Ang Kapalaran ng Sangkatauhan at ang Kapalaran ng Sansinukob ay Hindi Maihihiwalay Mula sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha

Abril 20, 2018

Kayong lahat ay nasa hustong gulang na. Ang ilan sa inyo ay nasa katanghaliang gulang; ang ilan ay nasa dapit-hapon na ng buhay. Naranasan niyo nang hindi maniwala sa Diyos hanggang sa maniwala kayo sa Kanya, at mula sa pagsisimulang maniwala sa Diyos tungo sa pagtanggap sa salita ng Diyos at pagdanas sa gawain ng Diyos. Gaano karaming kaalaman na ang nakamtan ninyo tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Anong mga kabatiran ang natamo ninyo tungkol sa kapalaran ng tao? Maaari bang makamit ng isang tao ang lahat ng kanyang mga inaasam sa buhay? Ilang bagay sa loob ng ilang dekada ng inyong buhay ang naisakatuparan na ninyo ayon sa inyong ninais? Ilang bagay ang nangyari nang hindi ninyo inaasahan? Ilang bagay ang dumarating bilang kaaya-ayang mga sorpresa? Ilang bagay ang hinihintay pa rin ng mga tao sa pag-asa na magbubunga ang mga ito—walang malay na hinihintay ang tamang sandali, inaantabayanan ang kalooban ng Langit? Ilang bagay ang dahilan para makaramdam ang mga tao na sila ay walang magawa at bigo? Ang bawat isa ay puno ng pag-asa tungkol sa kanilang tadhana, umaasa na ang lahat sa kanilang buhay ay aayon sa kanilang ninanais, na hindi sila mangangailangan ng pagkain o damit, na magkakaroon ng malaking pagbabago sa kanilang kapalaran. Walang sinuman ang nagnanais ng isang buhay ng karukhaan at pang-aapi, puno ng paghihirap, at dinadagsa ng mga kalamidad. Subalit hindi maaaring mahulaan o makontrol ng mga tao ang lahat ng ito. Marahil para sa iba, ang nakaraan ay isa lamang pagkakahalu-halo ng mga karanasan; hindi nila kailanman natutuhan kung ano ang kalooban ng Langit, ni wala silang pakialam kung ano ito. Namumuhay sila nang hindi nag-iisip, tulad ng mga hayop, nabubuhay sa araw-araw, walang pakialam tungkol sa kapalaran ng sangkatauhan o kung bakit buhay ang mga tao o kung paano sila dapat mamuhay. Ang mga taong ito ay tumatanda na walang natamong pagkaunawa tungkol sa tadhana ng tao, at hanggang sa sandali ng kanilang kamatayan ay wala silang ideya kung tungkol saan ang buhay. Ang mga taong tulad nito ay patay; sila ay mga nilalang na walang espiritu; sila ay mga hayop. Bagama’t ang mga tao ay nabubuhay sa loob ng sangnilikha at kumukuha ng kasiyahan mula sa maraming paraang nabibigyang-kasiyahan ng mundo ang kanilang materyal na mga pangangailangan, at kahit na nakikita nilang patuloy na sumusulong ang materyal na mundong ito, gayunman ang kanilang sariling karanasan—kung ano ang nadarama at nararanasan ng kanilang mga puso at ng kanilang mga espiritu—ay walang kinalaman sa mga materyal na bagay, at walang anumang materyal ang maipapalit sa karanasan. Ang karanasan ay isang pagkilala sa kaibuturan ng puso ng tao, isang bagay na hindi maaaring makita ng mata lamang. Ang pagkilalang ito ay batay sa pag-unawa at pananaw ng tao sa buhay at kapalaran ng tao. At madalas nitong dinadala ang tao sa pangamba na isinasaayos ng di-nakikitang Panginoon ang lahat ng bagay at pinangangasiwaan ang lahat ng bagay para sa tao. Sa gitna ng lahat ng ito, walang magagawa ang tao kundi ang tanggapin ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng kapalaran; walang magagawa ang tao kundi ang tanggapin ang landas na inilatag ng Lumikha, ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng isang tao. Ito ay isang hindi maikakailang katunayan. Anuman ang kabatiran at saloobin ng isang tao tungkol sa kapalaran, walang makapagbabago sa katunayang ito.

Kung saan ka pupunta araw-araw, ano ang gagawin mo, sino o ano ang iyong makakatagpo, ano ang sasabihin mo, ano ang mangyayari sa iyo—maaari bang mahulaan ang alinman sa mga ito? Hindi maaaring mahulaan ng mga tao ang lahat ng pangyayaring ito, at lalong hindi nila makokontrol kung paano magaganap ang mga ito. Sa buhay, ang mga di-mahuhulaang pangyayaring ito ay nagaganap sa lahat ng oras; ang mga ito ay nangyayari araw-araw. Ang mga pang-araw-araw na pagbabago na ito at ang mga paraan kung paano nangyayari ang mga ito o ang mga disenyong sinusundan ng mga ito, ay palagiang pagpapaalala sa sangkatauhan na walang nangyayari nang sapalaran, na ang proseso ng bawat pangyayari, ang pagiging di-maiiwasan ng bawat pangyayari, ay hindi mababago ayon sa kagustuhan ng tao. Bawat pangyayari ay naghahatid ng isang paalala ng Lumikha sa sangkatauhan, at nagdadala rin ito ng mensahe na hindi maaaring makontrol ng mga tao ang kanilang sariling kapalaran. Ang bawat pangyayari ay isang pagsalungat sa padalus-dalos at walang-saysay na ambisyon at pagnanasa ng sangkatauhan na ilagay sa sarili nilang mga kamay ang kanilang kapalaran. Ang mga ito ay parang malalakas at sunud-sunod na sampal sa mukha ng sangkatauhan na pumipilit sa mga tao na isaalang-alang kung sino ang namamahala at kumokontrol sa kanilang kapalaran sa bandang huli. At habang ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais ay paulit-ulit na nahahadlangan at nadudurog, likas na humahantong ang mga tao sa walang-malay na pagtanggap sa kung ano ang inilaan ng kapalaran—isang pagtanggap sa realidad, sa kalooban ng Langit at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Mula sa mga pang-araw-araw na pagbabagong ito hanggang sa mga kapalaran ng buong buhay ng mga tao, walang bagay na hindi nagbubunyag sa mga plano ng Lumikha at ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; walang anumang hindi nagpapaabot ng mensahe na “ang awtoridad ng Lumikha ay hindi malalampasan,” na hindi nagpapahayag ng walang hanggang katotohanan na “ang awtoridad ng Lumikha ang pinakamataas.”

Ang mga kapalaran ng sangkatauhan at ng sansinukob ay malapit na nakaugnay sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, di-maihihiwalay sa mga pangangasiwa ng Lumikha; sa katapusan, ang mga ito ay hindi maaaring maihiwalay mula sa awtoridad ng Lumikha. Sa mga batas ng lahat ng bagay, nagsisimulang maunawaan ng tao ang mga pangangasiwa ng Lumikha at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; sa mga patakaran ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay ay nararamdaman niya ang pamamahala ng Lumikha; sa mga kapalaran ng lahat ng bagay siya nakakakuha ng mga konklusyon tungkol sa mga paraan ng Lumikha ng paggamit ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at kontrol sa mga ito; at sa mga siklo ng buhay ng mga tao at ng lahat ng bagay, tunay na nararanasan ng tao ang pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha sa lahat ng bagay at mga nabubuhay na nilalang, upang masaksihan kung paano nangingibabaw ang mga pangangasiwa at pagsasaayos na iyon sa lahat ng batas, patakaran, at institusyon sa lupa, at lahat ng iba pang kapangyarihan at puwersa. Dahil dito, napipilitan ang sangkatauhan na tanggapin na hindi maaaring labagin ng sinumang nilalang ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na walang puwersa ang maaaring umagaw o bumago sa mga pangyayari at mga bagay na itinadhana ng Lumikha. Sa ilalim ng mga banal na batas at mga patakarang ito nabubuhay at nagpaparami ang mga tao at ang lahat ng bagay sa bawat salinlahi. Hindi ba ito ang tunay na sumasagisag sa awtoridad ng Lumikha? Bagaman nakikita ng tao, sa mga walang-kinikilingang batas, ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at Kanyang pagtatadhana ng lahat ng pangyayari at lahat ng bagay, ilang tao ang nakauunawa sa prinsipyo ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa sansinukob? Ilang tao ang tunay na makakaalam, makakikilala, makatatanggap at magpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha sa kanilang sariling kapalaran? Matapos maniwala sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa lahat ng bagay, sino ang tunay na maniniwala at kikilala na idinidikta rin ng Lumikha ang kapalaran ng buhay ng tao? Sino ang tunay na makauunawa sa katunayan na ang kapalaran ng tao ay nakasalalay sa palad ng Lumikha? Anong uri ng saloobin ang dapat taglayin ng sangkatauhan hinggil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, kapag naharap ito sa katunayan na pinamamahalaan at kinokontrol Niya ang kapalaran ng sangkatauhan? Iyan ay isang kapasyahan na dapat gawin ng bawat tao, na ngayon ay nahaharap sa katunayang ito, para sa kanyang sarili.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Ikalawang Sugpungan: Paglaki

Depende sa uri ng pamilya kung saan sila ipinanganak, lumalaki ang mga tao sa iba’t ibang pantahanang kapaligiran at natututo ng iba’t...

Ang Ikalimang Sugpungan: Supling

Pagkatapos mag-asawa, nagsisimula ang isang tao na alagaan ang susunod na henerasyon. Walang kontrol ang tao sa bilang at uri ng mga anak...