Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 424

Setyembre 30, 2020

Sa kasalukuyang yugto, napakahalagang malaman muna ang katotohanan, at pagkatapos ay isagawa ito at sangkapan pa ang iyong sarili ng tunay na kahulugan ng katotohanan. Dapat ninyong hangaring matamo ito. Sa halip na basta hangaring pasunurin ang iba sa iyong mga salita, dapat mo silang pasunurin sa iyong pagsasagawa. Sa ganitong paraan ka lamang makasusumpong ng isang bagay na makabuluhan. Anuman ang sumapit sa iyo, sinuman ang makasalamuha mo, basta’t taglay mo ang katotohanan, magagawa mong manindigan nang matatag. Ang salita ng Diyos ang siyang naghahatid ng buhay sa tao, hindi ng kamatayan. Kung, matapos mong basahin ang salita ng Diyos, hindi ka nabuhay, kundi patay ka pa rin, may mali sa iyo. Kung pagkaraan ng ilang panahon ay marami ka nang nabasa sa salita ng Diyos at nakarinig ka na ng maraming praktikal na sermon, ngunit patay ka pa rin, pinatutunayan nito na hindi mo pinahahalagahan ang katotohanan, ni hinahangad na matamo ang katotohanan. Kung talagang hinangad ninyong matamo ang Diyos, hindi kayo magtutuon sa pagsasangkap sa inyong sarili ng mga doktrina at paggamit ng matatayog na doktrina para turuan ang iba, kundi sa halip ay magtutuon kayo sa pagdanas ng salita ng Diyos at sa pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ba iyan ang dapat ninyong hangaring pasukin ngayon?

Limitado ang panahon para gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao, kaya ano ang kalalabasan niyan kung hindi ka makikipagtulungan sa Kanya? Bakit palaging gusto ng Diyos na isagawa ninyo ang Kanyang salita kapag naunawaan na ninyo ito? Ito ay dahil inihayag na ng Diyos ang Kanyang mga salita sa inyo, at ang inyong susunod na hakbang ay ang talagang isagawa ang mga ito. Habang isinasagawa ninyo ang mga salitang ito, isasakatuparan ng Diyos ang gawain ng pagliliwanag at pagpatnubay. Ganyan iyon nararapat na gawin. Ang salita ng Diyos ay tinutulutan ang tao na mamukadkad sa buhay at hindi ito nagtataglay ng mga elementong magiging dahilan para malihis o maging balintiyak ang tao. Sinasabi mo na nabasa mo na ang salita ng Diyos at naisagawa na ito, ngunit wala ka pa ring natatanggap na anumang gawain mula sa Banal na Espiritu. Batang paslit lamang ang kayang lokohin ng iyong mga salita. Maaaring hindi alam ng ibang mga tao kung tama ang iyong mga layunin, ngunit sa palagay mo ba posibleng hindi iyon malaman ng Diyos? Paano nangyari na isinasagawa ng iba ang salita ng Diyos at tumatanggap sila ng pagliliwanag ng Banal na Espiritu, subalit isinasagawa mo ang Kanyang salita at hindi mo natatanggap ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu? May damdamin ba ang Diyos? Kung talagang tama ang iyong mga layunin at nakikipagtulungan ka, sasaiyo ang Espiritu ng Diyos. Gusto palagi ng ilang tao na mag-angkin, ngunit bakit hindi sila hinahayaan ng Diyos na tumindig at mamuno sa iglesia? Ang ilang tao ay tinutupad at ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin, at bago pa nila malaman, natamo na nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Paano nangyari iyon? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, at kailangan itong gawin ng mga taong naghahanap sa katotohanan nang may mga tamang layunin. Ang mga taong hindi tama ang mga layunin ay hindi kayang manindigan nang matatag. Sa kaibuturan nito, ang inyong mithiin ay ang hayaang magkabisa ang salita ng Diyos sa inyong kalooban. Sa madaling salita, ito ay ang magkaroon ng isang tunay na pagkaunawa sa salita ng Diyos sa inyong pagsasagawa nito. Marahil ay wala kayong gaanong kakayahang unawain ang salita ng Diyos, ngunit kapag isinasagawa ninyo ang salita ng Diyos, maaari Niyang punan ang kakulangang ito, kaya hindi lamang ninyo kailangang malaman ang maraming katotohanan, kundi kailangan din ninyong isagawa ang mga ito. Ito ang pinakadakilang pagtutuon na hindi maaaring balewalain. Tiniis ni Jesus ang maraming kahihiyan at pagdurusa sa Kanyang tatlumpu’t tatlong kalahating taon. Nagdusa Siya nang labis dahil lamang sa isinagawa Niya ang katotohanan, ginawa ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay, at nagmalasakit lamang sa kalooban ng Diyos. Ito ay pagdurusang hindi sana Niya dinanas kung nalaman Niya ang katotohanan nang hindi iyon isinasagawa. Kung sinunod ni Jesus ang mga turo ng mga Judio at sinunod ang mga Fariseo, hindi sana Siya nagdusa. Matututuhan mo mula sa mga gawa ni Jesus na ang bisa ng gawain ng Diyos sa tao ay nagmumula sa pakikipagtulungan ng tao, at ito ay isang bagay na kailangan ninyong kilalanin. Nagdusa kaya si Jesus na tulad ng dinanas Niya sa krus kung hindi Niya isinagawa ang katotohanan? Nanalangin kaya Siya ng napakalungkot na panalangin kung hindi Siya kumilos alinsunod sa kalooban ng Diyos? Samakatuwid, dapat kayong magdusa alang-alang sa pagsasagawa ng katotohanan; ito ang uri ng pagdurusang dapat danasin ng isang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Leave a Reply

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger