Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 414
Oktubre 29, 2020
Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng isang normal na espirituwal na buhay, na siyang pundasyon sa pagdanas ng mga salita ng Diyos at pagpasok sa realidad. Lahat ba ng inyong kasalukuyang pagsasagawa ng mga panalangin, ng paglapit sa Diyos, ng pagkanta ng mga himno, pagpuri, pagmumuni-muni, at pagninilay ng mga salita ng Diyos ay katumbas ng isang “normal na espirituwal na buhay”? Mukhang walang nakakaalam sa inyo. Ang isang normal na espirituwal na buhay ay hindi limitado sa mga pagsasagawang tulad ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, paglahok sa buhay-iglesia, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Sa halip, kinapapalooban ito ng pamumuhay ng bago at masiglang espirituwal na buhay. Ang mahalaga ay hindi kung paano kayo nagsasagawa, kundi kung ano ang ibinubunga ng inyong pagsasagawa. Naniniwala ang karamihan sa mga tao na ang isang normal na espirituwal na buhay ay kailangang kapalooban ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o pagninilay sa Kanyang mga salita, mayroon mang tunay na epekto ang gayong mga pagsasagawa o kaya’y humahantong man ang mga ito sa tunay na pagkaunawa. Nakatuon ang mga taong ito sa pagsunod sa mababaw na mga pamamaraan nang hindi iniisip ang magiging resulta ng mga ito; sila ay mga taong nabubuhay sa mga ritwal ng relihiyon, hindi mga taong nabubuhay sa loob ng iglesia, at lalong hindi sila mga tao ng kaharian. Lahat ng kanilang panalangin, pagkanta ng mga himno, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay puro pagsunod sa panuntunan, na ginagawa dahil napipilitan sila at para makaagapay sa mga kalakaran, hindi dahil sa kahandaan at ni hindi mula sa puso. Gaano man manalangin o kumanta ang mga taong ito, hindi magkakaroon ng bunga ang kanilang mga pagsisikap, sapagkat ang isinasagawa nila ay mga panuntunan at ritwal lamang ng relihiyon; hindi talaga sila nagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Nagtutuon lamang sila sa pagkabahala kung paano sila nagsasagawa, at itinuturing nilang mga panuntunang susundin ang mga salita ng Diyos. Hindi isinasagawa ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos; pinagbibigyan lamang nila ang laman, at gumagawa sila para makita ng ibang mga tao. Lahat ng panuntunan at ritwal na ito ng relihiyon ay tao ang pinagmulan; hindi nagmumula ang mga ito sa Diyos. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga panuntunan, ni hindi Siya sakop ng anumang batas. Sa halip, gumagawa Siya ng mga bagong bagay araw-araw, nagsasakatuparan ng praktikal na gawain. Gaya ng mga tao sa Three-Self Church, na nililimitahan ang kanilang sarili sa mga pagsasagawa tulad ng pagdalo sa pagsamba sa umaga araw-araw, pag-aalay ng mga panalangin sa gabi at panalangin ng pasasalamat bago kumain, at pasasalamat sa lahat ng bagay—gaano man karami ang kanilang ginagawa at gaano man katagal nila iyon ginagawa, hindi mapapasakanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nabubuhay ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan at nakatutok ang kanilang puso sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, hindi makakagawa ang Banal na Espiritu, dahil ang kanilang puso ay puno ng mga panuntunan at pagkaintindi ng tao. Sa gayon, hindi nagagawang mamagitan at gumawa ang Diyos sa kanila, at maaari lamang silang patuloy na mabuhay sa ilalim ng kontrol ng mga batas. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang tumanggap ng papuri ng Diyos kailanman.
Ang normal na espirituwal na buhay ay isang buhay na ipinamuhay sa harap ng Diyos. Kapag nagdarasal, maaaring patahimikin ng isang tao ang kanyang puso sa harap ng Diyos, at sa pamamagitan ng panalangin, maaari niyang hangarin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, malaman ang mga salita ng Diyos, at maunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, maaaring magkaroon ang mga tao ng mas malinaw at mas lubos na pagkaunawa sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Maaari din silang magkaroon ng bagong landas ng pagsasagawa, at hindi sila kakapit sa dati; lahat ng kanilang isinasagawa ay para magkamit ng paglago sa buhay. Tungkol naman sa panalangin, hindi ito tungkol sa pagsambit ng ilang salitang masarap pakinggan o pag-iyak sa harap ng Diyos upang ipakita kung gaano kalaki ang iyong utang na loob; sa halip, ang layunin nito ay upang sanayin ang sarili sa paggamit ng espiritu, na nagtutulot sa kanya na patahimikin ang kanyang puso sa harap ng Diyos, na sanayin ang kanyang sarili na maghangad ng patnubay mula sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay, para mailapit ang puso niya sa isang sariwa at bagong liwanag bawat araw, at upang hindi siya maging walang-kibo o tamad at makatahak siya sa tamang landas ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao sa panahong ito ay nakatuon sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, subalit hindi nila ginagawa iyon para patuloy na sikaping matamo ang katotohanan at magkamit ng paglago sa buhay. Dito na sila naligaw ng landas. Mayroon ding ilan na may kakayahang tumanggap ng bagong liwanag, ngunit hindi nagbabago ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa. Tangay nila ang dati nilang mga pagkaintindi sa relihiyon habang umaasa silang tumanggap ng mga salita ng Diyos ngayon, kaya ang tinatanggap nila ay doktrinang may kulay pa rin ng mga pagkaintindi sa relihiyon; hindi lamang liwanag ngayon ang kanilang tinatanggap. Dahil dito, may dungis ang kanilang mga pagsasagawa; dati pa ring mga pagsasagawa ang mga iyon gamit ang bagong pabalat. Gaano man kahusay ang kanilang pagsasagawa, mga mapagpaimbabaw sila. Inaakay ng Diyos ang mga tao sa paggawa ng mga bagong bagay araw-araw, na inuutos na bawat araw ay may bago silang mababatid at mauunawaan, at hinihiling na huwag silang maging makaluma at paulit-ulit. Kung naniwala ka na sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi man lang nagbago ang iyong mga pamamaraan ng pagsasagawa, at kung masigasig at abala ka pa rin tungkol sa mga bagay na panlabas, subalit wala kang tahimik na pusong maiharap sa Diyos upang matamasa ang Kanyang mga salita, wala kang mapapala. Pagdating sa pagtanggap sa bagong gawain ng Diyos, kung hindi mo iibahin ang iyong pagpaplano, hindi ka nagsasagawa sa isang bagong paraan, at hindi ka naghahangad ng anumang bagong pagkaunawa, kundi sa halip ay kumakapit ka sa dati mong pagkaunawa at tumatanggap lamang ng kaunting limitadong bagong liwanag, nang hindi binabago ang paraan ng iyong pagsasagawa, ang mga taong katulad mo ay kasama sa daloy na ito sa pangalan lamang; ang totoo, sila ay mga relihiyosong Fariseo sa labas ng daloy ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video