Ang Pagpuna ay Kailangan para Magawa nang Maayos ang Isang Tungkulin

Pebrero 7, 2022

Kailan lang ay nakatanggap ako ng isang liham ng isang sister na inirereport ang isang lider at dalawang diyakono. Sabi niya si Sister Xin, isang lider, ay hindi gumawa ng praktikal na gawain, kundi iniraraos lang ang mga pagtitipon at walang pakialam sa kalagayan o paghihirap ng iba. May ilang problema rin ang dalawa pang diyakono. Naisip ko na nakipagbahaginan na ako sa kanila dati tungkol sa mga problemang nabanggit, at naiwasto ko na sila. Nagtamo sila ng kaunting kamalayan sa sarili, at napaiyak pa nga si Sister Xin sa pagsisisi. Naisip ko na maaari ko silang alukin ng higit pang tulong, hindi na sila kailangang paalisin. Natiyak ko na kaya nilang gumawa ng praktikal na gawain. At saka, nakita ko na nakakuha ang nagreport na sister ng ilang iba pang lalagda sa kanyang liham, pero hindi sila masisigasig na naghahanap, at ang ilan ay malapit nang patalsikin sa iglesia. Marami sa mga problemang inirereport nila ay tungkol sa kung paano kumilos ang tatlong taong iyon sa kanilang tungkulin. Ang ilan sa sumbong ay hindi ganap na malinaw o tumpak. Naisip ko na maaaring talagang mayabang ang sister na nagsulat ng liham. Ano ang alam niya? Ang pagsusumbong ng isang lider at dalawang diyakono nang sabay dahil sa ilang maliliit na bagay—kung paalisin sila, sino ang gagawa ng gawain ng iglesia? Pinoprotektahan ba niya ang gawain ng iglesia, o sinisira ito? Naisip ko, “Ako ang namamahala sa gawain nila. Hindi ba ako dapat ang mas nakakaalam kaysa sinuman kung may problema, kung makakagawa sila ng praktikal na gawain? May mga problema nga sila ngunit wala pang sinuman sa atin ang nagawang perpekto, kaya sino ang hindi nagkakamali? Kung isusumbong at paaalisin natin sila sa sandaling magkaroon ng problema, napakataas na pamantayan niyan para sa mga lider.” Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong naisip na may problema ang nagsumbong na sister, at hindi ko gaanong inisip ang liham na iyon. Ninais kong banggitin ang mga problemang iyon sa lider at mga diyakono, iwasto sila nang kaunti, tulungan sila, at iyon na iyon.

Makalipas ang dalawa o tatlong araw, biglang binanggit ng nakatataas na lider ang sumbong na iyon. Nang makitang hindi ko naasikaso iyon, sinabi niya sa akin na banggitin iyon sa iglesia para sa bukas na talakayan. Sumang-ayon akong gawin iyon, ngunit hindi ko talaga ginawa iyon. Naisip ko na may sapat na kakayahan naman ang mga taong iyon sa gawain, at kung ipararating namin ang kanilang mga problema para hayagang talakayin ng lahat, tama kaya iyon? Mahaharap kaya nang maayos ng lahat ang kanilang mga problema? Paano kung isipin nila na napakaraming problema at hindi na nila tanggapin ang kanilang pamumuno? Hindi ba dapat protektahan ko ang kanilang gawain? Maaari ko silang tulungan nang palihim, sabihan silang magbago at sa gayon ay magagawa na nila nang maayos ang kanilang tungkulin. Alam ng Diyos na naging mapaghimagsik ako at matigas noon, ayaw kong tanggapin ang ipinapagawa ng lider. Muli niya akong hinanap at binahagian nang detalyado tungkol sa aking mga maling haka-haka at disposisyon. Tinanong niya ako bilang sagot: “Ang katotohanan ang may impluwensya sa sambahayan ng Diyos, at kailangan nating maging patas sa lahat. Bakit mo pagtatakpan ang mga lider at diyakonong may mga isyu? Bakit hindi ka pumanig sa Diyos? Ang pagkakaroon ng matatalik na kaibigan, pagprotekta sa kanila—ito ay landas ng isang anticristo! Bakit hindi ka sumunod sa mga prinsipyo sa pagtrato mo sa iba? Hindi ka ba naniniwala sa mga taong hinirang ng Diyos? Hindi ka ba naniniwala na nananaig ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos?” Pagkatapos ay binigyang-diin niya sa huli, “Ayaw mong ilantad ang mga huwad na lider, bagkus ay pinagtatakpan mo sila, at hindi ka pumapanig sa katotohanan.” Noong panahong ’yon ay hindi ko ito matanggap nang lubusan. Nagtatalo at nangangatwiran pa rin ako sa aking kalooban. Napigilan na ako dati ng mga huwad na lider, at personal ko nang nasaksihan ang kapahamakang nagawa sa gawain ng iglesia at sa mga miyembro nang sila ang nasa kontrol. At talagang nagalit ako sa pag-uugali nila. Lagi kong agad-agad na pinaalis ang nalantad na mga huwad na lider. Paano ko nagagawang protektahan ang mga huwad na lider? Patuloy niyang sinuri ang kalikasan ng aking mga kilos, inilalantad ako bilang isang huwad na lider na hindi nagsasagawa ng katotohanan, kundi gumagamit ng mga satanikong pilosopiya. Sinabi niya na pinrotektahan ko ang mga lider na iyon, tulad ng mga opisyal ng Partido Komunista na nagpoprotekta sa isa’t isa, na kung bibigyan ako ng kapangyarihan, magiging isa akong anticristo. “Huwad na lider” at “anticristo”: sa bawat pagkakataong sinabi niya ang mga salitang ito, lungkot na lungkot ako. Masamang-masama ang loob ko, at pakiramdam ko labis akong nagawan ng mali. Iyak ako nang iyak. Nanalangin ako sa gitna ng aking pag-iyak, “Diyos ko, alam ko na inilalantad ng lider ang tunay na problema ko, ngunit hindi ko makita iyon. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako para makilala ko ang aking sarili at matutuhan ang aral na dapat kong matutuhan.”

Nag-organisa ako ng isang pagtitipon kinabukasan para sa bukas na talakayan at para magkaroon ng pagkakilala sa isinumbong na lider at mga diyakono. Hindi sinunggaban ng mga kapatid ang kanilang mga isyu na tulad ng inakala ko, kundi tinalakay nila nang patas at walang kinikilingan ang mga isyung binanggit sa sumbong, gamit ang partikular na mga halimbawa upang talakayin kung paano isinagawa ng mga taong ito ang kanilang mga tungkulin. Nabaligtad ng aming talakayan tungkol kay Sister Xin ang pagsusuri ko sa kanya. Sinabi ng marami sa kanila na hindi siya nagsagawa ng praktikal na gawain, na iniraos lang niya ang mga pagtitipon. Hindi niya nilutas ang mga tunay na problema o sinubaybayan ang gawain. Lahat ay nahirapan sa kanilang tungkulin, ngunit hindi siya nagpakita ng malasakit. Hindi siya nagbahagi tungkol sa katotohanan kapag gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain o nagbabago ng mga tungkulin ng mga tao, kaya kinailangan nilang alamin ang mga bagay-bagay sa sarili nila kapag mahirap ang mga bagay-bagay, o nagtulungan sila. Hindi matagpuan ang lider kahit saan. Ang ugali ni Sister Xin ay talagang nakakadismaya para sa mga kapatid. Bawat pagsusuri ay isang reklamo sa kapabayaan at kawalan ng praktikal na gawain ni Sister Xin. Akusasyon din ang mga iyon laban sa akin. Nang marinig ko ang sinasabi nilang lahat, hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Nakonsiyensya ako at napahiya, at para akong sinampal nang malakas sa mukha. Ang iglesiang pinamamahalaan ko ay nagkaroon ng isang huwad na lider na hindi gumawa ng praktikal na gawain nang wala akong kaalam-alam. Masyado akong nagtiwala sa sarili ko, na iniisip na hinanap niya ang katotohanan at gumawa ng tunay na gawain bilang isang lider. Nang isumbong ang kanyang mga problema, hindi ko siniyasat at inasikaso ang mga iyon, kundi sa halip ay ginusto kong tulungan siya nang palihim. Paano ako naiba kay Sister Xin? Hindi ko inisip ang mga pangangailangan ng iba o nilutas ang kanilang mga problema at paghihirap. Isa akong huwad na lider sa isang katungkulang may kapangyarihan na hindi gumawa ng tunay na gawain. Pagkatapos ay binanggit ng mga kapatid ang mga problema ng dalawang diyakono, na sinasabi na si Sister Wang ay emosyonal sa pangangasiwa sa mga bagay-bagay at walang mga prinsipyo sa kanyang tungkulin. Mayabang din siya at ginamit ang kanyang katungkulan para pigilan ang mga tao, at inaapi pa ang iba. Talagang halata siya, at malaki ang pinsalang nagawa nito sa mga kapatid, at pinigilan sila sa kanilang tungkulin. Hindi ito ang maliliit na problemang inakala ko, mga bagay na maaaring lutasin sa kaunting pagbabahaginan. Nahiya akong marinig ang ibinahagi ng lahat. Ang mga paraan na sila ay mga huwad na lider at manggagawa na hindi gumagawa ng tunay na Gawain ay sunud-sunod na nalahad sa aking harapan. Natulala ako. Punung-puno sila ng mga problema, maging hanggang sa puntong ginalit nila ang iba, ngunit lubos akong walang kaalam-alam. Ano ang ginagawa ko sa aking tungkulin? Hindi ba malubhang kabiguan iyon sa tungkulin ko bilang isang lider? Pagkatapos, kinalma ko ang sarili ko sa huli para manalangin at magnilay tungkol sa problema ko.

Binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng totoong gawain. Ni hindi nila pinupuntahan at sinisiyasat, pinangangasiwaan o pinamamahalaan ang sari-saring gawaing nangangailangan ng kadalubhasaan, o binibisita man lang sa tamang oras ang iba’t ibang grupo upang alamin kung ano na ang nangyayari, sinisiyasat kung ano na ang lagay ng gawain, kung ano pa ang mga problema, kung may kakayahan ba ang tagapangasiwa ng grupo na gawin ang kanyang trabaho; kung paano pinakikitunguhan ng mga kapatid ang tagapangasiwa, kung ano ang iniisip nila tungkol sa kanya, kung may pinipigilan ba ang lider o tagapangasiwa ng grupo; kung sinisiraan o nilalayuan ba ng iba ang sinumang talentado o naghahanap ng katotohanan, kung binu-bully ba ang sinuman sa mga taong higit na walang muwang; kung sinusupil ba at kinokontrol ang mga taong naglantad at nag-ulat sa mga huwad na lider, o kung, ginagawa ba ang mga mungkahi kapag may tamang iminumungkahi ang mga tao; at kung ang lider o tagapangasiwa ba ng grupo ay isang taong masama, o gustong pinahihirapan ang mga tao. Kung hindi ginagawa ng mga huwad na lider ang alinman sa mga gawaing ito, dapat na silang palitan. Halimbawa, sabihin nang may isang taong nag-ulat sa isang huwad na lider na may tagapangasiwang madalas na nagpapahina ng mga tao at pinipigilan sila; may opinyon ang mga kapatid tungkol sa kanya, subalit hindi sila nangangahas na magsalita; humahanap ng iba’t ibang maidadahilan ang tagapangasiwa upang ilusot at bigyang-katwiran ang kanyang sarili, at hindi niya kailanman inaamin ang kanyang mga pagkakamali. Bakit nga ba hindi kaagad pinalitan ang tagapangasiwang gaya nito? Subalit sinasabi ng huwad na lider, ‘Isa itong problema ng pagpasok ng mga tao sa buhay. Masyado siyang mayabang—lahat ng taong may kaunting kakayahan ay mayayabang. Hindi ito malaking problema, kailangan ko lang makipagbahagian sa kanya nang kaunti.’ Sa pagbabahagian, sinasabi ng tagapangasiwa, ‘Inaamin kong mayabang ako, inaamin ko na may mga pagkakataong ang sarili kong kayabangan at katayuan ang iniintindi ko, subalit hindi naman mahusay ang ibang tao sa ganitong larangan ng gawain, madalas na walang kuwenta ang mga iminumungkahi nila, kaya may dahilan kung bakit hindi ko sila pinakikinggan.’ Walang kakayahan ang huwad na lider na unawain ang buong sitwasyon, hindi niya tinitingnang mabuti kung gaano kagaling magtrabaho ang tagapangasiwa, lalong hindi niya tinitingnan kung ano ang klase ng pagkatao, disposisyon, at paghahangad niya. Walang kamala-malasakit lang niyang sinasabi, ‘Iniulat ito sa akin kaya babantayan kitang mabuti. Binibigyan kita ng pagkakataon.’ Pagkatapos ng usapan, sinasabi ng tagapangasiwa na gusto niyang magsisi, subalit kung talaga nga bang nagsisi siya pagkaraan nito, o nagsisinungaling at nanlilinlang lang, at patuloy lang din sa dati niyang gawain, at kung anong klase siyang magtrabaho, walang pakialam ang huwad na lider, ni hindi niya ito inaalam. … Hindi niya alam na niloloko lang siya ng tagapangasiwa at inuuto lang siya nito. Hindi niya binibigyang-pansin kung ano ang iniuulat ng mga taong nasa ilalim niya tungkol sa tagapangasiwa, hindi niya pinupuntahan upang aktwal na makita kung gaano ba kaseryoso ang problema ng taong ito, kung talaga nga bang may ganoong problema na iniulat ang mga taong nasa ilalim niya o wala, kung totoo ba ito o hindi, at kung dapat bang palitan ang taong iyon o hindi; hindi niya isinasaalang-alang ang mga problemang ito, kundi patuloy na isinasantabi lang ang mga ito. Lubhang mabagal ang pagtugon ng huwad na lider sa mga problemang ito, napakabagal niyang umaksyon at kumilos, lagi siyang umiiwas, laging binibigyan ang mga tao ng isa pang pagkakataon, na para bang napakahalaga at napakaimportante ng mga pagkakataong ibinibigay niya sa mga tao, na para bang mababago ng mga ito ang kanilang kapalaran. Imposibleng makita niya ang kalikasan at diwa ng isang tao sa pamamagitan ng kung ano ang ipinamalas nito, at husgahan kung anong uri talaga ng landas ang tinatahak ng taong ito batay sa kanyang kalikasan at diwa, at makita kung angkop ba talaga o hindi ang taong ito na maging tagapangasiwa batay sa landas na kanyang tinatahak. Hindi niya ito makita sa ganoong paraan. May dalawang diskarte lamang siya: ang hatakin ang mga tao para kausapin, at ang bigyan sila ng isa pang pagkakataon. Maibibilang ba ito na pagtatrabaho? Itinuturing ng mga huwad na lider na lubhang mahalaga at importante ang mga pakikipag-usap nila sa mga tao, ang mga walang kabuluhang bagay na sinasabi nila sa kanila, ang mga salitang walang kahulugan, at ang doktrina. Hindi nila alam na ang gawain ng Diyos ay hindi lang pakikipag-usap, kundi pagwawasto at pagtatabas din sa mga tao, paglalantad sa kanila, paghatol sa kanila, at sa mga seryosong kaso pagsubok at pagpino sa kanila, pagtutuwid at pagdidisiplina sa kanila; hindi ito iisang pamamaraan lamang. Kaya bakit ganoon na lang ang tiwala nila sa kanilang sarili? Makukumbinsi o mapagbabago ba nila ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pagsasalita ng kaunting doktrina at pag-uulit ng ilang kasabihan? Paanong ganito sila kamangmang at kawalang muwang? Ganoon ba kadaling itama ang maling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay at ang tiwaling pag-uugali ng isang tao? Ganoon ba kadaling lutasin ang problema ng tiwaling disposisyon ng mga tao? Masyadong mga hangal at mabababaw ang mga huwad na lider! Hindi iisang pamamaraan lamang ang ginagamit ng Diyos upang lutasin ang problema ng katiwalian ng mga tao, kundi marami; naglalatag Siya ng iba’t ibang sitwasyon upang ilantad ang mga tao at gawin silang perpekto. Masyadong simple ang paraan ng paggawa ng mga huwad na lider: Hinahatak nila ang mga tao para kausapin, nagsasalita ng kaunting ideolohiya, binibigyan ang mga tao ng kaunting payo, at iniisip nilang pagtatrabaho na ito. Mababaw ito, hindi ba? At anong isyu ang nakatago sa likod ng kababawang ito? Ito ba’y kawalan ng muwang? Wala silang kamuwang-muwang, walang kamuwang-muwang sa kanilang pananaw tungkol sa mga tao. Wala nang mas hihirap pang itama kaysa sa tiwaling disposisyon ng mga tao. Ayon nga sa kasabihan, ‘Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito.’ Walang pagkaunawa ang mga huwad na lider sa ganitong mga problema. Kung pag-uusapan naman ang uri ng mga tagapangasiwa sa iglesia na gustong pinahihirapan ang mga tao, na ginagambala ang gawain ng iglesia, na laging hinahadlangan ang mga tao, wala nang ginawa ang mga huwad na lider kundi ang magsalita; ilang salita ng pagwawasto at pagtatabas, at tapos na. Hindi sila mabilis maglipat o magpalit ng mga tao. Gayundin, nagdudulot ng matinding pinsala sa gawain ng iglesia ang pamamaraan ng mga huwad na lider sa paggawa ng mga bagay-bagay, at madalas nitong pinipigilan ang gawaing ito upang umunlad nang normal, matagumay, at mabisa, at dahil sa paggambala ng masasama, madalas na nagdudulot ito ng pagkaantala, at pinsala, at mga aberya—ang lahat ng ito ang masasamang ibinubunga ng maling pagkasangkapan ng mga huwad na lider sa mga tao. Sa tingin, hindi sinasadya ng mga huwad na lider na ito na gumawa ng masama gaya ng mga anticristo, na sadyang nagtatatag ng sarili nilang kaharian at ginagawa kung ano ang kanilang maibigan. Subalit sa saklaw ng kanilang gawain, hindi magawang mabilis na solusyunan ng mga huwad na lider ang sari-saring problemang idinulot ng mga tagapangasiwa, hindi nila magawang agarang mailipat at mapalitan ang mahihinang klaseng tagapangasiwa, na lubhang pumipinsala sa gawain ng iglesia, at ang lahat ng ito’y dulot ng kapabayaan ng mga huwad na lider(“Pagkilala sa mga Huwad na Lider (3)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Pakiramdam ko nang mabasa ko ito ay personal akong hinahatulan at inilalantad ng mga salita ng Diyos. Nang matanggap ko ang sumbong tungkol sa lider at mga diyakono, nag-urong-sulong ako tungkol doon. Hindi ko ginustong beripikahin ang mga bagay-bagay o asikasuhin kaagad iyon. Akala ko na kahit may ilang problema nga sila, makakagawa sila ng tunay na gawain, kaya matutulungan ko sila. Hindi ko nasubaybayan ang mga bagay-bagay, at pagkatapos ay talagang naging tiwala ako sa sarili ko at nanindigan nang magsumbong na sila. Sariling paghatol ko lang ang pinaniwalaan ko at hindi ko pinansin ang sinabi ng iba. Inakala ko pa nga na pinalalaki iyon ng mga sumulat ng liham at nagiging hindi patas. Nakita ko na hindi lang ako hindi gumagawa ng praktikal na gawain at nagiging bulag, kundi ako ay mangmang at mayabang. Nagbahagi na ako kay Sister Xin dalawang buwan na ang nakalipas tungkol sa hindi paggawa ng praktikal na gawain, at nagpahayag na siya ng pagsisisi. Pakiramdam ko nagawa ko na ang trabaho ko, nalutas na ang problema. Ngunit ang totoo, mula sa ibinahagi ng lahat, nakikita ko na wala pang ipinagbago. Peke ang kanyang mga luha, ngunit wala akong anumang pagkakilala. Ninais kong magpakita ng kabaitan, na patuloy siyang tulungan at bigyan ng mga pagkakataon. At nariyan si Sister Wang—palagi siyang mayabang at mainitin ang ulo, at may magsusumbong nito paminsan-minsan. Ngunit akala ko, ito’y pagpapakita ng panandaliang katiwalian, at hindi ko iyon gaanong pinansin. Kung minsan nakausap ko siya nang kaunti at pakiramdam ko ay nagawa ko na ang trabaho ko, na magbabago na siya pagkatapos. Hindi ko nahiwatigan ang kanyang diwa batay sa mga bagay na ito o hinanap kung paano pangasiwaan ito batay sa prinsipyo. Wala sa akin ang katotohanan at hindi ko makita nang malinaw ang mga bagay-bagay. Isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay upang ang sumbong ng mga kapatid ay mabigyan ako ng pagkakataong magkamit ng pagkakilala, ngunit hindi ko pinansin ang lahat ng iyon, wala akong kaalam-alam sa gawain ng Diyos at hindi ako nagtiwala sa iba. Nagmatigas akong paniwalaan kung anong nakikita ko. Nang hindi ko iyon napangasiwaan nang maayos, tinulungan ako ng isang lider, na sinasabi sa akin na hanapan iyon ng solusyon kasama ang iba para mapunan ang kakulangan ko. Ngunit hindi ko iyon ginawa, sa takot na baka hindi maging maganda ang kalabasan niyon. Nakita ko na talagang mataas ang antas ng kayabangan ko. Ginawa ng lider at mga diyakono ang kanilang mga tungkulin sa loob ng maraming taon, ngunit hindi pa rin sila nagbago matapos ang maraming pagpuna at disiplina. Ang ibig sabihin niyan ay hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Anong buti ang magagawa ng higit pang pagbabahagi at tulong? Walang muwang kong inakala na malulutas iyon sa kaunti pang pagbabahagi. Malinaw na sa puso ko, inakala ko na mas malaki ang magagawa ng tulong at pagbabahaging ginawa ko kaysa sa sariling mga salita ng Diyos, higit pa sa paghatol, pagkastigo, at disiplina ng mga salita ng Diyos. Lubhang wala iyon sa katwiran at kayabangan ko iyon. Nakakasuka iyon. Sa puntong iyon, pakiramdam ko, kahit ang sumbong ay tungkol sa mga isyu ng ibang mga tao, inilalantad din nito ang mga problema ko. Nasa harap ko mismo ang mga huwad na lider at manggagawa, ngunit hindi ko sila nakita o napangasiwaan ang sitwasyon. Nakaantala ito sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid, at nakahadlang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kumilos ako na tulad mismo ng uri ng huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain na inilalantad ng Diyos. Sinimulan kong itigil ang pagmamataas ko nang paunti-unti.

Batay sa kanilang naisagawa, natukoy namin na sila ay mga huwad na lider at manggagawa na hindi gumawa ng praktikal na gawain, at pinaalis namin sila. Natapos ko nang pangasiwaan ang sumbong, ngunit ang karanasang iyon ay tumatak sa puso ko. Nang maisip kung paanong pinagalitan ako ng lider, na sinasabing pinoprotektahan ko ang mga taong iyon, na hindi ko ilalantad ang mga huwad na lider at manggagawa, sumama ang pakiramdam ko sa paraang hindi ko maipaliwanag. Talagang kinamuhian ko ang sarili ko. Paano ko nagawa ang gayong bagay? Humarap ako sa Diyos sa panalangin at muling humiling, sinasabing, “Diyos ko, masyado akong tiwali. Hindi ko nagagawa ang aking tungkulin ayon sa Iyong hinihingi. Hindi ko mapigilang gumawa ng mga bagay na nakakagambala. Diyos ko, nais kong lubos na magnilay tungkol sa sarili ko at lutasin ang aking mga problema gamit ang katotohanan, para makalaya ako mula sa katiwalian at magawa ko nang maayos ang aking tungkulin. Pakiusap, gabayan at bigyang-liwanag Mo ako.” Matapos manalangin, ginunita ko kung ano ang inisip ko nang matanggap ko ang liham na iyon, at ang aking saloobin at pananaw tungkol doon. Naalala ko kung gaano ako nagpahalaga sa aking sarili, naging hambog, at nagmayabang noong panahong iyon. Humatol at nagdesisyon ako na para bang nakikita ko ang lahat nang hindi nagdarasal o naghahanap. Wala ako ni katiting na pagdududa sa pangangasiwa ko sa bagay na iyon at hindi ko sinunod ang mga tagubilin ng lider. Pakiramdam ko ay tama ang ginagawa ko. Nagpanginig ito sa akin. Paano ko nagawang maging labis na tiwala sa aking sarili, na maging napakahambog?

Sumagi sa isip ko ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos, “Kung talagang nasasaloob mo ang katotohanan, natural na magiging tama ang landas na iyong tinatahak. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mayabang at hambog na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na kayabangan at kahambugan. Dahil sa iyong kayabangan at kahambugan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, lagi kang magpasikat, at, sa huli, papalit ka sa lugar ng Diyos at magpapatotoo para sa iyong sarili. Gagawin mong mga katotohanan ang iyong sariling mga ideya, ang iyong sariling pag-iisip, at ang iyong sariling mga kuru-kuro para sambahin ang mga ito. Tingnan mo kung gaano kalaking kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang likas na kayabangan at kahambugan!(“Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Ang mga naiisip ng tao ay karaniwang maganda at matuwid sa tingin ng mga tao, at tila ang mga ito ay hindi gaanong lalabag sa katotohanan. Pakiramdam ng mga tao ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganoong paraan ay pagsasagawa ng katotohanan; sa palagay nila ang paggawa ng mga bagay-bagay sa paraang iyon ay magiging pagpapasakop sa Diyos. Sa totoo lang, hindi sila tunay na naghahanap sa Diyos o nananalangin sa Diyos tungkol dito, at hindi sila nagsusumikap na gawin ito nang mabuti alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, upang bigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos. Wala silang angking ganitong totoong kalagayan, ni wala silang ganoong hangarin. Ito ang pinakamalaking kamalian ng mga tao sa kanilang pagsasagawa. Naniniwala ka sa Diyos, ngunit hindi mo iniingatan sa iyong puso ang Diyos. Paano ito hindi isang kasalanan? Hindi mo ba dinadaya ang iyong sarili? Anong uri ng mga bunga ang nakukuha mo kung patuloy kang naniniwala sa ganyang paraan? Bukod pa riyan, paano naipapamalas ang kabuluhan ng paniniwala sa Diyos?(“Ang Paghahanap sa Kalooban ng Diyos ay Alang-alang sa Pagsasagawa ng Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Alam na alam ko na ang mga siping ito, ngunit partikular na nakaantig ang mga iyon sa akin noon. Nakita ko nang napakalinaw ang sarili kong kapangitan sa pamamagitan ng paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos. Isinumbong ng mga kapatid ang lider at mga diyakono, ngunit hinamak ko lang sila. Pakiramdam ko kilala ko sila at alam ko ang kakayahan nila sa gawain, na makitid ang pananaw ng iba, ngunit nakita ko ang kabuuan nito. Akala ko ang paggawa ng mga bagay-bagay sa aking paraan ang pinakamainam para sa aming gawain. Sinabi sa akin ng lider na pangasiwaan nang lantaran ang sumbong, ngunit inakala ko na ang pangangasiwa roon nang hayagan ay magsasanhi ng pagkiling ng iba laban sa kanila at makakasira ito sa gawain ng iglesia. Inakala ko na ang pagbabahagi at pagtulong ko nang patago ang pinakamatalinong paraan. Pinanatili ko ang kumpiyansa ko sa sarili sa buong usaping iyon. Tiyak ko na ang paggawa ng mga bagay-bagay sa aking paraan ang pinakamainam na paraan. Hindi ako nanalangin o hinanap ko man lang ang kalooban ng Diyos, at ni hindi ko nakilala na ito ay isang sitwasyong ipinlano ng Diyos para paalalahanan ako. Walang puwang ang Diyos sa puso ko. Inakala ko na naunawaan ko ang lahat at taglay ko ang katotohanan, na para bang ang mga personal na opinyon ko ay maaaring kumatawan sa sariling mga opinyon ng Diyos. Hindi ko ba inilalagay ang sarili ko sa posisyon ng Diyos, na lubos na binabalewala Siya? Ilang buwan pa lang akong nasa isang posisyon ng pamumuno at maraming katotohanan ang hindi ko naunawaan. Iyon ang unang pagkakataon na nag-asikaso ako ng isang liham na nagsusumbong. Magkagayunman, nagkaroon ako ng lubos na kumpiyansa sa sarili kong pag-iisip at mga pananaw. Binalewala ko ang malilinaw na prinsipyo ng iglesia sa pagsusuri sa mga huwad na lider, na ginagawa lang ang sarili kong paghatol, kinokonsidera sila batay sa impresyon ko sa kanila at sa ilang paimbabaw na gawain. Itinuring ko ang aking personal na mga imahinasyon bilang katotohanan, nagbibingi-bingihan sa mga salita ng Diyos. Wala ang Diyos sa puso ko—talagang wala sa katwiran ang kayabangan ko. Inakala ko na kilalang-kilala ko ang mga taong iyon, na yamang nabahaginan at natulungan ko sila, at nagtamo na sila ng kaunting pag-unawa, mapapanatili namin sila sa kanilang lugar. Ngunit nasuri na ang kanilang mga problema at nakita na nila ang mga iyon dati, kaya ang muling paglalantad sa kanila nang gayon ay nangahulugan na hindi pa sila nagsisi at nagbago, na hindi nila talaga tinanggap ang katotohanan. Inatake ng Diyos ng mga katotohanan ang aking mga imahinasyon. Ni hindi ko naunawaan kung ano ang tunay na pagkakilala sa sarili o ang pagsisisi at pagbabago. Inakala ko na tama ang pagkakita ko sa mga bagay-bagay, na malinaw kong nakikita ang mga bagay-bagay. Nakakasuka at nakakahiyang isipin ang aking kayabangan. Ang Diyos ang Panginoon ng paglikha, ang pagsasakatawan ng katotohanan. Siya ang naghahari sa lahat at nakikita Niya ang nilalaman ng ating puso’t isipan, ngunit hindi Siya mayabang ni bahagya. Siya ay mapagpakumbaba at kaibig-ibig. Ngunit lubha akong nagawang tiwali ni Satanas kaya ni wala akong wangis ng tao o anumang wastong katwiran. Malinaw na wala akong kakuwenta-kuwenta, ngunit wala pa ring katapusan ang aking kayabangan. Kumikilos ako na parang isang payaso, nabubuhay sa loob ng aking satanikong disposisyon. Taos-puso ang pagkasuklam at paghamak ko sa aking sarili noon, at nadama ko rin kung gaano kabanal ang Diyos. Nakita na ng Diyos noon pa man ang aking bawat kaisipan at gawa, at ginamit ang liham ng pagsusumbong na iyon para ihayag ang aking kayabangan, para ipakita kung gaano ako kadepektibo, kawalang-prinsipyo, at kawalang-kakayahang gawin ang gawain. Talagang nagpasalamat ako sa Diyos sa Kanyang paghatol at pagkastigo na tumulong sa akin na makilala ang aking sarili. Kung hindi ako tuwirang pinuna ng lider, sino ang nakakaalam kung gaano na ako kalayo sa tamang landas, o kung gaano karami pa ang gagawin kong laban sa prinsipyo at paggambala sa gawain ng iglesia. Binibigyan ako noon ng Diyos ng pagkakataong magsisi at magbago, at iyon ang Kanyang espesyal na biyaya. Nagpasiya ako na pag-aaralan kong talikdan at itatwa ang aking sarili sa aking tungkulin, higit na humarap sa Diyos sa paghiling, at gumawa ayon sa prinsipyo.

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na tumulong sa akin na maunawaan ang mga kahihinatnan ng pangangasiwa sa sumbong sa gayong paraan at ang ilang prinsipyo sa pagharap sa mga problema. Sabi ng Diyos, “Isa kang lider. Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging isang lider? Ibig sabihin nito’y paggabay sa mga tao na matutunan ang kanilang mga leksyon, na aktwal na matuto mula sa mga tao, pangyayari, at bagay na lumilitaw sa pang-araw-araw nilang buhay, aktwal na maranasan ang mga salita ng Diyos, at aktwal na makita ang mga bagay at tao sa kung ano talaga ang mga ito. Sa sandaling nahanap sa iyo ang kakayahan ng isang lider o manggagawa, kapag nahanap sa iyo ang kakayahan o mga kondisyon kung saan nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao, dapat simulan mo nang manguna, na gabayan ang mga kapatid na matutunan kung paano makikilala ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay sa kung ano talaga ang mga ito, nang sa gayon magtamo sila ng pagkaunawa sa katotohanan, malaman kung paano haharapin ang iba’t ibang uri ng mga tao na gumagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, kung paano isasagawa ang katotohanan, at kikilos nang may prinsipyo sa iba’t ibang uri ng mga tao. Responsibilidad mo ang lahat ng ito. … Ang lalong mahalaga pa bilang isang lider o manggagawa ay dapat kang magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa iyo ng gayong oportunidad, tinutulutan kang magabayan ang mga kapatid sa pagharap sa mga tao, pangyayari, at bagay na ito nang sama-sama, sa pag-unawa kung paanong dapat nilang kilalanin ang mga tao, pangyayari, at bagay kapag lumilitaw ang mga ito, kung anong mga leksyon ang dapat nilang matutunan, kung anong mga kuru-kuro, imahinasyon, at maling pananaw ang mayroon sila tungkol sa iba’t ibang uri ng mga tao bago nangyari ang mga bagay na ito, at pagkatapos na maranasan ang ilang partikular na bagay, kung anong mga leksyon ang natutunan nila, kung anong mga maling haka-haka at pananaw ang naituwid, upang makamit ang isang dalisay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, upang makita na ang mga salita ng Diyos lamang ang katotohanan, at makita kung paano natutupad ang mga salitang ito. Ang mga leksyong natututunan nila ay dapat pagiging mas mahusay sa paggamit ng mga salita ng Diyos sa kung paano nila pinakikitunguhan ang iba, at dapat na mas walang kinikilingan sa kung paano nila itinuturing ang iba, sa halip na umasa sa panlabas na kaanyuan at sa sarili nilang mga imahinasyon. Titingnan nila ang mga tao at bagay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, gagamitin nila ang mga salita ng Diyos upang sukatin ang pagkatao ng isang tao at kung tunay nga ba siyang isang taong naghahanap ng katotohanan; gagamitin nila ang mga salita ng Diyos bilang pamantayan kung saan susukatin nila ang lahat ng bagay, sa halip na umasa sa kung ano ang kanilang nakikita, nararamdaman, naiisip, o inaakala. Kapag natutuhan na nila ang mga leksyong ito saka lamang ganap na maisasakatuparan ang gawain ng isang lider o manggagawa, at matutupad ang responsibilidad na ito. Sa sandaling matupad mo na ang iyong responsibilidad, pakikinabangan ng mga kapatid ang mga ito. Kung marami ka nang napagdaanan, subalit hindi mo magawang gabayan ang mga kapatid na matutunan ang mga leksyon, at hindi mo makilala ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa kung ano talaga ang mga ito, kung gayon ay bulag ka, manhid at walang katuturan. Nang mangyari ang mga bagay na ito sa iyo, hindi lamang nahirapan kang harapin ang mga ito, at hindi mo nagawang kayanin ang gawain, kundi naapektuhan mo rin kung paano naranasan ng mga kapatid ang mga bagay na ito. Kung ang ginagawa mo lamang ay apektuhan kung paano nararanasan ng mga kapatid ang mga bagay na ito, hindi masyadong seryoso ang problema; subalit kung hindi mo ito aasikasuhin nang maayos, kung mabigo ka sa iyong gawain, hindi mo sinasabi ang dapat mong sabihin, walang ibinabahaging salita ng katotohanan na nararapat na ibahagi, walang sinasabi na kapaki-pakinabang o nagpapakita ng magandang halimbawa sa mga tao; kung, kapag lumilitaw ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakakasagabal at nakakagambala, hindi lamang hindi matanggap ng maraming tao ang pagkaunawa mula sa Diyos, hindi lamang walang kakayahan na aktibong tumugon sa mga bagay na ito, at matuto ng leksyon mula sa mga ito, kundi lalong dumarami ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, lalong lumalayo ang loob sa Diyos, at lalong walang tiwala at naghihinala sa Diyos, kung gayon sa bagay na ito, hindi ba nabigo kang tuparin ang iyong responsibilidad bilang isang lider o manggagawa? Hindi mo naisagawang mabuti ang gawain ng iglesia, hindi mo nakumpleto ang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, hindi mo natupad ang responsibilidad ng isang lider o manggagawa, hindi mo naakay ang mga kapatid palayo sa kapangyarihan ni Satanas; nabubuhay pa rin sila sa mga tiwaling disposisyon, sa gitna ng mga tukso ni Satanas. Hindi mo ba napipinsala ang mga tao? Kapag ginawa kang isang lider o manggagawa, dapat mong tuparin ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong akayin ang mga kapatid patungo sa harapan ng Diyos, upang magawa nilang sangkapan ang kanilang sarili ng mga salita ng Diyos at ng mga prinsipyo ng katotohanan, upang lalong tumindi ang kanilang pagtitiwala sa Diyos. Kung hindi mo nagawa ang mga bagay na ito—kung, kapag may nangyari sa kanila, lalong lumalayo ang loob ng mga kapatid sa Diyos, at lalong nagkakaroon ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at lalong nagkakaroon ng tensyon at salungatan ang kanilang relasyon sa Diyos—kung gayon, hindi mo ba nabigyang daan ang kasamaan? Hindi ba ito paggawa ng masama? Hindi ka lamang nabigong tulungan ang mga kapatid na makamit ang positibong pagpasok at matuto ng leksyon, kundi lalo mo silang inilayo sa Diyos. Seryosong problema ba ito? (Oo.)” (“Pagkilala sa mga Huwad na Lider (20)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos, na para bang inilalantad at sinusuri Niya ako nang harapan. Bulag, manhid, walang pakiramdam—iyan ako. Kinakailangan ng mga lider at diyakono ng pangangasiwa ng mga kapatid, kaya kapag isinumbong sila, bilang isang lider, dapat kong gabayan ang iba sa sama-samang paghahanap para matuto ng aral, at malaman kung paano sila tratuhin sa maprinsipyong paraan. Ngunit ano ang naging saloobin ko sa sumbong na iyon? Paghamak, na sinundan ng kawalan ng pakialam. Wala akong balak na hanapin ang katotohanan. Ang iniisip ko lang ay kung paano ko ito pangangasiwaan nang hindi iniisip kung ano ang kalooban ng Diyos, kung ano ang tunay na paggawa ng aking tungkulin. Ang mga salitang “Isa kang lider,” “responsibilidad mo,” “napipinsala ang mga tao,” at “nabigyang daan ang kasamaan” ay talagang tumama sa aking kaibuturan. Kinailangan kong itanong sa aking sarili: Bilang isang lider, ano ang ginawa ko? Hindi ko ginamit ang liham ng pagsusumbong na iyon para hanapin ang katotohanan kasama ang iba, para magkaroon ng pagkakilala at matuto ng aral, at ni hindi ko ginustong malaman ito ng iba. Pakiramdam ko napakarami na nilang problema para ipakita sa lahat. Wala nang sinumang makikinig sa kanila, kung gayon ay paano namin magagawa ang gawain? Sa paggunita roon ngayon, nakikita ko na kakatwa talaga ang aking pananaw. Anong mga problema ng mga lider ang hindi maihaharap sa lahat para sa bukas na talakayan? Kasalukuyan man silang nasa posisyong iyon o napaalis na sila, anuman ang mga isyu nila, akma man silang patuloy na maglingkod bilang isang lider o diyakono ay mga bagay na mayroon tayong sinusunod na mga prinsipyo sa sambahayan ng Diyos. Basta’t malinaw tayong nagbabahagi tungkol dito, natural na makakabuo ng konklusyon ang mga kapatid. Ano ang pakinabang ko sa pagprotekta sa kanila? Hindi ba’t sadya kong pinagtatakpan ang personal nilang mga problema para hindi ito malaman ng iba? Sa katunayan, pinoprotektahan at pinapalayaw ko ang mga lider at diyakono. Ang pagdadala sa sumbong na iyon para sa bukas na talakayan ng lahat ay mapupunan ang aking mga pagkukulang, para mas marami akong matututuhang katotohanan at pagkakilala, at maiintindihan ko ang mga prinsipyo para sa aking tungkulin. Noong una hindi ko naunawaan kung bakit ko kinailangang gawin iyon, at hindi ko talaga matanggap iyon. Hindi ko naunawaan ang hinihinging iyon ng lider. Ngayon ay nakita ko na sa wakas kung gaano kahalaga ang ganoong uri ng pagsasagawa. Napakahalaga niyon para talagang maunawaan nating lahat ang katotohanan at magkaroon ng pagkakilala. Sa pagninilay sa aking sarili, bilang isang lider, hindi ako nagpaunang subaybayan ang gawain ng mga lider at diyakono, o tuklasin at harapin ang mga problema nang isumbong ng iba ang mga isyu. At nangasiwa ako batay sa aking mga haka-haka at kayabangan, at isinantabi ko ang isyu. Hindi lang iyon hindi paggawa ng praktikal na gawain, kundi ang totoo’y pinrotektahan ko ang mga huwad na lider at manggagawa. Nagpakatapang ang mga kapatid na isagawa ang katotohanan at gawin ang sumbong na iyon, ngunit pinigilan ko lang iyon nang wala ni isang salita. Nakita nila na walang kinahinatnan ang pagsusumbong nila tungkol sa mga problema ng lider at mga diyakono, na maaaring manatili sa posisyon ang problematikong lider at mga diyakono na gumagawa ng kasamaan, pagkatapos hindi na sila mangangahas na magsumbong ng mga problema sa hinaharap. Tiyak na iisipin nila na kami, na tinatawag na mga lider, ay tulad lang ng mga opisyal, na pawang pinagtatakpan ang isa’t isa, at iisipin nila na hindi nananaig ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos. Pinipigilan ko ang pagiging matuwid, pinipigilan ang mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan at pagtataguyod sa gawain ng iglesia. Hindi ko inaakay noon ang iba sa pagpasok sa katotohanan, hindi sila hinihikayat na isagawa ang katotohanan, o inihaharap sila sa Diyos, kundi pinipigilan ko ang pagiging matuwid, binabawasan ang kanilang sigasig na isagawa ang katotohanan, hinihikayat silang matakot na isagawa ang katotohanan o manindigan at ilantad ang mga problema ng mga lider. Naging dahilan ito para hindi maunawaan ng mga tao ang Diyos at ang sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ginagabayan ko ang mga tao palayo sa Diyos, patungo sa masamang landas ng pagtalikod sa Diyos? Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong nadama na para akong nakakagambala at nakakagulo. Paano ako naging ganoon kahangal? Hindi ba ganoon ang gagawin ng isang aktwal na huwad na lider? Habang ginugunita ang pagpuna ng lider sa akin, alam ko sa puso ko na ang pagtawag sa akin na isang huwad na lider, isang anticristo, ay naghahayag ng aking likas na pagkatao at diwa, ng aking satanikong disposisyon. Mayabang ako at walang prinsipyo sa aking tungkulin. Pinoprotektahan ko noon ang mga huwad na lider at huwad na manggagawa, hinahadlangan ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid at pinipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi ako nailantad ng lider sa oras, patuloy ko sanang pipigilan ang mga sumbong ng iba, poprotektahan ang mga lider at diyakono na hindi gumagawa ng praktikal na gawain. Sa paggunita sa sitwasyong isinaayos ng Diyos, ang paglalantad sa akin sa gayong paraan ay pagliligtas talaga sa akin. Iyon ay para linisin at baguhin ang katiwalian sa aking kalooban. Kung hindi ako naiwasto sa gayong paraan, hindi ko sana nakita kung gaano kalubha ang aking kayabangan. Kung ginagawa natin ang mga bagay-bagay sa sarili nating paraan, hindi naghahanap ng mga prinsipyo ng katotohanan sa ating tungkulin o walang pusong may paggalang sa Diyos, malamang na matisod at madapa tayo. Nang matanto ko iyon, taos-puso akong nagpasalamat sa paghatol at paghahayag ng Diyos, at tahimik akong nanalangin, handa nang magsisi, talikdan ang aking sarili para isagawa ang katotohanan, at sundin ang mga prinsipyo sa aking tungkulin.

Hindi nagtagal, bigla na lang ibinahagi ng isang sister sa iglesia ang ilang problema ni Sister Xiao, isang lider. Gumawa siya ng mga bagay-bagay nang hindi iyon tinatalakay sa iba, nang walang mga prinsipyo. Nang marinig ko ang tungkol sa ganoong uri ng pag-uugali, naisip ko na katataas ko pa lang ng ranggo niya bilang lider at dalawang buwan pa lang siya sa pagsasagawa niyon, at noong panahong iyon ay mataas ang tingin sa kanya ng ibang mga kapatid. Sinabi nila na masigasig siya sa kanyang tungkulin, at pakiramdam ko ay maayos niyang nagawa ang kanyang tungkulin at gumawa siya ng praktikal na gawain. Totoong problema ba ang isyu ni Sister Xiao? Kinailangan ba niya ng higit na pagpaparaya, mas maraming tulong? Nahirapan akong maniwala na malalantad nang napakabilis si Sister Xiao bilang isang huwad na lider. Tapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos, “Sa iyong karanasan sa buhay, dapat siyasatin ang bawat bagay. Dapat lubusang mapag-isipan ang lahat ng bagay ayon sa salita ng Diyos at sa katotohanan upang alam mo kung paano pangasiwaan ang mga ito sa isang paraan na buong-buong tumutugma sa kalooban ng Diyos. Ang mga bagay na nagmumula sa iyong sariling kalooban ay maiiwanan na kung gayon. Malalaman mo kung paano gawin ang mga bagay ayon sa kalooban ng Diyos, at pagkatapos ay gagawin ang mga iyon; mararamdaman mong para bang ang lahat ng bagay ay nangyayari nang natural, at magiging para bang napakadali. Ganito kung paano ginagawa ng mga taong nagtataglay ng katotohanan ang mga bagay-bagay. Pagkatapos ay talagang maipapakita mo na sa iba na ang iyong disposisyon ay nagbago na, at makikita nilang nakagawa ka na nga talaga ng ilang mabubuting gawa, na ginagawa mo ang mga bagay ayon sa prinsipyo, at na ginagawa mo nang tama ang lahat ng bagay. Ito ay isang taong nauunawaan ang katotohanan at talagang mayroon ngang kaunting wangis ng tao. Tiyak na tiyak, ang salita ng Diyos ay nagbunga ng mga resulta sa mga tao(“Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos tungkol sa mga prinsipyong isasagawa. Hindi tayo dapat kumilos ayon sa sarili nating kagustuhan, kundi hanapin natin ang katotohanan, at tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos, pamahalaan ang mga bagay-bagay at lutasin ang mga problema ayon sa mga prinsipyo. Ganyan ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Nakita ko na ang pagsusuri kay Sister Xiao at natalakay sa kanya ang kanyang tungkulin paminsan-minsan, ngunit hindi ko siya gaanong nakaugnayan at hindi ko siya gaanong kilala. Yamang may nagsumbong, dapat kong seryosohin iyon at magkaroon ng detalyadong pag-unawa roon, magkaroon ng pagkakilala mula sa mga salita ng Diyos at pangasiwaan ang mga bagay-bagay batay sa prinsipyo. Hindi ko maaaring pikit-matang sundin ang sarili kong paghatol. Hiniling ko sa ilang kapatid na kilalang-kilala si Sister Xiao na sumulat ng ilang pagsusuri, at nang makita ko sa paisa-isang linya ang paliwanag kung paanong nabigo siyang gumawa ng praktikal na gawain, muli akong napahiya. Lagi niyang naipadama sa akin na siya ay praktikal, ngunit ang totoo, inuutus-utusan niya noon ang mga tao sa kanyang tungkulin. Hindi talaga siya praktikal, o humaharap sa praktikal na mga problema at iniuulat lang niya ang kanyang mga tagumpay. Akala ko nakakagawa siya ng praktikal na gawain, ngunit talagang binuksan ng mga katotohanan ang aking mga mata, at pakiramdam ko ay nalinlang ako. Sa sandaling iyon nakita ko kung ano talaga ang bumubuo sa akin. Wala sa akin ang realidad ng katotohanan o anumang pagkakilala sa iba. Nabawasan ang kayabangang iyon sa aking kalooban bago ko pa namalayan. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “… gabayan ang mga kapatid na matutunan kung paano makikilala ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay sa kung ano talaga ang mga ito, nang sa gayon magtamo sila ng pagkaunawa sa katotohanan, malaman kung paano haharapin ang iba’t ibang uri ng mga tao na gumagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, kung paano isasagawa ang katotohanan, at kikilos nang may prinsipyo sa iba’t ibang uri ng mga tao. Responsibilidad mo ang lahat ng ito(“Pagkilala sa mga Huwad na Lider (20)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Naisip ko ang mga positibong kinalabasan mula sa huling pagkakataon na isinagawa ko iyon. Alam ko na dapat nating sama-samang hanapin ang katotohanan kapag nagkakaproblema ang mga kapatid, at matuto ng tunay na aral. Kalaunan, tinalakay namin ang pag-uugali ni Sister Xiao sa isang pagtitipon ng buong iglesia at sumang-ayon ang lahat, na batay sa mga salita ng Diyos, isa siyang huwad na lider na hindi gumawa ng praktikal na gawain. Nadama dati ng ilang kapatid na medyo may kakayahan siya, ngunit nalaman nila sa pamamagitan ng pagbabahaginan kung paano hatulan ang kaangkupan ng isang tao na maglingkod bilang isang lider. Nakita nila na ang pagmumukhang masigasig at abala ay hindi ang pamantayan sa paghatol sa isang lider, kundi iyon ay kung gumagawa siya ng praktikal na gawain at nalulutas ang tunay na mga problema ng iglesia. Pinag-usapan din namin ang ilan sa kanyang mga aktwal na pag-uugali at isinali ang mga salita ng Diyos sa pagbabahagi tungkol sa kanyang disposisyon at diwa, at sa landas na kanyang tinatahak. Habang nagkakaroon ng pagkakilala, maaaring ituring din ito ng lahat na isang babala. Ang paggawa niyon ay talagang nagpapanatag sa puso ko at binigyan ako ng mas malalim na pag-unawa sa kung anong uri ng gawain ang dapat gawin ng isang lider upang tunay na mapamunuan at matulungan ang mga kapatid.

Nitong huli ay isinusumbong sa akin ng mga kapatid ang lahat ng uri ng problema ng mga lider. Ang ilan sa kanila ay mga taong kilala ko kahit paano, ngunit hindi ako nangangahas na umasa sa aking tinatawag na pagkaunawa para hatulan sila nang basta-basta, na maging walang pakundangan na tulad ng dati, na may kayabangan at katigasang sundin ang sarili kong paraan. May mas mabuti at mas kalmado na akong saloobin. At hindi ako gaanong kaswal at nakatitiyak sa sarili kapag nagkakaroon ng mga problema, kundi nagagawa kong magtamo ng praktikal na pag-unawa at tinatalakay ko iyon sa iba, at sadya akong kumikilos ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo. Kung hindi ako naiwasto ng lider at nahatulan ng mga salita ng Diyos, hindi ko sana nakita ang sarili kong kayabangan, at hindi ko sana naitatwa ang aking sarili kailanman. Hindi ko sana natanto ang kahalagahan ng paghahanap sa katotohanan at pagsunod sa mga prinsipyo sa lahat ng bagay bilang isang lider. Ang maiwasto sa ganitong paraan ay nakagawa ng napakalaking silbi sa buhay ko. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagkalas sa mga Buhol ng Puso

Ni Chunyu, Tsina Nangyari ’yon nung nakaraang tagsibol habang nasa tungkuling pang-ebanghelyo ako sa iglesia. Noong panahong ’yon, nahalal...