Tunay ngang Ako ay Supling ng Malaking Pulang Dragon

Setyembre 30, 2019

Ni Zhang Min, Spain

Sinasabi sa mga salita ng Diyos: “Sinabi na ito dati na ang mga taong ito ang anak ng malaking pulang dragon. Sa katunayan, upang maging malinaw, sila ang pagsasakatawan ng malaking pulang dragon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Bagama’t kinilala ko sa salita na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at na inihahayag ng mga ito ang ating aktuwal na kalagayan, hindi ko sinang-ayunan sa puso ko na ako ang supling ni ang sumasagisag malaking pulang dragon. Sa halip, pakiramdam ko palagi ay kaya kong sundin ang Diyos at gugulin ang sarili ko para sa Kanya, na nagawa kong pakisamahan ang karamihan sa aking mga kapatid, at na medyo mataas ang tingin sa akin ng mga tao sa paligid ko. Bagama’t mayroon akong mga tiwaling disposisyon, naisip ko, hindi naman ibig sabihin noon ay kasingsama na ako ng malaking pulang dragon. Nang maranasan kong malantad, saka ko lamang nakita sa wakas ang katotohanan kung gaano ako nagawang tiwali ni Satanas, at nakita ko na puno ako ng mga lason ng malaking pulang dragon, at na kayang-kaya kong gawin ang mismong mga bagay na ginagawa ng malaking pulang dragon.

Ang tungkulin ko sa iglesia ay magtipon ng mga artikulo. Isang araw, sinabi sa akin ng lider ng grupo ko na mula ngayon ay kami na ng kapatid na kasama ko sa trabaho ang magiging responsable sa lahat ng gawain ng pagtitipon ng mga artikulo mula sa lahat ng iglesia, at na kung may problema ang sinuman, maaari naming pag-usapang lahat iyon at magbahaginan kami. Nang mabalitaan ko ito, medyo nagulat ako at nakaramdam ako ng mabigat na pasanin, subalit nakaramdam pa rin ako ng kasiyahan sa sarili ko. Naisip ko: “Makakatulong kami sa pagtitipon ng lahat ng artikulo mula sa lahat ng iglesia. Mukhang nagagawa ko ang aking bahagi at may kakayahan ako sa loob ng iglesia.” Bigla akong nabigatan sa “responsibilidad” at, bago ko pa nalaman, kumikilos at nagsasalita na ako sa katungkulan ng isang tagarepaso. Minsan, nang makipagpalitan kami ng mga ideya sa mga kapatid mula sa grupong namamahala sa mga artikulo mula sa lahat ng iglesia, napansin ko na aktibong-aktibo ang isa sa mga kalalakihan sa grupo sa trabaho namin. Tuwing nagkakaroon ng problema, palagi siyang nangungunang magpahayag ng sarili niyang mga pananaw, at kung minsan kapag nagtanong ang isa pang kapatid at nasagot ko na iyon sa aming grupo online, pilit pa rin niyang ipapahayag ang kanyang mga pananaw pagkatapos ko, at ibang-iba ang kanyang pananaw kaysa sa akin tungkol sa bagay na iyon. Tuwing nangyayari ito, medyo nalulungkot ako, at iniisip ko sa sarili ko: “Napakaaktibo niya sa grupong ito at maraming sumasang-ayon sa kanyang mga pananaw. Gusto kaya niya akong higitan? Hmph! Hindi niya ako gaanong kilala. Hindi niya alam ang tungkuling ginagawa ko, pero gusto pa rin niyang makipagkumpitensya sa akin. Hindi ba niya kilala ang sarili niya?” Habang iniisip ito, unti-unti akong nakadama ng pagkainis sa kapatid na ito.

Kalaunan, inorganisa ko ang mga kapatid sa grupong namamahala sa mga artikulo mula sa lahat ng iglesia para magpalitan ng mga ideya tungkol sa mga problema sa mga artikulo. Sumang-ayon ang karamihan sa mga kapatid sa mga mungkahi ko, ngunit muling naiba ang pananaw ng kapatid na ito sa mga bagay-bagay at pinuna ang mga pagkukulang ko. Alam ko na normal sa mga tao ang magkaroon ng ibang mga mungkahi tuwing nagkakaroon ng problema at na dapat naming tanggapin ang anumang mungkahing makakatulong sa pagganap sa aming tungkulin, ngunit nang maisip ko kung paano tinanggihan ng kapatid na ito ang aking mungkahi sa harap ng napakaraming iba pang kapatid, hindi ko iyon nagustuhan at sumama ang loob ko. Inisip ko: “Natatanggap ng iba pang mga kapatid ang mungkahi ko nang walang anumang magkakaibang mga pananaw. Ngunit kailangan ay puro kung ano ang mahalaga sa iyo—sadya mo ba akong pinahihirapan para ipakita kung gaano ka karesponsable sa trabaho at gaano kalinaw mo nauunawaan ang mga bagay-bagay? Napakayabang mo at napakahirap mong pakisamahan!” Nang lalo ko itong isipin, lalo akong nagalit sa kapatid na ito, hanggang sa punto na ni ayaw ko man lang magsalita ng anuman sa kanya. Pagkaraan ng ilang araw, pinadalhan kami ng kapatid na ito ng isang artikulong babasahin. Sabi niya napakaganda ng pagkasulat ng artikulo at na dapat namin iyong ilabas para masangguni ng lahat. Nang marinig ko siyang magsalita sa tono na may malaking tiwala sa sarili, hindi ako napakali, at naisip ko: “Nabasa na namin ang mga artikulong ito. Kung hindi napili ang artikulong ito, malamang ay may mali rito. Napakalabo na siguro ng mga mata mo kaya hindi mo man lang matukoy ito.” Sa ganitong paraan, pinigilan ko ang yamot ko at muli kong binasa nang laban sa kalooban ang artikulong ito. Pagkatapos niyon ay ipinaalam ko sa kanya ang aking opinyon at ang ilan sa mga isyu na sa pakiramdam ko ay nasa artikulo, ngunit ayaw niyang tanggapin ang opinyon ko at sa halip ay ipinaalala sa akin na maging seryoso sa bawat artikulo, o na dapat kong ipabasang muli ito sa mga nakatataas sa akin. Tumindi ang poot na nadama ko sa sandaling iyon, at inisip ko: “Mula nang makilala kita, bihirang-bihira mong natatanggap o nasusunod ang anuman sa mga mungkahi ko, bagkus ay lagi kang nagbibigay ng ibang mga mungkahing sasangguniin at aariin ng lahat. Ipinapasikat mo ang mga kakayahan mo sa lahat ng pagkakataon at napakayabang mo. Talagang binabalewala mo ako. Malaking abala ang makaharap at nakakagalit ang isang taong katulad mo!” Naisip ko pa nga: “Bakit siya ang pinili ng iglesia na magtipon ng mga artikulo? Hindi talaga nababagay na gumanap sa tungkuling ito ang isang taong katulad niya na napakabayang ng disposisyon. Marahil dapat kong ireport ang mga problema niya sa lider ko at hayaang magdesisyon ang lider ko kung nababagay siya sa tungkuling ito. Ang pinakamainam siguro ay ilipat siya sa ibang lugar.” Nang maisip ko ito, natanto ko na wala ako sa lugar. Hindi ko naunawaan nang sapat ang kapatid na ito at nalaman ko na hindi ko siya dapat husgahan nang basta-basta, kundi dapat ko siyang tratuhin nang patas. Gayunman, naisip ko lang ang mga bagay na ito at hindi ko na ito pinag-isipan pa nang husto sa sarili ko, ni hindi ko hinanap ang katotohanan para lutasin ang sarili kong mga katiwalian, bagkus ay patuloy akong naligalig tungkol sa kapatid na ito.

Isang araw, iminungkahi ng lider ko na makipagpalitan kami ng mga ideya sa mga lider at katrabaho namin mula sa lahat ng iba pang iglesia para matalakay kung paano namin mas mauunawaan ang mga tuntunin sa pagsulat ng artikulo at gawin ang gawaing ito. Sumang-ayon ako ngunit pagkatapos ay kinabahan ako nang husto. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dumalo ako sa isang pagtitipon online para makipagpalitan ng mga ideya sa nakatataas na mga lider at katrabaho. Bukod pa rito, hindi ako masyadong magaling sa pagpapahayag ng sarili ko, at nag-alala ako na baka hindi ako makapagbahagi nang malinaw at mapahiya lang ako, kaya nahirapan akong isipin ang posibilidad na iyon. Gayunman, sa araw bago magsimula ang pagtitipon, bigla akong nakatanggap ng isang mensahe mula sa kapatid na ito na nagtatanong kung maaari siyang dumalo sa pagtitipon. Nang mabasa ko ang mensahe niya, muntik ko na iyong mawala. Naisip ko: “Ilang beses ka nang nakadalo noon sa mga pagtitipon para makipagpalitan ng mga ideya at hindi mo tinanggap kailanman ang anuman sa mga mungkahi namin, kaya bakit ka pa dadalo rito? Hirap na hirap na ako sa pagtitipong ito. Kung tatanungin mo ako ng isang mahirap na tanong bukas, mas pahihirapin mo lang ang buong pagtitipon para sa akin.” Nang maisip ko na dadalo siya sa pagtitipon kinabukasan, nalaman ko na talagang ayaw ko man lang siyang naroon, at sinikap kong mag-isip ng isang bagay na sasabihin sa kanya para hindi niya gustuhing dumalo. Pinagnilayan ko sandali kung ano ang sasabihin ngunit wala akong maisip na angkop na dahilan, kaya prangkahan kong sinabi na, “Ang pag-uusapan sa pagtitipong ito ay halos kapareho ng sa huli nating pagtitipon. Hindi mo kailangang dumalo.” Naisip ko na kapag sinagot ko siya sa ganitong paraan hindi na siya makikipagtalo. Gayunman, sa gulat ko, nagpadala siya ulit ng isa pang mensahe na nagsasabing, “May kaunting oras ako bukas at gusto kong marinig ang pag-uusapan ng lahat.” Nang mabasa ko ang mensahe niya, nagalit ako nang husto, ngunit wala pa rin akong dahilan para hindi siya payagang dumalo. Ang maaari ko lang gawin ay atubiling pumayag, ngunit nag-alangan pa rin akong idagdag siya sa grupo. Inisip ko sa sarili ko: “Nakakainis ka! Bakit ba hindi kita mapaalis? May mapapala ba kaming anuman sa pagtitipong ito kapag narito ka? Sadya mo ba akong pinahihirapan?” Isip ako nang isip ng dahilan para pigilin siyang dumalo, at naisip ko pang huwag na siyang kaibiganin, ngunit naisip ko: “Sige, puwede kang dumalo. Kung nakakainis ka pa rin at naghahanap ka ng mali gaya noong huling pagtitipon makikita ng lahat kung gaano ka kayabang at makasarili, pagkatapos ay bababa ang tingin nila sa iyo. …” Pagkatapos niyon, natanto ko na nauwi na sa galit ang mga maling pagkiling ko laban sa kanya at na ipinapakita ko lang ang masasamang intensyon ko. Kung hinayaan kong magpatuloy ang sitwasyong ito, natakot akong isipin kung paano ko matatrato ang kapatid na ito. Kaya nga, dali-dali akong nagdasal at nanawagan sa Diyos, hinihiling sa Kanya na ingatan ang puso ko. Nang kumalma na ako, sinimulan kong limiin kung bakit napakatindi ng reaksyon ko nang maharap ako sa isang bagay na hindi kaayon ng sarili kong mga ideya, kung bakit hindi ko matanggap ang anumang ideyang kontra sa akin, at kung bakit nakabuo ako ng gayon kamaling mga pagkiling laban sa kapatid na ito.

Nang maghanap ako ng sagot, nabasa ko ang isang sipi sa pagbabahagi: “Kung paano tinatrato ng mga nagsisilbi bilang mga pinuno ang mga kapatid na sa tingin nila ay mahirap kasamahin, na kumokontra sa kanila, at ganap na naiiba ang pinanghahawakang mga pananaw kaysa sa kanila—ay isang napakaseryosong isyu at dapat pangasiwaan nang may pag-iingat. Kung hindi sila pumasok sa katotohanan, tiyak na itatangi nila at pipintasan ang mga taong kagaya nito kapag kinaharap ang ganitong uri ng isyu. Ang ganitong uri ng pagkilos ay tiyak na isang pagpapahayag ng kalikasan ng malaking pulang dragon na lumalaban at nagtataksil sa Diyos. Kung ang mga nagsisilbi bilang mga pinuno ay naghahangad ng katotohanan, at nagtataglay ng konsiyensiya, at katwiran, hahanapin nila ang katotohanan at pamamahalaan ang bagay na ito nang tama. … Bilang mga tao, kailangan natin maging makatarungan at patas. Bilang mga pinuno, dapat nating pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos upang maging saksi. Kung gagawin natin ang mga bagay ayon sa ating sariling kalooban, binibigyan ng malayang kapangyarihan ang ating sariling tiwaling disposisyon, kung gayon iyon ay magiging isang kakila-kilabot na kabiguan” (Ang Pagbabahagi mula sa Itaas). Labis akong naantig ng pagbabahaging ito. Inisip ko kung bakit labis akong lumaban at nagalit sa kapatid na ito, hanggang sa kamuhian ko pa siya—hindi kaya dahil lamang sa hindi siya sumang-ayon sa mga pagbabahagi ko at nagbigay siya ng ibang mga mungkahi na naging dahilan para mapahiya ako? Hindi kaya dahil lamang sa nakita ko siyang aktibong sumasali sa aming grupo at inaayunan siya ng lahat, kaya nadama ko na naagaw niya ang kasikatan ko? Noong una, nagtulungan na kami ng mga kapatid sa pagganap sa aming tungkulin, at dahil iba-iba ang aming kakayahan at pang-unawa, normal ang magkaroon ng iba’t ibang opinyon tungkol sa ilang isyu. Ang ginagawa lamang noon ng kapatid na ito ay nagpapahayag ng sarili niyang mga pananaw—wala siyang kimkim na masasamang intensyon. Subali’t gusto kong lagi siyang makinig at sumunod sa akin. Gusto kong sumang-ayon siya sa akin at tanggapin ang anumang sinabi ko, at hindi siya maaaring magsabi ng anumang naiiba sa sinabi ko. Nang maapektuhan ng kanyang mga kilos ang pagtingin ko sa sarili ko at ang katungkulan ko, hindi ko iyon nagustuhan, kaya nga hindi ko siya isinama at ayaw ko siyang dumalo sa pagtitipon. At kung pinayagan ko man siyang dumalo, iyon ay dahil lamang sa gusto ko siyang magmukhang tanga. Sinuri ko ang mga kaisipan at ideyang ito at nakita ko na nagpapakita lang ako ng napakasamang disposisyon at kayabangan. Talagang kasuklam-suklam at napakapangit ng mga ikinilos ko!

Pagkatapos ay binasa ko sa pagbabahagi: “Sino ka man, basta’t hindi ka sumasang-ayon sa kanila, nagiging target ka ng kanilang pagpaparusa—anong disposisyon ito? Hindi ba ito katulad ng sa malaking pulang dragon? Ang malaking pulang dragon ay naghahangad na mangibabaw sa lahat at itinuturing ang sarili nito na sentro ng lahat ng bagay: ‘Kung hindi ka sumasang-ayon sa akin, parurusahan kita; kung nangangahas kang kontrahin ako, gagamitan kita ng puwersa-militar para sugpuin ka.’ Ito ang mga patakaran ng malaking pulang dragon, at ang disposisyon ng malaking pulang dragon ay yaong kay Satanas, ang arkanghel. Sinisimulan ng ilang tao, kapag naging mga lider o trabahador sila, na ipatupad ang mga patakaran ng malaking pulang dragon. Paano nila ito ginagawa? ‘Lider ako ngayon at ang unang tungkulin ko ay pasunurin sa akin ang lahat sa puso’t sa salita, at saka ko lamang maaaring simulan ang aking opisyal na gawain’” (Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay). “Kung may pananaw o opinyon ang isang kapatid tungkol sa isang taong tunay na nagtataglay ng katotohanan at maaaring tumanggap ng katotohanan at isagawa iyon, o kung matuklasan nila na ang taong iyon ay may mga pagkukulang at nagkakamali, at hinihiya sila, pinipintasan sila o tinatabasan at pinangangaralan sila, hindi ba sila kamumuhian ng taong iyon? Kailangan munang pag-aralan ng taong iyon ang bagay na ito at isipin: ‘Tama ba o mali ang sinasabi mo? Naaayon ba iyon sa mga totoong pangyayari? Kung naaayon nga iyon sa mga totoong pangyayari, tatanggapin ko iyon. Kung ang sinasabi mo ay medyo tama o naaayon sa mga totoong pangyayari, tatanggapin ko iyon. Kung ang sinasabi mo ay hindi nga naaayon sa mga totoong pangyayari, ngunit nakikita ko na hindi ka masamang tao, na isa kang kapatid, magpaparaya ako, at tatratuhin kita nang tama’” (Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay). Mula sa pagbabahagi, nakita ko na mula nang maging makapangyarihan ang malaking pulang dragon, hindi pa nito naisaalang-alang ang mga kapakanan ng mga karaniwang tao kailanman, ni hindi nito iniisip kailanman kung paano pamahalaan nang maayos ang bansa o kung paano tutulutan ang mga Chinese na mamuhay nang maligaya. Sa halip, lahat ng ginagawa nito ay para lamang protektahan ang sarili nitong katungkulan at kapangyarihan. Para permanenteng mamuno sa mga tao at panatilihing nasa ilalim ng kontrol nito ang mga tao, nagpapatupad ito ng isang patakarang nagkakaisang ideolohiya at nagkakaisang tinig, pinagbabawalan nito ang mga tao na magkaroon ng magkakasalungat na mga opinyon at hindi pagsang-ayon dito. Basta’t isinulong at tinangkilik ang isang ideya mismo, kailangan itong tanggapin ng lahat tama man ito o mali, at kailangan talagang sumunod dito ang lahat. Kung hindi sang-ayon o kontra dito ang sinuman, papatayin sila nito at papatawan sila ng parusa, sa pagsunod sa batas ni Satanas na “Yaong sumusunod sa akin ay uunlad samantalang yaong lumalaban sa akin ay mamamatay.” Sinumang tumututol ay itinuturing na isang kanser na kailangang alisin at sabik itong patayin sa lalong madaling panahon ang lahat ng tumututol dito at puksain sila sa kanilang pinakaugat. Tipikal na halimbawa ang walang-awang pagpatay sa mga estudyante sa kolehiyo sa Tiananmen Square noong Hunyo 4, 1989. Nagpoprotesta lamang ang mga estudyanteng iyon laban sa katiwalian at nagsusulong ng demokrasya, ngunit itinuring sila ng CCP na mga kaaway. Tinawag ng CCP ang kilusan ng mga estudyante na isang rebelyon na kontra-rebolusyon at ipinasiyang magsabatas ng madugong pagsugpo sa mga estudyante. Nang ikumpara ko ang sarili kong pag-uugali sa malaking pulang dragon na iyon, natanto ko na ang pagkataong ipinapakita ko ay yaon mismong sa malaking pulang dragon. Isa akong tiwaling tao at hindi pa nagbago man lamang ang aking disposisyon. Ni wala ako ni katiting na realidad ng katotohanan, at ang mga pananaw na ibinigay ko ay hindi naman palaging tama. Lagi kong gustong makinig ang iba sa akin at sundin ako nang walang tanung-tanong, kung hindi ay maiinis ako sa kanila at iiwasan ko sila, kaya hindi na kami magkakasundo. Iniisip ko ang lahat ng posibleng paraan para mapaalis sila—napakasama ko at wala akong habag! Inisip ko kung paano nagawa ng iglesia na maisaayos kami ng mga kapatid para gampanan ang aming tungkulin nang magkakasama upang matuto kami sa mga kalakasan ng isa’t isa, magkatulungan nang maayos, at gumanap sa aming tungkulin nang sama-sama para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Subalit hindi ko man lang naisip ang mga bagay na ito, bagkus ay naisip ko lang kung makakaya kong manatili o hindi sa sarili kong katungkulan, kung masisira o hindi ang aking pagtingin sa sarili at aking dangal, at kung makikinig sa akin o hindi ang iba pa. Doon sa mga tao na ang mga pananaw ay naiiba sa akin, hindi ko sila isasama at susupilin ko sila—talagang kumilos ako na parang bandido na namumuno na parang panginoon sa sarili niyang burol. Sa paggawa nito, paano ko mabibigyang-kasiyahan ang Diyos sa pagganap sa aking tungkulin? Gumagawa lamang ako ng kasamaan at nilalabanan ko ang Diyos! Nang maisip ko ang mga bagay na ito, lalo pa akong nahiya; nakita ko na napakayabang at napaka-mapagmataas ko, na ang disposisyon ko ay katulad ng sa malaking pulang dragon at na kayang-kaya kong gawin ang lahat ng ginawa ng malaking pulang dragon. Noon ko lamang nakita na talagang ako ang supling ng malaking pulang dragon at na puno ako ng mga lason ng malaking pulang dragon. Kung hindi ko hinangad na magbago ng disposisyon, mapipilitan akong gawin ang mga bagay na makakaabala at makakagambala sa gawain ng Diyos at, sa huli, parurusahan ako at isusumpa ng Diyos sa pagsuway sa Kanyang disposisyon. Sa sandaling iyon, naunawaan ko na ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang mabubuting intensyon. Kung hindi ako napunta sa sitwasyong ito, lubos ko sanang hindi mapapansin na taglay ko kapwa ang diwa ng malaking pulang dragon—na mayabang at mapagmataas at hangad mangibabaw sa lahat—at ang napakasamang likas na pagkatao na lumalaban sa Diyos. Kasabay nito, naunawaan ko rin na talagang ang pagsasaayos ng Diyos sa ganitong klaseng sitwasyon ang pinakamainam na proteksyon ng isang taong katulad ko na napakayabang at mapagmataas, at iniisip na siya ang pinakamagaling. Kung nasuportahan at nasang-ayunan ako ng lahat ng kapatid, at walang tumutol kahit paano, naging mas mayabang at mapagmataas pa sana ako, napilit ko sana ang iba na sundan at sundin ako sa lahat ng bagay, nahalinhinan ko sana ang Diyos nang hindi man lang ito namamalayan, namumuno sa sarili kong kaharian at kalaunan ay sumusuway sa disposisyon ng Diyos hanggang sa kamuhian at itakwil Niya ako. Nang maunawaan ko ang mga bagay na ito, taos-puso kong pinasalamatan at pinuri ang Diyos. Inalis ko rin ang aking mga maling pagkiling at opinyon tungkol sa kapatid na ito. Ano man ang kinalabasan ng pagtitipong ito sa pagpapalitan ng mga ideya, naging handa akong talikuran ang napakasamang pagkatao ko at sumuko sa mga plano at pagsasaayos ng Diyos. Hindi ko inisip kailanman na ang kalalabasan ng pagtitipon ay magiging higit pa sa aking mga inaasahan. Sa araw na iyon, sa patnubay ng Diyos, naging napakaayos ng pagtitipon, at nang magpalitan kami ng mga ideya ng kapatid na iyon, nagkasundo kami at napalakas namin pareho ang mga kahinaan ng isa’t isa. Umasa kami sa patnubay ng Diyos at natapos namin nang maayos ang pagtitipon.

Nang ilantad ako ng Diyos, nalaman ko na talagang ako ang supling ng malaking pulang dragon at na ang mga lason ng malaking pulang dragon ay matagal nang naging buhay ko. Kung hindi ko maiwawaksi ang mga tiwaling disposisyong ito, sa huli ay makakamuhian at maitatakwil ako ng Diyos, maaalis lamang ako ng Diyos, at nawala na sana magpakailanman ang pagkakataon kong magtamo ng kaligtasan. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Bilang Aking mga tao na isinilang sa bansa ng malaking pulang dragon, tiyak na hindi lamang maliit, o isang bahagi, ng kamandag ng malaking pulang dragon ang nasa inyong kalooban. Sa gayon, ang yugtong ito ng Aking gawain una sa lahat ay nakatutok sa inyo, at ito ay isang aspeto ng kabuluhan ng Aking pagkakatawang-tao sa Tsina(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 11). “Sinabi na ito dati na ang mga taong ito ang anak ng malaking pulang dragon. Sa katunayan, upang maging malinaw, sila ang pagsasakatawan ng malaking pulang dragon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Naunawaan ko rin mula sa mga salita ng Diyos na napakapraktikal at napakatalino ng gawain ng Diyos na iligtas ang tao. Ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita upang ilantad ang mga lason ng malaking pulang dragon at ang napakasamang pagkataong umiiral sa ating kalooban, at sa pagbubunyag ng mga totoong pangyayari, tinulutan ako ng Diyos na magkaroon ng kaunting pagkaunawa at pagkahiwatig sa mga lason ng malaking pulang dragon sa aking kalooban, at sa gayo’y tanggihan ito at talikuran, upang hindi na muling magawang tiwali o mapinsala nito kailanman. Nalaman ko na marami pa ring napakasasamang pilosopiya at kasabihan, at maraming lason ng malaking pulang dragon ang nasa aking kalooban. Ngunit simula sa araw na iyon, ninais ko lamang na hanapin ang katotohanan nang masigasig, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, magpunyaging alisin sa sarili ko ang lahat ng lason ng malaking pulang dragon sa lalong madaling panahon, at mabuhay na kawangis ng tao upang mapanatag ang puso ng Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Pagbabago Matapos Maiwasto

Ni Yong Zhi, Timog Korea Nung Marso, namahala ako sa paggawa ng video ng iglesia. ‘Di ko nauunawaan nang lubos ang marami sa mga prinsipyo...

Leave a Reply