Ano ang Kalooban ng Diyos sa Likod ng Talinghaga ng Panginoon at Alipin?

Setyembre 24, 2019

Ni Wang Yan, China

Mula noong tayo’y nabautismuhan at bumalik tayo sa Panginoon, madalas nating marinig ang ating mga pastor at nakatatanda na nagsasabing, “Sinabi ni apostol Pablo, ‘Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita’ (2 Timoteo 4:7-8). Hangga’t tinatalikuran natin ang lahat, gumagawa, nagdurusa, at ibinibigay ang sarili para sa Panginoon, at nagtitiis hanggang sa dulo; kung gayon, sa Kanyang pagbabalik, tayo ay kokoronahan ng kaluwalhatian, itataas, at papasok sa kaharian ng langit.”

Sa nagdaang mga ilang taon, nagpatuloy tayo sa pagsunod sa ano mang sinabi sa atin ng ating mga pastor at nakatatanda, at naniwala na sa pamamagitan ng paggawa, pagtatrabaho, pagdurusa, at pagbibigay ng sarili sa Panginoon, makakamit natin ang mga korona ng kaluwalhatian at mga pagpapala mula sa Panginoon. Habang nakakaipon tayo ng mas malaking mga merito sa pamamagitan ng gawa, iniisip natin kwalipikado na tayo na pumasok sa kaharian ng langit, kaya’t bawat isa sa atin ay masiglang nagkaloob ng mga sarili sa Panginoon, hanggang sa puntong nararamdaman natin na ang ano mang antas ng paghihirap ay sulit. Ngunit napagnilay-nilayan ba natin na ang pag-iisip sa ganitong paraan ay naaayon sa kalooban ng Panginoon, at kung ito ay may basehan sa salita ng Panginoon? Pinupuri ba ng Panginoong Jesus ang mga pagsisikap sa ganitong paraan?

Sa Bibliya, ibinigay ng Panginoon ang talinghaga ng panginoon at alipin. “Dapatuwa’t sino sa inyo, ang may isang aliping nagaararo o nagaalaga ng mga tupa, na pagbabalik niyang galing sa bukid ay magsasabi sa kaniya, Parito ka agad at maupo ka sa dulang ng pagkain; At hindi sasabihin sa kaniya, Ipaghanda mo ako ng mahahapunan, at magbigkis ka, at paglingkuran mo ako, hanggang sa ako’y makakain at makainom; at saka ka kumain at uminom? Nagpapasalamat baga siya sa alipin sapagka’t ginawa ang iniutos sa kaniya? Gayon din naman kayo, pagka nangagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na sa inyo’y iniutos, inyong sabihin, Mga aliping walang kabuluhan kami; ginawa namin ang katungkulan naming gawin(Lukas 17:7-10). Ikinuwento sa atin ng Panginoong Jesus ang talinghagang ito upang ipahayag na ang alipin ay naglilingkod sa panginoon, at ano mang bagay na ginawa niya para sa panginoon ay nararapat lang na gawin niya at iyon ay kanyang katungkulan. Walang karapatan ang alipin na humiling mula sa panginoon nang kahit ano bilang kapalit, at hindi niya dapat samantalahin ang pagtupad niya sa kanyang katungkulan upang maghanap ng mas maraming gantimpala mula sa kanyang panginoon. Ginamit ng Panginoong Jesus ang nasabing metapora upang tulungan tayong malaman ang pagkakakilanlan at katayuan ng Lumikha, gayun din ang posisyon na dapat nating kalagyan at ang diwa ng katwiran na dapat mayroon tayo bilang mga nilikha sa harapan ng Lumikha. Tayo’y mga nilikha, ang hininga ng buhay ay bigay sa atin ng Diyos, at ang lahat ng bagay na tinatamasa natin araw-araw ay galing sa Diyos. Samakatuwid, isang hindi mapasusubaliang batas ng langit na tayo ay maniwala sa Diyos, sumamba sa Diyos, at gumawa at ibigay ang sarili para sa Diyos. Hindi tayo dapat humihingi ng ano man sa Diyos, o humiling ng gantimpala. Sa halip, dapat kilalanin natin ang ating sarili at katayuan bilang alipin sa talinghaga at gampanan ang ating tungkulin. Subali’t, lagi nating iniisip na dahil sa nagsakripisyo tayo at ibinigay ang sarili para sa Panginoon, dapat gantimpalaan tayo ng Panginoon at dalhin tayo sa kaharian ng langit. Hindi ba’t tila paghingi ito ng korona sa Panginoon at pakikipagkontrata sa Kanya? Anong problema ang ipinapakita ng mga ganoong pahayag?

Sinabi ng salita ng Diyos, “Sa mga karanasan ng tao sa buhay, sila ay madalas nag-iisip, isinuko ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong sumahin ito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Nagbigay ako ng marami sa pagkakataong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at nagdusa nang mabigat—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naaalala ba Niya ang aking mga mabuting gawa? Ano ang aking magiging katapusan? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? ... Ang bawat tao ay patuloy, at madalas na gumagawa ng ganitong mga kalkulasyon sa loob ng kanilang puso, at humihingi sila sa Diyos ng kapalit upang itaguyod ang kanilang mga motibasyon, at ambisyon, at kasunduan. Na ang ibig sabihin, sa kanyang puso ang tao ay patuloy na inilalagay ang Diyos sa pagsubok, patuloy na nag-iisip ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nakikipagtalo sa Diyos sa kaso ng kanyang katapusan, at sinusubukang kunin ang pahayag mula sa Diyos, tinitingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng pagtugis sa Diyos, ang tao ay hindi itinuturing ang Diyos na Diyos. Palagi niyang sinubukang gumawa ng mga kasunduan sa Diyos, patuloy na humihingi sa Kanya, at pinipilit pa Siya sa bawat hakbang, sinusubukang kumuha ng isang milya pagkatapos mabigyan ng isang pulgada. Kasabay sa pagsisikap na gumawa ng mga kasunduan sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Kanya, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating sa kanilang pagsubok o nanganganib sila, madalas nagiging mahina, walang kibo at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Mula noong siya ay nagsimulang maniwala sa Diyos, ang tao ay itinuturing ang Diyos na maging isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang makakuha ng mga biyaya at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang responsibilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang mga tao at magbigay sa kanya. Ganito ang pangunahing pag-unawa ng ‘paniniwala sa Diyos’ ng lahat ng mga taong naniniwala sa Diyos, at ang kanilang pinakamalalim na pag-unawa sa mga konsepto ng paniniwala sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). “Ang Diyos ay magpakailanmang higit sa lahat at kailanman ay kagalang-galang, samantalang ang tao ay magpakailanmang mababang uri, magpakailanman walang halaga. Ito ay dahil ang Diyos ay magpakailanmang gumagawa ng mga sakripisyo at naglalaan ng Kanyang sarili para sa sangkatauhan; subalit ang tao ay magpakailanmang nangunguha at nagsisikap para sa kanyang sarili. Ang Diyos ay magpakailanman nagpapakasakit para sa kaligtasan ng sangkatauhan, ngunit ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay para sa kapakanan ng liwanag o para sa pagkamakatuwiran. Kahit na ang tao ay nagsisikap sa loob ng ilang panahon, napakahina nito na hindi nito makakayang matagalan ang isang hampas, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa kanyang sariling kapakanan at hindi para sa iba. Ang tao ay palaging makasarili, samantalang ang Diyos ay magpakailanmang hindi makasarili(“Napakahalaga na Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos”).

Naniniwala tayo sa Diyos at sumusunod sa Kanya, subali’t hindi man lang natin naisaalang-alang kung paano maniniwala ayon sa kalooban ng Diyos, o kahit man lang pag-isipan kung ang mga pananaw ba natin tungkol sa paniniwala sa Diyos ay tama. Sa halip, patuloy lang tayong sumusugod at ibinibigay ang ating mga sarili para sa Diyos sa pagsisikap na makatanggap ng mga gantimpala at isang magandang patutunguhan bilang kapalit. Kapag nakita natin na naniniwala tayo sa Diyos upang matamo ang mga pagpapala at nakikipagkontrata tayo sa Diyos, napagtatanto natin kung gaano tayo ka makasarili at kasuklam-suklam! Isaalang-alang na ang Diyos ang Panginoon ng nilikha, ang kataas-taasang Pinuno, samantalang tayo ay mga batik lang ng alikabok sa lupa. Pinagkalooban tayo ng Diyos ng hininga ng buhay, at ang Diyos ang nagbigay nang walang pag-iimbot at nagpanatili ng ating kaligtasan hanggang sa kasalukuyan. Ang lahat ng ginagawa natin para sa Diyos ay nararapat lang nating gawin, at sa kung paano mang paraan tayo tratuhin ng Diyos ay nararapat lang. Kahit na ibigay natin ang ating mga sarili at gumawa para sa Diyos at hindi man tayo gantimpalaan o pagkalooban ng isang magandang patutunguhan, bilang mga nilikha, dapat pa rin tayong manatili sa ating posisyon at sumunod sa mga pagpaplano ng Diyos, at huwag humingi ng kahit anong mga bagay o maghanap ng ano mang pakinabang mula sa Diyos, o magreklamo laban sa Kanya. Ito ang konsensiya at katwiran na dapat mayroon tayo bilang mga nilikha, at iyan ang tamang lugar na dapat nating kalagyan. Katulad na lang na kapag nagkasakit ang magulang at inalagaan sila ng mga anak, o kapag matanda na ang mga magulang at inalagaan sila ng kanilang mga anak sa kanilang mga huling araw, ang mga bagay na ito ay nararapat lang at inaasahan sa kanila, at hindi lamang ginagawa upang makuha ang mga ari-arian ng mga magulang. Nguni’t sa kabila nito, pagkatapos nating talikuran ang lahat at magtrabaho, gumawa, ibigay ang mga sarili, magbayad, at magtiis ng kahirapan para sa Panginoon, sa palagay natin ay nakapagtrabaho na tayo ng mabigat at nagsagawa ng isang mahalagang serbisyo, at naging karapat dapat na tayong humingi ng mga gantimpala mula sa Diyos, maging ang maghanap na koronahan tayo ng kaluwalhatian at mamahala sa tabi ng Panginoon. Hindi ba’t ang mga maluhong hangarin at di makatwiran na mga kahilingan ay isang simpleng palatandaan ng ating pagmamataas, pagpapahalaga sa sarili, kasakiman, kaimbihan, at kawalan ng konsensiya at katwiran? Ito’y dahil hindi natin tinitingnan ang ating mga sarili bilang mga nilikha, hindi natin tinitingnan ang ating mga sarili bilang mga maliliit na butil ng alikabok o hindi tayo lumulugar, higit sa lahat hindi natin tinatrato ang Diyos bilang Panginoon ng sansinukob, na malakas ang loob nating makipagtalo sa Diyos, ipagparangalan ang ating pagkamarapat, at humingi ng mga korona mula sa Diyos.

Sa Bibliya, nakatala na si Salome, ang ina nina Juan at Jacob, ay naniwalang siya at ang kanyang dalawang anak ay tagasunod ng Panginoong Jesus, tinalikuran ang lahat para sa Panginoon, at nagtiis ng pasakit, kaya’t hiningi niya sa Panginoong Jesus, “Ipagutos mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian” (Mateo 20:21). Nguni’t hindi pinagbigyan ng Panginoong Jesus ang nais ni Salome, at sinabihan niyang, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. … Katotohanang iinuman ninyo ang aking saro: dapatuwa’t ang maupo sa aking kanan, at sa aking kaliwa, ay hindi sa akin ang pagbibigay; datapuwa’t yaon ay para sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama(Mateo 20:22-23). Malinaw ang sinabi ng Panginoong Jesus kay Salome na nararapat lang na magtrabaho, magdusa, at tumalikod sa mga bagay at magbigay ng kanilang mga sarili para sa Diyos, na ang mga ito ay mga tungkulin at responsibilidad ng sangkatauhan na dapat gampanan. Nguni’t kung ang mga tao ba ay dapat na magkamit ng gantimpala at pagpapala mula sa Diyos ay tanging Diyos lang ang makapagsasabi; desisyon iyan ng Diyos, at bilang mga tao dapat matuto tayong manatili sa ating tamang lugar at huwag humingi sa Diyos o subuking gamitin ang ating mga sakripisyo at pagbibigay ng sarili bilang kapital upang humingi ng mga kondisyon sa Diyos. Ang paggawa nito ay isang pagpapahayag ng pagmamataas, pagiging makasarili, at kawalan ng katwiran. Ang babaeng taga-Canaan na nakatala sa Bibliya ay kabaligtaran ni Salome. Nang hiniling niya sa Panginoon na pagalingin ang kanyang anak na babae, hindi tumugon ang Panginoong Jesus, nguni’t pinagsabihan siya, “Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga aso(Mateo 15:26). Hindi nagkaroon ng maling pananaw ang babaeng taga-Canaan sapagka’t tinawag siya ng Panginoon na isang aso, bagkus nagpasya siya sa kanyang puso na kahit ano pa man ang maging trato sa kanya ng Panginoong Jesus, ang Panginoong Jesus ay Diyos at Cristo. Nanatili siya sa kanyang tamang lugar at, may buong paggalang sa kanyang puso para sa Panginoong Jesus, sinabi niya, “Oo, Panginoon: sapagka’t ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon” (Mateo 15:27). Nakita ng Panginoong Jesus ang pananampalataya ng babaeng taga-Canaan, at higit sa lahat, nakita niyang siya ay nag-iisip ayon sa katwiran, at sinabi Niyang, “Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo(Mateo 15:28). Gayundin nariyan si Pedro, ang alagad ng Panginoong Jesus na, nang tawagin siya ng Panginoong Jesus, tinalikuran ang lahat para sumunod sa Panginoon. Sa panahong sumusunod siya sa Panginoon, itinuon niya ang pansin sa pagninilay-nilay sa kalooban ng Panginoon at sa mga hinihingi ng Kanyang mga salita, at isinabuhay niya ayon sa mga pangaral ng Panginoon. Pagkatapos na mabuhay na muli ang Panginoong Jesus at umakyat sa langit, tinanggap ni Pedro ang komisyon na mangaral at gumawa sa lahat ng sulok, at inakay niya ang iglesya at sinuportahan ang kanyang mga kapatid. Sa panahong ito, inaresto si Pedro at inusig ng mga nasa kapangyarihan. Nagdusa siya ng labis sa ilalim ng labis na pagpapahirap at pag-uusig ng mga pinuno ng Hudyo, gayunpaman hindi siya humingi ng mga di makatwirang kahilingan sa Panginoon at hindi sya humingi sa Panginoon ng mga korona ng kaluwalhatian o labis na pagpapala. Tungkulin niya bilang isang nilikha na maghangad na mahalin ang Panginoon, bigyang kasiyahan ang Panginoon, at ibigay ang lahat para sa Panginoon. Sa huli, handa si Pedro na ipakong pabaligtad para sa Panginoon; dinala niya ang patotoo ng pagkamasunurin hanggang kamatayan at nang sukdulang pag-ibig para sa Diyos, at siya ay ginawang perpekto ng Diyos. Mula dito, nakikita natin na pinupuri at ginagawang perpekto ng Diyos yaong mga taong may mga pusong may takot sa Diyos, na marunong lumugar bilang mga nilikha upang sumunod at magpuri sa Diyos, at nagmamahal at nagbibigay kasiyahan sa Diyos. Nakikita din natin na kinasusuklaman ng Diyos yaong mga humihingi ng di makatwirang mga kahilingan sa Kanya mula sa kanilang mapagpamataas na disposisyon, at yaong mga naghahangad ng gantimpala at pagpapala mula sa Diyos pagkatapos nilang talikuran ang ilang mga bagay at ibinigay nang kaunti ang kanilang mga sarili.

Samakatuwid, gaano man katagal na tayong naniniwala at sumusunod sa Diyos, walang kinalaman ang edad, walang kinalaman ang kung gaano tayo gumawa at nagbigay ng ating mga sarili para sa Panginoon, walang kinalaman ang kung gaano tayo nagdusa at nagsakripisyo, dapat malinaw sa atin na ang Diyos ang ating Panginoon magpakailanman, tayo ang Kanyang walang hanggang alagad, tayo ay mga nilikha, at dapat manatili tayo sa ating mga nararapat na lugar at huwag humingi ng mga di makatwirang kahilingan sa Diyos. Kung kaya nating tularan si Pedro at hangarin na magmahal at magbigay kasiyahan sa Diyos sa ating buong buhay, matutong lumugar bilang mga nilikha at ipagkaloob ng buong puso ang ating mga sarili para sa Diyos, at huwag maghangad ng pakinabang at ano mang kundisyon o gantimpala mula sa Diyos, magkagayon makatatanggap tayo ng mga pagpapala at papuri mula sa Diyos at magiging mga tao tayo na nagagalak sa Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

What is the meaning of rapture in Tagalog?

Ano ang meaning of rapture in Tagalog? Nangangahulugan ba talaga ito ng pagiging nadala sa isang ulap upang makatagpo ang Panginoon? Basahin ang artikulong ito para malaman ang tunay na kahulugan ng rapture.