga sa responsabilidad, kapag isinasaalang-alang ang kanilang atas mula sa Diyos, iniisip muna nila kung paano isaalang-alang ang layunin ng Diyos at mamuhay ayon sa Kanyang mga hinihingi. Gaano man kalaki ang mga paghihirap o stress na kanilang kinakaharap, nagagawa nilang harapin ang mga ito sa maagap na paraan, ipinapatupad ang bawat gawain nang seryoso at responsable. Kung ikukumpara ko sila sa sarili ko, gumagawa ako ng mga tungkulin bilang lider, pero hindi ako umako ng responsabilidad sa aking gawain at iniraraos ko lang ang pagpapatupad ng mga gampanin. Sa ganitong paraan ng pagtrato sa aking tungkulin, hindi ako karapatdapat sa pagtitiwala ng sinuman, at itinapon ko ang aking integridad at dignidad. Kung patuloy akong hindi magsisisi sa Diyos, lubha kong maaantala ang gawain ng iglesia, at kokondenahin at ititiwalag ako ng Diyos! Kung hindi ako nabunyag nang ganito, hindi ko makikilala ang mga maling pananaw na ito sa aking paghahangad sa lahat ng taong ito, at aakalain ko na ang paghahangad sa ganitong paraan ay talagang malaya at madali. Tunay nga akong napakahangal at katawa-tawa.

Kalaunan, nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa mula sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga tunay na nananalig sa Diyos ay lahat ng mga indibidwal na nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, lahat sila ay handang gampanan ang kanilang mga tungkulin, kaya nilang magpasan ng isang gawain at gawin iyon nang maayos ayon sa kanilang kakayahan at sa mga patakaran ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, sa simula ay maaaring maging mahirap masanay sa buhay na ito. Maaari mong maramdamang pagod na pagod ang iyong katawan at isip. Subalit, kung talagang may paninindigan kang makipagtulungan at handa kang maging isang normal at mabuting tao, at na magtamo ng kaligtasan, kailangan mong magbayad ng kaunting halaga at hayaan ang Diyos na disiplinahin ka. Kapag nahihimok kang maging sutil, kailangan mong maghimagsik laban dito at bitiwan ito, paunti-unting bawasan ang iyong pagkasutil at mga makasariling ninanasa. Dapat kang humingi ng tulong ng Diyos sa mahahalagang bagay, sa mahahalagang oras, at sa mahahalagang gampanin. Kung tunay kang may paninindigan, dapat mong hilingin sa Diyos na ituwid at disiplinahin ka, at na bigyang-liwanag ka upang maunawaan mo ang katotohanan, sa ganoong paraan ay makakukuha ka ng mas magagandang resulta. Kung tunay kang may paninindigan, at magdarasal ka sa Diyos sa Kanyang presensya at magsusumamo ka sa Kanya, kikilos ang Diyos. Babaguhin Niya ang iyong kalagayan at mga iniisip. Kung gagawa nang kaunti ang Banal na Espiritu, aantigin ka nang kaunti, at bibigyang-liwanag ka nang kaunti, magbabago ang iyong puso, at magbabago ang iyong kalagayan. Kapag nangyari ang pagbabagong ito, madarama mong ang pamumuhay nang ganito ay hindi nakapipigil. Ang pagkapigil mong kalagayan at mga emosyon ay magbabago at mababawasan, at magiging iba ang mga ito sa dati. Madarama mong ang pamumuhay nang ganito ay hindi nakakapagod. Masisiyahan kang gampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Madarama mo na magandang mamuhay, umasal, at gumampan ng iyong tungkulin sa ganitong paraan, nagtitiis ng mga paghihirap at nagbabayad ng halaga, sumusunod sa mga patakaran, at ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo. Madarama mong ito ang uri ng buhay na dapat mayroon ang mga normal na tao. Kapag namumuhay ka ayon sa katotohanan at ginagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, madarama mong panatag at payapa ang iyong puso, at na makabuluhan ang iyong buhay(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na gusto ng Diyos ang mga taong tunay na nananampalataya sa Kanya at nag-aasikaso sa kanilang nararapat na gawain. Anumang uri ng mga paghihirap o stress ang kinakaharap ng mga taong ito sa kanilang tungkulin, kaya nilang gumampan sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon bilang mga taong nasa hustong gulang na at tumanggap, magpasakop, huwag magtangkang tumakas, at kumilos ayon sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Kapag hindi nila ito magawa, ang mga taong ito ay magdarasal at aasa sa Diyos at maghahanap sa katotohanan. Dahil sa kanilang paghahangad at halagang ibinabayad, bibigyang-liwanag at gagabayan sila ng Diyos. Ito ang mga taong may halaga ang buhay. Kung ikukumpara ito sa paggampan ko sa aking tungkulin, kapag mayroon akong katiting na mga paghihirap o stress, namumuhay ako sa loob ng aking mga nakapipigil na emosyon, hindi hinahanap ang layunin ng Diyos at gusto pa ngang umiwas sa aking tungkulin. Ganap na ako ay hindi isang taong nagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos. Noon, kapag gumagawa lang ako ng mas simpleng tungkulin at walang masyadong hinihingi sa akin, iyon ay dahil masyado pang mababa ang tayog ko at kasisimula ko pa lang magsanay. Ngayon, ginagawa ko ang mga tungkulin bilang lider, at mas mabigat na ang pinapasan ko, kaya natural lang na mas marami ang hinihingi sa akin. Katulad ito ng kapag ang isang bata sa isang pamilya ay umabot na sa tamang edad para gumawa ng kaunting gawain at mga tungkulin sa bahay, siguradong mas maraming hihingin sa kanya ang kanyang mga magulang. Kung takot siyang magdusa at hindi niya inaasikaso ang kanyang nararapat na gawain, kung gayon ay wala siyang pagkatao at tiyak na hindi siya magugustuhan ng kanyang mga magulang. Pinaboran ako ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapagawa sa akin ng napakahalagang tungkulin at pagbibigay sa akin ng mas mabigat na pasanin. Ang Kanyang layunin ay para maunawaan ko ang mas maraming katotohanan at para mas mabilis na lumago ang aking buhay, para pasanin ko ang aking mga responsabilidad tulad ng isang taong nasa hustong gulang na at maging isang taong may konsensiya at katwiran. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, nakaramdam ako ng mas higit na paglaya. Hindi ako pwedeng patuloy na maging hindi karapat-dapat sa pagiging maalalahanin ng Diyos. Kahit marami akong gawain at mas maraming stress, kailangan kong ituwid ang aking saloobin sa tungkulin ko at pagsikapan ang mga katotohanang prinsipyo, higit na maghanap kasama ang aking katuwang na sister at ang nakatataas na lider kapag mayroon akong hindi nauunawaan habang unti-unting pinupunan ang kakulangan ko at tinutugunan ang mga hinihingi ng Diyos.

Noong Setyembre, lalong lumala ang mga pang-aaresto ng Partido Komunista, at nakagagawa lang kami ng gawain nang lingid sa kaalaman ng iba. Sa kabila nito, kinailangan ko pa ring harapin ang lahat ng uri ng problema na iniuulat at sinisikap na lutasin ng mga kapatid araw-araw, kasama ang gawaing hiniling sa amin ng nakatataas na lider na agarang ipatupad. Ang mga pagpigil ng mga sitwasyong ito ay nakaapekto sa pagpapatupad namin sa iba’t ibang gampanin at sa pangangasiwa at paglutas namin sa mga isyu. Araw-araw, mabigat sa aking isipan ang mga bagay na ito, at lubhang nakakapagod isipin ang mga ito. Kasabay nito, pinapadalhan kami ng mga sulat ng nakatataas na lider para kumustahin ang pag-usad ng iba’t ibang gampanin. Nagsimula na naman akong lumaban, at naisip ko, “Masyadong detalyado at madalas ang pagsusubaybay ng lider sa gawain. Noong una, akala ko, ang paggawa nang lingid sa kaalaman ng iba ay nangangahulugang makakapagpahinga ako nang kaunti, pero bukod sa hindi nabawasan ang bigat ng gawain, mas lalo pa nga itong nadagdagan. Ngayon ay wala na akong anumang pagkakataon na magpakasasa sa aking laman. Mapipigilan ako nang husto kung kinakailangan kong patuloy na gawin ang tungkulin ko nang ganito sa hinaharap!” Napagtanto ko na mali na naman ang kalagayan ko, kaya’t dali-dali akong lumapit sa Diyos, nagsusumamo sa Kanya at hinihiling sa Kanya na protektahan ang puso ko. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Bilang isang taong nasa hustong gulang, kailangan mong pasanin ang mga ito—nang hindi nagrereklamo o lumalaban, at lalo na nang hindi umiiwas o tumatanggi sa mga ito. … Sa lipunan man o sa sambahayan ng Diyos, pare-pareho lang para sa lahat. Ito ang responsabilidad na dapat mong pasanin, ang mabigat na dalahing dapat ay buhat-buhat ng isang taong nasa hustong gulang, ang bagay na dapat niyang isabalikat, at hindi mo ito dapat iwasan. Kung palagi mong sinusubukang takasan o iwaksi ang lahat ng ito, lalabas ang iyong mga emosyon ng pagkapigil, at palagi kang magagapos ng mga iyon. Subalit, kung kaya mong maunawaan nang wasto at matanggap ang lahat ng ito, at makita ito bilang isang kinakailangang bahagi ng iyong buhay at pag-iral, hindi dapat maging dahilan ang mga isyung ito upang magkaroon ka ng mga negatibong emosyon(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napag-alaman ko na hindi simple at madaling bagay ang maging isang tao na kayang akuin ang mga bagay-bagay at maging isang responsableng tao; kung palagi kong gustong iwasan ang mga ganitong sitwasyon, patuloy akong magagapos ng nakapipigil na emosyong ito. Sinusubaybayan ng lider ang gawain para magawa ko nang maayos ang aking tungkulin. Dahil mayroon akong mga tiwaling disposisyon at madalas na pabasta-basta sa aking tungkulin, tanging sa ilalim ng pagsubaybay ng lider na hindi ako nangahas na magpatuloy na mamuhay ayon sa mga disposisyong ito at gumawa ng kahit anong gusto ko. Makakatulong ito sa akin na magampanan nang maayos ang aking tungkulin. Naisip ko na hindi ako pwedeng patuloy na mamuhay sa aking mga nakapipigil na emosyon gaya ng dati; kailangan kong ituwid ang aking saloobin at harapin nang tama ang pagsusubaybay ng lider. Sa sandaling ganito na ang pag-iisip ko, unti-unti nang nagbago ang kalagayan ko. Pagkatapos nito, normal kong ginampanan ang iba’t ibang gawain, ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para maiambag ang anumang maisip o magawa ko. Kapag hindi ko maisakatuparan ang isang bagay, agad akong sumusulat sa lider, naghahanap ng landas sa paglutas. Ngayon, bagamat marami pa ring paghihirap at stress sa gawain ko, hindi na ako nakakaramdam ng pagpigil at pasakit; sa kabaligtaran, tumibay ang aking pagpapahalaga sa responsabilidad. Ang patnubay ng mga salita ng Diyos ang nagpalaya sa akin mula sa pagkapigil at naghimok sa akin na pasanin ang mga responsabilidad tulad ng isang taong nasa hustong gulang na. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...