Ang Isang Lider ng Iglesia ay Hindi Isang Opisyal

Enero 26, 2022

Ni Matthew, France

Tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw tatlong taon na ang nakararaan. Nahalal ako bilang lider ng iglesia noong Oktubre 2020. Natanto ko na isang malaking responsibilidad iyon at medyo namroblema ako, pero talagang ipinagmalaki ko rin iyon. Pakiramdam ko nahalal ako para sa mahalagang tungkuling iyon dahil mas mahusay ang kakayahan ko kaysa sa iba. Talagang sineryoso ko ang tungkulin ko, ginagawa ang makakaya ko para magbahagi sa aking mga kapatid at tinutulungan sila sa mga problema at paghihirap na kanilang pinagdaanan. Ginusto kong patunayan sa lahat na isa akong mahusay na lider at kaya kong gumawa ng tunay na gawain.

Tapos nagsimulang magkalat ng mga tsismis sa iglesia ang isang masamang tao. Nagpakalat siya ng mga kasinungalingan ng Chinese Communist Party at nilapastangan ang Diyos sa mga grupong nagtitipon, binaluktot ang mga katotohanan at binaligtad ang mga bagay-bagay, at hinusgahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ginusto niyang iligaw ang mga baguhan para umalis sa iglesia at pagtaksilan ang Diyos. Kaya, nagdaos ako ng mga pagtitipon at nakipagbahaginan sa mga kapatid sa abot ng aking makakaya, at pakiramdam ko ay parang isa akong kumander ng militar, nangunguna sa mga tropa laban sa mga pangkat ng kalaban! Ginusto kong patunayan na kaya kong protektahan ang mga kapatid, na ipakita sa kanila na kaya kong tumanggap ng mabigat na pasanin, na responsable ako. Pero ang totoo, talagang mahina ang pakiramdam ko. Ako mismo, hindi ko alam kung paano pabulaanan ang ilang maling paniniwala at ginagambala rin ako ng mga iyon. Pero ayokong ihayag ang kahinaan ko sa iba. Akala ko bilang isang lider ng iglesia, kailangan kong maging matigas, gaya ng isang presidente o kumander ng militar. Hindi ko puwedeng hayaang makita ng sinuman ang kahinaan ko! Kaya hindi ko ipinagtapat kailanman ang sarili kong kalagayan sa mga kapatid. Hindi lamang ako nagpanggap sa bagay na ito, kundi kapag tinatalakay ang pagkaunawa namin tungkol sa mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, gusto ko ring nagsasalita tungkol sa malalalim na pagkaunawa para isipin ng iba na naintindihan ko talagang mabuti ang mga iyon. Pero pahapyaw ko lang tinalakay ang sarili kong mga kabiguan at katiwalian, mabilis kong pinalitan ang paksa sa mga bagay na ginawa ko nang tama. Halimbawa, kung inantok ako sa isang pagtitipon hindi ko iyon aaminin, at itinatago ko kapag nagkaroon ako ng paghihirap sa halip na ibahagi iyon sa iba.

Si Sister Marinette, na katuwang ko sa gawain, ay talagang hinangaan ako dahil lagi ko siyang tinutulungan sa mga salita ng Diyos na nauugnay sa kanyang kalagayan. Batid ko na medyo tiningala niya ako, at nasiyahan ako talaga at nakuntento nang ipahayag niya ang kanyang paghanga. Labis din akong hinangaan ng mga kapatid na mga tagadilig sa mga baguhan. Minsa’y sinabi sa akin ng isang sister na natuto siya mula sa aking pagbabahagi at tulong. Nasiyahan ako talagang matamo ang pagsang-ayon ng iba. Sa mga pagtitipon, aktibong tumugon ng “Amen” ang ilang kapatid pagkatapos kong magbahagi, at sinabi pa ng ilan, “Ganyan din ang sinabi ni Brother Matthew.” Parang ako ang kausap nila na may tono ng paghanga, at pakiramdam ko may mahalagang puwang ako sa puso nila. Alam kong hindi angkop iyon, pero gusto ko ang pakiramdam ng tinitingala. Tapos isang araw, may napanood akong isang video ng patotoo na may pamagat na Ang Nagagawang Pinsala ng Pagpapasikat. Tinamaan talaga ako nun. Palaging itinataas ng isang sister, na isa ring lider, ang kanyang sarili at nagpapasikat siya sa kanyang tungkulin. Nilabag niya ang disposisyon ng Diyos at dinisiplina siya sa isang karamdaman. Ang pinakabuod ng bagay na ito ay na kinasuklaman ng Diyos ang kanyang ugali. Matapos kong mapanood ang video na iyon, natanto ko na sa aking pagyayabang at pagpapasikat para hangaan ako ng iba, sinusuway at sinasalungat ko ang Diyos. Nasa landas ako ng isang anticristo. Hindi ko natanto kailanman na ang pagtataas sa sarili at pagpapasikat ay maaaring maging isang malubhang problema. Talagang natakot ako at hindi ko alam ang gagawin.

Tapos ay nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting kabatiran tungkol sa aking katiwalian. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Dinadakila at pinapatotohanan ang mga sarili nila, ibinibida ang mga sarili nila, sinisikap na tingalain at sambahin sila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksiyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang dumadakila at nagpapatotoo ang mga tao sa mga sarili nila? Paano nila natatamo ang ganitong layunin na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan dinadakila nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming mga tao ang papahalagahan, hahangaan, gagalangin, at maging ipipitagan, idadambana, at susundan sila. Upang matamo ang layong ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran. Walang kahihiyan ang mga taong ito: Walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, mga matatalas na kapamaraanan sa pag-asal, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagdadakila at pagpapatotoo sa mga sarili nila ay upang ipagmarangya ang mga sarili nila at maliitin ang iba. Nagkukunwari rin sila at nagbabalatkayo, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba ito isang paraan ng pagdadakila at pagpapatotoo sa mga sarili nila? Ang pagdadakila at pagpapatotoo ba sa sarili ay isang bagay na ginagawa ng isang taong may konsiyensiya at katwiran? Hindi. Kaya kapag ginagawa ito ng mga tao, anong disposisyon ang karaniwang nabubunyag? Kayabangan ang isa sa mga pangunahing disposisyon na nabubunyag, na sinusundan ng panlilinlang, na kinasasangkutan ng paggawa ng lahat ng maaari upang gawing mataas ang pagpapahalaga sa kanila ng ibang mga tao. Ganap na walang kapintasan ang mga kuwento nila; malinaw na naglalaman ng mga motibasyon at mga pakana ang mga salita nila, nagpapakitang-gilas sila, gayunpaman ay nais nilang itago ang katunayang ito. Ang kalalabasan ng kung ano ang sinasabi nila ay na pinararamdam sa mga tao na mas mahusay sila kaysa sa iba, na wala silang sinumang kapantay, na ang lahat ng iba ay nakabababa sa kanila. At ang kalalabasang ito ay hindi ba natatamo sa pamamagitan ng mga pakubling paraan? Anong disposisyon ang nasa likod ng gayong mga paraan? At mayroon bang anumang mga sangkap ng kabuktutan? (Mayroon.) Isa itong uri ng buktot na disposisyon(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Ang pagbasa sa mga salita ng Diyos ay parang tuwirang patama sa puso ko. Nakikita ko kung ano ang nakatago sa aking kalooban. Noon ko pa gustong bumuo ng isang imahe na isa akong malakas na tao, isang perpektong tao. Mahilig akong magsalita tungkol sa mataas na pag-unawa ko at sa matatagumpay na karanasan ko para mag-iwan ng magandang impresyon sa mga tao, pero halos hindi ako nagsalita tungkol sa aking mga kahinaan o aktwal na mga paghihirap. Kung nanghihina ako o negatibo, o nahaharap sa ilang problema, o kahit kapag napakasama ng aking kalagayan, kumilos ako na parang okey lang ang lahat para protektahan ang aking pagpapahalaga sa sarili at reputasyon. Pero ang totoo, talagang nahihirapan ako noon. May pinukaw na kung ano sa puso ko nang makita ko ang paghanga at pag-iidolo ng iba sa akin, at alam ko na hindi ito mabuti. Pero hindi ko sinabi sa mga tao na huwag akong idolohin, dahil gusto ko ang paghanga, pag-iidolo at papuri nila. Hindi ba kasingyabang lang ako ng arkanghel? Hindi ko dinadala sa harap ng Diyos ang iba, kundi dinadala ko sila sa harap ng sarili ko. Nang matanto ko na maaari akong pumalit sa puwesto ng Diyos sa puso ng mga kapatid, nanginig ako sa takot at batid ko sa puso ko na kinamuhian ng Diyos ang ugali ko. Sising-sisi ako at nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, nagpapasikat ako, gusto kong makita ako ng lahat bilang isang mahusay na lider, na nakahihigit sa lahat ng iba pa. Inaagaw ko ang kaluwalhatian Mo. Diyos ko, gusto kong magsisi sa Iyo.” Tapos ay sumulat ako ng liham na naghahayag kung paano ako nagpasikat at paano ko inangat ang sarili ko at ipinadala iyon sa bawat grupong nagtitipon. Sinabi ko rin sa lahat nang walang pag-aalinlangan na hindi nila ako dapat idolohin. May kilala akong ilang kapatid na partikular na sumamba sa akin, kaya pinadalhan ko sila ng kani-kanyang mga mensahe na nagtatapat at sinusuri ang sarili ko. Ilang araw kalaunan, prangkahang sinabi sa akin ni Sister Marinette na hinangaan niya ako noon at na nagkaroon ako ng isang mahalagang puwang sa puso niya. Nahiya akong talaga nang marinig ko ito at pakiramdam ko ay ebidensya iyon ng aking kasamaan. Nakita ko ang sarili kong kapangitan sa sandaling iyon, at pakiramdam ko’y nawalan ako ng lahat ng katwiran, sa paghihikayat sa iba na idolohin ako. Paano iyon naging paggawa ng tungkulin? Iyon ba ang inasahan ng Diyos nang ibigay Niya sa akin ang tungkuling ito? Talagang naasiwa ako at nahiya. Pero hindi ko pa rin talaga hinanap ang katotohanan para lutasin ang katiwalian ko, kaya hindi nagtagal ay bumalik din ako sa dati kong gawi.

Isang araw nagpunta ako sa isang pagtitipon na dinaluhan din ng iba pang mga lider ng iglesia. Nadama ko na napakasimple ng pagbabahagi ng mga kapatid at hindi ako napakali. Pakiramdam ko mababaw ang kanilang pagbabahagi at medyo hinamak ko sila. Ginusto kong ipakita sa kanila na mas praktikal akong magbahagi kaysa sa kanila. Kaya inihanda ko sa isip ko ang gusto kong sabihin. Naisip kong magsalita tungkol sa isang bagay na mas nagbibigay-liwanag para mamukod-tangi ako sa madla at makapagbigay ako ng isang mabigat na pagbabahagi. Pinag-isipan ko ang pananalita para mapagyaman ang aking pagbabahagi. Gusto ko talagang patunayan na mas mataas ang pang-unawa ko para pahalagahan ng iba ang aking kabatiran. Sa aking pagbabahagi gumamit ako ng maraming halimbawa para malaman nila na ang aking pagbabahagi ay detalyado at mayaman. Nang makatapos ako, masayang-masaya akong marinig ang lahat na magsabi ng “Amen.” Tapos ay nagmadali akong suriin ang chat window para tingnan kung may nasabing maganda ang mga kapatid tungkol sa aking pagbabahagi. Nang halos tapos na kami, nagbahagi nang kaunti si Brother Zen. Sa halip na sumipi ng mga salita ng Diyos at magsalita tungkol sa dapat nating isagawa batay sa mga salita ng Diyos tulad ng dati niyang ginagawa, sinangguni niya ang aking pagbabahagi. Nakita ko na dinadakila ko ang sarili ko at nagpapasikat akong muli. Nagalit ako talaga sa sarili ko sa sandaling iyon. Sa pagtitipon nagbahagi lang kami ng ilan sa mga salita ng Diyos sa lahat, na sinasabi na kailangan naming magsalita nang mula sa puso. Paano ko naaatim na magyabang at magpasikat? Hindi talaga ako nangahas na maniwala na kumikilos ako sa gayong paraan. Hinanap ko ang mga sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa namin sa pagtitipon para mabigyan ko sila ng kaunting maingat na pag-iisip. Sabi ng Diyos: “Kung nakakaya ng mga kapatid na magsabi ng niloloob sa isa’t isa, tulungan ang isa’t isa, at tustusan ang isa’t isa, ang bawat tao ay kailangang magsalita tungkol sa kanya-kanya nilang tunay na karanasan. Kung wala kang sinasabi tungkol sa mga sarili mong tunay na karanasan—kung ipinangangaral mo lamang ang mga salita at doktrina na nauunawaan ng tao, kung ipinangangaral mo lamang ang kaunting doktrina tungkol sa pananampalataya sa Diyos at nagsasabi ng gasgas na mga bukambibig, at hindi ipinagtatapat kung ano ang nasa iyong puso—kung gayon ikaw ay hindi isang taong tapat, at hindi mo kayang maging matapat(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). “Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na kailangan kong magtapat sa aking mga kapatid, sabihin ang nilalaman ng puso ko, ibahagi ang aking tunay na karanasan, at iwasang magpasikat sa hungkag na mga salita. Sa pag-iisip tungkol sa sarili ko, nagsasabi lang ako ng ilang hungkag na mga teorya para ipagmalaki ang sarili ko at matamo ang paghanga ng iba. Napakalinaw ng mga kinahinatnan nito. Tiningala ako ng iba at hindi nagpatotoo sa mga salita ng Diyos, kundi ginamit ang ibinahagi ko bilang reperensya nila. Sa mga pagtitipon madalas kong marinig ang mga tao na nagsasabi ng mga bagay na gaya ng, “Salamat sa ibinahagi ni Brother Matthew” o “Tulad ng ibinahagi ni Brother Matthew.” Naisip ko si Pablo na laging itinataas ang sarili niya nagpapasikat, at hindi nagpapatotoo sa mga salita ng Panginoong Jesus. Humantong iyon sa pag-iidolo ng mga mananampalataya kay Pablo at pagpapatotoo sa kanyang mga salita sa loob ng 2,000 taon. Hindi ba ginagawa ko rin ang ginawa ni Pablo, at nasa landas din ako ng anticristo na lumalaban sa Diyos? Natakot talaga ako at namuhi sa sarili ko. Nanalangin ako, “Diyos ko, inuulit ko na naman ang pagkakamali ko. Ipinakita sa akin ng mga salita Mo ang daan, pero sinusunod ko pa rin si Satanas, binibigyang-kasiyahan ang labis kong kayabangan. Ginagampanan ko na naman ang papel ni Satanas. Diyos ko, kailangan ko ang tulong Mo, iligtas Mo sana ako!”

Isang gabi nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Alam ba ninyo kung ano ang pinaka-ipinagbabawal sa pagseserbisyo ng tao sa Diyos? May ilang lider at manggagawa na gusto palaging naiiba sila, na maging higit na nakatataas sa iba, na magpasikat, at makadiskubre ng ilang bagong pakana, para maipakita sa Diyos kung gaano talaga sila kahusay. Gayunpaman, hindi sila nakatuon sa pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ito ang pinakahangal na paraan ng pagkilos. Hindi ba’t ito ang tumpak na pagbubunyag ng isang mapagmataas na disposisyon? … Sa paglilingkod sa Diyos, nais ng mga tao na sumulong nang husto, gumawa ng mga dakilang bagay, magsambit ng mga dakilang salita, magsagawa ng dakilang gawain, magdaos ng malalaking pulong, at maging mahuhusay na lider. Kung palaging matatayog ang ambisyon mo, malalabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos; mabilis mamatay ang mga taong katulad nito. Kung hindi maganda ang asal mo, hindi ka deboto, at hindi ka maingat sa iyong paglilingkod sa Diyos, sa malao’t madali, malalabag mo ang Kanyang disposisyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nang mabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos, nanginig ako sa takot. Sa pamamagitan ng paghahayag na ito ng mga salita ng Diyos, nakita ko ang aking walang-patutunguhang ambisyon at pagnanais na magkamit ng mga dakilang bagay. Gusto kong mangulo sa mga pagtitipon at gumawa ng kahanga-hangang mga talumpati. Mahilig akong magpasikat sa mga pagtitipon at gusto kong idolohin ako ng mga kapatid, sa pag-asang iisipin nila na mayroon akong mahusay na kakayahan at malalim na pang-unawa. Naudyukan ng mga hangaring ito, ginusto kong mangaral at magpasikat sa bawat pagtitipong aking dinaluhan, sa pag-asang hahangaan ako ng iba. Gustung-gusto ko ang gayong uri ng pamumuno. Pero nang mabasa ko na “Kung palaging matatayog ang ambisyon mo, malalabag mo ang mga atas-administratibo ng Diyos; mabilis mamatay ang mga taong katulad nito,” nanginig ang puso ko, at nakaramdam ako ng takot sa kaibuturan ng puso ko. Akala ko napapalugod ko ang Diyos dati, pero natanto ko na ngayon na kasuklam-suklam ako sa Kanya. Ginusto ko lang gumawa ng isang magandang bagay, magdaos ng malalaking pagtitipon, mangaral ng isang bagay na matayog. Hindi ako nagpapatotoo para sa Diyos o nagsasagawa ng katotohanan, at hindi ako tumatanggap ng pasanin para sa buhay ng mga kapatid. Itinataas ko ang sarili ko upang magkaroon ng puwang sa puso nila. Lalabagin nito ang disposisyon ng Diyos. Sa “Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian,” isinasaad ang:

1. Hindi dapat ipagmalaki ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos.

…………

8. Ang mga taong nananalig sa Diyos ay dapat sumunod sa Diyos at sumamba sa Kanya. Huwag mong dakilain o tingalain ang sinumang tao; huwag ilagay sa una ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat isaalang-alang ang mga tao—lalo na ang iyong mga iginagalang—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito katanggap-tanggap para sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos

Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, lubhang naghirap ang kalooban ko, at akala ko’y imposibleng mapatawad ako ng Diyos sa paglabag sa Kanyang disposisyon. Nagdasal ako, “Diyos ko! Talagang nasasaktan ako at nagdurusa, hindi ko alam na inuudyukan ko ang matinding galit Mo, at gusto kong magsisi. Diyos ko! Hinihiling kong liwanagan Mo ako para maunawaan Ko ang Iyong kalooban.”

Sa malaking takot ko, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ngayon ay hinahatulan ka ng Diyos, kinakastigo ka, at kinokondena ka, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at masuwayin, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na gawing malinaw ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para magtamo ng karanasan, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasakop sila sa Kanyang kapamahalaan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao). Nagkaroon ako ng kapayapaan nang mabasa ko ito. Akala ko nagkasala ako sa Diyos sa walang-kapatawarang paraan, pero hindi naman pala. Bagama’t ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para hatulan at ibunyag ako, hindi Niya ako kinamuhian o kinondena. Ginusto Niyang magsisi at magbago ako. Nakikita ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos, gayundin ang Kanyang awa at pagpaparaya. Nalaman ko sa pagkakataong ito na kailangan kong hanapin ang katotohanan at lutasin ang aking tiwaling disposisyon.

Tapos ay nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Upang maging isang tapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong tunay na mukha. Kailangan ay hindi mo subukang magpanggap, o pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang iba sa iyo at ituturing kang isang matapat na tao. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at isang pang-unang kailangan sa pagiging isang matapat na tao. Kung palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring banal, marangal, dakila, at mataas ang pagkatao; kung hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kapintasan; kung inihaharap mo ang isang huwad na imahe sa mga tao upang maniwala sila na ikaw ay may integridad, na ikaw ay dakila, mapagsakripisyo sa sarili, makatarungan, at di-makasarili—hindi ba’t panlilinlang at kabulaanan ito? Hindi ba makikita ng mga tao ang tunay mong pagkatao, pagtagal-tagal? Kaya, huwag kang magpanggap o magtakip sa iyong sarili. Sa halip, ilantad ang sarili mo at ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, at mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at mga balak—kapwa positibo at negatibo—hindi ba’t katapatan iyon? Kung nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, kung gayon makikita ka rin ng Diyos. Sasabihin Niya: ‘Kung nailantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, tiyak na tapat ka sa harapan Ko.’ Ngunit kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos kapag hindi nakikita ng ibang tao, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o di-makasarili kapag kasama sila, ano ang iisipin sa iyo ng Diyos? Ano ang sasabihin Niya? Sasabihin Niya: ‘Isa kang napakamapanlinlang na tao. Ikaw ay napakamapagpaimbabaw at kasuklam-suklam, at hindi ka isang matapat na tao.’ Sa gayon ay kokondenahin ka ng Diyos. Kung nais mo na maging isang matapat na tao, nasa harapan ka man ng Diyos o ng ibang tao, dapat magawa mong magbigay ng isang dalisay at tapat na salaysay tungkol sa panloob mong kalagayan at mga salita sa puso mo. Madali ba itong makamtan? Nangangailangan ito ng panahon ng pagsasanay, pati na ng madalas na pagdarasal sa Diyos at pag-asa sa Diyos. Kailangan mong sanayin ang iyong sarili na sabihin nang simple at hayagan ang mga salitang nasa iyong puso tungkol sa lahat ng bagay. Sa ganitong uri ng pagsasanay, magagawa mong umunlad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). Ang pagbasa sa siping ito ng salita ng Diyos ay nagpaunawa sa akin kung ano ang nais ng Diyos sa akin. Gusto Niya akong maging isang matapat na tao. Ibig sabihin, kailangan kong matutong ilantad ang aking katiwalian at matatapat na saloobin sa iba para makita nila ang aking mga kahinaan at pagkukulang. Kung patuloy kong itataas ang sarili ko nang hindi inihahayag ang aking mga kahinaan at kabiguan, at sa halip ay ginamit ko ang pagbabahaginan at mga pagtitipon para magpasikat, lubhang hindi matapat iyon. Magiging pandaraya iyon sa aking mga kapatid. Nakita ko na kailangan kong lubos na maging isang matapat na tao. Nagtamo ako ng kaunting pag-unawa sa sarili kong mga maling ideya. Akala ko ang isang lider ay dapat maging magiting na tao na walang mga kahinaan, gaya ng isang direktor sa mundo, na nasa mas mataas na posisyon kaysa sa iba, mas magaling kaysa sa iba. Pero hindi iyon ang uri ng lider na gusto ng Diyos. Gusto ng Diyos ng simple at matapat na mga tao. Ang gayong mga tao ay kayang magtapat tungkol sa kanilang katiwalian at mga pagkukulang, at mahal at isinasagawa nila ang katotohanan. Ang layunin ng kanilang pagbabahagi ay hindi para magpasikat, kundi upang gamitin ang sarili nilang karanasan para tulungan ang mga kapatid. Naalala ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Datapuwa’t kayo’y huwag patawag na Rabi: sapagkat iisa ang inyong Guro, kahit si Cristo; at kayong lahat ay magkakapatid. … Ni huwag kayong patawag na mga panginoon; sapagkat iisa ang inyong Panginoon, kahit si Cristo. Datapuwa’t ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. At sinumang nagmamataas ay mabababa; at sinumang nagpapakababa ay matataas(Mateo 23:8–12). Natanto ko na ang isang lider ay gumaganap sa papel ng isang tagapaglingkod, isang tagapaglingkod na may mabigat na responsibilidad. Anuman ang mangyari, kailangan niyang isaisip palagi ang kanyang responsibilidad, at ang responsibilidad na ito ay ang diligan at suportahan ang kanyang mga kapatid, at hanapin ang katotohanan at tulungan silang lumutas ng mga problema. Ang isang lider ay hindi isang opisyal at hindi nakahihigit kaninuman. Pero nagkukunwari ako sa buong panahon ko bilang isang lider, na inaasahang hahangaan at iidolohin ako ng mga tao. Hindi ba ito salungat sa mga hinihingi ng Diyos? Ang Diyos ang Lumikha, at lahat ng tao, gaano man kataas o kababa ang kanilang posisyon, ay mga nilalang, at dapat sambahin ang Diyos. Alam ko ang aking papel at responsibilidad, na dapat akong manatili sa lugar ng isang nilalang at maayos na gawin ang aking tungkulin. Nagkaroon ako ng pagbabago sa aking pag-iisip mula noon at nagsimula akong sadyang magsanay sa pagiging matapat. Kapag nahalata kong itinataas ko ang aking sarili at nagpapasikat ako, nagtatapat ako at sadya kong inilalantad ang aking katiwalian at mga pagkukulang. Kung minsan ay masakit iyon, pero ipinakita niyon sa akin kung gaano talaga ako hindi naging tapat. Nakita ko na niloloko ko nang husto ang aking mga kapatid. Nang lalo akong magtapat, lalo kong nakita ang tunay kong kulay at tunay na tayog. Natanto ko na hindi ako kasintaas at kamakapangyarihan na tulad ng inakala ko. Dati-rati, sa lahat ng pagbabahagi ko sa aking mga kapatid, itinataas ko pala ang sarili ko, hinihikayat at tinutulungan ang mga tao gamit ang doktrina. Pero ngayo’y sinimulan ko nang ipakita ang tunay kong kalagayan sa aking mga kapatid, ipinagtatapat ko ang nilalaman ng puso ko sa kanila sa pagbabahaginan. Nang gawin ko ito, hindi ko nadama na mas matalino ako kaysa sa iba. Sa halip, nagawa kong matuto mula sa kanilang mga karanasan at magkamit ng pagtanglaw at kaliwanagan mula sa pagbabahagi ng iba. Halos hindi ko pinansin ang pagbabahagi ng iba noon, mayabang kong ipinalagay na ako ang tumatanglaw sa iba. Ngayong nagkaroon na ako ng taos-pusong mga pakikipag-usap sa lahat, talagang nagawa kong tunay na makinig sa mga karanasan at kaalamang ibinahagi ng mga kapatid. Nabawasan ang kayabangan ko at pagpapahalaga sa sarili at nagawa kong ituring ang mga kapatid na kapantay ko. Naging normal ang pangangatwiran ko, at nagawa kong ipagtapat ang nilalaman ng puso ko sa oras ng pagbabahaginan sa mga pagtitipon. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos sa pagbabagong ito sa akin.

Ngayon, paminsan-minsan ay nahuhuli ko pa rin ang sarili ko na nagpapasikat at ipinapakita nito sa akin kung gaano ako lubhang nagawang tiwali ni Satanas, na hindi lang ito isang bagay na lumilipas, kundi nasa mga buto at dugo ko iyon. Kailangan kong mas magbasa pa ng mga salita ng Diyos, maranasan ang paghatol at mga paghahayag ng Kanyang mga salita, maunawaan ang aking katiwalian at mga pagkakamali, magawang maiwaksi ang aking satanikong disposisyon, at mailigtas ng Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply