Bakit sinasabi na tinatahak ng lahat ng pastor at nakatatanda sa mga relihiyon ang landas ng mga Fariseo, at ano ang diwa nila

Abril 17, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Naging tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng mga tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at walang ni isa man sa kanila ang kaayon sa Akin. Mayroong yaong mga nagsasabing kaayon sila sa Akin, ngunit ang ganitong mga tao ay sumasamba lahat sa mga malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, laban silang lahat sa Akin at hindi kaayon sa Akin. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Biblia at nakahahanap nang walang pili ng “angkop” na mga siping kanilang walang katapusang binabasa at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon sa Akin ni ang kahulugan ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Biblia, ipinipilit nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakikita, at walang kakayahang makita, at inilalabas upang tingnan sa kanilang pagliliwaliw. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Biblia, at ipinapantay nila Ako sa Biblia; kung wala Ako wala ang Biblia, at kung wala ang Biblia wala Ako. Hindi sila nagbibigay ng pansin sa pag-iral o mga kilos Ko, ngunit sa halip ay nag-uukol ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Marami pa ang naniniwala na hindi Ko dapat gawin ang anumang bagay na nais Kong gawin maliban kung ito ay hinulaan ng Banal na Kasulatan. Nagbibigay sila ng sobrang pagpapahalaga sa Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga salita at mga pagpapahayag, hanggang sa ginagamit nila ang mga bersikulo mula sa Biblia upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging-magkaayon sa Akin o ang daan ng pagiging-magkaayon sa katotohanan, ngunit ang daan ng pagiging-magkaayon sa mga salita ng Biblia, at naniniwala silang anumang hindi umaayon sa Biblia ay, walang pagbubukod, hindi Ko gawain. Hindi ba ang ganitong mga tao ay ang masusunuring mga inapo ng mga Fariseo? Ginamit ng mga Fariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad ang pagiging-magkaayon sa Jesus ng panahong iyon, ngunit masusing sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at pagiging hindi ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang Jesus. Ano ang pinakadiwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Banal na Kasulatan habang hindi nagbibigay pansin sa kalooban Ko o sa mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, ngunit mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong naniwala sa Diyos, ngunit mga taong naniwala sa Biblia. Sa pinakadiwa, mga tagapagbantay sila ng Biblia. Upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, upang mapanatili ang dangal ng Biblia, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Biblia, humantong sila sa pagpako nila sa krus sa mahabaging Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Biblia, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Biblia sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog para sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Banal na Kasulatan, sa kamatayan. Hindi ba sila mga manghihibo sa bawat salita ng Banal na Kasulatan?

At ano naman ang mga tao ngayon? Dumating si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makamit nila ang pagpasok sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagdating ng katotohanan upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Biblia. Paanong matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung mapaghangad ng masama ang puso niya at laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag pinagniningning Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, ikinakaila niya ang pag-iral Ko nang may mas higit pang kalakasan. Naghahanap ang tao ng pagiging-magkaayon sa mga salita at pagiging-magkaayon sa Biblia, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sobrang walang halaga. Yaong mga tanging naghahangad lamang ng pagiging-magkaayon sa mga salita sa Biblia at tanging naghahangad lamang ng pagiging-magkaayon sa malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng hindi mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na inilalagay ang sarili Niya sa awa ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik tungo sa Akin—paano sila magiging kaayon sa Akin?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo

Mayroong mga nagbabasa ng Biblia sa mga malalaking iglesya at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may “mahuhusay na konstitusyon,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga nagpaparangal sa kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang mga nagpapakumbaba ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at, higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat kahit pa sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay walang patotoo ng Diyos, mapagmataas at puno ng kayabangan. Ang mga naniniwala na lubhang kakaunti ang kanilang kaalaman sa Diyos, sa kabila ng kanilang aktuwal na karanasan at praktikal na kaalaman tungkol sa Kanya, ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang mga ganitong tao ang tunay na may patotoo at tunay na magagawang perpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nakauunawa sa kalooban ng Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit sumasalungat sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at higit pa rito ay mayroong pag-iisip na makibahagi sa paghihimagsik, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nagbibigay ng hatol sa Diyos ay mga kalaban ng Diyos, at ang sinumang hindi kayang makilala ang Diyos o magpatotoo sa Kanya ay kalaban ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Naipangaral na namin ang ebanghelyo nang paulit-ulit sa maraming namumuno ng mga relihiyosong grupo, subalit paano man namin ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila tinatanggap ito. Bakit ganito? Dahil pumapangalawa ang kanilang kayabangan sa kanilang likas na pagkatao, at wala nang puwang ang Diyos sa puso nila! Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga taong nasa ilalim ng pamumuno ng ilang pastor sa relihiyosong mundo ay talagang masigasig; parang nasa piling nila ang Diyos!” Itinuturing mo bang pagkakaroon ng determinasyon ang pagiging masigasig? Gaano man katayog ang tono ng mga sermon ng mga pastor na iyon, kilala ba nila ang Diyos? Kung talagang nagpipitagan sila sa Diyos sa kanilang puso, hihikayatin ba nila ang mga tao na sumunod sa kanila at dakilain sila? Kokontrolin ba nila ang iba? Mangangahas ba silang hadlangan ang iba na hanapin ang katotohanan at siyasatin ang tunay na daan? Kung naniniwala sila na talagang kanila ang mga tupa ng Diyos, at dapat ay makinig silang lahat sa kanila, hindi ba nila itinuturing ang kanilang sarili bilang Diyos? Mas masahol pa ang gayong mga tao kaysa sa mga Fariseo. Hindi ba sila mga anticristo? Sa gayon, makokontrol sila ng kanilang likas na kayabangan na gawin ang mga bagay na nagkakanulo sa Diyos.

Hinango mula sa “Likas na Kayabangan ng Tao ang Ugat ng Kanyang Pagkontra sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Hindi ba maraming taong kumokontra sa Diyos at humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu dahil hindi nila alam ang iba’t iba at malawak na gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, dahil napakaliit ng taglay nilang kaalaman at doktrina para sukatin ang gawain ng Banal na Espiritu? Bagama’t mababaw ang mga karanasan ng gayong mga tao, mayabang at likas silang mapagpalayaw at hinahamak nila ang gawain ng Banal na Espiritu, binabalewala ang mga pagdidisiplina ng Banal na Espiritu at, bukod pa riyan, ginagamit nila ang kanilang mga walang-kuwentang lumang argumento upang “pagtibayin” ang gawain ng Banal na Espiritu. Nagkukunwari din sila, at lubos na kumbinsido sa sarili nilang natutuhan at kaalaman, at kumbinsido na nakakapaglakbay sila sa buong mundo. Hindi ba kinasusuklaman at inaayawan ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at hindi ba sila aalisin pagsapit ng bagong kapanahunan? Hindi ba mga kasuklam-suklam na taong mangmang at kulang sa kaalaman yaong mga humaharap sa Diyos at lantaran Siyang kinokontra, na nagpapakita lamang kung gaano sila katalino? Sa taglay nilang kaunting kaalaman tungkol sa Biblia, sinisikap nilang magwala sa “akademya” ng mundo; taglay ang isang mababaw na doktrina para turuan ang mga tao, sinusubukan nilang baligtarin ang gawain ng Banal na Espiritu at tinatangkang paikutin ito sa sarili nilang proseso ng pag-iisip. Dahil hindi nila alam ang mangyayari, sinusubukan nilang masdan sa isang sulyap ang 6,000 taon ng gawain ng Diyos. Walang anumang katinuan ang mga taong ito na dapat banggitin! Sa katunayan, kapag mas maraming kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, mas mabagal silang manghusga sa Kanyang gawain. Bukod pa riyan, katiting lamang ang binabanggit nilang kaalaman nila tungkol sa gawain ng Diyos ngayon, ngunit hindi sila padalus-dalos sa kanilang mga paghusga. Kapag mas kakaunti ang alam ng mga tao tungkol sa Diyos, mas mayabang sila at labis ang tiwala nila sa sarili at mas walang-pakundangan nilang ipinapahayag ang katauhan ng Diyos—subalit ang binabanggit nila ay teorya lamang, at wala silang ibinibigay na tunay na katibayan. Walang anumang halaga ang gayong mga tao. Yaong mga itinuturing na laro ang gawain ng Banal na Espiritu ay mga bobo! Yaong mga hindi maingat kapag nakakatagpo sila ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, na walang-tigil magsalita, mabilis humusga, malayang hinahayaan ang kanilang pag-uugali na tanggihan ang pagiging tama ng gawain ng Banal na Espiritu, at iniinsulto at nilalapastangan din ito—hindi ba mangmang ang gayon kawalang-galang ng mga tao ba tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Bukod pa riyan, hindi ba sila mga taong mayayabang, likas na mapagmataas at pasaway? Kahit dumating ang araw na tanggapin ng gayong mga tao ang bagong gawain ng Banal na Espiritu, hindi pa rin sila palalampasin ng Diyos. Hindi lamang nila hinahamak yaong mga gumagawa para sa Diyos, kundi nilalapastangan din nila ang Diyos Mismo. Ang gayong desperadong mga tao ay hindi patatawarin, sa kapanahunang ito man o sa darating na kapanahunan, at mapapahamak sila sa impiyerno magpakailanman! Ang gayong walang-galang at maluhong mga tao ay nagkukunwaring naniniwala sa Diyos, at kapag mas maraming taong ganito, mas malamang na suwayin nila ang mga atas administratibo ng Diyos. Hindi ba tumatahak sa landas na ito ang lahat ng mayabang na talagang hindi mapigil, at hindi pa sumunod kahit kanino kailanman? Hindi ba nila kinokontra ang Diyos bawat araw, ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos

Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng pagkontra ng mga Fariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila pinagsisikapan ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapitlamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Fariseong ito ay mga sutil, mayabang, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang mahiwatigan ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo kinalaban si Cristo? Nagagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung kinalaban mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay may kakayahang lahat na kinalaban si Jesus, na tanggihan si Jesus, na siraan Siya. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang itatwa at laitin. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at mas maraming tao ang huhusga kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagwasak ng mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtanggi sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang mapapala ninyo kay Jesus kung litung-lito kayo? Paano ninyo mauunawaan ang gawain ni Jesus kapag bumalik Siya sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag kilalanin ang inyong mga pagkakamali? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap ng katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng puting mga ulap, ay tiyak na lalapastangan sa Banal na Espiritu, at sila ang kategoryang pupuksain. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at nais lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa naman ninyo nasunod kailanman ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo natanggap kailanman ang katotohanang ipinahayag ni Jesus nang bumalik Siya sa katawang-tao. Ano ang panghahawakan ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbalik ni Jesus sakay ng puting ulap? Ang kataimtiman ba ninyo sa paulit-ulit na paggawa ng mga kasalanan, at pagkatapos ay pangungumpisal ng mga iyon, nang paulit-ulit? Ano ang iaalay ninyong sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sakay ng puting ulap? Ang mga taon ba ng paggawa kung saan dinadakila ninyo ang inyong sarili? Ano ang panghahawakan ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang likas na kayabangan, na hindi sumusunod sa anumang katotohanan?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

Naghuhuramentado na ang mga demonyo at masasamang espiritu sa lupa, at nasarhan na kapwa ang kalooban at matiyagang pagsisikap ng Diyos kaya hindi na sila mapasok. Totoo, mortal na kasalanan ito! Paanong hindi mababalisa ang Diyos? Paanong hindi mapopoot ang Diyos? Matindi na nilang hinadlangan at kinalaban ang gawain ng Diyos: Napakasuwail! Pati mga demonyong iyon, na malalaki at maliliit, ay kumikilos na parang mga asong-gubat sa mga sakong ng leon, at sumusunod sa daloy na kasamaan, nagbabalak na manggulo sa kanilang pagdaan. Batid ang katotohanan, sadya nila itong nilalabanan, nitong mga anak ng suwail! Para bang, ngayong nakaakyat na ang kanilang hari ng impiyerno sa luklukan ng hari, naging mayabang sila at kampante, na tinatrato ang lahat ng iba pa nang may pag-alipusta. Ilan sa kanila ang naghahanap sa katotohanan at sumusunod sa katuwiran? Silang lahat ay mga hayop, walang ipinagkaiba sa mga baboy at aso, namumuno sa isang pangkat ng mababahong langaw, iwinawagwag ang kanilang ulo nang buong kayabangan para batiin ang kanilang sarili at nagpapasimula ng lahat ng klase ng gulo,[1] sa gitna ng isang tumpok ng dumi ng hayop. Naniniwala sila na ang kanilang hari ng impiyerno ang pinakadakilang hari sa lahat, nang hindi natatanto na sila mismo ay katulad ng mababahong langaw. Subalit, sinasamantala nila ang kapangyarihan ng mga baboy at aso na taglay nila para siraan ng mga magulang ang pag-iral ng Diyos. Bilang maliliit na langaw, naniniwala sila na kasinlaki ng balyenang may-ngipin[2] ang kanilang mga magulang. Hindi nila alam na, samantalang sila man ay maliliit, ang kanilang mga magulang ay maruruming baboy at aso na milyun-milyong beses na mas malaki kaysa sa kanila. Walang kamalay-malay sa sarili nilang kaabahan, pinanghahawakan nila ang baho ng kabulukang nagmumula sa mga baboy at asong iyon para maghuramentado, walang saysay na iniisip na magpakarami para sa hinaharap na mga henerasyon, nang hindi nahihiya! May berdeng mga pakpak sa kanilang likod (tumutukoy ito sa pahayag nila na naniniwala sila sa Diyos), hambog sila at ipinagyayabang nila sa lahat ng dako ang sarili nilang kagandahan at pang-akit, samantalang lihim nilang inihahagis sa tao ang karumihan sa sarili nilang katawan. Bukod pa rito, labis silang nasisiyahan sa kanilang sarili, na para bang magagamit nila ang isang pares ng mga pakpak na kakulay ng bahaghari para itago ang sarili nilang karumihan, at sa pamamagitan nito ay isinisisi nila ang kanilang kaapihan sa pag-iral ng tunay na Diyos (tumutukoy ito sa nangyayari sa likod ng mga tagpo sa daigdig ng relihiyon). Paano malalaman ng tao na, nakabibighani man ang ganda ng mga pakpak ng isang langaw, ang langaw mismo ay isa ring maliit na nilikha, na puno ng dumi ang tiyan at balot ng mga mikrobyo ang katawan? Sa lakas ng mga baboy at aso na taglay nila para sa mga magulang, naghuhuramentado sila sa buong lupain (tumutukoy ito sa paraan kung saan umaasa ang mga opisyal ng relihiyon na umuusig sa Diyos sa malakas na suporta ng gobyerno ng bansa upang labanan ang tunay na Diyos at ang katotohanan), na walang pumipigil sa kanilang kalupitan. Parang nagbalik ang mga multo ng mga Judiong Fariseo na kasama ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon, pabalik sa dati nilang pugad. Nagsimula na sila ng isa pang pag-uusig, na itinutuloy ang kanilang gawain ilang libong taon na ang nakararaan. Ang grupong ito ng masasamang tao ay tiyak na masasawi sa lupa sa huli! Lalabas na, pagkaraan ng ilang libong taon, naging mas tuso at mandaraya pa ang karumal-dumal na mga espiritu. Palagi silang nag-iisip ng mga paraan upang lihim na pahinain ang gawain ng Diyos. Sa marami nilang panloloko at panlilinlang, nais nilang ulitin sa kanilang lupang-tinubuan ang trahedya ng ilang libong taong nakaraan, hanggang sa halos mapasigaw ang Diyos. Halos hindi Niya mapigil ang Kanyang Sarili na magbalik sa ikatlong langit upang lipulin sila.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7

Mga Talababa:

1. Ang “nagpapasimula ng lahat ng klase ng gulo” ay tumutukoy sa kung paano ginugulo, hinahadlangan at nilalabanan ng demonyong mga tao ang gawain ng Diyos.

2. Ang “mga balyenang may-ngipin” ay ginagamit nang patuya. Ito ay isang metapora para sa kung paanong napakaliliit ng mga langaw kaya mukhang kasinlaki ng mga balyena ang mga baboy at aso.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman