Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Ang buong sanlibutan ay nasasailalim sa masama” (1 Juan 5:19).
“Ang lahing ito’y isang masamang lahi” (Lucas 11:29).
“At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanlibutan” (Pahayag 12:9).
“Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, alam niyo na Ako’y unang kinapootan nito bago kayo” (Juan 15:18).
“At ito ang kahatulan, naparito ang liwanag sa sanlibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa sa liwanag; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa. Sapagka’t ang bawa’t isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa liwanag, at hindi lumalapit sa liwanag, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa” (Juan 3:19–20).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang mga pagpapamalas ng malaking pulang dragon ay paglaban sa Akin, kawalan ng pagkaunawa at pagkaintindi sa mga kahulugan ng Aking mga salita, madalas na pang-uusig sa Akin, at paghahangad na gumamit ng mga pakana para gambalain ang Aking pamamahala. Si Satanas ay ipinamamalas sa mga sumusunod: pakikipagtunggali sa Akin para sa kapangyarihan, pagnanais na angkinin ang Aking hinirang na mga tao, at paglalabas ng mga negatibong salita para iligaw ang Aking mga tao. Ang mga sumusunod ay ang mga pagpapamalas ng mga diyablo (ang mga hindi tumatanggap sa Aking pangalan at hindi naniniwala, ay diyablong lahat): pag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, pagpapasasa sa masasamang pagnanasa, pamumuhay sa ilalim ng pagkagapos kay Satanas, ang ilan ay lumalaban sa Akin at ang ilan ay sumusuporta sa Akin (ngunit hindi pinapatunayan na sila ay Aking mga minamahal na anak). Ang mga pagpapamalas ng arkanghel ay ang sumusunod: pagsasalita nang walang-galang, pagiging di-makadiyos, malimit na paggaya ng Aking tono para turuan ang mga tao, pagtutuon lamang sa panlabas na paggaya sa Akin, pagkain ng Aking kinakain at paggamit ng Aking ginagamit; sa madaling salita, pagnanais na makapantay Ko, pagiging ambisyoso ngunit wala ng Aking kakayahan at hindi nagtataglay ng Aking buhay, at pagiging isang patapon. Si Satanas, ang mga diyablo, at ang arkanghel ay tipikal na paglalarawang lahat ng malaking pulang dragon, kaya ang mga hindi Ko paunang itinalaga at hinirang ay mga anak lahat ng malaking pulang dragon: Ito ay lubusang ganito! Ang mga ito ay mga kaaway Kong lahat. (Gayunpaman, ang mga panggugulo ni Satanas ay hindi kasama. Kung ang iyong kalikasan ay ang Aking kakayahan, walang sinumang makapagbabago nito. Dahil ngayon ay namumuhay ka pa rin sa laman, paminsan-minsan ay mapapaharap ka sa mga panunukso ni Satanas—ito ay di-maiiwasan—ngunit dapat kang mag-ingat palagi.) Samakatuwid, tatalikuran Ko ang lahat ng anak ng malaking pulang dragon sa labas ng Aking mga panganay na anak. Ang kanilang kalikasan ay hindi kailanman magbabago—ito ang kakayahan ni Satanas. Ang mga diyablo ang kanilang ipinamamalas, at ang arkanghel ang kanilang isinasabuhay. Ito ay lubusang totoo. Ang malaking pulang dragon na Aking binabanggit ay hindi isang malaking pulang dragon; bagkus ito ay ang masasamang espiritu na lumalaban sa Akin, kung saan ang “malaking pulang dragon” ay isang kasing-kahulugang salita. Kaya lahat ng espiritu bukod sa Banal na Espiritu ay masasamang espiritu, at masasabi ring supling ng malaking pulang dragon. Dapat itong maging napakalinaw sa lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 96
Ang lupaing ito na marumi na sa loob ng libo-libong taon ay labis na marungis, laganap ang pagdurusa, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan,[1] walang-awang gumagamit ng malulupit na pamamaraan, ang bayang ito ng mga multo ay niyuyurakan at iniiwang nagkalat ang mga patay na katawan dito; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[2] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng diyablo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Naghasik na ng gulo ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay hindi mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa kaya nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Mauunawaan kaya nila kahit kailan ang mga usapin ng mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na mga layunin ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga alipores na ito! Sinusuklian nila ng pagkamuhi ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, sumasalakay at nandarambong sila, ganap na silang nawalan ng budhi, sinasalungat nila ang kanilang konsensiya, at dinadaya nila ang walang-muwang na sangkatauhan tungo sa kalutangan ng isip. Anong mga kahalili ng mga sinaunang pantas? Anong minamahal na mga lider? Lahat sila ay mga tampalasan na tumututol sa Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat ng nasa ilalim ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Anong kalayaang panrelihiyon? Anong lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasamaan! Sino ang sumuporta sa gawain ng Diyos? Sino ang nagbuwis na ng kanilang buhay o nag-alay ng dugo para sa gawain ng Diyos? Ang mga tao, na inalipin sa loob ng maraming henerasyon, nang walang patid mula sa mga magulang hanggang sa mga anak, ay walang galang na inalipin ang Diyos—paanong hindi ito magbubunsod ng walang humpay galit? Ang sanlibong taon ng pagkamuhi ay naiipon sa puso, sampung libong panahon ng kasamaan ay nakaukit sa puso—paanong hindi ito pupukaw ng pagkamuhi? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway—tingnan natin ito na magwala at mamuno bilang isang maniniil pagkatapos! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, at ilalaan niya ang lahat ng dugo ng kanyang puso at babayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng diyablong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at maghimagsik laban sa masama at matandang diyablong ito. Bakit hinaharangan ang gawain ng Diyos nang napakahigpit na kahit ang isang patak ay hindi makakalusot? Bakit gumagamit ng mga pakana para lansihin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilan ang pagdating ng Diyos? Bakit hindi hinahayaan ang Diyos na malayang gumala sa ibabaw ng lupa na nilikha Niya? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Nasaan ang init sa gitna ng mga tao? Nasaan ang pagsalubong sa Kanya sa gitna ng mga tao? Bakit nagdudulot ng gayong katinding pananabik sa Diyos? Bakit pinatatawag ang Diyos nang paulit-ulit? Bakit itinutulak ang Diyos hanggang sa puntong kailangan Niyang mag-alala sa Kanyang minamahal na Anak? Ang madilim na lipunang ito at ang mga kaawa-awang asong-bantay–bakit hindi nila hinahayaan ang Diyos na malayang pumarito at umalis sa mundong nilikha Niya?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (8)
Ang kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay patagong ninakaw ang tao mula sa presensiya ng Diyos at ipinasa siya sa hari ng mga diyablo at sa mga inapo nito. Nadala na ng Apat na Aklat at Limang Klasiko[a] ang mga kaisipan at mga kuru-kuro ng tao sa isa pang kapanahunan ng paghihimagsik, na naging sanhi upang higit pa siyang sumamba kaysa dati sa mga nagtipon ng Apat na Aklat at Limang Klasiko na ito, at bilang resulta upang lalo pang palalain ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Walang kaalam-alam ang tao, walang-awang pinalayas ng hari ng mga diyablo ang Diyos mula sa kanyang puso at pagkatapos ay tuwang-tuwang matagumpay nito mismong inokupa ang kanyang puso. Mula noon, nag-angkin na ang tao ng pangit na kaluluwa at ng mukha ng hari ng mga diyablo. Napuno ng pagkamuhi sa Diyos ang kanyang dibdib, at kumalat ang pagiging mapaminsala ng hari ng mga diyablo sa kalooban ng tao araw-araw hanggang sa lubos na siyang nalamon nito. Wala na ni katiting na kalayaan ang tao at walang paraang makalaya mula sa mga gusot ng hari ng mga diyablo. Wala siyang nagawa kundi ang mabihag sa mismong lugar na iyon, sumuko at magpasakop sa presensiya nito. Noong araw, nang bata pa ang puso ng tao, itinanim doon ng hari ng mga diyablo ang binhi ng tumor ng ateismo, na nagtuturo sa kanya ng mga maling kaisipan gaya ng “mag-aral ng siyensya at teknolohiya; isakatuparan ang Apat na Modernisasyon; at walang Diyos sa mundo.” Hindi lamang iyan, ipinapahayag nito sa bawat pagkakataon, “Umasa tayo sa ating kasipagan para makabuo tayo ng magandang bayan,” na hinihiling sa bawat tao na maging handa mula pagkabata na makapagserbisyo para sa kanilang bansa. Dinala ang tao, nang walang kamalay-malay, sa presensiya nito, at walang pag-aatubiling kinakamkam nito ang buong kredito (ibig sabihin ay ang kreditong nauukol sa Diyos sa paghawak sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga kamay) para sa sarili nito. Wala itong anumang pakiramdam ng kahihiyan kailanman. Bukod pa rito, walang kahihiyan nitong sinusunggaban ang mga tao ng Diyos at hinihila sila pabalik sa bahay nito, kung saan tumatalon ito na parang daga papunta sa ibabaw ng mesa at pinasasamba ang tao rito bilang “Diyos.” Napakasalbahe nito! Iskandaloso itong sumisigaw ng mga bagay na nakakagulat, tulad ng: “Walang Diyos sa mundo. Ang hangin ay nililikha ng mga pagbabago na pinamamahalaan ng mga batas ng kalikasan; ang ulan ay dumarating kapag ang singaw ng tubig, na sumasalubong sa malalamig na temperatura, ay sumasailalim sa kondensasyon at bumabagsak bilang mga patak sa lupa; ang lindol ay pagyanig ng ibabaw ng lupa dahil sa mga heolohikal na pagbabago; ang tagtuyot ay sanhi ng pagkatuyo sa hangin na dulot ng pagkakahati ng mga nucleon particle sa ibabaw ng araw. Ang mga ito ay mga natural na penomenon. Nasaan, sa lahat ng ito, ang gawa ng Diyos?” Mayroon pa nga iyong mga sumisigaw ng mga kahiya-hiyang pahayag na gaya ng sumusunod: “Ang tao ay nagmula sa unggoy noong unang panahon, at ang mundo ngayon ay nagmumula sa sinaunang lipunan na nagsimula humigit-kumulang isang bilyong taon na ang nakakaraan. Ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa ay nakasalalay sa mga kamay ng mga mamamayan nito.” Palihim nitong ipinagagawa sa tao na isabit ito sa dingding o ipatong ito sa mesa upang sambahin ito at magbigay-handog dito. Kasabay ng pagsigaw nito ng, “Walang Diyos,” itinataas nito ang sarili bilang diyos, walang habas na itinutulak ang Diyos palabas ng mga hangganan ng lupa, samantalang nakatayo sa lugar ng Diyos at kumikilos bilang ang hari ng mga diyablo. Hindi talaga makatwiran! Sagad sa buto itong kamumuhian ng sinuman. Tila mortal na magkaaway sila ng Diyos, at na hindi maaaring magkasama silang dalawa. Nagbabalak itong itaboy ang Diyos palayo samantalang ito ay malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas.[1] Hari nga ito ng mga diyablo! Paano matitiis ang pag-iral nito? Hindi ito magpapahinga hangga’t hindi nito nagugulo ang gawain ng Diyos at iniiwan itong ganap na magulo,[2] na para bang nais nitong labanan ang Diyos hanggang sa huli, hanggang sa parehas mawasak ang dalawang panig, na sadyang nilalabanan ang Diyos at higit na gumigiit. Matagal nang lubusang nalantad ang kasuklam-suklam nitong mukha, at ngayon ay labis na itong nagulumihanan at natadtad ng mga problema,[3] subalit hindi pa rin nababawasan ang pagkamuhi nito sa Diyos, na para bang huhupa lamang ang pagkamuhing tinimpi sa puso nito kapag nilamon na nito nang buo ang Diyos sa isang subuan. Paano natin matitiis ito, ang kaaway na ito ng Diyos! Tanging ang pagpuksa at ganap na paglipol lamang dito matutupad ang inaasam natin sa buhay. Paanong hahayaan itong patuloy na kumilos nang walang pagpipigil? Nagawa nitong tiwali ang tao hanggang sa ang tao ay hindi na alam ang langit-araw, at naging manhid at mapurol ang isip. Nawalan na ng normal na katwiran ang tao. Bakit hindi natin ialay ang buo nating pagkatao para sirain at sunugin ito upang maalis ang lahat ng alalahanin sa hinaharap at tulutan ang gawain ng Diyos na umabot sa walang-katumbas na kaningningan sa lalong madaling panahon? Naparito sa mundo ng tao ang grupong ito ng mga tampalasan at ginulo ito nang husto. Nadala na nila ang buong sangkatauhan sa bingit ng isang bangin, lihim na nagpaplanong itulak ang sangkatauhan pababa para magkaluray-luray upang malamon nila ang bangkay ng mga ito pagkatapos. Walang saysay silang umaasang wasakin ang plano ng Diyos at makipagkompetensiya sa Kanya, na sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan.[4] Hindi madaling gawin iyon! Kunsabagay ay nakahanda na ang krus para sa hari ng mga diyablo, na may kagagawan ng pinakamasasamang krimen. Hindi nabibilang ang Diyos sa krus. Ibinato na Niya ito sa diyablo. Matagal nang nanalo ang Diyos at hindi na nakakaramdam ng kalungkutan sa mga kasalanan ng sangkatauhan, ngunit maghahatid Siya ng kaligtasan sa buong sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (7)
Mula itaas hanggang ibaba at mula simula hanggang wakas, ginugulo na ni Satanas ang gawain ng Diyos at kumikilos laban sa Kanya. Lahat ng ito tungkol sa “sinaunang pamanang kultura,” mahalagang “kaalaman tungkol sa sinaunang kultura,” “mga turo ng Taoism at Confucianism,” at “Confucian classics at mga seremonyang pyudal” ay dinala na ang tao sa impiyerno. Ang maunlad na makabagong-panahong siyensya at teknolohiya, pati na ang lubhang maunlad na industriya, agrikultura, at pagnenegosyo ay hindi makita kahit saan. Sa halip, binibigyang-diin lamang nito ang mga ritwal na pyudal na dinala ng sinaunang “mga unggoy” upang sadyang gambalain, labanan, at lansagin ang gawain ng Diyos. Hindi lamang nito patuloy na pinagdurusa ang tao hanggang sa araw na ito, kundi nais pa nitong lunukin[1] nang buo ang tao. Ang paghahatid ng mga turo ng pyudal na etika at ang pagpapasa ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay matagal nang nakahawa sa sangkatauhan, at ginawa silang mga diyablong malalaki at maliliit. Iilan lamang ang masayang tatanggap sa Diyos, at iilan lamang ang buong kagalakang sasalubong sa Kanyang pagdating. Ang mukha ng buong sangkatauhan ay puno ng intensyong pumatay, at sa lahat ng lugar, bumabalot sa paligid ang mapamatay na awra. Hangad nilang palayasin ang Diyos mula sa lupaing ito; hawak ang mga kutsilyo at espada, inaayos nila ang kanilang sarili sa pakikipaglaban upang “puksain” ang Diyos. Sa buong lupaing ito ng mga diyablo, kung saan palaging itinuturo sa tao na walang Diyos, nagkalat ang mga diyos-diyosan, at ang hangin sa itaas ay puno ng nakasusukang amoy ng sunog na papel at insenso, na masyadong makapal kaya mahirap huminga. Para iyong amoy ng burak na sumisingaw pataas sa pagpilipit ng makamandag na ahas, kaya hindi mapigilan na masuka. Bukod dito, bahagyang maririnig ang tunog ng masasamang demonyo na nagsasambit ng mga kasulatan, isang ingay na tila nanggagaling sa malayong impiyerno, kaya hindi mapigilan na manginig. Sa lahat ng dako ng lupaing ito ay may nakalagay na mga diyos-diyosan na may maraming iba’t ibang kulay, na ginagawang isang matingkad at malabis na mundo ang lupain, samantalang patuloy na humahalakhak nang buong kasamaan ang hari ng mga diyablo, na para bang nagtagumpay na ang balak nito. Samantala, nananatiling lubos na walang alam ang tao, at ni wala rin siyang kamalay-malay na nagawa na siyang tiwali ng diyablo hanggang sa punto kung saan nawalan na siya ng kamalayan at nasiraan ng loob. Nais nitong puksain, sa isang iglap, ang lahat ng tungkol sa Diyos, at muli Siyang lapastanganin at palihim na paslangin; hangad nitong buwagin at guluhin ang Kanyang gawain. Paano nito matutulutan ang Diyos na makapantay sa katayuan? Paano nito matitiis na “manghimasok” ang Diyos sa gawain nito sa mundo ng tao? Paano nito matutulutan ang Diyos na ilantad ang kasuklam-suklam nitong mukha? Paano nito matutulutan ang Diyos na gambalain ang gawain nito? Paano mapapayagan ng diyablong ito, na nagpupuyos ang galit, na makontrol ng Diyos ang naghaharing korte nito sa lupa? Paano nito magagawang kusang-loob na yumuko sa nakahihigit Niyang kapangyarihan? Nabunyag na ang kasuklam-suklam nitong mukha kung ano talaga ito, kaya hindi alam ng tao kung tatawa o iiyak, at talagang mahirap itong masabi. Hindi ba’t ito ang diwa nito? Nang may mga pangit na kaluluwa, naniniwala pa rin sila na di-kapani-paniwala ang kagandahan nila—ang grupong ito ng magkakasabuwat sa krimen![2] Bumababa sila sa mundo ng mga mortal upang magpakasaya at magsanhi ng kaguluhan, na ginugulo nang husto ang mga bagay-bagay kaya nagiging salawahan at pabagu-bago ang mundo at natataranta at hindi mapakali ang puso ng tao, at napaglaruan nila nang husto ang tao kaya nagmukha siyang isang malahalimaw na hayop sa parang, napakapangit, at nawala na ang pinakahuling bakas ng orihinal na taong dalisay. Bukod pa rito, nais pa nilang kunin ang pinakamataas na kapangyarihan sa lupa. Hinahadlangan nila nang husto ang gawain ng Diyos kaya hindi ito halos makasulong, at sinasarhan nila ang tao nang kasinghigpit ng mga pader na tanso at bakal. Dahil napakaraming nagawang malubhang kasalanan at nagsanhi ng napakaraming kalamidad, may inaasahan pa ba silang iba maliban sa pagkastigo? May ilang panahon nang naghuhuramentado ang mga diyablo at demonyo sa lupa, at sinarhan na ng mga ito kapwa ang mga layunin at ang dugo ng puso ng Diyos kaya walang makalabas. Totoo, mortal na kasalanan ito! Paanong hindi mababalisa ang Diyos? Paanong hindi magagalit ang Diyos? Matindi na nilang hinadlangan at kinalaban ang gawain ng Diyos: Napakamapaghimagsik!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (7)