Inalis ng Salita ng Diyos ang Aking Pagiging Depensibo at Mga Maling Pagkaunawa

Agosto 3, 2022

Ni Li Jin, Tsina

Noong 2014, noong isa akong lider sa iglesia, medyo epektibo ako sa aking tungkulin at mayroon akong kaunting karanasan, kaya pakiramdam ko ay nauunawaan ko ang katotohanan. Kapag may nangyayari, madalas kong hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan, pero ‘di ako makatwiran kung kumilos. Noong panahong iyon, isinumbong ng ilang tao na may masamang pagkatao ang mga lider ng dalawang iglesia, at na sinupil at pinigilan ng mga ito ang iba. Nakinig ako, naniwala sa mga ulat, at nang hindi ko sinusuri ang mga katotohanan, inalis ko ang isa sa mga lider na nakagagawa ng praktikal na gawain, at muntik nang magkamaling paalisin ang isa sa iba pang mga lider, na labis na nakaapekto sa gawain ng dalawang iglesiang ‘yon. Mahigpit akong iniwasto ng mga nakatataas sa akin dahil sa wala sa katwiran kong paggawa ng aking tungkulin, dahil sa aking hindi pagkilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, at pag-aalis at pagpapalayas ng mga tao nang basta-basta. Pero hindi ko masyadong kilala ang sarili ko, nakipagtalo pa ako at nangatwiran, at inisip kong ang lahat ay nagkakamali sa kanilang tungkulin. Dahil hindi ko tinanggap ang katotohanan, dahil madalas kong gawin ang mga bagay-bagay nang laban sa mga prinsipyo, ‘di ako makatwiran kung kumilos, at walang praktikal na epekto ang gawain ko, inalis ako ng mga nakatataas sa akin. Matapos akong alisin, hindi sila nagsaayos ng anumang tungkulin para sa akin, kundi sinabihan akong espirituwal na magnilay sa bahay. Noong panahong iyon, hindi ko naunawaan ang kalooban ng Diyos, at masyado akong negatibo. Naisip ko, ilang taon na akong nananalig sa Diyos, iniwan ko na ang asawa ko, umalis na ako sa trabaho ko, at madalas akong gumagawa ng tungkulin kahit may sakit ako. Kahit pa hindi ako napuri, nagsikap naman ako. Masaklap na ang maalis sa tungkulin, pero ngayon sinabihan pa akong ni hindi ako makagagawa ng anumang tungkulin. Dalawa lang ang naging pagkakamali ko, kaya naisip ko na napakalupit naman na tratuhin ako nang ganoon, lalo na nang makita ko ang iba na hindi naman mga lider at manggagawa, na gumagawa pa rin ng kanilang tungkulin, samantalang ako, na dating lider, ay ni wala man lang tungkulin. Naisip ko, “Mukhang hindi ako puwedeng maging lider. Matataas ang pamantayan at maraming hinihingi para maging isang lider. Kung kahit kaunti lang ay hindi ka maingat, puwedeng matapos ang buhay mo ng pananalig sa Diyos. Kung hindi ka man lang puwedeng maging taga-serbisyo, paano ka magkakaroon ng kahihinatnan at destinasyon? Sa hinaharap, hindi na ako magiging lider uli, anuman ang mangyari.” Sa loob ng ilang taon matapos noon, palaging gawaing may kinalaman sa teksto ang ginawa ko sa iglesia. Bagama’t may mga pagkakataon para tumakbo sa halalan bilang lider o manggagawa, lagi kong iniiwasang sumali. Hindi ko napagtanto ang problema ko noong panahong iyon. Akala ko pagiging marunong ang gawin ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan.

Noong Mayo 2020, inirekomenda ako ng mga kapatid ko na tumakbo sa halalan. Nagtalo ang kalooban ko. Maayos ang paggawa ko ng gawaing may kinalaman sa teksto, at ayokong sumali sa halalan. Kung pipiliin akong lider, masamang balita ‘yon. Naisip ko na ang pagiging lider ay mahirap na gawain at hindi pinasasalamatan. Kasama sa tungkulin ang gawin ang tungkulin nang mabuti, at kung magkakaroon ng mga pagkakamali, laging responsibilidad ‘yon ng lider. Angkop dito ang pariralang “Inaani ng lahat ang mga pakinabang pero iisang tao lang ang sisisihin.” Dati, no’ng lider pa ako, may naging paglabag ako. Kung magsisilbi uli akong lider at gagawa ng isang bagay na salungat sa mga prinsipyo, na magsasanhi ng matinding pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung sinusuwerte ako, aalisin ako sa tungkulin, at kung hindi, ay ititiwalag ako, at matapos no’n ay mawawalan na ako ng pagkakataong maligtas. Nang maisip ko ito, sinabi kong lumala kamakailan ang sakit ko sa puso, kaya hindi ako puwedeng sumali sa halalan. Noong panahong ‘yon, medyo nakonsensya ako. Hindi ba’t iniiwasan ko ang halalan? Pero pagkatapos, naisip ko na hindi talaga ako nababagay maging lider, at medyo hindi maginhawa ang puso ko kamakailan, kaya may dahilan ako para hindi pumunta. Nang maisip ko ito, nawala ang kaunting pagkabalisa at pagkakonsensya ko. Pagkaraan ng isang buwan, sinabi ng lider sa isang sulat na pinili uli ako ng mga kapatid na maging kandidato. Matapos itong basahin, nagsimula akong mapaisip, “Bakit nila ako inirekomenda na maging kandidato? Delikado maging lider! Matrabaho ‘yon at maraming problema, at puwede akong mabunyag anumang oras. Tila walang anumang problema ang ilang tao sa paligid ko noong hindi pa sila lider, pero noong sandaling naging lider na sila, nabunyag na mga huwad na lider sila at inalis, samantalang ang iba ay nakitang masasama o mga anticristo pala at pinalayas. Tila ba nabubunyag ng katayuan ang mga tao.” Kaya nagpasya akong hindi tumakbo sa halalan. Pero sinabi ng lider na dapat akong dumating sa takdang oras, kaya mabigat sa kalooban ko na nagpunta ako. Noong ilang araw na ‘yon ng mga pulong, wala akong masyadong sinabi. Pagdating ng oras para bumoto, matagal akong nahirapan. Sa wakas, sinabi ko sa lahat, “Hindi ako lalahok. Hindi ako boboto o tatakbo sa halalan.”

‘Di nagtagal pagdating ko ng bahay, bumalik ang sakit ko. Nagkaroon ako ng diarrhea at lagnat, at hindi nakatulong ang pag-inom ng gamot. Pagkaraan ng ilang araw, bumuti sa wakas ang lagay ko, pagkatapos naman no’n ay napuno ng mga pulang marka ang aking mga braso at leeg. Lumala ito nang lumala, sa sandaling pagpawisan ako, humahapdi ang buo kong katawan. Pagkaraan ng ilang araw, pagod na pagod na ako dahil sa mga sakit na ito. Napagtanto ko na hindi lang nagkataon ang sakit na ito, pagdidisiplina ito ng Diyos, pero hindi ko alam kung paano magnilay. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na maunawaan ko ang aking sarili at matutunan ang aking aral.

Kalaunan, nang malaman ng lider na may sakit ako, pinaalalahanan niya ako na pagnilayan ko ang saloobin ko tungo sa halalan, at humanap siya ng isang sipi ng salita ng Diyos tungkol sa aking kalagayan. “Kung may satanikong kalikasan, … sa sandaling magtamo ng katayuan ang mga tao, nanganganib na sila. Kaya ano ang dapat gawin? Wala ba silang landas na susundan? Hindi ba mababago ang katunayang ito? Sabihin mo sa Akin, sa sandaling magtamo ang mga tiwaling tao ng katayuan—sino man sila—sila ba ay nagiging mga anticristo? Tiyak ba ito? (Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kung gayon sila ay magiging mga anticristo, ngunit kung hinahangad nga nila ang katotohanan, hindi sila magkakagayon.) Tama talaga iyan: Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, siguradong magiging mga anticristo sila. At totoo bang ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay ginagawa iyon dahil sa katayuan? Hindi, ang pangunahing dahilan niyon ay wala silang pagmamahal sa katotohanan, dahil hindi sila tama. May katayuan man sila o wala, ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tumatahak lahat sa landas ng mga anticristo. Gaano man karaming sermon ang narinig nila, hindi tinatanggap ng gayong mga tao ang katotohanan, hindi sila tumatahak sa tamang landas, at kaya naman tiyak na tatahak sila sa liku-likong landas. Maitutulad ito sa paraan ng pagkain ng mga tao: May ilang hindi kumakain na nagpapalusog ng kanilang katawan at sumusuporta ng isang normal na buhay, ngunit sa halip ay ipinipilit ang pagkonsumo ng mga bagay na nakasasama sa kanila, na sa huli ay nakapananakit ng kanilang mga sarili. Hindi ba nila ito sariling pagpili? Matapos mapalayas, ang ilang lider at manggagawa ay nagpapakalat ng mga kuru-kuro, sinasabing, ‘Huwag kang mamuno, at huwag hayaan ang sarili mong magtamo ng anumang katayuan. Mapapahamak ang mga tao sa sandaling nagtamo sila ng katayuan, at ilalantad sila ng Diyos! Sa sandaling sila ay malantad, ni hindi sila magiging kwalipikado na maging mga karaniwang mananampalataya, at hindi talaga makakatanggap ng mga pagpapala.’ Anong uri ba ng pananalita iyan? Sa pinakamababaw, kinakatawan nito ang maling pagkaintindi sa Diyos; sa pinakamalala, ito ay kalapastanganan sa Kanya. Kung hindi mo tinatahak ang tamang landas, hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi sinusunod ang daan ng Diyos, sa halip ay pinipilit mong tahakin ang daan ng mga anticristo at humantong sa landas ni Pablo, nagkaroon ng kaparehong kinalabasan sa huli, kaparehong katapusan gaya ng kay Pablo, sinisisi pa rin ang Diyos at hinuhusgahan ang Diyos bilang hindi matuwid, hindi ba ikaw ang tunay na pantukoy ng isang anticristo? Isinumpa ang gayong pag-uugali! Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, lagi silang namumuhay ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, kadalasang nagkakamali ng pag-unawa sa Diyos, at nadarama na salungat ang mga kilos ng Diyos sa sarili nilang mga kuru-kuro, kaya nagkakaroon sila ng negatibong emosyon; nangyayari ito dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Nagsasabi sila ng mga bagay na negatibo at naghihinanakit dahil napakaliit ng kanilang pananampalataya, napakaliit ng kanilang tayog, at lubhang kakaunti ang katotohanang kanilang nauunawaan—na pawang mapapatawad, at hindi maaalala ng Diyos. Pero, mayroong mga hindi tumatahak sa tamang landas, na partikular na tumatahak sa landas ng panlilinlang, pagtutol, pagtataksil sa Diyos, at paglaban sa Diyos. Ang mga taong ito ay pinarurusahan at isinusumpa ng Diyos sa huli, at isinasadlak sa kapahamakan at pagkalipol. Paano sila umaabot sa puntong ito? Dahil hindi nila pinagnilayan at kinilala ang kanilang sarili kailanman, dahil hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at sila ay walang ingat at may sariling pasya, at matigas na tumatangging magsisi, at nagrereklamo tungkol sa Diyos matapos silang ilantad at palayasin, na sinasabing ang Diyos ay hindi matuwid. Maaari bang maligtas ang gayong mga tao? (Hindi.) Hindi maaari. Kaya totoo ba na lahat ng pinalalayas ay hindi na maliligtas? Hindi masasabi na ganap silang hindi na matutubos. Mayroong mga lubhang kakaunti ang katotohanang nauunawaan, at bata pa at walang karanasan—na, kapag naging mga lider o manggagawa at nagkaroon ng katayuan, ay namamanduhan ng kanilang tiwaling disposisyon, at naghahangad ng katayuan, at nagagalak sa katayuang ito, kaya natural na tumatahak sa landas ng mga anticristo. Kung, matapos malantad at mahatulan, nagawa nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at tunay na magsisi, na tinatalikdan ang kasamaan tulad ng mga tao ng Ninive, hindi na tumatahak sa landas ng kasamaan na tulad ng dati, may pagkakataon pa rin silang maligtas. Pero ano ang mga kondisyon ng gayong pagkakataon? Matapos malantad at matukoy, talagang nagsisisi sila, nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan—na ibig sabihin ay mayroon pa rin silang kaunting pag-asa. Kung hindi nila kayang pagnilayan ang kanilang sarili, at walang intensyon na tunay na magsisi, ganap silang palalayasin” (“Para Malutas ang Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao, Dapat na Mayroon Siyang Tiyak na Landas ng Pagsasagawa” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, pinaalalahanan ako ng lider ko, “Palagi mong nararamdaman na bilang isang lider, madali na mabunyag, mapalitan, o mapalayas. Tama ba ang pananaw na ito? Kung ang mga tao ay ibubunyag sa wakas at palalayasin ay nakadepende sa kung hinahanap nila ang katotohanan at anong landas ang tinatahak nila. Hindi mahalaga kung sila ba ay mga lider. Kung ang isang tao ay hindi hinahanap ang katotohanan o tinatahak ang tamang landas bilang isang lider, kung siya ay gumagawa ng masama, ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at tumatangging magsisi, siya ay tiyak na ibubunyag at palalayasin. Pero para sa ibang mga tao, kahit pa makagawa sila ng mga pagkakamali sa kanilang tungkulin at makagawa ng mga paglabag, kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, pagnilayan ang kanilang sarili, at magkaroon ng tunay na pagsisisi, bibigyan sila ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos. Kahit pa hindi mahusay ang kanilang kakayahan at hindi sila nababagay na maging lider, ililipat sila sa naaangkop na tungkulin, at hindi basta-basta aalisin o palalayasin. Sa lahat ng lider sa sambahayan ng Diyos, bakit patuloy na lumalawak ang pagkaunawa ng ilan sa katotohanan at humuhusay sila sa kanilang mga tungkulin? Bakit gumagawa ng masasama ang ilang tao, at saka nabubunyag na sila’y mga huwad na lider at mga anticristo at pinalalayas? May kinalaman ba ang kanilang mga pagkakamali sa pagiging lider nila? Bukod pa roon, nagbunyag na at nagpalayas na ang sambahayan ng Diyos ng maraming gumagawa ng masama, marami sa mga iyon ay hindi naman mga lider. Pinalayas sila dahil namumuhi sila sa katotohanan, at hindi sila tumatahak sa tamang landas, nagwawala sila sa kanilang mga tungkulin, at nagsasanhi ng mga pagkakagulo at pagkagambala. May kinalaman ba ito sa pagiging lider?”

Noong panahong iyon, medyo naantig ako nito. “Tama, hindi naman puro lider ang mga nabunyag at napalayas noong nagkaroon sila ng katayuan. Nangyayari ito dahil matapos nilang magkaroon ng katayuan, hindi sila tumatahak sa tamang landas, hindi nila hinahanap ang katotohanan, naghahanap lang sila ng mga pakinabang ng katayuan, kumikilos sila nang ‘di makatwiran, nagwawala sila, at nagsasanhi ng kaguluhan at pagkagambala. Ito ang sanhi ng kanilang pagiging mga huwad na lider at mga anticristo na ibinubunyag at pinalalayas.” Naisip ko si Brother Wu, na inalis noon. Bilang lider, palagi siyang mapagmataas, laging nagpapasikat, hinahamak at itinatakwil niya ang mga kapareha niya sa lahat ng bagay, na nagsanhi na maramdaman ng mga kapareha niya na pinipigilan sila at hindi nila magawa nang normal ang kanilang mga tungkulin. Maraming beses nagbahagi sa kanya ang kanyang mga lider, pero hindi siya kailanman nagbago, at pagkatapos lang noon saka siya inalis. Pinagnilayan ko ang mga lumipas kong taon bilang isang lider. Madalas akong kumilos nang di-makatwiran. Noong isinumbong ng mga kapatid ang dalawang lider ng iglesia, hindi ko ‘yon siniyasat at kinumpirma ayon sa prinsipyo. Sa halip, pikit-mata ko silang kinondena, umabot pa sa puntong inalis at pinalayas ko sila. Bilang resulta, napinsala ko ang dalawang lider na ‘yon at nagdala ako ng gulo sa iglesia. Ngayong iniisip ko ito, nakita ko na masama ang lahat ng ginawa ko. Sinisira ko ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang pagkakataon ng iba na maligtas. Buti na lang, natuklasan at binaligtad ang aking di-makatarungan at maling mga desisyon. Kung hindi, matindi ang magiging kalalabasan. Napagtanto ko na ang pagkaalis sa akin ay wala naman talagang kinalaman sa pagkakaroon ng katayuan o pagiging isang lider. Iyon ay dahil masyadong mapagmataas ang disposisyon ko. Hindi ko hinanap ang katotohanan, kumilos ako nang wala sa katwiran at padalus-dalos, ginulo ko ang gawain ng iglesia, at nang tabasan at iwasto ako, hindi ako nagnilay sa sarili ko o nagsisi. Iyon ang dahilan kung bakit ako inalis. Kaayon ito ng mga prinsipyo, at ito rin ay ang pagiging matuwid ng Diyos. Pero, hindi ko kilala ang sarili ko, at namuhay ako sa kalagayan kung saan mali ang pagkaunawa ko sa Diyos at nag-ingat ako laban sa Kanya. Akala ko nabunyag ako dahil isa akong lider, at na masyadong marami ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at na inalis ako dahil lang sa dalawang pagkakamali. Labis akong katawa-tawa at walang katwiran! Ngayon ko lang napagtanto na kung hindi ako inalis sa oras at hindi ako napigilan, dahil sa mapagmataas kong disposisyon, mas matinding kasamaan pa sana ang nagawa ko. Ang pag-aalis sa akin ay proteksyon ng Diyos sa akin, at isa ring magandang pagkakataon para magnilay ako sa sarili. Naisip ko si Sister Wang, na dati kong kapareha. Inalis siya, pero matapos niyang magkamali, nagawa niyang magnilay sa sarili niya, matuto ng mga aral, at magsisi sa Diyos. Kalaunan, nang maging lider siya uli, nagawa niyang hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan kapag kumikilos siya, at kitang-kita ang kanyang naging paglago. Matapos kong maisip ‘to, naunawaan ko na hindi pinalalayas ang mga tao dahil mayroon silang katayuan. Sila ang gumagawa noon sa sarili nila dahil sa tiwali nilang mga disposisyon. Kung hindi malulutas ang mga tiwali nating disposisyon, kahit pa hindi tayo mga lider at hindi tayo gumagawa ng masasama mula sa katayuan ng isang lider, palalayasin pa rin tayo dahil hindi natin hinahanap ang katotohanan.

Nang makita ko na ‘to, nagsimulang magbago ang aking kalagayan, pero may ilan pa rin akong alalahanin, “Mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at kailangan ng mga lider na magpasya sa maraming bagay. Kung magagambala ng mga hindi ko angkop na pagsasaayos ang gawain ng sambahayan ng Diyos, baka makagawa ako ng mga paglabag. Kung hindi ako lider, at wala akong ganoong klaseng gawain, hindi ako gagawa ng masama o lalaban sa Diyos dahil sa mga ito. Tingin ko pa rin ay makabubuti na hindi ako tumakbo sa halalan.” Noong panahong ito, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, “Ayaw Kong makita ang sinuman na nagdaramdam na tila ba iniwan silang nag-iisa ng Diyos, na pinabayaan sila ng Diyos o tinalikuran Niya sila. Nais Ko lamang makita na lahat ay nasa daan upang hanapin ang katotohanan at naghahangad na maunawaan ang Diyos, matapang na nagpapatuloy sa paglalakad na may matibay na kalooban, na walang mga pangamba, walang dinadalang mga pasanin. Maging anumang mga kamalian ang nagawa mo, gaano man kalayo kang naligaw o gaano ka man lumabag, huwag hayaan ang mga ito na maging mga pasanin o dagdag na pabigat na dadalhin mo sa iyong paghahangad na maunawaan ang Diyos: Ipagpatuloy mo ang paglalakad nang pasulong. Sa lahat ng panahon, hawak ng Diyos ang kaligtasan ng tao sa Kanyang puso; hindi ito kailanman nagbabago: Ito ang pinakamahalagang bahagi ng diwa ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Labis akong naantig ng salita ng Diyos. Hindi sumusuko ang Diyos sa pagliligtas sa mga tao dahil lang sa mga pansamantalang pagkakamali at paglabag. Sa halip, binibigyan Niya sila ng pagkakataong magsisi. Ang makagawa ng mga pagkakamali at paglabag sa iyong tungkulin ay hindi isang bagay na nakakatakot. Basta’t kaya ng mga tao na magbago, patuloy silang ginagabayan ng Diyos. Naalala ko na bagama’t mayroon akong ilang paglabag, hindi ako iniwan ng Diyos. Kinastigo at dinisiplina Niya lang ako, at pagkatapos ay gumamit ng mga tao para ilantad at iwasto ako, alisin ako mula sa posisyon ko ng pamumuno, at gawin akong magnilay sa aking sarili. Pero namuhay ako sa kalagayan kung saan nag-ingat ako laban sa Diyos at mali ang naging pagkaunawa ko sa Kanya, at ayokong maging isang lider o manggagawa, kaya ginamit ng Diyos ang ibang tao para magbahagi sa akin nang maraming beses at hintayin akong magbago. Mula simula, naging matiyaga at mapagpasensya sa akin ang Diyos, at binigyan Niya ako ng sapat na oras at pagkakataon sa pag-asang tatanggapin ko ang katotohanan at magsisisi ako. Hindi niya ako kinondena at pinalayas dahil lang sa isang paglabag, gaya ng inakala ko. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng pagsisisi at pagkakonsensya, kaya nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Masyado akong rebelde. Hindi ko na nais pang magkaroon ng maling pagkaunawa sa Iyo at mag-ingat laban sa Iyo. Gusto ko nang magsisi ngayon. Pakiusap, gabayan Mo ako, para mabago ko ang maling kalagayan ko.”

Pagkatapos noon, napaisip ako kung bakit naging mali ang pagkaunawa ko sa Diyos at kung bakit ako nag-ingat laban sa Kanya. Ano ang ugat noon? Sa panahong ito, pinadalhan ako ng aking lider ng isang sipi ng salita ng Diyos na labis na nakatulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at sinasadya mong gumawa ng haka-haka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Nag-iisip-isip ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, mababaw ang pagkatao, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagkaunawa sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa). Dahil sa salita ng Diyos, napagtanto ko na mali ang naging pagkaunawa ko sa Diyos at nag-ingat ako laban sa Kanya dahil masyadong mapanlinlang ang aking kalikasan. Matapos akong alisin, hindi ko inisip ang landas na tinahak ko kung kaya ako nagkamali at hindi rin ako natuto ng mga aral para maiwasan kong ulitin ang mga pagkakamali ko. Sa kabaligtaran, inakala ko na ang pagiging lider ay nangangahulugan na madali akong mabubunyag at palalayasin. Inakala ko na ang titulo ng pagiging “lider” ay nakasama sa akin. Naisip ko pa na ang Diyos ay parang isang makamundong pinuno na sesentensyahan ang mga tao na mamatay dahil sa mali nilang ginawa, kaya natakot ako na isipin ang mga halalan. Natakot ako na kung pipiliin akong lider, mabubunyag ako at mawawalan ng pagwawakas, kaya palagi akong nag-ingat at naging depensibo sa presensya ng Diyos. Inisip ko na may masamang pakay ang pagtataas sa akin ng Diyos, at paulit-ulit akong nagdahilan para umiwas at tumangging tumakbo sa mga halalan. Napakamapanlinlang ko! Sinasanay ng sambahayan ng Diyos ang mga lider at manggagawa para bigyan sila ng pagkakataong magsagawa, para maunawaan nila ang katotohanan at pasanin ang atas ng Diyos. Pero inakala ko na layon ng Diyos na ibunyag at palayasin ako. Mali ang naging pagkaunawa ko sa Diyos at nilapastangan ko Siya! Nananalig ako sa Diyos, pero lagi kong nakita ang mga bagay-bagay mula sa pananaw ng mga hindi matuwid, pinagdudahan at nag-ingat ako laban sa Diyos. Ang nailantad ko rito ay masasama at mga satanikong disposisyon. Hindi ba’t ang ganitong pananalig ay gaya ng paglaban sa Diyos?

Kalaunan, matapos basahin ang salita ng Diyos, lumawak ang pagkaunawa ko sa kalooban ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Paminsan-minsan, gumagamit ang Diyos ng isang partikular na bagay upang ilantad ka o disiplinahin ka. Kung gayon ba ay nangangahulugan ito na napalayas ka na? Nangangahulugan ba ito na dumating na ang katapusan mo? Hindi. … Sa katunayan, sa maraming pagkakataon, ang pag-aalala ng mga tao ay nagmumula sa sarili nilang mga interes. Sa pangkalahatan, natatakot sila na baka wala silang kahinatnan. Palagi nilang iniisip sa kanilang sarili, ‘Paano kung ilantad ako ng Diyos, palayasin ako, at tanggihan ako?’ Ito ang maling interpretasyon mo sa Diyos; nasa isip mo lamang ang mga ito. Kailangan mong alamin kung ano ang layunin ng Diyos. Inilalantad Niya ang mga tao hindi para palayasin sila. Inilalantad ang mga tao para ibunyag ang kanilang mga pagkukulang, pagkakamali, at diwa ng kanilang likas na pagkatao, para makilala nila ang kanilang sarili, at makaya nilang tunay na magsisi; kung kaya, ang mailantad ay para tulungan ang buhay ng mga tao na lumago. Kung walang dalisay na pagkaunawa, malamang na magkamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos at maging negatibo at mahina. Maaari pa nga silang magpatangay sa kawalan ng pag-asa. Sa katunayan, ang mailantad ng Diyos ay hindi naman nangangahulugan na palalayasin ang mga tao. Iyon ay para bigyan ka ng kaalaman, at pagsisihin ka. Kadalasan, dahil suwail ang mga tao, at hindi naghahanap ng katotohanan para makakita ng solusyon kapag may mga pagbuhos sila ng katiwalian, kailangang magdisiplina ng Diyos. Kaya nga kung minsan, inilalantad Niya ang mga tao, ibinubunyag ang kanilang kapangitan at pagiging kaawa-awa, tinutulutan silang makilala ang kanilang sarili, na nakakatulong para lumago ang kanilang buhay. Ang paglalantad sa mga tao ay may dalawang magkaibang implikasyon: Para sa masasamang tao, ang mailantad ay nangangahulugan na pinalalayas sila. Para sa mga nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang paalala at isang babala; pinagninilay sila tungkol sa kanilang sarili, para makita ang kanilang tunay na kalagayan, at para hindi na sila maging suwail at walang ingat, sapagkat magiging mapanganib ang magpatuloy nang ganito. Ang paglalantad sa mga tao sa ganitong paraan ay para paalalahanan sila, upang kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi sila naguguluhan at walang ingat, hindi nila binabalewala ang kanilang tungkulin, at hindi sila nasisiyahan sa pagiging epektibo lang nang kaunti, na iniisip na katanggap-tanggap ang pagganap nila sa kanilang tungkulin ayon sa pamantayan—samantalang ang totoo, kapag sinukat ayon sa hinihingi ng Diyos, nagkulang silang masyado, subalit may labis pa rin silang pagtingin sa sarili at kampante, at iniisip nila na ayos lang ang ginagawa nila. Sa gayong mga sitwasyon, didisiplinahin, babalaan, at paaalalahanan ng Diyos ang mga tao. Kung minsan, inilalantad ng Diyos ang kanilang kapangitan—na malinaw na para magsilbing isang paalala. Sa gayong mga pagkakataon dapat mong pagnilayan ang iyong sarili: Hindi sapat ang gampanan nang ganito ang iyong tungkulin, may sangkot na paghihimagsik, naglalaman ito ng napakaraming bagay na negatibo, lubos na pabasta-basta ito, at kung hindi ka magsisisi, parurusahan ka. Kapag dinidisiplina ka ng Diyos, at inilalantad ka, hindi naman ito nangangahulugan na palalayasin ka. Dapat harapin ang bagay na ito nang tama(“Sa Pagsasagawa Lamang ng mga Salita ng Diyos Nagkakaroon ng mga Pagbabago sa Disposisyon” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Nahiya rin ako at nakonsensya. ibinubunyag, iniwawasto, at dinidisiplina ng Diyos ang mga tao para makilala natin ang ating sarili, para magsisi tayo at magbago. Matapat na sinusubukan ng Diyos na iligtas ako, pero nang maranasan ko ang pagtatabas, pagwawasto, at pagkakamali, hindi ko nakita ang mabubuting layunin ng Diyos. Nagpumilit akong kumapit sa mga maling paniniwala at kasinungalian ni Satanas gaya ng “Kapag mas malaki sila, mas mahirap kapag sila’y nahulog” at “Malungkot sa itaas.” Inakala ko na ang pagiging lider sa sambahayan ng Diyos ay gaya ng pagiging isang makamundong opisyal, at na kapag mas mataas ang posisyon ko, mas malaki ang panganib na ibunyag ako at palayasin. Sa loob ng maraming taong ito, noong naging mali ang pagkaunawa ko sa Diyos at nag-ingat ako laban sa Kanya, nanatiling sarado sa Diyos ang puso ko. Paulit-ulit kong tinanggihan ang atas ng Diyos at ang mga sitwasyon Niya para sa akin, iniwasan ko ang mga halalan, at nanatiling sobrang ingat at balisa sa aking tungkulin, kung kaya’t hindi ko maibigay ang lahat ng makakaya ko at ganap na maibigay sa Diyos ang puso ko, at palaging naging walang sigla ang aking saloobin tungo sa katotohanan, gaya ng isang walang pananampalataya. Nahuli ako sa patibong ni Satanas, pinipinsala ako ni Satanas, at ni hindi ko alam ang malaking pinsala na ginagawa nito sa buhay ko. Ngayon, nasa bingit na ako ng panganib, kaya hindi na puwedeng maging mali ang pagkaunawa ko sa Diyos at saktan Siya. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, nais kong magsisi sa Iyo at tratuhin nang tama ang mga halalan. Mapili man ako o hindi, magpapasakop ako sa Iyong mga pagsasaayos.”

Noong oras na para maghalalan, nagtatalo pa rin ang kalooban ko, “Kung talagang pipiliin nila ako, dapat ko itong tanggapin at sundin, pero gaya nga ng sabi ng sawikain, ‘Kailangan ng matibay na martilyo para magpanday ng bakal,’ limitado lang ang aking abilidad at kakayahan, kaya mas mabuting hayaan na lang na ibang tao ang gumawa noon. Sa ganoong paraan, hindi na ako kailangang mabunyag uli.” Sa suliranin ko, bigla kong naisip ang salita ng Diyos, “Kapag ginagampanan ng mga tao ng Diyos ang kanilang tungkulin sa kaharian, at ginagampanan ng mga nilalang ng Diyos ang kanilang tungkulin sa harap ng Lumikha, dapat ay may puso silang may takot sa Diyos, at magpatuloy nang mahinahon, at hindi dapat maging duwag, mahiyain, at matatakutin: Nakakahiya bang gampanan ang tungkulin ng isang tao?(“Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa Ukol sa Pagpapasakop sa Diyos” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Ginising ako ng salita ng Diyos noon din. Oo, sa kritikal na oras, gusto kong umatras at tumakas. Dati pa man ay balisa na ako pagdating sa mga halalan. Nasaan ang aking tapang at dignidad? Kasingduwag at mahiyain nga ako ng sinabi ng Diyos! Tama at wasto para sa isang nilalang na gampanan ang kanyang tungkulin; marangal ito. Pero umatras at nagtago ako dahil sa kahiya-hiyang kaduwagan. Napakaestupido at kaawa-awa ko! Kailangan akong bumaling sa Diyos, maging isang simple at tapat na tao, tumigil na sa pag-aalala tungkol sa aking katapusan at hantungan, at ibigay sa Diyos ang puso ko. Mahalal man ako o hindi, kailangan kong magkaroon ng saloobing sumusunod sa Diyos, at kung mapili ako, kailangan kong tanggapin at sundin ito, at maayos na gampanan ang aking tungkulin. Nang malampasan ko ang puntong ito sa isip ko, pakiramdam ko ay naalis ang isang mabigat na pasanin sa puso ko, at napuno ako ng kaginhawahan.

Paglabas ng mga resulta, nahalal ako at ang isa pang sister. Sa pagkakataong ito, hindi na ako depensibo at mali ang pagkaunawa, at hindi na ako natatakot na mapalayas kung hindi ko magagampanan nang maayos ang tungkulin ko. Sa halip, handa akong pahalagahan ang pagkakataon at gawin ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya para makabawi ako para sa mga paglabag ko dati. Kalauanan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos, “Natatakot ba kayong tumahak sa landas ng mga anticristo? (Oo.) May silbi ba ang matakot lamang? Wala—hindi malulutas ng takot lamang ang problema. Normal lamang ang matakot. Ang pagiging matatakutin sa puso ay nagpapakita na ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, isang taong handang magsikap na matamo ang katotohanan at handang hangarin ito. Kung matatakutin kayo sa puso ninyo, dapat ninyong hanapin ang katotohanan at ang landas ng pagsasagawa. Kailangan ninyong magsimula sa pamamagitan ng pagkatutong makipagtulungan sa iba nang maayos. Kung may problema, lutasin ito gamit ang pagbabahaginan at talakayan, upang malaman ng lahat ang mga prinsipyo, gayundin ang partikular na pangangatwiran at programa patungkol sa resolusyon. Hindi ba’t pinipigilan ka nitong kumilos na parang diktador at may kinikilingan? Dagdag pa roon, dapat kang matutong hayaan ang grupo na mangasiwa at tumulong sa iyo. Kinakailangan dito ang pagpaparaya at lawak ng isipan. … Talagang kailangang tumanggap ng pangangasiwa, ngunit ang pinakamahalaga ay magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya, na isinasailalim ang iyong sarili sa palagiang pagninilay. Lalo na kapag mali ang landas na natahak mo o nakagawa ka ng mali, o kapag kikilos ka na parang diktador at may kinikilingan, at binanggit ito ng isang tao sa malapit at binalaan ka, kailangan mong tanggapin iyon at magmadali kang pagnilayan ang iyong sarili, at aminin ang iyong pagkakamali, at itama iyon. Maaari nitong pigilan ka sa pagtahak sa landas ng mga anticristo. Kung may isang taong tumutulong at nagbababala sa iyo sa ganitong paraan, hindi ka ba iniingatan nang hindi mo alam? Iniingatan ka—iyon ang pag-iingat sa iyo(“Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Nagkakaisang Pakikipagtulungan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Tinukoy ng salita ng Diyos ang prinsipyo ng pagsasagawa para maiwasang tahakin ang maling landas, at ito ay ang hanapin ang katotohanan anuman ang mangyari, talakayin ang mga bagay-bagay kasama ng iyong mga kapatid, makipagtulungan nang nagkakasundo, gampanan ang tungkulin mo batay sa mga prinsipyo ng katotohanan, huwag padalus-dalos kumilos nang ayon sa mapagmataas mong disposisyon, huwag hingin na ikaw ang magpapasya, kundi tanggapin ang pangangasiwa ng iyong mga kapatid sa iyong mga tungkulin. Kung natatakot kang tahakin ang landas ng mga anticristo at mabunyag, at dahil doon ay mabigo kang gawin ang iyong tungkulin, hindi ka makalulutas ng mga problema, at mawawala ang pagkakataon mong makamit ang katotohanan at maligtas. Gaya ‘yon ng pagpapakagutom dahil sa takot na mabulunan. Kalaunan, natutunan ko ang mga aral mula sa mga pagkakamali ko noon, at nagkaroon ako ng mas wastong saloobin tungo sa aking tungkulin. Tinalakay ko nang may kamalayan ang mga bagay-bagay kasama ang lahat at nagawa kong makapagtrabaho nang maayos kasama nila. Sama-sama naming hinanap ang mga prinsipyo ng katotohanan. Dumaan ang kaunting panahon, nakita ko ang paggabay ng Diyos, at nagkaroon ng mga bunga ang aking mga tungkulin.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko na hindi ako pinalayas ng Diyos dahil sa mga paglabag ko, at hindi Niya rin ako tinalikdan dahil nag-ingat ako laban sa Kanya. Sa halip, nagsaayos siya ng mga tao, isyu, at bagay para magawa akong lumapit sa harapan ng Diyos para pagnilayan ang tiwali kong disposisyon, para maunawaan ko ang kalooban ng Diyos, tumigil na sa mali kong pagkaunawa sa Kanya, at magaan sa loob na gampanan ang aking tungkulin. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Napakasakit na Pagpili

Ni Alina, EspanyaNoong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, at hindi nagtagal ay nahalal akong...

Isang Hindi Mabuburang Desisyon

Ni Bai Yang, TsinaNoong ako ay 15 taong gulang, namatay ang tatay ko dahil sa isang biglaang sakit. Hindi nakayanan ng nanay ko ang dagok...

Leave a Reply