Ang Unang Sugpungan: Kapanganakan

Abril 20, 2018

Kung saan ipinanganak ang isang tao, sa anong pamilya siya ipinanganak, ang kanyang kasarian, hitsura, at oras ng kapanganakan—ang mga ito ay mga detalye ng unang sugpungan sa buhay ng isang tao.

Hindi makapipili ang sinuman hinggil sa ilang detalye ng sugpungang ito; ang lahat ng ito ay matagal nang itinadhana ng Lumikha. Hindi naiimpluwensiyahan ang mga ito ng panlabas na kapaligiran sa anumang paraan, at walang mga bagay na ginawa ng tao ang maaaring makapagpabago sa mga katunayang ito, na itinakda ng Lumikha. Ang pagkapanganak sa isang tao ay nangangahulugang natupad na ng Lumikha ang unang hakbang ng kapalaran na Kanyang isinaayos para sa taong iyon. Dahil matagal na Niyang itinakda ang lahat ng detalyeng ito, walang sinuman ang may kapangyarihan na baguhin ang alinman sa mga ito. Maging ano pa man ang kalalabasan ng kapalaran ng isang tao, itinatadhana ang mga kondisyon ng kapanganakan ng isang tao, at nananatiling ganoon ang mga ito; ang mga ito ay hindi naiimpluwensiyahan sa anumang paraan ng kapalaran sa buhay ng isang tao, at hindi rin naaapektuhan ng mga ito sa anumang paraan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran sa buhay ng isang tao.

1. Isang Bagong Buhay ang Isinisilang Mula sa mga Plano ng Lumikha

Alin sa mga detalye ng unang sugpungan—ang lugar na sinilangan, pamilya, kasarian, pisikal na anyo, ang oras ng kapanganakan ng isang tao—ang maaaring piliin ng isang tao? Maliwanag na ang kapanganakan ng isang tao ay kusang nangyayari. Ang isang tao ay ipinapanganak nang hindi niya sinasadya, sa isang partikular na lugar, at sa isang partikular na oras, sa isang partikular na pamilya, na may partikular na pisikal na anyo; hindi sinasadya ng isang tao na maging miyembro ng isang partikular na sambahayan, na isang sanga ng isang partikular na lipi. Ang isang tao ay walang pagpipilian sa unang sugpungang ito ng buhay, kundi sa halip ay isinisilang sa isang itinalagang kapaligirang ayon sa mga plano ng Lumikha, sa isang partikular na pamilya, na may partikular na kasarian at hitsura, at sa partikular na oras na malapit na nakaugnay sa takbo ng buhay ng isang tao. Ano ang magagawa ng isang tao sa mahalagang sugpungang ito? Sa kabuuan, walang pagpipilian ang isang tao tungkol sa isa man sa mga detalyeng ito hinggil sa kanyang kapanganakan. Kung hindi dahil sa pagtatadhana ng Lumikha at sa Kanyang paggabay, hindi malalaman ng isang buhay na bagong silang sa mundong ito kung saan pupunta, o kung saan siya maninirahan, hindi siya magkakaroon ng mga ugnayan, hindi mapapabilang saanman, at walang magiging tunay na tahanan. Subalit dahil sa maingat na pagsasaayos ng Lumikha, ang bagong buhay na ito ay may lugar na matitirhan, mga magulang, isang lugar na kabibilangan, at mga kamag-anak, kaya ang buhay na iyon ay nagsisimula sa kanyang paglalakbay. Sa buong prosesong ito, natukoy na sa mga plano ng Lumikha ang pagdating ng bagong buhay na ito, at lahat ng aariin nito ay ibibigay sa kanya ng Lumikha. Mula sa isang lumulutang na katawan na walang anumang pag-aari, unti-unti itong nagiging laman at dugo, nakikita at nahahawakang nilalang na tao, isa sa mga nilikha ng Diyos, na nag-iisip, humihinga, at nakadarama ng init at lamig; na maaaring makibahagi sa lahat ng karaniwang gawain ng isang nilikha sa materyal na mundo; at daraan sa lahat ng bagay na dapat maranasan sa buhay ng isang nilikhang tao. Ang nauna nang pagtatakda ng Lumikha sa kapanganakan ng isang tao ay nangangahulugan na Kanyang igagawad sa taong iyon ang lahat ng bagay na kinakailangan para patuloy na mabuhay; at gayundin, ang pagkakapanganak sa isang tao ay nangangahulugan na matatanggap niya mula sa Lumikha ang lahat ng bagay na kailangan para patuloy na mabuhay, at mula sa puntong iyon ay mabubuhay siya sa ibang kaanyuan, na ibinigay ng Lumikha at mapapasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha.

2. Bakit Isinisilang ang Iba’t ibang Tao sa Iba’t ibang Kalagayan

Kadalasan, gustong isipin ng mga tao na kung sila ay muling ipapanganak, ito ay sa isang tanyag na pamilya; na kung sila ay mga babae, magiging kamukha nila si Snow White at mamahalin sila ng lahat, at kung sila ay mga lalaki, sila ay magiging si Prince Charming, na walang anumang kinakailangan, na nakapagpapasunod sa buong mundo. Kadalasan ay may mga nasa ilalim ng maraming ilusyon tungkol sa kanilang kapanganakan at kadalasan ay hindi nasisiyahan dito, naghihinanakit sa kanilang pamilya, sa kanilang hitsura, sa kanilang kasarian, pati na rin sa oras ng kanilang kapanganakan. Subalit hindi kailanman nauunawaan ng mga tao kung bakit sila ipinanganak sa isang partikular na pamilya o kung bakit ganoon ang hitsura nila. Hindi nila alam na kahit saan sila ipinanganak o kung ano ang hitsura nila, gaganap sila ng iba’t ibang papel at tutupad ng iba’t ibang misyon sa pamamahala ng Lumikha, at ang layon na ito ay hindi kailanman magbabago. Sa mga mata ng Lumikha, ang lugar na sinilangan, ang kasarian, at ang pisikal na anyo ng isang tao ay pansamantalang lahat. Ang mga ito ay isang serye ng maliliit na tuldok, maliliit na simbolo sa bawat yugto ng Kanyang pamamahala sa buong sangkatauhan. At ang tunay na hantungan at kahihinatnan ng isang tao ay hindi napagpapasyahan ng kanyang kapanganakan sa anumang partikular na yugto, kundi ng misyon na kanyang tinutupad sa kanyang buhay, at ayon sa paghatol sa kanya ng Lumikha kapag kumpleto na ang Kanyang plano ng pamamahala.

Sinasabi na may sanhi ang bawat bunga, at na walang bunga kung walang sanhi. Kung kaya’t talagang nakatali ang kapanganakan ng isang tao kapwa sa kasalukuyang buhay at sa nakaraang buhay niya. Kung winawakasan ng kamatayan ng isang tao ang kanyang kasalukuyang termino ng buhay, kung gayon ang kapanganakan ng isang tao ay ang simula ng isang bagong yugto; kung kinakatawan ng lumang siklo ang dating buhay ng isang tao, kung gayon natural lang na ang bagong siklo ang kanyang kasalukuyang buhay. Dahil nakaugnay ang kapanganakan ng isang tao sa kanyang buhay sa nakaraan at maging sa kasalukuyan, nangangahulugan ito na ang lugar, pamilya, kasarian, hitsura, at ang iba pang mga bagay na nauugnay sa kapanganakan ng isang tao ay marapat na may kaugnayang lahat sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Nangangahulugan ito na ang mga bagay na may kinalaman sa kapanganakan ng isang tao ay hindi lamang naiimpluwensiyahan ng dating buhay ng isang tao, kundi pinagpapasyahan ng kapalaran ng isang tao sa kasalukuyang buhay, na dahilan ng iba’t ibang uri ng sari-saring kalagayan kung saan naipapanganak ang mga tao: Ang ilan ay ipinapanganak sa mahihirap na pamilya, ang iba ay sa mayayamang pamilya. Ang ilan ay sa pangkaraniwang angkan, samantalang ang iba ay sa tanyag na lahi. Ang ilan ay ipinapanganak sa timog, ang iba sa hilaga. Ang ilan ay ipinapanganak sa disyerto, ang iba sa mga luntiang lupain. Ang kapanganakan ng ilang tao ay may kasamang mga pagbubunyi, tawanan, at mga pagdiriwang; ang iba ay nagdadala ng mga luha, kalamidad at kapighatian. Ang ilan ay ipinapanganak upang pakaingat-ingatan, ang iba ay upang itapon na tulad ng mga panirang-damo. Ang ilan ay ipinapanganak nang may magagandang katangian, ang iba ay may mga depekto. Ang ilan ay magandang tingnan, ang iba ay pangit. Ang ilan ay ipinapanganak sa hatinggabi, ang iba ay sa ilalim ng tirik na araw sa tanghaling-tapat. … Ang mga kapanganakan ng iba’t ibang uri ng tao ay tinutukoy ng kanilang mga kapalaran na inihanda ng Lumikha para sa kanila; ang kanilang mga kapanganakan ang nagpapasya ng kanilang mga kapalaran sa kasalukuyang buhay nila gayundin sa mga papel na kanilang gagampanan at sa mga misyon na kanilang tutuparin. Ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, itinadhana Niya; walang sinuman ang makakatakas sa kanyang itinadhanang kapalaran, walang makakapagbago sa kanyang kapanganakan, at walang sinuman ang makakapili ng kanyang sariling kapalaran.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Ikalawang Sugpungan: Paglaki

Depende sa uri ng pamilya kung saan sila ipinanganak, lumalaki ang mga tao sa iba’t ibang pantahanang kapaligiran at natututo ng iba’t...