Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita (Unang Bahagi)
Pagdating sa inyong pananampalataya sa Diyos, bukod pa sa maayos na pagganap ng inyong tungkulin, ang susi ay ang maunawaan ang katotohanan, pumasok sa katotohanang realidad, at mas magsikap pa sa buhay pagpasok. Kahit ano pang mangyari, may mga aral na matututunan, kaya huwag ninyong hayaang basta-basta ito makalampas. Dapat kayong magbahaginan sa isa’t isa tungkol dito, at pagkatapos kayo ay mabibigyan ng kaliwanagan at matatanglawan ng Banal na Espiritu, at magagawa ninyong maunawaan ang katotohanan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi, magkakaroon kayo ng landas ng pagsasagawa at malalaman ninyo kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, at nang hindi ninyo namamalayan, malulutas ang ilan sa inyong mga problema, uunti nang uunti ang mga bagay na hindi mo nakikita nang malinaw, at dadami nang dadami ang mauunawaan mong katotohanan. Sa ganitong paraan, lalago ang tayog mo nang hindi mo namamalayan. Dapat kang magkusang magsikap para sa katotohanan at ilagay ang iyong puso sa katotohanan. Sabi ng iba, “Naniniwala na ako sa Diyos sa loob ng maraming taon at naunawaan ko na ang maraming doktrina. Mayroon na akong pundasyon. Ngayon, ang buhay sa aming iglesia sa ibang bansa ay mabuti, ang mga kapatid ay nagtitipon upang magbahagi ng mga bagay tungkol sa pananampalataya sa Diyos sa buong araw, at kaya, naiimpluwensiyahan ako ng nakikita at naririnig ko, at nabubusog ako rito—at iyon ay sapat na. Hindi ko kailangang magsumikap na lutasin ang mga suliranin ng sarili kong buhay pagpasok, o ang mga suliranin ng sarili kong paghihimagsik. Kung bawat araw, sumusunod ako sa aking nakatakdang oras na manalangin, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, umawit ng mga himno, gumanap ng aking tungkulin, at tuparin ang tungkuling dapat kong gawin, natural akong uunlad sa buhay.” Ganito ang iniisip ng mga nalilitong mananampalataya na iyon. Hindi talaga tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan. Nakikilahok lang sila sa mga relihiyosong ritwal, nagsasalita nang mahusay, humihiyaw ng mga walang kabuluhang salawikain, nagsasalita ng mga salita at doktrina at pakiramdam nila’y mahusay na ang ginawa nila. Bunga nito, habang ang ibang tao ay kayang magsagawa ng ilang katotohanan at magkamit ng kaunting pagbabago, wala man lang patotoong batay sa karanasan ang mga nalilitong mananampalatayang ito. Ni hindi nila kayang magsalita tungkol sa anumang kaalaman sa kanilang sarili. Wala silang napapala at walang anumang natatamo sa huli. Hindi ba sila kahabag-habag at kaawa-awa? Walang landas sa pagkakamit ng kaligtasan ang mas totoo o praktikal kaysa sa pagtanggap at paghahangad ng katotohanan. Kung hindi mo makakamit ang katotohanan, walang kabuluhan ang paniniwala mo sa Diyos. Ang mga nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita at doktrina, na palaging nagbabanggit muli ng mga salawikain, nagsasabi ng matatayog na bagay, sumusunod sa mga tuntunin, at hindi kailanman tumututok sa pagsasagawa ng katotohanan ay walang nakakamit, kahit ilang taon na silang naniniwala. Sino ang mga taong may nakakamit? Ang mga taos-pusong gumaganap ng kanilang tungkulin at handang isagawa ang katotohanan, na itinuturing na kanilang misyon ang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, na masayang ginugugol ang kanilang buong buhay para sa Diyos at hindi nagpapakana para sa sarili nilang mga kapakanan, na ang mga paa ay matatag na nakatapak sa lupa at sinusunod ang mga pangangasiwa ng Diyos. Nagagawa nilang maintindihan ang mga katotohanang prinsipyo habang ginagampanan ang kanilang tungkulin at pinagsisikapan nilang gawin nang maayos ang lahat, na nagbibigay-daan para makamit nila ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, at matupad ang kalooban ng Diyos. Kapag may nakakaharap silang mga paghihirap habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nananalangin sila sa Diyos at sinusubukang arukin ang kalooban ng Diyos, nagagawa nilang sundin ang mga pangangasiwa at pagsasaayos na mula sa Diyos, at sa lahat ng ginagawa nila, hinahanap at isinasagawa nila ang katotohanan. Hindi sila muling nagbabanggit ng mga salawikain o nagsasabi ng magaganda-pakinggan na bagay, kundi tumututok lang sila sa paggawa ng mga bagay-bagay nang may praktikal na saloobin, at sa metikulosong pagsunod sa mga prinsipyo. Isinasapuso nila ang lahat ng kanilang ginagawa, at natututunang pahalagahan ang lahat ng bagay nang buong puso, at sa maraming bagay, nagagawa nilang isagawa ang katotohanan, pagkatapos ay nagkakaroon sila ng kaalaman at pagkaunawa, at nagagawa nilang matutuhan ang mga aral at talagang may nakakamit. At kapag may mga mali silang saloobin o mga maling kalagayan, nananalangin sila sa Diyos at hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito; kahit ano pang mga katotohanan ang nauunawaan nila, pinapahalagahan nila ang mga ito sa kanilang puso, at nakapagsasalita tungkol sa kanilang mga patotoong batay sa karanasan. Nakakamit ng gayong mga tao ang katotohanan sa huli. Iyong mga walang ingat at mababaw ay hindi kailanman iniisip kung paano isagawa ang katotohanan. Nakatutok lang sila sa pagsisikap at paggawa ng mga bagay-bagay, at sa pagtatanghal ng kanilang sarili at pagpapakitang-gilas, pero hindi nila kailanman hinahanap kung paano isagawa ang katotohanan, dahilan kaya nahihirapan silang matamo ang katotohanan. Pag-isipan ninyo, anong uri ng mga tao ang makakapasok sa mga katotohanang realidad? (Iyong mga praktikal, na mga makatotohanan at nagsusumikap.) Mga taong praktikal, na nagsusumikap, at may puso: mas pinagtutuunan ng gayong mga tao ang realidad at ang paggamit ng mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos sila. Pinagtutuunan din nila ang mga praktikalidad sa lahat ng bagay, makatwiran sila, at gusto nila ang mga positibong bagay, ang katotohanan, at mga praktikal na bagay. Ang mga taong gaya nito ang siyang nakauunawa at nagtatamo ng katotohanan sa huli. Aling uri kayo ng tao? (Iyong hindi praktikal, iyong laging gustong gawin ang mga bagay-bagay alang-alang sa pagpapakitang-tao, at umaasa sa katusuhan.) May anuman bang makakamit sa paggawa nito? (Wala.) Nakahanap ka na ba ng paraan para malutas ang iyong mga problema? Kung mapagtatanto mo ito at magagawa mong simulang baguhin ang mga bagay-bagay, malalaman mo ba kung nagbago na ang iyong mga haka-haka, imahinasyon at perspektibo sa mga bagay-bagay? (Pakiramdam ko ay medyo nagbago na ang mga iyon.) Hangga’t mayroong mga resulta at pag-usad, dapat mo itong ibahagi at hayaang mabigyang halimbawa ang iba. Kahit na limitado ang karanasan mo, ito ay isang karanasan pa rin ng paglago sa buhay. Ang proseso ng paglago sa buhay ay ang karanasan mo sa pananalig sa Diyos, sa paglago ng buhay mo sa pamamagitan ng pagdanas sa salita ng Diyos. Ang mga karanasang ito ang pinakamahalaga.
Yamang nananalig silang lahat sa Diyos, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at tumutupad sa kanilang mga tungkulin, bakit kaya sa paglipas ng ilang taon ay nagiging magkakaiba ang mga tao, lumilitaw ang mga kabiguan at tagumpay, at nabubunyag ang tunay na kulay ng mga tao? Tunay ngang napagbubukod-bukod ang bawat isa ayon sa uri nito. Ang ilang tao ay nakapagsasalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan, habang ang iba ay wala man lang patotoong batay sa karanasan. Ang ilan ay nakauunawa ng maraming katotohanan at nakapapasok sa realidad, habang ang iba ay hindi nakapagkamit ng anumang katotohanan o nabago ang kanilang disposisyon kahit kaunti. Ang ilang tao ay nakakukuha ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema, at unti-unti nilang nagagampanan nang sapat ang kanilang mga tungkulin. Ang ilang tao ay tuso at nagpapakatamad habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, gumagawa lang nang wala sa loob, at hindi isinasagawa ang katotohanan kahit na nauunawaan nila ito. Dahil lahat naman sila ay dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at tumutupad sa kanilang mga tungkulin, bakit magkakaiba ang mga resulta? Bakit may mga taong nagagawang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan habang ang iba ay tumatahak sa sarili nilang daan? Bakit may mga taong kayang tanggapin ang katotohanan habang ang iba naman ay hindi? Bakit ganito? Bakit may mga taong nagagawang tumanggap at maging masunurin kapag nahaharap sa pagtatabas at pagwawasto, habang ang iba ay nagiging mapanlaban, nakikipagtalo, nagrerebelde, at gumagawa pa nga ng eksena? Lahat sila ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, nakikinig sa mga sermon at pagbabahagi, isinasabuhay nila ang buhay-iglesia, at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, kaya bakit may malaking pagkakaiba sa pagitan nila? Nakikita mo ba kung ano talaga ang nangyayari sa problemang ito? Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masamang pagkatao, at ito ay direktang nauugnay sa kung mahal ng mga tao ang katotohanan o hindi. Sa katunayan, anuman ang kakayahan ng isang tao, hangga’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, masipag na tuparin ang kanyang tungkulin, at pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili, magkakaroon siya ng pagpasok sa buhay, makararanas ng tunay na pagbabago, at magagampanan nang sapat ang kanyang tungkulin. Kung hindi ka matiyagang magbasa ng mga salita ng Diyos, at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi ka makakapagnilay sa iyong sarili; masisiyahan ka na lamang sa paggawa ng munting pagsisikap at hindi paggawa ng mga kasamaan at mga paglabag, at gagamitin ito bilang kapital. Palilipasin mo ang bawat araw na naguguluhan, namumuhay nang nalilito, ginagawa lamang ang mga bagay sa takdang oras, hindi kailanman ginagamit ang iyong puso upang pagnilay-nilayan ang iyong sarili at pagsikapan ang pagkilala sa iyong sarili, at palagi kang magiging pabigla-bigla at nagmamadali. Sa ganitong paraan, hindi mo kailanman magagampanan ang iyong tungkulin sa katanggap-tanggap na pamantayan. Para maibuhos ang lahat ng pagsisikap mo sa isang bagay, dapat mo munang ilagay ang buong puso mo roon; kapag inilagay mo muna ang buong puso mo sa isang bagay, saka mo lamang maibubuhos ang lahat ng pagsisikap mo roon, at magagawa ang lahat ng kaya mo. Ngayon, may mga nagsimula nang magtiyaga sa pagganap sa kanilang tungkulin, nagsimula na silang mag-isip kung paano maisasagawa nang maayos ang tungkulin ng isang nilalang upang mapalugod ang puso ng Diyos. Hindi sila negatibo at tamad, hindi sila pasibong naghihintay na magbigay ng mga utos ang Itaas, kundi may pagkukusa. Sa pagtingin sa pagganap ninyo sa inyong tungkulin, medyo mas epektibo kayo kaysa noon, at kahit wala pa rin sa pamantayan, nagkaroon na ng kaunting paglago—na mabuti. Pero hindi kayo dapat masiyahan sa kasalukuyang sitwasyon, dapat kayong patuloy na maghanap, patuloy na lumago—saka lamang ninyo magagampanan nang mas maayos ang inyong tungkulin, at maaabot ang katanggap-tanggap na pamantayan. Gayunpaman, kapag ginagampanan ng ilang tao ang kanilang tungkulin, hindi sila nagsisikap nang husto at hindi nila ibinibigay ang lahat-lahat nila, 50-60% lamang ng kanilang pagsisikap ang ibinibigay nila, at nasisiyahan na lamang doon hanggang sa matapos ang ginagawa nila. Hinding-hindi nila napapanatili ang isang normal na kalagayan: Kapag walang sinumang nagbabantay sa kanila o nag-aalok ng suporta, kumukupad sila at pinanghihinaan ng loob; kapag mayroong nagbabahagi ng katotohanan, sumisigla sila, pero kung matagal-tagal silang hindi nabahaginan ng katotohanan, nawawalan sila ng interes. Ano ang problema kapag palagi silang pabalik-balik nang ganito? Ganito ang mga tao kapag hindi pa nila natatamo ang katotohanan, namumuhay silang lahat ayon sa silakbo ng damdamin—isang silakbo ng damdamin na napakahirap panatilihin: Kailangan ay may nangangaral at nagbabahagi sa kanila araw-araw; kapag walang sinumang nagdidilig at tumutustos sa kanila, at walang sinumang sumusuporta sa kanila, nanlalamig ulit ang mga puso nila, kumukupad silang muli. At kapag nanghina ang mga puso nila, sila ay nagiging hindi gaanong epektibo sa kanilang tungkulin; kung mas nagsisikap sila, nadaragdagan ang pagiging epektibo nila, mas bumubuti ang mga resulta nila sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at mas marami silang nakakamit. Ito ba ang karanasan ninyo? Maaari ninyong sabihing, “Bakit lagi kaming nagkakaproblema sa pagganap sa tungkulin namin? Kapag nalulutas ang mga problemang ito, sumisigla kami; kapag hindi, nawawalan kami ng interes. Kapag may kaunting resulta kapag ginagampanan namin ang aming tungkulin, kapag pinupuri kami ng Diyos sa aming paglago, natutuwa kami, at nadarama namin na lumago na rin kami sa wakas, pero kalaunan, kapag naharap kami sa isang paghihirap, nagiging negatibo kami ulit—bakit palaging pabago-bago ang kalagayan namin?” Sa katunayan, ang mga pangunahing dahilan ay na lubhang kakaunti ang mga katotohanang nauunawaan ninyo, walang lalim ang inyong mga karanasan at pagpasok, hindi pa rin ninyo nauunawaan ang maraming katotohanan, wala kayong pagkukusa, at nasisiyahan na kayo na nagagampanan ninyo ang inyong tungkulin. Kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, paano ninyo magagampanan nang sapat ang inyong tungkulin? Ang totoo, ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay kayang gawing lahat ng mga tao; basta’t ginagamit ninyo ang inyong konsiyensiya, at nagagawa ninyong sundin ang dikta ng inyong konsiyensiya sa pagganap sa inyong tungkulin, magiging madaling tanggapin ang katotohanan—at kung matatanggap ninyo ang katotohanan, magagampanan ninyo nang sapat ang inyong tungkulin. Dapat kayong mag-isip sa ganitong paraan: “Sa paniniwala sa Diyos sa mga taon na ito, sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos sa mga taon na ito, napakalaki ng nakamtan ko, at napagkalooban ako ng Diyos ng malalaking biyaya at pagpapala. Namumuhay ako sa mga kamay ng Diyos, namumuhay ako sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan at kataas-taasang kapangyarihan, at ibinigay Niya sa akin ang hiningang ito, kaya dapat kong gamitin ang aking isipan, at magsikap gampanan ang aking tungkulin nang buo kong lakas—ito ang mahalaga.” Dapat magkaroon ng pagkukusa ang mga tao; iyon lamang mga may pagkukusa ang maaaring tunay na magsikap para sa katotohanan, at kapag naunawaan nila ang katotohanan, saka lamang nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at mapapalugod ang Diyos, at maghahatid ng kahihiyan kay Satanas. Kung mayroon kang ganitong klaseng sinseridad, at hindi ka nagpaplano para sa sarili mong kapakanan, kundi para magtamo lamang ng katotohanan at magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, magiging normal ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at mananatiling di-nagbabago sa kabuuan; anumang sitwasyon ang makaharap mo, mapupursigi mong gampanan ang iyong tungkulin. Kahit sino ang dumating para iligaw o guluhin ka, at maganda o masama man ang lagay ng loob mo, magagampanan mo pa rin nang normal ang iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, mapapanatag ang isipan ng Diyos tungkol sa iyo, at mabibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu sa pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo, at magagabayan ka sa pagpasok sa katotohanang realidad, at dahil dito, siguradong aabot sa pamantayan ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Basta’t taos kang gumugugol para sa Diyos, gumagawa ng iyong tungkulin sa praktikal na paraan, at hindi ka kumikilos nang tuso o nanloloko, magiging katanggap-tanggap ka sa Diyos. Inoobserbahan ng Diyos ang mga isipan, saloobin, at motibo ng mga tao. Kung ang puso mo ay nananabik sa katotohanan at kaya mong hanapin ang katotohanan, bibigyang-liwanag at tatanglawan ka ng Diyos. Sa anumang bagay, bibigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos hangga’t hinahanap mo ang katotohanan. Gagawin Niyang bukas ang iyong puso sa liwanag at pagkakalooban ka Niya ng isang landas ng pagsasagawa, at kung magkagayon ay magbubunga ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Ang kaliwanagan ng Diyos ay Kanyang biyaya at Kanyang pagpapala. Kahit sa maliliit na bagay, kung hindi magbibigay-liwanag ang Diyos, hindi kailanman magkakaroon ng inspirasyon ang mga tao. Kung walang inspirasyon, mahirap para sa mga tao na lutasin ang kanilang mga problema, at hindi sila makakakuha ng mga resulta sa kanilang tungkulin. Sa pagkakaroon ng talino, karunungan, at kakayahan lamang ng tao, maraming bagay ang hindi kayang lampasan ng mga tao, kahit makalipas ang maraming taon ng pag-aaral. Bakit hindi kaya? Dahil hindi pa ito ang oras na itinakda ng Diyos. Kung hindi kikilos ang Diyos, gaano man kahusay ang isang tao, wala itong silbi. Dapat malinaw itong maunawaan. Dapat kang maniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at na nakikipagtulungan lang ang mga tao. Kung ikaw ay sinsero, makikita ito ng Diyos, at magbubukas Siya ng daan para sa iyo sa bawat sitwasyon. Walang paghihirap ang hindi kayang lampasan; dapat mayroon ka nitong pananalig. Samakatuwid, kapag tinutupad ninyo ang inyong mga tungkulin, hindi kailangang magkaroon ng anumang pag-aalinlangan. Hangga’t ibinibigay mo ang lahat mo, nang buong-puso mo, hindi ka bibigyan ng Diyos ng mga paghihirap, ni hindi ka Niya bibigyan ng higit pa sa makakaya mo. Dapat ka lang mag-alala kung nagsasabi ka ng mga bagay-bagay nang wala sa loob mo, puro salita at walang gawa, at nagsasabi ng mga bagay na nakalulugod sa pandinig pero hindi totoong tinutupad ang iyong mga tungkulin—kung gayon, tapos na rito. Kung ito ang saloobin mo sa iyong mga tungkulin at sa Diyos, matatanggap mo ba ang mga pagpapala ng Diyos? Talagang hindi. Kung gumagawa ka lang nang wala sa loob at nililinlang ang Diyos, hindi ka papansinin ng Diyos, at palalayasin ka; iyon ang kalalabasan. Kung nililinlang mo ang Diyos, nililinlang mo ang iyong sarili. Sasabihin ng Diyos, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng taong ito, at walang bakas ng pagiging matapat. Hindi siya maaasahan o pwedeng pagkatiwalaan ng anumang bagay. Hayaan siyang maisantabi.” Ano ang ibig sabihin niyon? Nangangahulugan ito na maiiwan kang mag-isa at babalewalain. Kung walang pagsisisi, tuluyan kang aabandonahin. Ipapasa ka kay Satanas, sa masasamang espiritu, at sa maruruming espiritu para sa kaparusahan. Nasa anong uri ng kalagayan ang isang tao kapag siya ay iniwang mag-isa at binalewala? Ibig sabihin nito ay hindi na gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Hindi mo makikita nang malinaw ang anumang bagay, at habang ang iba ay palaging maliliwanagan at matatanglawan, ikaw ay hindi; mananatili kang manhid. Palagi kang aantukin at makaiidlip kapag may nagbabahagi sa katotohanan at sa pagpasok sa buhay. Anong klaseng penomeno ito? Ito ay isang penomeno kung saan hindi gumagawa ang Diyos. Kung hindi gumagawa ang Diyos, hindi ba’t magiging isang naglalakad na bangkay ang isang tao? Lubhang nakatatakot na manalig sa Diyos ngunit hindi maramdaman ang Kanyang presensiya. Ang gayong tao ay nawawalan ng kumpiyansang mabuhay, ng kanilang motibasyon. Nawawala ang lahat ng kanilang puhunan para mabuhay. Ano ang halaga ng ganitong buhay? Hindi ba’t mas masahol ka pa sa mga baboy at aso? Dahil sa iyong mga kilos at pag-uugali, nakikita ng Diyos na hindi ka maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan. Kinasusuklaman ka ng Diyos mula sa kaibuturan ng Kanyang puso, at sa gayon ay aabandonahin ka o pansamantalang isasantabi. Nagtataka Ako kung bakit hindi alam ng ganitong tao ang sakit at paghihirap ng kanyang puso? Ano ang mali sa kanyang puso? Nakokonsiyensiya ba ito? Gaano karaming taon ka man nananalig sa Diyos, o kung ang iyong pananampalataya ay tunay o hindi, nakaunawa ka na ng ilang doktrina ng pag-asal, at kayang mabuhay at magpatuloy nang hindi umaasa kaninuman, ngunit kung alam mong nalantad ka na, na inabandona ka na ng Diyos, makapagpapatuloy ka pa bang mamuhay? May kabuluhan pa ba ang iyong buhay? Sa panahong iyon, mananangis ka at magngangalit ang iyong mga ngipin sa kadiliman. Sa iglesia, madalas nating nakikita ang mga tao na, nang malantad at mapalayas, nang malapit na silang paalisin ng iglesia, ay namumugto ang mga mata sa kaiiyak at nakaiisip pa ngang mamatay, wala nang ganang magpatuloy pa sa buhay. Umiiyak, sumusumpa sila na magsisisi, ngunit sa panahong iyon, masyadong huli na ang lahat. Ito ay pagiging sobrang mapagmatigas hanggang sa tuluyan nang mabigo. Kaya kung nais mong magsisi, kailangan mong gawin na ito ngayon. Magmadaling pagnilayan kung ano ang mga naiiwang problema sa pagganap mo ng iyong tungkulin, kung ikaw ba ay pabaya at pabasta-basta, kung mayroon bang anumang aspeto kung saan iresponsable ka. Pagnilayan kung talagang nagtamo ka ng mga resulta sa pagganap ng iyong tungkulin—kung oo, pagnilayan mo kung bakit mo natamo ang mga ito, at kung hindi, pagnilayan mo kung bakit hindi ka nagtamo. Magkaroon ng kalinawan sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagninilay, at kung may naiiwan pa ngang problema, hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Sa paggawa niyon, hindi na magkakaroon ng mga paghihirap sa pagganap ng iyong tungkulin. Para sa lahat ng kayang maghanap sa katotohanan para lutasin ang mga problemang mayroon sila, hindi lamang magiging lalong mas kakaunti ang paghihirap sa pagganap ng kanilang tungkulin, kundi magiging mas epektibo rin sila sa pagganap ng mga ito, at magkakamit ng pagpasok sa buhay pansamantala. Bilang halimbawa, ang ilang tao ay nagsisimulang maunawaan ang katotohanan kapag dumaan na sila sa ilang ulit na pagtatabas at pagwawasto. Nagagawa nilang madalas na pagnilayan ang kanilang sarili, at sa tuwing nakikita nilang nakagawa sila ng mali, alam nilang nilabag nila ang mga katotohanang prinsipyo, at nananalangin sila sa Diyos, at lalo silang nagsisisi. Kung minsan, kinasusuklaman pa nga nila ang kanilang sarili, at sinasampal ang kanilang mukha, na sinasabing: “Bakit ako nakagawa muli ng pagkakamali at nagdulot ng pasakit sa Diyos? Napakawalang-puso ko! Napakarami nang sinabi ang Diyos—bakit hindi ko ito palagiang maalala? Bakit hindi ako makapagpasakop sa Diyos at makapagbigay-kasiyahan sa Kanyang kalooban? Talagang labis akong nagawang tiwali ni Satanas. Walang puwang para sa Diyos sa puso ko, at hindi ko pinahahalagahan ang katotohanan. Palagi akong namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, at wala akong pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos. Wala talaga akong konsiyensiya o katwiran. Napakarebelde ko laban sa Diyos!” Kaya, itinatakda nila ang kanilang kalooban sa pagsisisi at determinado silang isagawa ang katotohanan, gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Tunay ngang mayroon silang pusong nagsisisi, ngunit hindi madaling iwaksi ang tiwaling disposisyon—dapat dumaan ang isang tao sa ilang pagsubok at pagpipino bago nila magawang magbago nang kaunti. Marami na ngayong tao ang nagsimulang tumuon sa katotohanan, na handang pumasok sa katotohanang realidad at maging mga taong sumusunod sa Diyos. Paano, kung gayon, dapat magsagawa ang isang taong may pusong tunay na nagsisisi? Parte nito ay dapat siyang manalangin sa Diyos at higit na hanapin ang katotohanan, nilulutas ang mga problemang mayroon siya at nakahahanap ng landas ng pagsasagawa sa pagganap ng kanyang tungkulin. Ang isa pang parte ay kailangan niyang maghanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan at makipagbahaginan sa taong ito, sinusuri ang kanyang sariling paghihimagsik, ang kanyang kalikasang diwa, at ang mga aspeto kung saan nilalabanan niya ang Diyos. Dapat malinaw niyang malaman ang tungkol sa mga problemang ito, pagkatapos ay masusing isaalang-alang ang mga salita ng Diyos at tingnan kung paano magagamit ang mga ito sa kanyang sarili; muli’t muli, dapat niyang isaalang-alang iyong mahahalagang salita ng Diyos, at ituon ang kanyang pagninilay sa sarili niyang mga problema at sa sarili niyang kalikasang diwa, hanggang sa magkamit siya ng tunay na kaalaman. Sa ganitong paraan, makakamit niya ang tunay na pagsisisi at kapopootan ang kanyang sarili. Pagkatapos, dapat niyang ibunyag ang kanyang mga paghihirap sa pagganap ng kanyang tungkulin at gamitin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Kaya, nababawasan ang kanyang mga paghihirap sa pagganap ng kanyang tungkulin, at nakakamit ang isang resulta. Kung ang isang tao ay nagnanais na tunay na magsisi, ganito siya dapat magsagawa. Ito ang tanging landas tungo sa tunay na pagsisisi.
Ano ang ibubunga ng paghahangad sa katotohanan? Parte nito ay na ang paghahangad sa katotohanan ay para maiwaksi ang tiwaling disposisyon ng isang tao; ang isa pang parte ay na ang paggawa niyon ay para tulutan ang isang tao na maisagawa ang katotohanan habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin at maging isang taong tunay na sumusunod sa Diyos. Ito ang patotoo ng tunay na pagsisisi. Upang tunay na magsisi, dapat maunawaan ng isang tao ang katotohanan at isagawa ito bago makamit ang isang epekto. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas ang problema, at ang pagsisisi mo ay bukambibig mo lamang, hindi ito magkakaroon ng epekto. Hindi ka mapapayapa o mapapanatag sa ganitong paraan. Kung ang ginagawa mo lang ay manalangin na nais mong tunay na magsisi, ngunit sa pagganap ng iyong tungkulin ay hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas ang iyong mga problema at maging katanggap-tanggap ang pagganap mo ng tungkulin, sinusubukan mong dayain ang Diyos. Ang tunay na pagsisisi ay karaniwang nagpapamalas bilang katapatan, bilang pagkilos ayon sa mga prinsipyo, bilang pagsasagawa ng katotohanan, at bilang pagbibigay ng tunay na patotoo sa pagganap ng tungkulin ng isang tao. Ito ang mga tanda ng tunay na pagsisisi, at ang mga ito rin ang patotoo ng tunay na pagsisisi. Kung ang tanging ginagawa ng isang tao ay magpahayag sa Diyos ng pagsisisi sa panalangin, nang hindi ginagawa nang maayos ang kanyang tungkulin, hindi ba’t sinusubukan niyang dayain ang Diyos? Kung hindi man lang makalampas ang isang bagay sa sariling konsiyensiya, paano ito makalalampas sa Diyos kung gayon? Anuman ang iyong mga kasalukuyang sitwasyon, hangga’t hindi mo kayang gampanan nang taos-puso ang tungkulin mo para sa Diyos, at hangga’t marami pang problema sa pagganap mo ng iyong tungkulin, kung saan hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas, malaki ang problema mo, at dapat mo itong ipagdasal nang taimtim at pagnilayan ang iyong sarili. Kung hindi mo magawang tunay na magsisi at palagi mong hindi ginagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, tiyak na nanganganib kang mapalayas. Hindi mahalaga kung ilang taon ka nang nananalig sa Diyos—hangga’t palagi kang pabaya at pabasta-basta sa pagganap ng iyong tungkulin, palaging naghahabol ng mga pakinabang para sa iyong sarili, palaging sinasamantala ang sambahayan ng Diyos, nang hindi tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan ni kaunti, hindi ka isang tunay na mananampalataya sa Diyos. Isa kang taong nayayamot sa katotohanan, isang walang pananampalataya na nais lamang ay busugin ang kanyang tiyan. Maaaring naninirahan ka pa sa sambahayan ng Diyos, at maaaring sinasabi mo pang isa kang mananampalataya sa Diyos, ngunit ang totoo ay wala ka nang ugnayan sa Diyos. Matagal ka nang inilagay ng Diyos sa isang tabi, at naging isa ka nang taong walang kaluluwa, isang naglalakad na bangkay. Ano pa ang saysay na mabuhay, kung gayon? Ang sinumang umabot na sa puntong ito ay wala nang patutunguhan. Ang tanging paraang mayroon sila ay ang lumapit kaagad sa Diyos upang magtapat. Kung talagang sinsero at tunay kang nagsisisi, kalilimutan ng Diyos ang mga paglabag mo. Gayunpaman, mayroong isang bagay na dapat mong tandaan: Kahit kailan, at kung mayroon ka mang kaalaman sa Diyos o wala, o mayroong mga kuru-kuro o maling akala tungkol sa Kanya, hindi mo Siya dapat labanan o suwayin kailanman. Kung hindi, talagang magdurusa ka sa kaparusahan. Kung nasusumpungan mong tumigas na ang iyong puso, at nasa isang kalagayan ka kung saan sinasabi mong, “Gagawin ko ito sa ganitong paraan, tingnan natin kung ano ang magagawa ng Diyos sa akin. Hindi ako natatakot kaninuman. Ganito ko ginagawa ang bagay na ito noon pa,” kung gayon ay nanganganib ka. Ito ay pagsabog ng isang satanikong kalikasan; ito ay pagmamatigas. Alam na alam mo nang mali ang ginagawa mo, kung saan mapanganib na, ngunit hindi mo ito sineseryoso. Hindi natatakot ang puso mo, wala itong tinatanggap na paratang o paninisi, at hindi ito nag-aalala o nalulungkot—hindi ka man lang marunong magsisi. Ito ay isang kalagayan ng pagmamatigas, at magdudulot ito sa iyo ng problema. Ginagawa nitong madali para sa iyo na maisantabi ng Diyos. Kung ang isang tao ay umaabot sa puntong ito at napakamanhid pa rin, at hindi niya alam na dapat siyang magbago, manunumbalik pa kaya ang ugnayan niya sa Diyos? Hindi ito madaling maibabalik. Kung gayon, paano mo maibabalik ang isang normal na ugnayan sa Diyos na nagpaparamdam sa iyo na ganap na likas at may katwiran na lumapit ka sa Kanya? Kung saan maaari kang sumunod, yumukod, at ialay ang lahat ng mayroon ka sa Kanya, katakutan Siya at tanggapin ang Kanyang mga salita bilang katotohanan, nauunawaan mo man ang mga ito o hindi, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan at isagawa ang pagsunod? Kailan ka maibabalik sa ganitong kalagayan? Gaano kalayo ang kailangan mong maabot upang maibalik ang kondisyong ito? Natatakot Akong tiyak na magiging mahirap ito dahil hindi ito isyu ng oras, o ng haba ng paglalakbay o distansya na iyong lalakbayin. Ito ay isyu ng kalagayan mo sa buhay, at kung tunay ka nang nakapasok sa katotohanang realidad. Kung maraming taon ka nang nananalig sa Diyos, ngunit hindi mo man lang nagagamit ang katotohanan para lutasin ang mga problemang umiiral sa loob mo, at hindi mo alam ang bigat ng mga problemang ito, madalas kang namumuhay nang nagagalak sa kalagayan ng pagrerebelde nang walang anumang kamalayan, gumagawa ng mga maling bagay, nagsasabi ng mga maling salita, sumasalungat, lumalaban, at naghihimagsik laban sa Diyos nang may matigas na puso, at mahigpit na pinanghahawakan ang sarili mong mga haka-haka, imahinasyon, kaisipan, at pananaw, nang hindi man lang ito namamalayan, kung gayon ay wala kang anumang katotohanang realidad, hindi ka isang taong sumusunod sa Diyos, at hindi mo pa rin natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Dapat malinaw ang tungkol dito sa puso mo. Kung hindi mo nakikita nang malinaw ang tunay mong kalagayan, at palagi mong ipinagpapalagay na ayos lang ang paraan ng iyong pananampalataya, na kaya mong igugol ang iyong sarili para sa Diyos, na nagdusa at nagbayad ka na ng halaga, at naniniwala kang ikaw ay garantisadong makapapasok sa kaharian ng langit, kung gayon, hindi ka nagiging makatwiran. Hindi ka nagtataglay ng anumang katotohanang realidad, ngunit ni hindi mo man lang ito alam. Nangangahulugan ito na hindi malinaw ang pag-iisip mo, na nalilito ka, na isa kang taong magulo ang isip, at na ikaw ay walang sapat na kakayahan para maunawaan ang katotohanan o makilala ang iyong sarili, at sa gayon ay hindi ka maliligtas ng Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.