Nagbibigay ka ng patotoo na nagbalik na ang Panginoon sa katawang-tao para ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng paghatol at pagdadalisay ng tao sa mga huling araw, pero naniniwala ang mga relihiyosong pastor at elder na babalik Siya na nakasakay sa mga ulap, at na lahat ng nananalig ay magbabago ng anyo sa isang iglap at madadala sa mga ulap para salubungin ang Panginoon. Tulad ng sinabi ni Pablo: “Sapagka’t ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula doon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo: Na siyang magbabago ng katawan ng ating pagkamababa, upang maging katulad ng katawan ng Kaniyang kaluwalhatian, ayon sa paggawa na maipagpapasuko Niya sa lahat ng mga bagay sa Kaniya” (Filipos 3:20–21). Ang Panginoon ay makapangyarihan sa lahat at walang anumang hindi Niya magagawa. Mababago at magagawa tayong dalisayin ng Diyos sa isang salita, kaya bakit kakailanganin pa rin Niyang maging tao para ipahayag ang katotohanan at isagawa ang isang yugto ng gawain ng paghatol at pagdadalisay sa tao?

Abril 19, 2018

Sagot: Bawat yugto ng gawain ng Diyos ay hindi maaarok ng mga taong tulad natin. Ni hindi mauunawaan ng sangkatauhan ang mga propesiya ng Diyos hanggang sa matupad ang mga ito. Ano ang ibig sabihin niyan sa atin? Ibig sabihin ay walang makakaarok sa karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nang magpakita ang Panginoong Jesus para gumawa, wala ni isa sa mga taong tulad natin ang makaaarok dito. Sa Kapanahunan ng Kaharian kapag ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, wala ring nakakaalam dito. Samakatwid, hindi naiisip ng sangkatauhan na magkakatawang-tao ang Diyos para ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Kapag natapos ang gawain ng Diyos at sumapit ang malalaking kalamidad, madarama ng sangkatauhan na natupad na ang mga salita ng Diyos. Magiging huli na ang lahat para magsisi. Maaari lang silang managhoy at magngalit ng kanilang mga ngipin sa gitna ng mga kalamidad. Patungkol sa kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw para linisin at iligtas ang mga tao, kung paano gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay—ang mga unang bunga, mas mauunawaan natin ito matapos basahin ang mga talatang ito ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kailangan ninyong makita ang kalooban ng Diyos at makita na ang gawain ng Diyos ay hindi kasing-payak ng paglikha sa mga kalangitan at lupa at sa lahat ng bagay. Dahil ang gawain sa kasalukuyan ay ang baguhin ang mga nagawa nang tiwali, na naging labis na manhid, at dalisayin ang mga nilikha na pagkatapos ay inimpluwensyahan ni Satanas, hindi para likhain sina Adan o si Eva, lalong hindi upang gawin ang liwanag o likhain ang lahat ng uri ng mga halaman at hayop. Ang Kanyang gawain ngayon ay gawing dalisay ang lahat ng nagawa nang tiwali ni Satanas upang sila ay mabawi at maging kung anong mayroon Siya at maging Kanyang kaluwalhatian. Ang ganoong gawain ay hindi kasing-payak ng inaakala ng tao na paglikha ng kalangitan at lupa at ng lahat ng bagay, at hindi rin ito katulad ng gawaing pagsumpa kay Satanas sa walang-hanggang kalaliman gaya ng inaakala ng tao. Sa halip, ito ay upang baguhin ang tao, upang yaong negatibo ay gawing positibo at upang gawin kung anong mayroon Siya yaong hindi naman sa Kanya. Ito ang kuwentong napapaloob sa yugtong ito ng gawain ng Diyos. Kailangan ninyo itong mapagtanto, at hindi dapat pasimplehin nang husto ang mga bagay-bagay. Ang gawain ng Diyos ay hindi katulad ng anumang karaniwang gawain. Ang hiwaga nito ay hindi maiisip ng utak ng tao, at ang karunungan nito ay hindi makakamit ng gayon. Sa yugtong ito ng Kanyang gawain, hindi nililikha ng Diyos ang lahat ng bagay, at hindi Niya winawasak ang mga iyon. Sa halip, binabago Niya ang lahat ng Kanyang nilikha at dinadalisay ang lahat ng bagay na nadungisan na ni Satanas. Kaya, nararapat na simulan ng Diyos ang gawain na lubhang napakalaki, at ito ang buong kahalagahan ng gawain ng Diyos. Mula sa mga salitang ito, naniniwala ka ba na ang gawain ng Diyos ay napakapayak?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?).

Ang laman ng tao ay nagawang tiwali na ni Satanas, at lubusang binulag, at matinding napinsala. Ang pinakapangunahing dahilan kung bakit gumagawa ang Diyos nang personal sa katawang-tao ay dahil ang layon ng Kanyang pagliligtas ay ang tao, na galing sa katawan, at dahil si Satanas ay gumagamit din ng laman ng tao upang abalahin ang gawain ng Diyos. Ang paglaban kay Satanas ang talagang gawaing panlulupig sa tao, at kasabay nito, ang tao din ang layon ng pagliligtas ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay napakahalaga. Ginawang tiwali ni Satanas ang laman ng tao, at ang tao ay naging sagisag ni Satanas, at naging layon upang talunin ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang gawain ng pakikipaglaban kay Satanas at pagliligtas sa buong sangkatauhan ay nangyayari sa lupa, at ang Diyos ay dapat maging tao upang gawin ang paglaban kay Satanas. Ito ang gawain na sukdulang praktikal(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao).

Ang pinakaunang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay nagapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang produkto ng buong pamamahala ng Diyos, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang maagaw siya mula sa mga kamay ni Satanas, ibig sabihin na ang tao ay kailangang mabawi pagkatapos ng pagkabihag ni Satanas. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao, mga pagbabagong nagpapanumbalik sa kanyang orihinal na katinuan, at sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay maaagaw pang muli mula sa mga kamay ni Satanas. Kung napapalaya ang tao mula sa impluwensya at pagkagapos ni Satanas, mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng buong labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanang ito, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makukumpleto na(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan).

Sa gawain ng mga huling araw, ang salita ay mas makapangyarihan kaysa pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, at ang awtoridad ng salita ay nahihigitan yaong sa mga tanda at mga himala. Inilalantad ng salita ang lahat ng tiwaling disposisyon na malalim na nakabaon sa puso ng tao. Hindi mo kayang kilalanin ang mga ito sa iyong sarili lamang. Kapag ang mga ito ay naibunyag sa iyo sa pamamagitan ng salita, natural na mapapagtanto mo ito; hindi mo maitatanggi ang mga iyon, at lubos kang makukumbinsi. Hindi ba ito ang awtoridad ng salita? Ito ang resultang nakamit sa pamamagitan ng kasalukuyang gawain ng salita. Samakatuwid, ang tao ay hindi maaaring ganap na mailigtas mula sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling ng sakit at pagpapalayas ng mga demonyo at hindi maaaring magawang ganap sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang awtoridad upang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo ay nagbibigay lamang ng biyaya sa tao, nguni’t ang laman ng tao ay nabibilang pa rin kay Satanas at ang tiwaling maka-satanas na disposisyon ay nananatili pa rin sa kalooban ng tao. Sa madaling salita, yaong hindi nagawang malinis ay kabilang pa rin sa kasalanan at karumihan. Tanging pagkatapos na nagawang malinis ang tao sa pamamagitan ng pagpapasya ng salita ay maaari siyang makamit ng Diyos at maging banal. … Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin sa pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4).

…………

Matapos basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nakikita nating may katotohanan at hiwaga sa likod ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw sa pagpapahayag ng katotohanan at paggawa ng gawain ng paghatol para linisin at gawing perpekto ang tao sa halip na baguhin ang ating anyo sa isang salita. Ang paraan ng paglilinis at paggawang perpekto ng Diyos sa tao sa pamamagitan ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw ay hindi talaga kasingsimple ng inaakala natin. Nagawang buhayin ng Panginoong Jesus si Lazaro mula sa mga patay sa isang salita. Pero para linisin at baguhin ng Diyos ang anyo ng sangkatauhan na lubos na ginawang tiwali ni Satanas para kumalaban at kumilos laban sa Diyos, para maging sangkatauhan na nakakaunawa, sumusunod at sumasamba sa Diyos, para ang sangkatauhang ginawang tiwali at buhay na mga diyablo sa loob ng isang milenyo ay maging sangkatauhan na taglay ang katotohanan at pagkatao sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon, isang proseso ito ng pakikibaka kay Satanas. Simpleng bagay ba ito? Kung bubuhayin ng Diyos ang mga patay at babaguhin ang anyo ng ating katawan sa isang salita, mapapahiya ba si Satanas? Sa mga huling araw, dahil ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon, nakaugat na nang malalim ang satanikong kalikasan at disposisyon ni Satanas sa atin. Lalo tayong naging mayabang, makasarili, madaya, masama at sakim. Sa pagkasuklam at pagkamuhi sa katotohanan, matagal na tayong naging kaaway ng Diyos, ang tipo ni Satanas na kumakalaban at nagtataksil sa Diyos. Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay talagang isang pakikipaglaban kay Satanas. Tulad ng sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang laman ng tao ay ang pinakamatinding nagawang tiwali, at ito ay naging isang bagay na lumalaban sa Diyos, na lantaran pang sumasalungat at tinatanggihan ang pag-iral ng Diyos. Ang tiwaling laman na ito ay talagang masyadong hindi mapaamo, at walang mas mahirap na pakitunguhan o baguhin kaysa sa tiwaling disposisyon ng laman. Pumapasok si Satanas sa laman ng tao upang lumikha ng gulo, at ginagamit ang laman ng tao upang abalahin ang gawain ng Diyos, at pahinain ang plano ng Diyos, at sa gayon ang tao ay naging si Satanas, at ang kaaway ng Diyos. Upang mailigtas ang tao, dapat muna siyang lupigin. Ito ang dahilan kung bakit humaharap ang Diyos sa hamon at pumapasok sa katawang-tao upang gawin ang gawain na balak Niyang gawin, at labanan si Satanas. Ang Kanyang layunin ay ang kaligtasan ng sangkatauhan, na naging tiwali, at ang pagkatalo at pagkalipol ni Satanas, na naghihimagsik laban sa Kanya. Natatalo Niya si Satanas sa pamamagitan ng Kanyang gawaing panlulupig sa tao, at kasabay na inililigtas ang tiwaling sangkatauhan. Kung kaya, nalulutas ng Diyos ang dalawang problema kaagad(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao).

Medyo malaki ang paghihirap ng Diyos na baguhin ang anyo ng sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas para kalabanin ang Diyos, at gawing isang sangkatauhan na tunay na sumusunod sa Diyos at kaayon ng Diyos. Mas mahirap pa ito kaysa paglikha ng Diyos sa kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay mula sa wala. Lahat ay natupad sa isang salita. Pero para linisin at baguhin ang anyo ng sangkatauhan na lubos ng ginawang tiwali ni Satanas, kailangang ipahayag ng Diyos bilang katawang-tao ang maraming katotohanan para hatulan at linisin ang tao. Nangangailangan ng mahabang proseso para maranasan natin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos para maalis sa atin ang katiwalian at malinis tayo. Ito rin ang proseso ng pakikipaglaban ng Diyos kay Satanas. Naging tiwali na ang sangkatauhan at naging mga buhay na diyablo, at ayon sa orihinal na intensyon ni Satanas, makukumbinsi lang ito kung maibabalik ng Diyos ang dating pagkatao ng mga buhay na diyablong ito. Kaya sinusunod ng Diyos ang Kanyang orihinal na plano sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao upang makipaglaban sa mga kampon ni Satanas, una sa pagpapahayag ng katotohanan para lupigin ang tao, na susundan ng paglilinis at paggawang perpekto sa tao gamit ang katotohanan. Kapag naunawaan natin ang katotohanan at nakilala ang Diyos, mahihiwatigan natin na totoong ginawa tayong tiwali ni Satanas. Sa gayon ay magsisimula tayong kamuhian si Satanas, talikuran at isumpa si Satanas, at lubos na magrebelde laban kay Satanas at bumalik sa Diyos sa huli. Sa ganitong paraan, naagaw na tayo ng Diyos mula sa mga kamay ni Satanas. Tayo, ang sangkatauhang naligtas, ang naagaw ng Diyos nang matalo Niya si Satanas. Sa paggawa lang na katulad nito talagang matatalo at mahahamak ng Diyos si Satanas, na siya ring kuwentong nakapaloob sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Nauunawaan ba natin ang realidad ng gawain ng Diyos sa mga huling araw? Kahit nagtatagal lang nang dalawampu hanggang tatlumpung taon ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, gumawa Siya ng isang grupo ng mga mananagumpay na siyang mga unang bungang natamo at natamasa ng Diyos. Kumpara sa kasaysayan ng sangkatauhan, masasabi ba natin na isang kisap-mata lang ang dalawampu o tatlumpung taong ito? Sinasabi sa Biblia, “ang isang araw sa Panginoon ay katulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay katulad ng isang araw” (2 Pedro 3:8). Kung sinasabi roon na kapag nagbalik ang Panginoon sa mga huling araw, babaguhin Niya ang ating anyo sa isang sandali, sa isang kisap-mata, angkop na angkop din itong sabihin tungkol sa mga resulta ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, na siya ring paraan para matamo ito. Nguni’t sinabi ni Pablo, “Sapagka’t ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula doon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo: Na siyang magbabago ng katawan ng ating pagkamababa, upang maging katulad ng katawan ng kaniyang kaluwalhatian, ayon sa paggawa na maipagpapasuko niya sa lahat ng mga bagay sa kaniya” (Filipos 3:20–21), na madaling bigyang-kahulugan ng tao na ang mga taong nananalig sa Panginoon ay agad magbabagong-anyo at aangat sa alapaap para salubungin ang Panginoon pagbalik Niya. Napakaraming taong nakatunganga lang at naghihintay na bumaba ang Panginoon sa ulap para baguhin ang kanilang anyo at dalhin sila sa langit. Hindi ba nakakaligaw sa atin ang gayong kasabihan? Hindi tayo maaaring mapuno ng mga haka-haka at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Bawat yugto ng gawain ng Diyos ay praktikal, nahahawakan at nakikita ng tao. Ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao ang praktikal na Diyos na pumaparito sa mundo upang iligtas ang tao sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan. Kung hindi natin siya tatanggapin, hindi ba tayo ang mga naghihimagsik at lumalaban sa Diyos? Paano matatanggap ng gayong mga tao ang papuri at mga pagpapala ng Diyos?

—mula sa Mga Klasikong Tanong at Sagot Tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.