Bakit Napakahirap na Irekomenda ang Iba?

Mayo 11, 2024

Ni Steven, USA

Ako ang namamahala sa graphic design sa iglesia, at bukod pa sa ginagawa ko mismong graphic design, kailangan ko ring subaybayan araw-araw ang gawain ng grupo at lutasin ang mga problema ng mga kapatid. Kahit na abala ako araw-araw, tuwing may problema ang mga kapatid at lumalapit sila sa akin para magtanong, tinatanggap naman nila ang lahat ng payong ibinibigay ko, kaya naging masaya ako, nasisiyahan ako sa pakiramdam na hinahangaan ako ng lahat.

Kalaunan, may ilang bagong kapatid na sumali sa grupo. Hindi sila masyadong magaling sa graphic design, at kinailangan nila ng tulong at gabay ko. Bigla akong nakaramdam ng sobrang presyur. Araw-araw, kailangang ako mismo ang gumawa ng graphic design, at kinailangan ko ring turuan ang mga kapatid na ito at subaybayan ang gawa ng iba. Hindi ko na ito kinakaya, pero magiging maayos ako kung may makakatuwang ako. Naisip ko si Cheyenne. Bihasa siya sa teknolohiya, responsable siya sa pagganap sa kanyang tungkulin, at seryoso niyang matatapos ang lahat ng gawaing ipagkakatiwala ko sa kanya, gusto ko siyang irekomenda sa superbisor at i-promote siya bilang lider ng grupo para maging katuwang ko siya. Kapag dalawa kaming magtutulungan sa gawain, mas magiging mabilis ang gawain namin, at kung may mga problema, pwede naming pag-usapan ang mga iyon nang magkasama. Pero nang sasabihin ko na iyon sa superbisor, bigla kong naisip, “Kung magiging lider nga ng grupo si Cheyenne, darating kaya ang panahon na maaagawan niya ako ng eksena? Kung mangyayari iyon, kapag nahihirapan ang mga kapatid, hindi na nila ako kokonsultahin, at hindi na magiging gaanong mataas ang katayuan ko sa mga puso nila. Kaya ako naging lider ng grupo ay dahil sa patuloy kong paggawa at pagsisikap: tinuruan ko ang lahat tungkol sa teknik sa graphic design at nilutas ko ang mga problema at paghihirap nila. Ngayon, kung irerekomenda ko si Cheyenne, hahatiin ko ang katayuan at kapangyarihan ko at babahaginan ko siya ng mga iyon—hindi ba’t sa huli ay madedehado ako?” Nang maisip ko ito, hindi ko na itinuloy ang rekomendasyon ko kay Cheyenne. Sabi ko sa sarili ko, “Maghintay ka pa nang kaunti. Pag-isipan mo pang mabuti, magbayad ka ng kaunti pang halaga, baka kaya ko pa naman talagang akuin ang gawain—sa huli, mapupunta sa akin ang lahat ng pagkilala.” Pagkalipas ng ilang panahon, isinaayos ng iglesia na akuin ko ang isa pang gawain, kaya wala na akong sapat na oras para subaybayan ang gawain at ang pag-aaral ng mga kapatid ng mga propesyonal na kasanayan. Nag-alala ako na kung magpapatuloy nang ganito ang mga bagay-bagay, siguradong maaantala ang gawain ng paglilinang sa mga tao. Masyadong limitado ang oras at lakas ko. Kaya ginusto kong muli na irekomenda si Cheyenne sa superbisor, pero noong magsasalita na ako, nag-atubili na naman ako, “Ako ang may huling pasya sa lahat ng gawain ng grupo, at kung magkakaroon ng dalawang lider sa grupo, mawawala sa akin ang kapangyarihang ito. Kakailanganin kong sabihin at talakayin ang lahat ng bagay sa ibang tao, at hindi na gaanong magiging mahalaga ang mga sasabihin ko. Bakit hindi ko na lang muna tiisin ito sa ngayon? Kung may ilang gawaing hindi ko mabigyan ng oras para mapangasiwaan, paunti-unti ko na lang itong susubaybayan. Saka, hindi naman malilinang ang mga tao sa loob lang ng isa o dalawang araw, at hindi ko naman sinasadyang gambalain o guluhin ang mga bagay-bagay. Hindi lang ako nagrerekomenda ng sinuman, hindi naman ako siguro kokondenahin ng Diyos.” Kalaunan, mabagal na umusad ang gawain ng paglilinang, at tuwing naiisip ko ang tungkol dito, nakokonsensiya ako. Kaya nanalangin ako sa Diyos, sinabi ko, “O Diyos, batay sa sitwasyon ng mga manggagawa at sa dami ng gawain ngayon, magiging kapaki-pakinabang sa gawain kung may dalawang lider ng grupo na magtutuwangan; gusto kong irekomenda si Cheyenne, pero hindi ko masabi. Bakit napakahirap para sa akin na magrekomenda ng iba? Pakiusap bigyang-liwanag Mo ako at gabayan Mo ako para malaman ko ang mga isyu ko.”

Pagkatapos niyon, ipinagtapat ko ang aking kalagayan sa lider, at pinadalhan ako ng lider ng ilang salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Bilang isang lider ng iglesia, hindi mo lamang kailangang pag-aralan na gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema, kailangan mo ring matutunang tumuklas at luminang ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang naghahangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo at gawin nang maayos ang lahat ng gawain, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, kuwalipikado kang lider o manggagawa. Kung nagagawa mong asikasuhin ang lahat nang ayon sa mga prinsipyo, ginagawa mo ang iyong debosyon. Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba ito makasarili at nakasusuklam? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging malisyoso! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga hangarin, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila. Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at tumupad ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin noon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng debosyon sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsiyensiya at katinuan na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dapat matutuhan ng mga lider at manggagawa kung paano tumuklas at maglinang ng mga talento, na kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia, at ito ang konsensiya at pagpapahalagang dapat taglayin ng mga tao. Kung may mga pag-aalinlangan ang isang tao sa pagrerekomenda sa mga tao dahil maaapektuhan ang kanyang katayuan at hinahadlangan niya ang mga talentong iyon, ito ay pagkainggit sa may kakayahan at pagiging makasarili at napakababa. Kaya pinagnilayan ko ang sarili ko. Kasisimula pa lang ng ilang kapatid na magsanay sa graphic design. Kailangan nilang malinang at mapahusay ang kanilang propesyonal na teknik. Masyadong mabigat para sa akin kung ako lamang mag-isa ang gagawa, at malinaw kong naunawaan na makakaya ko lamang ang gawaing ito kung may katuwang ako, at angkop si Cheyenne na maging isang lider ng grupo at ang pagrerekomenda sa kanya ay magiging kapaki-pakinabang sa grupo. Gayunpaman, nag-alala ako na kung mas magaling niyang magagawa ang gawain kaysa sa akin, hahangaan siya ng mga kapatid at mababalewala naman ako, at mawawala ang aking katayuan. Naniwala akong mawawalan ako, kaya hindi ko mairekomenda si Cheyenne. Naisip ko rin na kung matitiis ko ang maraming padurusa at magbabayad ako ng malaking halaga para pasanin ang gawaing ito, sa huli ay mapapasaakin lamang ang pagkilala. Kaya nagpursige ako at sinarili ko ang paggawa sa gawain, at bilang resulta, mabagal na umusad ang gawain ng paglilinang sa iba. Sa katunayan, itinataas at tinatrato akong mabuti ng Diyos sa pamamagitan ng pagtutulot sa aking magampanan ang tungkulin ng isang lider, pero wala akong pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Bukod sa hindi ko nilinang ang mga talento, nag-alala pa ako na baka magawa ni Cheyenne nang maayos ang tungkulin niya at malampasan niya ako. Nakita ko kung paano naaantala ang gawain at hindi pa rin ako naging handang irekomenda siya. Sa paggawa ko sa aking tungkulin, iningatan ko lang ang sarili kong katanyagan, pakinabang, at katayuan, at hindi ko isinaalang-alang ang pagsulong o ang mga resulta ng gawain. Talagang napakamakasarili nito, at wala itong ipinakitang kahit katiting na katapatan sa aking tungkulin!

Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ano ang masasabi ninyo, mahirap bang makipagtulungan sa ibang tao? Ang totoo ay hindi naman. Masasabi pa nga ninyo na madali iyon. Ngunit bakit pakiramdam pa rin ng mga tao ay mahirap ito? Dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Para sa mga nagtataglay ng pagkatao, konsensya, at katinuan, ang pakikipagtulungan sa iba ay medyo madali, at malamang na maramdaman nila na ito ay isang bagay na nakakagalak. Dahil hindi madali para sa kahit sino na magawa ang mga bagay-bagay nang mag-isa, anuman ang larangan na kanilang kinasasangkutan, o anuman ang kanilang ginagawa, laging mabuti na may isang taong naroon upang tukuyin ang mga bagay-bagay at mag-alok ng tulong—mas madali ito kaysa gawin ito nang mag-isa. Gayundin, may mga limitasyon kung ano ang kaya ng kakayahan ng mga tao o kung ano ang kaya nilang maranasan mismo. Walang sinuman ang kayang maging dalubhasa sa lahat ng bagay, imposible para sa isang tao na malaman ang lahat, matutunan ang lahat, magawa ang lahat—imposible iyon, at ang lahat ay dapat taglayin ang gayong pagkaunawa. Kung kaya, anuman ang gawin mo, mahalaga man ito o hindi, dapat ay palaging may isang taong tutulong sa iyo, upang bigyan ka ng mga paalala, payo, o upang gumawa ng mga bagay-bagay sa pakikipagtulungan sa iyo. Ito ang tanging paraan upang masiguro na magagawa mo ang mga bagay nang mas tama, mas magiging kaunti ang mga pagkakamali at mas malamang na hindi ka maliligaw—mabuting bagay ito. Ang paglilingkod sa Diyos, sa partikular, ay isang malaking bagay, at ang hindi paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ay maaaring maglagay sa iyo sa panganib! Kapag ang mga tao ay may mga satanikong disposisyon, maaari silang magrebelde at lumaban sa Diyos anumang oras at saanmang lugar. Ang mga taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon ay maaaring tanggihan, labanan, at pagtaksilan ang Diyos anumang oras. Labis na hangal ang mga anticristo, hindi nila ito napagtatanto, sa palagay nila, ‘Ang dami ko nang problemang pinagdaanan para magkaroon ng kapangyarihan, bakit ko ito ibabahagi sa iba? Ang pagbibigay nito sa iba ay nangangahulugang wala nang matitira para sa sarili ko, hindi ba? Paano ko maipakikita ang aking mga talento at kakayahan nang walang kapangyarihan?’ Hindi nila alam na ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ay hindi kapangyarihan o katayuan, kundi isang tungkulin. Tinatanggap lamang ng mga anticristo ang kapangyarihan at katayuan, isinasantabi nila ang kanilang mga tungkulin, at hindi sila gumagawa ng praktikal na gawain. Sa halip, naghahangad lamang sila ng katanyagan, pakinabang at katayuan, at nais lamang nilang mang-agaw ng kapangyarihan, kontrolin ang mga hinirang ng Diyos, at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay lubhang mapanganib—ito ay paglaban sa Diyos!(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Sinasabi ng Diyos na walang sinuman ang dalubhasa sa lahat ng bagay, kailangan nating lahat ang iba para makatuwang at makatulong sa atin, para punan ang ating mga kakulangan sa pamamagitan ng pagkatuto sa isa’t isa. Sa ganitong paraan, mababawasan natin ang mga kamalian at paglihis sa ating gawain at magkakasama nating matutupad ang ating mga tungkulin para mapalugod ang Diyos. Pero walang ganitong pag-iisip ang mga anticristo, at palagi nilang gustong imonopolisa ang kapangyarihan at gusto nilang sila ang may huling pasya, at ayaw nilang makatuwang ang iba kailanman o tulutan ang ibang makilahok sa gawain nila. Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, napagtanto kong ganoon din ako. Masyado akong abala na gampanang mag-isa ang tungkulin ng isang lider ng grupo, at maraming gawain ang hindi ko agad na maisaayos at maisagawa, pero nang gusto ko nang irekomenda si Cheyenne, may mga pag-aalinlangan ako na mababawasan ang kapangyarihan ko. Naniwala akong ang pagrerekomenda ko kay Cheyenne bilang katuwang ko ay katumbas ng pagsuko ko sa aking kapangyarihan bilang isang lider ng grupo. Hindi na ako ang may huling pasya, ang gagawa ng lahat ng desisyon, o makakapagpakitang-gilas sa mga kapatid. Kaya ayaw kong irekomenda si Cheyenne. Natuklasan ko ang dahilan kung bakit hindi ko magawang irekomenda ang iba o ayaw kong makatuwang ang iba. Dahil iyon sa hindi ko mabitiwan ang hawak kong kapangyarihan at katayuan. Masyado akong tumuon sa kapangyarihan.

Kalaunan, hinanap ko ang kasagutan kung bakit masyado akong tumuon sa kapangyarihan at katayuan. Binasa ko ang isang sipi sa mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng ilang kaalaman tungkol sa sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang pinagsisikapan, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa katayuan at reputasyon. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay katayuan at reputasyon pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, nakikita nila ang paghahangad ng katayuan at reputasyon na katumbas ng pananampalataya sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananampalataya sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling katayuan at reputasyon. Masasabi na sa mga puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang pananalig sa Diyos at ang paghahangad ng katotohanan ay ang pagsisikap para sa katayuan at reputasyon; ang paghahangad ng katayuan at reputasyon ay ang paghahangad din ng katotohanan, at ang pagkakamit ng katayuan at reputasyon ay ang pagkakamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang karangalan o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o gumagalang sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananampalataya sa Diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng mataas na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon magkaroon sila ng tinig sa iglesia, ng reputasyon, upang makinabang sila, at magkaroon ng katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao. Bakit palagi silang nag-iisip ng ganoong mga bagay? Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, matapos marinig ang mga sermon, hindi ba talaga nila nauunawaan ang lahat ng ito, hindi ba talaga nila nagagawang makilala ang lahat ng ito? Talaga bang hindi nabago ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang kanilang mga kuru-kuro, ideya, at opinyon? Hindi talaga iyon ang kaso. Nagsisimula ang problema sa kanila, ito’y lubos na dahil hindi nila minamahal ang katotohanan, dahil sa mga puso nila, nayayamot sila sa katotohanan, at bilang resulta, lubos nilang hindi tinatanggap ang katotohanan—na natutukoy ng kanilang likas na pagkatao at diwa(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na saanman nabubuhay ang mga anticristo o anumang gawain ang ginagawa nila, hindi nila kailanman bibitiwan ang paghahangad nila sa katayuan. Naniniwala sila na basta’t magkakamit sila ng katayuan at kapangyarihan, makukuha nila ang papuri at paghanga ng mga tao, at magtataglay sila ng prestihiyo, ng karapatang magsalita, at ng karapatang magpasya. Naniniwala sila na ang ganitong uri ng buhay ay may halaga at kabuluhan, at kung wala silang katayuan ay mawawalan sila ng buhay. Ganito mismo ako. Masyado akong naimpluwensiyahan ng mga satanikong lason gaya ng “Mamukod-tangi at magbigay karangalan sa iyong mga ninuno” at “Isa lang dapat ang pinuno.” Kaya, mula pagkabata, inasam ko nang maging isang kilalang tao kapag lumaki na ako, para tingalain ako ng lahat, at para ako ang maging sentro ng atensiyon saanman ako pumunta. Naaalala ko noong kasisimula ko pa lang sa kolehiyo, dalawa kami ng kaklase ko na may responsabilidad bilang class monitor. Pagkalipas ng ilang panahon, naramdaman ko na kapag may dalawang class monitor, hindi ako aangat, kaya iminungkahi kong isang class monitor lang ang piliin mula sa aming dalawa. Umasa akong ako ang pipiliin, para simula noon ay ako na ang magiging sentro ng lahat, ang pinakamataas sa buong klase—pero sa huli ay natalo ako. Dahil hindi ako ang naging class monitor, tinanggihan ko ang iba pang posisyon sa class officers at hindi ko ginawa ang mga iyon. Nang dumating ako sa iglesia, itinuring ko pa rin ang pagkakamit ng katayuan bilang layon ng aking paghahangad, naniniwala ako na bilang ang nag-iisang lider ng grupo, ako ang magpapasya at titingalain ako ng lahat. Pagdating sa pagrerekomenda kay Cheyenne, naniwala akong kung gagawin ko iyon ay makakabahagi siya sa katayuan at kapangyarihan ko, at kung isang araw ay magagawa niya nang mas maayos kaysa sa akin ang gawain, mawawalan na ako ng karapatang magpasya at hindi ko na muling matatamasa ang pakiramdam ng pagiging angat na may kinalaman sa paglalagay sa akin ng lahat sa pedestal at pakikinig sa sinasabi ko. Dahil dito, mas pinili kong antalahin ang gawain sa halip na irekomenda siya. Naging alipin ako ng katayuan. Naisip ko kung paanong noon, dahil sakim ako para sa mga pakinabang dahil sa katayuan at hindi ako gumawa ng tunay na gawain, nakagawa ako ng pagsalangsang at tinanggal ako. Noon ko nakita na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiya at kautusan ni Satanas ay palalakarin lamang ako sa isang maling landas at palalabanin ako sa Diyos kahit na labag ito sa aking kalooban.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi sa mga salita ng Diyos: “Sinumang naghahangad ng katanyagan, pakinabang at katayuan sa halip na maayos na gampanan ang kanilang tungkulin ay naglalaro ng apoy at inilalagay sa panganib ang kanilang buhay. Iyong mga naglalaro ng apoy at inilalagay sa panganib ang kanilang buhay ay maaaring ipahamak ang kanilang sarili anumang sandali. Ngayon, bilang isang lider o manggagawa, naglilingkod ka sa Diyos, na hindi isang ordinaryong bagay. Hindi ka gumagawa ng mga bagay para sa kung sinong tao, lalo nang hindi ka nagtatrabaho para mabayaran ang mga bayarin at matustusan ang mga pangangailangan mo; sa halip, ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa iglesia. At ipagpalagay natin, lalo na, na ang tungkuling ito ay nagmula sa pagkakatiwala ng Diyos, ano ang ipinapahiwatig ng paggawa nito? Na ikaw ay may pananagutan sa Diyos sa iyong tungkulin, gawin mo man iyon nang maayos o hindi; sa huli, dapat magbigay ng ulat sa Diyos, dapat may kinalabasan. Ang natanggap mo ay atas ng Diyos, isang pinabanal na responsabilidad, kaya gaano man kalaki o kaliit ang kahalagahan ng responsabilidad na ito, seryosong usapan ito. Gaano kaseryoso ito? Sa maliit na antas, may kinalaman ito sa kung makakamit mo ang katotohanan sa buhay na ito at may kinalaman ito sa kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Sa mas malaking antas, direkta itong nauugnay sa iyong kinabukasan at kapalaran, sa iyong magiging katapusan; kung gumagawa ka ng kasamaan at nilalabanan mo ang Diyos, kokondenahin ka at parurusahan. Lahat ng ginagawa mo kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay itinatala ng Diyos, at ang Diyos ay may sariling mga prinsipyo at pamantayan kung paano mamarkahan at susuriin ito; itinatakda ng Diyos ang iyong katapusan batay sa lahat ng ipinamamalas mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ito ay seryosong bagay! Kung kaya, kapag may isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo, iyon ba ay sa iyo at sa iyo lamang? Iyon ay hindi lamang sa iyo—ngunit hinihingi nito na magpasan ka ng isang responsibilidad, at ang responsibilidad na ito ay iyo. Ano ang kaakibat nito? Kaakibat nito ang pakikipagtulungan: kung paano makipagtulungan kapag naglilingkod sa Diyos, kung paano makipagtulungan kapag tumutupad sa iyong tungkulin, kung paano makipagtulungan kapag kinukumpleto ang atas sa iyo, kung paano makipagtulungan kapag sinusunod ang kalooban ng Diyos—kaakibat nito ang lahat ng ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Medyo natakot ako pagkatapos kong mabasa ang mga salita ng Diyos, lalo na nang mabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sinumang naghahangad ng katanyagan, pakinabang at katayuan sa halip na maayos na gampanan ang kanilang tungkulin ay naglalaro ng apoy at inilalagay sa panganib ang kanilang buhay. Iyong mga naglalaro ng apoy at inilalagay sa panganib ang kanilang buhay ay maaaring ipahamak ang kanilang sarili anumang sandali.” Nakita ko na ang paghahangad sa katanyagan, pakinabang, at katayuan ay katumbas ng paglalaro sa apoy at sa buhay ng tao, na hindi ito pagpapahalaga sa buhay ng isang tao. Ang tungkulin ng isang tao ay atas mula sa Diyos, na isang seryosong bagay. Pero itinuring ko ang aking tungkulin para magkamit ng kapangyarihan at katayuan; kahit na alam kong hindi ko magagawa ang gawaing ito nang mag-isa, hindi ako naglakas-loob na irekomenda si Cheyenne para maging katuwang ko, hindi ko man lang isinaalang-alang kahit kaunti kung maaapektuhan ba ang gawain ng iglesia. Ito ay isang bagay na lumalaban at nagkakasala sa Diyos; hindi ba’t nakikipaglaro ako sa apoy? Bilang isang lider ng grupo, bukod sa nabigo akong isakatuparan ang aking tungkulin, naantala rin ang gawaing nasa pamamahala ko. Hindi ito maipapaliwanag sa Diyos! Hinangad ko lamang ang katanyagan, pakinabang, katayuan, at pagtingala ng mga tao sa akin, at ang landas na tinahak ko ay ang landas ng mga anticristo. Kung hindi ako nagsisi, hindi sana ako magkakaroon ng maayos na kalalabasan at destinasyon. Nang mabatid ko ito, noon ko nakita na ang pananaw na pinaniwalaan ko dati, na, “Kahit na hindi ko inirerekomenda ang iba, basta’t hindi halatang nanggagambala at nanggugulo ako, hindi ako kokondenahin ng Diyos,” ay hindi naaayon sa katotohanan. Kahit na sa panlabas ay mukhang abala ako sa pagganap ng aking tungkulin, nagdurusa at nagbabayad ng halaga, hindi gumagawa ng anumang kasamaan na halata, subalit para maingatan ko ang aking kapangyarihan at katayuan, mas gugustuhin kong maantala ang gawain kaysa irekomenda si Cheyenne. Ang iniisip ko lang ay kung paano protektahan ang aking katanyagan, pakinabang, at katayuan—lahat ng iniisip ko ay masama at kinokondena ng Diyos. Sinisiyasat ng Diyos ang mga puso at kaisipan ng mga tao. Kung hindi ko lilisanin ang masamang landas at hahangarin ko pa rin ang reputasyon at katayuan, sa huli ay kokondenahin at parurusahan lang ako ng Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nakita ko ang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling hangarin, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, layon, at motibo; dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang hamak at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, hamak, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang hangarin mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Bilang isang lider o isang manggagawa, kung lagi mong iniisip na mataas ka kaysa sa iba, at nagpapakasaya sa iyong tungkulin tulad ng ilang opisyal ng gobyerno, laging nagpapakasasa sa mga pakinabang ng iyong posisyon, laging gumagawa ng sarili mong mga plano, laging iniisip at tinatamasa ang sarili mong katanyagan at katayuan, laging nagpapatakbo ng sarili mong operasyon, at laging naghahangad na magtamo ng mas mataas na katayuan, na mapamahalaan at makontrol ang mas maraming tao, at mapalawak ang saklaw ng iyong kapangyarihan, problema ito. Mapanganib na tratuhin ang isang mahalagang tungkulin bilang isang pagkakataong tamasahin ang iyong posisyon na para bang isa kang opisyal ng gobyerno. Kung lagi kang kikilos nang ganito, na ayaw mong makatrabaho ang iba, ayaw mong bawasan ang iyong kapangyarihan at ipamahagi iyon sa iba, ayaw mong magkaroon ng higit na kapangyarihan ang iba, na maagaw ang katanyagan, kung gusto mo lamang tamasahing mag-isa ang kapangyarihan, isa kang anticristo. Ngunit kung madalas mong hinahanap ang katotohanan, isinasantabi ang laman, tinatalikdan ang sarili mong mga motibasyon at plano, at nagagawa mong kusang makipagtulungan sa iba, buksan ang puso mo para sumangguni at maghanap sa iba, makinig nang mabuti sa mga ideya at mungkahi ng iba, at tumanggap ng payo na tama at naaayon sa katotohanan, kanino man iyon manggaling, nagsasagawa ka sa isang matalino at tamang paraan, at nagagawa mong iwasang tumahak sa maling landas, na proteksyon para sa iyo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kahit nakakain at nakainom na ako ng napakaraming salita ng Diyos, hindi ko nagawang protektahan ang mga interes ng iglesia sa pagganap ko sa aking tungkulin, bagkus ay nagsalita at kumilos ako saanman para sa kapakanan ng aking makasariling pagnanais, reputasyon at katayuan—wala talaga akong konsensiya at katwiran, at hindi nararapat na gawin ko ang aking tungkulin sa iglesia. Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang namumuno, ang katuwiran ang namumuno; sinumang nagtataglay ng kakayahan at abilidad, at nakadarama ng pasanin sa gawain ng iglesia, dapat irekomenda ang taong iyon, at dapat hilingin sa kanya na pasanin ang naaangkop na gawain sa iglesia. Sa pamamagitan ng pagrerekomenda sa ibang tao, madadagdagan pa ng isang tao na gagawa ng gawain sa iglesia, na kapaki-pakinabang sa pag-usad ng gawain at ng mga kapatid. Kung palaging minimithi ng isang tao ang mga pakinabang ng katayuan at ninanais na mamonopolisa ang kapangyarihan, gustong maging angat sa iba at ang siyang may huling pasya, ayaw makipagtuwangan sa iba, tatahakin ng taong iyon ang landas ng isang anticristo. Pero kung may katuwang ang ganoong mga tao, at sa gawain ay kaya nilang makipagtalakayan, matuto sa isa’t isa, at subaybayan ang isa’t isa, maiiwasan nilang mamonopolisa ng isang tao ang kapangyarihan, at maiiwasan nilang tahakin ang landas ng mga anticristo—magiging isang uri ito ng hindi nakikitang panangga para sa kanila. Nang mapagbulay-bulayan ko ito, napagtanto kong hindi lamang makikinabang ang gawain ng iglesia sa pagrerekomenda sa mga talento, matutulungan din ako nito. Pagkatapos niyon, pinadalhan ko ng mensahe ang lider at inirekomenda ko si Cheyenne, at sumang-ayon ang lider na maging magkatuwang kami ni Cheyenne. Naging sobrang malaya ang puso ko at gumaan ito nang husto. Mula sa sandaling iyon, tinalakay ko kay Cheyenne ang gawain, pagkatapos ay pinagtulungan namin ang mga responsabilidad, at unti-unti, bumuti na rin ang mga resulta ng paglilinang sa mga tao. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagsimula ko nang maunawaan nang dahan-dahan kung ano ang sinasabi sa mga salita ng Diyos: “Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at tumupad ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin noon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng debosyon sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsiyensiya at katinuan na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na hindi magdurusa ang mga interes ko kung magrerekomenda ako ng iba, kundi iyon ay pagsasagawa sa katotohanan at paghahanda sa mabubuting gawa. Kapaki-pakinabang ito, kapwa sa akin at sa gawain ng iglesia. Napapanatag ako sa pagsasagawa sa ganitong paraan. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Gamot Para sa Inggit

Ni Xunqiu, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang...