Ang isang aspeto ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus ay ang patawarin at pawalang-sala tayo mula sa ating mga kasalanan, samantalang ang isa pang aspeto ay ang pagkalooban tayo ng kapayapaan, kagalakan, at saganang biyaya. Naipakita sa atin nito na ang Diyos ay isang maawain at mapagmahal na Diyos. Pero, nagpapatotoo ka na ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, na ipinapahayag Niya ang katotohanan at hinahatulan at kinakastigo ang tao, tinatabasan at pinakikitunguhan ang tao, inilalantad ang tao at inaalis ang lahat ng uri ng masasamang tao, masasamang espiritu at mga anticristo, na pinapayagang makita ng mga tao na hindi pinagbibigyan ng matuwid na disposisyon ng Diyos ang anumang kasalanan. Bakit lubos na naiiba ang disposisyong ibinunyag sa gawain ng Panginoong Jesus sa disposisyong ibinunyag sa gawain ng Makapangyarihang Diyos? Paano ba talaga natin dapat unawain ang disposisyon ng Diyos?

Abril 19, 2018

Sagot:

Mula nang isagawa ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya, nakita na natin na puno Siya ng pagpaparaya at pagpapasensiya, pagmamahal at awa. Basta’t nananalig tayo sa Panginoong Jesus, mapapawalang-sala tayo at matatamasa natin ang biyaya ng Diyos. Dahil dito, natiyak na natin na ang Diyos ay isang mapagmahal at maawaing Diyos, na walang hanggan Niyang pinatatawad at pinawawalang-sala ang tao sa lahat ng kasalanan niya, at lagi tayong tinatrato ng Diyos na tulad sa pagtrato ng isang ina sa kanyang mga anak, may sukdulang pag-aaruga, hindi nagpapakita ng galit kailanman. Samakatuwid, maraming nalilito kapag nakikita nila ang Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw na nagpapahayag ng mga katotohanan at hinahatulan ang tao sa mabagsik na pananalita na napakalinaw na naglalantad nang walang-awa sa katiwalian ng tao; hindi nila nauunawaan kapag tinutuligsa at isinusumpa Niya ang masasamang tao, ang mga anticristo at Fariseo. Nadarama nila na hindi dapat gumamit ng mabagsik na pananalita ang Diyos sa paghatol sa tao. Ang katotohanan na kaya nating magkimkim ng ganitong uri ng mga pagkaunawa ay resultang lahat ng kawalan ng kaalaman tungkol sa likas na disposisyon ng Diyos. Anumang disposisyon ang inihahayag ng Diyos sa bawat kapanahunan ay palaging base sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at natutukoy rin ayon sa mga pangangailangan ng tiwaling sangkatauhan. Lahat ng iyon ay para sa kapakanan ng pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Kung nais nating maunawaan ang aspetong ito ng katotohanan at makamtan ang tunay na kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos, basahin natin ang ilang sipi mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang tungkulin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga pagkakasala, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at konsiderasyon. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at konsiderasyon. Noon, ang saganang mga bagay na nakasisiya na naranasan ng mga tao—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pag-asa kay Jesus na Tagapagligtas—ay umiral na lahat sa kapanahunan na nabuhay sila(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos).

Sa nakaraan, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay ang pagpapakita ng sukdulang pag-ibig at awa, anupa’t ibinigay ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng kabuuan ng sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Sa kasalukuyan, ang inyong kaligtasan ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, sa panahon ng pag-uuri ng bawat isa ayon sa uri; ang mga paraan ng inyong kaligtasan ay hindi pag-ibig o awa, bagkus ay pagkastigo at paghatol upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas(“Dapat Mong Isantabi Ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos Para sa Kaligtasan ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay ang pagkastigo at paghatol, na inihahayag Niya sa lahat ng masama, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto yaong mga tunay na nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay isasaayos ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang likas na katangian. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kahihinatnan ng sangkatauhan at ang kanilang hantungan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para ilantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at buong sangkatauhan ay isasaayos ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang mga masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sumasailalim ng kapangyarihan ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, yaong una sa lahat ay pinagsama-sama sa pagkastigo at paghatol, at inihahayag sa mga huling araw, ang lubos na mababago at magagawang ganap ang tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay mapaparusahan nang matindi ang lahat ng makasalanan. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon lang at nang walang kabuluhan. Kung ang kalalabasan ng tao ay naibunyag sa mga huling araw, naghahandog pa rin ang Diyos sa tao ng walang hanggang awa at pagmamahal, at kapag Siya ay mapagmahal pa rin sa mga tao, at hindi Niya hinahayaang sumailalim ang tao sa matuwid na paghatol, kundi Siya’y nagpapamalas ng pagpaparaya, pagtitiis at pagpapatawad, kapag patuloy pa rin Siyang nagpapatawad sa tao anuman ang matinding kasalanang nagagawa niya, na walang matuwid na paghatol, magwawakas ba ang lahat ng pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang sangkatauhan patungo sa tamang hantungan? Ipagpalagay, halimbawa, ang isang hukom na mapagmahal, mabuti at magiliw. Mahal niya ang mga tao sa kabila ng kanilang mga nagawang kasalanan, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kailan niya makakayang abutin ang makatwirang pasiya? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapag-uuri sa tao at makapagdadala sa kanila sa bagong mundo. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay magwawakas sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3).

Matapos basahin ang mga salitang ito mula sa Makapangyarihang Diyos, ano ang nakikita natin tungkol sa disposisyong ipinakita ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya? Anong disposisyon ang ipinapakita ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian? Magkapareho ba ang mga disposisyong ipinakita ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kaharian? Sa Kapanahunan ng Biyaya ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagtubos, kung saan ay inihayag Niya ang Kanyang awa at pagmamahal, ang Kanyang pagpaparaya at pagpapasensiya, pati na ang Kanyang pagpapatawad at pagpapawalang-sala. Sa pamamagitan lamang nito naging marapat ang tao na humarap sa Diyos at manalangin, ikumpisal ang kanilang mga kasalanan at magsumamo sa Kanya. Nang mapawalang-sala sila ng Diyos, natamasa na nila ang Kanyang biyaya at mga pagpapala. Noong mga huling bahagi ng Kapanahunan ng Kautusan, kahit alam na ng tao kung ano ang kasalanan at alam na nila na hindi pagbibigyan ng mga batas ng Diyos na si Jehova ang anumang kasalanan ng sangkatauhan, madalas pa rin silang lumabag sa mga batas na ito at nagkasala sa Diyos. Alinsunod sa hiniling ng batas at mga kautusan na gawin ng mga tao, dapat ay pinatay na silang lahat sa ilalim ng batas. Kaya nga naging tao ang Diyos at ipinako sa krus para sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya; pinasan Niya Mismo ang mga kasalanan ng sangkatauhan, pinawalang-sala at pinatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Tinatrato ng Panginoong Jesus ang Kanyang mga alagad na tulad ng pagtrato ng isang ina at ama sa sarili nilang mga anak: may napakalaking pagmamahal at ayaw isantabi ang sinuman na nanalig o sumunod sa Kanya. Inihahayag ng Panginoong Jesus ang Kanyang awa, pagmamahal, pagpapatawad, at pagpapawalang-sala upang maaaring makita natin kung gaano katotoo ang pagmamahal ng Diyos sa atin, gaano kamaawain at kabait ang Kanyang puso, at gaano Siya mapagsaalang-alang sa ating mga kahinaan. Binago ng Kanyang pagmamahal ang ating puso. Iyon lamang ang dahilan kaya tayo naging handang tanggapin ang Diyos, humarap sa Kanya upang magsisi sa ating mga kasalanan, at nagkamit ng pagtubos Niya. Hindi ba nadama na nating lahat ang awa at pagmamahal na ito mula sa Diyos? Ngayong narito na ang mga huling araw, alam na ng sangkatauhan na mayroong Diyos at natatamasa na nila nang husto ang Kanyang biyaya. Makakasiguro ang lahat na tinutubos at inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Sa panahong ito nagagawang tanggapin ng mga tao ang ilang katotohanan—panahon na para gawin ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol upang lubos na malinis at mailigtas ang tao. Dahil lubos nang narungisan ng pagtiwali ni Satanas ang sangkatauhan sa mga huling araw, lubha silang naging mayabang at buktot, makasarili at kasuklam-suklam, at lubhang masama at sakim. Walang makakapigil sa kanila para maging tanyag, kilala sa lipunan, at mayaman. Nawalan na sila ng konsiyensya at katwiran, wala silang anumang bahid ng pagkatao, at kahit nananalig sila sa Panginoon at napatawad na sa kanilang mga kasalanan, nananatili pa rin ang kanilang likas na pagiging makasalanan at satanikong disposisyon. Kaya nga hindi makakawala ang buong sangkatauhan sa pamumuhay sa kasalanan. Para lubos na mailigtas ang sangkatauhan mula sa mga kasamaang dulot ng kasalanan, naging tao na ang Diyos bilang Anak ng tao sa mga huling araw alinsunod sa mga pangangailangan ng tiwaling sangkatauhan; ipinahayag na Niya ang lahat ng katotohanan para linisin at iligtas ang sangkatauhan. Isinagawa na ng Diyos ang isang yugto ng gawain ng paghatol at pagkastigo, at kapag inilalabas Niya ang katotohanan para hatulan ang tao, magiging medyo malupit at nakakasugat ng damdamin ang Kanyang mga salita, na parang espadang magkabila ang talim, lubos na naghahayag ng Kanyang matuwid, maringal, at mabagsik na disposisyon. Dahil mismo sa paghatol at pagkastigo ng Diyos kaya natin nakikita na hindi pagbibigyan ng Kanyang katuwiran at kabanalan ang mga kasalanan ng sangkatauhan, at saka lamang tayo magpapatirapa sa lupa at wala tayong mapagtataguan. Pagkatapos ay napagtatanto natin na lubos tayong tiwali at nag-uumapaw sa disposisyon ni Satanas, na lubos tayong hindi nagpipitagan at sumusunod sa Diyos, ang ginagawa lamang natin ay maghimagsik at lumaban sa Kanya, at na hindi tayo nararapat na makapiling Siya. Sa pamamagitan lamang nito na tunay tayong nakakapagsisi at nalalaman ang tunay na wangis ng tao, at kung paano nararapat mamuhay nang makabuluhan ang isang tao. Sa pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, marami tayong nauunawaang katotohanan, nagkakaroon tayo ng pusong nagpipitagan at nagpapasakop sa Diyos, nalalaman natin ang kahalagahan ng patuloy na mamuhay sa katotohanan gayundin ang tunay na kabuluhan ng pagkilala at pagmamahal sa Diyos; hindi ba ito ang tunay na pagsisisi? Hindi ba ito ang tunay na pagbabago? Kung hindi sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, walang paraan para malinis at mailigtas ang mga tao na gayon katindi ang katiwalian.

Nakikita natin ngayon na ang kalalabasan ng pagliligtas at paggawang perpekto ng Diyos sa tao ay maaari lamang makamtan sa pamamagitan ng Kanyang paghatol at pagkastigo. Iyan ang totoo. Kung nagpatuloy ang mga bagay-bagay ayon sa iniisip natin, magpapakita ang Diyos sa mga huling araw ng mapagmahal at maawaing disposisyon na tulad ng Panginoong Jesus—makakamtan ba niyan ang kalalabasan ng paglilinis at pagliligtas sa sangkatauhan? Kung hindi isinagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, kailanma’y hindi natin tunay na mauunawaan ang angking disposisyon ng Diyos na higit sa lahat ay nakabase sa Kanyang katuwiran. Sa gayon ay hindi natin matatanggap ang katotohanan, hindi tayo mapapadalisay o maliligtas, o magagawang perpekto. Dagdag pa riyan, walang paraan para ilantad at alisin ang mga walang-pananalig na hindi naghahanap sa katotohanan o ang mga anticristong iyon na namumuhi sa katotohanan at mga kaaway ng Diyos. Ang matuwid na paghatol lamang ng Diyos ang lubos na makapaglalantad sa tao at makapagbubukod sa bawat tao ayon sa kanilang uri. Ito lamang ang lubos na makapagtatapos ng gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbasa sa salita ng Makapangyarihang Diyos malalaman natin na ang disposisyong ipinapahayag ng Diyos sa bawat kapanahunan ay natutukoy base sa mga pangangailangan ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Kaya naman, hindi natin maaaring ilimita ang disposisyon ng Diyos at ang Kanyang kabuuan base sa disposisyong ipinapakita Niya sa anumang kapanahunan. Dahil nilimitahan ng mga Fariseo ang pangalan ng Diyos at mahigpit na sinunod isang hanay ng mga patakaran kaya nilabanan at tinuligsa nila ang Panginoong Jesus, na naging dahilan para parusahan at sumpain sila ng Diyos. Kailangan nating malaman ang disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pag-unawa sa tatlong yugto ng Kanyang gawain. Ito lamang ang tumpak na paraan para magawa ito, at naaayon ito sa kalooban ng Diyos. Kung ipinalagay natin na ang Diyos ay mapagmahal at maawain base lamang sa disposisyong ipinakita ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, paano iyan magiging tunay na kaalaman tungkol sa Diyos? Malaking kahangalan at kamangmangan ang paraang iyan ng pagkikilala sa Diyos. Naunawaan ng lahat ng Fariseo ang Biblia, ngunit bakit hindi nila nakilala ang Diyos? Iyon ay dahil inilarawan nila ang Diyos base lamang sa isang yugto ng Kanyang gawain, kaya nang pumarito ang Panginoong Jesus para isagawa ang Kanyang gawain, ipinako nila Siya sa krus. Ipinapakita nito kung gaano kadali maaaring limitahan at kalabanin ang Diyos kung hindi natin Siya kilala.

—mula sa Mga Sagot sa mga Tanong sa Screenplay

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply