Matapos Biglang Pumanaw ang Anak Kong Babae
Bago ko natagpuan ang Diyos, nasira nang malubha ang katawan ko dahil sa hirap ng panganganak, at hindi nakaligtas ang anak ko. Kalaunan, nagkaroon ako ng hyperthyroidism, sakit sa puso, at lumbar disc herniation. Pinahirapan ako ng mga sakit na ito hanggang sa maging buto’t balat na lang ako, at ni wala na akong lakas na maglakad. Sinabi ng doktor na masyadong mahina ang katawan ko, at kahit pa operahan ako, hindi rin ako makakaligtas. Palagi ring sumasakit ang likod ng asawa ko kaya hindi siya makapagbuhat ng mabibigat, at madalas ay sa akin niya ibinubunton ang galit niya at hinahanapan ako ng mali. Kung kailan pakiramdam ko ay wala nang pag-asa sa buhay, noong 2008, ipinangaral sa akin ng kapitbahay ko ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Nasabik ako nang makitang nagpapahayag ng mga katotohanan ang Tagapagligtas sa mga huling araw para iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikipagbahaginan sa mga kapatid, naunawaan ko na nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng tao, at na matapos gawing tiwali ni Satanas, nawala sa mga tao ang proteksyon ng Diyos at namuhay sila sa pagdurusa. Sa pamamagitan lamang ng paglapit sa Diyos at pagsamba sa Kanya, at paggamit ng Kanyang mga salita para gabayan tayo sa lahat ng bagay, na tayo ay makapamumuhay nang magaan. Pagkalipas ng ilang panahon, hindi na ganoon kasakit ang nararamdaman ko sa puso ko at nagsimula na akong gumawa ng tungkulin sa iglesia. Sa hindi inaasahan, nawala ang dalawang bukol sa leeg ko na kasinlaki ng itlog dahil sa hyperthyroidism, at unti-unti ring gumaling ang iba ko pang mga sakit. Nawala ang pananakit ng likod ng asawa ko, at nakapagtrabaho na siya at kumita ng pera. Araw-araw na bumuti ang buhay ng aming pamilya. Sa partikular, sa taon na naging 39 anyos ako, sa hindi inaasahan ay nabuntis ako. Sa pagtanggap ng gayon kalaking biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos, naantig ako hanggang sa mapaiyak ako, at paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos, at determinado akong gawin nang maayos ang aking tungkulin. Pagkatapos niyon, anuman ang itinalagang tungkulin sa akin ng iglesia, masigasig ko itong ginampanan. Umulan man o umaraw, palagi kong pinamumunuan sa tamang oras ang mga pagtitipon ng maliliit na grupo. Kahit noong buntis ako, halos hindi naantala ang paggawa ko ng tungkulin. Matapos isilang ang aking anak na babae, iniwan ko siya sa pangangalaga ng aking biyenan at nagpatuloy ako sa paggawa ng tungkulin ko sa iglesia.
Bago ko pa namalayan, 2019 na pala, at 8 taong gulang na ang anak ko. Isang hapon noong Pebrero, umuwi ako galing sa paggawa ng tungkulin at may nakita akong iniwang sulat ng anak ko. Sabi roon, naglalaro siya sa bahay ng kaklase niya, kaya pinuntahan ko siya. Pagdating ko roon, sakto namang nakita ko ang anak ko na nabubulunan sa pagkain. Tumirik ang kanyang mga mata, hirap siyang lumingon para tingnan ako, at hindi siya makapagsalita. Bigla na lang dumulas ang katawan niya sa ilalim ng mesa. Nang makita ko ito, takot na takot ako, at nagmamadali ko siyang itinayo mula sa sahig. Nangingitim na ang mga labi at mukha ng anak ko, at hirap na hirap siyang huminga. Nanginginig ang mga kamay at paa ko, at walang tigil akong sumisigaw sa Diyos sa puso ko, nagmamakaawang iligtas Niya ang anak ko. Sa ospital, gumamit ng aparato ang doktor para kuryentehin ang puso ng anak ko, pero wala man lang reaksyon ang anak ko, at sinabi ng doktor na pumanaw na siya. Sa sandaling marinig kong idineklara ng doktor na patay na ang anak ko, pakiramdam ko ay gumuho ang mundo ko. Dumaloy ang mga luha ko, at hindi ako makapaniwalang wala na ang anak ko. Desperado akong nagmakaawa sa doktor na huwag sumuko, at paulit-ulit kong tinawag ang pangalan ng anak ko at pinisil ang ilalim ng kanyang ilong. Gusto ko lang siyang magising, pero hindi pa rin siya tumutugon. Nanginginig ang buong katawan ko, at halos madurog ang puso ko sa sobrang sakit, na parang hinihiwa ng mga kutsilyo. Gusto kong umiyak nang malakas pero ni hindi ako makagawa ng ingay. Naisip ko, “Nagkaanak lang ako sa kalagitnaan ng buhay ko, at kulang siya sa buwan nang ipanganak, at napakahina ng kanyang pangangatawan. Ang hirap-hirap niyang palakihin, at siya na lang ang tanging pag-asa naming mag-asawa! Bakit hindi pinrotektahan ng Diyos ang anak ko, gayong napakasigasig ko naman sa paggawa ng tungkulin? Paanong nangyari sa akin ang ganitong kasawian?” Habang lalo ko itong iniisip, lalong sumasakit ang damdamin ko. Nanalangin ako sa Diyos sa puso ko, hinihiling na ingatan Niya ang puso ko na hindi lumayo sa Kanya. Pero nang umuwi ako sa bahay at makita ko ang mga damit ng anak ko, bumuhos ang mga luha ko, at naisip ko, “Napakatalino at napakabait niyang bata; paanong namatay siya nang ganoon kaaga? Kung umuwi lang sana ako nang mas maaga, at hindi siya pumunta sa bahay ng kaklase niya para kumain, baka hindi ito nangyari. Ngayong wala na siya, ano pa ang saysay ng buhay ko? Mabuti pang mamatay na lang din ako!” Tulala ako noong mga sumunod na araw. Halos hindi ko maidilat ang mga mata ko, hindi ako makakain, at ni hindi ako makainom ng tubig. Pakiramdam ko ay mamamatay na ako. Lubog ako sa matinding paghihirap. Noong panahong iyon, isa akong lider ng iglesia, pero hindi man lang ako makapagtuon sa tungkulin ko. Napagtanto kong mapanganib ang kalagayan ko—negatibo ako at nakararamdam ng paglaban sa Diyos. Hindi ako puwedeng magpatuloy na manlumo nang ganito. Walang tigil akong tumawag sa Diyos, nagmamakaawang ingatan Niya ang puso ko na hindi lumayo sa Kanya. Sa sandaling iyon, naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na madalas naming kinakanta sa mga pagtitipon. “Ang Ginagawang Perpekto ng Diyos ay ang Pananampalataya.” “Sa gawain ng mga huling araw, hinihingi sa atin ang lubusang pananalig at pag-ibig, at maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nauna: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananalig ng mga tao, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananalig, pag-ibig, at buhay ang mga salita” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … (8)). Kinanta ko ang awit habang dumadaloy ang mga luha ko. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang gawing perpekto ang mga tao sa pamamagitan ng paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at mga pagpipino. Kailangang magkaroon ng malaking pananalig ang mga tao. Hindi nakaayon sa mga kuru-kuro ko ang pagkamatay ng anak ko, pero pinahintulutan ito ng Diyos, at kailangan kong magpasakop. Hindi ako puwedeng magkaroon ng maling pagkaunawa o ng reklamo tungkol sa Diyos. Kailangan kong manalig sa Kanya. Sa gabay ng mga salita ng Diyos, bumuti ang kalagayan ko. Nang maisip ko ang papel ko bilang lider ng iglesia at ang mga tungkulin ko sa iglesia, lumabas ako para gawin ang tungkulin ko.
Sa ikaapat na araw pagkatapos mamatay ng anak ko, pauwi ako mula sa paggawa ng tungkulin nang marinig kong pinag-uusapan ako ng tatlo o apat na tao sa nayon. Sabi nila, “Nananampalataya siya sa Diyos, pero namatay pa rin ang anak niya—bakit hindi pinrotektahan ng Diyos ang anak niya?” Nang marinig ko silang kinukutya ako at pinagtsitsismisan habang nakatalikod, nagkaroon ako ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos sa puso ko: “Taos-puso akong nanampalataya sa Diyos, at anuman ang isaayos na tungkulin sa akin ng iglesia, at gaano man kabigat o kahirap ang gawain, palagi ko itong isinasagawa nang masigasig at hindi ko kailanman inantala ang tungkulin ko. Kahit noong hinusgahan at siniraan ako ng mga kamag-anak at kaibigan ko, at hinadlangan ako ng asawa ko, hindi ako kailanman umatras at nagpatuloy ako sa tungkulin ko. Napakarami kong tinalikuran at ginugol sa mga taon ng pananalig ko, kaya pakiramdam ko ay dapat pinrotektahan ng Diyos ang pamilya ko at pinanatili kaming ligtas. Paanong nangyari pa rin ang ganitong bagay? Matanda na ako nang magkaanak ako—bakit siya kinuha ng Diyos? Kung nasa bahay lang sana ako noong hapong iyon, baka hindi ito nangyari, at hindi sana namatay ang anak ko.” Nang maisip ko ito, pinagsisihan kong lumabas ako para gawin ang tungkulin ko noong araw na iyon. Nang maisip ko ito, naging napakanegatibo ng kalagayan ko, at napuno ng kadiliman at pasakit ang puso ko. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, namatay na ang anak ko, at kinukutya at sinisiraan pa ako ng mga tao sa paligid ko. Puno ng maling pagkaunawa at reklamo ang puso ko, at hindi ko alam ang gagawin. O Diyos, hindi ko po nauunawaan ang mga layunin Mo, at ayaw ko nang magpatuloy sa paghihimagsik na ganito. Pakiusap, gabayan Mo po ako na matuto ng aral mula sa bagay na ito.” Pagkatapos manalangin, nabasa ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos:
Hangaring Mahalin ang Diyos Kahit Gaano Kalaki ang Iyong Pagdurusa
Dapat mong maunawaan kung gaano kahalaga ang gawain ng Diyos ngayon.
1 Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, at mapanglaw ang kinabukasan nila. Nagdurusa ang ilang tao hanggang sa isang partikular na antas, gusto pa ngang mamatay. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang kakayahan! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, bawat uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo.
2 Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo palagi na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakababa, ikaw ay pipinuhin; bukod dito, hindi ka magkakaroon ng kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakataas ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang nasa iyo na hindi kayang mapalugod ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa habag ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
Naalala ko rin ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o magkaroon ng pagkanegatibo sa kanilang kalooban, o hindi malinawan sa mga layunin ng Diyos o sa landas ng pagsasagawa. Ngunit anuman ang mangyari, kailangan mong magkaroon ng pananalig sa gawain ng Diyos, at, tulad ni Job, huwag itanggi ang Diyos. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay na taglay ng mga tao pagkatapos silang ipanganak ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa mga ito. Anumang mga pagsubok ang pinagdaanan niya, pinanatili niya ang paniniwalang ito. Sa loob ng mga karanasan ng mga tao, anumang pagpipino ang pinagdaraanan nila mula sa mga salita ng Diyos, ang gusto ng Diyos sa pangkalahatan, ay ang kanilang pananalig at mapagmahal-sa-Diyos na mga puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananalig, pagmamahal, at determinasyon ng mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginagawang perpekto ng Diyos ang pananalig at pagmamahal ng mga tao sa pamamagitan ng pagdurusa at mga pagpipino. Naisip ko si Job. Noong sinubukan siyang tuksuhin ni Satanas, namatay lahat ng sampu niyang anak, at sa isang gabi, kinuha sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian. Kahit sa ganoon katinding pagdurusa, hindi nagreklamo si Job laban sa Diyos, at mas pinili niyang isumpa ang araw ng kanyang kapanganakan kaysa itanggi ang Diyos. Paano man siya tratuhin ng Diyos—nagbibigay man o kumukuha—hindi siya nagreklamo ni minsan, at sa halip ay nagpasalamat sa Diyos, sinasabing dapat purihin ang pangalan ng Diyos. Mayroong tunay na pananalig sa Diyos si Job at nagpatotoo siya para sa Diyos sa harap ni Satanas. Pero nang mamatay ang anak ko at kinutya at siniraan ako ng mga tao sa paligid ko, gusto ko nang mamatay at nagreklamo pa nga ako tungkol sa Diyos. Paano ako maituturing na mayroong anumang klase ng patotoo? Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos pero puro doktrina lang ang nauunawaan ko, at wala akong katotohanang realidad. Mula nang matagpuan ko ang Diyos, palagi na akong namuhay nang komportable, hindi kailanman nakararanas ng malalaking dagok. Inakala ko pa nga na ang simpleng paggawa ng tungkulin at pagsasakripisyo araw-araw ay nangangahulugang taos-puso akong nananampalataya sa Diyos. Ibinunyag ng nangyari sa anak ko kung gaano talaga kababa ang tayog ko at na wala akong tunay na pananalig at pagmamahal sa Diyos. Naisip ko rin kung paanong, bago ako nanampalataya sa Diyos ay niloloko ako ni Satanas, ginagawang mas masahol pa sa kamatayan ang buhay ko, pero iniligtas ako ng Diyos. Pinahintulutan Niya akong matamasa ang pagtustos ng Kanyang mga salita at matanggap ang Kanyang biyaya at mga pagpapala. Lahat ng natanggap ko ay bigay ng Diyos, pati na ang anak ko. Napakaraming pagmamahal na ang natamasa ko mula sa Diyos! Ngayong wala na ang anak ko, hindi ako puwedeng magreklamo laban sa Diyos o mag-antala ng tungkulin ko. Kailangan kong manindigan sa aking patotoo para sa Diyos, para ipahiya si Satanas. Nang maisip ko ito, wala na akong pakialam sa tsismis at pangungutya ng mga kapitbahay ko, at nagpatuloy akong lumabas at gawin ang tungkulin ko.
Minsan, pagkauwi galing sa paggawa ng tungkulin, kapag nag-iisa sa isang bakanteng silid, nakakaramdam ako ng lungkot at pangungulila, at naiisip ko, “Napakaganda sana kung buhay pa ang anak ko. Kung nasa bahay lang sana ako noong araw na iyon, baka hindi nangyari ang lahat ng ito.” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nalulungkot at nababagabag, pakiramdam ko ay masyadong maagang namatay ang anak ko. Naisip ko ang pagbabahagi ng Diyos tungkol sa buhay at kamatayan, at hinanap ko ang mga salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Diyos: “Kung ang kapanganakan ng isang tao ay itinadhana ng nakaraan niyang buhay, ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng tadhanang iyon. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay simula ng kanyang misyon sa buhay na ito, ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng misyong iyon. Yamang ang Lumikha ang naghanda ng isang itinakdang mga kapaligiran para sa bawat kapanganakan ng isang tao, tiyak na nagsaayos din Siya ng isang itinakdang mga kapaligiran para sa kamatayan nito. Sa madaling salita, walang sinuman ang ipinanganak nang nagkataon lang, walang pagkamatay ang biglaan, at ang kapanganakan at kamatayan ay kapwa marapat na konektado sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Kung ano ang mga kapaligiran sa kapanganakan ng isang tao, at kung ano ang mga kapaligiran sa kanyang kamatayan, ay nauugnay sa mga paunang itinakda ng Lumikha; ito ang tadhana ng isang tao, ang kapalaran ng isang tao. Dahil marami ang paliwanag tungkol sa kapanganakan ng isang tao, tiyak na mayroon ding iba’t ibang espesyal na sitwasyon para sa pagkamatay ng isang tao. Sa ganitong paraan, umiiral ang magkakaibang haba ng buhay at magkakaibang paraan at oras ng kanilang mga kamatayan sa sangkatauhan. May ilang tao na malakas at malusog, ngunit namamatay nang maaga; ang iba ay mahina at sakitin, ngunit nabubuhay hanggang sa pagtanda at namamatay nang mapayapa. Ang ilan ay namamatay sa di-natural na mga sanhi, ang iba ay sa natural na paraan. Namamatay ang ilan nang malayo sa kanilang tahanan, ang iba ay ipinipikit ang kanilang mga mata sa huling pagkakataon sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilang tao ay namamatay sa himpapawid, ang iba ay sa ilalim ng lupa. Ang ilan ay nalulunod sa tubig, ang iba ay namamatay sa mga sakuna. Ang ilan ay namamatay sa umaga, ang iba ay sa gabi. … Ang lahat ay nagnanais ng isang tanyag na kapanganakan, isang maningning na buhay, at isang maluwalhating kamatayan, subalit walang sinuman ang makakalampas sa sarili niyang tadhana, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang kapalaran ng tao. Maaaring magplano ng kung ano-ano ang mga tao para sa kanilang kinabukasan, subalit walang sinuman ang makakapagplano kung paano siya isisilang o kung ano ang paraan at panahon ng kanyang pag-alis mula sa mundo. Bagama’t ginagawa ng lahat ng tao ang lahat ng kanilang makakaya upang iwasan at labanan ang pagdating ng kamatayan, tahimik pa ring lumalapit ang kamatayan nang hindi nila nalalaman. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan o kung paano sila mamamatay, o lalong hindi nila alam kung saan ito magaganap. Malinaw, na hindi ang tao ang may hawak ng pinakamataas na kapangyarihan sa buhay at kamatayan, ni sinumang buhay na nilalang sa natural na mundo, kundi ang Lumikha, na nagtataglay ng natatanging awtoridad. Ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay hindi bunga ng kung anong batas ng natural na mundo, kundi resulta ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung kailan ipinapanganak at kung kailan namamatay ang isang tao, kung gaano karaming pagdurusa ang pagdadaanan niya sa buhay, kung gaano siya katagal mabubuhay, kung saan siya mamamatay, at sa anong paraan siya lilisan, ay lahat nakasalalay sa mga pagtatalaga ng Diyos, at walang sinuman ang makababago sa mga bagay na ito. May mga batang namamatay agad pagkapanganak; may mga bata na inaalagaan ng kanilang mga magulang at lolo’t lola, pero bigla na lang silang namamatay sa aksidente sa sasakyan, o kaya’y nalulunod, nahuhulog mula sa mataas na lugar, o namamatay sa mga kakaibang sakit. May mga taong mahina at sakitin na mula pa pagkabata, pero nabubuhay pa rin nang ilang dekada o kahit pa nga pitumpu o walumpung taon. Ang haba ng buhay ng isang tao ay hindi natutukoy ng mga panlabas na kalagayan o ng iba’t ibang obhetibong dahilan, kundi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng mga sanhi at bunga ng mga nakaraang buhay. Tulad ng isang batang lalaki sa aming nayon na wala pang dalawang taong gulang. Abala sa trabaho ang nanay niya, at ang kanyang lolo at lola ang nag-aalaga sa kanya sa bahay. Isang araw, nakasakay ang lolo niya sa motorsiklo, na hindi pa umaandar ang makina, at habang karga siya ng lola niya sa upuan, nahulog siya sa lupa, at namatay siya noon din. May isa pa akong kilala na nagtatrabaho sa isang malaking kumpanya at mayaman ang pamilya, at kumuha sila ng isang propesyonal na yaya para alagaan ang kanilang anak. Ang bata, na mahigit dalawang buwan pa lang, ay nagkasakit sa tiyan at hindi makakain. Anim na tao sa bahay ang nag-aalaga sa bata, at gumastos sila ng mahigit isandaang libo para sa pagpapagamot, pero namatay pa rin ang bata. Ang dalawang pamilya ay parehong nakatuon sa pag-aalaga sa kanilang mga anak, pero pareho silang walang nagawa habang pinapanood na pumanaw ang kanilang mga anak. Malinaw na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay talagang hindi kayang kontrolin ng mga tao. Hindi garantisadong hindi mamamatay ang mga anak dahil lang naroon ang kanilang mga magulang para alagaan sila. Sa pag-iisip tungkol sa biglaang pagkamatay ng anak ko, nakita kong hindi ito nagkataon lang, at nauna na itong itinalaga ng Diyos. Ang anak ko ay may ganito lang kahabang buhay, at lumaki siya hanggang sa edad na ito, at dahil dumating na ang oras niya para lumisan, kailangan na niyang umalis. Pero hindi ko naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ni hinanap ang Kanyang layunin. Sa halip, naghanap ako ng mga panlabas na obhetibong dahilan, at inakala kong kung hindi ako gumagawa ng tungkulin, o kung mas maaga akong bumalik, at nasa bahay ako para alagaan siya, hindi sana siya namatay. Sa ganito, itinatanggi ko ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang mga pananaw ko ay tulad lang ng sa isang hindi mananampalataya. Naisip ko kung paanong naging mahina ang katawan ko dahil sa panganganak, at sinabi ng doktor na hindi ako puwedeng magkaanak, pero matapos kong matagpuan ang Diyos, nabuntis ako at nagkaanak. Kaloob ng Diyos ang anak ko. Ipinanganak siyang kulang sa buwan at napakahina, at ang paglaki niya nang ganito ay biyaya na ng Diyos. Sa simula pa lang, hindi naman talaga sa akin ang anak ko, at ang oras ng kanyang paglisan ay nauna nang itinalaga ng Diyos, kaya kailangan kong magpasakop. Bukod pa rito, ang lahat ay nahaharap sa maraming paghihirap at dagok sa buhay, tulad ng kasawian sa pamilya o ng maagang pagkamatay ng mga anak, at ang mga bagay na ito ay ganap na normal. Kailangan kong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang katinuan ng pag-iisip na dapat kong taglayin.
Pagkatapos, pinagnilayan ko ang sarili ko para makita kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang ibinubunyag ko habang hinaharap ko ang sitwasyong ito. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahangad sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tunay na daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga nananampalataya sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang anuman. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano pang silbi na mabuhay ang mga gayong tao? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi mo hinahangad ang anumang layon; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na humarap sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas sa ganitong paraan, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tunay na daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahangad” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). “Bukod sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay isa lamang hayagang pansariling interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pagkakaunawaan, tanging walang magawang pinipigilang indignasyon at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). Inilalantad ng mga salita ng Diyos na nananampalataya tayo sa Diyos para mapanatiling payapa at walang problema ang ating pamilya, at mailayo sa sakit o sakuna ang ating mga mahal sa buhay. Kahit kapag tayo ay gumagawa ng ating mga tungkulin, nagsasakripisyo at gumugugol ng ating sarili, ito ay para makatanggap ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Ganoon ako. Matapos kong matagpuan ang Diyos, milagrosong gumaling ang mga sakit ko, at nagkaanak ako gaya ng ninanais ko. Nagkaroon ng kapayapaan ang pamilya at walang naging problema, at bumuti ang aming buhay. Nakatanggap ako ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at naniwala akong hangga’t ginagawa ko nang maayos ang aking mga tungkulin, pagpapalain ng Diyos ang pamilya ko at bibigyan ng kapayapaan at ilalayo kami sa mga problema, sakit, at sakuna. Kaya naging masigasig ako sa paggugol ng sarili ko, at anuman ang isaayos na tungkulin sa akin ng iglesia, masigasig ko itong ginagawa. Kahit noong buntis ako at hirap kumilos, lumalabas pa rin ako para mamuno ng mga pagtitipon ng grupo, at gaano man kabigat o kahirap ang mga bagay, hindi ako kailanman umatras. Pero nang pumanaw ang anak ko, at kinutya ako ng iba, naging negatibo ako at lumaban, at nagkaroon ako ng maling pagkaunawa at ng reklamo laban sa Diyos. Pinagsisihan ko pa nga na lumabas ako para gawin ang aking mga tungkulin. Ang mga pananaw ko sa pananalig ay tulad lang ng sa mundo ng relihiyon: Naniwala ako na kung ang isang tao ay nananampalataya sa Panginoon, pagpapalain ang buong pamilya, at inakala kong indirekta ring pagpapalain ang anak ko dahil sa pananalig ko. Kaya nang mamatay ang anak ko, ayaw ko nang gawin ang mga tungkulin ko, at naisip ko pa ngang ipagkanulo ang Diyos. Hindi ba’t wala akong konsensiya at katwiran? Nanampalataya ako sa Diyos para lang makatanggap ng mga pagpapala mula sa Kanya, kaya noong payapa, walang problema, at nagtatamasa ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos ang pamilya ko, napakasigasig ko sa aking mga tungkulin. Pero nang dumating ang kasawian at namatay ang anak ko, nalugmok ako sa pagkanegatibo, lumaban sa Diyos, at nawalan ng siglang gawin ang mga tungkulin ko. Napagtanto ko na hindi ko ginagawa ang mga tungkulin ko para magpasakop at palugurin ang Diyos, kundi sinusubukan kong ipagpalit ang aking mga ginastos at pagtatrabaho para makakuha ng mga biyaya at pagpapala ng Diyos. Sinusubukan kong gamitin at linlangin ang Diyos! Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam! Wala akong ipinagkaiba sa mga naghahangad na makinabang hangga’t nais sa mga sekta ng relihiyon! Binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong gawin ang mga tungkulin ko, at ito ay para bigyan ako ng pagkakataong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang tiwali kong disposisyon habang ginagawa ko ang mga tungkulin ko, para sa huli, magkamit ako ng pagbabago ng disposisyon at mailigtas ako ng Diyos. Pero hindi ko ginagawa ang mga tungkulin ko para magkamit ng katotohanan at umunlad sa buhay ko, hinangad ko lang ang pisikal na kapayapaan mula sa Diyos, at kapag may kinalaman ang isang bagay sa mga personal kong interes, nagrereklamo ako laban sa Diyos at ipinagkakanulo ko Siya. Napakadelikado ng paraan ng pananampalataya ko sa Diyos! Matapos itong mapagtanto, agad akong lumapit sa Diyos para magsisi, nagmamakaawa sa Diyos na gabayan akong baguhin ang maling perspektibang ito.
Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi niya nararanasan na magawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ang Lumikha, at tayo ay mga nilikha. Lahat ng mayroon tayo ay bigay ng Diyos, at maging ang ating hininga ay mula sa Kanya. Ang pananampalataya sa Diyos at paggawa ng ating mga tungkulin ay mga bagay na ganap na likas at may katwirang gawin, at wala itong kinalaman sa pagtanggap ng mga pagpapala o pagdanas ng kasawian. Gaya ito ng pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak—kapag lumaki na ang mga anak, ang paggalang sa kanilang mga magulang ay isang bagay na ganap na likas at may katwiran na gawin nila. Pero itinuring kong pakikipagtransaksyon sa Diyos ang aking mga sakripisyo at paggugol, mapilit na humihingi ng mga pagpapala at ng biyaya mula sa Kanya. Paano ito maituturing na paggawa ng mga tungkulin ng isang nilikha? Tunay na mapaghimagsik ito! Sa pag-iisip kung paanong sakitin ako at malapit nang mamatay bago ko natagpuan ang Diyos, pinalad akong matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, masundan Siya, at matanggap ang pagtustos ng Kanyang mga salita. Milagrosong gumaling ang mga sakit ko, at ang Diyos ang nagpahintulot sa aking mabuhay at gawin ang mga tungkulin ko sa iglesia. Nagkaroon ako ng pagkakataong maunawaan ang katotohanan, matanggap ang katotohanan, at maligtas ng Diyos, kaya dapat kong suklian ang pagmamahal ng Diyos. Makatanggap man ako o hindi ng mga pagpapala o maging payapa man o hindi ang aking pamilya sa hinaharap, kailangan kong tuparin ang aking mga tungkulin. Kalaunan, napili ako bilang isang mangangaral at naging abala sa aking mga tungkulin araw-araw. Kapag nakakaharap ng mga bagay-bagay, ginagabayan ako ng mga salita ng Diyos, at mas madalas na payapa ang puso ko sa harap ng Diyos. Paminsan-minsan, naiisip ko ang anak ko noong buhay pa siya, at medyo nalulungkot ang puso ko, pero nagdarasal ako sa Diyos at nagbabasa ng Kanyang mga salita, at hindi na ako ganoon kalungkot at nababagabag, at hindi nito naapektuhan ang mga tungkulin ko.
Nang maglaon, nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “May kinalaman man ito sa mga magulang, anak, o sa sinumang iba pang kamag-anak o kadugo ng isang tao sa kanyang buhay, pagdating sa pagkagiliw, dapat may ganitong pananaw at pang-unawa ang mga tao: Pagdating sa pagmamahal na umiiral sa pagitan ng mga tao, kung ito ay sa pagiging magkadugo, sapat na ang pagtupad sa responsabilidad. Maliban sa pagtupad sa kanilang mga responsabilidad, walang obligasyon o abilidad ang mga tao na baguhin ang anumang bagay. Kaya, iresponsable para sa mga magulang na sabihing, ‘Kung wala na ang mga anak namin, kung kailangan naming mga magulang na ilibing ang sarili naming mga anak, ayaw na naming mabuhay pa.’ Kung talagang ililibing ang mga anak ng kanilang mga magulang, masasabi lang na ganoon lang kahaba ang panahon nila sa mundong ito, at kailangan na nilang lumisan. Pero nandito pa rin ang kanilang mga magulang, kaya’t dapat pa ring patuloy na mamuhay nang maayos ang mga magulang na ito. Siyempre, ayon sa kanilang pagkatao, normal lang para sa mga tao na isipin ang kanilang mga anak, ngunit hindi nila dapat sayangin ang natitira nilang oras sa pangungulila sa kanilang mga yumaong anak. Ito ay kahangalan. Kaya, sa pagharap sa usaping ito, sa isang aspekto, dapat maging responsable ang mga tao sa kanilang sariling buhay, at sa isa pang aspekto, dapat nilang lubusang maunawaan ang mga ugnayang pampamilya. Ang tunay na relasyon sa pagitan ng mga tao ay hindi nakabatay sa mga ugnayan sa laman at dugo, bagkus, ito ay isang relasyon sa pagitan ng isang buhay na nilalang at ng isa pang nilikha ng Diyos. Ang ganitong uri ng relasyon ay walang mga ugnayan sa dugo at laman; ito ay sa pagitan lamang ng dalawang buhay na nilalang. Kung iisipin mo ito mula sa ganitong anggulo, bilang mga magulang, kapag ang inyong mga anak ay minamalas na magkasakit o kapag nanganganib ang kanilang buhay, dapat ninyong harapin nang tama ang mga usaping ito. Hindi ninyo dapat isuko ang inyong natitirang oras, ang landas na dapat ninyong tahakin, o ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat ninyong tuparin, dahil lang sa mga kasawian o sa pagpanaw ng inyong mga anak—dapat ninyong harapin nang tama ang bagay na ito. Kung tama ang iyong mga kaisipan at pananaw at malinaw mong nauunawaan ang mga bagay na ito, mabilis mong malalampasan ang paghihinagpis, pagdadalamhati, at pangungulila. Ngunit paano kung hindi mo malinaw na makilatis ang mga ito? Kung magkagayon, maaaring maglagi ito sa iyo habang nabubuhay ka, hanggang sa araw ng iyong kamatayan. Gayumpaman, kung malinaw mong nauunawaan ang sitwasyong ito, magkakaroon ng hangganan ang panahong ito ng buhay mo. Hindi ito magtatagal magpakailanman, hindi ka rin nito sasamahan sa huling bahagi ng buhay mo. Kung malinaw mo itong nauunawaan, mabibitiwan mo ito nang kaunti, na isang mabuting bagay para sa iyo. Ngunit kung hindi mo malinaw na nauunawaan ang mga ugnayang pampamilya ninyo ng iyong mga anak, hindi mo magagawang bumitiw, at magiging napakahirap nito para sa iyo. Walang magulang ang walang nararamdaman kapag namatay ang kanyang mga anak. Kapag naranasan ng sinumang magulang na ilibing ang kanyang mga anak, o kapag nasaksihan niyang nasa isang hindi magandang sitwasyon ang kanyang mga anak, gugugulin niya ang buong buhay niya sa kakaisip at pag-aalala tungkol sa mga ito, nang nakakulong sa pasakit. Walang makakatakas dito: Isa itong peklat at isang hindi nabuburang marka sa kaluluwa. Hindi madali para sa mga tao na bitiwan ang emosyonal na koneksiyong ito habang namumuhay sa laman, kaya’t nagdurusa sila dahil dito. Gayumpaman, kung malinaw mong nauunawaan ang emosyonal na koneksiyong ito sa iyong mga anak, hindi na ito gaanong magiging mabigat. Siyempre, gagaan ang pagdurusa mo; imposibleng ganap kang hindi magdurusa, pero labis na mababawasan ang iyong paghihirap. Kung hindi mo ito malinaw na mauunawaan, labis kang mahihirapan sa usaping ito. Ngunit kung malinaw mo itong mauunawaan, ito ay magiging isang espesyal na karanasan na nagdulot ng matinding emosyonal na trauma, na magbibigay sa iyo ng mas malalim na pagpapahalaga at pagkaunawa sa buhay, sa mga ugnayang pampamilya, at pagkatao, at na magpapayaman sa iyong karanasan sa buhay” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa simula ay mga kaluluwa tayong nag-iisa, na walang anumang relasyon, at ang Diyos ang nagsaayos na maging mag-ina kami ng anak ko sa mundong ito, na nagbigay sa amin ng makalamang ugnayang ito ng pagmamahalan. Habang buhay ang anak ko, tinustusan ko siya ng pagkain at damit, at inalagaan ko siya sa abot ng aking makakaya. Tinupad ko ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat kong gawin bilang isang magulang, at pagkamatay niya, wala na kaming anumang relasyon. Kailangan ko nang bumitaw at hindi masyadong malungkot sa pagkamatay ng anak ko. Nakakita ako ng ilang magulang sa paligid ko, na pagkamatay ng kanilang mga anak ay nais na ring mamatay. Ang ilan ay sobrang nasaktan kaya namuhay sila sa pasakit nang mahigit isang dekada at hindi pa rin makawala rito, at ang ilan ay nagkaroon pa ng mga sakit sa isip o depresyon dahil hindi nila kinaya ang pagkamatay ng kanilang mga anak. Sa pagbabalik-tanaw noong unang pumanaw ang anak ko, katulad nila ako, at kung hindi dahil sa pagbibigay-liwanag at paggabay ng mga salita ng Diyos sa akin, nagpatuloy sana akong malugmok sa sakit ng pagkawala ng aking anak, na pakiramdam ay wala nang pag-asa sa buhay, at baka sumunod pa ako sa kanya sa hukay. Pero naunawaan ko na dumating ako sa mundong ito na may misyon, at dapat kong tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha. Nang maunawaan ko ito, nakahanap ako ng ginhawa. Nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos mula sa puso ko!