Nakakahinga nang Maluwag na Walang Panibugho

Pebrero 28, 2021

Ni Anjing, Tsina

Noong Enero ng 2017, nabigyan ako ng tungkulin ng pagdidilig sa loob ng iglesia. Labis akong nagpasalamat sa Diyos para sa pagkakataong magsanay sa tungkuling ito, at nagpasya akong gawin ito nang maasikaso at mabuti. Makalipas ang ilang panahon, nagkamit ako ng ilang resulta, sa pagtulong man sa pagtatama ng kalagayan ng mga kapatid, o sa pagbabahagi kasama nila sa mga pagpupulong. Mataas ang pagtingin sa akin ng aking mga kapatid at ng mga pinuno ng iglesia, at nagsimula akong labis na malugod sa aking sarili, na mahusay ang aking ginagawa.

Noong Hunyo, isinaayos ng aking mga pinuno sa iglesia na gumawang kasama ko si Sister Wenjing, at hiniling sa aking tulungan ang sister kung saan niya kailangan, na malugod kong sinang-ayunang gawin. Habang magkasama kaming gumagawa, napag-alaman kong hinangad ni Sister Wenjing ang katotohanan, at mahusay lahat ang kanyang kakayahan at paggamit sa mga salita. Pagkakita nito, naging bahagyang maingat ako sa kanya. Nagsimula akong mag-isip: “Sa kaunting pagsasanay pa, malalagpasan na niya ako. Tiyak na magsisimula siyang tingalain ng aming mga kapatid, gugugol ng mas maraming panahon ang mga pinuno sa pagpapayabong sa kanyang talento, at pagkatapos wala nang titingala sa akin.” Ngunit hindi nagtagal ay nangyari ang aking kinatatakutan. Isang araw, pagkatapos ng isang pagpupulong, dinalaw ko ang isang pinuno ng iglesia upang ibigay sa kaniya ang mga patotoo sa karanasan, na isinulat ko at ni Sister Wenjing. Pagkatapos basahin ang mga ito, ngumiti ang aming pinuno sa iglesia at sinabing, “Hindi masama ang lathalang patotoo ni Sister Wenjing. Mayroong ilang praktikal na karanasan dito, at magaling siyang magsulat.” Pagkarinig sa kanya na pinupuri si Sister Wenjing nang ganito, lubos akong hindi nasiyahan. Inisip ko sa aking sarili: “Totoo nga, may mabuting kakayahan si Sister Wenjing. Ngunit mas marami na akong nalutas na mga suliranin sa gawain kaysa sa kanya. Mas magaling pa rin ako sa kanya sa aspetong iyon. Kailangan kong galingan pa—hindi ko maaaring hayaang malagpasan niya ako, kung hindi matatanggal ako sa posisyon ko dito.”

Makalipas ang ilang araw, sumulat ng isa pang patotoo sa karanasan si Sister Wenjing. Binasa ito ng aming pinuno sa iglesia, at muli niyang pinuri ang kakayahan ni Sister Wenjing at ang pagiging positibo nang pagkakasulat ng kanyang artikulo, at hiniling sa akin na bigyan ng higit pang oras ang aking sariling artikulo. Nanggalaiti ako sa kanyang mga salita, at nagsimulang sisihin ang pinuno, iniisip kong: “Palagi mong sinasabi kung gaano kahusay ang kakayahan ni Wenjing. Mas magaling ba siya kaysa sa akin sa lahat ng bagay? Ilang lugar ng pagtitipon lamang ang kailangang daluhan ni Sister Wenjing, kaya’t marami siyang oras na magsulat ng mga artikulong ito. Kung hindi ako masyadong abala sa gawain ng iglesia, magkakaroon din ako ng maraming oras para magsulat ng mga artikulo.” Nagsawa akong marinig na pinupuri siya, kaya’t sinabi ko na lang nang tuwiran sa aking pinuno ng iglesia: “Marunong din akong magsulat.” Pagkaraan ng isang linggo, pinuri ng isa pang pinuno ng iglesia ang patotoo sa karanasan ni Sister Wenjing dahil sa pagiging napaka-praktikal nito, at inudyukan siyang magsulat pa ng mas marami, habang hinihiling din sa aking magsulat sa paraang nakakapagpakilos na tulad ng sa kanya. Talagang nainis ako—sandali pa lang siyang narito at nakapagsulat na ng dalawang patotoo sa karanasan, at pinupuri siya ng mga pinuno ng iglesia. Matagal-tagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito ngunit nakakasulat pa lang ng isa—anong iisipin ng mga pinuno ng iglesia tungkol sa akin? Sasabihin ba nila na hindi ko maisaayos ang aking oras, na hindi ako handang magdusa o magsakripisyo upang isulat ang aking mga patotoo? Naungusan na ako ng kalidad ng nakalalamang na kakayahan ni Sister Wenjing, at ngayong naisulat niya ang mga artikulong ito, tiyak na iisipin ng mga pinuno na mas magaling siya kaysa sa akin. Kung magpapatuloy siya sa pagsusulat ng mga ito, hindi ba’t lalo akong magmumukhang walang kakayahan? Napagpasyahan ko na ang kailangan kong gawin ay makahanap ng paraan upang panatilihin siyang abala, nang sa gayon hindi siya magkakaroon ng oras na magsulat ng mga artikulong ito at hindi magmumukhang may malaking kaibahan sa pagitan namin sa mata ng mga pinuno. Upang mapanatili ang aking katayuan sa iglesia, sinimulan kong pataasin ang panggigipit sa kanya, at ipinagkatiwala sa kaniya ang ilang pagpupulong ng grupo para sa pagbabahagi. Pagkakita sa kung gaano siya naging abala araw-araw pagkatapos nito, naisip kong ialok na bawiin ang ilan sa kanyang mga tungkulin. Ngunit inisip ko sa aking sarili: “Kung hindi ka ganito kaabala, magkakaroon ka ng oras na magsulat ng mga artikulong iyon. Mas mabuting panatilihin kang abala.” Isang gabi, nahuli ko siyang nagsusulat ng isang artikulo at sa mahigpit na tono ay pilit ko siyang tinanong tungkol sa mga detalye ng gawain ng lahat ng mga grupo na pinamamahalaan niya, at napag-alaman kong mayroong ilang bagong mananampalataya na may mga suliraning hindi pa nalulutas. Pinagsabihan ko siya, sinasabing hindi siya nagiging maasikaso sa kanyang tungkulin. Pagkatapos ko siyang mapagalitan, yumuko lamang siya, at walang sinabi.

Pagkatapos ng isang buwan, napansin ng isang pinuno ng iglesia kung paanong hindi masyadong nagiging matagumpay si Sister Wenjing sa mga grupong pinamamahalaan niya at kung paanong mayroon pa ring mga suliraning hindi pa niya nalulutas, at tinanong niya ako kung anong nangyayari. Naisip ko sa sarili ko: “Napakataas ng pagtingin mo sa kanya, ngunit ngayon alam mo nang wala siyang masyadong nakakamit sa kanyang tungkulin, hindi na magiging mataas ang tingin mo sa kaniya!” Ngunit, sa laking gulat ko, mariin siyang humihiling sa akin na tulungan pa siya! Labis ang pagtutol ko dito. “Si Sister Wenjing lang ang nakikita mo,” naisip ko. “Mas mataas ang kakayahan niya kaysa sa akin. Kung patuloy ko siyang tutulungan, mapapalitan na niya ako.” Nagsimula akong magdahilan, ngunit nakita ng pinuno ng iglesia ang aking tunay na kalagayan. Inilantad niya ang aking pagkamakasarili at pagkahamak ng ugali, at sinabi na hindi ko itinataguyod ang gawain ng bahay ng Diyos. Sinabi rin niya na may mabuting kakayahan si Sister Wenjing at karapat-dapat sanayin, na kailangan kong magbahagi sa kanya at tulungan pa siya, at na hindi maaaring sariling katayuan at reputasyon ko lamang ang aking inaalala. Hindi nagtagal, pinilit ko ang aking sarili na tanungin si Sister Wenjing kung nahihirapan siya sa pagganap sa kanyang tungkulin. Nakita ko na pakiramdam niya nasasakal ko siya at ayaw magsabi sa akin. Nagbigay dapat iyon sa akin ng dahilan para magnilay-nilay tungkol sa aking sarili, ngunit hindi ko siya gusto at inisip ko sa aking sarili: “Sinubukan ko siyang tulungan, ngunit ayaw niyang magsalita.” Unti-unti, naging mas madilim ang aking espiritu. Kapag pinag-uusapan ang gawain ng iglesia, hindi ko naalintana ang umuusbong na ilang maliliwanag na suliranin. Mas madalas ko siyang nakikita, mas lalo akong naiinis sa kanyang presensya. Isang araw, nakita ko siyang nagkakamali, at nagalit ako at mahigpit siyang pinagsabihan, sinabing, “Pinag-usapan na natin ang suliraning ito, at hindi mo pa rin nalulutas. Palagi kang nag-iingat kapag sinusulat mo ang mga artikulong iyon—sayang na hindi mo rin iyon magawa kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin!” Pagkatapos nito, lalong naramdaman ni Sister Wenjing na nasasakal ko siya at hindi na nangahas na magsulat ng mga patotoo. Alam kong nasaktan ko siya, pero hindi ko mapigilan—palagi akong nagagalit sa kanya, na hindi ko naman sinasadya. Nagdurusa rin ako sa aking puso, kaya’t nanalangin ako sa Diyos na tulungan akong makaalis sa ganitong kalagayan.

Kinabukasan, sa isang pagpupulong, sinabi ni Sister Wenjing na pakiramdam niya parang napakalaki ng kanyang mga pagkukulang, na hindi niya kayang gawin ang tungkuling ito at nais nang bumalik sa tungkuling ginagawa niya noon. Pagkarinig nito, agad kong naisip: “Ang lahat ng ito ba ay dahil sa pasakit na idinulot ko sa kanya? Kung totoo iyon, talagang nakagawa ako kung gayon ng isang masamang bagay.” Bahagya akong nagulantang at natakot. Tinanong ko sa kaniya ang dahilan ng lahat ng ito, at nagbahagi sa kalooban ng Diyos upang tulungan siya. Pagkatapos ng pagbabahagi sa kaniya, lubos na bumuti ang kanyang kalagayan, at—sa labis na kaluwagan ng aking damdamin—sinabi niya na handa siyang magpatuloy sa tungkuling ito. Sa sandaling iyon, napadaan ang isang pinuno ng iglesia. Nang malaman niya na pinipigilan ko si Sister Wenjing at na ayaw na ni Wenjing na magpatuloy na gumawa kasama ako, magaspang niya akong iwinasto. Sabi niya, “Bakit hindi mo magawang magbahagi sa kanya nang mahinahon at tulungan siya kapag nakikita mong nagkakamali siya ng ginagawa? Sa halip, umiinit ang ulo mo at hindi siya tinatrato nang maganda. Kapansin-pansin na kamakailan ay hindi maganda ang mga resulta ng iyong mga tungkulin—kailangan mo ng ilang taimtim na pagnilay-nilay sa sarili.” Talagang tinamaan ako sa sinabi niya. Naluha ako, at sa loob ko pakiramdam ko hindi tama ang pagtrato sa akin at nagsimula akong umangal: “Kung hindi maayos ang nangyayari sa gawain kamakailan, hindi lang iyon dahil sa akin—bakit ako lang ang iwinawasto?” Ngunit sa sandaling iyon, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kung naniniwala ka sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay dapat kang maniwala na ang mga pang-araw-araw na pangyayari, mabuti man o masama ang mga ito, ay hindi basta na lamang nagaganap. Hindi ito dahil may isang sinasadyang magpahirap sa iyo o pumuntirya sa iyo; lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Bakit isinasaayos ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito? Hindi ito para ibunyag kung sino ka o upang ilantad ka; ang paglalantad sa iyo ay hindi ang panghuling layunin. Ang layunin ay gawin kang perpekto at iligtas ka(“Para Tamuhin ang Katotohanan, Dapat Matuto Ka Mula sa Mga Tao, Mga Pangyayari, at Mga Bagay sa Paligid Mo” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Totoo ito—dahil sa pahintulot ng Diyos kaya nakakaharap ko ang mga tao, pangyayari, at mga bagay-bagay na ito ngayon. Hindi sa sinasadya akong pahirapan ng pinuno ng iglesia; ang sarili kong tiwaling disposisyon ang kailangan kong pagnilay-nilayan at lutasin. Kailangan kong tumigil sa paggawa ng mga dahilan at sa pagrereklamo—kailangan kong magkaroon ng masunuring puso at tanggapin ang mga nangyayari. Nang maisip ko ito, bahagyang nabawasan ang nararamdaman kong pagka-api dahil sa lahat ng nangyari.

Nang gabing iyon, hindi ako makatulog. Nakahiga ako sa kama, pabaling-baling, habang paulit-ulit na kusang bumabalik sa aking isipan ang lahat ng nangyari sa araw na iyon, parang isang pelikula. Paulit-ulit kong tinatanong ang aking sarili: “Kung isinaayos ng Diyos ang pinuno ng iglesia upang iwasto at tabasan ako, ano ang kailangan kong matutunan mula sa lahat ng ito? Paano ko tinatrato si Sister Wenjing?” Alam na alam kong mabuti ang kaniyang kakayahan, ngunit hindi ko sinubukang matuto sa kanya—sa halip, sinubukan kong makipagpaligsahan sa kanya. Ninais niyang magsulat ng mga artikulo na nagpapatotoo para sa Diyos, ngunit sinubukan kong sirain ang kanyang sigla sa pagsusulat ng mga artikulong ito. Paano ko nagawa ang isang bagay na napakasama? Ano ang naging pag-iisip sa likod niyon, at saan ito nagmula?

Kinabukasan sa panahon ng aking debosyonal, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Takot palagi ang ilang tao na maging mas sikat sa kanila ang iba at mahigitan sila, na nagtatamo ng pagkilala habang sila naman ay kinaliligtaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Masama ito! Sarili lang ang iniisip, sariling mga hangarin lamang ang binibigyang-kasiyahan, walang konsiderasyon sa mga tungkulin ng iba, at iniisip lamang ang sariling mga interes at hindi ang mga interes ng bahay ng Diyos—ang ganitong klaseng mga tao ay may masamang disposisyon, at hindi sila mahal ng Diyos. Kung talagang kaya mong bigyan ng konsiderasyon ang kalooban ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung binibigyan mo ng rekomendasyon ang isang tao, at nagkaroon ng talento ang taong iyon, at sa gayo’y nagdadala ka ng isa pang taong may talento sa bahay ng Diyos, hindi ba nagawa mo nang maayos ang iyong gawain? Hindi ba naging tapat ka sa pagganap sa iyong tungkulin? Magandang gawa ito sa harap ng Diyos, at ganitong klaseng konsiyensya at katwiran ang dapat taglayin ng mga tao(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Malupit na sangkatauhan! Ang pakikipagsabwatan at intriga, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, inaasahan, katayuan, karangyaan, at kayamanan, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan). Ang binanggit ng mga salita ng Diyos ay ang mismong sarili kong kalagayan. Lumabas na nakikipagpaligsahan ako sa aking kapatid para sa pagkilala at reputasyon. Nasilo ako ng aking pagnanasa para sa kasikatan at katayuan, at hindi ko matanggal ang aking sarili mula rito. Mula noong magsimula akong gumawa kasama si Sister Wenjing sa tungkuling ito at nakita ang kanyang mabuting kakayahan at ang kanyang hilig sa pagsusulat ng mga patotoo sa karanasan, at ang pag-puri sa kaniya ng mga pinuno ng iglesia, nanibugho ako at hindi ko ito matanggap. Inilalaban ko ang aking sarili sa kanya, nakikipagkompitensya sa kanya sa sarili kong isip. Itinalaga ko siyang mamahala sa maraming pagpupulong ng mga grupo upang hindi siya magkaroon ng panahon na isulat ang kanyang mga artikulo, at noong nagkakaroon siya ng mga suliranin sa kanyang tungkulin, hindi lang sa hindi ko siya tinulungan kundi pinagalitan ko pa siya hanggang maging pasibo siya at masakal. Alam kong may mabuti siyang kakayahan at karapat-dapat sanayin, at na dapat lalo ko pa siyang tinutulungan. Ngunit kinaiinggitan ko ang kanyang mga kakayanan, at ayaw ko na may ibang mas magaling kaysa sa akin. Noong napagtanto ko na mas magaling siya sa akin, nanibugho ako at nainis. Upang mapanatili ang sarili kong posisyon at reputasyon, hindi lang sa hindi ko siya tinulungan, kundi inapi ko siya at sinubukang sirain ang kanyang sigasig sa pagsusulat ng mga artikulo. Napakasama ng aking hangarin at ako’y kasuklam-suklam! Biniyayaan ako ng Diyos, pinahihintulutan akong magsanay sa pagganap sa tungkulin ng pagdidilig. Hindi ko nagampanang mabuti ang aking tungkulin upang suklian ang pagmamahal ng Diyos, bagkus ay nanibugho sa mga kakayanan ni Wenjing at nakipagpaligsahan sa kanya para sa kasikatan at pakinabang. Wala ako ni katiting na budhi o katinuan. Napuno ako ng mataos na pagsisisi at pagsisi sa sarili, kaya’t nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan akong mahanap ang pinagmumulan ng suliraning ito.

Pagkatapos, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang naiisip ng mga tao ay pawang katanyagan at pakinabang na lamang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagbabata ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, isinasakripisyo ang lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at gagawa sila ng anumang paghatol o pagpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Walang kaalam-alam nilang dinadala ang mga kadenang ito at lumalakad nang may matinding paghihirap. Para sa kapakanan ng katanyagan at pakinabang na ito, ang sangkatauhan ay lumalayo sa Diyos at pinagtataksilan Siya at mas lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, nasisira ang sali’t salinlahi sa katanyagan at pakinabang ni Satanas(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na mga tanikala ang katanyagan at pakinabang na ginagamit ni Satanas upang gapusin tayo, at mga kagamitang gamit ni Satanas upang gawin tayong tiwali. Hindi ko nagawang palayain ang aking sarili mula sa mga tanikala at pagpigil ng katanyagan at pakinabang dahil lagi nang mali ang aking mga layunin sa buhay, kaisipan at pananaw. Hindi ako kumikilos batay sa mga salita ng Diyos at alinsunod sa Kanyang mga hinihingi—ginagawa ko ito alinsunod sa mga mala-satanas na alituntunin ng pamumuhay na itinatanim ni Satanas sa atin, gaya ng, “Mamukod-tangi sa iba,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Dapat laging magsikap ang mga kalalakihan para maging mas mabuti kaysa sa kanilang mga kapanahon.” Sa paaralan man o sa pagtatrabaho sa lipunan, palagi akong nakikipagpunyagi araw at gabi upang magkamit ng katanyagan o pakinabang, upang maging pinaka-una at paluguran ang aking hangarin na maging iba sa lahat. Pagkatapos manampalataya sa Diyos, namumuhay pa rin ako na nahuhumaling sa reputasyon at katayuan. Kapag pinupuri ako at tinitingala ng mga kapatid dahil sa aking tungkulin, at napupunuan ang aking pagnanasa para sa katanyagan, pakinabang, at katayuan, nagagalak ako sa ligaya ng pagiging iba at nagiging masaya ako. Ngunit noong nakita ko na mas magaling sa akin si Sister Wenjing, nanibugho ako sa mga kakayanan niya. Nangamba akong madadaig niya ako at magiging isang banta sa aking posisyon, kaya’t ginawa ko ang lahat upang pigilin at apihin siya nang hindi iniisip ang kapakanan ng bahay ng Diyos, o ang kanyang damdamin. Sa sandaling iyon, malinaw kong nakita na ako’y naging tapat na alipin sa katanyagan at pakinabang, at sa paghahanap sa mga bagay na iyon naiwala ko ang aking budhi at katinuan. Naging mapanira ako, nagkaroon ng masamang hangarin, lalong nagiging makasarili at malupit, at wala akong ibang isinabuhay kundi ang imahe ng diyablong si Satanas. Tunay na naging mga kagamitan ni Satanas ang katanyagan, pakinabang, at katayuan upang gawin akong tiwali at linlangin ako sa paglabanan at pagtataksil sa Diyos. Naisip ko iyong mga anticristo na napalayas mula sa bahay ng Diyos noon: Pinahalagahan nila ang katayuan nang higit sa lahat. Alang-alang sa katayuan, ibinukod at inapi nila ang kanilang mga kapatid at pinarusahan at itiniwalag ang mga tao ayon sa kanilang kalooban. Sa huli, ginawa nila ang lahat ng uri ng kasamaan at naalis. Ipinakita ko ang sarili kong anticristong disposisyon sa naging pagtrato at pagkilos ko kay Sister Wenjing, at alam ko na kung hindi ko tinanggap ang paghatol at pagdalisay ng Diyos, at taimtim na nagsisi, hindi magtatagal maaalis din ako gaya ng mga anticristong iyon. Nakita ko na nasa mapanganib akong kalagayan, na ang kadiliman sa aking espiritu at mga kabiguan sa aking tungkulin ay mahigpit na paghatol at pagdisiplina ng Diyos. Kalooban ng Diyos na ako’y magnilay-nilay sa aking sarili at tumalikod, at iwanan ang maling landas na aking sinusundan, bago pa mahuli ang lahat.

Kaya, nanalangin ako sa Diyos, at hinilingan Siyang gabayan ako tungo sa daan ng pagsasagawa. Pagkatapos binasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Isaalang-alang mo ito: Anong mga uri ng pagbabago ang kailangang gawin ng isang tao kung nais niyang maiwasang mabitag sa mga kundisyong ito, mapalaya ang sarili niya mula sa mga ito, at mapakawalan mula sa pagkayamot at pagkagapos ng mga bagay na ito? Ano ang kailangang makamit ng isang tao bago siya maging tunay na malaya at napakawalan? Sa kabilang banda, kailangan niyang makita nang malinaw ang mga bagay-bagay: Ang katanyagan at yaman at posisyon ay mga kasangkapan at pamamaraan lamang na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao, bitagin sila, saktan sila, at gawin silang ubod ng sama. Sa teorya, kailangan mo munang magtamo ng malinaw na pagkaunawa rito. Bukod pa roon, kailangan mong matutuhang pakawalan at isantabi ang mga bagay na ito. … Kailangan mong matuto na hayaan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling manamantala sa sandaling magkaroon ka ng pagkakataong mamukod-tangi o mapuri. Kailangan mong matuto na pagbigyan ang iba, ngunit huwag mong ipagpaliban ang pagsasagawa ng iyong tungkulin. Maging isang taong nagtatrabaho nang patago, at hindi nagpapasikat sa iba habang matapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Kapag lalo mong binitiwan ang iyong kasikatan at katayuan, lalo mong bibitiwan ang sarili mong mga interes, mas mapapayapa ka, at magkakaroon ng mas malaking puwang sa iyong puso at bubuti ang lagay mo. Kapag lalo kang nagpumilit at nakipagkumpitensya, lalong didilim ang lagay mo. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, subukan mo at makikita mo! Kung gusto mong baligtarin ang ganitong klaseng kalagayan, at hindi ka makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mo munang isantabi at isuko ang mga ito(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Hindi magkapareho ang mga tungkulin. May isang katawan. Bawat isa’y ginagawa ang kanyang tungkulin, bawat isa’y nasa kanyang lugar at ginagawa ang kanyang buong makakaya—para sa bawat siklab may isang kislap ng liwanag—at naghahangad na lumago sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa. Ipinakita nila sa akin na, kapag nakakaisip ako ng mga mapanibughong kaisipan, kailangan kong manalangin sa Diyos at itakwil ang sariling kong layuning may kapintasan, isantabi ang aking sariling personal na interes, unahin sa lahat ang gawain ng bahay ng Diyos, at maging maalalahanin sa kalooban ng Diyos. Lahat tayo’y may kanya-kanyang kalakasan at kahinaan—ngunit kalooban ng Diyos na matuto tayo mula sa kalakasan ng bawat isa at punan ang ating mga kahinaan, upang makatayo ang lahat sa kanilang lugar at makaganap ng kanilang layunin sa pinakamahusay na magagawa nila. May mabuting kakayahan si Sister Wenjing, isang naghangad sa katotohanan. Ang dahilan kung bakit isinaayos ng bahay ng Diyos na gumawa siya kasama ko ay hindi upang manibugho ako sa kanyang mga kakayanan at makipagpaligsahan sa kanya sa pagpapakitang-gilas, kundi upang matuto ako mula sa kanyang mga kalakasan at mapunan ang aking mga kahinaan. Kabutihan ito ng Diyos sa akin. Kailangan kong itama ang aking saloobin: Kapag mas magaling kaysa sa akin ang iba at nagtataglay ng kanilang kalakasan, kailangan kong harapin ang katotohanan, at aminin ang sarili kong mga kahinaan at kakulangan. Kailangan kong matuto mula sa kapatid kong babae. Matagal-tagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito at higit na nauunawaan ang mga prinsipyo. Dahil dito, kailangan kong gawin kung ano ang kaya ko upang tulungan ang aking kapatid na babae, para magkasama naming magampanan ang aming tungkulin nang magkasundo.

Nilapitan ko kalaunan si Sister Wenjing at umamin sa kanya tungkol sa mga katiwaliang ipinapakita ko. Humingi ako ng tawad sa kanya, at binuksan niya ang kanyang puso sa akin at nagbahagi tungkol sa natutunan niya sa pangyayaring ito. Inaliw niya ako at pinalakas ang aking loob, at labis akong napahiya at nagsisi. Pagkaraan, kapag nakita ko siyang nahihirapan sa kanyang tungkulin, iniisip ko minsan sa aking sarili: “Kung tutulungan ko siyang lutasin ang suliraning ito, siya lamang ang makikita ng mga pinuno na magaling sa gawain. Walang makakaalam kung ano ang ginawa ko para tulungan siya. Nasa kanya lamang ang pagkakataong umungos at magpakitang-gilas.” Dahil dito, makakadama ako ng kaunting pagdadalawang-isip na tulungan siya—ngunit mabilis kong mamamalayan na muli na naman akong nakikipagpaligsahan sa kanya para sa katanyagan at pakinabang, at mananalangin ako sa Diyos na tulungan ako na maitama ang aking mga motibo at magkukusang-loob na tulungan siya. Sa paglipas ng panahon, bumuti ang aking kalagayan. Hindi ko na nararamdaman ang sakit at pagkabigo na dati kong nadarama sa kaibuturan ng aking puso, at naging mas mabuti ang aking ugnayan kay Sister Wenjing. Hayagang magbabahagi si Sister Wenjing sa akin tungkol sa kanyang kalagayan o kung ano ang kanyang nakamit, at napupuno ng tamis at tuwa ang aking puso.

Dahil dinanas ko ang karanasang ito nakilala ko ang tunay na katiwalian ng aking panibugho at pagkataong mapaghangad ng masama. Naging dahilan ito upang kamuhian ko ang aking sarili, habang tinutulungan ako nitong magkaroon ng ilang praktikal na pag-unawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Tinulungan ako nitong matuto kung paano makatakas sa mga tanikala at pagpigil ng sarili kong panibugho, at natikman ko ang kapayapaan at katatagan na nagmumula sa pagkilos nang alinsunod sa katotohanan ang salita ng Diyos. Binigyan ako nito ng kalooban na hangarin ang katotohanan, itakwil ang aking tiwaling disposisyon, at gampanang mabuti ang aking tungkulin. Salamat sa pagliligtas ng Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman