Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin? (Ikatlong Bahagi)
Sunod, magbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang mga pagpapamalas ng hindi sapat na pagtupad ng tungkulin. Magbabahagi muna Ako ng isang halimbawa, at maaari ninyong kilatisin lahat kung ang taong ito ay tumutupad ng kanyang tungkulin nang sapat at naaayon sa mga hinihingi ng Diyos. May isang tao na pinili para maging isang lider ng iglesia at hinost ng isang pamilyang may hating pananampalataya, kung saan ang ilang miyembro ay mga mananampalataya at ang ilan ay hindi. Gayunpaman, lahat sila ay may kakaibang katangian, kung saan ay partikular silang bihasa sa pagbabasa ng pakiramdam ng at pambobola sa mga may awtoridad. Ano ang hindi sinasadyang mabubuo ng katangiang ito sa lider? (Bubuo ito ng isang tukso.) Bumuo ito ng isang tukso. Isa ba itong pagpapala o kasawian para sa kanya? Hindi pa malinaw kung ito ay isang pagpapala o kasawian; magpatuloy tayo. Pagkatapos hinost ng pamilyang ito ang lider, hinahainan nila siya ng karne at masarap na pagkain sa bawat pagkain. Bakit ganito nila tinanggap ang lider? Dahil ba ito sa pagmamahal? Ganito rin ba nila tatanggapin ang mga kapatid? Tiyak na hindi. Noong naroon ang lider, nagluluto sila ng karne para sa kanya araw-araw. Kalaunan, ang lider, na nasiyahan sa mga pagkain, ay nagsabi sa pamilya, “Ang inyong buong pamilya ay nagmamahal sa Diyos. Ang iyong ina ay makapapasok sa kaharian, ang iyong anak ay makapapasok sa kaharian, at ikaw at ang iyong asawa ay makapapasok rin sa kaharian. Sa hinaharap, ang buo mong pamilya ay makapapasok sa kaharian.” Pagkarinig nito, natuwa ang buong pamilya, iniisip na, “Ang aming buong pamilya ay makapapasok sa kaharian, maging ang mga walang pananampalataya sa amin ay makapapasok. Tila hindi nasayang ang karneng ibinibigay namin sa kanya; patuloy dapat namin itong ihain sa kanya.” Sa realidad, may kaunting pagkaunawa lamang ang pamilyang ito kung ano ang ibig sabihin ng pagpasok sa kaharian, subalit alam nilang mabuting bagay ito. Sino sa mga nananalig sa Diyos ang hindi gugustuhing makapasok sa kaharian ng langit at makatanggap ng mga pagpapala? Iniisip nilang, “Hangga’t sinasabi ng lider na makapapasok tayo sa kaharian, makapapasok tayo, tama? Ang salita ng lider ay pinal; kinakatawan ng lider ang Diyos, kung tutuusin!” Pagkatapos, habang mas sinabi ng lider na makapapasok sila sa kaharian, mas naging masagana ang mga pagkaing inihain nila sa kanya. Unti-unti, ayaw na ng lider na ito na bisitahin ang iba pang pamilya dahil hindi nila siya inalok ng magagandang bagay na ito o binola siya sa ganitong paraan. Hindi nagtagal, bumigat nang bumigat ang timbang ng lider, tumaba rin ang kanyang ulo, mula “ulo ng tao” ay naging “ulo ng baboy.” Sa isang pagtitipon ng mga magkakatrabaho, agad siyang naging kapansin-pansin. Sa hindi pagkakita sa kanya sa loob lang ng isang buwan, tumaba siya nang husto kaya pilit nila siyang kinuwestiyon tungkol sa kanyang gawain. Natuklasan nila ang mga seryosong isyu at mahigpit siyang pinungusan, hinimay-himay ang diwa ng kanyang problema bago tuluyang pinalitan ang huwad na lider na ito. Ang karagdagang pag-iimbestiga ay nagbunyag ng marami pang problema: Hindi gumawa ng tunay na gawain ang huwad na lider na ito at nagpakasaya sa mga benepisyo ng kanyang katayuan araw-araw. Pinaboran niya ang mga nambola sa kanya, itinataas sila sa katungkulan, habang sinusupil ang mga hindi naghandog sa kanya ng mga regalo. Hiningi pa nga niya na dalhan siya ng kanyang asawa ng mas maraming manok na makakain. Kaya, ano ang palagay ninyo sa pagganap ng huwad na lider na ito sa kanyang mga tungkulin? Ano ang kanyang saloobin sa kanyang mga tungkulin? Hindi talaga niya ginagawa ang gawain; para siyang pumunta sa isang lugar para lang maging isang opisyal. Kung hindi, paano siya tumaba nang husto? May dalawang dahilan para dito: Sa isang banda, sadyang pinili niya ang mga pamilyang magho-host kung saan makakakain siya ng karne, nanatili roon at tuloy-tuloy na nagpakasasa; sa kabilang banda, wala talaga siyang pakiramdam ng pasanin habang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin, at hindi siya nagtiis ng anumang paghihirap. Kung ang isang lider o manggagawa ay may pakiramdam ng pasanin, pagkakita sa maraming gawain ng iglesia at sa maraming isyung nangangailangan ng agarang paglutas, hindi ba’t siya ay mababagabag at mababalisa? Ang pagkabalisang ito ang magtutulak sa kanya para kumilos; agad niyang sisimulang tugunan ang mga isyung ito, gugugol ng lakas at magtitiis ng ilang paghihirap. Sa pisikal, mababawasan lamang siya ng timbang; likas na kautusan ito. Sa mga anong kondisyon magpapatuloy ang isang tao na kumain nang mas marami at tumaba? Maaaring magmula lamang ito sa pagkain ng isang tao hangga’t gusto niya buong araw at walang pinagtutuunang iba pa, sa pagiging malaya mula sa pasanin, nagmamataas, nakahiwalay sa komunidad at sa lugar ng trabaho, nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman. Saka pa lamang patuloy na tataba ang isang tao, magbabago mula sa isang “ulo ng tao” tungo sa isang “ulo ng baboy” sa loob lamang nang higit isang buwan. Kaya, gaano kaayos ginagampanan ng lider na ito ang kanyang mga tungkulin? Nagbago ang kalikasan ng kanyang papel bilang isang lider; hindi na ito tungkol sa pagganap niya ng kanyang mga tungkulin kundi sa pagpapakasasa sa kaginhawahan at sa mga benepisyo ng katayuan. Umaasta siyang parang isang opisyal ng gobyerno. Hindi lang niya pinabayaan ang tunay na gawain, gumawa pa siya ng pagkakamali. Kung hindi siya binola ng isang tao o binigyan ng masarap na pagkain, sinusupil niya ito. Bukod pa rito, inudyukan niya ang mga kapatid na sumama sa kanya para pungusan ang mga ito, na sa huli ay pumukaw sa galit ng publiko. Nagsimula siyang kayamutan at layuan ng mga tao. Isinasantabi ang mga dahilan sa pagkakatanggal sa kanya, talakayin lang natin ang kasapatan sa pagtupad niya ng kanyang mga tungkulin. Ang pagpapakasasa niya sa mga benepisyo ng katayuan at ang kawalan ng tunay na gawain ay ang pinakaseryosong isyu. Hindi niya pinaglilingkuran ang hinirang na mga tao ng Diyos; umaasta siya sa kanila na parang isang opisyal, at hindi ginagampanan ang kanyang mga tungkulin sa anumang paraan. Sa kanyang gawain bilang isang lider, hindi siya nagpakita ng ni katiting na katapatan sa pagganap ng kanyang mga tungkulin, lalong hindi niya inukol ang kanyang puso at lakas. Ibinigay niya lang ang kanyang puso at lakas sa pagkain, pag-inom at pagpapasaya sa sarili. Pinag-isipan niya nang husto kung paano tatamasahin ang mga benepisyo ng kanyang katayuan, at hindi siya nakipagbahaginan sa katotohanan sa pamilyang nag-host sa kanya para higpitan ang ganitong uri ng sunud-sunurang asal sa kanila. Bukod pa rito, nilinlang niya sila, sinasabing ang gayong pagtanggap lamang ang magpapahintulot sa kanilang pumasok sa kaharian at magkakamit ng mga gantimpala. Hindi ba’t ito ay paggawa ng kasamaan? Kung ganito niya tinrato ang pamilyang nag-host sa kanya, ano ang gagawin niya sa gawain ng iglesia? Paano niya tatratuhin ang hinirang na mga tao ng Diyos? Tiyak na mapupuno ito ng panlilinlang at pagiging basta-basta. Alam ba talaga ng tao na ito kung ano ang tungkulin? Alam ba niya kung ano ang gawaing ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos? Ano para sa kanya ang atas na ito? Itinuring niya ito bilang kapital at bilang batayan sa pagtatamasa sa mga benepisyo ng kanyang katayuan, at bilang resulta, nakagawa siya ng maraming kasamaan, ginugulo ang buhay iglesia at nagdudulot ng kaguluhan sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Ang gayong paraan ng pagtupad ng tungkulin ay hindi lamang hindi sapat, kundi naging masasamang gawa pa ito. Sa kawalan ng anumang sapat na sangkap sa pagganap ng tungkulin ng isang tao, maaalala ba sila ng Diyos? (Hindi.) Malinaw na hindi, na talagang kahabag-habag. Kahabag-habag ang hindi maunawaan ang katotohanan—mas lalong kahabag-habag ba na maunawaan ang katotohanan subalit hindi ito isinasagawa? (Oo.) Ito ang Unang Kaso, ang kaso ng “Ulo ng Tao na Naging Ulo ng Baboy”. Medyo simple ang kasong ito: Kinapapalooban ito ng pagpapakasasa sa mga benepisyo ng katayuan, pagganap sa tungkulin ng isang tao nang walang katiting na katapatan, at kawalan ng ni katiting na may-takot-sa-Diyos na puso. Tinrato ng lider na ito ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Diyos bilang kapital para sa pagpapakasasa sa mga benepisyo ng kanyang katayuan. Madali itong kilatisin. Tandaan ang pangalan ng Unang Kaso, para sa hinaharap ay may mapagkumparahan kayo, makikilatis ang iba, at magaganyak ang inyong sarili. Ano ang palagay ninyo sa kasong ito na tinalakay Ko? Nayayamot ba kayo sa gayong mga tao at gayong mga pagkilos? (Oo.) Kung tinatanggap ninyo ang atas ng Diyos, magagawa ba ninyo ang gayong mga pagkilos? Kung magkakaroon kayo ng mas maraming dahilan kaysa sa huwad na lider na iyon at medyo mas magpipigil kayo, at makapagsisikap para sa katotohanan, mayroon pa ring kaunting pag-asa. Subalit kung magpapakasasa kayo sa pagkain at pag-inom at pagtatamasa sa mga benepisyo ng katayuan tulad niya, mabubunyag at maititiwalag kayo; kayo ay magiging isang ganap na huwad na lider at isang taong kinayayamutan ng Diyos. Ngayon ay mayroon na kayong kaunting pagkilatis at nakauunawa ng ilang katotohanan. Ang sukdulan kung saan kaya mong pigilin at kontrolin ang iyong sarili ang magtatakda kung gaano kalaki ang iyong pag-asa para sa kaligtasan; ang mga ito ay direktang kasukat. Kung hindi mo kayang pigilin ang iyong sarili, at patuloy na kikilos ayon sa iyong mga kagustuhan, nabubuhay sa tiwaling disposisyon at nagpapakasasa sa mga benepisyo ng katayuan, nalulugod at nalalango kapag may pumupuri sa iyo, nang walang pagninilay sa sarili o tunay na pagsisisi, ang pag-asa mong makatanggap ng kaligtasan ay wala.
Sunod, pag-usapan natin ang isa pang kaso. Sa panahon ng pagpapalawak ng ebanghelyo, maraming tao sa iglesia ang nagtutungo sa iba’t ibang lugar para ipalaganap ang ebanghelyo. Ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ay isang tungkulin para sa sinuman. Paano mo man ito tratuhin o kung sa palagay mo ay mabuti o hindi ang tungkuling ito, sa pangkalahatan, ito ay isang atas na ibinigay ng Diyos sa mga tao. Tungkol sa mga atas ng Diyos sa mga tao, kinapapalooban ito ng responsabilidad ng mga tao, at kinapapalooban din ito ng tungkulin ng mga tao. Dahil kinapapalooban ito ng responsabilidad ng mga tao, kinapapalooban din ito ng kung paano ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin. Sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, ang ilang tao ay partikular na naghahanap ng mayayamang lugar at mayayamang sambahayan. Kapag may nakikita silang nagmamaneho ng magandang kotse o naninirahan sa isang malaking bahay, naiinggit at nagseselos sila. Kung may nahanap silang isang sambahayan na nagho-host sa kanila nang maayos, nagtatagal sila at nagkikimkim ng mapag-imbot na puso. Iniisip nilang dahil nag-ambag sila sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat silang magtamasa ng ilang biyaya. Kaya ano ang nangyari sa pagpapalaganap nila ng ebanghelyo? Wala silang ibang ginawa kundi magpakasasa sa mga kasiyahan ng laman, ipinagpapalit ang kanilang pagtatrabaho para sa pisikal na kasiyahan; nagiging pagbebenta ito ng kanilang paggawa. Pagkatapos ng dalawa o tatlong taon, nagkamit sila ng ilang tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo roon at nakapagtatag pa nga ng isang iglesia, sa gayon ay nakaipon sila ng kaunting kapital. Pagkatapos ay nagsimula silang madala, at sa oras na “maluwalhati” silang nakabalik sa kanilang bayan, nagliliwanag sila, halos naging isang tao na sunod sa moda. Nagdala sila pabalik ng mga de-kalidad na kagamitang pambahay at produktong elektroniko, at nakasuot ng magandang damit mula ulo hanggang paa. Hindi na sila makilala ng kanilang mga kababayan, iniisip na naging biglang-yaman sila sa kung saan. Wala bang problema rito? Maraming taon silang naging mananampalataya, palaging gumaganap ng kanilang tungkulin malayo sa kanilang tahanan. Sa simula, wala talagang kahit anong bagay na may halaga sa kanilang tahanan, subalit ngayon ay inuuwi nila ang lahat ng magandang damit at kasangkapang ibinibigay ng mga tao; pareho silang maayos manamit at may mahusay na kagamitan. Itinuturing nila itong biyaya ng Diyos. Subalit saan talaga nanggaling ang mga ito? Masasabing kapalit ang mga ito ng kanilang pagsisikap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nakita ng ilang iba pa ang maraming taon ng kanilang pananalig at ang kanilang pagsisikap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya’t binibigyan nila ang taong ito ng mabubuting bagay. Ang “pagbibigay” na ito ba ay kawanggawa? Pagkahabag ba ito? Kung nakamit nila ang mga bagay na ito dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng papuri ng iba, naaangkop ba para sa taong ito na ituring ang mga ito na kabutihang-loob o biyaya ng Diyos? Sa tahasang pagsasalita, sinasamantala nila ang oportunidad ng pagpapalaganap ng ebanghelyo para kamtin ang mga bagay na ito. Kung palagi nilang idinaraing ang kahirapan sa harap ng iba, habang binabanggit na gusto nila ang ganito o ang ganoong bagay, at pagkatapos ay may pag-aatubiling ibinigay ito sa kanila ng mga tao, hindi ba’t may anyo ito ng pangingikil at pamba-blackmail? Gusto ng ilang taong nangangaral ng ebanghelyo na sabihin sa iba na, “Kaming mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ay mga mensahero ng diyos, ipinadala ng diyos. Tinatanggap ninyo ang ebanghelyo ng diyos mula sa amin—nagkakamit kayo ng napalaking biyaya at kalamangan! Kung iisipin kung gaano kayo kayaman at kung gaano kalaking biyaya ng diyos ang inyong tinatamasa, hindi ba’t dapat ay magpakita kayo ng kaunting pagpapahalaga? Hindi ba’t dapat ay ibahagi ninyo ang mga sobra o hindi ginagamit na mga bagay sa amin?” Pagkatapos ng gayong panghihikayat, ang ilang tao, dala ng kahihiyan, ay nagpapaubaya, at iniisip ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo na sila ay ganap na nasa katwiran. Talaga bang iyong mga nagbibigay ay ginawa ito nang kusang-loob? Kusang-loob man ang mga nagbibigay, ang mga ito ba ay mga bagay na dapat tinatanggap ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo? (Hindi.) Nangangatwiran ang ilan: “Bakit hindi ko dapat tanggapin ang mga ito? Labis akong nagsikap na mangaral ng ebanghelyo; hindi ba’t ang pagtanggap ng ilang bagay na ito ay biyaya lamang ng diyos?” Ano ang ginagawa mo kapag nangangaral ka ng ebanghelyo? Ito ba ang trabaho mo para maghanapbuhay? Ang pangangaral ng ebanghelyo ay hindi isang transaksiyon; tungkulin mo ito. Kapag humihingi ka ng mga bagay-bagay mula sa mga tao, para ka na ring humihingi ng mga bagay-bagay mula sa Diyos. Pero dahil hindi mo maabot ang Diyos, at hindi ka makapangahas na humingi sa Kanya, inaabot mo na lang ang mga tao, at inililigaw sila sa pamamagitan ng pagsasalita ng isang katerbang espirituwal na teorya. Pakiramdam mo ay nagkamit ka ng merito sa pagkakamit ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at na may karapatan kang tumanggap ng kaunting kabayaran para sa iyong mga pagsisikap. Sa palagay mo ay hindi magiging mabuti ang tuwirang humingi ng pera, kaya’t humihingi ka na lang ng mga bagay, naniniwalang sa paraang ito, hindi masasayang ang iyong pagsisikap. Pagganap ba ito ng iyong tungkulin? (Hindi.) Nagbago ang kalikasan ng iyong mga pagkilos. Ano ang ginawa mo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Ginawa mong komersiyalisado ang ebanghelyo ng Diyos, ipinagpapalit ito para sa mga materyal na bagay na ito. Anong uri ng pag-uugali ito? (Oportunismo.) Oportunismo ito? Nakababawas ba sa pagiging malubha nito ang pagtawag ditong oportunismo? Hindi ba’t talagang paggawa ito ng kasamaan, hindi ba’t ito ay isang masamang gawa? (Oo.) Bakit itinuturing itong isang masamang gawa? Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pagganap ng tungkulin at pagpapatotoo sa Diyos; habang nagpapatotoo ka sa Diyos, sabay mong dinadala ang ebanghelyo sa isang tao at nakakamit ng Diyos ang tao na iyon, at sa gayon ay nakompleto mo ang iyong misyon. Anuman ang dapat mong matanggap sa pagkompleto ng iyong misyon, ibibigay ito sa iyo ng Diyos; hindi mo kailangang humingi sa sinuman, at wala ring dahilan ang kahit na sino na ipagpalit ang kawanggawa para sa ebanghelyong ito. Walang katumbas na halaga ang ebanghelyo ng Diyos; walang halaga ng pera ang makabibili rito, at hindi ito maipagpapalit para sa anuman. Kapag ginagamit mo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang isang oportunidad para magkamit ng mga materyal na benepisyo, nawawala mo ang iyong pagpapatotoo; ang pamamaraang ito ay kalapastanganan at isang tanda ng pagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Bukod pa rito, ano ang kalikasan ng pagdudulot sa mga taong tumanaw ng utang na loob sa iyo matapos mong ipalaganap sa kanila ang ebanghelyo? Pagnanakaw ito sa kaluwalhatian ng Diyos! Hindi mga kalakal ang ebanghelyo at gawain ng Diyos. Malayang ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang ebanghelyo sa tao; libre ito at hindi kinapapalooban ng anumang transaksiyon. Subalit ginagawa pa ring kalakal ng mga tao ang ebanghelyo ng Diyos para ibenta sa iba, humihingi ng pera at mga materyal na bagay mula sa kanila. Kawalan ito ng pagpapatotoo at pagdudulot ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos. Hindi ba ito isang masamang gawa? (Oo.) Isa nga itong masamang gawa. Sapat na pagtupad ba ito ng tungkulin? (Hindi.) Mas malubha ba ang kalikasan nito kaysa sa kasong katatalakay lang natin, ang “Ulo ng Tao na Naging Ulo ng Baboy”? (Oo.) Nasaan ang pagiging malubha nito? (Sa pagdudulot ng kahihiyan sa Diyos.) Ito ay pagdudulot ng kahihiyan sa Diyos, paglapastangan sa Diyos, at pagnanakaw sa kaluwalhatian ng Diyos. Ang pagkuha sa ebanghelyo ng Diyos at pagbebenta nito sa mga tao, itinitinda ito sa kanila na para bang kalakal ito, at pagkatapos ay kumikita nang labis-labis at naghahanap ng personal na kapakinabangan mula rito—anong uri ng mga nilalang ang gagawa nito? Mga bandido at masasamang tao ang mga ito, umaasal sa paraan ni Satanas! Malinaw na nilikha ng Diyos ang langit, lupa, at lahat ng bagay, gayundin ang sangkatauhan, subalit inililigaw ni Satanas at ng masasamang espiritu ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasabing sila ang mga lumikha sa mga tao, langit, at lupa, idinudulot na sambahin sila ng mga tao bilang Diyos at ang Lumikha. Hindi ba’t pagnanakaw ito sa kaluwalhatian ng Diyos? Isa itong kasalanan, isa itong masamang gawa, pagsalungat ito sa Diyos. Ang pagbebenta ba ng tao sa ebanghelyo ay katulad ng pag-uugali ni Satanas? (Oo.) Ano ang layunin ng pagbebenta nila sa ebanghelyo? Para ituring sila ng mga tao na mensahero ng ebanghelyo, na para bang nagmumula sa kanila ang ebanghelyo at may kapangyarihan silang gumawa ng mga desisyon. Hindi ba’t pagnanakaw ito sa kaluwalhatian ng Diyos? (Oo.) Anong uri ng kasalanan ang nagawa sa pagnanakaw sa kaluwalhatian ng Diyos? Ano ang kalikasan nito? Ito ang masamang gawa ng pagsalungat sa Diyos; isa itong pag-uugali na lumalapastangan sa Diyos. Ang pagpapalaganap ba ng ebanghelyo sa ganitong paraan ay maituturing pa ring pagganap sa tungkulin ng isang tao? Ganap itong paggawa ng kasamaan; pagsalungat ito sa Diyos. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa paraang ito ay talagang hindi pagpapatotoo sa Diyos, kaya’t hindi ito pagganap ng tungkulin ng isang tao; lubos itong paggawa ng kasamaan. Sinasabi ng ilang tao na: “Mahirap na gawain ang pagpapalaganap ng ebanghelyo; patas lamang na makatanggap ng kaunting mabuting bagay. Anong problema? Hindi ito maituturing na anumang masama sa mga walang pananampalataya.” Tama ba ang pahayag na ito? Depende ito sa kung ano ang iyong mga intensyon, ano ang iyong mga ninanasa, at ano ang kalikasan nito. Kung ginagawa mo ito para sa personal na kapakinabangan, ang ibinebenta mo ay ang ebanghelyo ng Diyos, ang ibinebenta mo ay ang katotohanan, at ang makakamit mo sa huli ay ang iyong personal na benepisyo—kung gayon ito nga ay masamang gawa. Labis-labis bang ituring ito na isang masamang gawa? (Hindi.) Hindi ito labis-labis kahit kaunti. Kapag natanggap ng sinuman ang kanilang tungkulin at ginampanan ito, subalit lumitaw ang gayong mga kahihinatnan, sino ang dapat sisihin? (Ang taong iyon mismo.) Masisisi lamang niya ang kanyang sarili. Kaya paano nangyari ang mga kahihinatnang ito? Tuwiran itong nauugnay sa buktot na kalikasan ng mga tao. Hindi hinahangad ng ilang tao ang katotohanan, subalit may pakiramdam sila ng kahihiyan, karakter, at konsensiya, kaya’t hindi nila gagawin ang gayong mga bagay. Kung ang sinuman ay gumagawa ng gayong mga pagkilos, ipinapakita nitong walang pagkatao ang taong ito; siya ay sakim at may marahas na disposisyon. Humahantong ito hindi lamang sa pagkabigong tuparin ang kanyang mga tungkulin nang sapat, kundi talagang nagiging paggawa ito ng kasamaan. Sinasabi ng ilang tao na: “Paano ito maituturing na paggawa ng kasamaan? Nagawa nilang magkamit ng ilang tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap nila ng ebanghelyo; ang katunayan lang na nagkaroon sila ng malilinaw na resulta ay dapat magwaksi sa ideyang gumagawa sila ng kasamaan, tama?” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay kanilang tungkulin, kanilang responsabilidad. Ano ang intensyon at hangarin sa likod ng kanilang tungkulin? Anong mga prinsipyo ang gumagabay sa kanilang tungkulin? Responsable ba sila sa kanilang mga pagkilos? Batay sa mga salik na ito, matutukoy ng isang tao kung ang tao ay gumaganap ng kanyang mga tungkulin o gumagawa ng kasamaan. Kahit na ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin, mali ang simulain ng pagganap niya ng kanyang tungkulin; hindi siya kumilos ayon sa mga prinsipyo at gumawa ng maraming masamang gawa. Walang kahit katiting na pagpapamalas ng pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang diwa ng ganitong uri ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Pagbebenta sa ebanghelyo.) Ano ang dapat itawag sa kasong ito? Ang kaso ng “Pagbebenta sa Ebanghelyo.” Marinig lang ang pamagat na ito, malalaman mo nang napakaseryoso ng kalikasan ng isyu. Paanong maibebenta ng isang tao ang ebanghelyo ng Diyos? Ang kalikasan ng isyung ito ng pagbebenta sa ebanghelyo ay napakaseryoso. Kaya, sa tuwing nababanggit ang pagbebenta sa ebanghelyo, hindi ba’t dapat malaman ng mga tao kung ano ang usapin, ano ang mga kalagayan, pag-uugali, at mga pamamaraan? Ito ang Ikalawang Kaso, at ang kalikasan ng kasong ito ay mas seryoso kaysa sa nauna.
Ang sumusunod na kaso ay isa ring naganap sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Noong nakaraan, nagtatag ang sambahayan ng Diyos ng ilang prinsipyo at pamamaraan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kabilang ang mga pamamaraang may kinalaman sa habag at pakikipagkaibigan. Pinahintulutan nito ang ilang tao na maghanap ng mga butas na sasamantalahin. Aling mga tao ang nanamantala sa mga butas na ito? Ang mga tao na may buktot na kalikasan na hindi nagmamahal sa katotohanan. Sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, may ilang masamang tao talaga na sinasamantala ang pagkakataong ito upang makahanap ng mga romantikong kapareha at makisali sa mga romantiko at matalik na relasyon. Kapag nangyayari ang gayong mga bagay, iniisip nilang may mga dahilan para rito, samantalang sa katunayan ang mga buktot na indibidwal na ito ni Satanas ang nananamantala sa mga butas. Gamit ang oportunidad sa pagpapalaganap ng ebanghelyo para makasalamuha ang kasalungat na kasarian, kapag natagpuan ng mga tao na ito ang sinumang angkop o kanais-nais, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para makahanap ng mga pagkakataon para makihalubilo sa mga ito at maakit sila. Sa panlabas, tila para ito sa kapakanan ng pagkakamit ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, subalit sa realidad, ito ay para matugunan ang kanilang personal na pagnanasa. Ginagawa nila ang lahat ng bagay na ito sa ilalim ng bandila ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, sa ilalim ng bandila ng pagpapalawak sa gawain ng Diyos, sa ilalim ng bandila ng pagpapatotoo sa Diyos at pag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos, at sa ilalim din ng bandila ng pagganap ng kanilang tungkulin. Walang sinuman ang gumagawa ng mga bagay na ito nang hindi sinasadya; sa katunayan, sila ay ganap na nakauunawa subalit pilit na nagpapanggap na nalilito. Alam ng bawat tao sa kanilang puso na kapag ginagawa nila ang mga bagay na ito na ito ay makasalanan, kinapopootan ng Diyos, at hindi pinahihintulutan ng Diyos, subalit hindi nila makontrol ang kanilang makalamang pagnanasa, at pilit nilang sinusubukang magpalusot at mangatwiran para sa mga ginagawa nilang kasalanan. Maitatago ba nito ang mga sarili nilang isyu? Kung nakagawa ka ng gayong mga kasalanan isa o dalawang beses at pagkatapos ay nagsisi, maaari ka pa ring patawarin ng Diyos, subalit kung patuloy kang tumatangging magbago, nanganganib ka. Maaaring medyo mabalisa ang ilang tao sa tuwing nakagagawa sila ng gayong kasalanan, iniisip na, “Maililigtas ba ako kung kumikilos ako sa ganitong paraan?” Subalit iniisip din nila pagkatapos na, “Hindi ito isang malaking kasamaan; sa sukdulan, ito ay pagbubunyag lamang ng katiwalian. Hindi ko na ito uli gagawin; hindi nito maaapektuhan ang aking kalalabasan at destinasyon.” Ang saloobin bang ito sa paggawa ng pagsalangsang ay tunay na pagsisisi? Kung wala man lang pagsisisi sa kanilang puso, hindi ba sila patuloy na magbabalik sa dati? Sa palagay Ko ay lubha itong mapanganib. Matutupad ba ng gayong tao ang kanyang tungkulin nang sapat? Sa pagganap ng kanyang tungkulin, mayroon pa ring mga elemento ng isang “pribadong operasyon”; pinaghahalo nila ang “publiko at pribado,” na isang malaking adulterasyon! Tiyak na sasalungatin nito ang disposisyon ng Diyos. Ang mga taong ito ay hindi maituturing na “sapat” sa pagtupad ng kanilang tungkulin; mas seryoso ito kaysa sa paghingi ng mga bagay-bagay o pagbebenta sa ebanghelyo. Paano ito naging mas seryoso? Nakaririmarim ito; isa itong kalakalan ng laman at pagnanasa. Kaya, ano ang kalikasan ng isyung ito? Ito ay sinasadyang pagkakasala sa kabila ng pagkakaalam sa tunay na daan. Binabago ng salitang “sadya” ang kalikasan ng isyu. Sa katunayan, alam nilang ang mga regulasyon at prinsipyo sa mga pagsasaayos ng gawain ay idinisenyo para himukin ang mga tao na magsagawa ng karunungan at para maiwasang magkamit si Satanas ng kalamangan laban sa kanila. Ang layunin ay ang dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos, subalit sinasamantala nila ang mga butas at sinusunggaban ang mga oportunidad na malayang mailabas ang kanilang mga buktot na pagnanasa; tinatawag itong sinasadyang paggawa ng kasalanan. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito? (“Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin” (Mga Hebreo 10:26).) Kung maging ang handog ng krus para sa kasalanan ay wala na, mayroon pa bang kahit anong kaugnayan ang mga taong ito sa kaligtasan? Depende iyon sa sitwasyon. May ilang tao na kumikilos dahil sa pangangailangan, o tinutuligsa ang kanilang sarili sa panloob, subalit napipilitan silang kumilos sa ganitong paraan dahil sa mga kalagayan sa panahong iyon. Kung hindi masyadong maraming beses ito nangyari, hindi hihigit sa tatlo, maaaring mapatawad ang mga ito. Ano ang ibig sabihin na maaari silang mapatawad? Ibig sabihin na sa unang pagkakasala, kung mamumulat sila, hahanapin ang katotohanan, magpapakita ng mga tanda ng pagsisisi, at magbabalik nang hindi muling nagkakasala, habang hinihinging gampanan ang kanilang mga tungkulin, maaari silang bigyan ng pagkakataong magbayad sa kanilang mga kasalanan. May pag-asa pa rin para sa kaligtasan sa gayong mga kaso, subalit kung gaano kalaking pag-asa ay nakadepende sa indibidwal na paghahangad. Walang sinuman ang makapagbibigay ng tiyak na hatol para sa iyo, walang sinuman ang makapagbibigay sa iyo ng mga garantiya; pangunahin itong nakadepende sa iyong sariling paghahangad. Hindi Ako magbibigay ng anumang pangako sa iyo, magsasabing hangga’t hindi mo gagawing muli ang kasalanang ito, tiyak na maililigtas ka; hindi Ko gagawin ang pangakong iyon dahil hindi Ko alam kung paano ang magiging pagganap mo sa hinaharap. Kung lalampas ka sa bilang ng mga pagkakataon na posible ang pagpapatawad, paulit-ulit kang tatangging magbago, at wala kang mabuting gawa sa panahon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo na maaaring bumawi sa iyong masasamang gawa, lubos ka nang walang pag-asa. Nakagawa ka ng napakaraming kasamaan nang walang anumang bahid ng mabubuting gawa; ang pangangaral mo ng ebanghelyo ay para lamang walang-ingat na makibahagi sa matatalik na relasyon, hindi para magampanan nang maayos ang iyong tungkulin—ito ay hiwalay sa iyong pagganap ng tungkulin. Hindi na ito isyu ng pagkakaroon o hindi ng isang handog para sa kasalanan. Paano dapat iklasipika ang mga gayong tao? Dapat silang iklasipika bilang maruruming demonyo at masasamang espiritu. Hindi sila mga normal na tao. Hindi lang sila nagkakasala; wala silang kinalaman sa pagganap ng kanilang tungkulin. May pag-asa pa rin ba para sa kanilang kaligtasan? Wala, wala nang pag-asa. Pinatalsik palabas ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao; tinanggal sila at hindi sila ililigtas ng Diyos. Ang ginagawa nila at kung paano sila umaasal ay hindi lamang bigong tumugon sa kanilang tungkulin; hindi rin ito maituturing na usapin ng sapat na pagtupad ng tungkulin. Ang magiging resulta at ang kalalabasan para sa gayong mga tao ay matutukoy batay sa kanilang klasipikasyon. Hindi ba’t medyo nakaririmarim ang kasong ito? Mas lalo pang malubha ang kalikasan nito kaysa sa ikalawang kaso na katatalakay lang natin. Sa mga gayong tao, may ilan na ang mga kaso ay mas malubha sa kalikasan. Kaya ba nilang makabalik? Kaya ba nilang magkaroon ng nagsisising puso at tumigil sa paggawa ng gayong mga bagay, at magtrabaho pa rin sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa sambahayan ng Diyos? May mga tao bang tulad nito? (Wala.) Kaya ba nilang taos-pusong magtrabaho? (Hindi.) Sa katunayan, ilan sa mga tao na ito ang nagkamit ng ilang tao sa panahon ng kanilang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Subalit ngayon, ano na ang naging katumbas ng lahat ng kanilang ginawa? Katumbas ito ng pagtatrabaho, hindi ng pagganap ng kanilang tungkulin. Sa katunayan, hindi nagkukulang sa pagsisikap ang mga tao na ito, subalit ang landas na kanilang tinahak ang nagtakda sa kanilang kapalaran at kalalabasan. Sa mga tao na nagpapalaganap din ng ebanghelyo, ang bawat isa ba sa kanila ay mahaharap sa gayong mga tukso? Masasabing haharapin ng lahat ang mga uri ng mga tuksong ito sa magkakaibang antas sa magkakaibang sitwasyon, subalit ibig sabihin ba nito na bawat isa sa kanila ay bibigay sa tukso at magkakasala? (Hindi.) Hindi lahat ay kayang magkasala, hindi lahat ay kayang gumawa ng gayong mga gawain—kinokondena nito ang mga gumagawa ng mga ganitong uri ng gawain, at sila sa gayon ay ibinubunyag. Ipinakikita nitong may mali sa kanilang disposisyon at kanilang pagkatao. Sino ang dapat nilang sisihin sa pagkakaroon ng gayong kalalabasan? (Ang sarili nila.) Masisisi lamang nila ang kanilang sarili, at wala ng iba.
May ilang tao, anumang mga pagsalangsang ang ginagawa nila sa panahon ng kanilang pagpapalaganap ng ebanghelyo, ang hindi kailanman naghahanap ng katotohanan para malutas ang mga ito, hindi nananalangin sa Diyos, at hindi kailanman nagninilay sa sarili, na nagpapakitang sila ay matigas ang ulong hindi nagsisisi. Sa huli, itiniwalag ang mga taong ito. May nabalitaan akong isang tao na, habang pinalalaganap ang ebanghelyo, ay nang-angkin ng isang babae at ni hindi niya ito pinapayagang maghanap ng kapareha at magpakasal; napakalubha ng kalikasan nito. Anong uri ng tao ito? (Isang masamang tao.) Makapapanatili ba ang gayong masasamang tao sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Walang lugar ang sambahayan ng Diyos para sa gayong mga mapaniil na tao; dinudulutan nila ng kahihiyan ang Diyos! Sa paggawa ng gayong mga bagay, naaapektuhan nila ang pagkaunawa ng di-mabilang na mga tao sa Diyos at nagdudulot sa marami na magkaroon ng maling pagkaunawa sa Kanya! Sasabihin ng mga tao na, “Paanong magagawa ang gayong mga bagay ng isang nananalig sa Diyos?” Isa na agad itong pagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Kung hindi patatalsikin at iwawasto ng iglesia ang gayong mga indibidwal at sa halip ay hahayaan silang patuloy na magpalaganap ng ebanghelyo at bibigyan sila ng pagkakataong magsisi, iyon ay ganap na mali. Hindi unang beses na nagkasala ang taong ito; malubha ang kalikasan ng kanyang pag-uugali at dapat siyang tuwirang patalsikin. Kung hindi, dudulutan niya ng kahihiyan ang Diyos at bibigyan si Satanas ng kalamangan upang husgahan at ikondena ang sambahayan ng Diyos. Kaya’t hindi dapat bigyan si Satanas ng pagkakataong makakuha ng kalamangan; dapat patalsikin sa iglesia ang mga palagiang walang pakundangan. Ang gayong mga indibidwal ay mga espiritung walang pakundangan na dinulutan ng kahihiyan ang Diyos, at hindi talaga sila ililigtas ng Diyos. Gaano man kabisa ang kanilang pangangaral ng ebanghelyo o kung gaano karaming tao ang nakamit nila, kung hindi nila tinatahak ang tamang landas, winasak at ipinahamak nila ang kanilang sarili. Hindi pinahihintulutang umiral ang gayong mga tao sa sambahayan ng Diyos; mga target sila para tanggalin. Kaya, maituturing bang pagganap ng kanilang tungkulin ang kanilang mga gawa? Hindi, lahat ng kanilang mga ambag ay ganap na binura sa paningin ng Diyos at hindi Niya maaalala ang mga ito. Hindi lamang basta hindi sapat ang mga ito; nagbago rin ang kalikasan ng kanilang pagganap sa tungkulin, at naging paggawa ito ng kasamaan. Paano hinaharap ng Diyos iyong mga gumagawa ng kasamaan? Tinatanggal Niya sila. Ano ang ibig sabihin ng pagtanggal? Ibig sabihin nito ay inaalis sila mula sa mga taong pinili at inihanda ng Diyos na iligtas—hindi sila nabibilang sa mga taong ito. Sa halip ay ikinategorya sila sa masasamang espiritu, maruruming demonyo, at mga hindi ligtas. Ano ang mga tsansa nilang magkamit ng kaligtasan? (Wala.) Bagaman ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sinunod din ang Diyos, sa huli, ang ganitong uri ng tao ay umaabot sa puntong ito at itinitiwalag. Kaya tingnan mo, isa pa itong uri ng tao. Mas seryoso ba ang kalikasan ng kasong ito kaysa sa naunang kaso? (Oo.) Mas seryoso pa ito; naka-target ito. Dapat isama ang kasong ito sa pangatlong kaso; nasa kategorya ito ng isang espesyal, tipikal na kaso sa ikatlong halimbawa, at naka-target ito. Ano ang dapat itawag sa kasong ito? “Tatanggalin ang mga Buktot na Tao,” magkasundo tayo riyan. Para sa tatlong uri ng tao sa tatlong kasong ito, ang pagganap nila ng kanilang tungkulin ay talagang katumbas ng pagtatrabaho nang walang epekto. Ano ang ibig sabihin ng pagtatrabaho nang walang epekto? Ibig sabihin nito na ginawa nilang pagtatrabaho lang ang kanilang tungkulin—at kahit ganoon, hindi sila nagtrabaho nang maayos o maayos na gumanap ng kanilang tungkulin. Hindi nila tinrato ang kanilang tungkulin bilang tungkulin, at gumawa pa ng iba’t ibang kamalian at masasamang gawa at sa huli ay itiniwalag, na walang kinalabasang mabuti. Ang kalikasan ng lahat ng tatlong kasong ito ay napakaseryoso.
May isa pang kaso, at napakalubha rin ng kalikasan nito. May isang tao na gumanap ng gawain sa loob ng maraming taon at, sa panlabas, ay tila naghangad sa katotohanan at tunay na ginugol ang kanyang sarili. Tinalikuran niya ang kasal at pamilya, inabandona ang kanyang propesyon at mga oportunidad sa trabaho, nagtungo sa maraming lugar para gampanan ang kanyang mga tungkulin, at nagsagawa rin ng ilang gawaing hindi mahalaga. Subalit sa proseso ng pagganap niya ng kanyang mga tungkulin, kaunting katotohanan ang naunawaan niya dahil hindi niya talaga hinangad ang katotohanan, at inakala niyang maayos ang kanyang ginagawa dahil lang nakapagsasalita siya ng ilang salita at doktrina. Ang mas seryoso pa ay na hindi talaga nagsagawa ng katotohanan ang taong ito. Kaya ang pagganap niya ng tungkulin ay basta pangangaral lang ng ilang doktrina at pagsunod sa ilang regulasyon, kadalasang mabuti ang inaasal sa iba at hindi sinasalungat ang sinuman. Tungkol sa kung paano gampanan ang gawain ng iglesia at kung anong mga isyu ang umiiral pa rin, hindi siya mapagmasid, hindi nagsikap, at hindi naghanap ng katotohanan para lutasin ang mga isyung ito. Sa madaling salita, mababaw at walang pakialam ang saloobin niya sa gawain; tila hindi siya naghinay-hinay subalit hindi rin niya pinapagod ang kanyang sarili. Tila hindi siya kumikilos nang pabasta-basta, subalit ang mga resulta ng kanyang gawain ay hindi partikular na mabuti. Sa isang partikular na insidente, dahil sa kanyang kapabayaan at pabasta-bastang saloobin, naging sanhi siya sa pagkawala nang mahigit 10 milyong RMB sa mga handog sa Diyos. Anong halaga ba ang 10 milyong RMB? Kapag narinig ang ganitong halaga, ituturing ito ng mga karaniwang tao na isang napakalaking bilang. Magugulat sila at hindi man lang maglalakas-loob na isipin ang tungkol dito, dahil hindi pa sila nakakita ng ganoong karaming pera sa buong buhay nila. Subalit ang “matandang ginoo” na ito, matapos maging sanhi ng pagkawala nang higit sa 10 milyong RMB ng mga handog, ay walang panghihinayang, walang pahiwatig ng pagsisisi, at hindi malungkot. Nang pinatalsik siya ng iglesia, nagreklamo pa rin siya. Anong uri ng nilalang ang gagawa nito? Talakayin natin ang dalawang punto. Una, nawala ang halaga ng perang ito habang nagtatrabaho ka, at kanino mang pagkakamali ito, ikaw ay responsable. May responsabilidad kang protektahan ito, subalit nabigo kang gawin ito. Pagpapabaya ito sa tungkulin, dahil hindi ito pera ng tao; ito ay isang handog, at dapat itong tratuhin ng mga tao nang buong katapatan. Kung nawala ang mga handog, paano dapat mag-isip ang isang tao? Kahit kamatayan ay hindi magiging sapat na kabayaran! Ano ang halaga ng buhay ng tao sa salapi? Kung masyadong malaki ang kawalan, kahit ang pagbibigay ng buhay ng isang tao ay hindi magiging sapat para mabayaran ito! Ang susi ay na ang kalikasan ng isyung ito ay masyadong malubha. Hindi sineryoso ng “matandang ginoo” na ito ang pagkawala ng napakaraming handog; lubhang kasuklam-suklam ang tao na ito! Ang pagkawala nang mahigit 10 milyong RMB ng mga handog ay parang pagkawala lang nang may 100 RMB sa kanya; hindi niya talaga ito iniulat sa Itaas, walang anumang pagsisisi sa isyung ito, at hindi sinabi sa mga taong nakapalibot sa kanya na, “Suriin natin kung paano nawala ang perang ito at kung ano ang dapat gawin. Dapat ba natin itong bayaran o humanap ng ibang solusyon? O siguro dapat natin itong ipaalam sa Itaas, aminin ang responsabilidad at magbitiw, at manalangin sa Diyos para ikumpisal ang ating mga kasalanan?” Wala man lang siyang ganitong saloobin; kasuklam-suklam ba ito? (Oo.) Masyadong kasuklam-suklam ang lahat ng ito! Ang kakayahan niya para sa gayong kalaking paggawa ng kasamaan ay nagbubunyag sa kanyang saloobin sa kanyang tungkulin at sa Diyos. Ikalawa, pagkatapos mapatalsik, hindi niya lang ito hindi tinanggap, o hindi ikinumpisal ang kanyang kasalanan, o hindi nagsisi, kundi nagreklamo pa siya. Malayo sa katwiran ang gayong tao. Isipin na lang kung ano ang posible niyang mairereklamo. Nagreklamo siyang, “Nanalig ako sa diyos nang mahigit 20 taon, hindi ako kailanman nagpakasal, masyado akong maraming isinuko, nagtiis ng napakaraming paghihirap, at ngayon pinatatalsik nila ako, tinatanggihan ako. Hahanapin ko ang sarili kong lugar!” Hindi kalaunan, nagpakasal siya. Sabihin mo sa Akin, kung ang isang karaniwang tao—isa na may konsensiya at pagkatao—ay may kaunting pagpapahalaga sa kanyang konsensiya, magpapakasal ba siya nang ganoon kabilis? Magkakaroon ba siya ng gana para rito? Sa pangkalahatan, ang isang tao na may kahit katiting na konsensiya at pagkatao, kapag naharap sa gayong kalubhang isyu, ay pag-iisipan pa nga ang kamatayan, iniisip na, “Tapos na ang buhay ko, paano ako nakagawa ng gayong bagay pagkatapos manalig sa Diyos nang mahigit 20 taon? Ang sarili ko lang ang dapat kong sisihin at karapat-dapat akong mapatalsik! Kalimutan na ang 10 milyon; ni hindi ko kayang bayaran ang isang milyon. Kahit pa maibenta ako, hindi ko ito mababayaran, walang anumang halaga ang aking buhay!” Bakit ginawa mo pa rin ito kahit alam mong hindi mo ito kayang bayaran? Hindi mo ba alam na ang perang iyon ay isang handog, nakalaan sa Diyos? Hindi sa iyo ang perang iyon; ang iyong responsabilidad ay protektahan ito. Hindi ito isang bagay na walang relasyon sa iyo; isa itong bagay na dapat mong panatilihing ligtas. Ito ang pinakamahalagang bagay, at ang iyong kawalang-ingat ay isang pagpapabaya sa tungkulin. Ngayong nawala mo ito, hindi mo talaga dapat takasan ang responsabilidad mo rito. Bilang isang taong nananalig sa Diyos, hindi ba’t may obligasyon at responsabilidad kang panatilihing ligtas ang mga handog na ito at iwasan ang anumang kapahamakan? Hindi ba dapat binawasan mo ang panganib na may mangyaring mali? Kung kahit iyan ay hindi mo magawa, ano ka? Hindi ba’t ikaw ay isang nabubuhay na demonyo? (Oo.) Lubos iyang nakaririmarim at walang pagkatao! Bukod pa rito, pagkatapos mapatalsik, hindi lang na tumigil siyang manalig sa Diyos at nagpakasal, kundi ginulo rin niya ang mga mananampalataya sa kanyang pamilya—mas seryoso ang kalikasan nito. Ginampanan niya ang kanyang tungkulin sa loob ng maraming taon, tinalikuran ang marami, nagsakripisyo nang marami, gumawa ng marami-raming gawain, nakipagsapalaran, at nagsilbi ng oras sa bilangguan. Subalit hindi itinatakda ng mga panlabas na salik na ito ang kapalaran ng isang tao. Ano ang nagtatakda rito? Ang landas na pinipili ng isang tao. Kung tinahak niya ang landas ng paghahangad sa katotohanan, hindi sana siya hahantong sa ganito at hindi sana magiging sanhi ng malaking kawalan sa sambahayan ng Diyos. Tiyak na hindi nagkataon lang para mangyari ang gayong malaking aberya; tuwiran itong may kaugnayan sa kalidad ng kanyang pagkatao at sa landas na kanyang pinili. Sa tingin ba ninyo ay batid ng Diyos kung saang landas siya naroroon? (Oo.) Alam ng Diyos. Kaya, nilayon ba ng insidenteng ito na ibunyag o itiwalag siya? Ito ay parehong para ibunyag at itiwalag siya. Sa perspektiba ng tao, tila ginagampanan niya nang maayos ang kanyang tungkulin, may katapatan, paggugol, kahandaang magbayad ng halaga, at kakayahang magtiis ng paghihirap. Kaya bakit gagawin ng Diyos ang ganitong bagay sa kanya? Bakit siya ibubunyag ng Diyos? Ano ang nilayon na mabunyag? Ito ba ay para lang ibunyag ang kanyang kahihinatnan? Hindi, ito ay para ibunyag ang kanyang pananampalataya, ibunyag ang kanyang pagkatao, ibunyag ang kanyang diwa at kalikasan—nailantad na ang lahat ng ito ngayon. Kaya pa rin bang iligtas ng Diyos ang gayong tao? Nagtataglay ba ang Diyos ng kahit katiting na pag-asam para sa kanya? Ganap na walang pag-asam ang Diyos para sa gayong tao. May natitira pa bang anumang pagmamahal o awa ang Diyos para sa kanya? Wala na talaga. Maaaring sabihin ng ilan na: “Kung walang pagmamahal o awa ang Diyos sa kanya, may natitira lang bang pagiging matuwid, pagiging maharlika, at poot?” Tama iyan. Ang gayong kasamang tao ay hindi na nangangailangan ng pagmamahal o awa, at wala nang pangangailangan para riyan, dahil lubha niyang sinalungat ang disposisyon ng Diyos. Ang natitira na lang mula sa Diyos para sa kanya ay pagiging matuwid, pagiging maharlika, at poot. Walang kinalaman ang kanyang kinahinatnan sa gawain ng pamamahala ng Diyos, ito ay ganap na walang kinalaman sa gawain ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan; siya ay itiniwalag at tinanggal. Samakatuwid, nasaan man ang taong ito ngayon, sa paningin ng Diyos, isa lang siyang nabubuhay na patay na tao, isang naglalakad na bangkay na naninirahan kasama ang maruruming demonyo at masasamang espiritu, kabilang sa mga may suot na mga mukha ng tao subalit nagtataglay ng pusong hayop at mga hayop na nakadamit pantao. Ang mga ito ang kanyang katangian, at tinanggal siya mula sa paningin ng Lumikha. Kung titingnan ang kanyang kinahinatnan at ang kanyang huling saloobin sa malaking pangyayaring ito na naganap sa kanyang buhay, may anumang kinalaman ba ang pagganap niya ng tungkulin sa buong panahong ito sa salitang “sapat”? (Wala.) Paano mo nalaman na hindi sapat ang pagganap niya ng tungkulin bago pa man naganap ang pangyayaring ito? Ito ba ay sa pamamagitan ng paghusga at paghinuha, o ginawa mo ba ang pagsusuring ito sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa kanyang diwa? (Sa pagsisiyasat sa kanyang diwa.) Tama iyon. Kunin natin si Pablo bilang halimbawa—kung hinangad niya ang katotohanan, kung hinangad niyang maperpekto tulad ni Pedro, hindi sana siya nagsalita ng gayong mga kalapastangan. Ang bawat kalalabasan ay may dahilan: Ang kinalabasan ng taong ito ay may mga pinagbabatayang dahilan. Mula sa katunayang nagawa ng taong itong maabot ang puntong ito ngayon, at mula sa kanyang saloobin sa Diyos, ang kanyang saloobin sa mga handog, at ang kanyang saloobin sa kanyang mga sariling masamang gawi, sapat nang malinaw na maipakita sa mga tao ang landas na kanyang tinatahak at kung ano talaga ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Ganap nitong ibinubunyag ang kanyang diwa at ang landas kung saan siya naroon. Kung nasa landas siya ng paghahangad sa katotohanan, ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at kung kaya niyang tunay na itrato ang kanyang tungkulin bilang kanyang responsabilidad at obligasyon, paano kaya niya hinarap ang sitwasyong ito nang hindi na ito naiwasang maganap? Tiyak na hindi siya magkakaroon ng saloobin na mayroon siya ngayon—ng paglaban at pagrereklamo. Nailantad ang kanyang demonikong bahagi; ang kalikasang diwa sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa ay ganap nang nailantad. Hindi siya isang tao, isa siyang demonyo. Kung tao siya, hindi dapat siya humantong sa ganito pagkatapos manalig sa Diyos nang mahigit 20 taon. Kung tao siya, gaano kalaking panghihinayang ang mararamdaman niya para sa gayong napakalaking pagkawala ng mga handog? Gaano karami ang kanyang iluluha? Hanggang saan siya mangangatog? Hindi maiiwasang makaramdam siya ng pananagutan at ng matinding kasalanan, naniniwalang hindi mapapatawad ang kanyang sarili, at mararamdamang dapat siyang magsisi at mangumpisal ng kanyang mga kasalanan sa Diyos. Kahit papaano, kahit na pinatalsik siya ng iglesia, hindi siya titigil sa pananalig, o hindi niya ipagkakanulo ang Diyos, lalo na ang guluhin ang pananampalataya ng kanyang pamilya sa Diyos. Ano ang matutukoy natin mula sa iba’t ibang karugtong na pag-uugali ng taong ito? Na siya ay isang hindi mananampalataya na walang pagmamahal sa katotohanan, at na ang kanyang pagkatao ay malisyoso rin. Ito ang ikaapat na kaso. Ano ang itatawag natin sa kasong ito? (“Ang Kaso ng Pagkawala ng Sampung Milyon ng mga Handog.”) Dapat nating idagdag ang kanyang reaksiyon dito at tawagin itong “Ang Pagkawala ng Sampung Milyon ng mga Handog na Walang Tanda ng Pagsisisi.” Hindi ba’t mas maganda ang pamagat na iyan? Nagsisilbi itong babala sa iba; kahit papaano, ipinababatid nito sa mga tao kung saan naroon ang kalubhaan ng kanyang mga pagkilos.
Ang kaganapan ng lahat ng mga pangyayaring ito, ang iba’t ibang pag-uugaling ipinakita ng mga taong ito, gayundin ang kanilang mga saloobin sa Diyos pagkatapos maganap ang mga pangyayaring ito, ay lumitaw lahat at nailantad sa proseso ng pagganap nila ng kanilang mga tungkulin. Samakatuwid, sa ilang pagkakataon, ang landas na tinatahak ng isang tao sa pananalig sa Diyos at ang kanyang pinakahuling kahahantungan ay may malaking kaugnayan sa pagganap niya ng kanyang tungkulin; masasabi pa nga na may direktang relasyon. Ang paksa sa pagganap ng mga tungkulin ay dapat na isang walang-katapusang paksa, at ang katotohanang kaugnay sa aspektong ito ay dapat rin na isang walang-katapusang paksa. Ito ang katotohanan na dapat na pinakapundamental na nauunawaan ng mga tao, at isang paksa na dapat na patuloy na tinatalakay sa proseso ng buhay paglago ng mga tao at pananalig sa Diyos. Ito ay dahil hindi ito maihihiwalay sa mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao, sa kanilang buhay pagpasok, at sa uri ng landas na kanilang tinatahak at sa anong uri ng kalalabasan ang magkakaroon sila sa huli. Ngayon, malawakan tayong nagbahaginan tungkol sa pagganap ng mga tungkulin at nagbahaginan rin tungkol sa ilang kaso. Ang pangunahing layunin nito ay para maipaunawa sa inyo kung paano gampanan ang inyong mga tungkulin sa paraang sinang-aayunan ng Diyos, kung ano ang mga kahihinatnan kung gumawa kayo ng kasamaan, at ang kahalagahan ng pagganap ng iyong mga tungkulin nang naaayon sa pamantayan. Ang mga pangyayari sa mga kasong ito ay palala nang palala at naging mas nakatatakot, subalit hindi Ko gawa-gawa ang mga ito. Totoong naganap ang mga ito sa mga nananalig sa Diyos at sa mga nasa hanay ng mga gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Ano ang ibig sabihin nito? Sinasabi ng ilang tao: “Eh, walang isyu kung hindi namin gagampanan ang aming mga tungkulin, subalit nagkakaroon palagi ng mga problema kapag ginagampanan namin. Kaya tama bang huwag na lang gampanan ang aming mga tungkulin?” Kumusta ang ganitong pag-iisip? Hindi ba’t pagsuko ito sa pagkain dahil sa takot na mabulunan? Hindi ba’t ito ay kahangalan? Dapat mong matutuhang hanapin ang katotohanan para malutas ang mga isyung ito; ito ay isang maagap na saloobin at ang uri ng saloobin na dapat taglayin ng isang normal na tao. Kung natatakot ka na habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin ay maaaring lumitaw ang mga problema na hahantong sa pagkondena, pagpapatalsik, pagtitiwalag, o pagkatanggal, at sa wakas ay ang pagkawala ng anumang pag-asa ng pagkakamit ng kaligtasan, at basta ka na lang hihinto sa pagganap ng iyong mga tungkulin o magkakaroon ng isang negatibo at antagonistikong pagharap sa kanila, anong uri ng saloobin iyan? (Isang masamang saloobin.) Sinasabi ng iba na: “Masyadong mababa ang ating pagkatao para sa pagganap ng mga tungkulin, kaya’t bakit hindi na lang tayo kontentong magtrabaho? Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos para sa mga trabahador, at walang anumang pamantayan o mga prinsipyo—sapat na ang pagsisikap. Gawin kung ano man ang hinihingi, maging masunurin, huwag tumanggap ng anumang mahalagang responsabilidad, at huwag magkaroon ng anumang ambisyon na maging isang lider o manggagawa. Magiging pinakamalaking pagpapala na ang magawang manatili hanggang sa huli.” Kumusta ang mga motibong ito? Hindi ba’t napakababa at ubod ng sama ng mga ito? Maaari bang magkamit ng kaligtasan ang gayong mga tao na walang ambisyon? Maaari bang makapagtrabaho nang sapat ang isang taong walang pagkatao? Ang mga walang pagkatao ay hindi makapagtatrabaho nang sapat; hindi sila magiging mga tapat na trabahador na mananatili.
May kataasan ang bilang ng mga halimbawang nabanggit nitong mga huling ilang pagkakataon sa pagbabahagi. Madaling matandaan ang mga pangyayaring ito, subalit ang mga katotohanang ibinahagi Ko ay mahirap maunawaan. Gayunpaman, may pakinabang rito: Sa pagtalakay sa mga pangyayaring ito, maaari ninyong matandaan o maunawaan ang mga katotohanang pahapyaw na tinalakay ng mga ito. Kung hindi natin pinag-usapan ang tungkol sa mga kasong ito, ang pagsasakatuparan ng ganitong uri ng resulta ay maaaring mangailangan ng mas maraming pagsisikap. Ang pagtalakay sa mga kasong ito ay parehong nagsisilbing isang udyok at isang babala, tinutulungan ang mga tao na mahanap ang tamang landas sa kanilang kalooban. Ginagabayan ka nito sa pag-alam kung aling landas ang tatahakin sa iyong pananampalataya para maiwasang malabag ang mga administratibong atas ng Diyos, makagawa ng malalaking pagkakamali, o maligaw ng landas. Ang pangunahing layunin ay ang matulungan ang mga tao na tuparin ang kanilang mga tungkulin nang sapat. Pagkatapos marinig ang tungkol sa apat na kasong ito, ano ang inyong nararamdaman? Nagkaroon ba kayo ng bagong pang-unawa sa pagtupad ng mga tungkulin nang sapat? Madali ba para sa mga tao na tuparin ang kanilang mga tungkulin nang sapat? (Hindi ito madali.) Saan naroroon ang hirap? Ito ba ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at hindi kayang hanapin ang mga prinsipyo, kaya’t patuloy silang nagkakamali? (Hindi.) Kaya saan naroroon ang hirap? Ito ay naririto: Hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan, o hinahangad ito. Sa proseso ng pagganap ng kanilang mga tungkulin, kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan at hindi ito isasagawa, kasama ng kanilang mga malupit, buktot, at mapagmataas na disposisyon, madali itong mauuwi sa mga partikular na kahihinatnan at magdadala ng mga kalalabasang hindi inaasahan o hindi gugustuhing makita ng mga tao. Mayroon bang sinumang nag-asam ng masamang kinalabasan para sa kanilang sarili? (Wala.) Mayroon bang mga umaasa lang para sa isang pangkaraniwang kinalabasan, iniisip na hangga’t nakararaos sila hanggang huli nang hindi namamatay, ayos lang ito? (Oo.) Anong uri ng mga tao ang mga ito? Sila ang mga tao na hindi naghahangad ng katotohanan; hinihintay lang nila ang oras hanggang kamatayan. Para sa gayong mga tao, ang pagganap nila ng tungkulin ay tiyak na magiging lubos na pabasta-basta, kaya’t madali para sa kanila ang magkamali o magkasala, at napakahirap na gampanan ang kanilang mga tungkulin nang naaayon sa pamantayan. Anong uri ng mga tao ang makakaganap sa kanilang mga tungkulin nang naaayon sa pamantayan? (Iyong mga naghahangad ng katotohanan.) Sino pa? (Iyong mga taong may pagkatao.) Ano ang saklaw ng pagkatao? (Konsensiya at katwiran.) Iyong mga may konsensiya at katwiran, na nagtataglay ng pagkatao, ay madaling magagampanan ang kanilang mga tungkulin nang naaayon sa pamantayan kung hahangarin nila ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na: “Palagi Kang nagsasalita tungkol sa mga seryosong negatibong halimbawa na ito ng mga tao na nabibigong tuparin ang kanilang mga tungkulin nang sapat, at nagdudulot ito na mawalan kami ng kumpiyansa. Kailan ba namin maaabot ang pamantayan sa pagtupad sa aming mga tungkulin nang sapat? Mayroon bang anumang positibong halimbawa nito?” Talakayin natin ang isang bagay na mas nakapagpapasigla at positibo. Sa kasalukuyan, maraming tao ang nagsisimulang pagtuunan ang paghahangad ng katotohanan, at nagsisimula rin silang maging mas masigasig kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Halimbawa, may ilang kayang makipagtulungan nang maayos sa iba habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ano ba ang ibig sabihin ng maayos na pakikipagtulungan? Narito ang isang pagpapamalas nito: Hindi lang ito basta tungkol sa pagiging magkasundo ng lahat sa panlabas, nang walang alitan o intriga. Ang maayos na pakikipagtulungan ay nangangahulugan na kapag nahaharap sa iba’t ibang isyu sa trabaho—may kabatiran ka man o wala sa mga ito at tama man o mali ang iyong perspektiba—kaya mo pa ring makipag-usap at makipagbahaginan sa iba, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at pagkatapos ay marating ang isang kasunduan. Iyan ang maayos na pakikipagtulungan. Ano ang layunin ng pag-abot sa isang kasunduan? Ito ay para sa mas maayos na pagtupad ng mga tungkulin ng isang tao, para mas maayos na magawa ang mga gawain ng iglesia, at para makapagpatotoo sa Diyos. Kung gusto mong umabot ang pagganap ng iyong mga tungkulin sa pamantayan, dapat maisakatuparan mo muna ang maayos na pakikipagtulungan habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin. Sa kasalukuyan ay may ilang tao nang nagsasagawa ng maayos na pakikipagtulungan. Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, kahit na hindi nila nagagawang ganap na isagawa ang katotohanan, at kahit na may mga kabiguan, kahinaan, at paglihis habang kinahaharap ito, nagsisikap pa rin sila tungo sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, may pag-asa silang maisasakatuparan ang maayos na pakikipagtulungan. Halimbawa, minsan maaaring iniisip mong tama ang iyong ginagawa, subalit may kakayahan kang hindi maging mapagmagaling. Maaari kang makipagtalakayan sa iba at makipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo nang magkakasama hanggang maging malinaw at maliwanag ang mga ito, para nauunawaan ng lahat, at nagkakasundo na maisasakatuparan ng paggawa nito ang pinakamahusay na resulta. Gayundin, na hindi ito tataliwas sa mga prinsipyo, na isinasaalang-alang nito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa pinakamataas na antas na posible. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bagaman ang huling resulta ay hindi palaging tulad ng iyong inisip, ang landas, direksiyon, at layunin ng iyong pagsasagawa ay tama. Kaya paano ito nakikita ng Diyos? Paano tinutukoy ng Diyos ang bagay na ito? Sasabihin ng Diyos na ang pagtupad mo ng iyong tungkulin ay sapat. Ang pagiging sapat ba ay nangangahulugan na ang iyong tungkulin ay ginampanan nang naaayon sa mga layunin ng Diyos? Hindi, hindi ganoon. Ang pagiging sapat ay napakalayo pa rin sa pagtupad sa mga layunin ng Diyos, sa pagtanggap ng pagpapatibay ng Diyos, at sa pagsasagawa nang lubos na sumusunod sa mga hinihingi ng Diyos. Ang ibig sabihin lang ng pagiging sapat ay nasa tamang landas ka, tama ang iyong mga layunin, at tama ang iyong direksiyon, subalit hindi mo pa naaabot ang mataas na pamantayan ng pagkilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo gaya ng hinihingi ng Diyos. Halimbawa, tungkol sa pagpapasakop, sabihin nating isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng isang bagay habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin. Paano ka dapat magsasagawa para maabot mo ang pamantayan sa pagganap ng iyong mga tungkulin? Nang una mong narinig ang tungkol sa gawain, maaaring magkaroon ka ng ilang opinyon. Subalit matapos ang ilang pagsasaalang-alang, iniisip mong, “Sinabi ng Diyos na dapat tayong matutong maghanap at magpasakop sa mga bagay na hindi natin nauunawaan. Kaya, dapat akong maghanap. Kahit na hindi ko nauunawaan ang katotohanan o nalalaman kung paano ako dapat magsagawa, napunta sa akin ang tungkulin, kaya’t dapat akong sumunod at magpasakop. Kahit na ito ay pagsunod lang sa mga regulasyon, dapat ko munang sundin ang mga ito.” Kung makapagsasagawa ka sa ganitong paraan, naaabot mo ang pamantayan. Subalit may puwang ba sa pagitan ng pag-abot sa pamantayang ito at sa pagtanggap sa pagpapatibay ng Diyos? (Oo.) Natutukoy ang puwang na ito ng lawak ng pagkaunawa mo sa katotohanan. Kahit na kaya mong magpasakop, hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos at hindi ganap na natukoy ang mga katotohanang prinsipyo o naisasagawa ang mga ito; sumunod ka lang sa mga regulasyon. Sumunod ka sa mga pangunahing bagay na dapat gawin ng isang tao, ayon sa mga pamantayan ng konsensiya at regulasyon, kaya pagdating sa pagpapatupad, walang mga problema, at pagdating sa kalikasan ng iyong mga pagkilos, walang mali. Gayunpaman, hindi nito naaabot ang pamantayan sa pagsasagawa ng katotohanan; hindi mo pa rin nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Pasibo at repleksibo mo lang na tinupad ang iyong mga tungkulin; hindi mo tinupad ang mga ito nang maayos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi mo naabot ang isang antas kung saan kaya mong makapagpatotoo sa Diyos o matupad ang mga layunin ng Diyos. Hindi mo naabot ang pamantayan sa pagpapatotoo. Samakatuwid, ang pagtupad ng iyong mga tungkulin sa ganitong paraan ay matatawag lang na sapat, at hindi pa natutugunan ang pagsang-ayon ng Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.