Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1 (Ikalawang Bahagi)
Ang ilang tao, habang gumaganap sa kanilang mga tungkulin, ay kadalasang kumikilos nang padalus-dalos at walang ingat. Masyado silang kapritsoso: Kapag masaya sila, gumagawa sila ng kaunting tungkulin, at kapag hindi naman sila masaya, nagmamaktol sila at nagsasabing, “Masama ang timpla ko ngayon. Hindi ako kakain ng anuman at hindi ko gagampanan ang tungkulin ko.” Pagkatapos ay kailangan pang makipag-areglo ng iba sa kanila, at sabihing: “Hindi puwede ang ganyan. Hindi ka puwedeng maging masyadong kapritsoso.” At ano ang isasagot ng mga taong iyon? “Alam kong hindi puwede ang ganito, pero lumaki ako sa isang mayaman at nakaaangat na pamilya. Pinalaki ako sa layaw ng lahat ng lolo’t lola at mga tita ko, at mas lalo na ng mga magulang ko. Ako ang kinagigiliwan nila, ang pinakamamahal nila, at pumayag sila sa lahat ng gusto ko at pinalaki nila ako sa layaw. Ang ganoong pagpapalaki ang nagbigay sa akin ng ganitong kapritsosong pag-uugali, kaya kapag gumaganap ako ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi ko tinatalakay sa iba ang mga bagay-bagay, o hinahanap ang katotohanan, o ginagawang magpasakop sa Diyos. Ako ba ang dapat sisihin doon?” Tama ba ang pagkaunawa nila? Ang saloobin ba nila ay sa paghahangad ng katotohanan? (Hindi.) Tuwing may nagbabanggit ng kaunting pagkakamali nila, tulad ng pagkuha nila sa pinakamasasarap na pagkain tuwing kumakain, kung paanong sarili lamang nila ang inaalala nila, at hindi nila iniisip ang iba, sinasabi nila, “Bata pa ako, ganito na ako. Nasanay na ako sa ganito. Hindi ko inisip ang ibang tao kailanman. Noon pa man ay nakaaangat na ang pamumuhay ko, may mga magulang ako na mahal na mahal ako at mga lolo’t lola na giliw na giliw sa akin. Mahal na mahal ako ng buong pamilya ko.” Pawang kalokohan at maling paniniwala ito. Hindi ba’t medyo kawalanghiyaan at kakapalan ng mukha ito? Alagang-alaga ka ng iyong mga magulang—ibig bang sabihin noon ay ganoon din dapat sa iyo ang lahat ng iba pa? Mahal na mahal ka ng mga kamag-anak mo at giliw na giliw sila sa iyo—dahilan ba iyan para kumilos ka nang walang ingat at padalus-dalos sa sambahayan ng Diyos? Katanggap-tanggap bang dahilan iyan? Ito ba ang tamang saloobin tungo sa iyong tiwaling disposisyon? Ito ba ay isang saloobin ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kapag may nangyayaring anuman sa mga taong ito, kapag mayroon silang anumang problemang may kinalaman sa kanilang tiwaling disposisyon o sa kanilang buhay, naghahanap sila ng mga obhetibong katwiran para panagutan iyon, para ipaliwanag iyon, para pangatwiranan iyon. Hindi sila kailanman naghahanap sa katotohanan o nagdarasal sa Diyos, at hindi sila lumalapit sa Diyos para pagnilay-nilayan ang kanilang sarili. Kung hindi magninilay-nilay sa sarili, malalaman ba ng isang tao ang kanyang mga problema at ang kanyang katiwalian? (Hindi.) At makapagsisisi ba siya nang hindi nalalaman ang kanyang katiwalian? (Hindi.) Kung hindi makapagsisisi ang isang tao, sa anong kondisyon siya palagiang mamumuhay? Hindi ba’t sa pagpapatawad sa sarili? Sa pagkaramdam na bagama’t nagpakita siya ng katiwalian, wala siyang nagawang kasamaan o nalabag na mga atas administratibo—na bagama’t ang paggawa niyon ay hindi alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi naman ito sinadya, at maaaring patawarin? (Oo.) Iyan ba ang uri ng kondisyon na dapat taglayin ng isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kung hindi tunay na nagsisisi ang isang tao kailanman at palagi siyang namumuhay sa ganitong klase ng kondisyon, mababago ba niya ang kanyang sarili? Hindi, hindi niya magagawa iyon kailanman. At kung hindi babaguhin ng isang tao ang kanyang sarili, hindi niya magagawang tunay na bitiwan ang kanyang kasamaan. Ano ang ibig sabihin ng hindi magawang tunay na bitiwan ng isang tao ang kanyang kasamaan? Ang ibig sabihin niyon ay na hindi niya tunay na maisasagawa ang katotohanan at mapapasok ang realidad nito. Iyan ang siguradong kalalabasan. Kung hindi mo mabibitiwan ang iyong kasamaan o maisasagawa ang katotohanan at mapapasok ang realidad nito, kung nais mong mabago ang isip ng Diyos tungkol sa iyo, matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, matamo ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, at mapatawad ng Diyos ang iyong mga paglabag at lutasin Niya ang iyong katiwalian, magiging posible ba iyon? (Hindi.) Kung hindi iyon posible, maaari bang magresulta sa iyong kaligtasan ang iyong pananalig sa Diyos? (Hindi.) Kung ang isang tao ay nabubuhay sa isang kondisyon ng pagpapatawad at paghanga sa kanyang sarili, kulang na kulang siya sa paghahangad ng katotohanan. Ang mga bagay na kanyang pinagkakaabalahan, tinitingnan, pinakikinggan, at ginagawa ay maaaring medyo may kaugnayan sa pananalig sa Diyos, ngunit walang magiging kinalaman ang mga ito sa paghahangad ng katotohanan o pagsasagawa nito. Siguradong ganito ang kalalabasan. At dahil walang kaugnayan ang mga ito sa paghahangad o pagsasagawa ng katotohanan, ang taong iyon ay hindi nakapagnilay-nilay sa kanyang sarili, ni nakilala ang kanyang sarili. Hindi niya malalaman kung gaano na siyang nagawang tiwali, at hindi niya malalaman kung paano magsisi, kaya mas malamang na hindi siya tunay na makapagsisisi o hindi niya mababago ang isip ng Diyos tungkol sa kanya. Kung namumuhay ka sa gayong kondisyon at nais mong magbago ang isip ng Diyos, patawarin, o sang-ayunan ka Niya, talagang magiging mahirap iyan. Ano ang ibig sabihin ng “sang-ayunan” dito? Ang ibig sabihin nito ay na kinikilala ng Diyos ang ginagawa mo, sinasang-ayunan, at naaalala Niya ito. Kung hindi mo matatamo ang anuman sa mga bagay na ito, pinatutunayan nito na hindi mo hinahangad ang katotohanan sa mga bagay na ginagawa mo, sa iyong mga pagsusumikap, sa iyong mga ipinakikita at pag-uugali. Hindi mahalaga kung ano ang iniisip mo, kahit pa nakagagawa ka ng ilang mabubuting pag-uugali, ang mga pag-uugaling ito ay nagpapakita lamang na may kaunting konsiyensiya at katwiran sa iyong pagkatao. Ngunit ang mabubuting pag-uugaling ito ay hindi pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan, dahil ang iyong panimula, mga layunin, at mga motibo ay hindi para sa paghahangad sa katotohanan. Ano ang mga batayan sa pagsasabi nito? Ang mga batayan ay na wala sa iyong mga iniisip, ikinikilos, o ginagawa ang para sa paghahangad sa katotohanan, at walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Kung ang lahat ng ginagawa ng isang tao ay hindi para matamo ang pagsang-ayon at pagkilala ng Diyos, wala sa kanyang mga ginagawa ang maaaring magtamo ng pagsang-ayon o pagkilala ng Diyos, at malinaw na ang mga pag-uugali at pagsasagawang ito ay matatawag lamang na mabubuting pag-uugali ng tao. Hindi tanda ang mga ito na isinasagawa niya ang katotohanan, at tiyak na hindi tanda ang mga ito na hinahangad niya ito. Ang mga taong partikular na kapritsoso at madalas kumilos nang walang ingat at padalus-dalos ay hindi tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, ni tinatanggap na mapungusan at maiwasto sila. Madalas din nilang pangatwiranan ang kanilang kabiguang hangarin ang katotohanan at ang kawalan nila ng kakayahang tanggapin na mapungusan at maiwasto. Anong disposisyon iyon? Malinaw na iyon ay isang disposisyon na sawa na sa katotohanan—ang disposisyon ni Satanas. Taglay ng tao ang kalikasan at disposisyon ni Satanas, kaya walang duda, ang mga tao ay kay Satanas. Sila ay mga diyablo, mga anak ni Satanas, at mga supling ng malaking pulang dragon. Nagagawang aminin ng ilang tao na sila ay mga diyablo, mga Satanas, at ang supling ng malaking pulang dragon, at napakahusay ng kanilang pagsasalita tungkol sa kaalaman nila sa sarili, ngunit kapag nagbubunyag sila ng tiwaling disposisyon at sila ay inilalantad, iwinawasto, at pinupungusan ng isang tao, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para pangatwiranan ang sarili at hindi man lang nila tatanggapin ang katotohanan. Ano ang isyu rito? Dito, lubos na nailalantad ang mga taong ito. Nagsasalita sila nang napakahusay kapag sinasabi nila na kilala nila ang kanilang sarili, kaya bakit kapag nahaharap sila sa pagpupungos at pagwawasto, hindi nila natatanggap ang katotohanan? Mayroong problema rito. Hindi ba’t medyo karaniwan ang ganitong bagay? Madali ba itong makilatis? Sa katunayan, oo. Marami-raming tao ang umaamin na sila ay mga diyablo at mga Satanas kapag nagsasalita sila tungkol sa kaalaman sa sarili, ngunit hindi sila nagsisisi o nagbabago pagkatapos. Kaya, totoo ba o hindi ang kaalaman sa sarili na binabanggit nila? Mayroon ba silang taos na kaalaman sa sarili, o pakana lang ba ito para lokohin ang iba? Malinaw na ang sagot. Samakatuwid, para makita kung may tunay bang kaalaman sa sarili ang isang tao, dapat ay hindi ka lang makinig sa pagsasalita niya tungkol dito—dapat mong tingnan ang saloobing mayroon siya tungkol sa pagpupungos at pagwawasto, at kung natatanggap ba niya ang katotohanan. Iyon ang pinakamahalagang bagay. Sinumang hindi tumatanggap ng pagpupungos at pagwawasto ay may diwa ng hindi pagtanggap sa katotohanan, ng pagtangging tanggapin ito at ang kanilang disposisyon ay sawa na sa katotohanan. Walang duda roon. Hindi pumapayag ang ilang tao na iwasto sila ng iba, gaano man kalaking katiwalian ang kanilang naibunyag, walang sinumang maaaring magpungos o magwasto sa kanila. Maaari silang magsalita tungkol sa kanilang kaalaman sa sarili, sa kahit anong paraan na gusto nila, ngunit kung inilalantad, pinupuna, o iwinawasto sila ng iba, gaano man ito kaobhetibo o nakaalinsunod sa mga katunayan, hindi nila ito tatanggapin. Anumang uri ng pagpapakita ng tiwaling disposisyon ang ibunyag sa kanila ng ibang tao, lubha silang magiging antagonistiko at patuloy na magbibigay ng mabababaw na pangangatwiran para sa sarili nila, nang wala man lamang ni katiting ng tunay na pagpapasakop. Kung hindi hahangarin ng mga taong iyon ang katotohanan, magkakaroon ng gulo. Sa iglesia, hindi sila nakakanti at hindi sila maaaring punahin. Kapag nagsabi ang mga tao ng mabuting bagay tungkol sa kanila, sumasaya sila; kapag tinutukoy ng mga tao ang isang masamang bagay tungkol sa kanila, nagagalit sila. Kung may maglantad at magsabi sa kanila na: “Mabuti kang tao, pero masyado kang mapusok. Lagi kang padalus-dalos at walang ingat kung kumilos. Kailangan mong tanggapin ang mapungusan at maiwasto. Hindi ba’t mas makakabuti para sa iyo na iwaksi ang mga kakulangan at tiwaling disposisyong ito?” bilang tugon, sasabihin nila, “Wala akong nagawang anumang masama. Hindi ako nagkasala. Bakit mo ako iwinawasto? Inalagaan ako nang husto sa bahay mula pa noong bata ako, ng kapwa ng aking mga magulang at mga lolo’t lola. Ako ang kinagigiliwan nila, ang pinakamamahal nila. Ngayon, dito sa sambahayan ng Diyos, wala ni isa mang nag-aaruga sa akin—hindi masayang mamuhay rito! Lagi ninyo akong hinahanapan ng mali at sinusubukang iwasto. Paano ako mabubuhay nang ganoon?” Ano ang problema rito? Masasabi kaagad ng taong malinaw ang paningin na ang mga taong ito ay pinalaki sa layaw ng kanilang mga magulang at pamilya, at na kahit ngayon, hindi nila alam kung paano kumilos nang maayos o mamuhay nang mag-isa. Inaruga ka nang husto ng iyong pamilya na para kang isang idolo, at hindi mo alam ang lugar mo sa sansinukob. Naging bisyo mo na ang kayabangan, pagmamagaling, at labis na kapusukan, nang hindi mo namamalayan at hindi mo alam na dapat pagnilay-nilayan ang mga ito. Naniniwala ka sa Diyos ngunit hindi ka nakikinig sa Kanyang mga salita o nagsasagawa ng katotohanan. Matatamo mo ba ang katotohanan nang may gayong paniniwala sa Diyos? Makapapasok ka ba sa realidad nito? Maisasabuhay mo ba ang tunay na wangis ng isang tao? Tiyak na hindi. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kailangan na tanggapin mo man lang ang katotohanan at kilalanin ang iyong sarili. Sa gayong paraan mo lamang magagawang magbago. Kung lagi kang umaasa sa iyong mga haka-haka at imahinasyon sa iyong pananampalataya, kung hinahanap mo lang ang kapayapaan at kaligayahan sa halip na hangarin ang katotohanan, kung hindi mo kayang tunay na magsisi, at walang pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, walang kabuluhan ang iyong paniniwala sa Diyos. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kailangan mong maunawaan ang katotohanan. Kailangan mong sikaping makilala ang iyong sarili. Kailangan mong hanapin ang katotohanan anuman ang mangyari sa iyo, at kailangan mong lutasin ang anumang tiwaling disposisyong ipinapakita mo sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos. Kung may tumukoy sa iyong tiwaling disposisyon, o nagkusa ka mismo na suriin ito, kung sadya mong maikukumpara ito sa mga salita ng Diyos, at masisiyasat, masusuri, at makikilala ang iyong sarili, at pagkatapos malulutas mo ang iyong problema at makakapagsisi ka, makakaya mong mamuhay bilang isang tao. Yaong mga naniniwala sa Diyos ay kailangang tanggapin ang katotohanan. Kung lagi mong nanamnamin ang pakiramdam ng pag-aaruga sa iyo ng iyong pamilya, lagi kang nasisiyahan na maging kanilang pinakamamahal, kanilang kinagigiliwan, ano ang mapapala mo? Gaano ka man minamahal at kinagigiliwan ng iyong pamilya, kung wala sa iyo ang realidad ng katotohanan, isa kang basura. May halaga lamang ang paniniwala sa Diyos kung hinahangad mo ang katotohanan. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, malalaman mo kung paano ka dapat kumilos, at malalaman mo kung paano mamuhay upang maranasan ang tunay na kaligayahan at maging isang tao na nagpapalugod sa Diyos. Walang sitwasyon sa pamilya, at walang personal na mga kalakasan, kagalingan o kaloob, ang makatutumbas sa realidad ng katotohanan, ni hindi dapat magsilbing dahilan ang gayong bagay para hindi mo hangarin ang katotohanan. Ang pagtamo sa katotohanan lamang ang makapaghahatid ng tunay na kaligayahan sa mga tao, magtutulot sa kanila na mabuhay nang makabuluhan, at magkakaloob sa kanila ng magandang hantungan. Ito ang mga katunayan tungkol sa bagay na ito.
Naniniwala ang ilang tao, matapos maging mga lider at manggagawa sa iglesia, na sila ay katangi-tangi at iniisip nilang sa wakas ay may pagkakataon na silang sumikat. Nagkakaroon sila ng kumpiyansa sa sarili at sinisimulan nilang gamitin ang kanilang mga kalakasan; pinakakawalan nila ang kanilang mga ambisyon at ipinamamalas ang lahat ng kanilang kakayahan. Ang mga taong ito ay disente at may pinag-aralan, may kasanayang pang-organisasyon, at may asal at tikas ng isang lider. Nanguna sila sa kanilang klase at namuno sa unyon ng mga estudyante sa paaralan, sila ang manager o presidente ng kumpanyang pinagtrabahuhan nila, at nang magsimula silang maniwala sa Diyos at magpunta sa Kanyang sambahayan, inihalal silang lider, kaya iniisip nila, “Hindi ako pinababayaan ng langit kailanman. Mahirap para sa isang taong kasinghusay ko na hindi mapansin. Pagkababang-pagkababa ko mula sa pagiging presidente ng kumpanya, nagpunta ako sa sambahayan ng Diyos at naging isang lider. Hindi ako maaaring maging isang ordinaryong tao kahit na subukan ko. Ito ang pagdadakila sa akin ng Diyos, ito ang isinaayos Niyang gawin ko, kaya magpapasakop ako rito.” Matapos maging lider, ginagamit nila ang kanilang karanasan, kaalaman, kasanayang pang-organisasyon, at estilo sa pamumuno. Iniisip nila na sila ay may kakayahan at matapang, at isang taong tunay na magaling at may talento. Sayang, kung gayon, dahil may problema rito. Ang mga lider na ito na magagaling at may talento, na isinilang na may kakayahang mamuno—saang gawain sila pinakamagaling sa iglesia? Sa pagtatatag ng isang hiwalay na kaharian, pagkakamkam ng lahat ng kapangyarihan, at pangingibabaw sa mga talakayan. Matapos maging lider, wala silang ibang ginagawa kundi magtrabaho, magparoo’t parito, dumaan sa mga paghihirap, at magsakripisyo alang-alang sa sarili nilang kabantugan at katayuan. Wala silang pakialam sa iba pa. Naniniwala sila na ang kanilang pagiging abala at pagtatrabaho ay naaayon sa kalooban ng Diyos, na wala silang tiwaling disposisyon, na lagi silang kailangan ng iglesia, at na kailangan din sila ng mga kapatid. Naniniwala sila na walang trabahong magagawa kung wala sila, na kaya nilang akuin ang lahat ng ito at sarilinin ang kapangyarihan. At mayroon silang paraan sa pagtatatag ng kanilang hiwalay na kaharian. Kaya nilang mag-imbento ng kung anu-ano, partikular silang mahusay sa pagkilos na parang mga opisyal at sa pagyayabang, at sanay sila sa panenermon sa iba mula sa itaas. Mayroon lamang isang mahalagang bagay na hindi nila kayang gawin: Matapos maging lider, hindi na nila nagagawang kausapin ang iba nang taos-puso, kilalanin ang kanilang sarili, pansinin ang sarili nilang katiwalian, o makinig sa mga mungkahi ng mga kapatid. Kung may magmungkahi ng ibang ideya sa oras ng talakayan sa trabaho, hindi lamang tatanggihan ng mga lider na ito ang mga ideyang iyon—pangangatwiranan pa nila ang paggawa nito sa pagsasabing, “Hindi pa ninyo napag-isipan ang panukalang iyan. Ako ang lider ng iglesia—kung gagawin ko ang sinasabi ninyo at walang magiging aberya, ayos lang iyon, pero kung may mangyari ngang masama, ako lang ang mananagot. Kaya, kadalasan, maaari ninyong sabihin ang inyong mga opinyon—maaari nating gawin ang ganyang pormalidad—pero sa huli, kailangan ay ako lang ang magpapasya at magdedesisyon kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay.” Sa paglipas ng panahon, karamihan sa mga kapatid ay tumitigil sa pakikibahagi sa mga talakayan o sa pagbabahaginan tungkol sa trabaho, at hindi mag-aabala ang mga lider na ito na makipagbahaginan sa kanila tungkol sa anumang mga problema sa trabaho. Patuloy silang gagawa ng mga desisyon at paghatol nang walang sinasabi kaninuman, at magiging puno pa rin sila ng pangangatwiran. Naniniwala silang, “Ang iglesia ay ang iglesia ng lider, ang lider ang nagbabalangkas ng plano. Ang lider ang may huling salita sa direksyong babagtasin at landas na tatahakin ng mga kapatid.” Natural, ang mga lider na ito ang kokontrol sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid, sa landas na kanilang tinatahak, at sa direksyon ng kanilang hangarin. Kapag nagawa na silang “kapitan,” sila ang nagmomonopolisa sa kapangyarihan at nagtatatag ng isang hiwalay na kaharian. Hindi nila ipinapaalam ang kanilang mga kilos, at nang hindi nila namamalayan, sinusupil nila ang ilang tao at ibinubukod ang ilang kapatid na naghahangad sa katotohanan at may kakayahang umunawa. Sa buong panahong ito, iniisip pa rin nila na sa paggawa nito, pinoprotektahan nila ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng mga taong hinirang ng Diyos. Ginagawa nila ang lahat nang may tumpak na pangangatwiran, nang may labis-labis na pagdadahilan at pagpapalusot—at ano naman ang katuturan nito, sa huli? Lahat ng ginagawa nila ay para protektahan ang kanilang katayuan at ang kanilang monopolyo sa kapangyarihan. Dinadala nila ang mga prinsipyo, paraan, at pag-uugali mula sa sekular na lipunan at buhay-pamilya sa sambahayan ng Diyos, at iniisip na sa paggawa niyon, pinoprotektahan nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Subalit hindi nila kailanman nakikilala ang kanilang sarili o pinagninilay-nilayan ang kanilang sarili. Kahit may magtukoy na nilalabag nila ang mga prinsipyo ng katotohanan, kahit tugunan pa sila ng kaliwanagan, pagdisiplina, at pagkastigo ng Diyos, hindi nila ito mamamalayan. Nasaan ang problema? Mula sa araw na tinanggap nila ang posisyon ng lider, trinato na nilang isang propesyon ang kanilang tungkulin, at ito ang nagsusumpa sa kanila na tumahak sa landas ng mga anticristo at nagtitiyak na hindi nila magagawang hangarin ang katotohanan. Gayunpaman, sa paglaon ng “propesyon” na ito, naniniwala sila na lahat ng ginagawa nila ay paghahangad sa katotohanan. Ano ang tingin nila sa paghahangad sa katotohanan? Iniingatan nila ang sarili nilang katayuan at awtoridad sa pagkukunwaring pinoprotektahan nila ang mga interes ng mga kapatid at ng sambahayan ng Diyos, at naniniwala sila na ito ay isang pagpapamalas ng kanilang paghahangad sa katotohanan. Wala talaga silang alam tungkol sa tiwaling disposisyon na namamalas at nakikita sa kanila habang sila ay nasa katungkulang ito. Kahit kung minsan ay may kaunti silang kabatiran na ito ay isang tiwaling disposisyon, na ito ay kinasusuklaman ng Diyos, na ito ay isang disposisyon na malupit at mapagmatigas, agad silang nagbabago ng isip, iniisip na: “Hindi maaari iyan. Ako ang lider, at kailangan kong magkaroon ng dangal ng isang lider. Hindi ko maaaring hayaan ang mga kapatid na makita akong nagpapakita ng tiwaling disposisyon.” Kaya nga, bagama’t natatanto nila na nagpakita sila ng napakalaking katiwalian, at na marami silang nagawa na salungat sa mga prinsipyo upang ingatan ang kanilang katayuan at awtoridad, kapag may naglalantad sa kanila, nanlilinlang sila o sinisikap nilang harangin ito, upang wala nang ibang makaalam dito. Sa sandaling magtamo sila ng awtoridad at katayuan, inilalagay nila ang kanilang sarili sa sagrado at di-malalabag na posisyon, iniisip na sila ay dakila, tama, at hindi maaaring punahin at pagdudahan. At dahil naokupa na nila ang gayong posisyon, nilalabanan at tinatanggihan nilang lahat ang anumang mga pagtutol, anumang mga mungkahi o payo na maaaring mapakinabangan sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid at sa gawain ng iglesia. Anong idinadahilan nila sa hindi paghahangad ng katotohanan? Sinasabi nila, “Mayroon akong katayuan, isa akong taong may posisyon—ibig sabihin niyan ay may dangal ako at sagrado at hindi maaaring labagin.” Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan, dahil nakabuo na sila ng gayong mga katwiran at dahilan? (Hindi.) Hindi nila kaya. Lagi silang nagsasalita at kumikilos mula sa kanilang mataas na kinalalagyan habang nasisiyahan sa mga simbolo ng kanilang katayuan. Sa paggawa nito, pinag-iinitan sila, at kinakailangan silang ilantad. Hindi ba’t kaawa-awa ang gayong mga tao? Kaawa-awa sila at kasuklam-suklam, at kamuhi-muhi rin—nakasusuka sila! Bilang lider, nagkukunwari silang santo. Isang santo, isang dakila, maluwalhati, at tamang tao—ano ang mga titulong ito? Ang mga ito ay mga kadena, at sinuman ang magsuot ng mga iyon ay hindi na makapaghahangad ng katotohanan. Kung may magsusuot ng mga kadenang ito, ibig sabihin ay wala na silang anumang kaugnayan sa paghahangad ng katotohanan. Ano ang pangunahing dahilan ng hindi paghahangad ng mga taong ito sa katotohanan? Sa katunayan, ang dahilan ay napigilan na sila ng katayuan. Lagi nilang iniisip: “Ako ang lider. Ako ang namamahala rito. Ako ay isang taong may posisyon at katayuan. Isa akong marangal na tao. Hindi ako maaaring magkaroon ng mayabang o masamang disposisyon. Hindi ako maaaring magtapat at magbahagi sa aking tiwaling disposisyon—kailangan kong protektahan ang aking dangal at kabantugan. Kailangan kong patingalain ang mga tao sa akin at igalang nila ako.” Lagi silang napipigilan ng mga bagay na ito, kaya hindi nila magawang magtapat o magnilay at makilala ang kanilang sarili. Nasira sila ng mga bagay na ito. Naaayon ba sa katotohanan ang kanilang mga pananaw at pag-iisip? Halata naman na hindi. Ang mga pag-uugali ba na madalas nilang ipakita sa kanilang mga tungkulin—kayabangan at pagmamagaling, pagkilos na parang sila ang batas, pagkukunwari, panloloko, at iba pa—ang mga gawing ito ba ay pagsisikap na matamo ang katotohanan? (Hindi.) Malinaw naman na wala sa mga ito ang paghahangad ng katotohanan. At ano ang katwiran o dahilang ibinibigay nila sa hindi paghahangad ng katotohanan? (Naniniwala sila na ang mga lider ay mga taong may katayuan at dangal, at na kahit mayroon silang tiwaling disposisyon, hindi iyon maaaring ilantad.) Hindi ba’t kakatwa ang pananaw na ito? Kung umaamin ang isang tao na mayroon siyang tiwaling disposisyon ngunit hindi pumapayag na malantad ito, tinatanggap ba niya ang katotohanan? Kung, bilang lider, hindi mo matanggap ang katotohanan, paano mo dadanasin ang gawain ng Diyos? Paano malilinis ang iyong katiwalian? At kung hindi malilinis ang iyong katiwalian at patuloy kang mamumuhay ayon sa iyong tiwaling disposisyon, isa kang lider na hindi kayang gumawa ng praktikal na gawain—isa kang huwad na lider. Bilang lider, mayroon ka ngang katayuan, ngunit pagkakaroon lamang ito ng ibang trabaho, ibang tungkulin—hindi ito nangangahulugan na naging isa ka nang taong may posisyon. Hindi ka nagiging mas marangal kaysa iba o nagiging isang taong mataas ang posisyon dahil natamo mo ang katayuang ito at nagsagawa ka ng ibang tungkulin. Kung talagang may mga taong nag-iisip nang ganito, hindi ba’t wala silang kahihiyan? (Wala nga.) Ano ang mas palasak na pagsasalarawan dito? Walang pakundangan ang kabastusan nila, hindi ba? Kapag hindi sila mga lider, tinatrato nila ang mga tao nang taos; nagagawa nilang magtapat tungkol sa mga pagpapakita nila ng katiwalian at suriin ang kanilang tiwaling disposisyon. Sa sandaling maging lider na sila, ganap silang nagiging ibang tao. Bakit Ko sinasabi na nagiging ibang tao sila? Dahil nagmamaskara sila, at nagtatago sa maskara ang tunay na tao. Wala man lang ipinapakitang anumang ekspresyon ang maskara, walang pag-iyak, walang pagtawa, walang kasiyahan o galit, walang lungkot o saya, walang mga emosyon at pagnanasa—at tiyak na walang tiwaling disposisyon. Sa lahat ng oras, ang ekspresyon at kondisyon nito ay nananatiling pareho, habang lahat ng tunay na kalagayan, personal na mga iniisip at ideya ng lider ay nananatiling nakatago sa likod ng maskara, kung saan walang nakakakita sa mga ito. May ilang lider at manggagawa na laging iniisip na mayroon silang posisyon at katayuan. Natatakot sila na mawawalan sila ng dangal kung may magpupungos at magwawasto sa kanila, kaya hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Humuhugot sila ng lakas sa kanilang katayuan at awtoridad para magsalita ng matatamis at huwad na mga salita at pagtakpan ang kanilang tiwaling disposisyon. Kasabay nito, nagkakamali sila sa paniniwala na mas katangi-tangi at mas banal sila kaysa sa iba dahil sa kanilang katayuan, at kaya hindi na nila kailangang hangarin ang katotohanan—na ang paghahangad sa katotohanan ay gawain na ng iba. Ang ganitong paraan ng pag-iisip ay mali, at wala itong kahihiyan at katuturan. Ganyan kung kumilos ang ganitong uri ng tao. Mula sa diwa ng pag-uugali ng gayong mga tao, malinaw na hindi nila hinahangad ang katotohanan. Sa halip ay hinahangad nila ang katayuan at kabantugan. Habang nagtatrabaho sila, pinoprotektahan nila ang kanilang katayuan at awtoridad, at niloloko ang kanilang sarili sa pag-iisip na hinahangad nila ang katotohanan. Katulad lamang sila ni Pablo, madalas na gumagawa ng mga buod ng gawaing nagawa na nila at ng mga tungkuling nagampanan na nila, ng mga gampaning napamahalaan na nila sa paggawa ng gawain ng iglesia, at ang mga tagumpay na natamo na nila habang ginagawa ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Madalas nilang itinatala ang mga bagay na ito, tulad noong sabihin ni Pablo, “Nakikipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya. Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Dito, ang ibig niyang sabihin ay na matapos niya sa kanyang gawain at mahusay na pakikibaka, oras na para kalkulahin kung gaano kalaki ang tsansa niyang maligtas, gaano kalaki ang naging mga kontribusyon niya, gaano kalaki ang kanyang magiging gantimpala, at oras na para hilingin sa Diyos na gantimpalaan ang kanyang mga kontribusyon. Ang ibig niyang sabihin ay hindi niya iisipin na matwid ang Diyos kung hindi siya gagantimpalaan ng korona ng Diyos, na tatanggi siyang magpasakop at magrereklamo pa tungkol sa hindi pagigging matuwid ng Diyos. Ang gayong tao ba, na may ganitong klaseng pag-iisip at disposisyon, ay naghahangad ng katotohanan? Isa ba siyang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? Mailalagay ba niya ang kanyang sarili sa ilalim ng mga pangangasiwa ng Diyos? Hindi ba’t sa isang sulyap lang ay malinaw na ito? Iniisip niya na ang kanyang mga gawain at pakikibaka ay siyang paghahangad sa katotohanan, hindi talaga niya hinahanap ang katotohanan at hindi namamalas sa kanya ang tunay na paghahangad nito—kaya hindi siya isang tao na naghahangad ng katotohanan.
Alin sa mga problema ng tao ang pangunahing inilalantad ng ating pagbabahaginan ngayon? Alin sa mga tiwaling disposisyon ng tao ang partikular na inilantad nito? Ang isang pangunahin ay sawa na ang tao sa katotohanan at ayaw niya itong tanggapin; ito ay isang napaka-partikular na uri ng pag-uugali. Ang isa pang pangunahin ay isang bagay na umiiral sa diwa ng disposisyon ng bawat tao: pagmamatigas. Namamalas din ito nang medyo kongkreto at malinaw, hindi ba? (Oo nga.) Ito ang dalawang pangunahing paraan ng pagpapamalas at pagpapakita ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang partikular na mga pag-uugaling ito, ang partikular na mga pananaw at saloobing ito, at iba pa, ay tunay at tumpak na naglalarawan na may elemento ng pagiging yamot na sa katotohanan sa loob ng tiwaling disposisyon ng tao. Siyempre pa, ang mas kitang-kita sa disposisyon ng tao ay ang mga pagpapamalas ng pagmamatigas: Anumang sabihin ng Diyos, at anumang mga tiwaling disposisyon ng tao ang malantad habang ginagawa ang gawain ng Diyos, matigas na tumatanggi ang mga tao na kilalanin ito at nilalabanan nila ito. Bukod pa sa malinaw na paglaban o mapanghamak na pagtanggi, mayroon, siyempre, ng isa pang uri ng pag-uugali, na kapag walang pakialam ang mga tao sa gawain ng Diyos, na para bang ang gawain ng Diyos ay walang kinalaman sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng walang pakialam ang isang tao sa Diyos? Ito ay kapag sinasabi ng isang tao, “Sabihin Mo ang gusto Mong sabihin—wala itong kinalaman sa akin. Wala sa Iyong mga paghatol o paglalantad ang may anumang kinalaman sa akin. Hindi ko ito tinatanggap o kinikilala.” Maaari ba nating tawagin ang gayong saloobin na “pagmamatigas”? (Oo.) Pagpapamalas ito ng pagiging mapagmatigas. Sinasabi ng mga taong ito, “Namumuhay ako kung paano ko gusto, kung saan man ako komportable, at sa kung ano mang paraan ang nagpapaligaya sa akin. Ang mga pag-uugaling binabanggit Mo tulad ng kayabangan, panlilinlang, pagiging yamot na sa katotohanan, kasamaan, kalupitan, at iba pa—kahit mayroon nga ako ng mga ito, ano naman ngayon? Hindi ko susuriin ang mga ito, o kikilalanin, o tatanggapin ang mga ito. Ganito ako naniniwala sa Diyos, may magagawa ka ba?” Isang saloobin ito ng pagmamatigas. Kapag walang pakialam ang mga tao sa mga salita ng Diyos o hindi sila nakikinig sa mga iyon, na ibig sabihin ay pare-pareho nilang binabalewala ang Diyos, anuman ang Kanyang sabihin, nangungusap man Siya sa anyo ng mga paalala o babala o pangaral—ano mang paraan ng pagsasalita ang gamitin Niya, o ano ang pinagmumulan at mga mithiin ng Kanyang pananalita—ang kanilang saloobin ay pagmamatigas. Ibig sabihin nito ay hindi nila pinakikinggan ang apurahang kalooban ng Diyos, lalo na ang Kanyang taos at mabuting hangarin na iligtas ang tao. Anuman ang gawin ng Diyos, walang puso ang mga tao para makipagtulungan at ayaw nilang magpunyagi tungo sa katotohanan. Kahit kinikilala nila na lubos na totoo ang paghatol at paghahayag ng Diyos, walang pagsisisi sa kanilang puso, at patuloy lang silang naniniwala tulad ng dati. Sa huli, kapag narinig na nila ang maraming sermon, gayon din ang sinasabi nila: “Isa akong tunay na mananampalataya, ano’t anuman, hindi masama ang pagkatao ko, hindi ako sadyang gagawa ng masama, nagagawa kong talikuran ang mga bagay-bagay, kakayanin ko ang hirap, at handa akong magsakripisyo para sa aking pananampalataya. Hindi ako pababayaan ng Diyos.” Hindi ba’t katulad lamang ito ng pagkasabi ni Pablo: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran”? Iyan ang uri ng saloobing taglay ng mga tao. Ano ang disposisyon sa likod ng gayong saloobin? Pagiging mapagmatigas. Mahirap bang baguhin ang disposisyong mapagmatigas? May paraan ba para magawa iyon? Ang pinakasimple at pinaka-deretsahang pamamaraan ay ang baguhin ang iyong saloobin sa mga salita ng Diyos at sa Diyos Mismo. Paano mo mababago ang mga bagay na ito? Sa pagsusuri at pag-alam sa kalagayan at pag-iisip na nagmumula sa iyong pagiging mapagmatigas, at sa pagtingin para makita kung alin sa iyong mga kilos at salita, sa aling mga pananaw at layunin ka kumakapit, at partikular pa nga kung alin sa mga iniisip at ideyang ipinapakita mo, ang kontrolado ng iyong mapagmatigas na disposisyon. Suriin at lutasin ang mga pag-uugali, pagpapakita, at mga kalagayang ito, nang isa-isa, at pagkatapos, baguhin ang mga ito—sa sandaling nasuri mo na at may nakita ka, magmadali kang baguhin ito. Halimbawa, pinag-uusapan pa lamang natin ang pagkilos batay sa mga kagustuhan at timpla ng isang tao, na siyang pagiging mapusok. Ang disposisyon ng pagkamapusok ay may kasamang isang katangiang sawa na sa katotohanan. Kung natatanto mo na ganyan kang uri ng tao, na may ganyan kang uri ng tiwaling disposisyon, at hindi mo pinagninilay-nilayan ang iyong sarili o hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, na ipinipilit mong ayos ka lang, pagmamatigas iyan. Matapos ang sermon na ito, maaaring bigla mong matanto, “May nasabi na akong ganyan, at may mga pananaw akong ganyan. Ang disposisyon kong ito ay yaong sawa na sa katotohanan. Dahil iyan nga ang sitwasyon, lulutasin ko ang disposisyong iyan.” Kung gayon ay paano mo lulutasin ito? Magsimula ka sa paglimot sa iyong superyoridad, sa iyong pagkamapusok, at sa iyong pagpapadalus-dalos; mabuti man o masama ang timpla mo, tingnan mo ang mga hinihingi ng Diyos. Kung kaya mong talikuran ang laman at magsagawa nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, ano ang magiging tingin Niya sa iyo? Kung kaya mo talagang magsimulang lutasin ang mga tiwaling pag-uugaling ito, tanda iyan na positibo at aktibo kang nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos. Sadya mong tatalikuran at lulutasin ang disposisyong iyan na sawa na sa katotohanan, at kasabay niyan, malulutas mo ang pagiging mapagmatigas. Kapag nalutas mo na pareho ang mga tiwaling disposisyong ito, magagawa mo nang sundin at palugurin ang Diyos, at masisiyahan Siya rito. Kung naunawaan na ninyo ang nilalaman ng pagbabahaging ito at tatalikuran ninyo ang laman sa ganitong paraan, magiging masayang-masaya Ako. Sa gayon ay hindi Ko sinabi ang mga salitang ito nang walang saysay.
Ang pagiging mapagmatigas ay isang problema ng isang tiwaling disposisyon; nasa kalikasan ito ng isang tao, at hindi ito madaling lutasin. Kapag ang isang tao ay may mapagmatigas na disposisyon, pangunahin itong naipamamalas bilang pagkahilig sa pangangatwiran at mapanlihis na mga argumento, paninindigan sa sarili niyang mga ideya, at hindi madaling pagtanggap sa mga bagong bagay. May mga pagkakataon na alam ng mga tao na mali ang mga ideya nila, ngunit pinanghahawakan nila ang mga iyon alang-alang sa kanilang banidad at kapalaluan, matigas sila hanggang sa huli. Ang gayong mapagmatigas na disposisyon ay mahirap baguhin, kahit pa may kamalayan doon ang isang tao. Upang lutasin ang problema ng pagiging mapagmatigas, kailangang malaman ng isang tao ang pagmamataas, panlilinlang, kalupitan, pagkayamot sa katotohanan, at iba pang gayong disposisyon ng tao. Kapag alam ng isang tao ang sarili niyang pagmamataas, panlilinlang, kalupitan, na nayayamot siya sa katotohanan, na ayaw niyang talikdan ang laman kahit na nais niyang isagawa ang katotohanan, na palagi siyang nagdadahilan at nagpapaliwanag ng mga paghihirap niya kahit na nais niyang sundin ang Diyos, magiging madali sa kanya na aminin na may problema siya sa pagmamatigas. Para malutas ang problemang ito, dapat munang taglayin ng isang tao ang normal na katinuan at magsimula sa pagkatutong makinig sa mga salita ng Diyos. Kung nais mong maging tupa ng Diyos, kailangan mong matutong makinig sa Kanyang mga salita. At paano ka dapat makinig sa mga iyon? Sa pakikinig sa anumang problemang inilalantad ng Diyos sa Kanyang mga salita na may kaugnayan sa iyo. Kung makahanap ka ng isa, dapat mo itong tanggapin; kailangan ay hindi mo paniwalaan na isa itong problema na taglay ng ibang tao, na problema ito ng lahat, o problema ng sangkatauhan, at na wala itong kinalaman sa iyo. Mali na magkaroon ka ng gayong paniniwala. Dapat kang magnilay-nilay, sa pamamagitan ng paghahayag ng mga salita ng Diyos, kung taglay mo ba ang mga tiwaling disposisyon o mga maling pananaw na inilalantad ng Diyos. Halimbawa, kapag narinig mo ang mga salita ng Diyos na naglalantad ng mga pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyong nakikita sa isang tao, dapat mong isipin: “Nagpapakita ba ako ng mga pagpapamalas ng pagmamataas? Isa akong tiwaling tao, kaya malamang na nagpapakita ako ng ilan sa mga pagpapamalas na iyon; dapat kong pagnilayan kung saan ko iyon ginagawa. Sinasabi ng mga tao na mapagmataas ako, na palagi akong kumikilos na parang isang importanteng tao, na napipigilan ko ang mga tao kapag nagsasalita ako. Iyon ba talaga ang disposisyon ko?” Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, mapagtatanto mo sa wakas na tumpak na tumpak ang paghahayag ng mga salita ng Diyos—na isa kang mapagmataas na tao. At yamang tumpak na tumpak ang paghahayag ng mga salita ng Diyos, yamang tugmang-tugma ito sa sitwasyon mo nang wala ni katiting na pagkakaiba, at lalo pang nagiging tumpak matapos ang higit pang pagninilay, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita, at makilatis at malaman ang diwa ng iyong tiwaling disposisyon ayon sa mga ito. Pagkatapos ay makadarama ka ng tunay na pagsisisi. Sa paniniwala sa Diyos, makikilala mo lang ang sarili mo sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa Kanyang mga salita nang ganito. Upang malutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, kailangan mong tanggapin ang paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos. Kung hindi mo kayang gawin iyon, imposibleng maiwaksi mo ang mga tiwaling disposisyon mo. Kung isa kang matalinong tao na nakakikita na karaniwang tumpak ang paghahayag ng mga salita ng Diyos, o kung kaya mong aminin na tama ang kalahati nito, dapat mo itong tanggapin agad at magpasakop ka sa harap ng Diyos. Kailangan mo ring magdasal sa Kanya at pagnilayan ang iyong sarili. Saka mo lang mauunawaan na tumpak ang lahat ng salita ng Diyos ng paghahayag, na ang lahat ng iyon ay katunayan, at wala nang iba pa. Tunay lamang na mapagninilayan ng mga tao ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagpapasakop sa harap ng Diyos nang may pusong gumagalang sa Kanya. Saka lang nila makikita ang iba’t-ibang tiwaling disposisyon na umiiral sa kaibuturan nila, at na mapagmataas at mapagmagaling nga sila, na wala ni katiting na katinuan. Kung ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, magagawa niyang magpatirapa sa harapan ng Diyos, aminin sa Kanya na malalim siyang nagawang tiwali, at magkaroon ng kagustuhang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan, magkakaroon siya ng isang pusong nagsisisi, magsisimula siyang tanggihan at kapootan ang kanyang sarili, at pagsisisihan niya ang hindi paghahangad sa katotohanan noon, iisipin niyang, “Bakit ba hindi ko nagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos noong magsimula akong basahin ang mga iyon? Itong saloobing taglay ko sa Kanyang mga salita ay saloobin ng kayabangan, hindi ba? Bakit masyado akong mayabang?” Pagkatapos ng madalas na pagninilay-nilay sa sarili nang ganito sa loob ng ilang panahon, malalaman niya na mayabang nga siya, na wala siyang ganap na kakayahang aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at mga katunayan, at na talagang wala siyang ni katiting na katinuan. Pero mahirap kilalanin ang sarili. Sa tuwing magninilay-nilay ang isang tao, makapagtatamo lang siya ng kaunti at bahagyang mas malalim na kaalaman sa kanyang sarili. Ang pagkakaroon ng malinaw na kaalaman sa isang tiwaling disposisyon ay hindi isang bagay na maisasakatuparan sa maikling panahon; ang isang tao ay kailangang higit na magbasa ng mga salita ng Diyos, higit na magdasal, at higit na pagnilay-nilayan ang kanyang sarili. Sa gayon lang niya unti-unting makikilala ang kanyang sarili. Lahat ng tunay na nakakakilala sa kanilang sarili ay ilang beses nang nabigo at nadapa noon, pagkatapos mangyari ang mga iyon, binabasa nila ang mga salita ng Diyos, nagdarasal sa Kanya, at pinagninilay-nilayan ang kanilang sarili, at kaya malinaw nilang nakikita ang katotohanan ng sarili nilang katiwalian, at nadarama na talaga ngang lubha silang naging tiwali, at talagang nawalan sila ng realidad ng katotohanan. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos nang ganito, at mananalangin ka sa Kanya athahanapin mo ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, unti-unti mong makikilala ang sarili mo. Pagkatapos isang araw, magiging malinaw na sa wakas ang puso mo: “Maaaring medyo mas may kakayahan ako kaysa sa iba, pero ibinigay ito sa akin ng Diyos. Palagi akong mayabang, sinisikap kong higitan ang iba kapag nagsasalita ako, at sinisikap kong pasunurin ang mga tao sa gusto ko. Tunay na wala akong katwiran—ito ay kayabangan at pagmamagaling! Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, nalaman ko ang sarili kong mayabang na disposisyon. Ito ay kaliwanagan at biyaya ng Diyos, at pinasasalamatan ko Siya para dito!” Mabuting bagay ba o masama ang malaman ang sarili mong tiwaling disposisyon? (Mabuting bagay.) Mula roon, dapat patuloy kang maghangad kung paano magsasalita at kikilos nang may katwiran at pagsunod, paano ka papantay sa iba, paano tatratuhin ang iba nang patas nang hindi sila pinipigilan, paano mo titignan nang tama ang iyong kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, at iba pa. Sa ganitong paraan, gaya ng isang bundok na unti-unting pinupukpok hanggang sa maging alikabok, malulutas ang iyong mayabang na disposisyon. Pagkatapos niyon, kapag nakipag-ugnayan ka sa iba o nakipagtulungan sa kanila na gampanan ang isang tungkulin, magagawa mong tratuhin nang tama ang kanilang mga pananaw at lubos na pagtuunan sila nang pansin habang nakikinig ka sa kanila. At kapag narinig mo silang magsabi ng isang pananaw na tama, matutuklasan mo, “Mukhang hindi ako ang may pinakamahusay na kakayahan. Ang totoo, lahat ay may sari-sariling mga kalakasan; hindi talaga sila mas mababa sa akin. Dati, lagi kong iniisip na may mas mahusay na kakayahan ako kaysa sa iba. Paghanga iyon sa sarili at kamangmangan ng isang makitid ang utak. Napakalimitado ng aking pananaw, parang palaka sa ilalim ng isang balon. Talagang walang katwiran ang pag-iisip nang gayon—kahiya-hiya ito! Ginawa akong bulag at bingi ng aking mayabang na disposisyon. Hindi ko naunawaan ang mga salita ng ibang mga tao, at inakala ko na mas mahusay ako kaysa sa kanila, na tama ako, samantalang ang totoo, hindi ako mas mahusay kaysa sa sinuman sa kanila!” Mula noon, magkakaroon ka ng tunay na kabatiran at kaalaman tungkol sa iyong mga kakulangan at sa maliit mong tayog. At pagkatapos niyon, kapag nakipagbahaginan ka sa iba, makikinig kang maigi sa kanilang mga pananaw, at matatanto mo, “Napakaraming taong mas mahusay kaysa sa akin. Katamtaman lang pareho ang aking kakayahan at kapasidad sa pag-unawa.” Sa pagkakatantong ito, hindi ba’t nagtamo ka na ng kaunting kamalayan sa iyong sarili? Sa pamamagitan ng pagdanas nito, at sa madalas na pagninilay-nilay sa sarili batay sa mga salita ng Diyos, makapagtatamo ka ng tunay na kaalaman sa iyong sarili na lalo pang lumalalim. Maiintindihan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian, ang iyong karukhaan at kasamaan, ang iyong kahiya-hiyang kapangitan, at sa oras na iyon, mapopoot ka sa sarili mo at kamumuhian mo ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay magiging madali na para sa iyo na talikuran ang iyong sarili. Ganoon mo mararanasan ang gawain ng Diyos. Batay sa mga salita ng Diyos, kailangan mong magnilay-nilay sa mga paglalantad mo ng iyong katiwalian. Partikular na kailangan mong madalas na pagnilay-nilayan at kilalanin ang iyong sarili pagkatapos mong maglantad ng tiwaling disposisyon sa anumang sitwasyon. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na makita nang malinaw ang iyong tiwaling diwa, at magagawa mong kamuhian sa puso mo ang iyong katiwalian, ang iyong laman, at si Satanas. At sa puso mo, magagawa mong mahalin at pagsumikapang matamo ang katotohanan. Sa ganitong paraan, patuloy na mababawasan ang iyong mayabang na disposisyon, at unti-unti mo itong maiwawaksi. Makapagtatamo ka ng mas higit pang katwiran, at magiging mas madali para sa iyo na magpasakop sa Diyos. Sa mga mata ng iba, magmumukha kang mas panatag at praktikal, at tila mas obhektibo ka na kung magsalita. Magagawa mo nang makinig sa iba, at bibigyan mo sila ng pagkakataon na makapagsalita. Kapag tama ang iba, magiging madali para sa iyo na tanggapin ang kanilang mga salita, at hindi gaanong magiging mahirap ang mga pakikipag-ugnayan mo sa mga tao. Magagawa mong makipagtulungan nang maayos kaninuman. Kung ganito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, hindi ba magiging makatwiran at makatao ka? Iyon ang paraan para malutas ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon.
Ngayon ay magbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa paraan ng paglutas sa mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng problema ng mapagmatigas na disposisyon na binanggit Ko kanina. Upang malutas ang isang tiwaling disposisyon, kailangan munang matanggap ng isang tao ang katotohanan. Ang pagtanggap sa katotohanan ay pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos; ito ay pagtanggap sa Kanyang mga salita na naglalantad sa diwa ng katiwalian ng tao. Kung malalaman at masusuri mo ang mga pagpapakita mo ng katiwalian, ng iyong mga tiwaling kalagayan, at ng iyong mga tiwaling layunin at pag-uugali batay sa mga salita ng Diyos, at magagawa mong tuklasin ang diwa ng iyong mga problema, nagkaroon ka na ng kaalaman sa iyong tiwaling disposisyon, at nasimulan mo na ang proseso ng paglutas dito. Sa kabilang banda, kung hindi ka magsasagawa nang ganito, bukod sa hindi mo magagawang lutasin ang iyong mapagmatigas na disposisyon, magiging imposible rin na maiwaksi mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ang bawat tao ay nagtataglay ng maraming tiwaling disposisyon. Saan ba dapat magsimula ang isang tao sa paglutas sa mga iyon? Una, kailangang lutasin ng isang tao ang kanyang pagiging mapagmatigas, dahil hinahadlangan ng isang mapagmatigas na disposisyon ang mga tao na makalapit sa Diyos, mahanap ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Ang pagiging mapagmatigas ang pinakamalaking balakid sa panalangin at pakikipagbahaginan ng tao sa Diyos; ito ang pinaka-nakagagambala sa normal na relasyon ng tao sa Diyos. Matapos mong malutas ang iyong mapagmatigas na disposisyon, magiging madali nang lutasin ang iba pa. Ang paglutas sa isang tiwaling disposisyon ay nagsisimula sa pagninilay-nilay sa sarili at pagkakilala sa sarili. Lutasin mo ang alinmang tiwaling disposisyon na nalalaman mo—kapag mas marami kang nalalaman sa mga iyon, mas marami kang malulutas; mas lalalim pa ang kaalaman mo sa mga iyon, mas lubusan mo pang malulutas ang mga iyon. Ito ang proseso ng paglutas sa mga tiwaling disposisyon; ginagawa ito sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos, at sa pamamagitan ng pagninilay-nilay at pagkilala sa sarili at pagsusuri sa diwa ng tiwaling disposisyon ng isang tao sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hanggang sa magawa ng isang tao na talikdan ang laman at isagawa ang katotohanan. Ang pag-alam sa diwa ng iyong tiwaling disposisyon ay hindi madali. Ang pagkilala sa sarili mo ay hindi pagsasabi nang pangkalahatan na “Isa akong tiwaling tao; isa akong diyablo; ako ang supling ni Satanas, ang inapo ng malaking pulang dragon; lumalaban at galit ako sa Diyos; kaaway Niya ako.” Ang gayong pananalita ay hindi naman nangangahulugan na mayroon kang tunay na kaalaman tungkol sa iyong sariling katiwalian. Maaaring natutuhan mo ang mga salitang iyon mula sa ibang tao at hindi mo gaanong kilala ang sarili mo. Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay hindi batay sa nalalaman o mga panghuhusga ng tao, batay ito sa mga salita ng Diyos—ito ay ang makita ang mga bunga ng mga tiwaling disposisyon at ang pagdurusa na naranasan mo dahil sa mga ito, ang madama na hindi lang ikaw ang napipinsala ng isang tiwaling disposisyon, kundi pati na rin ang ibang tao. Ito ay ang maintindihan ang katunayan na ang mga tiwaling disposisyon ay nagmumula kay Satanas, na ang mga ito ay lason at pilosopiya ni Satanas, at na ganap na salungat ito sa katotohanan at sa Diyos. Kapag naunawaan mo na ang problemang ito, malalaman mo na ang iyong tiwaling disposisyon. Matapos aminin ng ilang tao na sila ang diyablong si Satanas, hindi pa rin nila tinatanggap ang mapungusan at maiwasto. Hindi nila inaamin na may nagawa silang mali o nilabag nila ang katotohanan. Ano ba ang problema sa kanila? Hindi pa rin nila kilala ang sarili nila. Sinasabi ng ilang tao na sila ang diyablong si Satanas, subalit kung tatanungin mo sila ng, “Bakit mo sinasabi na ikaw ang diyablong si Satanas?” hindi sila makasasagot. Ipinapakita nito na hindi nila alam ang kanilang tiwaling disposisyon, o ang kanilang likas na pagkatao at diwa. Kung makikita nila na ang kanilang kalikasan ay ang kalikasan ng diyablo, na ang kanilang tiwaling disposisyon ay disposisyon ni Satanas, at aaminin nila na sila samakatwid ang diyablo, si Satanas, nakilala na nila ang sarili nilang likas na pagkatao at diwa. Ang tunay na kaalaman sa sarili ay nakakamtan sa pamamagitan ng paglalantad, paghusga, pagsasagawa, at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Nakakamtan ito sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, anuman ang sabihin niya tungkol sa kaalaman niya sa kanyang sarili, hungkag ito at hindi praktikal, dahil hindi nila mahanap at maunawaan ang mga bagay na nasa ugat at mahahalaga. Para makilala ang sarili, kailangang aminin ng isang tao, sa partikular na mga pagkakataon, kung aling mga tiwaling disposisyon ang kanilang ipinakita, ano ang kanilang layon, paano sila umasal, sa ano sila napápasamâ, at bakit hindi nila matanggap ang katotohanan. Kailangang masabi nila nang malinaw ang mga bagay na ito, saka lamang nila makikilala ang kanilang sarili. Kapag naharap ang ilang tao sa pagpupungos at pagwawasto, inaamin nila na nayayamot sila sa katotohanan, na may mga hinala at maling pag-unawa sila tungkol sa Diyos, at na nag-iingat sila sa Kanya. Kinikilala rin nila na ang lahat ng salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao ay makatotohanan. Ipinapakita nito na mayroon silang kaunting kaalaman sa sarili. Ngunit dahil wala silang kaalaman tungkol sa Diyos o sa Kanyang gawain, dahil hindi nila nauunawaan ang Kanyang kalooban, medyo mababaw ang kaalaman nila sa sarili. Kung kinikilala lamang ng isang tao ang kanyang sariling katiwalian ngunit hindi pa natatagpuan ang ugat ng problema, malulutas ba ang kanilang mga hinala, maling pagkaunawa, at pag-iingat patungkol sa Diyos? Hindi. Ito ang dahilan kaya ang kaalaman sa sarili ay higit pa sa basta pagkilala lamang sa katiwalian at mga problema ng isang tao—kailangan niya ring maunawaan ang katotohanan at malutas ang ugat ng problema ng kanyang tiwaling disposisyon. Iyon lamang ang tanging paraan upang maunawaan ng isang tao ang katotohanan ng kanyang katiwalian at tunay siyang makakapagsisi. Kapag iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay nakikilala ang kanilang sarili, nagagawa rin nilang hanapin at unawain ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga problema. Ang ganitong uri lamang ng kaalaman sa sarili ang nagkakaroon ng mga resulta. Tuwing nababasa ng isang taong nagmamahal sa katotohanan ang isang parirala ng mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa tao, bago ang lahat, may pananampalataya siya na ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tao ay tunay at totoo, at na ang mga salita ng Diyos na humahatol sa tao ay ang katotohanan at na kumakatawan ang mga ito sa Kanyang pagiging matuwid. Kailangan na ang mga nagmamahal sa katotohanan, kahit papaano, ay nakikilala ito. Kung ang isang tao ay hindi man lang naniniwala sa mga salita ng Diyos, at hindi naniniwala na ang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa mga tao ay mga katunayan at ang katotohanan, makikilala ba niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang mga salita? Siguradong hindi—kahit na gustuhin niya, hindi niya ito magagawa. Kung kaya mong maging matatag sa iyong paniniwala na lahat ng salita ng Diyos ay katotohanan, at maniwala sa lahat ng iyon, anuman ang sabihin ng Diyos o ang paraan ng pagsasalita Niya, kung nagagawa mong maniwala at tanggapin ang Kanyang mga salita kahit hindi mo nauunawaan ang mga ito, magiging madali para sa iyo na pagnilay-nilayan at kilalanin ang sarili mo sa pamamagitan ng mga ito. Ang pagninilay sa sarili ay kailangang batay sa katotohanan. Walang kaduda-duda iyan. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan—wala ni isa sa mga salita ng tao at wala ni isa sa mga salita ni Satanas ang katotohanan. Ginagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan gamit ang lahat ng uri ng pag-aaral, turo, at teorya sa loob ng libu-libong taon, at naging lubhang manhid na ang mga tao at mapurol ang utak kaya hindi lamang wala sila ni katiting na kaalaman tungkol sa kanilang sarili, kundi sinasang-ayunan pa nila ang mga maling pananampalataya at kamalian at ayaw nilang tanggapin ang katotohanan. Ang mga taong katulad nito ay hindi matutubos. Yaong mga may tunay na pananampalataya sa Diyos ay naniniwala na ang Kanyang mga salita lamang ang katotohanan, at nagagawa nilang kilalanin ang kanilang sarili batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at sa gayon ay natatamo nila ang tunay na pagsisisi. Ang ilang tao ay hindi nagsisikap na matamo ang katotohanan; ibinabatay lamang nila ang kanilang pagninilay tungkol sa kanilang sarili sa natutuhan ng tao, at wala silang inaamin kundi ang makasalanang pag-uugali lamang, samantala, hindi nila nauunawaan ang sarili nilang tiwaling diwa. Ang gayong kaalaman sa sarili ay isang walang-saysay na pagsisikap at wala itong ibinubunga. Kailangang ibatay ng isang tao ang kanyang pagninilay sa sarili sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos magnilay-nilay, unti-unti niyang malalaman ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita niya. Kailangan masukat at malaman ng isang tao ang kanyang mga kakulangan, ang diwa ng kanyang pagkatao, kanyang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, kanyang pananaw at pagpapahalaga sa buhay, batay sa katotohanan, at pagkatapos ay magkaroon ng isang tumpak na pagtatasa at hatol sa lahat ng bagay na ito. Sa ganitong paraan, unti-unti siyang magtatamo ng kaalaman tungkol sa kanyang sarili. Ngunit mas lumalalim ang kaalaman sa sarili habang mas dumarami ang karanasan niya sa buhay, at bago niya matamo ang katotohanan, magiging imposible para sa kanya na ganap na maunawaan ang kanyang likas na pagkatao at diwa. Kung tunay na kilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita niya na ang mga tiwaling nilalang ay tunay ngang supling at mga pagsasakatawan ni Satanas. Madarama niya na hindi siya nararapat na mabuhay sa harap ng Diyos, na hindi siya karapatdapat sa Kanyang pagmamahal at pagliligtas, at magagawa niyang ganap na magpatirapa sa Kanyang harapan. Yaon lamang mga kayang magkaroon ng gayong antas ng kaalaman ang tunay na nakakakilala sa kanilang sarili. Ang kaalaman sa sarili ay isang paunang kundisyon sa pagpasok sa realidad ng katotohanan. Kung nais isagawa ng isang tao ang katotohanan at pumasok sa realidad, kailangan niyang makilala ang kanyang sarili. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon, at bagama’t ayaw nila, palagi silang nagagapos at nakokontrol ng mga tiwaling disposisyon na ito. Hindi nila naisasagawa ang katotohanan o nasusunod ang Diyos. Kaya kung nais nilang gawin ang mga bagay na ito, kailangan muna nilang makilala ang kanilang sarili at lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa proseso ng paglutas ng tiwaling disposisyon mauunawaan ng isang tao ang katotohanan at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos; saka lamang siya makapagpapasakop sa Diyos at makapagpapatotoo sa Kanya. Ganoon niya matatamo ang katotohanan. Ang proseso ng pagpasok sa realidad ng katotohanan ay ang paglutas sa tiwaling disposisyon ng isang tao. Kaya, ano ang kailangan niyang gawin para malutas ang kanyang tiwaling disposisyon? Una, kailangang malaman ng isang tao ang kanyang tiwaling diwa. Partikular na, nangangahulugan ito ng pagkaalam kung paano nagsimula ang kanyang tiwaling disposisyon, at kung alin sa mga kasinungalingan at maling paniniwala mula kay Satanas na tinanggap niya ang nagpasimula niyon. Sa sandaling lubos niyang maunawaan ang mga ugat na dahilan batay sa mga salita ng Diyos at mayroon siyang pagkakilala sa mga ito, hindi na siya papayag na mamuhay ayon sa kanyang tiwaling disposisyon, nanaisin na lamang niyang magpasakop sa Diyos at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Sa tuwing nagpapakita siya ng tiwaling disposisyon, mapapansin niya iyon, tatanggihan iyon, at tatalikuran ang kanyang laman. Sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas nang ganito, unti-unti niyang iwawaksi ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon.
Sinasabi ng ilang tao, “Nang mabasa ko ang mga salita ng paglalantad at paghatol ng Diyos, nagnilay-nilay ako sa aking sarili, at natanto ko na ako ay mayabang, mapanlinlang, makasarili, masama, mapagmatigas, at na wala akong pagkatao.” Mayroong ilan na sinasabi pa nga na masyado silang mayabang, na sila ay mga hayop, na sila ang diyablo, si Satanas. Ito ba ang tunay na kaalaman sa sarili? Kung taos-puso ang kanilang sinasabi, at hindi lang basta pangongopya, nagpapakita ito na, kahit paano, mayroon silang kaunting kaalaman sa sarili, ang tanong lamang ay kung mababaw ba iyon o malalim. Kung mayroon silang kinokopya, inuulit nila ang mga salita ng iba, hindi iyon tunay na kaalaman sa sarili. Kailangan ay konkreto ang kaalaman ng isang tao tungkol sa kanyang sariling tiwaling disposisyon, hanggang sa bawat usapin at kalagayan—ang ibig sabihin nito ay ang mga detalyeng tulad ng mga kalagayan, paglalantad, pag-uugali, kaisipan at ideya na may kinalaman sa tiwaling disposisyon. Saka lamang niya tunay na makikilala ang kanyang sarili. At kapag tunay na kilala ng isang tao ang kanyang sarili, mapupuno ng pagsisisi ang kanyang puso, at makakaya niyang tunay na magsisi. Ano ang unang bagay na kailangan niyang isagawa upang magsisi? (Kailangan niyang aminin ang kanyang mga pagkakamali.) “Ang pag-amin sa kanyang mga pagkakamali” ay hindi ang tamang paraan para ipahayag ito; sa halip, ito ay isang usapin ng pagkilala at pag-alam na ang isang tao ay may partikular na tiwaling disposisyon. Kung sasabihin niya na ang kanyang tiwaling disposisyon ay isang uri ng pagkakamali, nagkakamali siya. Ang tiwaling disposisyon ay isang bagay na kabilang sa likas na pagkatao ng isang tao, isang bagay na kumokontrol sa tao. Hindi ito katulad ng minsanang pagkakamali. Ang ilang tao, matapos magpakita ng katiwalian, ay nagdarasal sa Diyos: “Diyos ko, nagkamali ako. Patawad.” Hindi tumpak ito. Ang “pag-amin sa kasalanan” ay mas naaangkop. Ang partikular na pamamaraan ng pagsisisi ng isang tao ay sa pagkilala sa kanyang sarili at paglutas sa kanyang mga problema. Kapag naglalantad ang isang tao ng isang tiwaling disposisyon, o gumagawa ng mga paglabag, at natatanto niya na nilalabag niya ang Diyos, at na ginagalit niya ang Diyos, dapat na niyang pagnilay-nilayan ang kanyang sarili at kilalanin ang kanyang sarili ayon sa kaugnay na mga salita ng Diyos. Bilang resulta, magtatamo siya ng kaunting kaalaman tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon at kikilalanin niya na nagmumula iyon sa mga lason at pagtitiwali ni Satanas. Pagkatapos niyon, kapag natagpuan na niya ang mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng katotohanan at nagawa na niyang isagawa ang katotohanan, iyon ang tunay na pagsisisi. Anumang katiwalian ang inilalantad ng isang tao, kung nagagawa muna niyang malaman ang kanyang tiwaling disposisyon, mahanap ang katotohanan para lutasin ito, at maisagawa ang katotohanan, iyon ang tunay na pagsisisi. May kaunting alam ang ilang tao tungkol sa kanilang sarili, ngunit walang tanda ng pagsisisi sa kanila, o anumang patotoo sa pagsasagawa nila ng katotohanan. Kung hindi sila magbabago matapos magtamo ng kaalaman sa sarili, malayo iyon sa tunay na pagsisisi. Para tunay na makapagsisi, kailangang lutasin ng isang tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Kaya paano, sa partikular, dapat magsagawa at pumasok ang isang tao upang malutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon? Narito ang isang halimbawa. Ang mga tao ay may mga mapanlinlang na disposisyon, palagi silang nagsisinungaling at nandaraya. Kung natatanto mo iyan, ang pinakasimple at pinakatuwirang prinsipyo ng pagsasagawa para malutas ang iyong pagiging mapanlinlang ay ang maging matapat na tao, sabihin mo ang totoo at gumawa ng matatapat na bagay. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Datapwat ang magiging pananalita ninyo’y, ‘Oo, oo; Hindi, hindi.’” Para maging matapat na tao, dapat niyang sundin ang mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Ang simpleng pagsasagawang ito ang pinakaepektibo, madali itong maunawaan at maisagawa. Gayunman, dahil napakalalim ng katiwalian ng mga tao, dahil lahat sila ay may satanikong kalikasan at nabubuhay ayon sa mga satanikong disposisyon, medyo mahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Gusto nilang maging matapat, ngunit hindi nila magawa. Hindi nila napipigilang magsinungaling at manloko, at bagama’t maaaring nagsisisi sila matapos mapansin ito, hindi pa rin nila mawawaksi ang mga pagkontrol ng kanilang tiwaling disposisyon, at patuloy silang magsisinungaling at mandaraya tulad ng ginagawa nila dati. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Bahagi nito ang pag-alam na ang diwa ng tiwaling disposisyon ng isang tao ay pangit at kasuklam-suklam, at ang mamuhi nang taos-puso; ang pagsasanay sa sarili na magsagawa ayon sa prinsipyo ng katotohanan, “Datapwat ang magiging pananalita ninyo’y, ‘Oo, oo; Hindi, hindi.’” Kapag isinasagawa mo ang prinsipyong ito, nasa proseso ka ng paglutas sa iyong mapanlinlang na disposisyon. Natural, kung nakapagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan habang nilulutas mo ang iyong mapanlinlang na disposisyon, iyan ay pagpapamalas ng iyong pagbabago at ang pagsisimula ng iyong tunay na pagsisisi, at sinasang-ayunan ito ng Diyos. Nangangahulugan ito na kapag nagbago ka, magbabago ang isip ng Diyos tungkol sa iyo. Sa katunayan, ang paggawa nito ng Diyos ay isang uri ng pagpapatawad sa mga tiwaling disposisyon at pagkasuwail ng tao. Pinatatawad Niya ang mga tao at nililimot ang mga kasalanan at paglabag nito. Sapat na ba ang linaw niyan? Naunawaan ba ninyo ito? Narito ang isa pang halimbawa. Sabihin nang mayroon kang mayabang na disposisyon, at anuman ang mangyari sa iyo, napakatigas ng ulo mo—gusto mo palagi na ikaw ang magpapasya, at na susundin ka ng iba, at gawin ang gusto mong ipagawa sa kanila. Sa gayon ay darating ang araw na matatanto mo na dahil ito sa isang mayabang na disposisyon. Ang pag-amin mo na ito ay mayabang na disposisyon ay ang unang hakbang tungo sa kaalaman sa sarili. Mula roon, dapat mong hanapin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mayabang na disposisyon para maikumpara mo ang sarili mo sa mga ito, at pagnilayan at kilalanin ang sarili mo. Kung malaman mo na angkop na angkop ang pagkukumpara, at inamin mo na taglay mo ang mayabang na disposisyon na inilantad ng Diyos, at pagkatapos ay kilatisin at tuklasin mo kung saan nagmumula ang iyong mayabang na disposisyon, at kung bakit ito lumalabas, at kung aling mga lason, maling paniniwala, at kamalian ni Sanatas ang kumokontrol dito, kapag nakita mo na ang pinakabuod ng lahat ng tanong na ito, natagpuan mo na ang ugat ng iyong kayabangan. Ito ang tunay na kaalaman sa sarili. Kapag mayroon kang mas tumpak na pakahulugan sa kung paano mo inilalantad ang tiwaling disposisyong ito, mas mapapadali nito at magiging mas praktikal ang kaalaman mo sa iyong sarili. Ano ang susunod na dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, at unawain kung anong uri ng pagkukunwari at pananalita ng tao ang nagpapamalas ng normal na pagkatao. Kapag nakita mo na ang landas ng pagsasagawa, kailangan mong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at kapag nagbago na ang puso mo, tunay ka nang nakapagsisi. Hindi lamang magkakaroon ng prinsipyo sa iyong pananalita at kilos, maipamumuhay mo rin ang wangis ng tao at unti-unti mong maaalis ang iyong tiwaling disposisyon. Makikita ng iba na bagong tao ka na: hindi ka na ang luma at tiwaling tao na tulad ng dati, kundi isang taong muling isinilang sa mga salita ng Diyos. Ang gayong tao ay isang tao na ang disposisyon sa buhay ay nagbago na.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.