Na sinabing minsan ng Panginoong Jesus na: “Ako’y paroroon upang ipaghanda Ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung Ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon(Juan 14:2–3). Ang Panginoong Jesus ay nabuhay na mag-uli at nagbalik sa langit para maghanda ng lugar para sa atin, kaya ibig sabihin ay sa langit Siya naghanda ng lugar. Kung nagbalik na ang Panginoon, dapat ay para dalhin tayo sa langit, para dalhin muna tayo sa kalangitan upang salubungin ang Panginoon. Ang pinatototohanan n’yo ngayon ay na nagbalik na ang Panginoong Jesus, na naging tao Siya at nagsasalita at gumagawa sa lupa. Kaya pa’no Niya tayo dadalhin sa kaharian ng langit? Nasa lupa ba ang kaharian ng langit, o nasa langit?

Agosto 29, 2018

Sagot: Para maunawaan kung totoong nasa langit nga ang kaharian ng langit, o nasa lupa, unawain muna natin kung ano talaga ang kaharian ng langit. Alam ng lahat na ang “langit” ay madalas tumukoy sa selestiyal, sa Diyos. Kaya natural, ang kaharian ng langit ay tumutukoy sa kaharian ng Diyos, at naro’n ang kapangyarihan ng Diyos, ’yon ang kaharian ni Cristo. Kung gayon nasa lupa ba ang kaharian ng Diyos, o nasa langit? Tingnan muna natin kung ano ang sabi sa panalangin ng Panginoon. “Ama namin na nasa langit, sambahin nawa ang pangalan Mo. Dumating nawa ang kaharian Mo. Gawin nawa ang Iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa(Mateo 6:9–10). Napakalinaw ng mga salita ng Panginoon. Sabi ng Panginoon ipagdasal nating bumaba sa lupa ang kaharian ng Diyos, para maisagawa sa lupa ang Kanyang kalooban. Hindi sinabi ng Panginoong Jesus na itatag sa langit ang kaharian ng Diyos, at lalong hindi Niya sinabi na asahan at ipagdasal natin ang araw na madadala tayo sa langit. Kaya hindi ba taliwas sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang kalooban ang umasa palagi na madala sa langit para makapasok sa kaharian ng Diyos? Tingnan natin ang propesiya sa Pahayag: “At humihip ang ikapitong anghel; at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, at nagsasabi, ‘Ang kaharian ng sanlibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa Kanyang Cristo: at Siya’y maghahari magpakailan-kailanman’(Pahayag 11:15). “At ako si Juan, nakita ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Diyos, na nahahandang gaya ng isang babaeng kasintahan na nagagayakang talaga sa kanyang asawa. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at Siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan Niya, at ang Diyos din ay sasakanila, at magiging Diyos nila: At papahirin Niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na(Pahayag 21:2–4). Binanggit sa dalawang siping ’to ang dalawang bagay na ’to: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa Kanyang Cristo.” “Ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Diyos.” “Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao.” Tumutukoy ito sa pagtatatag ng kaharian ni Cristo sa lupa. Ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay para itatag ang kaharian ni Cristo sa lupa. Bago dumating ang malaking kalamidad sa lupa, gagawa ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay, at ang grupong ito ang magiging haligi ng kaharian ng Diyos. Sila ang mamumunong kaagapay ng Diyos sa kaharian ni Cristo. Sa kalamidad, ang mga taong nagawang perpekto ng Diyos ang tatao sa kaharian ng Diyos. Ang mga hindi tumanggap kailanman sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay ilalantad at aalisin ng Diyos, at walang bahagi sa kaharian ni Cristo. Ang mga propesiya sa Aklat ng Pahayag ay nagsisimula sa mga binigkas ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, at nagwawakas sa malaking kalamidad kapag naitatag ang kaharian ni Cristo sa lupa, at pupunta sa kawalang-hanggan ng bagong langit at bagong lupa. Kapag natupad at natapos ang lahat ng propesiyang ito, lubos na matutupad ang plano sa pamamahala ng Diyos. Kaya, lahat ng tumatanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, basta’t napadalisay at nagawang perpekto, ang tatao sa kaharian ni Cristo. Sila ang bubuuin ng Diyos sa grupo ng mga mananagumpay bago sumapit ang kalamidad. Sila ang mga nakikinig sa mga salita ng Diyos, at sumusunod at sumasamba sa Kanya. Pagdating ng malaking kalamidad, sila ang poprotektahan at aangkinin ng Diyos. Pero ang mga nabubuhay sa kadiliman at imahinasyon, na umaasam lang na madala sa kalangitan at sumalubong sa Panginoon pero hindi tinatanggap ang paghatol at pagdadalisay ni Cristo sa mga huling araw ay haharapin sa oras ng kalamidad. Karamihan sa mga tao ay pupuksain, at kakaunti ang babaling sa Diyos sa pamamagitan ng pagpipino ng kalamidad. Totoo ang lahat ng bagay na ito na malapit nang gawin ng Diyos.

Nangako ang Panginoong Jesus sa atin: “Ako’y paroroon upang ipaghanda Ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung Ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon(Juan 14:2–3). May mga hiwaga ngang nakapaloob sa mga salita ng Panginoon. Kung titingnan natin ang mga ito ayon sa sarili nating mga paniwala at imahinasyon, bumalik na nga ang Panginoong Jesus sa langit, kaya tiyak na naghahanda Siya ng lugar doon para sa atin. Kung gan’on ang tingin natin, maling-mali ’yon! Sa gawain ng Diyos, hindi tayo makakaasa sa sarili nating mga paniwala at imahinasyon dahil ang Kanyang gawain ay hindi maarok ng tao. Malilinawan lang natin ang mga bagay na ’to kapag natapos na Niya ito at nailatag na sa ating harapan. Hindi ko rin ito naunawaan hanggang sa tanggapin ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at nakita ko na ang mga detalye ng gawaing natapos Niya. Ang pagbalik ng Panginoong Jesus para ipaghanda tayo ng lugar ay para ipanganak tayo sa mga huling araw, matanggap natin ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, maranasan ang Kanyang paghatol, mapadalisay at magwang perpekto, at sa huli’y madala sa kaharian ni Cristo. Isipin n’yo ’yan. Naging tao ang Diyos at nakihalubilo sa sangkatauhan, nagpahayag ng katotohanan para gawin ang paghatol sa mga huling araw, at narinig na natin ang tinig ng Diyos at pinatayo tayo sa Kanyang harapan. Hindi ba Siya ito na sinasalubong tayo? Kinakain at iniinom at ninanamnam natin ang mga salita ng Diyos, nararanasan natin ang Kanyang gawain, at dumadalo tayo sa piging na kasama Siya. Hindi ba pagsalubong ’yan sa Panginoon? Pagdating ng araw na tapos na ang gawain ng Diyos, kapag napadalisay at naging perpekto na tayo, dadalhin tayo sa kaharian ng Diyos. Si Cristo ang namamahala sa kaharian ng Diyos, at sasambahin natin ang Diyos bilang Kanyang mga tao sa Kanyang kaharian. ’Di ba nito tinutupad ang propesiya ng Panginoon na, “kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon”?

Basahin natin ang ilang sipi mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, tingnan natin kung paano itatatag ang kaharian ni Cristo sa lupa, kung gaano kaganda ang kaharian. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Lumalawak ang kaharian sa gitna ng sangkatauhan, nabubuo ito sa gitna ng sangkatauhan, at nakatayo ito sa gitna ng sangkatauhan; walang puwersang maaaring magwasak sa Aking kaharian. … Naglalakad Ako ngayon sa piling ng Aking mga tao at naninirahan Ako sa piling nila. Ngayon, yaong may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, siguradong mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, siguradong gagamit sila ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahanap sa Akin, siguradong makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang talikuran ang kanilang sarili, siguradong papasok sila sa Aking nasasakupan at magmamana ng kasaganaan ng Aking kaharian. Aalalahanin Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, yayakapin Ko nang may kagalakan ang mga gumugugol para sa Akin, at pagkakalooban Ko ng mga kasiyahan ang mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nasisiyahan sa Aking mga salita; siguradong magiging mga haligi sila na magtataas ng tukod sa Aking kaharian, siguradong magkakaroon sila ng walang-kapantay na kasaganaan sa Aking bahay, at walang maikukumpara sa kanila. Nakatanggap na ba kayo ng mga pagpapalang ibinigay sa inyo? Naghanap na ba kayo ng mga pangakong ginawa para sa inyo? Siguradong kayo, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, siguradong hindi mawawala sa inyo ang liwanag na gumagabay sa inyo. Siguradong kayo ang magiging panginoon ng lahat ng nilikha. Siguradong kayo ay magiging mananagumpay sa harap ni Satanas. Siguradong tatayo kayo, sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, sa gitna ng napakaraming tao upang sumaksi sa Aking tagumpay. Siguradong kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at siguradong magniningning sa inyo ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19).

Habang nagaganap ang Aking mga salita, unti-unting nabubuo ang kaharian sa mundo at unti-unting bumabalik sa normalidad ang tao, at sa gayon ay naitatatag sa lupa ang kahariang nasa Aking puso. Sa kaharian, nababawi ng lahat ng tao ng Diyos ang buhay ng normal na tao. Wala na ang nagyeyelong taglamig, napalitan ng isang mundo ng mga lungsod ng tagsibol, kung saan tumatagal nang buong taon ang tagsibol. Hindi na nahaharap ang mga tao sa malungkot at miserableng mundo ng tao, at hindi na nila tinitiis ang maginaw na mundo ng tao. Hindi nag-aaway-away ang mga tao, hindi nagdidigmaan ang mga bansa, wala nang patayan at dugong dumadaloy mula sa patayan; lahat ng lupain ay puspos ng kaligayahan, at lahat ng dako ay punung-puno ng init ng pagmamahal ng mga tao sa isa’t isa. Kumikilos Ako sa buong mundo, Nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Hindi na nagiging sanhi ng pagtulo ng luha sa kanilang mukha ang sarili nilang kahinaan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagrereklamo ng paghihirap ang sinuman sa Akin. Ngayon, lahat kayo ay nabubuhay sa Aking harapan; bukas, mananatili kayong lahat sa Aking kaharian. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkakaloob Ko sa tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 20).

Sa sandaling ang gawain ng panlulupig ay nakumpleto na, dadalhin ang tao sa isang magandang mundo. Siyempre, ang buhay na ito ay magiging nasa lupa pa rin, ngunit ito ay ganap na hindi magiging kagaya ng buhay ng tao sa ngayon. Ito ang buhay na tataglayin ng sangkatauhan matapos na ang buong sangkatauhan ay nalupig na, magiging bagong simula ito para sa tao sa lupa, at ang pagkakaroon ng sangkatauhan ng gayong buhay ay magiging katibayan na ang sangkatauhan ay nakapasok na sa isang bago at magandang dako. Ito ang magiging simula ng buhay ng tao at Diyos sa lupa. Ang saligan ng gayong kagandang buhay ay dapat na, matapos na ang tao ay nadalisay at nalupig, siya ay nagpapasakop sa harap ng Lumikha. At kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling yugto ng gawain ng Diyos bago pumasok ang sangkatauhan sa kamangha-manghang hantungan. Ang gayong buhay ay ang buhay ng tao sa lupa sa hinaharap, ito ang pinakamagandang buhay sa lupa, ang uri ng buhay na kinasasabikan ng tao, ang uri na hindi pa kailanman nakamtan ng tao sa kasaysayan ng mundo. Ito ang huling kalalabasan ng 6,000 taon ng gawain ng pamamahala; ito ang lubhang kinasasabikan ng sangkatauhan, at ito rin ang pangako ng Diyos sa tao. Ngunit ang pangakong ito ay hindi kaagad mangyayari: Papasok lamang ang tao sa hantungan sa hinaharap sa sandaling natapos na ang gawain sa mga huling araw at siya ay ganap nang nalupig, iyon ay, sa sandaling ganap nang natalo si Satanas. Matapos mapino ang tao, mawawalan na siya ng makasalanang kalikasan pagkatapos, dahil nagapi na ng Diyos si Satanas, na nangangahulugan na hindi na makapanghihimasok ang mga puwersa ng kalaban, at wala nang mga puwersa ng kalaban na makakasalakay sa laman ng tao. At kaya magiging malaya at banal ang tao—siya ay nakapasok na sa kawalang-hanggan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan).

Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, natamo na ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at pagsuway sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama).

Gumagalaw Ako sa ibabaw ng lahat ng tao at nagmamasid Ako sa lahat ng dako. Walang anumang mukhang luma kailanman, at walang taong katulad ng dati. Namamahinga Ako sa trono, nakasandig Ako sa ibabaw ng buong sansinukob, at lubos Akong nasisiyahan, sapagkat nabawi na ng lahat ng bagay ang kanilang kabanalan, at muli Akong maninirahan nang payapa sa loob ng Sion, at ang mga tao sa lupa ay maaaring mamuhay nang mapayapa at kuntento sa ilalim ng Aking patnubay. Lahat ng tao ay pinangangasiwaan ang lahat ng bagay sa Aking kamay, lahat ng tao ay nabawi na ang dati nilang katalinuhan at orihinal na anyo; hindi na sila nababalutan ng alabok, kundi, sa Aking kaharian, sila ay banal na tulad ng jade, bawat isa ay may mukhang gaya ng sa banal na nasa puso ng tao, sapagkat ang Aking kaharian ay naitatag na sa mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 16).

Sa buong mundo, ang Diyos at ang tao lamang ang umiiral. Walang alikabok o dumi, at lahat ng bagay ay napanibago, gaya ng isang batang corderong nakahiga sa isang luntiang damuhan sa silong ng langit, nagtatamasa ng lahat ng biyaya ng Diyos. At dahil sa pagdating ng kaluntiang ito kaya sumisikat ang hininga ng buhay, sapagkat dumarating ang Diyos sa mundo upang mamuhay sa tabi ng tao sa buong kawalang-hanggan, tulad ng sinabi mula sa bibig ng Diyos na ‘muli Akong maninirahan nang payapa sa loob ng Sion.’ Ito ang simbolo ng pagkatalo ni Satanas, ito ang araw ng kapahingahan ng Diyos, at ang araw na ito ay pupurihin at ipapahayag ng lahat ng tao, at gugunitain ng lahat ng tao. Kapag nagpapahinga ang Diyos sa trono, iyon din ang panahon na tinatapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa lupa, at iyon ang mismong sandali na lahat ng hiwaga ng Diyos ay ipinapakita sa tao; ang Diyos at ang tao ay magkakasundo magpakailanman, hindi kailanman magkakabukod—gayon ang magagandang mga tagpo sa kaharian!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 16).

mula sa iskrip ng pelikulang Pananabik

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.