Natagpuan Ko ang Isang Tunay na Masayang Buhay

Agosto 30, 2024

Ni Elizabeth, Russia

Lumaki ako sa isang ordinaryong pamilya sa probinsya. Kahit hindi kami mayaman, napakasaya ko pa rin. Masayahin ang nanay ko; mabait at mahusay siya, at inilalagay niya sa perpektong ayos ang bahay. Ang tatay ko ay sadyang mapag-alaga at maalalahanin sa aking ina, at magkasama sila sa hirap at ginhawa nang mahigit 60 taon. Wala akong maalalang pagkakataon na nakita ko silang nagtalo kahit kailan. Nang lumaki na ako, umasa ako na makakahanap ako ng isang lalaki na mag-aalaga sa pamilya niya gaya ng tatay ko. Gaya ng hiniling ko, nakahanap ako ng isang kasiya-siyang asawa. Sabay kaming pumasok sa trabaho at sabay ring umuwi, at naghati kami sa gawaing-bahay at sa pag-aalaga sa mga bata. Napakamaalalahanin din ng aking asawa sa akin. Lalo na noong mga taon na medyo hindi maayos ang kalusugan ko, noong nagkasakit ako, mas balisa pa siya kaysa sa akin. Sinamahan niya ako sa ospital at inalagaan ako nang husto. Sa lahat ng taon ng pagiging mag-asawa namin, bihira kaming hindi magkasundo, at nagawa naming patawarin ang isa’t isa. Masikap ko ring sinuportahan ang pamilya, tinutupad ang aking mga responsabilidad bilang isang maybahay. Pakiramdam ko ay masaya ang buhay may-asawa ko, na ako ang pinakamasayang babae sa buong mundo. Paulit-ulit ko ring pinangarap na manatiling ganito ako kalapit sa asawa ko kailanman, na kami ay magsama habambuhay.

Noong 2017, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Matatag akong nanampalataya na ang pagsunod sa Diyos ang tamang landas sa buhay, at labis akong masigasig, tinatanggap ang kahit anong tungkulin na isinaayos ng iglesia para sa akin at nagpapasakop. Noong simula, hindi ako abala sa aking tungkulin at hindi ito nakakaapekto sa aking buhay-pamilya, at sinuportahan ng aking asawa ang pananampalataya ko sa Diyos. Noong 2020, naging lider ako sa iglesia, at labis na naging mas abala ako sa aking tungkulin. Araw-araw, maaga akong umaalis at gabing-gabi na umuuwi, at naiiwan ang asawa ko para mag-asikaso sa lahat ng malalaki at maliliit na bagay sa bahay. Nagsimula siyang tumutol sa pananampalataya ko sa Diyos, ininsulto pa nga niya ako, sinabing, “Mas abala ka pa ngayong nagretiro ka na kaysa noong nagtatrabaho ka!” Para makuha ang pag-apruba ng aking asawa, ginamit ko ang mga umaga at gabi para ipaghanda siya ng pagkain. Naalala ko na noong isang beses, nagkasakit ang nanay ng aking asawa at dinala ito sa ospital, at sinamahan ito roon ng asawa ko nang mahigit 20 araw. Pagod na pagod siya kaya maitim na ang ilalim ng mga mata niya, at ang laki ng ibinaba ng timbang niya. Dinadalhan ko sila ng pagkain kada umaga, at parang hindi masaya ang asawa ko na makita ako. Sumakit ang puso ko pagkakita ko na hapung-hapo siya. Naisip ko, “Kung makakagawa lang ako ng mas simpleng tungkulin gaya noon, makakapagsalitan kami ng asawa ko sa pag-aalaga sa biyenan ko, at hindi siya masyadong mapapagod. Hindi ko natutupad ang mga responsabilidad ko bilang may-bahay.” Isang araw, noong nakauwi na ang biyenan ko mula sa ospital, umuwi ako na sobrang gabi na. Nang makita ako ng asawa ko, galit na sinabi niya, “May sakit siya sa loob ng mga oras na iyon at hindi mo siya inalagaan, kaya ako tuloy ang napagod nang sobra. Sarili mo lang ang iniisip mo. Hindi puwedeng magpatuloy tayo nang ganito.” Nahaharap sa kritisismo ng asawa ko, wala akong nasabi. Pumunta ako sa kuwarto at nagsimulang umiyak. Naisip ko, “Mula nang magsimula akong gumawa ng mga tungkuling panglider, napakarami nang gawain sa iglesia, at ni hindi ko maalagaan ang biyenan ko noong nagkasakit siya. Hindi nakakagulat na hindi masaya ang asawa ko sa akin. Kung magpapatuloy na ganito ang mga bagay, lalong hindi masisiyahan sa akin ang asawa ko, at makikipagtalo rin siya sa akin. Pagkatapos, hindi ba’t guguho na lang ang buhay mag-asawang ito na binuhusan ko ng maraming taon ng pagsisikap? Kung wala ang buhay mag-asawang ito, wala akong tahanan.” Nang gabing iyon, nagpabaling-baling ako sa kama, hindi makatulog, at naisip ko, “Sa isang panig ay ang aking buhay may-asawa, at sa kabila naman ay ang aking tungkulin; alin ba ang dapat kong piliin? Baka mas mabuting magbitiw na lang ako sa posisyon ko bilang lider at gumawa na lang ako ng mas simpleng tungkulin.”

Kinabukasan, nakita ko ang kapatid na kapareha ko at kinausap ko siya tungkol sa nangyari sa bahay, at pati na rin sa mga naiisip ko at sa pasakit na aking nararamdaman. Nagbahagi sa akin ang kapatid na ito ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos, at isa sa mga sipi ang nag-iwan ng malalim na impresyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan. … Kapag naglalaban sa espirituwal na dako ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang lahat ng bagay, malaki man o maliit, na nangyayari araw-araw, ay bahagi ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang mga bagay na ito ay bahaging lahat ng isang espirituwal na pakikidigma, at nais ng Diyos na manindigan tayo sa ating patotoo. Sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng aking tungkulin ngayon, tinatahak ko ang tamang landas sa buhay, na isang bagay na sinasang-ayunan ng Diyos. Gayunpaman, nagpapasimula si Satanas ng mga panggugulo at paghadlang sa lahat ng lugar. Dahil hindi nananampalataya sa Diyos ang asawa ko, kay Satanas siya. Sarili lang niyang mga interes ang isinasaalang-alang niya. Noong ginagawa ko ang aking tungkulin at hindi ko maasikaso ang mga pampamilyang bagay, kaya hindi sinasadyang naapektuhan ko ang mga interes ng asawa ko, nagsimula siyang magalit, pinipigilan at ginagambala ang aking tungkulin. Natakot ako na masira ang pagsasama namin, kaya gusto kong magbitiw sa aking mga tungkulin bilang lider at kumuha na lang ng mas simpleng tungkulin para maalagaan ko ang pamilya ko nang mas madali. Hindi ako nanindigan sa aking patotoo at muntik na akong makuha ni Satanas. Hindi ko kayang patuloy na umatras sa aking tungkulin nang ganito, kaya binalewala ko ang ideya ng pagbibitiw.

Isang araw, umuwi ako nang gabing-gabi na at galit na pinagsalitaan akong muli ng asawa ko, “O, dumating ka na pala para magcheck-in sa ‘hotel’ mo para sa gabing ito. Mukhang ayaw mo na ng buhay na ito kasama ako.” Pagkakita sa asawa ko na ganito, tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, hiniling ko sa Kanya na bigyan ako ng pananampalataya at lakas para manindigan sa aking patotoo para sa Kanya. Pagkatapos maglabas ng galit ang asawa ko, sinabi ko sa kanya, “Sapat na ang isinakripisyo ko para sa pamilyang ito sa nakalipas na mahigit tatlumpung taon. Tingnan mo ang mga kasamahan ko; pagkatapos magretiro, kung hindi sila naglalaro ng mahjong ay nagsasayaw sila o kaya ay nagbibiyahe kung saan-saan. Palagi silang wala sa bahay, at panay ang gastos nila ng pera. Ngayon, nananampalataya ako sa Diyos, lumalakad sa tamang landas at gumugugol ng kaunting oras ko, pero ayaw mo pa rin nito, inaaway mo ako araw-araw. Kung ayaw mo nang magkasama tayo, mag-file ka na ng diborsyo bukas. Kapag ginawa mo iyan, huwag ka nang makikialam sa akin; may kalayaan akong gawin ang pinili ko.” Tumayo siya roon na gulat na gulat at wala nang nasabi pa. Nang sumunod na umaga, tinanong ko siya, “Ano ang masasabi mo? Sagutin mo ako, magsasama pa ba tayo o hindi na?” Pagkarinig nito, idiniin ng asawa ko ang daliri niya sa noo ko at sinabi, “O, ano bang gagawin ko sa iyo?” Noong sandaling iyon, napakasaya ko. Pagkatapos niyon, hindi ko na pinansin ang mga pagrereklamo ng asawa ko, at unti-unti, nabawasan ang pagrereklamo niya kaysa noon.

Noong Mayo ng 2022, napili akong maging mangangaral at pinamuno ako sa gawain sa maraming iglesia. Dapat sana ay nagbigay sa akin ng galak ang promosyon, pero pakiramdam ko ay parang may malaking bato na nakadagan sa puso ko, at naisip ko, “Sa nakalipas na mga taon, naging lider ako ng iglesia, at kahit abala ako sa gawain sa iglesia, nabibigyan ko pa ng oras ang mga gawaing-bahay sa umaga at sa gabi. Ngayon ay magiging mangangaral ako at hindi lang ako magiging abala, kailangan ko ring umalis ng bahay at manirahan nang malayo sa aking asawa dahil may ilang iglesia na nasa malalayo. Paano niya ito papayagan? Hindi ba’t nangangahulugan iyon na aktibo kong isinusuko ang aking buhay may-asawa? Kung maghihiwalay kami at mag-isa na lang ako sa hinaharap, paano ako mabubuhay? Malapit na akong mag-60; kung maratay ako sa karamdaman sa hinaharap, wala man lang magluluto o magdadala ng tubig para sa akin. Paano ako mabubuhay nang ganoon?” Habang iniisip ko ito, mas lalo akong nalulungkot, at hindi mapigil na dumaloy sa mukha ko ang luha. Gustung-gusto kong mapalugod ang Diyos, pero ang kakaunting doktrina na nagawa kong maunawaan noon ay walang anumang epekto, at kahit gaano ko man subukan, hindi ko ito maisagawa. Sa huli, tinanggihan ko ang tungkuling ito sa dahilang masyadong mababa ang aking tayog at wala akong katotohanang realidad. Sa ilang araw pagkatapos niyon, sobrang naguguluhan ako, at nakaramdam ako ng pagkakautang sa Diyos, naisip ko, “Ilang taon akong nilinang ng iglesia, at naging lider ako sa iglesia sa buong panahong ito. Madalas akong magbahagi sa mga kapatid tungkol sa katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos, pero nang kinakailangan ako para sa tungkulin na ito, naduwag ako at pinili ko ang aking asawa at pamilya. Naging katatawanan ako ni Satanas; paano ko matatawag ang sarili ko na isang taong sumusunod sa Diyos? Wala talaga akong silbi!” Gusto kong agad na hanapin ang katotohanan at lutasin ang aking tiwaling disposisyon, at nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sino ang tunay at ganap na makagugugol para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay walang gana; nagpapaikut-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang tahanan, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak at mga magulang na nasa bahay. Lahat ba ng ito ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang sapat na paniniwala sa Akin? O ito ba’y dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga di-karapat-dapat na mga pagsasaayos para sa iyo? Bakit ka laging nag-aalala sa pamilya ng iyong laman? Lagi kang nasasabik sa iyong mga mahal sa buhay! Mayroon ba Akong puwang sa puso mo? Nagsasalita ka pa rin tungkol sa pagpapaubaya sa Aking magkaroon ng pamamahala sa loob mo at sakupin ang iyong buong pagkatao—lahat ng ito ay mapanlinlang na mga kasinungalingan! Ilan sa inyo ang buong pusong tapat sa iglesia? At sino sa inyo ang hindi nag-iisip tungkol sa mga sarili ninyo, kundi kumikilos para sa kaharian ng ngayon? Pag-isipan nang buong ingat ang tungkol dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay harapan akong hinahatulan ng Diyos. Ang isiniwalat Niya ay ang mismong kalagayan ko. Mukhang gumagawa ako ng aking tungkulin sa iglesia, abala sa mga bagay araw-araw, pero sa loob-loob ko, parati kong iniisip ang aking pamilya. Minsan, kapag nasa isang pagtitipon ako, nag-aalala ako kung nakakain na ba ang asawa ko. Nang makita kong hapung-hapo siya sa pag-aalaga sa nanay niya sa ospital, gusto ko na lang gumawa ng mas simpleng tungkulin para mabawasan nang kaunti ang pasanin niya. Noong abala ako sa aking tungkulin at hindi naging masaya roon ang asawa ko, ginusto kong magbitiw sa mga tungkuling panglider. May kapalaluang umasa ako na mapagsasabay ko ang dalawa, ang maaalagaan ko ang pamilya ko habang ginagawa ko rin ang aking tungkulin. Hindi ba’t ako ay isang taong nakatuntong sa parehong kampo? Maaaring isinigaw ko ang mga salitang, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat,” pero ang totoo, wala akong anumang tunay na pananampalataya sa Diyos at hindi ko pinangahasang ilagay ang lahat sa mga kamay Niya. Noong gawin akong mangangaral ng iglesia, hindi ko naisip kahit kaunti ang mga pangangailangan sa gawain ng iglesia, at ang tanging naisip ko lang ay ang sarili kong buhay may-asawa, nag-aalala na ang pamumuhay nang malayo sa asawa ko ay magiging dahilan para masira ang samahan namin at mawalan na ako ng pamilya. Ang totoo, ang pangangalaga sa aking buhay may-asawa ay isang bagay na hindi ko kayang kontrolin. Kung nakatakdang gumuho ang aming pagsasama, guguho ito kahit pa araw-araw akong nasa bahay. Mayroon akong isang kaibigan na sinundan ang asawa niya kahit saan ito pumunta, at hindi talaga sila mapaghiwalay. Gayunpaman, nambabae pa rin ang asawa niya sa harapan niya mismo, at nauwi sila sa pagdidiborsyo. May ilan ding mag-asawa na namuhay nang magkahiwalay dahil sa trabaho at ilang beses lang sa isang taon kung magkita sila, pero matatag pa rin ang pagsasama nila. Nang matanto ito, handa na akong ipagkatiwala sa Diyos ang aking buhay may-asawa. Lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “O Diyos, salamat sa paglalatag Mo ng mga pangyayaring ito para ibunyag ang aking katiwalian. Nakikita ko na hindi ko minamahal ang katotohanan at ang kalikasan ko ay sobrang makasarili. Iniisip ko lang ang mga interes ng sarili kong laman, gusto ko lamang na mapanatiling buo ang aking buhay may-asawa. O Diyos, handa akong sumandig sa Iyo at bitiwan ang aking buhay may-asawa! Sa hinaharap, kung magkakaroon pa ako ng isa pang pagkakataon para iwan ang tahanan ko at gawin ang aking tungkulin, handa akong piliin ang aking tungkulin at palugurin Ka.”

Lumipas ang ilang buwan, at napili muli ako na maging mangangaral. Sa panahong iyon, napakaemosyonal ko, iniisip ko, “Noon, palagi kong sinasaktan at binibigo ang Diyos, at ang laki na ng pagkakautang ko sa Kanya sa aking tungkulin, pero binigyan pa rin Niya ako ng pagkakataon para magsisi. Sa panahong ito, palulugurin ko Siya.” Pero, nang maisip ko kung paanong kakailanganin kong umalis ng bahay para gawin ang aking tungkulin, nakaramdam pa rin ako ng matinding tunggalian sa loob ko. Nanalangin ako sa Diyos at naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko dati: “Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Binigyan ako ng pananampalataya at lakas ng mga salita ng Diyos. Sa unang kalahati ng aking buhay, namuhay ako nang ganap na para sa aking laman, nagpakaabala sa mga bagay-bagay. Hinangad ko lang ang kaligayahan ng pamilya at kapayapaan ng laman. Ang pamumuhay nang gayon ay walang anumang saysay o kabuluhan, at sa huli, mamamatay lang ako na walang nakamit at puno ng pagsisisi. Pinili ako ng Diyos para pumunta sa sambahayan ng Diyos at binigyan Niya ako ng pagkakataon para makamit ang katotohanan at buhay, pero hindi ako naging mapagpasalamat at hindi ko ibinigay sa Kanya ang buong puso ko, tinanggihan ko ang aking tungkulin para mapangalagaan ang aking buhay may-asawa at nakagawa ako ng isang pagsalangsang sa harapan ng Diyos. Ngayon naman, pinaboran ako muli ng Diyos, binigyan ako ng pagkakataon para maging isang mangangaral. Hindi ko puwedeng tanggihan muli ang aking tungkulin dahil lang nag-aalala ako na masira ang aking buhay may-asawa; walang integridad, dignidad, o saysay ang pamumuhay nang ganoon. Pinili kong manampalataya at sumunod sa Diyos, kaya kailangang hayaan ko Siyang mamatnugot sa mga bagay-bagay. Sulit ang pagtalikod sa anumang bagay para makamit ang katotohanan. Kahit pa mawasak ang aking buhay may-asawa sa pag-alis ko sa bahay, gagawin ko pa rin nang maayos ang aking tungkulin at mabubuhay ako para sa Diyos sa pagkakataong ito.

Noong kaaalis ko lang ng bahay para sa aking tungkulin, naiisip ko ang aking asawa kapag may anumang libreng oras ako, at hindi ko inilalagay nang buo ang puso ko sa aking tungkulin. Alam kong hindi ko pa talaga napapakawalan ang aking buhay may-asawa. Kalaunan, nang makita ko ang pagbabahagi ng Diyos ukol sa mga katotohanan tungkol sa buhay may-asawa, para itong pagkadiskubre ng isang kayamanang walang katumbas na halaga, at binasa ko ito nang maigi. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Iniaasa ng maraming tao ang kanilang kaligayahan sa buhay sa pag-aasawa, at ang kanilang layon sa paghahangad ng kaligayahan ay ang paghahangad ng kaligayahan at pagiging perpekto ng buhay may-asawa. Naniniwala sila na kung masaya ang kanilang buhay may-asawa at kung masaya sila sa kanilang kabiyak, mamumuhay sila nang masaya. Kaya, itinuturing nila ang kaligayahan ng kanilang buhay may-asawa bilang isang panghabambuhay na misyon na dapat makamit sa pamamagitan ng walang humpay na pagsusumikap. … Sa puso ng gayong mga tao, ang kasiyahan sa pag-aasawa ay mas mahalaga kaysa anupaman, at kung wala ito, pakiramdam nila ay para bang ganap silang walang kaluluwa. Naniniwala sila na ‘Ang pag-ibig ang pinakamahalagang bagay sa isang masayang buhay mag-asawa. Kaya lamang masaya ang aming pagsasama at kaya lang kami nagtagal nang ganito ay dahil iniibig ko ang aking asawa at iniibig din niya ako. Kung mawawala sa akin ang pag-ibig na ito at magwawakas ang pagmamahalan na ito dahil sa pananampalataya ko sa Diyos at pagganap ko sa aking tungkulin, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay tapos na at naglaho na ang aking kaligayahan sa pag-aasawa, at na hindi ko na muling matatamasa ang kaligayahan na ito sa pag-aasawa? Kung wala ang kaligayahan sa pag-aasawa, ano ang mangyayari sa amin? Ano ang magiging buhay ng aking misis kung wala ang pag-ibig ko? Ano ang mangyayari sa akin kung mawawala sa akin ang pagmamahal ng aking misis? Mapupunan ba ng pagganap sa tungkulin ng isang nilikha at ng pagsasakatuparan sa misyon ng tao sa harap ng Diyos ang kawalan na ito?’ Hindi nila alam, wala silang kasagutan, at hindi nila nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Kaya, kapag hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga taong lubos na naghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa na lisanin ng mga ito ang kanilang tahanan at pumunta sa malayong lugar upang ipalaganap ang ebanghelyo at gampanan ang kanilang tungkulin, madalas ay nadidismaya ang mga ito, pakiramdam ng mga ito ay wala silang magawa, at nababagabag ang mga ito sa katunayan na maaaring malapit nang mawala sa kanila ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa. May ilang tao na tumatalikod o tumatangging gampanan ang kanilang mga tungkulin upang mapanatili nila ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa, at may ilan pa nga na tumatanggi sa mahahalagang pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Mayroon ding ilan na madalas na inaalam ang damdamin ng kanilang asawa upang mapanatili ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa. Kapag nakakaramdam ng bahagyang pagkainis ang kanilang asawa sa kanilang pananampalataya o kahit bahagya lang nitong ipinapakita na hindi ito natutuwa o nasisiyahan sa kanilang pananampalataya, sa landas ng pananampalataya sa Diyos na kanilang tinatahak, at sa kanilang pagganap ng tungkulin, agad silang nagbabago ng direksiyon at nakikipagkompromiso. Para mapanatili ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa, madalas silang nakikipagkompromiso sa kanilang asawa, kahit pa mangahulugan ito ng pagsuko sa mga oportunidad na magampanan ang kanilang tungkulin, at pagsuko sa oras na para sa mga pagtitipon, sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pagsasakatuparan ng mga espirituwal na debosyon, para lang maipakita sa kanilang asawa na sinasamahan nila ito, para hindi maramdaman ng kanilang asawa na nag-iisa ito at nalulumbay, at para maipadama nila sa kanilang asawa ang kanilang pagmamahal; mas gugustuhin pa nilang gawin ito kaysa mawala ang pagmamahal ng kanilang asawa o mawalay sa pagmamahal nito. Ito ay dahil nararamdaman nila na, kung isusuko nila ang pag-ibig ng kanilang asawa alang-alang sa kanilang pananampalataya o sa landas ng pananampalataya sa Diyos na kanilang tinatahak, ibig sabihin nito ay tinalikdan na nila ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa at hindi na nila ito mararamdaman, at sila ay magiging isang taong nag-iisa, kaawa-awa, at kahabag-habag. Ano ang ibig sabihin ng pagiging kaawa-awa at kahabag-habag? Ang ibig sabihin nito ay isang taong walang pag-ibig o pagmamahal ng iba. Bagaman nauunawan ng mga taong ito ang ilang doktrina at ang kahalagahan ng pagsasagawa ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagliligtas, at siyempre, nauunawaan nila na bilang isang nilikha ay dapat nilang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, dahil ipinagkakatiwla nila sa kanilang asawa ang kanilang sariling kaligayahan at siyempre, iniaasa rin nila ang kanilang sariling kaligayahan sa kanilang kaligayahan sa pag-aasawa, bagaman nauunawaan at alam nila ang kanilang dapat gawin, hindi pa rin nila kayang bitiwan ang kanilang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa. Mali nilang itinuturing ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa bilang ang misyon na dapat nilang hangarin sa buhay na ito, at mali nilang itinuturing ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa bilang ang misyon na dapat hangarin at isakatuparan ng isang nilikha. Hindi ba’t ito ay isang pagkakamali? (Oo, ito ay isang pagkakamali.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11). Isiniwalat ng Diyos ang ilang pag-uugali ng tao sa paghahangad ng kaligayahan sa buhay may-asawa. Matapos maikasal, para mapanatili ang pagmamahalan sa pagitan ng mag-asawa, gumagawa ang mga tao ng mga bagay para mapaboran ng kanilang kabiyak at mabigyang-kasiyahan ito. O, para patibayin ang kanilang kaligayahan sa buhay may-asawa, ginugugol nila ang sarili nila at nagsasakripisyo sila, may ilan pa ngang ginugustong isuko ang pagkakataong magawa ang kanilang tungkulin alang-alang sa isang masayang buhay may-asawa, itinuturing na misyon nila ang paghahangad ng kaligayahan sa buhay may-asawa. Ang isiniwalat ng Diyos ay ang tunay kong kalagayan; ito ay tunay na pagsasalarawan ng kung ano ba ang hinahangad ko sa buong buhay ko. Matapos maikasal, nakita ko na nakatuon sa pamilya ang asawa ko at maalalahanin siya sa akin, kaya inakala ko na nahanap ko na ang tunay na pag-ibig at isang regalo mula sa langit ang magkaroon ng ganoong pagsasama. Kaya, ipinagkatiwala ko ang habambuhay na kaligayahan sa aking asawa, ginawa kong misyon ng aking buhay ang paghahangad ng kaligayahan sa aking buhay may-asawa. Para mapanatiling masaya ang pagsasama, sinikap kong tuparin ang aking mga responsabilidad bilang maybahay. Naghahanda ako ng tatlong iba-ibang putahe para sa asawa ko sa bawat araw at ginagawa ko ang mga gawaing-bahay para paluguran siya. Nang maging lider ako at maging abala sa gawain sa iglesia, at hindi ko na magawang maisip ang aking pamilya, tumutol ang asawa ko rito. Pakiramdam ko ay nagkasala ako at sinisi ko ang aking sarili, inisip ko na may pagkakautang ako sa aking asawa at hindi ko natutupad ang mga responsabilidad ko bilang maybahay. Pagkatapos akong pagalitan ng asawa ko, nag-alala ako na masisira ang pamilya ko, at ginusto kong magbitiw at isuko ang aking tungkulin para mapanatili ang relasyon ko sa aking asawa. Nang mapili ako para maging mangangaral, inisip ko lang ang aking buhay may-asawa at ang pamilya ko, hindi lang ako walang utang na loob sa Diyos, kundi mas ginusto ko pang isuko ang pagkakataon kong magampanan ang tungkulin ko alang-alang sa maligayang buhay may-asawa. Nabuhay ako ayon sa mga maling kaisipan na itinanim ni Satanas sa akin, gaya ng “Mamahalin ng asawang lalaki at ng asawang babae ang isa’t isa hanggang sa paghiwalayin sila ng kamatayan.” Itinuring ko ang paghahangad ng maligayang buhay may-asawa bilang isang positibong bagay, naniniwala na kung aabot sa ika-25 o ika-50 na anibersaryo ang isang mag-asawa, iyon ay isang bagay na kahanga-hanga. Noong bata pa ako, mahal na mahal ng mga magulang ko ang isa’t isa at lagi silang magkasama, kaya nangarap akong magkaroon ng masayang buhay may-asawa kapag lumaki na ako. Nang makuha ko ang aking hiniling, inalagaan ko itong maigi, itinuring ko ang kaligayahan sa buhay may-asawa bilang ang siyang hangarin ng aking buhay at itinuring ko pa nga ito bilang mas mahalaga kaysa sa paggawa ng aking tungkulin at pagkamit ng katotohanan, na naging dahilan kaya lumihis ako mula sa mga hinihingi ng Diyos.

Nagbasa ako ng mas marami pang salita ng Diyos: “Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at pinagkalooban ka Niya ng isang kabiyak. Pumapasok ka sa pag-aasawa ngunit hindi nagbabago ang iyong pagkakakilanlan at katayuan sa harap ng Diyos—ikaw pa rin iyan. Kung ikaw ay isang babae, babae ka pa rin sa harap ng Diyos; kung ikaw ay isang lalaki, lalaki ka pa rin sa harap ng Diyos. Ngunit may isang bagay na pareho sa inyo, at iyon ay, lalaki ka man o babae, kayong lahat ay nilikha sa harap ng Lumikha. Sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, kayo ay nagpaparaya at nagmamahal sa isa’t isa, nagtutulungan at sumusuporta sa isa’t isa, at ito ay pagtupad sa inyong mga responsabilidad. Ngunit sa harap ng Diyos, ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin at ang misyon na dapat mong isakatuparan ay hindi maaaring mapalitan ng mga responsabilidad na tinutupad mo para sa iyong kabiyak. Kaya, kapag hindi nagkakatugma ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak at ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha sa harap ng Diyos, ang dapat mong piliin ay ang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha at hindi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak. Ito ang direksiyon at layunin na dapat mong piliin at, siyempre, ito rin ang misyon na dapat mong isakatuparan. … Ang mga ikinikilos ng sinumang kabiyak sa loob ng balangkas ng pag-aasawa na pursigido sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa o gumagawa ng anumang sakripisyo ay hindi gugunitain ng Diyos. Gaano man kahusay o kaperpekto ang pagtupad mo sa iyong mga obligasyon at responsabilidad mo sa iyong kabiyak, o gaano mo man natutugunan ang mga ekspektasyon ng iyong kabiyak—sa madaling salita, gaano mo man kahusay o kaperpekto na napapanatili ang iyong kaligayahan sa pag-aasawa, o gaano man ito kakahanga-hanga—hindi ito nangangahulugan na natupad mo na ang misyon ng isang nilikha, hindi rin ito nagpapatunay na ikaw ay isang nilikha na pasok sa pamantayan. Marahil, ikaw ay isang perpektong asawa, ngunit nasa loob pa rin ito ng balangkas ng pag-aasawa. Sinusukat ng Lumikha kung anong uri ka ng tao batay sa kung paano mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang harapan, kung anong uri ng landas ang iyong tinatahak, kung ano ang iyong pananaw sa buhay, kung ano ang iyong hinahangad sa buhay, at kung paano mo isinasakatuparan ang misyon ng isang nilikha. Gamit ang mga bagay na ito, sinusukat ng Diyos ang landas na sinusunod mo bilang isang nilikha at ang iyong patutunguhan sa hinaharap. Hindi Niya sinusukat ang mga bagay na ito batay sa kung paano mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang asawa, o batay sa kung ang pag-ibig mo sa iyong kabiyak ay nakalulugod sa iyong kabiyak(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11). Kapag hinahatulan ng Diyos ang mga tao kung kuwalipikado ba silang mga nilikha, tinitingnan Niya kung anong landas ang tinatahak nila at kung nagagawa ba nila o hindi ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha, hindi kung nagkakaisa ba at masaya ang kanilang mga pamilya. Kapag may salungatan sa pagitan ng gawain sa sambahayan ng Diyos at ng mga interes ng pamilya ng isang tao, dapat unahin niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, gawin nang maayos ang kanyang mga tungkulin bilang mga nilikha at kumpletuhin ang atas ng Diyos. Ito ang responsabilidad na kalakip ng tungkulin ng mga nilikha. Kung hindi ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, para sa kapakanan ng kanyang kaligayahan sa buhay may-asawa, nabigo siyang gawin ang kanyang responsabilidad at hindi siya karapat-dapat na tawaging tao. Sa buhay may-asawa, kailangan kong tuparin ang aking responsabilidad bilang isang maybahay, pero isa akong nilikha higit sa lahat, at ang paggawa ko nang maayos sa aking tungkulin bilang nilikha ang tunay na misyon ng aking buhay. Kapag may salungatan sa pagitan ng dalawang ito, dapat piliin kong gawin ang aking tungkulin bilang isang nilikha. Ngayon, nauunawaan ko na na ang paghahangad ng kaligayahan sa buhay may-asawa ay hindi magpapakamit sa akin ng kaligtasan at hindi ito tunay na buhay; kailangan kong unahin ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Nagpapasalamat talaga ako sa Diyos sa paggabay sa akin para makagawa ako ng tamang pagpili.

Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos: “Ang paghingi na bitiwan mo ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi nangangahulugan ng paghingi sa iyo na talikuran ang pag-aasawa o na makipagdiborsiyo ka bilang isang pormalidad, sa halip, nangangahulugan ito ng paghingi sa iyo na tuparin mo ang iyong misyon bilang isang nilikha at gampanan nang tama ang tungkulin na dapat mong gampanan sa batayan ng pagtupad sa mga responsabilidad na dapat mong gampanan sa buhay may-asawa. Siyempre, kung ang iyong paghahangad sa kaligayahan sa pag-aasawa ay nakakaapekto, nakahahadlang, o nakakasira pa nga sa paggampan mo ng tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon, dapat mong talikdan hindi lang ang iyong paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, kundi pati na ang iyong buong buhay may-asawa. Ano ang pinakalayon at kahulugan ng pagbabahaginan tungkol sa mga isyung ito? Ito ay upang ang kaligayahan sa buhay may-asawa ay hindi humadlang sa iyong mga hakbang, gumapos sa iyong mga kamay, bumulag sa iyong mga mata, magpalabo sa iyong paningin, gumulo at umokupa sa iyong isip; ito ay upang hindi ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ang pumupuno sa landas ng iyong buhay at pumupuno sa iyong buhay, at upang tama ang iyong pagharap sa mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay may-asawa at upang tama ang iyong maging mga pasya tungkol sa mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin. Ang mas mabuting paraan ng pagsasagawa ay ang maglaan ng mas maraming oras at lakas sa iyong tungkulin, gampanan ang tungkulin na dapat mong gampanan, at isakatuparan ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Huwag mong kalimutan kailanman na ikaw ay isang nilikha, na ang Diyos ang nag-akay sa iyo sa buhay patungo sa sandaling ito, na ang Diyos ang nagbigay sa iyo ng buhay may-asawa, ang nagbigay sa iyo ng pamilya, at na ang Diyos ang nagkaloob sa iyo ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa, at na hindi ikaw ang pumili ng buhay may-asawa, hindi ka nag-asawa nang bigla-bigla na lang, o na hindi mo kayang panatilihin ang iyong kaligayahan sa buhay may-asawa sa pamamagitan ng sarili mong mga kakayahan at lakas. Malinaw Ko na ba itong naipaliwanag ngayon? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 10). Sa paghiling sa atin na bitiwan natin ang paghahangad ng kaligayahan sa ating buhay may-asawa, hindi hinihingi ng Diyos na makipagdiborsyo tayo bilang pormalidad, kundi na gawin natin nang maayos ang mga tungkulin natin bilang mga nilikha sa ilalim ng prinsipyo ng pagtupad ng ating mga responsabilidad sa ating buhay may-asawa. Kung naaapektuhan o nahahadlangan ng ating buhay may-asawa ang pagganap natin sa ating mga tungkulin, dapat natin itong bitiwan. Itinuro sa akin ng Diyos ang isang malinaw na landas para maisagawa. Noon, hinangad ko ang kaligayahan sa buhay may-asawa, sa kalahati ng buhay ko ay ibinuhos ko roon ang masusing pagsisikap, at kahit nang magsimula akong manampalataya sa Diyos at gawin ang aking tungkulin, naipit pa rin ako sa paghahangad na ito at hindi ako makawala. Tinanggihan ko pa nga ang tungkulin ko para maingatan ang buhay may-asawa ko, nawalan ako ng maraming pagkakataon na makamit ang katotohanan. Hindi ko na maibabalik ang mga oras na napalipas ko. Ngayong halos 60 taong gulang na ako, gusto kong gamitin ang natitirang limitadong oras ko para gampanan ang aking tungkulin. Kung anuman ang mangyayari sa aking buhay may-asawa sa hinaharap, hindi ako ang magdedesisyon doon. Kailangan kong ipasa ang lahat ng iyon sa Diyos at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Pagkatapos niyon, ibinigay ko ang lahat ng makakaya ko sa paggawa ng aking tungkulin. Kapag nakakadiskubre ako ng mga problema, nakikipagbahaginan ako sa mga kapatid na kapareha ko para malutas ang mga iyon, at kapag nahaharap ako sa mga problema, naghahanap ako ng gabay mula sa mga nakakataas na lider. Pagkatapos ng kaunting panahon, nagkamit ako ng ilang resulta sa aking gawain. Ginamit ko ang mga umaga at mga gabi para sa espirituwal na debosyon, at kapag nagkakaroon ako ng maling kalagayan, agad kong hinahanap ang katotohanan para malutas iyon. Bago ko pa namalayan, nasangkapan ko na ang aking sarili ng ilang katotohanan. Noong nakatira pa ako sa bahay, naging abala ako sa mga gawain sa iglesia sa araw at sa mga pampamilyang bagay naman sa umaga at gabi, limitado maging ang oras ko para sa aking espirituwal na debosyon, pero ngayon, sa wakas ay nararanasan ko na ang kahalagahan ng pag-alis ng bahay para gawin ang tungkulin ng isang tao, at mas marami na akong oras para sangkapan ang sarili ko at magkamit ng katotohanan. Ngayon, nauuwaan ko na na ang paghahangad ng kaligayahan sa buhay may-asawa ay hindi ang misyon ko at hindi ito makakatulong para makamit ko ang kaligtasan. Tunay lang akong mabubuhay kung hahangarin kong gawin nang maayos ang aking tungkulin bilang isang nilikha.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Iuulat o Hindi Iuulat

Ni Yang Yi, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Para sa kapakanan ng kapalaran ninyo, dapat ninyong hanapin ang pagsang-ayon ng Diyos....