Naniniwala ang relihiyosong mundo na ang lahat ng kasulatan ay binigyang-inspirasyon ng Diyos at ito ang lahat ng mga salita Niya; mali ang paniniwalang ito

Abril 17, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Biblia ay Diyos, at ang Diyos ay Biblia. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Biblia ay siyang mga tanging salita na binigkas ng Diyos, at lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat ng animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay nagmumula sa inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pagkaunawa ng tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng isang tao, resulta lahat ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Filadelfia, Galacia, at iba pang mga iglesia. Sa gayon, ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga tuwirang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagampanan ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng maraming mga ginawa ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ang mga ito para sa lahat na kapatid sa Panginoon, upang sundin ng mga kapatid sa iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at sumunod sila sa daan ng pagsisisi ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginampanan niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at sa gayon ay kailangan niyang tanggapin ang responsabilidad para sa mga iglesia, at kailangan niyang gampanan ang gawain ng mga iglesia, kinailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga sulat para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi nito maaaring katawanin ang Diyos. Napakasamang pagkaunawa, at napakalaking kalapastangan sa Diyos, ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo ’yan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga isinulat ay para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga sulat para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay isa lang siyang naglilingkod na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Sa gayon, hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ang mga salita ng Banal na Espiritu, ito ang mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay iyong kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya makakapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang mapagwalang-bahalang bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga kaisipan ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paano hindi mababahiran ang mga ito ng mga kaisipan ng tao? Isinulat niya ang mga sulat para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sarili niyang kaalaman. Halimbawa, may sulat si Pablo sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng kaiba, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Sa gayon, masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao—hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katumbas ng mga talambuhay ng kamakailang espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng kamakailang espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring tuwirang katawanin ang Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Hindi lahat ng nasa Biblia ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Biblia ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga hula ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Sa maraming mga aklat sa Biblia matatagpuan ang mga kuru-kuro ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pag-unawa ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pagkaunawang iyon—pero hindi pa rin masasabi na sila ay tamang-tama na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang hango sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga hula ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya ng mga katulad nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa tuwirang tagubilin ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na tuwirang itinagubilin ni Jehova.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ginamit ni Jehova ay nagwika ng mga propesiya para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at sinabi ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang lahat ng mga taong ito na ginamit ng Diyos ay binigyan ni Jehova ng Espiritu ng propesiya. Nakita nila ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig nila ang Kanyang tinig, at dahil dito, sila’y nabigyan Niya ng inspirasyon at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay paghahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon upang magabayan ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi Siya nagkatawang-tao, at hindi nakita ng mga tao ang Kanyang mukha. Kung kaya’t, gumamit Siya ang maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at angkan ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila ay isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang ipakita sa iba. Ginamit ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang sabihin ang gawain ng hinaharap o ang gawain na gagawin pa sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagiging kamangha-mangha at ang karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay medyo naiiba sa ibang mga aklat ng Biblia. Ang mga ito ay mga salitang binigkas o isinulat ng mga nabigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nakakita ng mga pangitain o tinig mula kay Jehova. Maliban sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay binubuo ng mga talaan na ginawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi maipanghahalili sa mga sinabi ng mga propeta na ginamit ni Jehova, kung paanong ang Genesis at Exodus ay hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago pa maisagawa ang gawain, samantalang ang ibang aklat ay isinulat pagkatapos nito, na siya namang kayang gawin ng mga tao. Ang mga propeta ng panahong iyon ay binigyang-inspirasyon ni Jehova at nagsabi ng ilang propesiya, marami silang binigkas na mga salita, at nagbigay sila ng propesiya tungkol sa mga bagay ng Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin ang pagkawasak ng mundo sa mga huling araw—ang gawain na binalak gawin ni Jehova. Nakatala sa lahat ng mga natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. Dahil dito, kapag binabasa mo ang Biblia, ang binabasa mo higit sa lahat ay kung ano ang ginawa ni Jehova sa Israel. Pangunahing nakatala sa Lumang Tipan ng Biblia ang gawain ni Jehova ng paggabay sa Israel, ang paggamit Niya kay Moises upang gabayan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, na nag-alis ng mga kadena ng Paraon sa kanila, at nagdala sa kanila sa ilang, matapos noon ay pumasok sila sa Canaan at ang lahat ng sumunod dito ay tungkol sa kanilang buhay sa Canaan. Ang lahat bukod dito ay mga tala ng gawain ni Jehova sa buong Israel. Ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, ito ang gawaing ginawa ni Jehova sa lupain kung saan nilikha Niya sina Adan at Eba. Mula nang opisyal na sinimulan ng Diyos na pamunuan ang mga tao sa daigdig pagkaraan ni Noe, ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain sa Israel. At bakit walang nakatala na kahit anong gawain sa labas ng Israel? Dahil ang lupain ng Israel ay ang duyan ng sangkatauhan. Sa simula, walang ibang bansa maliban sa Israel, at si Jehova ay hindi gumawa sa anupamang lugar. Sa ganitong paraan, ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Biblia ay pulos gawain ng Diyos sa Israel noong panahong iyon. Ang mga salitang binigkas ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ang kanilang mga salita ay nagbanggit ng iba pa Niyang mga gawain sa daigdig, binanggit ng mga ito ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, ang lahat ng iba pa ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova noong panahong iyon.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Ngayon, sino sa inyo ang nangangahas na magsabi na ang lahat ng salitang sinabi ng mga ginamit ng Banal na Espiritu ay mula sa Banal na Espiritu? Mayroon bang nangangahas sabihin ang gayong mga bagay? Kung sinasabi mo nga ang gayong mga bagay, bakit iwinaksi ang aklat ng propesiya ni Ezra, at bakit ganoon din ang ginawa sa mga aklat ng mga sinaunang banal at propeta? Kung ang lahat ng iyon ay mula sa Banal na Espiritu, bakit kayo nangangahas gumawa ng ganoong mga pabago-bagong pagpili? Karapat-dapat ka bang pumili ng gawain ng Banal na Espiritu? Marami ring kwento mula sa Israel ang iwinaksi. At kung naniniwala kang ang mga kasulatang ito mula sa nakaraan ay pawang mula sa Banal na Espiritu, kung gayon bakit iwinaksi ang ilan sa mga aklat? Kung ang lahat ng ito ay mula sa Banal na Espiritu, ang lahat ng ito ay dapat pinanatili, at ipinadala sa mga kapatid sa mga iglesia upang basahin. Hindi dapat pinili at iwinaksi ang mga ito batay sa kagustuhan ng tao; mali ang gawin iyon. Ang pagsasabi na ang mga karanasan nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kanilang mga sariling kabatiran ay hindi nangangahulugan na ang kanilang mga karanasan at kaalaman ay nagmula kay Satanas, kundi na mayroon lamang silang mga bagay na nagmula sa kanilang mga sariling karanasan at kabatiran. Ang kanilang kaalaman ay ayon sa nangyari sa kanilang mga aktwal na karanasan noong panahong iyon, at sino ang siguradong makapagsasabi na nagmula ang lahat ng ito sa Banal na Espiritu? Kung nagmula sa Banal na Espiritu ang lahat ng Apat na Ebanghelyo, bakit magkakaiba ang sinabi nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan tungkol sa gawain ni Jesus? Kung hindi kayo naniniwala rito, tingnan ninyo ang mga tala sa Biblia kung paanong tatlong beses na itinanggi ni Pedro ang Panginoon: Magkakaiba ang lahat ng ito, at bawat isa ay mayroong kanya-kanyang mga katangian. Maraming mangmang ang nagsasabing, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isa ring tao, kaya ang mga salita ba na Kanyang sinasabi ay maaaring ganap na mula sa Banal na Espiritu? Kung ang mga salita nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kalooban ng tao, ang mga salita bang Kanyang sinasabi ay hindi talaga nahaluan ng kalooban ng tao?” Ang mga taong nagsasabi ng ganoong bagay ay mga bulag at mangmang! Basahin ninyo nang mabuti ang Apat na Ebanghelyo; basahin ninyo kung ano ang kanilang itinala tungkol sa mga bagay na ginawa ni Jesus, at ang mga salitang sinabi Niya. Ang bawat ulat ay talagang magkakaiba, at ang bawat isa ay mayroong sarili nitong pananaw. Kung ang isinulat ng mga may-akda ng mga aklat na ito ay nagmula lahat sa Banal na Espiritu, dapat magkakatulad at hindi pabago-bago ang lahat ng ito. Kaya bakit mayroong mga pagkakaiba? Hindi ba lubhang hangal ang mga tao para hindi ito makita?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Ang Ebanghelyo ni Mateo sa Bagong Tipan ay itinatala ang talaangkanan ni Jesus. Sa simula, sinasabi rito na si Jesus ay inapo ni Abraham at ni David, at anak ni Jose; pagkatapos ay sinabi rito na ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at ipinanganak ng isang birhen—ibig sabihin ay hindi Siya anak ni Jose o inapo ni Abraham at ni David. Gayunman, iginigiit ng talaangkanan na iugnay si Jesus kay Jose. Pagkatapos, sinimulang itala ng talaangkanan ang proseso kung paano isinilang si Jesus. Sabi rito, si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na Siya ay ipinanganak ng isang birhen, at hindi Siya anak ni Jose. Pero sa talaangkanan malinaw na nakasulat na si Jesus ay anak ni Jose, at dahil isinulat ang talaangkanan para kay Jesus, apatnapu’t dalawang henerasyon ang nakatala rito. Pagdating sa henerasyon ni Jose, dali-dali nitong sinabi na si Jose ang asawa ni Maria, mga salita na nilayong patunayan na si Jesus ay inapo ni Abraham. Hindi ba pagsalungat ito? Ang talaangkanan ay malinaw na isinasaad ang kanunu-nunuan ni Jose, malinaw na ito ang talaangkanan ni Jose, pero iginigiit ni Mateo na ito ang talaangkanan ni Jesus. Hindi ba nito ikinakaila ang katunayang ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Samakatuwid, hindi ba’t ang talaangkanang ginawa ni Mateo ay ideya ng tao? Nakakatawa ito! Sa ganitong paraan malalaman mo na ang aklat na ito ay hindi lubusang nagmula sa Banal na Espiritu. Marahil, may ilang tao na nag-aakala na kailangang may talaangkanan ang Diyos sa lupa, kaya itinalaga nila si Jesus bilang ika-apatnapu’t dalawang henerasyon ni Abraham. Talagang nakakatawa ’yan! Matapos dumating sa lupa, paano nagkaroon ng talaangkanan ang Diyos? Kung sinasabi mong may talaangkanan ang Diyos, hindi ba n’yo Siya inihahanay sa mga nilalang ng Diyos? Sapagka’t ang Diyos ay hindi nagmula sa lupa, Siya ang Panginoon ng sangnilikha, at bagama’t Siya ay may katawang-tao, hindi magkatulad ang diwa Niya at ng tao. Paano mo ihahanay ang Diyos na katulad ng uri ng nilalang ng Diyos? Si Abraham ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos; siya ang pakay ng gawain ni Jehova nang panahong iyon, isa lamang siyang tapat na lingkod na sinang-ayunan ni Jehova, at isa siya sa bayan ng Israel. Paano siya magiging ninuno ni Jesus?

Sino ang sumulat ng talaangkanan ni Jesus? Si Jesus ba Mismo ang sumulat niyon? Personal bang sinabi ni Jesus sa kanila na, “Isulat ang Aking talaangkanan”? Itinala ito ni Mateo matapos ipako si Jesus sa krus. Sa panahong iyon, maraming nagawa si Jesus na hindi maunawaan ng Kanyang mga disipulo, at hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Nang makaalis na Siya, sinimulang mangaral at gumawa ng mga disipulo sa lahat ng dako, at para sa kapakanan ng yugtong iyon ng gawain, sinimulan nilang isulat ang mga sulat at mga aklat ng ebanghelyo. Ang mga aklat ng ebanghelyo sa Bagong Tipan ay naitala dalawampu hanggang tatlumpung taon matapos ipako sa krus si Jesus. Dati-rati, Lumang Tipan lang ang binabasa ng bayan ng Israel. Ibig sabihin, sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya Lumang Tipan ang binabasa ng mga tao. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ang Kanyang gawain ng mga tao matapos Siyang mabuhay muli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, karagdagan pa rito ang mga sulat nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang mahigit tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, mapiling tinipon ng mga sumunod na henerasyon ang mga dokumentong ito, at saka lamang nagkaroon ng Bagong Tipan ang Biblia. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makumpleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, at sumulat si Pablo at ang iba pang mga apostol ng napakaraming sulat sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar. Pinagsama-sama ng mga taong sumunod sa kanila ang mga sulat nila, at idinagdag ang pinakadakilang pangitaing itinala ni Juan sa isla ng Patmos, kung saan ipinropesiya ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Ginawa ng mga tao ang pagkakasunud-sunod na ito, na iba kaysa mga pagbigkas sa ngayon. Ang nakatala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na isinakatuparan ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Ikaw—sangkatauhan—ay hindi kailangang makialam; ang mga salita, na tuwirang nagmula sa Espiritu, ay naisasaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba sa pagsasaayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan ng tao. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng mga tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at pagkaalam, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba mo ang Biblia bilang Diyos napakamangmang at napakahangal mo! Bakit hindi mo hinahanap ang gawain ng Diyos sa ngayon? Gawain ng Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Hindi maililigtas ng Biblia ang tao, maaari nilang basahin ito nang ilang libong taon at wala pa ring magiging pagbabago sa kanila kahit katiting, at kung sasambahin mo ang Biblia hinding-hindi mo makakamtan ang gawain ng Banal na Espiritu.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply

Kontakin Kami Gamit ang Messenger