Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1 (Unang Bahagi)

Ang pagbabahaginan ngayong araw ay tungkol sa isang paksang pamilyar sa lahat. Malaki ang kaugnayan nito sa pananalig ng tao sa Diyos at sa kanyang paghahangad, at ito ay isang paksang nararanasan at naririnig ng mga tao araw-araw. Kung gayon, ano ito? Ang paksa ay ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Ano ang palagay mo sa paksang ito? Interesante ba ito para sa iyo? Napupukaw ba nito ang atensiyon mo? Gaano man nakapupukaw ang paksang ito, alam Ko na may kaugnayan ito sa bawat isa sa inyo; may kaugnayan ito sa kaligtasan ng mga tao, sa kanilang pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at sa pagbabago ng kanilang disposisyon, at sa kanilang kahihinatnan at kahahantungan sa hinaharap. Karamihan sa inyo ay handa na ngayong hangarin ang katotohanan at namulat na, ngunit hindi kayo gaanong sigurado sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan o kung paano dapat hangarin ang katotohanan. Kaya nga kailangan nating magbahaginan tungkol sa paksang ito ngayong araw. Ang paghahangad sa katotohanan ay isang paksang madalas makaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay; ito ay isang praktikal na problemang kinakaharap ng mga tao kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, habang gumaganap sila sa kanilang mga tungkulin, at iba pa. Kapag may nangyayari sa karamihan ng mga tao, gumagawa lamang sila ng sariling mga pagsisikap para basahin ang mga salita ng Diyos, at hindi nila hinahayaang maging negatibo ang kanilang mga iniisip, sa pag-asang sa pamamagitan niyon ay mapipigilan nila ang kanilang sarili na malugmok sa pagkanegatibo o sa mga maling pagkaunawa sa Diyos, at magawa nilang magpasakop sa Kanyang gawain. Ang mga taong mas mahusay ang kakayahan ay may kakayahang positibo at aktibong hangarin ang lahat ng aspeto ng katotohanan sa loob ng mga salita ng Diyos; hinahanap nila ang mga prinsipyo, mga hinihingi ng Diyos, at mga landas ng pagsasagawa. O nagagawa nilang suriin ang kanilang sarili, magbulay-bulay, at magtamo ng kaalaman sa pamamagitan ng mga bagay na nangyayari sa kanila, at sa gayon ay nauunawaan nila ang mga prinsipyo ng katotohanan at nakapapasok sa realidad ng katotohanan. Gayunpaman, nananatili itong isang malaking suliranin para sa karamihan ng mga tao, at hindi tiyak kung makakamtan nila ang mga bagay na ito. Karamihan ng mga tao ay hindi pa nakapapasok sa aspetong ito ng realidad. Kaya, hindi magiging madali para sa inyo na magkaroon ng isang praktikal, obhetibo, at tunay na pag-unawa sa ordinaryo, karaniwan, at partikular na paksang ito, kahit bigyan pa kayo ng panahon para pagbulayan iyon. Kaya, sa pagbabalik sa ating pangunahing paksa, magbahaginan tayo tungkol sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Hindi kayo bihasa sa pagbubulay-bulay, ngunit sana ay mahusay kayo sa pakikinig—hindi lamang gamit ang inyong mga tainga, kundi ang inyong puso. Sana ay taos mo itong uunawain at iintindihin, at isasapuso, bilang isang bagay na mahalaga, lahat ng kaya mong maintindihan, at lahat ng umaayon sa iyong kalagayan, sa iyong disposisyon, at sa bawat aspeto ng iyong sitwasyon. Pagkatapos niyon, sana ay sisimulan mong lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at sisikaping isapuso ang lahat ng prinsipyo ng pagsasagawa, upang kapag lumitaw ang nauugnay na mga isyu, mayroon ka ng landas na susundan, at magagawa mong tratuhin ang mga salita ng Diyos bilang isang landas ng pagsasagawa, at isakatuparan at sundin ang mga iyon bilang gayon. Iyon ang pinakamainam.

Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Maaaring ito ay isang konseptuwal na tanong, ngunit ito rin ang pinakapraktikal na tanong tungkol sa pananalig sa Diyos. Magagawa mang hangarin ng mga tao ang katotohanan o hindi ay direktang nakaugnay sa kanilang mga kagustuhan, kakayahan, at hinahangad. Ang paghahangad sa katotohanan ay sumasaklaw sa maraming praktikal na elemento. Dapat tayong magbahaginan tungkol sa mga ito nang paisa-isa, upang maunawaan ninyo ang katotohanan sa lalong madaling panahon, at malaman kung ano mismo ang kahulugan ng paghahangad nito at kung ano ang mga isyung nauugnay sa hangaring iyon. Sa gayong paraan, mauunawaan ninyo sa huli kung ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Una, talakayin natin ito: hinahangad ba ninyo ang katotohanan sa pakikinig sa sermong ito? (Hindi talaga.) Ang pakikinig sa mga sermon ay isa lamang paunang kailangan at paghahanda sa paghahangad sa katotohanan. Ano ang mga elementong sangkot sa paghahangad sa katotohanan? Maraming paksang tumatalakay sa paghahangad sa katotohanan, at natural na marami ring problemang umiiral sa mga tao na kailangan nating talakayin dito. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao, “Kung ang isang tao ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at nagbabahagi tungkol sa katotohanan araw-araw, kung nagagawa niya nang normal ang kanyang tungkulin, kung ginagawa niya ang anumang isinasaayos ng iglesia, at hindi kailanman nagsasanhi ng kaguluhan o pagkagambala—at bagama’t maaaring may mga pagkakataon na nalalabag niya ang mga prinsipyo ng katotohanan, hindi naman niya iyon ginagawa nang kusa o sinasadya—hindi ba’t ipinapakita nito na hinahangad niya ang katotohanan?” Magandang tanong ito. Maraming tao ang may ganitong ideya. Una sa lahat, dapat ninyong maunawaan kung magagawa ba ng isang tao na magtamo ng pagkaunawa sa katotohanan at makamit ang katotohanan sa pamamagitan ng palagiang pagsasagawa sa ganitong paraan. Ibahagi ninyo ang mga iniisip niyo. (Bagama’t tama ang pagsasagawa sa ganitong paraan, tila mas alinsunod ito sa ritwal na panrelihiyon—pagsunod ito sa mga tuntunin. Hindi ito hahantong sa pagkaunawa sa katotohanan o sa pagkakamit ng katotohanan.) Kaya, anong uri talaga ng mga pag-uugali ang mga ito? (Ang mga ito ay paimbabaw na mabubuting pag-uugali.) Gusto Ko ang sagot na iyan. Mabubuting pag-uugali lamang ang mga iyon na lumilitaw matapos manalig ang tao sa Diyos, sa pundasyon ng konsiyensiya at katwiran ng taong iyon, sa sandaling maimpluwensiyahan sila ng iba’t ibang mabubuti at positibong katuruan. Ngunit mabubuting pag-uugali lamang ang mga iyon, at malayo ang mga ito sa paghahangad sa katotohanan. Ano, kung gayon, ang ugat ng mabubuting pag-uugaling iyon? Ano ang sanhi ng mga iyon? Nagmumula ang mga iyon sa konsiyensiya at katwiran ng isang tao, sa kanyang moralidad, sa kanyang magagandang damdamin tungkol sa pananalig sa Diyos, at sa kanyang pagpipigil sa sarili. Dahil nga mabubuting pag-uugali ang mga iyon, walang kaugnayan ang mga iyon sa katotohanan, at hinding-hindi magkapareho ang mga iyon. Ang pagtataglay ng mabubuting pag-uugali ay hindi kapareho ng pagsasagawa ng katotohanan, at kung ang isang tao ay may maayos na pag-uugali, hindi ito nangangahulugan na may pagsang-ayon siya ng Diyos. Ang mabubuting pag-uugali at ang pagsasagawa ng katotohanan ay magkaiba—walang kinalaman ang mga ito sa isa’t isa. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hinihingi ng Diyos at ganap itong naaayon sa Kanyang kalooban; ang mabuting pag-uugali ay nagmumula sa kalooban ng tao at taglay nito ang mga intensiyon at motibo ng isang tao—ito ay isang bagay na itinuturing ng tao na mabuti. Bagama’t ang mabubuting pag-uugali ay hindi masasamang gawa, sumasalungat ito sa mga prinsipyo ng katotohanan at walang kinalaman sa katotohanan. Gaano man kabuti ang mga pag-uugaling ito, o gaano man naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang mga ito, walang kaugnayan sa katotohanan ang mga ito. Kaya kahit gaano pa karami ang mabubuting pag-uugali ay hindi nito matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Dahil pinapakahulugan ang mabuting pag-uugali sa ganitong paraan, malinaw na walang kaugnayan ang mabubuting pag-uugali sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung ang mga tao ay ibubukod-bukod sa mga uri ayon sa kanilang pag-uugali, magiging mga kilos ng matatapat na tagapagsilbi lamang ang mabubuting pag-uugali na ito. Walang anumang kaugnayan ang mga ito sa pagsasagawa ng katotohanan o sa tunay na pagpapasakop sa Diyos. Isang uri lamang ng pag-uugali ang mga ito, at ganap na walang kaugnayan sa pagbabago ng disposisyon ng mga tao, sa kanilang pagpapasakop at pagtanggap sa katotohanan, sa takot sa Diyos at pagwawaksi sa kasamaan, o sa anumang iba pang praktikal na mga elemento na tunay na kinasasangkutan ng katotohanan. Kaya, bakit tinatawag na magagandang pag-uugali ang mga ito, kung gayon? Narito ang isang paliwanag, at natural na isa rin itong paliwanag tungkol sa diwa ng tanong na ito. Ang mga pag-uugaling ito ay nagmumula lamang sa mga haka-haka ng mga tao, sa kanilang mga kagustuhan, sa kanilang pagkukusa, at sa kanilang mga sariling motibo. Ang mga iyon ay hindi pagpapamalas ng pagsisisi na kasama ng tunay na pagkakilala sa sarili sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan at sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, ang mga ito ay hindi rin mga pag-uugali o kilos ng pagsasagawa ng katotohanan na lumilitaw kapag sinusubukan ng mga taong magpasakop sa Diyos. Nauunawaan ba ninyo ito? Ibig sabihin, ang mabubuting pag-uugaling ito ay hindi kinasasangkutan ng anumang pagbabago sa disposisyon ng isang tao, o kung ano ang bunga ng pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, o ang tunay na pagsisisi na nagmumula sa pagkakilala sa sariling tiwaling disposisyon ng isang tao. Tiyak na hindi ito nauugnay sa tunay na pagpapasakop ng tao sa Diyos at sa katotohanan; lalong hindi nauugnay ang mga ito sa pagkakaroon ng isang pusong may paggalang at pagmamahal sa Diyos. Ang mabubuting pag-uugali ay wala talagang kinalaman sa mga bagay na ito; isang bagay lamang ang mga ito na nagmumula sa tao at isang bagay na itinuturing ng tao na mabuti. Subalit maraming tao na nakikita ang mabubuting pag-uugaling ito bilang tanda na ang isang tao ay nagsasagawa ng katotohanan. Malaking pagkakamali ito, walang katotohanan at maling pananaw at pagkaunawa. Ang mabubuting pag-uugaling ito ay pagtatanghal lamang ng seremonyang panrelihiyon, isang paraan para iraos lang ang mga bagay-bagay. Walang anumang kaugnayan ang mga ito sa pagsasagawa ng katotohanan. Maaaring hindi tahasang kinokondena ng Diyos ang mga ito, ngunit hinding-hindi Niya sinasang-ayunan ang mga ito; tiyak iyon. Dapat ninyong malaman na ang panlabas na mga pagkilos na ito na naaayon sa mga haka-haka ng tao at ang magagandang pag-uugaling ito ay hindi ang pagsasagawa ng katotohanan, ni hindi pagpapakita ang mga ito ng paghahangad sa katotohanan. Ngayong narinig na ninyo ang pagbabahaging ito, mayroon lamang kayong kaunting konseptuwal na kaalaman tungkol sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, isang pangunang pag-unawa sa simpleng konsepto ng paghahangad sa katotohanan. Kung nais ninyong tunay na maunawaan ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, mas marami pa tayong kailangang pagbahaginan.

Para hangarin ang katotohanan, kailangan itong maunawaan ng isang tao; sa pag-unawa lamang sa katotohanan ito maisasagawa ng isang tao. May kaugnayan ba ang magagandang pag-uugali ng mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan? Nagmumula ba ang magagandang pag-uugali sa paghahangad sa katotohanan? Anong mga pagpapamalas at pagkilos ang nabibilang sa pagsasagawa ng katotohanan? Anong mga pagpapamalas ang taglay ng mga taong naghahangad sa katotohanan? Kailangan mong maunawaan ang mga tanong na ito. Upang makapagbahagi tungkol sa paghahangad ng katotohanan, kailangan muna nating pag-usapan ang mga suliranin at maling pananaw ng mga tao tungkol doon. Mahalagang lutasin muna ang mga ito. May ilang tao na dalisay ang pang-unawa, na medyo may malinaw na pananaw tungkol sa kung ano ang katotohanan. Mayroon silang landas na tinatahak sa paghahangad sa katotohanan. May iba pa na hindi nauunawaan kung ano ang katotohanan, at bagama’t interesado sila rito, hindi nila alam kung paano ito isasagawa. Naniniwala sila na ang paggawa ng mabubuting bagay at pagkilos nang maayos ay kapareho ng pagsasagawa ng katotohanan—na ang pagsasagawa ng katotohanan ay paggawa ng mabubuting bagay. Kapag nabasa nila ang maraming salita ng Diyos, saka lamang nila natatanto na ang paggawa ng mabubuting bagay at pagkilos nang maayos ay ganap na naiiba sa pagsasagawa ng katotohanan. Nakikita mo kung gaano kakatwa ang mga haka-haka at imahinasyon ng mga tao—yaong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay hindi nakikita nang malinaw ang anumang bagay! Maraming taong gumanap na ng kanilang tungkulin sa loob ng maraming taon, na nagpapakaabala sila araw-araw, at hindi lamang iilan ang pinagdaanan nilang hirap, kaya ipinagpapalagay nila ang kanilang sarili na mga taong nagsasagawa ng katotohanan, at nagtataglay ng realidad ng katotohanan. Gayunpaman, hindi sila makapagbigay ng anumang patotoo tungkol sa kanilang karanasan. Ano ang problema rito? Kung nauunawaan nila ang katotohanan, bakit hindi nila maikuwento ang kanilang mga aktuwal na karanasan? Hindi ba’t isa itong kontradiksyon? Sinasabi ng ilang tao, “Noong ginagampanan ko ang aking tungkulin dati, hindi ko hinangad ang katotohanan, at hindi ko lubusang binasa bilang panalangin ang mga salita ng Diyos. Nagsayang ako ng maraming panahon. Abalang-abala ako sa aking gawain, inakala kong ang pananatiling abala sa aking tungkulin ay kapareho ng pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa gawain ng Diyos—ngunit sinasayang ko lang ang aking oras.” Ano ang ipinahihiwatig dito? Na ipinagpapaliban nila ang paghahangad sa katotohanan dahil abalang-abala sila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Gayon ba talaga ang sitwasyon? Naniniwala ang ilang kakatwang tao na basta’t nananatili silang abala sa kanilang tungkulin, wala nang pagkakataong malantad ang kanilang tiwaling disposisyon, na hindi na sila maglalantad ng tiwaling disposisyon o mamumuhay sa tiwaling kalagayan, at samakatwid, hindi na nila kailangang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos para lutasin ang kanilang tiwaling disposisyon. Tama ba ang ideyang ito? Talaga bang hindi naglalantad ng mga tiwaling disposisyon ang mga tao kapag abala sila sa kanilang mga tungkulin? Walang lohika ang ideyang ito—malinaw na kasinungalingan ito. Sinasabi nila na wala silang oras para hangarin ang katotohanan dahil abala sila sa kanilang tungkulin. Pawang kabalintunaan ito; ginagawa nilang katwiran ang pagiging abala. Nagbahaginan na tayo nang maraming beses tungkol sa mga katotohanan sa pagpasok sa buhay at pagganap ng tungkulin: Lalago lamang ang mga tao sa buhay sa paghahanap sa katotohanan para malutas ang mga problema habang gumaganap ng tungkulin. Samakatwid, kung ang tanging ginagawa ng isang tao habang nagsasagawa ng kanyang tungkulin ay ang magpakaabala sa mga gawain, kung hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema, hindi nila mauunawaan ang katotohanan kailanman. Ang ilang taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay kuntento na sa pagsisilbi, at umaasa na maipagpapalit nila iyon sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Sa huli ay nagdadahilan sila na abalang-abala sila sa pagganap ng kanilang tungkulin kaya wala silang oras para hangarin ang katotohanan; sinasabi pa nila na abalang-abala sila sa pagganap ng kanilang tungkulin na hindi sila nakapaglalantad ng tiwaling disposisyon. Nagpapahiwatig ito na dahil abala sila sa kanilang tungkulin, nawala na ang kanilang tiwaling disposisyon, na naglaho na iyon. Kasinungalingan ito, hindi ba? Umaayon ba sa mga katotohanan ang sinasabi nila? Hinding-hindi—maaari itong matawag na pinakamalaking kasinungalingan sa lahat. Paanong hindi malalantad ang tiwaling disposisyon nang dahil sa abala ang isang tao sa kanyang tungkulin? May mga tao bang ganoon? May ganoon bang mga patotoo ng karanasan? Tiyak na wala. Lubha nang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao; lahat sila ay may satanikong kalikasan, at nabubuhay silang lahat sa mga satanikong disposisyon. Mayroon bang anumang positibo sa kalooban ng tao, anumang bagay maliban sa katiwalian? Mayroon bang isinilang na walang tiwaling disposisyon? Mayroon bang isinilang na kaya nang gumanap ng tungkulin nang may katapatan? Mayroon bang isinilang na kaya nang magpasakop sa Diyos at mahalin Siya? Walang-wala. Dahil lahat ng tao ay may satanikong kalikasan at puno ng mga tiwaling disposisyon, kung hindi nila maunawaan at maisagawa ang katotohanan, maaari lamang silang mamuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, kakatwa at maling sabihin na ang isang tao ay hindi maglalantad ng tiwaling disposisyon kung mananatili siyang abala sa kanyang tungkulin. Malinaw na kasinungalingan ito para linlangin ang mga tao. Abala man sila sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin o hindi, may oras man silang magbasa ng mga salita ng Diyos o wala, ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay makahahanap ng mga dahilan para hindi hangarin ito. Malinaw na ang mga taong ito ay mga tagapagsilbi. Kung ang isang tagapagsilbi ay hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at hindi tinatanggap ang katotohanan, magagawa ba nilang magsilbi nang maayos? Tiyak na hindi. Lahat ng hindi tumatanggap sa katotohanan ay walang konsiyensiya at katwiran, sila ay mga taong mamumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon at gagawa ng napakaraming kasamaan. Tiyak na hindi sila matatapat na tagapagsilbi, at kahit nagsisilbi man sila, walang anumang kahanga-hanga tungkol sa kanila. Makatitiyak kayo rito.

Ang ilang tao ay masyadong maraming responsabilidad sa kanilang pamilya at madalas silang mabalisa. Kapag nakakakita sila ng nakababatang mga kapatid na tinalikuran na ang kanilang pamilya at propesyon para sumunod sa Diyos at gumanap sa kanilang tungkulin, naiinggit sila sa mga ito at sinasabi nilang, “Naging mabait ang Diyos sa mga kabataang ito. Nagsimula silang manalig sa Kanya sa murang edad, bago sila nag-asawa at nagkaanak; wala silang mga responsabilidad sa pamilya at hindi nila kailangang mag-alala kung paano sila makararaos. Wala silang mga alalahanin na humahadlang sa kanila sa pagsunod sa Diyos at sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sakto lang ang dating nila para sa gawain ng Diyos at sa Kanyang pagpapalawak ng ebanghelyo sa mga huling araw—binigyan sila ng Diyos ng gayon kagagandang kalagayan. Maaari nilang gugulin ang kanilang sarili, ang kanilang katawan at kaluluwa, sa pagganap ng kanilang tungkulin. Maaari nilang hangarin ang katotohanan, ngunit hindi gayon ang kalagayan ko. Hindi nagsaayos ng angkop na sitwasyon ang Diyos para sa akin—napakarami kong responsabilidad sa aking pamilya, at kailangan kong kumita ng pera para suportahan sila. Iyon ang tunay kong mga problema. Kaya nga wala akong oras para hangarin ang katotohanan. Ang paghahangad sa katotohanan ay para sa mga tao na gumaganap ng kanilang tungkulin nang buong panahon at wala ng mga responsabilidad na ito. Marami akong pinapasan na responsabilidad sa aking pamilya, at ang puso ko ay puno ng mga di-gaanong mahalagang bagay para makaraos, kaya wala akong panahon o lakas para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o gumanap ng aking tungkulin. Anumang aspeto ng aking sitwasyon ang iyong tingnan, walang paraan para hangarin ko ang katotohanan. Hindi mo ako masisisi roon. Talagang hindi ko tadhanang hangarin ang katotohanan, at hindi ako tinutulutan ng aking sitwasyon na gumanap ng isang tungkulin. Ang tanging magagawa ko ay maghintay na humupa ang mga responsabilidad ko sa aking pamilya, na matutong mamuhay nang mag-isa ang aking mga anak, at na magretiro ako at maging malaya sa aking mga materyal na alalahanin—tapos ay mahahangad ko na ang katotohanan.” Ang ganitong mga tao ay dumaranas ng hirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at maaari nilang madama paminsan-minsan na nagpapamalas ang kanilang tiwaling disposisyon sa mga di-gaanong mahalagang usapin sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Nahahalata nila ang mga bagay na ito, ngunit dahil nahuhuli sila sa mga bitag ng sekular na mundo, naniniwala silang nasa maayos silang kalagayan sa pamamagitan ng pamumuhay, pananalig sa Diyos, pakikinig sa mga sermon, at na nakararaos sila nang maginhawa sa ganitong paraan. Naniniwala sila na makapaghihintay ang paghahangad sa katotohanan, at na hindi pa magiging huli ang lahat pagkaraan ng ilang taon para lutasin ang anumang tiwaling disposisyong mayroon sila. Ganyan nila ipinagpapaliban ang dakilang bagay na paghahangad sa katotohanan, at paulit-ulit nila itong ipinagpapaliban. Ano ang palagi nilang sinasabi? “Hindi pa huli ang lahat para hangarin ang katotohanan. Magpapalipas muna ako ng ilang taon. Hangga’t hindi pa natatapos ang gawain ng Diyos, may panahon pa ako—may pagkakataon pa ako.” Ano ang palagay niyo sa pananaw na ito? (Mali ito.) Inako na ba nila ang pasanin ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Anong pasanin na ang inako nila, kung gayon? Hindi ba’t ito ang pasanin na makaraos, na tustusan ang kanilang pamilya, na palakihin ang kanilang mga anak? Inilalaan nila ang buong lakas nila sa kanilang mga anak, sa kanilang mga pamilya, sa sarili nilang mga araw at buhay, at pagkatapos maasikaso ang mga bagay na ito ay saka lamang sila magpaplanong magsimula na hangarin ang katotohanan. Kaya, wasto ba ang mga dahilan nilang ito? Hindi ba’t mga balakid ang mga ito sa paghahangad nila sa katotohanan? (Tama.) Habang naniniwala ang mga taong ito sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, nagrereklamo rin sila sa kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa kanila. Binabalewala nila ang mga hinihingi ng Diyos at hindi talaga sila aktibong nakikipagtulungan sa mga ito. Sa halip, nais lamang nilang bigyang-kasiyahan ang kanilang laman, kanilang pamilya, at mga kamag-anak. Ano ang idinadahilan nila sa hindi paghahangad ng katotohanan? “Masyado na kaming abala at pagod sa pagsisikap pa lamang na mabuhay. Wala na kaming oras para hangarin ang katotohanan; wala kami ng tamang kapaligiran para hangarin ang katotohanan.” Ano ang kanilang pananaw? (Hindi pa huli ang lahat para hangarin ang katotohanan.) “Hindi pa huli ang lahat para hangarin ang katotohanan. Gagawin ko ito pagkaraan ng ilang taon.” Hindi ba’t kalokohan ito? (Oo.) Kalokohan ito—niloloko nila ang sarili nila sa kanilang mga pagdadahilan. Hihintayin ka ba ng gawain ng Diyos? (Hindi.) “Gagawin ko ito pagkaraan ng ilang taon”—ano ang ibig sabihin ng “ilang taon” na iyon? Ang ibig sabihin niyon ay mas maliit ang pag-asa mong maligtas at mas kakaunti ang mga taon mo para maranasan ang gawain ng Diyos. Lilipas nang ganito ang ilang taon, pagkatapos ay ilan pang taon, at bago mo pa mamalayan, lumipas na ang sampung taon, at hindi mo pa talaga nauunawaan ang katotohanan o napapasok ang realidad nito, at hindi pa nalulutas ni isang hibla ng iyong tiwaling disposisyon. Sa pagsasalita lamang ng isang matapat na salita ay nahihirapan ka na. Hindi ba ito mapanganib? Hindi ba ito kaawa-awa? (Oo.) Kapag nagdadahilan at nangangatwiran ang mga tao nang ganito para pangatwiranan ang hindi paghahangad ng katotohanan, sino ba ang ipinapahamak nila, sa huli? (Sarili nila.) Tama—sa huli, sarili nila ang ipinapahamak nila. At kapag naghihingalo na sila, kamumuhian nila ang kanilang sarili dahil hindi nila natamo ang katotohanan sa lahat ng taon ng pananalig nila sa Diyos, at magsisisi sila habambuhay!

Medyo mataas ang pinag-aralan ng ilang tao, ngunit mahina ang kanilang kakayahan at hindi nila nauunawaan ang espirituwal na mga bagay. Gaano man karaming sermon ang pakinggan nila, hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Lagi silang may sariling mga ambisyon at pagnanasa, at lagi silang nakikipaglaban para sa katayuan. Kung wala silang katayuan, hindi nila hahangarin ang katotohanan. Sinasabi nila, “Hindi kailanman nagsasaayos ang sambahayan ng Diyos na gumanap ako ng isang tungkulin na nagpapakita ng aking kahalagahan, gaya ng tekstuwal na gawain, gawain sa AV, pagiging isang lider ng iglesia, o pagiging superbisor ng isang grupo. Hindi nila ako binibigyan ng gayong mahahalagang gawain. Hindi ako itinataas ng ranggo o nililinang ng sambahayan ng Diyos, at tuwing nagdaraos ng halalan ang iglesia, walang bumoboto sa akin, at walang may gusto sa akin. Talaga bang wala akong kanais-nais na mga katangian? Isa akong intelektuwal, may mataas na pinag-aralan, ngunit hindi ako kailanman itinataas ng ranggo o nililinang ng sambahayan ng Diyos, kaya wala akong motibasyon na hangarin ang katotohanan. Lahat ng kapatid na halos kasabayan ko nang nagsimula akong manalig sa Diyos ay gumaganap ng mahahalagang tungkulin, at naglilingkod bilang mga lider at manggagawa—bakit naiwan akong walang ginagawa? Nagiging tagasuporta lamang ang tungkulin ko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo paminsan-minsan, at hindi rin nila ako hinahayaang magpatotoo. Tuwing itinataas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos ang mga tao sa mahahalagang tungkulin, walang para sa akin; ni hindi ako pinapayagang mamuno sa mga pagtitipon, at hindi nila ako binibigyan ng anumang responsabilidad. Pakiramdam ko ay labis akong naaagrabyado. Ito ang kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa akin. Bakit hindi ko maramdaman ang kahalagahan ng buhay ko? Bakit mahal ng Diyos ang iba pero hindi ako? Bakit Niya nililinang ang iba pero hindi ako? Dapat akong bigyan ng sambahayan ng Diyos ng dagdag na pasanin, at gawin akong superbisor o kung ano man. Sa gayon, magkakaroon ako ng kaunting motibasyon para hangarin ang katotohanan. Paano ko hahangarin ang katotohanan kung wala akong motibasyon? Laging kailangan ng mga tao ng kaunting motibasyon para hangarin ang katotohanan; kailangan nating makita ang mga pakinabang ng paghahangad nito. Alam ko na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao na kailangang baguhin, at alam ko na ang paghahangad ng katotohanan ay isang mabuting bagay, na tinutulutan tayo nitong mailigtas at maperpekto—ngunit hindi ako ginagamit kailanman para sa anumang mahalaga, at wala akong nadaramang insentibo para hangarin ang katotohanan! Sisimulan kong hangarin ang katotohanan kapag iginalang at sinuportahan na ako ng mga kapatid—kapag nagkagayon na ay hindi pa magiging huli ang lahat.” Hindi ba’t may ganitong klase ng mga tao? (Mayroon.) Ano ang problema sa kanila? Ang problema ay nais nila ng katayuan at katungkulan. Malinaw na hindi sila mga nagmamahal sa katotohanan, gayunpaman ay ginugusto nila ang katayuan at ang mapabilang sa mga nagdedesisyon sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t kawalanghiyaan ito? Ayos na sa iyo ang maging tagapagsilbi; kakailanganin pang makita kung tataas ka man sa pagiging isang tapat na tagapagsilbi. Bakit hindi iyan malinaw sa iyo? Sa palagay mo ba kung may katayuan at katungkulan ka, maliligtas ka? Na magiging isa kang tao na naghahangad ng katotohanan? Tama ba ang mga damdamin mong ito? (Hindi.) Nais ng mga taong ito na mamukod-tangi, na ipadama ang kanilang presensiya, at kapag hindi natugunan ang kanilang mga pagnanasa, nagrereklamo sila na hindi makatarungan ang Diyos, na mayroon Siyang kinikilingan sa pagtrato Niya sa mga tao, na hindi sila itinataas ng ranggo ng Kanyang sambahayan, na hindi sila inihahalal ng mga kapatid—tiyak naman na hindi ang mga bagay na ito ang pundasyong kailangan upang hangarin ng isang tao ang katotohanan? Sinasabi ba kahit saan sa mga salita ng Diyos na ang naghahangad ng katotohanan ay kailangang tanggapin ng lahat at igalang ng kanilang mga kapatid? O na kailangang magawa nilang umako ng mahalagang tungkulin at gumawa ng mahalagang gawain, at makagawa rin ng malaking kontribusyon sa sambahayan ng Diyos? Sinasabi ba ng mga salita ng Diyos na ang gayong mga tao lamang ang maaaring maghangad ng katotohanan, na sila lamang ang angkop na maghangad ng katotohanan? Sinasabi ba ng Kanyang mga salita na ang mga taong iyon lamang ang pasok sa mga pamantayan ng paghahangad sa katotohanan, na sila lamang ang makapapasok sa realidad ng katotohanan, o na sa huli, sila lamang ang maliligtas? Nakasulat ba ito sa kahit saan sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Malinaw na ang mga pahayag ng ganitong uri ng tao ay hindi tama. Kaya, bakit nila sinasabi ang mga bagay na ito? Hindi ba sila nagdadahilan sa hindi paghahangad ng katotohanan? (Oo.) Mahilig sila sa katayuan at kabantugan. Ang mahalaga lamang sa kanila ay ang maghabol ng magandang reputasyon at personal na pakinabang at maghangad ng katayuan sa kanilang pananalig sa Diyos. Pakiramdam nila ay kahiya-hiyang sabihin ito nang malakas, kaya nakakaisip sila ng napakaraming katwiran, ipinagtatanggol nila ang kanilang sarili sa hindi paghahangad ng katotohanan at ipinapasa ang sisi sa iglesia, sa mga kapatid, at sa Diyos. Hindi ba’t masama ito? Hindi ba’t masasamang tao sila na naninisi ng mga inosenteng tao? (Gayon nga sila.) Gumagawa sila ng gulo nang wala sa katwiran at nililigalig ang iba sa mga kahilingan nilang hindi lohikal; ganap silang walang konsiyensiya o katwiran! Masama na nga ang hindi maghangad ng katotohanan, ngunit sinusubukan pa nilang makipagtalo at magpahirap—hindi talaga makatwiran iyan, hindi ba? Boluntaryo ang paghahangad sa katotohanan. Kung minamahal mo ang katotohanan, gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Kapag minamahal mo ang katotohanan; kapag nagdarasal at umaasa ka sa Diyos, at nagninilay-nilay sa iyong sarili at nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili anuman ang pang-uusig o pagdurusa ang sumapit sa iyo; kapag aktibo mong hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema na natutuklasan mo sa iyong sarili, maayos kang makagaganap sa iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, makakapanindigan ka nang matatag sa iyong patotoo. Kapag mahal ng mga tao ang katotohanan, ang lahat ng mga pagpapamalas na ito ay magiging natural sa kanila. Gumagawa sila nang boluntaryo, nang nagagalak, at walang pamimilit, nang walang nakalakip na dagdag na mga kondisyon. Kung makasusunod sa Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, makakamit nila sa huli ang katotohanan at ang buhay, makapapasok sila sa realidad ng katotohanan, at maipamumuhay nila ang wangis ng tao. Kailangan mo ba ng anumang karagdagang mga kondisyon para hangarin ang katotohanan? Hindi. Ang pananalig sa Diyos ay boluntaryo, isang bagay ito na pinipili ng isang tao para sa kanyang sarili, at ang paghahangad sa katotohanan ay inorden ng Langit at kinilala ng lupa; sinang-ayunan ito ng Diyos. Yaong mga hindi naghahangad ng katotohanan ay ayaw talikuran ang mga kasiyahan ng laman at nais pa rin nilang matamo ang mga pagpapala ng Diyos, ngunit kapag nahaharap sila sa ilang pagdurusa at pang-uusig, o sa kaunting pangungutya at paninirang-puri, nagiging negatibo sila at mahina, at ayaw na nilang manalig sa Diyos o sundan Siya. Maaari pa nga nilang sisihin at tanggihan Siya. Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Nais nilang mapagpala subalit naghahangad pa rin sila ng mga kasiyahan ng laman, at kapag naharap sa anumang mga paghihirap at pag-uusig, sinisisi nila ang Diyos. Ganyan katindi ang pagiging hindi makatwiran ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Mahihirapan silang sundan ang Diyos hanggang wakas; sa sandaling maharap sila sa ilang paghihirap o pang-uusig, malalantad sila at mapalalayas. Napakaraming tao ang ganito. Anuman ang iyong mga dahilan sa pananalig sa Diyos, sa huli ay pagpapasyahan ng Diyos ang iyong kalalabasan batay sa kung nakamit mo ba ang katotohanan. Kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, wala sa mga dahilan o palusot na sasabihin mo ang magiging makatwiran. Subukan mong mangatwiran hangga’t gusto mo; magpakabalisa ka kung gusto mo—may pakialam ba ang Diyos? Kakausapin ka ba ng Diyos? Makikipagdebate at makikipagtalakayan ba Siya sa iyo? Kokonsultahin ka ba Niya? Ano ang sagot? Hindi. Talagang hindi Niya gagawin iyon. Gaano ka man mangatwiran, hindi ito magiging katanggap-tanggap. Hindi ka dapat magkamali ng pag-unawa sa mga intensiyon ng Diyos, at isipin na kung makapagbibigay ka ng kung anu-anong dahilan at palusot ay hindi mo na kakailanganing hangarin ang katotohanan. Nais ng Diyos na mahanap mo ang katotohanan sa lahat ng kapaligiran at sa bawat bagay na sumasapit sa iyo, at sa wakas ay makapasok ka sa realidad ng katotohanan at makapagkamit ng katotohanan. Anuman ang sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa iyo, sinumang tao at anumang pangyayari ang nakakaharap mo, at anumang sitwasyong kinalalagyan mo, dapat kang magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan para makaya mong harapin ang mga ito. Ang mga ito mismo ang mga aral na dapat mong matutuhan sa paghahangad ng katotohanan. Kung lagi kang naghahanap ng mga palusot para makatakas, makaiwas, makatanggi, o labanan ang mga sirkumstansiyang ito, pababayaan ka ng Diyos. Wala nang dahilan pa para mangatwiran, o maging mailap o mahirap pakisamahan—kung wala nang pakialam ang Diyos sa iyo, mawawalan ka ng pagkakataong maligtas. Para sa Diyos, walang problemang hindi malulutas; gumawa na Siya ng mga pagsasaayos para sa bawat isang tao, at may paraan ng pagharap sa kanila. Hindi tatalakayin sa iyo ng Diyos kung ang mga dahilan at palusot mo ba ay makatwiran. Hindi makikinig ang Diyos kung rasyonal ba ang mga argumentong ginagamit mo para ipagtanggol ang sarili mo. Tatanungin ka lamang Niya, “Katotohanan ba ang mga salita ng Diyos? Mayroon ka bang tiwaling disposisyon? Dapat mo bang hangarin ang katotohanan?” Kailangan maging malinaw lamang sa iyo ang isang katunayan: Ang Diyos ang katotohanan, isa kang tiwaling tao, kaya nga dapat magkusa kang hanapin ang katotohanan. Walang problema o paghihirap, walang dahilan o palusot, ang katanggap-tanggap—kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, ikaw ay masasawi. Anumang halaga ang ibayad ng tao para hangarin ang katotohanan at pumasok sa realidad nito ay kapaki-pakinabang. Dapat bitiwan ng mga tao ang lahat ng kanilang pagdadahilan, ang kanilang mga pangangatwiran, at ang kanilang mga problema sa pagtanggap sa katotohanan at pagtatamo ng buhay, dahil ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ang buhay na dapat nilang kamtin, at isang buhay ito na hindi maipagpapalit sa anuman. Kung makalagpas sa iyo ang oportunidad na ito, hindi mo lamang ito pagsisisihan habambuhay—hindi lamang ito usapin ng pagsisisi—mawawasak mo nang tuluyan ang iyong sarili. Wala nang magiging kahihinatnan o kahahantungan para sa iyo, at ikaw, na isang nilalang, ay darating na sa katapusan. Hindi ka na muling magkakaroon ng pagkakataon kailanman na maligtas. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Huwag kang magdahilan o mangatwiran sa hindi paghahangad ng katotohanan. Walang saysay ang mga ito; niloloko mo lamang ang sarili mo.

Ang ilang lider ay hindi gumagawa kailanman nang ayon sa mga prinsipyo, mga batas sila sa kanilang sarili, pabasta-basta sila at pabigla-bigla. Maaaring tukuyin ito ng mga kapatid, at sasabihin nilang, “Bihira kang kumonsulta bago ka kumilos. Hindi namin nalalaman ang iyong mga husga at desisyon hanggang sa magawa mo na ang mga iyon. Bakit hindi mo kinokonsulta ang mga ito sa iba? Bakit hindi mo sinasabi sa amin nang maaga kapag gumagawa ka ng desisyon? Kahit pa tama ang ginagawa mo at mas may kakayahan ka kaysa sa amin, dapat mo pa ring ipaalam muna iyon sa amin. Kahit papaano man lang, may karapatan kaming malaman kung ano ang nangyayari. Sa palagiang pagkilos na tila ikaw ang batas—tumatahak ka sa landas ng isang anticristo!” At ano ang maririnig mong isasagot ng lider doon? “Sa bahay ko, ako ang amo. Sa lahat ng bagay, malaki man o maliit, ako ang nagdedesisyon. Ganoon ang nakasanayan ko. Kapag may isyu ang sinuman sa mga kamag-anak ko, nilalapitan nila ako at ako ang pinagdedesisyon nila kung ano ang gagawin. Alam nilang lahat na magaling ako sa paglutas ng mga problema. Kaya nga ako ang namamahala sa mga usapin sa pamilya ko. Nang sumapi ako sa iglesia, inakala kong hindi ko na kailangang alalahanin pa ang mga bagay-bagay, ngunit nahirang akong lider. Hindi ko ito mapipigilan—ipinanganak ako na ganito ang kapalaran. Ibinigay sa akin ng Diyos ang kasanayang ito. Ipinanganak ako para magdesisyon at manguna sa mga pagpapasya para sa ibang tao.” Ang ipinahihiwatig dito ay na itinadhana siyang maging opisyal, at na ang ibang tao ay ipinanganak bilang mga alipin at munting kawal. Iniisip niya na siya dapat ang magpasya, at na dapat makinig sa kanya ang ibang tao. Kahit kapag nakikita ng mga kapatid ang problema sa lider na ito at tinutukoy ito sa kanya, hindi niya tatanggapin iyon, hindi rin niya tatanggapin ang maiwasto at mapungusan. Lalaban at tututol siya hanggang sa ipagsigawan ng mga kapatid na tanggalin na siya. Sa buong panahong ito, iisipin ng lider, “Sa kakayahang katulad ng sa akin, itinadhana akong mamahala saanman ako magpunta. Sa mga kakayahang katulad ng sa inyo, palagi kayong magiging mga alipin at utusan. Itinadhana kayong utus-utusan ng ibang tao.” Anong klaseng disposisyon ang inilalantad niya sa madalas na pagsasabi ng gayong mga bagay? Malinaw na ito ay isang tiwaling disposisyon, ito ay kayabangan, labis na pagtingin sa sarili, at sukdulang egotismo, subalit walang kahihiyan niyang ipinagyayabang at ipinangangalandakan ito na animo ay isa itong kalakasan at kapaki-pakinabang na katangian. Kapag naglalantad ng tiwaling disposisyon ang isang tao, dapat niyang pagnilayan ang kanyang sarili, alamin ang kanyang tiwaling disposisyon, dapat siyang magsisi, at talikdan niya ito, dapat niyang hangarin ang katotohanan hanggang sa makakilos siya ayon sa mga prinsipyo. Subalit, hindi gayon nagsasagawa ang lider na ito. Sa halip, hindi siya nagpapawasto, iginigiit niya ang sarili niyang mga pananaw at pamamaraan. Mula sa mga pag-uugaling ito, makikita mo na hindi niya talaga tinatanggap ang katotohanan at na hinding-hindi siya isang tao na naghahangad nito. Hindi siya nakikinig sa sinumang naglalantad at nagwawasto sa kanya, at sa halip ay punong-puno siya ng mga pangangatwiran para sa sarili: “Hmph—ganito lang talaga ako! Ang tawag dito ay galing at talento—mayroon ba nito ang sinuman sa inyo? Itinadhana akong mamahala. Saanman ako magpunta, isa akong lider. Sanay ako na ako ang nagpapasya at nagdedesisyon sa lahat ng bagay nang hindi kinokonsulta ang ibang tao. Ganoon lang talaga ako, ito ang personal na karisma ko.” Hindi ba’t sadyang kawalanghiyaan ito? Hindi niya inaamin na mayroon siyang tiwaling disposisyon, at malinaw na hindi niya kinikilala ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao. Bagkus, itinuturing niyang katotohanan ang kanyang mga maling pananampalataya at maling paniniwala, at sinisikap niyang hikayatin ang iba na tanggapin at hangaan ang mga ito. Sa kaibuturan niya, naniniwala siya na dapat siya ang mamuno sa sambahayan ng Diyos, hindi ang katotohanan, na siya ang dapat masunod doon. Hindi ba’t lubos na kawalanghiyaan ito? Sinasabi niyang gusto niyang hangarin ang katotohanan, ngunit ganap na kabaligtaran niyon ang pag-uugali niya. Sinasabi niyang sinusunod niya ang Diyos at ang katotohanan, ngunit gusto niyang gumamit palagi ng kapangyarihan, na siya ang may huling pasya, at magpasakop at sumunod sa kanya ang lahat ng kapatid. Hindi niya papayagan ang iba na pangasiwaan o payuhan siya, angkop o alinsunod man o hindi sa mga prinsipyo ang kanyang ginagawa. Sa halip, naniniwala siya na kailangang makinig at sumunod sa kanyang mga salita at desisyon ang lahat. Hindi man lang siya nagninilay-nilay sa kanyang mga ikinikilos. Paano man siya payuhan at tulungan ng mga kapatid, at paano man siya pinupungusan at iwinawasto ng sambahayan ng Diyos, o kahit tanggalin pa siya nang ilang beses, hindi siya nagninilay-nilay sa kanyang mga problema. Sa bawat pagkakataon, pinanghahawakan niya ang linya niyang: “Sa bahay ko, ako ang amo. Ako ang gumagawa ng lahat ng desisyon. Sa lahat ng bagay, ako lamang ang may huling pasya. Diyan ako sanay, at hindi na iyon magbabago.” Hindi talaga siya makatwiran at hindi na matutubos! Pinalalaganap niya ang mga negatibong gawi na ito na parang mga positibong bagay ang mga ito, habang napakataas ng pagtingin niya sa kanyang sarili. Napakawalanghiya niya! Hindi talaga tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan at hindi na sila magpapawasto—kaya makatitiyak ka na hindi nila mahal o hinahangad ito. Sa puso nila, sawa na sila sa katotohanan at galit sila rito. Lahat ng sakripisyo at hirap na pinagdaraanan nila para mabigyang-kasiyahan ang kanilang mga pagnanasa at magtamo sila ng katayuan ay walang saysay. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang anuman dito, kinasusuklaman Niya ito. Pagpapamalas ito ng kanilang pagsalungat sa katotohanan at paglaban sa Diyos. Lubos na makatitiyak dito ang isang tao, at makikilatis ito ng lahat ng nakauunawa sa katotohanan.

Mayroon ding ilang tao na maraming taon nang naniniwala sa Diyos, ngunit hindi nagtataglay ng anumang realidad ng katotohanan; maraming taon na silang nakikinig sa mga sermon, ngunit hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Bagama’t mahina ang kanilang kakayahan, mayroon silang mga “talento” na hindi mapapantayan: ang pagsisinungaling at ang pagtakpan ang mga ito, at panlilinlang at panloloko sa iba gamit ang mabulaklak na mga salita. Kung nagsasabi sila ng isang dosenang pangungusap, isang dosenang kasinungalingan ang nakapaloob sa mga iyon—bawat isa ay maglalaman ng karumihan. Sa mas tumpak na salita, wala silang sinasabing totoo. Ngunit dahil mahina ang kanilang kakayahan at mukhang maayos ang kanilang pag-uugali, iniisip nila, “Likas akong mahiyaing tao na walang malisya, at mahina ang kakayahan ko. Inaapi ako saanman ako magpunta, at kapag inaapi ako ng mga tao, kailangan ko lamang tiisin ito at magdusa. Hindi ako nangangahas na sumagut-sagot o lumaban sa kanila—ang tanging magagawa ko ay magtago, sumuko, at tanggapin ito. Ako ang ‘matapat ngunit ignoranteng tao’ na binabanggit ng mga salita ng Diyos, isa ako sa Kanyang mga tao.” Kung may magtanong sa kanila, “Kung gayon ay bakit ka nagsisinungaling?” Sasabihin nila, “Kailan ako nagsinungaling? Sino ang niloko ko? Hindi pa ako nagsinungaling! Paano ako magsisinungaling, samantalang tapat akong tao? Mabagal tumugon ang isip ko sa mga bagay-bagay, at wala akong gaanong pinag-aralan—hindi ako marunong magsinungaling! Ang mga taong iyon na mapanlinlang ay kayang bumuo ng masasamang ideya at pakana sa isang kisap-mata. Hindi ako ganyan katuso, at lagi akong inaapi. Kaya ako ang tapat na taong binabanggit ng Diyos, at wala kayong batayan para tawagin akong sinungaling o manloloko. Talagang wala kayong batayan—sinisiraan niyo lang ako. Alam kong hinahamak ninyo akong lahat: Iniisip ninyo na mahina ang isip at kakayahan ko, kaya gusto ninyong lahat na apihin ako. Ang Diyos lamang ang Nag-iisang hindi umaapi sa akin, mabait Siya sa akin.” Ni hindi aamin ang ganitong klaseng tao sa pagsisinungaling, at may lakas pa sila ng loob na magsabi na sila ang matapat na taong binabanggit ng Diyos, at sa pahayag na iyon, direkta nilang itinataas ang kanilang sarili sa trono. Naniniwala sila na likas silang matatapat ngunit ignoranteng mga tao at na mahal sila ng Diyos. Iniisip nila na hindi na nila kailangang hangarin ang katotohanan o pagnilay-nilayan ang kanilang sarili. Iniisip nila na mula sa sandaling isinilang sila ay walang mga kasinungalingang nagmula sa kanilang bibig. Hindi sila aamin sa pagsisinungaling, anuman ang sabihin ng iba, at sa halip ay uulitin nila ang mga dati nilang palusot para makipagtalo at ipagtanggol ang kanilang sarili. Napagnilayan na ba nila ang kanilang sarili? Oo, kahit paano. Ano ang naisip nila sa kanilang “pagninilay-nilay sa sarili”? “Ako ang matapat ngunit ignoranteng tao na binabanggit ng Diyos. Maaaring medyo ignorante ako, pero tapat akong tao.” Hindi ba’t ipinagmamalaki nila ang kanilang sarili? Hindi malinaw sa kanila kung alin sila roon, isang ignoranteng tao o isang matapat na tao, ngunit ipinalalagay nila na matapat silang tao. May kamalayan ba sila sa sarili? Kung ang isang tao ay hangal na inaapi at nabubuhay nang may karuwagan, ibig bang sabihin niyan ay mabuti na siyang tao? At kung mabuting tao ang tingin ng iba sa isang tao, ibig bang sabihin niyan ay hindi na nila kailangang hangarin ang katotohanan? Likas na bang taglay ng gayong mga tao ang katotohanan? Sabi ng ilang tao, “Matapat naman akong tao, lagi kong sinisikap na sabihin ang katotohanan, medyo ignorante lang ako. Hindi ko kailangang hangarin ang katotohanan, isa na akong mabuti at matapat na tao.” Sa pagsasabi nito, hindi ba’t ipinahihiwatig nila na taglay nila ang katotohanan at wala silang tiwaling disposisyon? Ang buong sangkatauhan ay nagawa nang lubhang tiwali ni Satanas. Lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon, at kapag ang isang tao ay nagtataglay ng tiwaling disposisyon, maaari siyang magsinungaling, mandaya, at manlinlang kahit kailan niya gusto. Maaari pa niyang ipagmalaki ang tagumpay o kontribusyon niya na hindi naman mahalaga, na nagpapakita ng mayabang na disposisyon. Palagi siyang puno ng mga haka-haka tungkol sa Diyos at maluluhong kahilingan sa Kanya, at sinusubukan niyang mangatwiran sa Kanya. Hindi ba’t problema ang mga ito? Hindi ba’t tiwaling disposisyon ito? Hindi ba’t nangangailangan ito ng pagsusuri? Ganoon na nga. Subalit hinirang na ng mga taong ito ang kanilang sarili bilang matatapat na tao na hindi kailanman nagsisinungaling o nanloloko sa iba; ipinapahayag nila na wala silang mga mapanlinlang na disposisyon, kaya hindi nila kailangang hangarin ang katotohanan. Samakatwid, walang sinumang kumikilos nang ganito ang naghahangad ng katotohanan, at wala ni isa sa kanila ang nakapasok sa realidad ng katotohanan. Kapag nagdarasal sila sa Diyos, madalas nilang iniiyakan ang kahinaan ng kanilang isip, kung paano sila palaging inaapi, at ang kanilang napakahinang kakayahan: “Diyos ko, Ikaw lamang ang nagmamahal sa akin; Ikaw lamang ang naaawa sa akin at mabait sa akin. Inaapi ako ng lahat ng tao, at sinasabi nilang sinungaling ako—pero hindi naman!” Pagkatapos, pinapahid nila ang kanilang mga luha at tumatayo sila, at kapag nakikita nila ang ibang tao, iniisip nila, “Wala ni isa sa inyo ang mahal ng Diyos. Ako lang.” Mataas ang tingin ng mga taong ito sa kanilang sarili, at hindi nila tinatanggap na nagpapakita sila ng anuman sa iba’t ibang pag-uugali at pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon na binabanggit ng Diyos. Kahit sumasapit sa kanila ang isang partikular na problema at nagkakaroon sila ng tiwaling kalagayan o nagpapakita nito, inaamin lamang nila ito nang pasalita matapos mag-isip sandali, at pagkatapos ay tapos na para sa kanila ang usaping iyon. Hindi nila talaga hinahanap ang katotohanan, at hindi nila tinatanggap ang katunayan na mayroon silang katiwalian at na tiwali silang tao. Siyempre pa, lalong hindi nila aaminin na nagpakita sila ng tiwaling disposisyon sa anumang partikular na pagkakataon. Gaano karami mang problema ang mangyari dahil sa kanila, at gaano karami mang tiwaling disposisyon ang ipinapakita nila, iisa lang ang lagi nilang sinasabi sa huli: “Ako ang tapat ngunit ignoranteng tao na binabanggit ng Diyos. Ako ang Kanyang kinaaawaan, at labis Niya akong pagpapalain.” Kaya nga, sa mga salitang ito, pakiramdam nila ay hindi na nila kailangang hangarin ang katotohanan; ang mga salitang ito ang idinadahilan ng gayong mga tao sa hindi paghahangad ng katotohanan. Hindi ba’t kakatwa ang gayong mga tao? (Oo.) Kakatwa sila at ignorante. Gaano sila kakatwa? Sobra silang kakatwa kaya ginagamit nila ang isang parirala ng mga salita ng Diyos na kapaki-pakinabang sa kanila at ginagamit nila iyon bilang isang simbolo para pilitin ang Diyos at ipawalang-sala ang kanilang sarili sa hindi paghahangad ng katotohanan, habang itinuturing nila na walang kinalaman sa kanila ang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa tao. Pakiramdam nila ay hindi na nila kailangang makinig sa mga iyon dahil matatapat na silang tao. Sa madaling salita, kaawa-awa ang gayon kasasamang tao. Mahina ang kanilang kakayahan, wala silang katuturan, at halos walang kahihiyan, subalit nais pa rin nilang magtamo ng mga pagpapala. At bagama’t mahina ang kanilang kakayahan, at wala silang katuturan o kahihiyan, napakayabang pa rin nila, at mababa ang tingin nila sa mga ordinaryong tao. Wala silang respeto sa mga taong may mahusay na kakayahan na nagagawang hangarin ang katotohanan, at kayang magbahagi tungkol sa realidad ng katotohanan. Iniisip nila, “Anong buti ba ang dulot ng mga kalakasang ito sa inyo? Iyang mga paghahangad ninyo ng katotohanan at pagkilala sa inyong sarili—hindi ko kailangang gawin iyan. Isa akong tapat na tao; maaaring medyo ignorante ako, pero hindi naman talaga isyu iyon. At hindi rin naman kailangang ipag-alala ang mga tiwaling disposisyong ipinapakita ko. Hangga’t sinasangkapan ko ang sarili ko ng mabubuting pag-uugali, magiging ayos na ako.” Ano ang hinihingi nila sa kanilang sarili? “Alam ng Diyos ang nasa puso ko, at tunay ang pananampalataya ko sa Kanya. Sapat na iyon. Ang pagtatalakay araw-araw ng patotoo batay sa karanasan at kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos—ano ang silbi ng lahat ng pagtatalakay na ito? Kapag nangyari na ang lahat, sapat na ang taos na paniniwala sa Diyos.” Hindi ba’t lubhang kahangalan iyon? Una, ang gayong mga tao ay hindi talaga interesado sa katotohanan; pangalawa, makatarungang sabihin na wala silang kakayahang unawain ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos. Subalit, mataas pa rin masyado ang tingin nila sa kanilang sarili at kumikilos sila na parang napakataas at napakamakapangyarihan nila. Naghahanap sila ng ikakatwiran kung bakit hindi nila hinahangad ang katotohanan, o ng isang pamamaraan ng paghahangad o isang bagay na inaakala nilang isang kalakasan bilang kapalit ng paghahangad ng katotohanan. Hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.)

Ang ilang taong hindi naghahangad ng katotohanan ay walang mabibigat na problema pagdating sa kanilang pagkatao. Sumusunod sila sa mga tuntunin at kumikilos nang maayos. Ang gayong mga babae ay maaamo at mababait, mararangal at disente, at hindi nagloloko. Mabubuti silang babae sa harap ng kanilang mga magulang, mabubuti silang asawa at ina sa kanilang buhay-pamilya, at matapat na ginugugol ang kanilang mga araw sa pag-aalaga sa kanilang tahanan. Ang gayong mga lalaki ay walang malisya at matatapat, at kumikilos sila nang maayos; mababait silang anak, hindi sila naglalasing o naninigarilyo, at hindi sila nang-uumit o nagnanakaw, hindi sila nagsusugal o nambababae—sila ay mga huwarang asawa, at sa labas ng tahanan, bihira silang makipag-away o makipagtalo sa iba kung sino ang tama o mali. Iniisip ng ilang tao na sapat nang makamtan ang mga bagay na ito bilang isang mananampalataya sa Diyos, at na ang mga gumagawa nito ang karaniwang katanggap-tanggap na mabubuting tao. Naniniwala sila na kung sila ay mapagkawanggawa at matulungin, mapagkumbaba at mapagpasensya, at mapagparaya matapos manalig sa Diyos, at kung ginagawa nila ang anumang gawaing ipinagagawa ng iglesia sa kanila nang buong sipag at husay, nang hindi nagiging pabaya o padalus-dalos, natamo na nila ang realidad ng katotohanan at malapit na nilang matupad ang mga hinihingi ng Diyos. Iniisip nila na kung magsisipag sila at magsisikap pa nang kaunti, kung mas magbabasa pa sila ng salita ng Diyos, kung mas marami silang maaalalang parirala nito, at higit silang mangangaral sa iba, kung gayon ay hinahangad na nila ang katotohanan. Ngunit hindi nila napapansin ang ipinapakita nilang mga katiwalian, hindi nila alam kung anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila, at lalo pang hindi nila alam kung paano lumilitaw ang tiwaling disposisyon, o kung paano ito dapat malaman o malutas. Wala silang alam ni isa sa mga bagay na ito. May ganito bang mga tao? (Oo.) Itinuturing nila ang kanilang likas na “kabutihan” bilang isang pamantayan na dapat maabot ng mga naghahangad ng katotohanan. Kung may isang taong tatawag sa kanilang mayabang, mapanlinlang, at masama, hindi sila makikipagtalo tungkol doon nang hayagan, at magpapakita lamang sila ng pagpapakumbaba, pagpapasensya, at pagtanggap. Ngunit sa kanilang kaibuturan, sa halip na seryosohin ito, lalabanan nila ito: “Mayabang ako? Kung mayabang ako, wala na ni isang mabuting tao sa lupa! Kung mapanlinlang ako, wala na ni isang matapat sa mundo! Kung masama ako, wala na ni isang disente sa mundo! Madali bang makahanap ng isang taong kasimbuti ko sa panahon ngayon? Hindi—imposible na!” Hindi sila papayag na matawag na mapanlinlang o mayabang, o masabing hindi nila mahal ang katotohanan, at tiyak na hindi sila papayag na matawag na walang pananalig. Ipupukpok lamang nila ang kanilang mga kamay sa mesa at makikipagtalo sila: “Sabi mo, wala akong pananalig, tama ba? Kung hindi ako maliligtas, walang isa man sa inyo ang maliligtas!” Maaaring may maglantad sa kanila sa pagsasabing, “Hindi mo tinatanggap ang katotohanan. Kapag tinutukoy ng mga tao ang mga problema mo, nagmumukha kang mapagkumbaba at mapagpasensya, pero sa kaibuturan mo ay palaban ka talaga. Tama ang ipinangangaral mo kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan, pero totoo pa rin na hindi mo tinatanggap ang kahit isa sa mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa diwa ng tiwaling disposisyon ng tao. Nilalabanan mo ang mga iyon at tutol ka sa mga iyon. Masama ang disposisyon mo.” Kung tatawagin mo silang “masama”, hindi talaga nila matatanggap iyon. “Masama ako? Kung masama ako, tinapak-tapakan ko na sana kayong lahat noon pa! Kung masama ako, winasak ko na sana kayong lahat!” Hindi nila mauunawaan ang anumang inilalantad mo tungkol sa kanila o ibinabahagi nang tama sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng maunawaan nang tama ang mga bagay-bagay? Ang ibig sabihin nito ay anumang problema ang inihahayag sa iyo ng iba, ikinukumpara mo ang mga iyon sa mga salita ng Diyos para suriin kung talaga bang may anumang mali sa iyong mga layon at iniisip, at gaano man karaming problema ang makita sa iyo, hinaharap mong lahat ang mga iyon nang may saloobin ng pagtanggap at pagpapasakop. Ganyan maaaring tunay na magtamo ng kaalaman ang isang tao tungkol sa kanyang mga problema. Hindi magtatamo ng kaalaman ang isang tao tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon ayon sa kanyang mga haka-haka at imahinasyon, kailangan itong gawin batay sa mga salita ng Diyos. Kaya, ano muna ang kailangan para magkaroon ng kaalaman sa sarili? Kailangan mong kilalanin ang katotohanan na nalinlang at nagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at na lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon. Sa pagtanggap lamang sa katotohanang ito mo mapagninilayan ang iyong sarili ayon sa paghahayag ng mga salita ng Diyos, at sa proseso ng pagninilay-nilay na ito sa sarili, unti-unting mabubunyag ang iyong mga problema. Lingid sa iyong kaalaman, lilitaw ang iyong mga problema, nang paunti-unti, at pagkatapos ay mauunawaan mo nang malinaw kung ano ang iyong tiwaling disposisyon. At sa pundasyong ito, magtatamo ka ng kaalaman kung anong klaseng tao ka at kung ano ang iyong diwa. Sa gayon ay matatanggap mo ang lahat ng sinasabi ng Diyos at ang Kanyang inihahayag, at pagkatapos ay mapagpapatuloy mo ang paghahanap sa mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa na nailatag Niya para sa tao, at magsasagawa at mamumuhay ka ayon sa Kanyang mga salita. Iyan ang ibig sabihin ng paghahangad ng katotohanan. Ngunit ganyan ba natatanggap ng ganitong klaseng tao ang mga salita ng Diyos? Hindi—maaari siyang magkunwari na kinikilala niya na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at na totoo lahat ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tiwaling sangkatauhan, ngunit kung hihilingin mo sa kanya na alamin ang kanyang sariling tiwaling disposisyon, hindi niya iyon tatanggapin ni kikilalanin. Naniniwala siya na wala iyong kinalaman sa kanya. Ito ay dahil iniisip niya na siya ay marangal at disenteng tao—matwid na tao, isang taong may karangalan. Ang pagiging matwid na tao ba ay nangangahulugan na taglay niya ang katotohanan? Ang pagiging matwid na tao ay isang positibong pagpapamalas lamang ng pagkatao ng isang tao; hindi ito kumakatawan sa katotohanan. Kaya, hindi kumu may isang katangian ka ng normal na pagkatao ay hindi mo na kailangang hangarin ang katotohanan, ni hindi ito nangangahulugan na natamo mo na ang katotohanan—at lalong hindi ito nangangahulugan na isa kang taong mahal ng Diyos. Hindi ba’t ganyan ang sitwasyon? (Oo.) Naniniwala ang diumano’y “mararangal na tao” na ito na wala silang mayabang at mapanlinlang na mga disposisyon, o isang disposisyon na sawa na sa katotohanan, at na tiyak na wala silang napakasasamang disposisyon. Iniisip nila na wala sa mga tiwaling disposisyong ito ang umiiral sa kanilang kalooban, dahil sila ay mga taong may karangalan, sila ay likas na matwid at mabait, lagi silang inaapi ng iba, at bagama’t mahina ang kanilang kakayahan at ignorante sila, sila ay tapat. Ang “katapatan” na ito ay hindi tunay na katapatan, ito ay kawalan ng malisya, pagkamahiyain, at pagiging ignorante. Hindi ba’t napakahangal ng gayong mga tao? Ang tingin ng lahat sa kanila ay mabubuting tao sila. Tama ba ang pananaw na ito? Mayroon bang mga tiwaling disposisyon ang mga taong iniisip ng iba na mabubuti? Ang sagot ay “mayroon”—sigurado ito. Hindi ba nagsisinungaling ang mga taong walang malisya? Hindi ba sila nandaraya sa iba o nagbabalatkayo? Hindi ba sila makasarili? Hindi ba sila sakim? Ayaw ba nila ng mataas na katungkulan? Wala ba silang anumang maluluhong hangarin? Siguradong hindi totoo ang mga iyan. Ang tanging dahilan kaya wala silang nagagawang kasamaan ay hindi pa dumarating sa kanila ang tamang pagkakataon. At ipinagmamalaki nila ito—itinuturing nila ang kanilang sarili bilang mga taong may karangalan at naniniwala sila na wala silang tiwaling disposisyon. Kaya, kung tutukuyin ng sinuman ang isang uri ng tiwaling disposisyon, paglalantad, o kalagayan sa kanila, pabubulaanan nila iyon sa pagsasabing, “Hindi! Hindi ako iyan, at hindi ako ganyang kumilos, o ganyang mag-isip. Nagkamali kayo ng pag-unawa sa akin. Nakikita ninyong lahat na wala akong malisya, na mahina ang isip ko, na mahiyain ako, kaya inaapi ninyo ako.” Ano ang tingin ninyo sa gayong mga tao, na sumasagot nang ganito? Kung may nangahas na yamutin ang gayong tao, liligaligin sila nito magpakailanman. Hindi sila tatatantanan nito; hindi nila matatakasan ang taong iyon, anuman ang gawin nila. Iniisip pa rin ng di-makatwiran at masyadong nakakainis na mga taong ito na hinahangad nila ang katotohanan, na sila ay walang malisya at ignoranteng mga tao na walang tiwaling disposisyon. Kadalasan, sinasabi pa nga nila, “Maaaring ignorante ako, pero wala akong malisya—isa akong tapat na tao, at mahal ako ng Diyos!” Para sa kanila, mga bagay ito na dapat ipagsangkalan. Hindi ba’t medyo kawalanghiyaan ito? Sinasabi mo na mahal ka ng Diyos. Tama ba iyan? May batayan ka ba sa pagsasabi niyan? Gumagawa ba sa iyo ang Banal na Espiritu? Sinabi na ba ng Diyos na gagawin ka Niyang perpekto? Plano ba ng Diyos na kasangkapanin ka? Kung hindi pa sinabi ng Diyos ang mga bagay na ito sa iyo, hindi mo maaaring sabihin na mahal ka Niya—ang tanging masasabi mo ay naaawa Siya sa iyo, na malaking bagay na. Kung sinasabi mo na mahal ka ng Diyos, personal na pagkaunawa mo lamang iyan; hindi ito nagpapatunay na mahal ka talaga ng Diyos. Mamahalin ba ng Diyos ang isang taong hindi naghahangad ng katotohanan? Mamahalin ba ng Diyos ang isang ignorante at kiming tao? May awa ang Diyos sa mga ignorante at kimi—totoo iyan. Mahal ng Diyos ang mga tunay na matapat, mga naghahangad ng katotohanan, mga nagsasagawa ng katotohanan at nagpapasakop sa Kanya, ang mga kaya Siyang dakilain at patotohanan, mga nagsasaalang-alang sa Kanyang kalooban at nagmamahal sa Kanya nang taos. Yaon lamang mga tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos at tapat na nagsasagawa ng kanilang mga tungkulin ang mahal ng Diyos; yaon lamang mga nakatatanggap sa katotohanan, gayon din ng pagpupungos at pagwawasto, ang mahal ng Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa katotohanan, na hindi tumatanggap ng pagpupungos at pagwawasto, ang kinasusuklaman at tinatanggihan ng Diyos. Kung sawa ka na sa katotohanan at nilalabanan mo ang lahat ng salitang sinasambit ng Diyos, magsasawa sa iyo ang Diyos at itatakwil ka. Kung lagi mong iniisip na isa kang mabuting tao, na isa kang kaawa-awa, simple at walang malisyang tao, ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, mamahalin ka ba ng Diyos? Imposible ito; walang batayan para diyan sa Kanyang mga salita. Ang Diyos ay hindi tumitingin sa kung ikaw ay walang malisya, ni wala Siyang pakialam kung anong klase ang pagkatao o kakayahan mo nang isilang ka—tumitingin Siya sa kung, matapos marinig ang Kanyang mga salita, tinatanggap mo ba o binabalewala ang mga iyon, kung nagpapasakop ka ba sa mga iyon o nilalabanan mo ang mga iyon. Tinitingnan Niya kung may epekto ba ang Kanyang mga salita sa iyo at nagkakaroon ng bunga sa iyo, kung kaya mo bang magbigay ng tunay na patotoo sa maraming salitang sinabi Niya. Kung ang kauuwian ng karanasan mo sa huli ay, “Wala akong malisya, mahiyain ako, inaapi ako ng bawat taong makilala ko. Mababa ang tingin sa akin ng lahat ng tao,” sasabihin ng Diyos na hindi ito patotoo. Kung idaragdag mong, “Ako ang tapat pero ignoranteng taong binabanggit ng Diyos,” sasabihin ng Diyos na puro ka kasinungalingan at na wala ni isa mang totoong salita ang lumalabas sa iyong bibig. Kung, kapag may mga ipinagagawa sa iyo ang Diyos, hindi ka lamang nabibigong sundin ang lahat ng iyon, kundi sinusubukan mo pang mangatwiran sa Diyos at magdahilan para sa iyong sarili, sinasabi mong, “Nagdusa na ako at nagbayad ng halaga, at mahal ko ang Diyos,” hindi iyan katanggap-tanggap. Hinahangad mo ba ang katotohanan? Nasaan ang iyong tunay na patotoo tungkol sa iyong karanasan? Paano napapamalas ang pagmamahal mo sa Diyos? Walang makukumbinsi kung wala kang maipapakitang katibayan. Sinasabi mo, “Isa akong taong may dangal at disente akong kumilos. Hindi ako nakikiapid, at sinusunod ko ang lahat ng tuntunin sa aking mga kilos. Isa akong taong maganda ang pag-uugali. Hindi ako naglalasing, nambababae, at nagsusugal. Hindi ako nagsasanhi ng mga paggambala o kaguluhan sa sambahayan ng Diyos o nagpapasimula ng pagtatalo, tinitiis ko ang pagdurusa at nagsusumikap ako. Hindi ba’t mga tanda ito na hinahangad ko ang katotohanan? Sinisikap ko nang matamo ang katotohanan.” Ang sasabihin ng Diyos: Nalutas mo na ba ang iyong tiwaling disposisyon? Nasaan ang iyong patotoo sa paghahangad mo ng katotohanan? Matatamo mo ba ang pagsang-ayon at paghanga ng mga taong hinirang ng Diyos? Kung hindi ka makapagbibigay ng anumang patotoo tungkol sa iyong karanasan, subalit sinasabi mo na isa kang matapat na tao na nagmamahal sa Diyos, isa kang taong nanlilinlang ng iba gamit ang mga huwad na salita—isa kang hindi makatwirang diyablong Satanas, at nararapat kang isumpa. Ang natitira na lamang sa iyo ay ang mahatulan at mapalayas ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.