Gaya ng nakatala sa Biblia, “Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man” (Mga Hebreo 13:8). Ipinapakita nito na ang pangalan ng Diyos ay hindi magbabago kailanman. Bakit, kung gayon, kayo nagpapatotoo na ang Panginoon ay may bagong pangalan pagbalik Niya sa mga huling araw, at na Siya ay tinatawag na Makapangyarihang Diyos?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya'y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking sariling bagong pangalan” (Pahayag 3:12).
“Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat” (Pahayag 1:8).
“At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagka't naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat” (Pahayag 19:6).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sabi ng ilan, ang pangalan ng Diyos ay hindi nagbabago. Kung gayon, bakit naging Jesus ang pangalan ni Jehova? Ipinropesiya na darating ang Mesiyas, kaya bakit dumating ang isang taong nagngangalang Jesus? Bakit nagbago ang pangalan ng Diyos? Hindi ba matagal nang isinagawa ang gawaing iyon? Hindi ba makagawa ang Diyos ng mas bagong gawain ngayon? Ang gawain ng kahapon ay maaaring baguhin, at ang gawain ni Jesus ay maaaring sumunod mula roon kay Jehova. Kung gayon, hindi ba maaaring sundan ng ibang gawain ang gawain ni Jesus? Kung ang pangalan ni Jehova ay maaaring palitan ng Jesus, hindi ba maaaring palitan din ang pangalan ni Jesus? Walang kakaiba rito; kaya lang napakakitid ng isipan ng mga tao. Ang Diyos ay palaging magiging Diyos. Paano man magbago ang Kanyang gawain, at paano man maaaring magbago ang Kanyang pangalan, hindi magbabago ang Kanyang disposisyon at karunungan kailanman. Kung naniniwala ka na ang Diyos ay maaari lamang tawagin sa pangalang Jesus, napakalimitado ng iyong kaalaman. Nangangahas ka bang igiit na Jesus ang magiging pangalan ng Diyos magpakailanman, na ang Diyos ay palaging tatawagin sa pangalang Jesus magpakailanman, at na hindi ito magbabago kailanman? Nangangahas ka bang igiit nang may katiyakan na ang pangalan ni Jesus ang nagwakas ng Kapanahunan ng Kautusan at magwawakas din sa huling kapanahunan? Sino ang makapagsasabi na mawawakasan ng biyaya ni Jesus ang kapanahunan?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?
Sa tuwing darating ang Diyos sa lupa, binabago Niya ang Kanyang pangalan, ang Kanyang kasarian, ang Kanyang larawan, at ang Kanyang gawain; hindi Niya inuulit ang Kanyang gawain. Siya ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma. Nang dumating Siya noon, tinawag Siyang Jesus; maaari pa rin ba Siyang tawaging Jesus sa oras ng Kanyang pagbalik? Nang dumating Siya noon, Siya ay isang lalaki; maaari ba Siyang maging lalaki muli ngayon? Ang Kanyang gawain nang Siya ay pumarito noong Kapanahunan ng Biyaya ay ang maipako sa krus; pagdating Niyang muli, maaari ba Niyang tubusing muli ang sangkatauhan mula sa kasalanan? Maaari ba Siyang ipakong muli sa krus? Hindi ba’t iyon ay pag-uulit lamang ng Kanyang gawain? Hindi mo ba alam na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Mayroong mga nagsasabi na ang Diyos ay hindi nagbabago. Ito ay tama, ngunit ito ay tumutukoy sa di-nagbabagong diwa at disposisyon ng Diyos. Ang mga pagbabago sa Kanyang pangalan at gawain ay hindi nagpapatunay na ang Kanyang diwa ay nagbago; sa madaling salita, ang Diyos ay palaging magiging Diyos, at hindi ito kailanman magbabago. Kung sinasabi mo na hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, matatapos ba Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala? Ang alam mo lamang ay hindi nagbabago ang Diyos magpakailanman, ngunit alam mo ba na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Kung hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, magagawa ba Niyang akayin ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyang panahon? Kung hindi nagbabago ang Diyos, bakit nagawa na Niya ang gawain sa dalawang kapanahunan? Ang Kanyang gawain ay hindi tumitigil sa pagsulong, na ang ibig sabihin ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao ang Kanyang disposisyon, at ang naibubunyag ay ang Kanyang likas na disposisyon. Sa simula, ang disposisyon ng Diyos ay nakatago mula sa mga tao, hindi Niya kailanman tuwirang ibinunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, at sadyang walang kaalaman ang tao tungkol sa Kanya. Dahil dito, ginagamit Niya ang Kanyang gawain upang unti-unting ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, ngunit ang pagkilos sa ganitong pamamaraan ay hindi nangangahulugan na ang Kanyang disposisyon ay nagbabago sa bawat kapanahunan. Hindi ito ang kaso kung saan ang disposisyon ng Diyos ay patuloy na nagbabago dahil ang Kanyang kalooban ay palaging nagbabago. Sa halip, dahil sa ang mga kapanahunan ng Kanyang gawain ay magkakaiba, ang Kanyang likas na disposisyon, sa kabuuan nito, ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao, nang sa gayon ay makilala Siya ng mga tao. Ngunit hindi ito patunay na sa simula ay walang tiyak na disposisyon ang Diyos o kaya ay unti-unting nagbago ang Kanyang disposisyon sa paglipas ng mga kapanahunan—ang ganoong pagkaunawa ay hindi tama. Ibinubunyag ng Diyos sa tao ang Kanyang likas at partikular na disposisyon—kung ano Siya—ayon sa paglipas ng mga kapanahunan; ang gawain sa nag-iisang kapanahunan ay hindi makapagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. At dahil dito, ang mga salitang “Ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma” ay tumutukoy sa Kanyang gawain, at ang mga salitang “Ang Diyos ay hindi nagbabago” ay tungkol sa likas na kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya. Anupaman, hindi mo maaaring ibatay ang anim na libong taong gawain sa iisang punto, o limitahan ito gamit ang mga patay na salita. Ganito ang kahangalan ng tao. Ang Diyos ay hindi kasingpayak ng ipinapalagay ng mga tao, at ang Kanyang gawain ay hindi magtatagal sa isang kapanahunan lamang. Ang pangalang Jehova, halimbawa, ay hindi maaaring laging kumatawan sa pangalan ng Diyos; maaari ding gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa pangalan na Jesus. Isa itong tanda na ang gawain ng Diyos ay laging kumikilos nang pasulong.
Ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi kailanman magiging si Satanas; si Satanas ay palaging si Satanas, at hindi kailanman magiging Diyos. Ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, ang Kanyang katuwiran, at ang Kanyang kadakilaan ay hindi kailanman magbabago. Ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya ay hindi kailanman magbabago. Subalit, ang Kanyang gawain ay palaging kumikilos nang pasulong, laging lumalalim, dahil ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma. Sa bawat kapanahunan ay nagkakaroon ng bagong pangalan ang Diyos, sa bawat kapanahunan ay gumagawa Siya ng bagong gawain, at sa bawat kapanahunan ay hinahayaan Niyang makita ng Kanyang mga nilalang ang bago Niyang kalooban at bago Niyang disposisyon. Kung hindi makikita ng mga tao ang paghahayag ng bagong disposisyon ng Diyos sa bagong kapanahunan, hindi ba nila Siya ipapako magpakailanman sa krus? At sa paggawa nito, hindi ba nila binibigyang kahulugan ang Diyos?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Ang Kapanahunan ng Biyaya ay nagsimula sa pangalan ni Jesus. Nang nagsimula si Jesus na gampanan ang Kanyang ministeryo, ang Banal na Espiritu ay nagsimulang magpatotoo sa pangalan ni Jesus, at ang pangalan ni Jehova ay hindi na binanggit; sa halip, pangunahing ginawa ng Banal na Espiritu ang bagong gawain sa pangalan ni Jesus. Ang patotoo ng mga naniwala sa Kanya ay inilahad para kay Jesucristo, at ang gawain na kanilang ginawa ay para rin kay Jesucristo. Ang konklusyon ng Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan ay nangahulugan na ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova ay natapos na. Simula nito, ang pangalan ng Diyos ay hindi na Jehova; sa halip Siya ay tinawag na Jesus, at magmula noon ay pangunahing sinimulan ng Banal na Espiritu ang gawain sa pangalan ni Jesus. Kaya, sa mga taong sa kasalukuyan ay kumakain at umiinom pa rin ng mga salita ni Jehova, at ginagawa pa rin ang lahat ayon sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan—hindi mo ba bulag na sinusunod ang mga patakaran? Hindi ka ba nananatili sa nakaraan? Batid na ninyo ngayon na ang mga huling araw ay dumating na. Maaari kaya na sa pagdating ni Jesus, Siya ay tatawagin pa ring Jesus? Sinabi ni Jehova sa mga mamamayan ng Israel na darating ang isang Mesias, ngunit nang Siya ay dumating, hindi Siya tinawag na Mesias kundi Jesus. Sinabi ni Jesus na Siya ay muling darating, at ang Kanyang pagdating ay tulad ng Kanyang pag-alis. Ito ang mga salita ni Jesus, ngunit nakita mo ba kung paano umalis si Jesus? Si Jesus ay umalis sakay ng isang puting ulap ngunit maaari kayang personal Siyang babalik sa mga tao nang nasa ibabaw ng isang puting ulap? Kung magkagayon, hindi ba Siya tatawagin pa ring Jesus? Sa muling pagdating ni Jesus, nagbago na rin ang kapanahunan, dahil dito, maaari pa rin ba Siyang tawagin na Jesus? Maaari lang bang makilala ang Diyos sa pangalan na Jesus? Hindi ba Siya maaaring tawagin sa bagong pangalan sa isang bagong kapanahunan? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang larawan ng isang tao at ang isang partikular na pangalan? Sa bawat kapanahunan, gumagawa ang Diyos ng bagong gawain at Siya ay tinatawag sa bagong pangalan; paano Niya gagawin ang parehong gawain sa magkaibang kapanahunan? Paano Siya mananatili sa dati? Ang pangalan na Jesus ay ginamit para sa gawain ng pagtubos, kaya tatawagin pa rin ba Siya sa parehong pangalan pagbalik Niya sa mga huling araw? Gagawin pa rin ba Niya ang gawain ng pagtubos? Bakit kung iisa lamang si Jehova at si Jesus, Sila ay tinatawag sa magkaibang pangalan sa magkaibang kapanahunan? Hindi ba’t ito ay sa kadahilanang magkaiba ang mga kapanahunan ng Kanilang gawain? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang iisang pangalan lamang? Dahil dito, nararapat na tawagin ang Diyos sa ibang pangalan sa ibang kapanahunan, at nararapat Niyang gamitin ang pangalang ito upang baguhin ang kapanahunan at katawanin ang kapanahunan. Dahil walang anumang pangalan ang maaaring ganap na kumatawan sa Diyos Mismo, at ang bawat pangalan ay maaari lamang kumatawan sa pansamantalang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa isang tiyak na kapanahunan; ang kailangan lang nitong gawin ay kumatawan sa Kanyang gawain. Samakatuwid, maaaring mamili ang Diyos ng anumang pangalan na angkop sa Kanyang disposisyon upang kumatawan sa buong kapanahunan. Ito man ay kapanahunan ni Jehova, o kapanahunan ni Jesus, ang bawat kapanahunan ay kinakatawan ng isang pangalan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Kung sakaling palaging pareho ang gawain ng Diyos sa bawat kapanahunan, at Siya ay palaging tinatawag sa parehong pangalan, paano Siya makikilala ng tao? Ang Diyos ay dapat na tawaging Jehova, at maliban sa Diyos na tinatawag na Jehova, ang sinumang tinatawag sa anumang ibang pangalan ay hindi Diyos. Kung hindi, ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at bukod sa pangalang Jesus, hindi Siya maaaring tawagin sa iba pang pangalan; maliban kay Jesus, hindi Diyos si Jehova, at ang Makapangyarihang Diyos ay hindi rin Diyos. Naniniwala ang tao na totoong ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, ngunit ang Diyos ay isang Diyos na kapiling ng tao, at dapat Siyang tawaging Jesus, dahil ang Diyos ay kapiling ng tao. Ang gawin ito ay pagsunod sa doktrina at pagkulong sa Diyos sa isang saklaw. Kaya, sa bawat kapanahunan, ang gawain na isinasagawa ng Diyos, ang pangalan kung saan Siya ay tinatawag, at ang larawang Kanyang ginagamit—ang gawain na Kanyang ginagawa sa bawat yugto hanggang ngayon—ang mga ito ay hindi sumusunod sa iisang alituntunin, at hindi sumasailalim sa anumang limitasyon. Siya ay si Jehova, ngunit Siya rin ay si Jesus, pati na ang Mesiyas, at ang Makapangyarihang Diyos. Ang Kanyang gawain ay maaaring sumailalim sa unti-unting pagbabago, nang may mga katumbas na pagbabago sa Kanyang pangalan. Walang iisang pangalan ang maaaring kumatawan nang ganap sa Kanya, ngunit ang lahat ng pangalan kung saan Siya ay tinatawag ay maaaring kumatawan sa Kanya, at ang gawain na Kanyang isinasagawa sa bawat kapanahunan ay kumakatawan sa Kanyang disposisyon.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Kung palagi Akong tinatawag ng tao na Jesucristo, ngunit hindi alam na nasimulan Ko na ang isang bagong kapanahunan sa mga huling araw at nagsimula na Ako sa bagong gawain, at kung patuloy na lagi nang maghihintay ang tao sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas, tatawagin Ko ang mga tao tulad nito na mga taong hindi naniniwala sa Akin; sila ay mga taong hindi Ako kilala, at hindi totoong naniniwala sa Akin. Masasaksihan kaya ng gayong mga tao ang pagdating ni Jesus na Tagapagligtas mula sa langit? Ang kanilang hinihintay ay hindi ang Aking pagdating, kundi ang pagdating ng Hari ng mga Judio. Hindi nila pinananabikan ang Aking paglipol sa maruming lumang mundong ito, kundi sa halip ay nananabik sila sa ikalawang pagparito ni Jesus, kung kailan sila ay matutubos. Inaasam nila na minsan pang tutubusin ni Jesus ang buong sangkatauhan mula sa marungis at masamang lupaing ito. Paano maaaring maging mga taong kumukumpleto ng Aking gawain sa mga huling araw ang gayong mga tao? Ang mga hangarin ng tao ay walang kakayahang tuparin ang Aking mga naisin o isakatuparan ang Aking gawain, sapagkat hinahangaan o pinahahalagahan lamang ng tao ang gawaing nagawa Ko dati, at wala silang ideya na Ako ang Diyos Mismo na palaging bago at hindi naging luma kailanman. Alam lamang ng tao na Ako si Jehova, at Jesus, at wala silang ideya na Ako Siya ng mga huling araw na magdadala sa sangkatauhan sa kanilang wakas. Ang pinananabikan at alam lamang ng tao ay nagmumula sa kanilang sariling mga haka-haka, at yaon lamang nakikita ng kanilang sariling mga mata. Hindi iyon naaayon sa gawaing ginagawa Ko, kundi taliwas iyon dito.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
Ang pangalang Jesus ba—“Diyos na kasama natin”—ay maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos? Maaari ba nitong malinaw na maipaliwanag ang Diyos? Kung ang tao ay nagsasabi na ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at hindi maaaring magkaroon ng iba pang pangalan dahil hindi maaaring baguhin ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ang mga salitang iyon ay talagang kalapastanganan sa Diyos! Naniniwala ka bang ang pangalang Jesus, Diyos na kasama natin, ay maaaring mag-isang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan? Maaaring tawagin sa iba’t ibang pangalan ang Diyos, ngunit sa mga pangalang ito, walang kahit isa ang makakayang lumagom sa kabuuan ng Diyos, walang kahit isa na maaaring lubos na kumatawan sa Diyos. At kaya, maraming pangalan ang Diyos, ngunit ang mga pangalang ito ay hindi maaaring ganap na maipahayag ang disposisyon ng Diyos, dahil ang disposisyon ng Diyos ay napakasagana at lumalampas sa kakayahan ng tao na kilalanin Siya. Walang paraan ang tao, gamit ang wika ng tao, na ganap na mabuod ang Diyos. Ang tao ay mayroon lamang limitadong talasalitaan na magagamit upang ibuod ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos: dakila, iginagalang, mahiwaga, hindi maarok, pinakamataas, banal, matuwid, marunong, at iba pa. Napakaraming salita! Ang limitadong talasalitaang ito ay walang kakayahan na mailarawan kung gaano kaliit ang nasaksihan ng tao sa disposisyon ng Diyos. Kinalaunan, maraming tao ang nagdagdag ng mga salita na sa tingin nila ay mas mahusay na makapaglalarawan ng alab sa kanilang mga puso: Ang Diyos ay napakadakila! Ang Diyos ay napakabanal! Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig! Sa kasalukuyan, ang mga kasabihan ng tao kagaya nito ay umabot na sa kanilang sukdulan, ngunit ang tao ay wala pa ring kakayahan na malinaw na maipahayag ang sarili niya. At kaya, para sa tao, ang Diyos ay mayroong maraming pangalan, ngunit wala Siyang isang pangalan, at iyon ay sapagkat ang kung ano ang Diyos ay masyadong masagana, at ang wika ng tao ay masyadong salat. Ang isang partikular na salita o pangalan ay walang kakayahan na kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan, kaya sa tingin mo ba ay maaaring gawing permanente ang Kanyang pangalan? Ang Diyos ay napakadakila at napakabanal, ngunit hindi mo Siya hahayaang magpalit ng Kanyang pangalan sa bawat bagong kapanahunan? Samakatuwid, sa bawat kapanahunan na personal na isinasagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, gumagamit Siya ng isang pangalan na naaangkop sa kapanahunan upang lagumin ang gawain na Kanyang balak gawin. Ginagamit Niya ang partikular na pangalang ito, isa na nagtataglay ng pansamantalang kahalagahan, upang kumatawan sa Kanyang disposisyon sa kapanahunang iyon. Ito ang paggamit ng Diyos ng wika ng tao upang ipahayag ang Kanyang sariling disposisyon. Gayunpaman, maraming tao na nagkaroon na ng mga karanasang espirituwal at personal nang nakita ang Diyos ang nakakaramdam pa rin na ang partikular na pangalan na ito ay walang kakayahang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan—sa kasamaang palad, hindi ito mapipigilan—kaya hindi na tinatawag ng tao ang Diyos sa anumang pangalan, kundi basta na lamang Siyang tinatawag na “Diyos.” Ang puso ng tao ay parang puno ng pag-ibig, ngunit mukhang naliligiran din ito ng mga pagkakasalungatan, dahil hindi alam ng tao kung paano ipaliwanag ang Diyos. Kung ano ang Diyos ay napakasagana, na talagang walang paraan para ilarawan ito. Walang nag-iisang pangalan na kayang ibuod ang disposisyon ng Diyos, at walang nag-iisang pangalan na kayang maglarawan ng lahat ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Kung may magtatanong sa Akin, “Ano ba talaga ang pangalang ginagamit Mo?” Sasabihin Ko sa kanila, “ang Diyos ay Diyos!” Hindi ba iyan ang pinakamainam na pangalan para sa Diyos? Hindi ba iyan ang pinakamainam na paglagom sa disposisyon ng Diyos? Kaya bakit kayo gumugugol ng napakatinding pagsisikap sa paghahanap sa pangalan ng Diyos? Bakit kayo mag-iisip nang napakatindi, nang hindi kumakain at natutulog, para lamang sa isang pangalan? Darating ang araw na ang Diyos ay hindi na tatawaging Jehova, Jesus, o ang Mesiyas—Siya ay tatawagin na lamang na Lumikha. Sa oras na iyon, ang lahat ng mga pangalan na Kanyang ginamit sa lupa ay magtatapos, dahil ang Kanyang gawain sa lupa ay nagtapos na, pagkatapos nito, wala na Siyang pangalan. Kapag ang lahat ng bagay ay napasailalim na sa kapamahalaan ng Lumikha, bakit Niya kakailanganing magkaroon ng labis na naaangkop ngunit hindi ganap na pangalan? Hinahanap mo pa rin ba ang pangalan ng Diyos ngayon? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jehova? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na ang Diyos ay matatawag lang na Jesus? Matitiis mo ba ang kasalanan ng paglapastangan sa Diyos? Dapat mong malaman na ang Diyos sa simula ay walang pangalan. Gumamit lang Siya ng isa o dalawa, o maraming pangalan dahil mayroon Siyang gawaing kailangang isagawa at kailangan Niyang pamahalaan ang sangkatauhan. Anumang pangalan ang itinatawag sa Kanya, hindi ba’t ito ay Kanyang pinili nang malaya? Kakailangan ka ba Niya—na isa Niyang nilalang—na pagpasyahan ito? Ang pangalan kung saan tinatawag ang Diyos ay umaayon sa kung ano ang kayang maunawaan ng tao, sa wika ng tao, ngunit ang pangalang ito ay hindi isang bagay na kayang lagumin ng tao. Maaari mo lang sabihin na mayroong Diyos sa langit, na Siya ay tinatawag na Diyos, na Siya ang Diyos Mismo na makapangyarihan, na napakarunong, napakadakila, labis na kamangha-mangha, labis na mahiwaga, at labis na makapangyarihan sa lahat, at pagkatapos ay wala ka nang masasabi pang iba; iyon lang katiting na iyon ang kaya mong malaman. Dahil dito, maaari bang kumatawan ang pangalan lang na Jesus sa Diyos Mismo? Kapag dumating na ang mga huling araw, kahit na ang Diyos pa rin ang nagsasagawa ng Kanyang gawain, kailangang magbago ang Kanyang pangalan, dahil ito ay panibagong kapanahunan na.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Kung nananabik pa rin ang tao sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas sa mga huling araw, at inaasahan pa rin na darating Siya sa imaheng Kanyang tinaglay sa Judea, tumigil na sana ang buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala sa Kapanahunan ng Pagtubos, at hindi na susulong pa. Ang mga huling araw, bukod diyan, ay hindi sana darating, at hindi sana nawakasan ang kapanahunan kailanman. Iyon ay dahil si Jesus na Tagapagligtas ay para lamang sa pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Ginamit Ko ang pangalang Jesus para lamang sa kapakanan ng lahat ng makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, at hindi ito ang pangalang gagamitin Ko upang wakasan ang buong sangkatauhan. Bagama’t ang Jehova, Jesus, at Mesiyas ay kumakatawang lahat sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay nagpapahiwatig lamang ng iba’t ibang kapanahunan ng Aking plano ng pamamahala, at hindi Ako kinakatawan sa Aking kabuuan. Ang mga pangalang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi maipaliwanag nang malinaw ang Aking buong disposisyon at ang Aking kabuuan. Iba’t ibang pangalan lamang ang mga iyon na itinatawag sa Akin sa iba’t ibang kapanahunan. Kaya nga, kapag ang huling kapanahunan—ang kapanahunan ng mga huling araw—ay sumapit, magbabagong muli ang Aking pangalan. Hindi Ako tatawaging Jehova, o Jesus, lalo nang hindi Mesiyas—tatawagin Akong ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito ay wawakasan Ko ang buong kapanahunan. Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.