Pagkamulat ng Isang Huwad na Lider

Pebrero 7, 2022

Ni Yang Fan, Tsina

Noong 2019, nagsimula ako sa aking tungkulin bilang lider, Alam ko na ito ay pagtataas ng Diyos, at isinumpa ko sa sarili ko na gagampanan kong mabuti ang aking tungkulin. Pagkatapos noon, araw-araw akong naging abala sa mga pulong, lumulutas ng mga paghihirap ng aking mga kapatid sa kanilang mga tungkulin, at sumusubaybay sa pagsulong ng gawain, at lubos akong nasiyahan. Pagkaraan ng ilang panahon, dahil sa ilang gawaing administratibo, dumami ang trabaho ko, nagtrabaho ako hanggang gabing-gabi araw-araw, at nadama ko na medyo masyado akong abala. Naisip ko, “Ang pag-aalala tungkol sa lahat ng gawain ay mabigat, at nakakapagod. Masyadong okupado ang isipan ko araw-araw. Hindi iyon kasindali ng paggawa ng indibiduwal na tungkulin.” Kalaunan, nagpunta ako sa pulong ng isang grupo kung saan naroon si Sister Zhao. Naisip ko, “Dati, ako ang katuwang ni Sister Zhao, responsable siya sa kanyang mga tungkulin, at aktibo niyang hinanap ang katotohanan para malutas ang mga paghihirap na kinaharap niya. Pinangangasiwaan niya ang gawain sa grupong ito, kaya hindi ko kailangang mag-alalang masyado.” Pagkatapos noon, bihira na akong makipagkita sa grupo nila. Isang gabi, sumulat ang ilang kapatid para ipaalam na nagkaroon ng ilang problema at pagkukulang ang gawain ng grupo ni Sister Zhao at hiniling nilang lutasin ko agad ang problema. Nilayon kong maagang maghanap ng salita ng Diyos at humanap ng solusyon, ngunit napakarami kong problemang haharapin kaya medyo natagalan akong matapos. Naisip ko, “Gabing-gabi na, at pagod na pagod na ako. Hindi ko kayang gawin ito. Bukod pa rito, nasulatan ko na si Sister Zhao tungkol sa kanyang mga problema at pagkukulang, at responsable siya, kaya magkukusa siyang magbahagi at lutasin ang mga iyon, at hindi ko na kailangang gawin iyon. Kung ako mismo ang gagawa ng lahat, paano ako makakatapos? Magbabahagi na lang ako sa kanya tungkol doon sa pulong.” Kalaunan, nang siyasatin ko iyon, nagbahagi na si Sister Zhao sa grupo tungkol doon, at lahat ay nakapagmungkahi ng mga landas ng pagsasagawa patungkol sa mga problema, na nagpadama sa akin na wala akong dapat ipag-alala tungkol sa pamumuno ni Sister Zhao sa grupong iyon. Pagkatapos noon, talagang hindi na ako nagtanog tungkol sa gawain ng grupo.

Pagkaraan ng kaunting panahon, nagpunta ako sa isang pulong ng grupo ni Sister Zhao, at nalaman ko na paliguy-ligoy ang pagbabahagi ni Sister Zhao, at nagsalita siya nang matagal nang walang sinasabing anumang malinaw. Naisip ko sa sarili ko, “Masama ba ang kalagayan niya? Bakit hindi siya malinaw magsalita?” Ngunit naisip ko pagkatapos, “Baka kinakabahan lang siya dahil narito ako. Baka kailangan lang niya ng kaunting panahon para makaakma. May ilang iba pang bagay akong gagawin sa ngayon.” Kaya umalis ako nang hindi nakikipagbahaginan sa kanya. Kalaunan, nalaman ko na hindi naging epektibo ang gawain ng grupo. Naisip ko, “May problema ba sa grupo?” Ngunit muli akong nag-isip, “Nagbahaginan pa lang sila tungkol sa mga problema at pagkukulang sa tungkulin, lahat ay tila handang magbago, at normal lang na hindi ito gaanong mabunga ngayon.” Nang mapagtanto ko iyon, hindi ko na iyon inisip pa. Kalaunan, sinabi sa akin ni Sister Wang na nahuhumaling si Sister Zhao sa katayuan, hindi niya magawang makipagtulungan sa iba, at hindi siya angkop na maging lider ng grupo. Naisip ko, “Medyo masyadong nakatuon si Sister Zhao sa katayuan, ngunit responsable siya. Kung hindi niya kayang makipagtulungan sa iba, malamang ay dahil masama ang kalagayan niya at kontrolado siya ng kanyang mga tiwaling disposisyon. Kailangan lang niya ng kaunting panahon para maiakma ang kanyang sarili.” Nang maisip ko iyon, sinabi ko kay Sister Wang, “Si Sister Zhao ay responsable sa kanyang tungkulin, at isa pa rin siyang may kakayahang lider ng grupo. Kung naglalantad siya ng katiwalian, maaari nating subukang tulungan siya, at ilantad siya batay sa kanyang mga problema. Abala ako ngayon, kaya wala akong panahon, ngunit makikipagbahaginan ako sa kanya mamaya.” Nang marinig ni Sister Wang ang sinabi ko, wala na siyang sinabing iba pa. Kalaunan, nang maging abala na ako sa iba pang gawain, nalimutan ko nang makipagbahaginan kay Sister Zhao. Isang gabi, bigla kong naalala: “Hindi ko alam ang kalagayan ni Sister Zhao. Dapat ba akong makipagkita sa kanya?” Ngunit naisip ko pagkatapos, “Mahusay ang kakayahan niya, at kapag masama ang kalagayan niya dati, kaya niyang hanapin kaagad ang katotohanan at lutasin iyon sa sarili niya. Sa pagkakataong ito ay magagawa rin niyang iakma ang sarili niya. Malayo ang tirahan niya, kaya kung pupunta pa ako roon, hindi baleng mahirap, kung wala siya sa bahay, hindi ba mawawalan ng saysay ang pagpunta ko roon? Hindi bale na, gagawin ko ito pagkatapos ng buwang ito.” Lubos akong natulala nang siyasatin ko ang trabaho nila noong katapusan ng buwan. Maraming problema at pagkukulang sa trabaho ni Sister Zhao, at mas lalong hindi naging epektibo ang trabaho niya. Ang mga kapatid na pinangasiwaan niya ay pawang nasa negatibong kalagayan, at naapektuhan nang husto ang gawain nila. Noon ko lang natanto na malubha ang mga bagay-bagay. Kaya, agad akong nagpunta kay Sister Zhao para makipagbahaginan at ipaalam ang mga problema sa kanya, ngunit ayaw niyang tanggapin iyon, nangatwiran siya at nakipagtalo, at ipinakita na hindi niya kilala ang sarili niya. Matapos namin siyang pag-usapan ng mga katuwang ko, nagpasya kami na hindi na maaaring maging lider ng grupo si Sister Zhao, at sa huli ay pinaalis namin siya. Pagkatapos noon, isinumbong ng aking mga kapatid na nainggit si Sister Zhao, nagpabaya sa kanyang mga tungkulin, at nakipag-away, na naging dahilan para madama ng isang kapatid na pinigilan siya nito, nalungkot, at ginustong iwanan ang kanyang tungkulin. Iniulat ni Sister Wang ang kanyang sitwasyon, ngunit pinigilan siya at tinanggihan. Nadama rin ng iba pang kapatid na pinigilan sila nito, at naapektuhan ang kanilang mga tungkulin, na naging dahilan para mapigilan ang gawain nang ilang buwan. Matapos mapalitan si Sister Zhao, hindi lang siya hindi nagsisi, gumanti pa siya sa iba. Matapos siyang ilantad at suriin, hindi niya naunawaan o hindi man lang pinagsisihan ang masasama niyang gawa. Kalaunan, dahil bigo akong gumawa ng praktikal na gawain, nagpabaya sa aking tungkulin, hindi pinalitan sa oras si Sister Zhao, at lubhang napinsala ang gawain ng iglesia, pinalitan din ako. Sa oras na iyon, miserable ako. Noon lang ako nagsimulang mag-isip-isip kung bakit nakipag-away nang napakatagal si Sister Zhao dahil sa inggit at lubhang nagambala ang gawain ng iglesia, ngunit naging bulag ako roon at hindi ko iyon napansin. Nagkaroon lang ako ng mababaw na kamalayan na hindi ako gumawa ng praktikal na gawain at hindi ko mahiwatigan ang iba, ngunit hindi ako nakatuon sa pag-unawa at pagsusuri sa sarili kong mga tiwaling disposisyon.

Sa isang pulong, nakita kong ibinunyag ng mga salita ng Diyos na hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider bago ako nagtamo sa wakas ng kaunting pagkaunawa. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman inaalam sa sarili nila o sinusubaybayan ang talagang sitwasyon ng mga superbisor ng grupo, ni hindi nila inaalam sa kanilang sarili, sinusubaybayan, o tinatangkang maintindihan ang sitwasyon hinggil sa pagpasok sa buhay, gayundin ang saloobin sa gawain at tungkulin at ang iba-ibang saloobin sa Diyos at paniniwala sa Diyos, ng mga superbisor ng grupo at mga kawaning responsable sa mahalagang gawain; hindi inaalam ng mga huwad na lider sa kanilang sarili ang tungkol sa kanilang mga pagbabago, ang kanilang progreso, o ang iba-ibang isyung lumilitaw habang nasa kanilang gawain, lalo na pagdating sa epekto, sa gawain ng iglesia at sa mga hinirang ng Diyos, ng mga pagkakamali at paglihis na naganap sa iba’t ibang yugto ng gawain. Kung hindi nila tumpak na maunawaan ang gayong mga sitwasyon, hindi nila malulutas kaagad ang mga ito—at kung hindi nila malulutas kaagad ang mga ito, hindi nila malulunasan kaagad ang negatibong impluwensya at kasiraang nagawa ng mga tagapangasiwa ng iba’t ibang grupo sa gawain. Kaya sa bagay na ito, hindi natupad ng mga huwad na lider ang kanilang responsibilidad. Ang hindi pagtupad sa kanilang mga responsibilidad ay kapabayaan sa tungkulin; hindi nila isinasagawa ang kanilang tungkuling pangasiwaan ang iba, alamin ang iba pa tungkol sa kanila, lubos na unawain ang kanilang sitwasyon at subaybayan sila.” “Mga huwad na lider: tanga ba ang ganitong uri ng tao? Sila’y mga tanga at hangal. Bakit sila mga tanga? Basta-basta na lang sila kung magtiwala sa mga tao, naniniwala na dahil nang piliin nila ang taong ito, sumumpa, at nangako ang taong ito, at nanalangin nang tumutulo ang mga luha sa kanyang mukha, wala naman sigurong malalang problema sa kanya, at hindi kailanman magkakaroon ng anumang isyu sa kanya sa hinaharap. Walang pagkaunawa ang mga huwad na lider sa kalikasan ng mga tao; hindi nila nauunawaan kung ano ba ang isang tiwaling disposisyon. Sinasabi nila, ‘Paanong magagawa ng isang tao na magbago sa sandaling mapili siya bilang tagapangasiwa? Paanong magagawa ng isang taong mukhang napakaseryoso at maaasahan na pabayaan ang kanyang tungkulin? Hindi niya ito magagawa, hindi ba? Puno siya ng integridad.’ Dahil may gayong mga imahinasyon ang huwad na lider, at masyado siyang nagtitiwala sa kanyang sariling pakiramdam, sa huli ay nawawalan tuloy siya ng kakayahang subaybayan ang maraming problemang lumilitaw sa tagapangasiwa, at hindi niya siya mapalitan at mailipat kaagad. Isa itong problema sa mga huwad na lider, hindi ba? (Oo.) At ano nga ba ang isyu rito? May kinalaman ba sa katamaran ang diskarte ng huwad na lider sa kanyang gawain? Una na rito, iniisip niyang hindi ito isang angkop na kapaligiran para sa kanya, na hindi madali para sa kanya na pumunta roon, kaya basta-basta na lang siyang nagpapadala ng isang tagapangasiwa, sinasabi sa kanyang sarili, ‘Ayos na ang problema, hindi ko na ito kailangang intindihin pa. Patindi nang patindi ang pang-uusig ng malaking pulang dragon—masyadong mapanganib para sa akin na pumunta pa nang pumunta roon. Higit pa rito, napakahirap pumunta roon. Mas makabubuting iwasan ko ang problema kung kaya ko rin lang naman.’ Katamaran ba ito? (Oo.) Katamaran ito; ito’y kasakiman para sa mga pisikal na kaginhawahan. May malaki rin siyang kamalian: Mabilis siyang magtiwala sa mga tao batay sa sarili niyang mga imahinasyon. At bunga ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? Sa ganitong paraan ba sinusukat ng mga salita ng Diyos ang bawat tao? Bakit kailangan mong magtiwala sa mga tao kung ang Diyos nga ay hindi? Sa halip na husgahan ang mga tao ayon sa kaanyuan, palaging inoobserbahan ng Diyos ang kanilang puso—kaya bakit kailangan ng mga taong maging napakakaswal kapag hinuhusgahan nila ang iba at pinagkakatiwalaan sila? Masyadong mataas ang tingin ng mga huwad na lider sa kanilang sarili, hindi ba? Iniisip nila na, ‘Hindi ako nagkamali sa pagpili sa taong ito. Wala naman sigurong magiging problema; tiyak na hindi siya isang taong magloloko, na gustong magpakasaya at ayaw magtrabaho nang mabuti. Lubhang maaasahan at mapagkakatiwalaan siya. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?’ Anong uri ng lohika ito? Isa ka bang eksperto? Natatanging kasanayan mo ba ito? May paningin ka bang gaya ng x-ray? Maaaring makasama mo ang taong ito nang isa o dalawang taon, subalit magagawa mo kayang makita kung ano talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kanyang kalikasan at diwa? Kung hindi siya inilantad ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasan at diwang mayroon siya. At gaano pa kaya katotoo iyon kapag madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama? Hinuhusgahan mo siya batay sa isang panandaliang impresyon o ilang salita mula sa kanya, wala kang kaingat-ingat sa kung sino ang pagtitiwalaan mo. Sa bagay na ito, hindi ka ba nagiging lubhang bulag at padalos-dalos? At kapag ganito sila magtrabaho, hindi ba nagiging lubhang iresponsable ang mga huwad na lider?(“Pagkilala sa mga Huwad na Lider (3)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Inihayag ng Diyos na nasasabik ang mga huwad na lider sa kaginhawahan, at iresponsable sila sa kanilang mga tungkulin. Kapag natagpuan na ang mga taong namamahala, agad silang nagtitiwala sa mga taong ito batay sa mga ideya at haka-haka. Hindi sila sumusubaybay, nangangasiwa sa gawain, at nagsasakripisyong suriin ang gawain. Ayaw nilang magkagulo sa tuwing kaya nila. Ang resulta ay malubhang pinsala sa gawain ng iglesia. Nang makitang ibinubunyag ng Diyos ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain, pakiramdam ko ay inilalantad ako noon ng Diyos nang harapan. Asiwang-asiwa ako, at nakonsiyensya ako. Bilang isang lider, napaka-iresponsable ko. Para hindi ako mag-alala at hindi mahirapan ang katawan ko, nanlansi ako at hindi ko sinubaybayan ang gawain. Umasa lang ako sa aking panandaliang impresyon kay Sister Zhao, at inakala ko na responsable siya sa kanyang tungkulin at isa siyang may kakayahang lider ng grupo, kaya hindi ako nakialam, hindi ko pinangasiwaan ang kanyang gawain. Nang makita ko na may mga problema sa kanyang gawain at kinailangan kong magdusa at magsakripisyo para lutasin ang mga iyon, hindi ako gumawa ng praktikal na gawain, idinahilan ko na ang totoo ay nangangapa ang lahat. Nang iulat ng iba na may mga problema siya at hindi nababagay na maging lider ng grupo, inakala ko pa rin na pansamantalang katiwalian lang iyon batay sa aking mga haka-haka at imahinasyon at na hindi iyon makakaapekto sa kanyang tungkulin. Paulit-ulit kong ipinagpaliban ang paglutas sa mga problema kay Sister Zhao, hanggang sa huli ay naparalisa ang gawain ng grupo at labis na napinsala ang pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid. Napakahangal at iresponsable ko. Isa akong huwad na lider na nasabik sa kaginhawahan at hindi gumawa ng praktikal na gawain. Ang totoo ay ang mga lider at manggagawang inihalal ng iglesia, kasama na ako, ay hindi pa nagagawang perpekto, marami kaming tiwaling disposisyon, at maaari kaming magsanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan sa aming mga tungkulin anumang oras. Kahit mukhang maganda ang ilang pag-uugali namin, hindi ito nangangahulugan na karapat-dapat na kami. Hindi namin nauunawaan ang katotohanan, kaya ang nakikita lang namin ay mga panlabas na pagpapakita ng mga tao, hindi namin nakikita nang malinaw ang diwa ng mga tao, kaya kailangan naming madalas na subaybayan at pangasiwaan ang gawain ng iba para maging responsable. Hindi ko naunawaan ang katotohanan, kundi pikit-mata akong naging tiwala, at nagsanhi ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia dahil dito, at nakagawa ako ng paglabag sa harap ng Diyos. Nang matanto ko ito, nakadama ako ng matinding pagsisisi. Kung hindi sana ako naging mapagmagaling, napakatamad, o napakasakim sa kaginhawahan nang paalalahanan ako ni Sister Wang, sa halip siniyasat, tinuklas, at nilutas ko ang problema sa oras, pinaalis si Sister Zhao, hindi sana ako nakapagsanhi ng gayong pagkaantala sa gawain ng iglesia. Hindi lang ako nabigong makinabang ang gawain ng iglesia sa aking tungkulin, naging kasabwat pa ako ni Satanas at nagsilbing protektor ng mga huwad na lider at manggagawa. Nang lalo ko itong maisip, lalo akong naging miserable. Naisip ko kung paanong noong gumawa ang Diyos na nagkatawang-tao, nagtungo Siya sa bawat iglesia. Nahirapan at nagsakripisyo Siya talaga. Bilang tugon sa lahat ng ating katiwalian at pagkukulang, walang-pagod na ibinahagi ng Diyos ang katotohanan, sinuportahan tayo, at tinulungan tayo, at lahat ng pagsusumikap Niya ay ginawa upang lubos tayong iligtas mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ngunit isa akong nilalang na hindi nakaunawa sa katotohanan, na hindi makita nang malinaw ang mga bagay-bagay, subalit ayaw kong mahirapan o magsakripisyo sa aking mga tungkulin, hindi ko nilutas ang mga problema sa oras nang makita ko ang mga iyon, at napinsala ko nang husto ang aming gawain. Ang pagganap nang ganito sa aking mga tungkulin ay nakasusuklam at nakakapoot sa Diyos! Nang matanto ko ang mga bagay na ito, tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, nagkamali ako. Nais kong magnilay-nilay sa aking sarili at magsisi sa Iyo. Maawa Ka po sana sa akin.”

Noong panahong iyon, nabasa ko ang dalawang sipi kung saan ibinubunyag ng Diyos ang mga huwad na lider. “Maraming gawain ang naaantala dahil lamang sa nabigo ang mga huwad na lider na siyasatin ang mga bagay-bagay, hindi nabantayan ang mga ito, hindi nasolusyunan ang anumang problema; dahil lamang sa naging lubhang pabaya sila sa kanilang mga tungkulin. Siyempre, dahil din ito sa hindi sineseryoso ng mga huwad na lider ang kanilang mga responsibilidad. Nagpapakasaya sila sa mga pakinabang ng katayuan at kasiyahang dulot ng pag-uulit-ulit ng mga kasabihan, ayaw nilang masangkot sila sa aktwal na gawain, na kadalasang humahantong sa maraming isyu sa mga partikular na gawain, at nangangahulugang matagal masolusyunan ang mga isyung ito; kadalasan, wala pa ring lumalapit para magtanong o sumusubok ituwid ang mga paglihis sa gawain kahit na matagal nang lumitaw ang mga ito; gayundin, madalas na may mahahalaga ring nakakaligtaan sa gawain, mga nakakaligtaan na kahit nga isang tanga ay makikita, subalit hindi makita, at hindi maramdaman ng mga huwad na lider; natural lamang na hindi mareremedyuhan ang mga isyung ito. Kapag hindi naaayos ang mga problema sa gawain, kapag hindi itinatama ang mga paglihis, at hindi kaagad naaasikaso ang mga nakakaligtaan, nakokompromiso nang husto ang maayos na takbo ng gawain. Isinasagawa lang ang gawain—subalit anong epekto ang mayroon ito sa pagpapatotoo sa Diyos? Kapaki-pakinabang ba ito sa mga tao kapag nakikita nila ito, nag-iiwan ba ito ng impresyon sa kanila? Nakapagbibigay ba ito ng inspirasyon sa kanila upang siyasatin ang tunay na daan? Hindi. Wala itong anumang ganitong epekto at dahil lamang ito sa pagiging pabaya at sa napakaraming pagkakamaling nagagawa ng huwad na lider. Kaya, samantalang isinasagawa ang iba’t ibang aspeto ng gawain, totoong maraming isyu, paglihis, at nakaligtaan na kailangang lutasin, itama, at lunasan ng mga huwad na lider—ngunit, dahil wala silang madamang bigat ng pasanin, dahil magagampanan lamang nila ang bahagi ng isang opisyal ng pamahalaan at hindi nila ginagawa ang tunay na gawain, dahil dito ay nagsasanhi sila ng nakapipinsalang gulo, kaya nawawalan ng pagkakaisa ang ilang grupo, at minamaliit ng mga miyembro ng grupo ang isa’t isa, naghihinala at nag-iingat sila sa isa’t isa, at nagiging maingat pa nga sila sa bahay ng Diyos. Kapag nahaharap ang mga huwad na lider sa ganitong sitwasyon, hindi sila nagsasagawa ng anumang partikular na gawain(“Pagkilala sa mga Huwad na Lider (4)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Sa tingin, hindi sinasadya ng mga huwad na lider na ito na gumawa ng masama gaya ng mga anticristo, na sadyang nagtatatag ng sarili nilang kaharian at ginagawa kung ano ang kanilang maibigan. Subalit sa saklaw ng kanilang gawain, hindi magawang mabilis na solusyunan ng mga huwad na lider ang sari-saring problemang idinulot ng mga tagapangasiwa, hindi nila magawang agarang mailipat at mapalitan ang mahihinang klaseng tagapangasiwa, na lubhang pumipinsala sa gawain ng iglesia, at ang lahat ng ito’y dulot ng kapabayaan ng mga huwad na lider(“Pagkilala sa mga Huwad na Lider (3)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nakita ko kung paano ibinubunyag ng Diyos ang kapabayaan ng mga huwad na lider, kung paanong hindi nila sinusubaybayan o sinusuri ang gawain, kung paanong hindi nila pinangangasiwaan at sinisiyasat ang mga taong namamahala, at kung paanong dahil dito ay maraming problema sa gawain ang hindi nalulutas, at labis na nasisira ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Pinagnilayan ko ang aking mga kilos. Nanabik ako sa kaginhawahan, nagpabaya sa aking tungkulin, at naging iresponsable, nagtiwala ako kay Sister Zhao batay sa sarili kong mga haka-haka at hindi ko pinangasiwaan o sinubaybayan ang kanyang trabaho. Nang iulat ng iba ang kanyang mga problema, binalewala ko iyon, at hindi nilutas ang mga problema o pinaalis siya sa oras, na nagtulot sa kanya na makipag-away nang matagalan dahil sa inggit, gambalain at guluhin ang grupo, at hindi maging positibo sa tungkulin, kaya hindi naging epektibo ang gawain ng grupo nang maraming buwan at labis itong nakaantala sa pagsulong. Nang payuhan siya ng kanyang mga kapatid, pinigilan, ibinukod, at ginipit niya sila nang mahabang panahon, kaya ang pakiramdam ng grupo ay pinigilan sila at nawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin, subalit wala akong alam tungkol doon, at akala ko ay maayos ang ginagawa niya. Ang sambahayan ng Diyos ang nagsaayos ng aking tungkulin bilang lider, at hindi lang ako nabigong akuin ang responsibilidad, kundi noong napakaraming problema sa gawain ng iglesia, naging bulag ako, hindi ko nakita ang mga iyon, at hindi ko nalutas ang mga iyon sa oras, na nakapinsala nang matindi sa gawain ng iglesia at sa pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid. Labis akong nagpabaya sa aking mga tungkulin! Bagama’t hindi ko sinadyang gumawa ng kasamaan na tulad ng isang anticristo para guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang pagpapabaya ko sa tungkulin ay nagsanhi rin ng matinding pinsala sa gawain ng iglesia. Kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging napakamangmang, bulag, at iresponsable, na lumabag ako sa harap ng Diyos. Nakadama ako ng matinding kalungkutan at pagkakonsiyensya, at pakiramdam ko may utang ako sa Diyos at sa aking mga kapatid.

Kalaunan, pinagnilayan ko ang aking sarili. Bakit palagi kong inisip ang aking katawan at gumawa ako ng panlalansi at panlilinlang sa aking tungkulin? Kalaunan, nakita ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nakatulong nang malaki sa akin. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Ano ang lason ni Satanas—paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat ang buhay ng mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao pagkatapos, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang buhay at ang pilosopiya ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito, ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan, at ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan; sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa kapakanan ng sarili niyang pagnanasa, mga ambisyon, at mga layunin; nais niyang higitan ang Diyos, makawala sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, gayon na lamang katinding ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao: May mga satanikong kalikasan silang lahat, sinusubukan nilang lahat na itatwa at labanan ang Diyos, gusto nilang makontrol ang sarili nilang mga kapalaran at sinusubukang labanan ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos—ang kanilang mga ambisyon at pagnanasa ay kaparehong-kapareho ng kay Satanas. Samakatuwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas(“Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Pinag-isipan ko ang salita ng Diyos at sa wakas ay natanto ko na ako ay tamad, iresponsable sa aking tungkulin, at walang konsiyensya dahil ang satanikong tuntunin na “ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” ay nakaugat nang napakalalim sa akin, kaya naging likas na iyon sa akin. Lagi akong namuhay ayon dito, inisip ko lang ang mga interes ng sarili kong katawan sa lahat ng bagay, at mas lalo akong naging makasarili at kasuklam-suklam. Kung saan may aalalahanin ako o kakailanganin kong mahirapan at magsakripisyo, sinubukan kong manlansi at manlinlang para maiwasan iyon, at ginawa ko kung ano ang pinakahindi ako magdudusa. Kapag nakita ko na ang tungkulin sa pamumuno ay nangangailangan ng mas maraming pag-aalala at pagdurusa, isang tungkulin lang ang gusto ko. Nang dumami ang trabaho ko, mas kaunting pag-aalala at sakripisyo lang ang ginusto ko, at nagsimula akong huwag pakialaman ang trabaho ni Sister Zhao at hindi ko iyon pinansin. Kalaunan, nang makita ko na masama ang kalagayan niya, ayaw kong lutasin iyon. Kahit na ipinaalala sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Sister Wang na hindi siya angkop sa tungkuling ito, idinahilan ko na abala ako sa trabaho para maipagpaliban ang pagsisiyasat doon hanggang sa lumubha ang problema kay Sister Zhao at kinailangan siyang paalisin. Itinaas ako ng Diyos sa isang tungkulin bilang lider ng iglesia para bigyan ako ng pagkakataong magsagawa, sa pag-asang tatanggapin ko ang Kanyang atas, aakuin ang responsibilidad, pangangasiwaan ang aking mga kapatid, upang matupad nila ang kanilang tungkulin at mapalugod ang Diyos. Ngunit ano ang ginawa ko? Sa halip na sikaping isagawa nang maayos ang aking tungkulin, wala akong ginawa kundi manabik sa kaginhawahan, at ginawa ko ang anumang hindi ako gaanong mag-aalala at magdurusa. Naniwala ako sa Diyos nang maraming taon at nagtamasa ng pagdidilig ng maraming salita ng Diyos, ngunit nang mangyari ang mga bagay-bagay, inalala ko ang aking kaginhawahan, hindi kung paano ko gagawin nang maayos ang trabaho ko. Makasarili ako at kasuklam-suklam, at nasusuklam sa akin ang Diyos! Kinamuhian ko ang kawalan ko ng pagkamakatao at katwiran, at na pinagtaksilan ko ang mabubuting layunin ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, inalala ko ang aking katawan at binalewala ko ang praktikal na gawain, na nagsanhi ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia, ngunit hindi Mo ako pinakitunguhan ayon sa aking mga paglabag. Binigyan Mo ako ng pagkakataong magsisi at magnilay-nilay tungkol sa aking sarili. Nais kong magsisi sa Iyo. Sa hinaharap, anuman ang tungkulin ko, ayaw kong palayawin ang aking katawan at manabik sa kaginhawahan. Gusto kong maging responsable at gampanan ang aking tungkulin sa matapat na paraan.”

Kalaunan, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang mga taong may puso ay kayang isaisip ang kalooban ng Diyos; yaong mga walang puso ay mga hungkag na lalagyan, hangal, hindi sila marunong isaisip ang kalooban ng Diyos: ‘Wala akong pakialam kung gaano ito kahalaga para sa Diyos, gagawin ko ang gusto ko—ano’t anuman, hindi ako nagiging batugan o tamad.’ Ang gayong mga tao ay hindi isinasaisip ang kalooban ng Diyos, ni hindi nila nauunawaan kung paano isasaisip ang kalooban ng Diyos. Kung magkagayon, nagtataglay ba sila ng tunay na pananalig? Isinaisip ni Noe ang kalooban ng Diyos, may tunay siyang pananalig. Kaya nga, hindi sapat na gawin ang iyong makakaya; sa iyong puso, kailangan ay may tunay na pagsasaisip—ang budhing matatagpuan sa sangkatauhan, ito ang dapat taglayin ng mga tao, at ang natagpuan kay Noe. Ano ang masasabi ninyo, para magawa ang gayong bagay noon, ilang taon kaya ang aabutin para magawa ang arka kung napilitan lang ni Noe, at siya ay walang nadamang pagmamadali, walang pag-aalala, walang kahusayan? Matatapos kaya ito sa loob ng 100 taon? (Hindi.) Maaari itong abutin nang ilang henerasyon ng patuloy na paggawa. Sa isang banda, ang paggawa ng isang solidong bagay na tulad ng isang arka ay aabutin nang maraming taon; bukod pa riyan, ganoon din ang pangangalap at pag-aalaga sa lahat ng bagay na may buhay. Madali bang kalapin ang mga nilikhang ito? Hindi. Kaya nga, matapos marinig ang mga tagubilin ng Diyos, at maunawaan ang nagmamadaling kalooban ng Diyos, nadama ni Noe na hindi iyon magiging madali ni walang hirap. Natanto niya na kailangan niyang gawin iyon, at kumpletuhin ang atas na ito nang naaayon sa layunin ng Diyos, upang mapalugod at mapanatag ang loob ng Diyos, upang ang sumunod na hakbang ng gawain ng Diyos ay makapagpatuloy nang maayos. Gayon ang puso ni Noe. At anong uri ng puso ito? Ito ay isang pusong isinasaisip ang kalooban ng Diyos(“Ikatlong Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Ikalawang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). “Kahit ano pang mahalagang gawain ang ginagawa ng isang lider o manggagawa, at kahit ano pa ang kalikasan ng gawaing ito, ang numero uno niyang prayoridad ay alamin kung ano na ang nangyayari sa gawain. Dapat naroroon mismo siya upang mag-asikaso ng mga bagay-bagay at magtanong, upang siya mismo ang makakuha ng impormasyon. Hindi siya dapat umasa lang sa mga naririnig niya, o makinig lang sa mga ulat ng ibang tao; sa halip, dapat maobserbahan mismo ng kanilang mga mata kung ano ang lagay ng mga kawani, kung umuunlad ba ang gawain, kung mayroon bang anumang problema, kung may anumang aspeto ba ng gawain ang hindi ayon sa mga hinihingi ng Itaas, kung may nilabag bang mga prinsipyo ang mga gampaning pang-espesyalista, kung mayroon bang anumang kaguluhan o pagkagambala, kung kulang ba ang mga kailangang kagamitan, o mga materyales sa pagtuturo para sa isang partikular na gampanin—dapat alam niya ang lahat ng ito. Kahit gaano pa karaming ulat ang pakinggan niya, o kahit gaano pa ang malaman niya mula sa mga naririnig niya, pinakamainam pa ring bumisita nang personal kaysa sa mga ito. Mas tumpak at maaasahan kapag nakikita mismo ng sarili niyang mga mata ang mga bagay-bagay; sa sandaling maunawaan na niya ang sitwasyon, magkakaroon siya ng malinaw na ideya sa kung ano ang nangyayari. Ang lalong mahalaga pa ay isang malinaw at tumpak na pagkaunawa sa kung sino ang may mabuting kakayahan at karapat-dapat na linangin, napakahalaga nito para magawa ng mga lider at manggagawa nang maayos ang kanilang gawain. Kapag may landas din ang mga lider at manggagawa sa kung paano lilinang at magsasanay ng mga taong may mabuting kakayahan, at alam nila kung paano lulutasin ang iba’t ibang uri ng problema at paghihirap na nagaganap sa panahon ng gawain, may sariling mga ideya at mungkahi kung paano mapauunlad ang gawain, at kung ano ang magiging lagay nito sa hinaharap, at malinaw na nakapagsasalita tungkol sa gayong mga bagay nang walang kahirap-hirap, nang walang anumang pagdududa o agam-agam, kung magkagayon ay lalong magiging madaling isagawa ang gawaing ito. At sa paggawa nito, magagampanan ng lider ang kanyang mga responsibilidad, hindi ba? Dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang lahat ng ito, dapat nilang pakatandaan ang mga ito, at dapat palagi nilang iniisip ang mga bagay na ito. Kapag may nasasagupa silang mga paghihirap, dapat bumalik sila upang makipagbahaginan at talakayin ang mga bagay na ito sa lahat, at hanapin ang katotohanan upang maremedyuhan ang isyu. Kung nakabatay sa realidad ang kanilang gawain, walang anumang paghihirap ang hindi makakayang lutasin(“Pagkilala sa mga Huwad na Lider (4)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita sa akin ng salita ng Diyos ang landas sa pagsasagawa ng aking tungkulin, na pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, pagmamalasakit sa mga hangarin ng Diyos, paggawa ng ating sariling mga tungkulin nang maayos, at hindi pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tulad ni Noe, na tunay na isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Nang sabihin sa kanya ng Diyos na bumuo ng arka, hindi niya inisip ang sarili niyang mga pakinabang o kawalan, ang inisip lang niya ay kung paano mabilis na bubuin ang arka ayon sa mga kinakailangan ng Diyos. Bagama’t hindi ako maihahambing kay Noe, nais ko siyang gayahin, matutuhang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at gawin ang lahat ng makakaya ko para matugunan ang mga kinakailangan ng Diyos. Naunawaan ko rin na para maayos na makagawa ng praktikal na gawain ang mga lider at manggagawa, kailangan nating alamin ang pinakahuling balita tungkol sa gawain, at kapag nakakita tayo ng mga balakid o gambala sa gawain, kailangan nating magbahaginan at asikasuhin ang mga iyon sa oras para matiyak na normal na umuusad ang gawain.

Kalaunan, pinamahala ako ng aking lider sa gawaing pang-ebanghelyo at pagdidilig ng ilang iglesia, at naisip ko, “Hindi ko maaaring hayaang maging katulad ito ng nakaraan. Hindi maaaring ginhawa lang ng katawan ang isipin ko at hindi akuin ang responsibilidad sa aking tungkulin. Kailangan kong manatiling matapat at ilaan ang lahat ng pagsisikap ko sa aking tungkulin.” Pagkatapos noon, pinagtuunan kong sangkapan ng katotohanan ng mga pangitain ang aking sarili. Kung may mga potensyal na target ang ebanghelyo, aktibo kong pinatototohanan sa kanila ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sa gabi, nagsaliksik ako at sinangkapan ko ang aking sarili ng salita ng Diyos ayon sa kanilang mga haka-hakang panrelihiyon. Isang araw, habang papunta ako para tingnan ang gawain ng isang iglesia, naisip ko, “Matagal nang naniniwala sa Diyos ang mga lider at diyakono ng ebanghelyo ng iglesiang ito. Mahusay ang kanilang kakayahan, at magaling at responsable sila. Magagawa nila nang maayos ang kanilang gawain, kaya hindi ko kailangang sumubaybay, para hindi ako gaanong mahirapan.” Nang maisip ko ang mga ito, natanto ko na nanlalansi at nanlilinlang akong muli para makahanap ng mga dahilan para hindi mangasiwa o sumubaybay. Ngayon, ako ang namamahala sa iglesiang ito, kaya ang pagsasagawa at pangangasiwa ng gawain ng iglesia ay responsibilidad at tungkulin ko. Hindi na ako maaaring magdahilan para maisaalang-alang ang aking katawan at ipagpaliban ang aking tungkulin. Nasasaisip ito, maingat kong tiningnan ang gawain ng iglesia. Nakakita ako ng mga problema sa mga pulong ng mga baguhan at nakita ko na hindi ginagawa nang maayos ng mga tauhang nagdidilig ang kanilang trabaho. Kinabukasan, pinulong ko ang mga tauhan para magbahaginan tungkol sa katotohanan at lutasin ang kanilang mga problema. Hindi nagtagal, narinig ko na normal na ang mga pulong ng mga baguhan, at dahil doon ay nadama ko na ligtas na ligtas at nakasisiguro ako. Nakita ko na kailangan talagang magsakripisyo ang mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos, at kailangan nilang subaybayan at pangasiwaan ang gawain. Ito lang ang paraan para malaman at malutas ang mga problema sa oras at maisagawa nang maayos ang tungkulin. Pagliligtas ng Diyos kaya ako nagkaroon ng pag-unawa at pagbabagong ito ngayon. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Iuulat o Hindi Iuulat

Ni Yang Yi, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Para sa kapakanan ng kapalaran ninyo, dapat ninyong hanapin ang pagsang-ayon ng Diyos....